Ayon kay Lucas 4:1-44
Talababa
Study Notes
inakay siya ng espiritu: Ang salitang Griego rito na pneuʹma ay tumutukoy sa espiritu ng Diyos, ang puwersa na puwedeng magpakilos sa isang tao na gawin ang mga bagay na kaayon ng kalooban ng Diyos.—Mar 1:12; tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”
Diyablo: Tingnan ang study note sa Mat 4:1.
Diyablo: Mula sa salitang Griego na di·aʹbo·los, na nangangahulugang “maninirang-puri.” (Ju 6:70; 2Ti 3:3) Ang kaugnay na pandiwang di·a·balʹlo ay nangangahulugang “mag-akusa; magbintang” at isinaling ‘inakusahan’ sa Luc 16:1.
Ang tao ay hindi mabubuhay sa tinapay lang: Nang sumipi si Jesus sa Deu 8:3 sa Hebreong Kasulatan, mas maikli ang iniulat ni Lucas kaysa kay Mateo. Sa ilang sinaunang Griegong manuskrito at salin, binuo ang pagsipi at idinagdag ang “kundi sa bawat salita ng Diyos,” kaya ang ulat ni Lucas ay naging kahawig ng ulat sa Mat 4:4. Pero ang mababasa sa mas lumang mga manuskrito ay ang mas maikling bersiyon ng ulat ni Lucas. Gayunman, sa maraming salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Hebreo (may code na J7, 8, 10, 14, 15, 17 sa Ap. C) na gumamit ng mas mahabang pagsipi, makikita ang Tetragrammaton. Puwede itong isalin na “kundi sa lahat ng lumalabas sa bibig ni Jehova.”
lohikal na pagkakasunod-sunod: Ang ekspresyong Griego na ka·the·xesʹ, isinaling “lohikal na pagkakasunod-sunod,” ay hindi laging tumutukoy sa eksaktong pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari, dahil puwede rin itong tumukoy sa pagkakasunod-sunod ayon sa paksa o lohika. Makikita sa Luc 3:18-21 na ang ulat ni Lucas ay hindi laging ayon sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari. Kaya dapat suriin ang apat na Ebanghelyo para malaman ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa buhay at ministeryo ni Jesus. Karaniwan nang nag-uulat si Lucas ayon sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari, pero lumilitaw na may iba pa siyang ginamit na sistematikong paraan ng pag-uulat.
ipinakita sa kaniya: Malamang na isang pangitain na parang totoong-totoo ang ipinakita kay Jesus ng tagapamahala ng mga demonyo.
lahat ng kaharian: Sa tekstong ito, tumutukoy ito sa anumang klase o sa lahat ng gobyerno ng tao.
Kaya dinala niya siya sa mataas na lugar: Sa kaparehong ulat sa Mat 4:8, idinagdag ang detalye na dinala ng Diyablo si Jesus sa “isang napakataas na bundok.” Magkaiba ang pagkakasunod-sunod ng mga tukso sa ulat ni Lucas at ni Mateo, pero lumilitaw na ang pagkakasunod-sunod sa ulat ni Mateo ang tama. (Mat 4:1-11) Makatuwirang isipin na ang unang dalawang tukso ay ang mga tuksong sinimulan ni Satanas sa tusong pananalita na “kung ikaw ay anak ng Diyos” at ang huling tukso niya ay ang tahasang paghamon na suwayin ang una sa Sampung Utos. (Exo 20:2, 3) Makatuwiran ding isipin na sinabi ni Jesus na “Lumayas ka, Satanas!” pagkatapos ng huli sa tatlong tukso. (Mat 4:10) At kahit hindi ito sinusuportahan ng matitibay na ebidensiya, napansin din ng mga iskolar na sa ulat sa Mat 4:5, nagsimula ang ikalawang tukso sa salitang Griego na isinasaling “pagkatapos.” Kung ikukumpara sa “kaya” na ginamit ni Lucas sa Luc 4:5, ang paggamit ni Mateo ng “pagkatapos” ay mas nagpapakita na iniulat niya ang mga tukso ayon sa pagkakasunod-sunod ng pangyayari. Totoo na “lohikal” ang pagkakasunod-sunod ng ulat ni Lucas, pero hindi ito laging ayon sa pagkakasunod-sunod ng pangyayari.—Tingnan ang study note sa Luc 1:3.
ipinakita sa kaniya: Tingnan ang study note sa Mat 4:8.
kaharian: Tingnan ang study note sa Mat 4:8.
sasamba . . . nang kahit isang beses: Ang pandiwang Griego na maaaring isaling “sumamba” ay nasa panahunang aorist, na nagpapahiwatig ng minsanang pagkilos. Ang salin dito ay nagpapakitang hindi hiniling ng Diyablo kay Jesus na patuloy siyang sambahin, kundi “isang beses” lang.
sasambahin . . . nang kahit isang beses: Tingnan ang study note sa Mat 4:9.
Jehova: Sa pagsiping ito sa Deu 6:13, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. C.
tuktok ng templo: Lit., “pakpak ng templo.” Ang salitang Griego para sa “templo” ay puwedeng tumukoy sa mismong templo o sa buong bakuran ng templo. Kaya ang ekspresyon ay puwedeng tumukoy sa ibabaw ng pader na nakapalibot sa templo.
tuktok ng templo: Tingnan ang study note sa Mat 4:5.
Jehova: Sa pagsiping ito sa Deu 6:16, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. C.
sinagoga: Tingnan sa Glosari.
pangmadlang pagbabasa ng Kautusan at mga Propeta: Noong unang siglo C.E., ang pangmadlang pagbabasa ay ginagawa “tuwing sabbath.” (Gaw 15:21) Ang isang bahagi ng pagsamba sa sinagoga ay ang pagbigkas sa Shema, ang itinuturing na kapahayagan ng pananampalataya ng mga Judio. (Deu 6:4-9; 11:13-21) Ang pangalang Shema ay galing sa unang salita ng unang teksto sa kapahayagang iyon, “Makinig [Shemaʽʹ] kayo, O Israel: Si Jehova na Diyos natin ay nag-iisang Jehova.” (Deu 6:4) Ang pinakamahalagang bahagi ng pagsambang iyon ay ang pagbabasa ng Torah, o Pentateuch. Sa maraming sinagoga, binabasa ang buong Kautusan sa loob ng isang taon; sa iba naman, sa loob ng tatlong taon. Binabasa rin ang ilang bahagi ng mga Propeta at ipinapaliwanag. May nagpapahayag din pagkatapos ng pangmadlang pagbabasa. Kaya pagkatapos ng pangmadlang pagbabasa sa sinagoga sa Antioquia ng Pisidia, inanyayahan si Pablo na magsalita para patibayin ang mga naroon.—Tingnan ang study note sa Luc 4:16.
gaya ng nakagawian niya tuwing araw ng Sabbath: Walang ebidensiya na nagtitipon ang mga Judio sa mga sinagoga kapag Sabbath noong hindi pa sila naipapatapon sa Babilonya. Malamang na nagsimula ang kaugaliang ito noong panahon nina Ezra at Nehemias. Sinunod din ni Jesus ang kaugaliang ito na nakakapagpatibay sa espirituwal. Lumaki si Jesus na regular na nagpupunta ang pamilya nila sa sinagoga sa Nazaret. Nang maglaon, naging kaugalian din ng kongregasyong Kristiyano na magtipon para sumamba.
tumayo para magbasa: Sinasabi ng mga iskolar na ito ang pinakaunang rekord ng aktibidad sa sinagoga. Ayon sa tradisyong Judio, ganito ang nangyayari sa sinagoga: Una, nananalangin nang pribado ang dumarating na mga mananamba. Pagkatapos, babasahin ang Deu 6:4-9 at 11:13-21. Sumunod, may mangunguna sa pampublikong panalangin bago basahin nang malakas ang nakaiskedyul na bahagi ng Pentateuch. Sinasabi ng Gaw 15:21 na noong unang siglo C.E., ginagawa ang pagbabasang iyon “tuwing sabbath.” Pagkatapos, gagawin na nila ang posibleng binabanggit sa talatang ito—babasa sila ng isinulat ng mga propeta at babanggit ng aral na natutuhan nila. Ang tagabasa ay karaniwan nang nakatayo, at puwede siyang pumili ng gusto niyang basahing hula.—Tingnan ang study note sa Gaw 13:15.
balumbon ni propeta Isaias: Ang Dead Sea Scroll ng Isaias ay binubuo ng 17 piraso ng pergamino na pinagdugtong-dugtong. Ang balumbon na ito ay may habang 7.3 m (24 ft) na may 54 na kolum. Malamang na kasinghaba nito ang balumbon sa sinagoga sa Nazaret. Wala pang kabanata at talata ang Kasulatan noong unang siglo, pero nahanap ni Jesus ang hula na gusto niyang basahin. Ipinapakita nito na talagang pamilyar si Jesus sa Salita ng Diyos.
Jehova: Sa pagsiping ito sa Isa 61:1, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. C.
inatasan niya: Sinipi dito ni Lucas ang salin ng Septuagint sa hula ni Isaias, kung saan ang mababasa ay “inatasan niya.” Pero malamang na ang binasa ni Jesus ay ang tekstong Hebreo ng hula ni Isaias (61:1, 2), kung saan ang pandiwa para sa “inatasan” ay ginamit kasama ng pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH). Maraming salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Hebreo (may code na J7, 8, 10, 14, 15 sa Ap. C) ang gumamit dito ng pangalan ng Diyos at ang mababasa ay “inatasan ni Jehova.”
para ihayag ang paglaya ng mga bihag: Sinipi dito ni Jesus ang hula ni Isaias, pero literal ang pagkakaintindi ng ilang Judio rito. (Isa 61:1) Gayunman, nakapokus ang ministeryo ni Jesus sa pagpapalaya sa mga tao sa espirituwal na pagkabihag. Kaya espirituwal ang pagpapalayang binabanggit ni Jesus. Nang basahin ni Jesus ang hulang ito at iugnay sa kaniyang ministeryo, maliwanag na nasa isip niya ang Jubileo, na ipinagdiriwang kada 50 taon. Sa taon ng Jubileo, naghahayag sa buong lupain ng pagpapalaya.—Lev 25:8-12.
taon ng kabutihang-loob ni Jehova: O “taon ng pabor ni Jehova.” Sumipi si Jesus mula sa Isa 61:1, 2. Ang ginamit ni Lucas sa tekstong Griego ay kapareho ng salin ng Septuagint sa ekspresyong Hebreo na “taon ng kabutihang-loob [o, “pabor.”].” Iniugnay ni Jesus ang talatang ito sa sarili niya, na nagpapakitang ang ministeryo niya na nagliligtas-buhay ang pasimula ng “taon ng kabutihang-loob ni Jehova” at ng pagtanggap ng Diyos sa mga tao. Hindi na binasa ni Jesus ang susunod na bahagi ng hula ni Isaias tungkol sa “araw ng paghihiganti” ng Diyos, na mas maikli kung ikukumpara sa mas mahabang “taon ng kabutihang-loob” ng Diyos. Lumilitaw na ginawa niya iyon para maidiin ang panahon kung kailan magpapakita ng pabor ang Diyos sa mga umaasa sa kaniya para sa kaligtasan.—Luc 19:9, 10; Ju 12:47.
Jehova: Sa pagsiping ito sa Isa 61:2, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. C.
pagkaupo niya: Kaugalian ito ng mga gurong Judio, lalo na kapag nagtuturo sa sinagoga.
at umupo: Ipinapakita nito na magsasalita na si Jesus. Kaugalian sa sinagoga na hindi na babalik sa dati niyang upuan ang nagbasa sa harapan, kundi uupo siya para magturo sa puwesto kung saan makikita siya ng “lahat ng nasa sinagoga.”—Ihambing ang study note sa Mat 5:1.
ilustrasyon: O “talinghaga.” Ang terminong Griego na pa·ra·bo·leʹ, na literal na nangangahulugang “pagtabihin o pagsamahin,” ay puwedeng tumukoy sa isang talinghaga, kawikaan, o ilustrasyon. Karaniwang ‘pinagtatabi,’ o pinaghahambing, ni Jesus ang dalawang bagay na may pagkakatulad kapag nagpapaliwanag siya. (Mar 4:30) Ang mga ilustrasyon niya ay maikli at karaniwang kathang-isip lang na kapupulutan ng moral at espirituwal na katotohanan.
pananalitang: O “kawikaang; talinghagang; ilustrasyong.” Ang salitang Griego na pa·ra·bo·leʹ, na literal na nangangahulugang “pagtabihin o pagsamahin,” ay puwedeng tumukoy sa isang talinghaga, kawikaan, kasabihan, o ilustrasyon.—Tingnan ang study note sa Mat 13:3.
sarili mong bayan: Lit., “lugar ng iyong ama.” Tumutukoy ito sa Nazaret, ang pinanggalingan ng pamilya ni Jesus. Sa kontekstong ito, lumilitaw na ang salitang Griego na isinaling “sariling bayan” (pa·trisʹ) ay tumutukoy sa isang maliit na bayan—ang pinanggalingan ni Jesus at ng pamilya niya. Pero puwede ring tumukoy ang terminong ito sa isang mas malaking lugar, gaya ng pinanggalingang bansa. Sa Ju 4:43, 44, lumilitaw na ang salitang Griego na ito ay tumutukoy sa buong Galilea.
sa loob ng tatlo at kalahating taon: Ayon sa 1Ha 18:1, sinabi ni Elias na magtatapos na ang tagtuyot “noong ikatlong taon.” Kaya may ilan na nagsasabi na hindi kaayon ng ulat sa 1 Hari ang sinabi dito ni Jesus. Pero wala namang sinasabi sa Hebreong Kasulatan na hindi umabot nang tatlong taon ang tagtuyot. Maliwanag na ang pananalitang “noong ikatlong taon” ay tumutukoy sa yugto ng panahon na nagsimula nang banggitin ni Elias kay Ahab ang tungkol sa tagtuyot. (1Ha 17:1) Malamang na sinabi ito ni Elias noong panahon na ng tagtuyot—na kadalasang umaabot nang anim na buwan pero malamang na mas nagtagal kaysa sa karaniwang haba ng tagtuyot. Isa pa, hindi naman nagtapos agad ang tagtuyot nang muling humarap si Elias kay Ahab, “noong ikatlong taon,” kundi matapos pang magpadala si Jehova ng apoy sa Bundok Carmel mula sa langit. (1Ha 18:18-45) Kaya ang sinabi dito ni Jesus at ang sinabi ng kapatid niya sa ama, na nakaulat sa San 5:17, ay kaayon ng sinasabi sa 1Ha 18:1.
Zarepat: Ang bayang ito sa Fenicia ay makikita sa baybayin ng Mediteraneo sa pagitan ng mga lunsod ng Sidon at Tiro, na hindi teritoryo ng mga Israelita. Ang pangalan nito sa Griego ay Sarepta. Ang pangalang Hebreo nito ay binanggit sa 1Ha 17:9, 10 at Ob 20. Ang katumbas ng pangalang ito sa ngayon ay Sarafand, at ang lugar na ito ay matatagpuan sa Lebanon na nasa mga 13 km (8 mi) sa timog-kanluran ng Sidon, pero malamang na mas malapit sa baybayin ng Mediteraneo ang sinaunang Zarepat kaysa sa Sarafand.—Tingnan ang Ap. B10.
pinagaling: O “nilinis,” na tumutukoy sa pagpapagaling sa ketong ni Naaman. (2Ha 5:3-10, 14) Ayon sa Kautusang Mosaiko, nagiging marumi sa seremonyal na paraan ang taong may ketong. (Lev 13:1-59) Kaya ang terminong Griego para sa “nilinis” ay madalas na ginagamit para tumukoy sa pagpapagaling sa mga may ketong.—Mat 8:3; 10:8; Mar 1:40, 41.
para ihagis siya patiwarik: Ayon sa tradisyong Judio na nakasulat sa Talmud, ang isang tao na nahatulang may-sala ay inihahagis kung minsan sa bangin; pagkatapos, pagbababatuhin siya para masiguradong patay na siya. Ito man ang planong gawin ng mga mang-uumog sa Nazaret o hindi, ang sigurado ay gusto nilang patayin si Jesus.
Capernaum: Mula sa pangalang Hebreo na nangangahulugang “Nayon ni Nahum” o “Nayon na Nagpapatibay-Loob.” (Na 1:1, tlb.) Napakahalaga ng lunsod na ito sa ministeryo ni Jesus. Makikita ito sa hilagang-kanluran ng Lawa ng Galilea at tinawag na “sarili niyang lunsod” sa Mat 9:1. Ang Capernaum ay mahigit 200 m (650 ft) ang baba mula sa lebel ng dagat, at ang Nazaret ay mga 360 m (1,200 ft) ang taas mula sa lebel ng dagat, kaya nang sabihin ng ulat na pumunta si Jesus sa Capernaum, ang ibig sabihin nito ay bumaba siya sa Capernaum mula sa Nazaret.
demonyo, isang masamang espiritu: O “maruming demonyong espiritu.”—Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”
Bakit nandito ka, . . . ?: Tingnan ang study note sa Mat 8:29.
Bakit nandito ka, . . . ?: O “Ano ang kinalaman namin sa iyo?” Ang literal na salin nito ay “Ano sa amin at sa iyo?” Ang Semitikong idyoma na ito ay makikita sa Hebreong Kasulatan (Jos 22:24; Huk 11:12; 2Sa 16:10; 19:22; 1Ha 17:18; 2Ha 3:13; 2Cr 35:21; Os 14:8), at may katumbas itong pariralang Griego na ginagamit naman sa Kristiyanong Griegong Kasulatan (Mat 8:29; Mar 1:24; 5:7; Luc 4:34; 8:28; Ju 2:4). Nag-iiba ang kahulugan nito depende sa konteksto. Sa talatang ito, nangangahulugan ito ng pakikipag-away at pagpapalayas, at para sa ilan, puwede itong isalin na “Huwag mo kaming pakialaman!” o “Umalis ka dito!” Sa ibang konteksto naman, nangangahulugan lang ito na may ibang pananaw ang nagsasalita o ayaw niyang makisangkot sa isang partikular na gawain pero hindi nangangahulugang nanghahamak siya, nagmamataas, o nakikipag-away.—Tingnan ang study note sa Ju 2:4.
biyenang babae ni Simon: Biyenang babae ni Pedro (kilala ring Cefas). (Ju 1:42) Kaayon ito ng sinabi ni Pablo sa 1Co 9:5 na nagpapakitang may asawa si Cefas. Lumilitaw na nakatira ang biyenang babae ni Pedro sa bahay nila, kasama ang kapatid niyang si Andres.—Mar 1:29-31; tingnan ang study note sa Mat 10:2, kung saan ipinaliwanag ang iba’t ibang pangalan ni apostol Pedro.
Mataas ang lagnat: Parehong sinabi nina Mateo at Marcos na “nakahiga at nilalagnat” ang biyenang babae ni Pedro. (Mat 8:14; Mar 1:30) Si Lucas lang, malamang na dahil isa siyang doktor, ang nagsabi na “mataas ang lagnat” ng biyenang babae ni Pedro, na nagpapakitang malala ang kalagayan nito.—Tingnan ang “Introduksiyon sa Lucas.”
Si Simon, na tinatawag na Pedro: May limang pangalan si Pedro sa Kasulatan: (1) “Symeon,” anyong Griego ng pangalang Hebreo na “Simeon”; (2) pangalang Griego na “Simon” (ang Symeon at Simon ay mula sa pandiwang Hebreo na nangangahulugang “marinig; makinig”); (3) “Pedro” (pangalang Griego na nangangahulugang “Isang Bato”; siya lang ang may ganitong pangalan sa Kasulatan); (4) “Cefas,” ang Semitikong katumbas ng Pedro (posibleng kaugnay ng salitang Hebreo na ke·phimʹ [malalaking bato] na ginamit sa Job 30:6; Jer 4:29); at (5) ang kombinasyong “Simon Pedro.”—Gaw 15:14; Ju 1:42; Mat 16:16.
Kaharian: Tumutukoy sa Kaharian ng Diyos. Sa buong Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang ‘mabuting balita’ (tingnan ang naunang study note sa ang mabuting balitang ito sa tekstong ito) ay iniuugnay sa Kaharian ng Diyos, ang paksa ni Jesus sa kaniyang pangangaral at pagtuturo.—Tingnan ang study note sa Mat 3:2; 4:23; Luc 4:43.
ihayag . . . ang mabuting balita: Ang pandiwang Griego na ginamit dito, eu·ag·ge·liʹzo·mai (“ihayag ang mabuting balita”), ay lumitaw nang 54 na beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Madalas itong mabasa sa mga ulat ni Lucas. (Luc 1:19; 2:10; 3:18; 4:18; 8:1; 9:6; 20:1; Gaw 5:42; 8:4; 10:36; 11:20; 13:32; 14:15, 21; 15:35; 16:10; 17:18) May pagkakaiba ang mga terminong ke·rysʹso, “ipangaral; ihayag” (Mat 3:1; 4:17; 24:14; Luc 4:18, 19; 8:1, 39; 9:2; 24:47; Gaw 8:5; 28:31; Apo 5:2), at eu·ag·ge·liʹzo·mai, “ihayag ang mabuting balita.” Idinidiin ng ke·rysʹso ang paraan ng paghahayag—awtorisado at sa publiko. Idinidiin naman ng eu·ag·ge·liʹzo·mai ang mensaheng inihahayag—“ang mabuting balita.” Ang kaugnay na pangngalang eu·ag·geʹli·on (“mabuting balita”) ay lumitaw nang 76 na beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.—Tingnan ang study note sa Mat 4:23; 24:14 at Glosari, “Mabuting balita.”
Kaharian ng Diyos: Sa buong Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang mabuting balita ay laging iniuugnay sa Kaharian ng Diyos, ang paksa ng pangangaral at pagtuturo ni Jesus. Ang ekspresyong “Kaharian ng Diyos” ay lumitaw nang 32 beses sa Ebanghelyo ni Lucas, 14 na beses sa Ebanghelyo ni Marcos, at 4 na beses sa Ebanghelyo ni Mateo. Pero ginamit naman ni Mateo ang kahawig na ekspresyong “Kaharian ng langit” nang mga 30 beses.—Tingnan ang study note sa Mat 3:2; 24:14; Mar 1:15.
Kaharian ng Diyos: Lumitaw ito nang 14 na beses sa Ebanghelyo ni Marcos. Apat na beses lang ginamit ni Mateo ang pariralang ito (Mat 12:28; 19:24; 21:31; 21:43), pero mga 30 beses niyang ginamit ang kahawig na ekspresyon na “Kaharian ng langit.” (Ihambing ang Mar 10:23 sa Mat 19:23, 24.) Kaharian ng Diyos ang tema ng pangangaral ni Jesus. (Luc 4:43) Mahigit 100 beses binanggit ang Kaharian sa apat na Ebanghelyo, at karamihan sa mga ito ay mula sa mga sinabi ni Jesus.—Tingnan ang study note sa Mat 3:2; 4:17; 25:34.
Kaharian ng langit: Ang ekspresyong ito ay lumitaw nang 31 beses at mababasa lang sa Ebanghelyo ni Mateo. Sa Ebanghelyo ni Marcos at ni Lucas, ginamit nila ang katulad na ekspresyong “Kaharian ng Diyos,” na nagpapakitang ang “Kaharian ng Diyos” ay nasa espirituwal na langit at namamahala mula roon.—Mat 21:43; Mar 1:15; Luc 4:43; Dan 2:44; 2Ti 4:18.
Kaharian: Unang paglitaw ng salitang Griego na ba·si·leiʹa, na tumutukoy sa pamahalaan, pati na sa teritoryo at mga taong pinamamahalaan, ng isang hari. Sa 162 paglitaw ng salitang ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, 55 ang nasa Mateo at karamihan sa mga ito ay tumutukoy sa pamamahala ng Diyos mula sa langit. Dahil sa dalas ng paggamit ni Mateo sa terminong ito, matatawag ang Ebanghelyo niya na Ebanghelyo ng Kaharian.—Tingnan sa Glosari, “Kaharian ng Diyos.”
mabuting balita: Ito ang unang paglitaw ng salitang Griego na eu·ag·geʹli·on, na isinasaling “ebanghelyo” sa ilang Bibliya. Ang kaugnay na salitang Griego na eu·ag·ge·li·stesʹ, na isinasaling “ebanghelisador,” ay nangangahulugang “mángangarál ng mabuting balita.”—Gaw 21:8; Efe 4:11, tlb.; 2Ti 4:5, tlb.
ang mabuting balitang ito: Ang salitang Griego na eu·ag·geʹli·on ay mula sa mga salitang eu, na nangangahulugang “mabuti; maganda” at agʹge·los, “tagapagdala ng balita; tagapaghayag.” (Tingnan sa Glosari, “Mabuting balita.”) Isinasalin itong “ebanghelyo” sa ilang Bibliya. Ang kaugnay na ekspresyong isinasaling “ebanghelisador” (sa Griego, eu·ag·ge·li·stesʹ) ay nangangahulugang “mángangarál ng mabuting balita.”—Gaw 21:8; Efe 4:11, tlb.; 2Ti 4:5, tlb.
Media

Sa tigang na rehiyong ito sinimulan ni Juan Bautista ang ministeryo niya, at dito rin tinukso ng Diyablo si Jesus.

Ang orihinal na mga salita sa Bibliya na isinasaling “ilang” (sa Hebreo, midh·barʹ at sa Griego, eʹre·mos) ay karaniwang tumutukoy sa lupaing kakaunti ang nakatira, hindi natamnan, at kadalasang madamo at madawag, at puwede rin itong tumukoy sa mga pastulan. Ang mga salitang ito ay puwede ring tumukoy sa tigang na mga rehiyon na matatawag na disyerto. Sa mga Ebanghelyo, ang ilang ay karaniwang tumutukoy sa ilang ng Judea. Sa ilang na ito tumira at nangaral si Juan at dito rin tinukso ng Diyablo si Jesus.—Mar 1:12.

Posibleng literal na dinala ni Satanas si Jesus “sa tuktok ng templo” at sinabi sa kaniya na tumalon mula rito, pero hindi tiyak kung saan siya eksaktong nakapuwesto. Ang terminong ginamit para sa “templo” ay puwedeng tumukoy sa buong bakuran ng templo, kaya posibleng nakatayo si Jesus sa timog-silangang kanto (1) ng pader ng templo o puwede ring sa iba pang kanto. Siguradong mamamatay ang mahuhulog mula sa alinman sa mga lokasyong ito, malibang iligtas siya ni Jehova.

Makikita rito ang isang bahagi ng Dead Sea Scroll ng Isaias (1QIsa) na pinaniniwalaang mula pa noong 125 hanggang 100 B.C.E. Natagpuan ito noong 1947 sa isang kuweba sa Qumran, malapit sa Dagat na Patay. Malinaw na makikita sa larawan ang Isaias 61:1, 2, ang binasa ni Jesus nang pumunta siya sa sinagoga sa Nazaret. Ang mga piraso na bumubuo sa balumbong ito ay tinahi ng sinulid na lino at pinagsama-sama. Ang balumbon ay binubuo ng 17 piraso ng pergamino na mga 26.4 cm (10.3 in) ang taas at may magkakaibang lapad, mula mga 25.2 cm (halos 10 in) hanggang mga 62.8 cm (mga 25 in). Ang iniingatang balumbon ay may habang 7.3 m (24 ft) sa ngayon. Malamang na ganito ang balumbon na binuksan ni Jesus kung saan niya nahanap ang makahulang pananalita tungkol sa Mesiyas. (Luc 4:17) Binilugan sa larawan ang tatlong paglitaw ng Tetragrammaton sa tekstong ito.

Ang puting pader na gawa sa batong-apog sa larawang ito ay bahagi ng sinagoga na itinayo sa pagitan ng dulo ng ikalawang siglo at ng mga unang taon ng ikalimang siglo C.E. Ang itim na basaltong nasa ilalim ng batong-apog ay pinaniniwalaan ng ilan na bahagi ng isang sinagoga noong unang siglo. Kung totoo iyan, posibleng isa ito sa mga lugar kung saan nagturo si Jesus at nagpalayas ng demonyo mula sa isang lalaki na binanggit sa Mar 1:23-27 at Luc 4:33-36.