Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Tayo Dapat Magpagabay sa Espiritu ng Diyos?

Bakit Tayo Dapat Magpagabay sa Espiritu ng Diyos?

Bakit Tayo Dapat Magpagabay sa Espiritu ng Diyos?

“Ikaw ang aking Diyos. Ang iyong espiritu ay mabuti; patnubayan nawa ako nito.”​—AWIT 143:10.

1. Ilarawan kung paano maaaring maging gabay ng tao ang isang di-nakikitang puwersa.

NASUBUKAN mo na bang gumamit ng kompas? Ang kompas ay isang simpleng kagamitan na nagtuturo ng direksiyon. Mayroon itong magnetikong karayom na laging nakaturo sa hilaga. Dahil sa di-nakikitang puwersang tinatawag na magnetismo, ang karayom ng kompas ay umaayon sa magnetic field ng lupa. Maraming siglo nang gumagamit ng kompas ang mga manggagalugad at manlalakbay sa lupa at dagat bilang kanilang gabay.

2, 3. (a) Anong makapangyarihang puwersa ang ginamit ni Jehova napakahabang panahon na ang nakalipas? (b) Bakit makaaasa tayo ngayon na gagabayan tayo ng di-nakikitang aktibong puwersa ng Diyos?

2 May isa pang di-nakikitang puwersa na mas kailangan natin bilang gabay. Inilarawan ito sa unang mga talata ng Bibliya na naglalahad ng ginawa ni Jehova napakahabang panahon na ang nakalipas. Sinasabi ng Genesis: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” Para magawa ito, isinugo niya ang isang makapangyarihang puwersa. Sinasabi pa sa ulat ng paglalang: “Ang aktibong puwersa ng Diyos ay gumagalaw nang paroo’t parito.” (Gen. 1:1, 2) Ano ito? Ang banal na espiritu​—ang dinamikong puwersa na ginamit sa paglalang. Utang natin ang ating buhay kay Jehova na gumamit ng espiritung ito sa paglikha ng lahat ng bagay.​—Job 33:4; Awit 104:30.

3 Pero may iba pa bang papel sa buhay natin ang aktibong puwersa ng Diyos? Oo, dahil sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: ‘Ang espiritu ang aakay sa inyo sa lahat ng katotohanan.’ (Juan 16:13) Ano ang espiritung ito, at bakit tayo dapat magpagabay rito?

Kung Ano Talaga ang Banal na Espiritu

4, 5. (a) Ano ang maling palagay ng mga Trinitaryo hinggil sa banal na espiritu? (b) Paano mo ipaliliwanag kung ano talaga ang banal na espiritu?

4 Sa ilang salin ng Bibliya sa Ingles gaya ng King James Version, ang banal na espiritu ay tinatawag na Holy Ghost. Ipinapalagay ng mga Trinitaryo na isa itong espiritung persona na kapantay ng Diyos, ang Ama. (1 Cor. 8:6) Pero kapansin-pansin na sa The Webster Bible (nirebisang King James Version) na unang inilathala noong 1833, pinalitan ng Amerikanong leksikograpo na si Noah Webster ang “Holy Ghost” ng “Holy Spirit [Banal na Espiritu].” Ginawa ito ni Webster dahil alam niya na sa Kasulatan, ang pananalitang ito ay hindi tumutukoy sa isang “aparisyon.” *

5 Kung gayon, ano talaga ang banal na espiritu? Ganito ang sabi ng talababa sa Genesis 1:2 ng New World Translation of the Holy Scriptures​—With References: “Ang ruʹach [Hebreo], na isinasaling ‘espiritu,’ ay isinasalin din bilang ‘hangin’ at tinutumbasan ng iba pang mga salita na tumutukoy sa di-nakikitang aktibong puwersa.” (Ihambing ang mga talababa ng Genesis 3:8; 8:1 sa Reference Bible.) Kung paanong ang hangin ay hindi nakikita subalit may lakas, ang banal na espiritu ay hindi rin nakikita pero kitang-kita ang epekto nito. Ang banal na espiritu ay hindi persona kundi enerhiya mula sa Diyos na itinutuon at ginagamit sa mga tao o bagay upang maisagawa ang Kaniyang kalooban. Kataka-taka ba na ang gayong makapangyarihang puwersa ay manggaling sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat? Hindi!​—Basahin ang Isaias 40:12, 13.

6. Ano ang hiniling ni David kay Jehova?

6 Patuloy kayang gagamitin ni Jehova ang kaniyang espiritu para patnubayan tayo sa ating buhay? Ipinangako niya sa salmistang si David: “Pagkakalooban kita ng kaunawaan at tuturuan kita hinggil sa daan na dapat mong lakaran.” (Awit 32:8) Gusto ba ito ni David? Oo, dahil nagsumamo siya kay Jehova: “Turuan mo akong gawin ang iyong kalooban, sapagkat ikaw ang aking Diyos. Ang iyong espiritu ay mabuti; patnubayan nawa ako nito.” (Awit 143:10) Dapat ay handa rin tayong magpagabay sa espiritu ng Diyos. Bakit? Isaalang-alang ang apat na dahilan.

Hindi Natin Kayang Gabayan ang Ating Sarili

7, 8. (a) Bakit hindi natin kayang gabayan ang ating sarili? (b) Ilarawan kung bakit hindi tayo dapat mangahas na makipagsapalaran sa balakyot na sistemang ito ng mga bagay.

7 Una, dapat nating naisin na magpagabay sa espiritu ng Diyos dahil hindi natin kayang gabayan ang ating sarili. Ang salitang “gabayan” ay nangangahulugang “patnubayan sa isang landasin o akayin sa daang dapat sundan.” Pero hindi tayo nilalang ni Jehova na may ganiyang kakayahan, at hindi rin tayo sakdal. Isinulat ni propeta Jeremias: “O Panginoon, nalalaman kong ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili: ang tao ay walang kapangyarihan na gabayan ang kaniyang mga hakbang.” (Jer. 10:23, The Bible in Basic English) Bakit? Ganito ang paliwanag ni Jehova kay Jeremias: “Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib. Sino ang makakakilala nito?”​—Jer. 17:9; Mat. 15:19.

8 Hindi ba isang kamangmangan para sa taong walang karanasan na maglakbay sa masukal na kagubatan nang walang kasamang ekspertong giya at walang dalang kompas? Palibhasa’y hindi marunong sa buhay sa gubat at walang karanasan sa pagtunton ng destinasyon, ilalagay niya sa peligro ang kaniyang buhay. Sa katulad na paraan, kung iisipin ng isang tao na kaya niyang makipagsapalaran sa balakyot na sanlibutang ito nang walang patnubay ng Diyos, isinasapanganib niya ang kaniyang buhay. Ang tanging paraan para ligtas na makatawid sa sistemang ito ng mga bagay ay ang magsumamo kay Jehova gaya ni David, na nagsabi: “Manatili nawa ang aking mga hakbang sa iyong mga landas, na doon ay tiyak na hindi makikilos ang aking mga yapak.” (Awit 17:5; 23:3) Paano tayo makatatanggap ng gayong patnubay?

9. Gaya ng ipinakikita sa pahina 17, paano magsisilbing patnubay sa atin ang espiritu ng Diyos?

9 Kung tayo’y mapagpakumbaba at nagtitiwala kay Jehova, ibibigay niya sa atin ang kaniyang banal na espiritu bilang patnubay sa ating mga hakbang. Paano tayo tutulungan ng aktibong puwersang iyan? Ipinaliwanag ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Ang katulong, ang banal na espiritu, na ipadadala ng aking Ama sa pangalan ko, ang isang iyon ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at ibabalik sa inyong mga pag-iisip ang lahat ng bagay na sinabi ko sa inyo.” (Juan 14:26) Habang regular tayong nananalangin at nag-aaral ng Salita ng Diyos, pati na ng mga turo ni Kristo, palalalimin ng banal na espiritu ang ating pagkaunawa sa karunungan ni Jehova para masunod natin siya nang lubusan. (1 Cor. 2:10) Bukod diyan, kapag may biglang mga pagbabago sa ating buhay, ipakikita sa atin ng banal na espiritu ang daan na dapat nating lakaran. Ipaaalaala nito sa atin ang mga simulain sa Bibliya na alam na natin at tutulungan tayong ikapit ang mga ito sa susunod nating hakbang.

Ginabayan si Jesus ng Espiritu ng Diyos

10, 11. Ano ang inaasahan ng bugtong na Anak ng Diyos hinggil sa banal na espiritu, at ano ang naranasan niya?

10 Ang ikalawang dahilan kung bakit nais nating magpagabay sa banal na espiritu ay sapagkat inakay ng Diyos ang kaniyang Anak sa pamamagitan nito. Bago pumarito sa lupa ang bugtong na Anak ng Diyos, alam na niya ang hulang ito: “Sasakaniya ang espiritu ni Jehova, ang espiritu ng karunungan at ng pagkaunawa, ang espiritu ng payo at ng kalakasan, ang espiritu ng kaalaman at ng pagkatakot kay Jehova.” (Isa. 11:2) Isip-isipin ang pananabik ni Jesus sa tulong ng espiritu ng Diyos sa kaniyang magiging buhay sa lupa!

11 Nagkatotoo ang mga salita ni Jehova. Iniulat ng Ebanghelyo kung ano ang agad na nangyari pagkabautismo kay Jesus: “Si Jesus, puspos ng banal na espiritu, ay umalis mula sa Jordan, at inakay siya ng espiritu sa ilang.” (Luc. 4:1) Doon, habang si Jesus ay nag-aayuno, nananalangin, at nagbubulay-bulay, malamang na binigyan siya ni Jehova ng mga tagubilin hinggil sa mga mangyayari sa kaniya. Ang aktibong puwersa ng Diyos ang umugit sa isip at puso ni Jesus, anupat gumabay sa kaniyang pag-iisip at mga desisyon. Kaya naman alam ni Jesus kung ano ang dapat gawin sa bawat sitwasyon, at ginawa niya kung ano ang kalooban ng kaniyang Ama.

12. Bakit mahalagang hilingin natin na gabayan tayo ng espiritu ng Diyos?

12 Palibhasa’y alam ni Jesus na mahalaga ang espiritu ng Diyos sa kaniyang buhay, hinimok niya ang kaniyang mga alagad na hilingin ito at magpaakay rito. (Basahin ang Lucas 11:9-13.) Bakit kailangang-kailangan natin ito? Dahil matutulungan tayo nito na baguhin ang ating pag-iisip at tularan ang pag-iisip ni Kristo. (Roma 12:2; 1 Cor. 2:16) Kung magpapagabay tayo sa espiritu ng Diyos, makapag-iisip tayong gaya ni Kristo at matutularan natin ang kaniyang halimbawa.​—1 Ped. 2:21.

Maaari Tayong Mailigaw ng Espiritu ng Sanlibutan

13. Ano ang espiritu ng sanlibutan, at ano ang ibinubunga nito?

13 Ang ikatlong dahilan kung bakit gusto nating magpagabay sa espiritu ng Diyos ay sapagkat kung wala ito, maaari tayong iligaw ng di-makadiyos na espiritung umuugit sa buhay ng karamihan sa ngayon. Ang sanlibutan ay may sariling makapangyarihang puwersa na nag-uudyok sa atin na tumahak sa landasing salungat sa pag-akay ng banal na espiritu. Sa halip na ikintal sa mga tao ang pag-iisip ni Kristo, iniimpluwensiyahan ng espiritu ng sanlibutan ang kanilang pag-iisip at pagkilos para maging katulad ng kay Satanas, ang tagapamahala ng sanlibutan. (Basahin ang Efeso 2:1-3; Tito 3:3.) Kung magpapadala ang isang tao sa espiritu ng sanlibutan at sa mga gawa ng laman, daranasin niya ang mapapait na bunga nito at hindi siya magmamana ng Kaharian ng Diyos.​—Gal. 5:19-21.

14, 15. Paano tayo magtatagumpay sa paglaban sa espiritu ng sanlibutan?

14 Tinutulungan tayo ni Jehova na labanan ang espiritu ng sanlibutan. Pinayuhan tayo ni apostol Pablo na “magtamo ng lakas sa Panginoon at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan . . . upang kayo ay makatagal sa balakyot na araw.” (Efe. 6:10, 13) Sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, pinatitibay tayo ni Jehova na mapagtagumpayan ang mga pagsisikap ni Satanas na iligaw tayo. (Apoc. 12:9) Malakas ang espiritu ng sanlibutan, at hindi natin ito lubusang maiiwasan. Pero malalabanan natin ang masamang impluwensiya nito. Mas malakas ang banal na espiritu, at matutulungan tayo nito!

15 Hinggil sa mga lumihis sa Kristiyanismo noong unang siglo, sinabi ni apostol Pedro: “Sa pag-iwan sa tuwid na landas, sila ay nailigaw.” (2 Ped. 2:15) Laking pasasalamat natin na tinanggap natin, “hindi ang espiritu ng sanlibutan, kundi ang espiritu na mula sa Diyos”! (1 Cor. 2:12) Sa tulong nito at ng lahat ng paglalaan ni Jehova para makapanatili tayo sa tuwid na landas, malalabanan natin ang satanikong espiritu ng balakyot na sanlibutang ito.​—Gal. 5:16.

Nagluluwal ng Mabuting Bunga ang Banal na Espiritu

16. Anong bunga ang maipakikita natin sa tulong ng banal na espiritu?

16 Ang ikaapat na dahilan kung bakit gusto nating magpagabay sa espiritu ng Diyos ay sapagkat nagluluwal ito ng mabuting bunga sa buhay ng mga nagpapaakay rito. (Basahin ang Galacia 5:22, 23.) Sino sa atin ang ayaw na maging mas maibigin, masayahin, at mapagpayapa? Sino sa atin ang hindi nagnanais magpakita ng higit na mahabang pagtitiis, kabaitan, at kabutihan? Sino sa atin ang hindi makikinabang sa paglilinang ng higit na pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili? Ang espiritu ng Diyos ay nagluluwal sa atin ng maiinam na katangiang pakikinabangan natin at ng mga nakakasalamuha at pinaglilingkuran natin. Patuloy nating linangin ang bunga nito, yamang wala namang hangganan ang mga aspekto ng bunga ng espiritu na maaari at kailangan nating iluwal.

17. Kung gusto nating malinang nang higit ang isang aspekto ng bunga ng espiritu, ano ang dapat nating gawin?

17 Isang katalinuhan na suriing mabuti ang ating sarili para matiyak na ang ating mga sinasabi at ginagawa ay nagpapatunay na ginagabayan tayo ng banal na espiritu at nagluluwal ng bunga nito. (2 Cor. 13:5a; Gal. 5:25) Paano kung kailangan nating linangin pa ang ilang aspekto ng bunga ng espiritu? Makipagtulungan tayo nang higit sa banal na espiritu para mailuwal ang mga katangiang iyon. Magagawa natin ito kung pag-aaralan natin ang bawat aspekto nito gamit ang Bibliya at ang ating mga publikasyon. Sa gayon, mauunawaan natin kung paano dapat ipakita ang bunga ng espiritu sa araw-araw, at malilinang ito sa ating buhay. * Habang nakikita natin ang pagkilos ng espiritu ng Diyos sa ating buhay at sa buhay ng ating mga kapananampalataya, mas makikita natin kung bakit tayo kailangang magpagabay rito.

Nagpapagabay Ka ba sa Espiritu ng Diyos?

18. Anong huwaran ang iniwan sa atin ni Jesus?

18 Bilang “dalubhasang manggagawa” ng Diyos sa paglalang ng pisikal na uniberso, alam na alam ni Jesus ang tungkol sa magnetic field ng lupa, na ginagamit ng mga tao sa paglalakbay. (Kaw. 8:30; Juan 1:3) Hindi sinasabi ng Bibliya na ginamit ni Jesus ang puwersang iyon para gabayan siya samantalang naririto siya sa lupa. Pero iniuulat ng Bibliya na naranasan niya kung gaano kalakas ang impluwensiya ng banal na espiritu ng Diyos sa kaniyang buhay bilang isang tao. Nagpaakay siya rito at kumilos ayon sa iniuudyok nito. (Mar. 1:12, 13; Luc. 4:14) Ganiyan ka rin ba?

19. Ano ang dapat nating gawin para maging gabay sa buhay natin ang banal na espiritu?

19 Inuudyukan at pinapatnubayan pa rin ng aktibong puwersa ng Diyos ang puso’t isip ng mga taong handang magpaakay sa patnubay nito. Ano ang dapat mong gawin para akayin ka nito sa tamang landas? Laging manalangin kay Jehova na bigyan ka niya ng kaniyang banal na espiritu at tulungan kang magpasakop sa impluwensiya nito. (Basahin ang Efeso 3:14-16.) Kumilos kaayon ng iyong panalangin sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa mga payong masusumpungan sa nasusulat na Salita ng Diyos, ang Bibliya​—na kinasihan ng banal na espiritu. (2 Tim. 3:16, 17) Sundin ang matalinong payo nito at buong-pananabik na tumugon sa pag-akay ng banal na espiritu. Sa paggawa nito, ipinakikita mong nananampalataya ka sa kakayahan ni Jehova na gabayan ka sa balakyot na sanlibutang ito.

[Mga talababa]

^ par. 4 Sa paunang salita ng Bibliya ni Webster, isinulat niya: “Kapag ang kahulugan ng mga salita ay nagbago, at naiiba na sa diwa ng orihinal na mga wika, hindi na ito kumakatawan sa Salita ng Diyos.”

^ par. 17 Para sa pagtalakay sa bawat aspekto ng bunga ng espiritu, tingnan ang paksang “Fruitage of God’s Spirit” at ang uluhan na “List by Aspect” sa Watch Tower Publications Index.

Nakuha Mo ba ang Pangunahing mga Punto?

• Paano makaaapekto sa buhay natin ang banal na espiritu?

• Ano ang apat na dahilan kung bakit gusto nating magpagabay sa espiritu ng Diyos?

• Ano ang dapat nating gawin para makinabang nang husto sa pag-akay ng banal na espiritu?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 15]

Ang espiritu ng Diyos ang nag-uudyok na puwersa sa buhay ni Jesus

[Larawan sa pahina 17]

Inuudyukan at pinapatnubayan ng espiritu ng Diyos ang puso’t isip ng mga tao