Ayon kay Marcos 1:1-45

1  Ang pasimula ng mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos:  Nakasulat sa aklat ng propetang si Isaias: “(Isinusugo ko ang aking mensahero sa unahan mo, na maghahanda ng iyong dadaanan.)+  May sumisigaw sa ilang: ‘Ihanda ninyo ang dadaanan ni Jehova! Patagin ninyo ang lalakaran niya.’”+  Si Juan na Tagapagbautismo ay nasa ilang para mangaral tungkol sa bautismo bilang sagisag ng pagsisisi para sa kapatawaran ng mga kasalanan.+  At ang mga tao sa buong Judea at ang lahat ng taga-Jerusalem ay pumupunta sa kaniya. Binabautismuhan niya sa Ilog Jordan ang mga ito, na hayagang nagtatapat ng kanilang mga kasalanan.+  Ang damit ni Juan ay gawa sa balahibo ng kamelyo at may sinturon siyang gawa sa balat ng hayop,+ at kumakain siya ng balang+ at pulot-pukyutang galing sa gubat.+  Ipinangangaral niya: “Dumarating na kasunod ko ang isa na mas malakas kaysa sa akin, at hindi man lang ako karapat-dapat na magkalag sa sintas ng sandalyas niya.+  Binautismuhan ko kayo sa tubig, pero babautismuhan niya kayo sa pamamagitan ng banal na espiritu.”+  Nang panahong iyon, si Jesus ay dumating mula sa Nazaret ng Galilea, at binautismuhan siya ni Juan sa Jordan.+ 10  At pagkaahon na pagkaahon sa tubig, nakita niya ang langit na nahahawi at ang espiritu na parang kalapati na bumababa sa kaniya.+ 11  At isang tinig ang nanggaling sa langit: “Ikaw ang Anak ko, ang minamahal ko; nalulugod ako sa iyo.”+ 12  At agad siyang inudyukan ng espiritu na pumunta sa ilang. 13  Kaya nanatili siya sa ilang nang 40 araw, at tinukso siya roon ni Satanas.+ May maiilap na hayop doon, pero pinaglilingkuran siya ng mga anghel.+ 14  Pagkatapos maaresto si Juan,+ pumunta si Jesus sa Galilea+ at ipinangaral ang mabuting balita ng Diyos.+ 15  Sinasabi niya: “Dumating na ang takdang panahon, at malapit na ang Kaharian ng Diyos. Magsisi kayo+ at manampalataya sa mabuting balita.” 16  Habang naglalakad sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya si Simon at ang kapatid nitong si Andres+ na naghahagis ng lambat sa lawa,+ dahil mga mangingisda sila.+ 17  Kaya sinabi ni Jesus sa kanila: “Sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.”+ 18  At agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kaniya.+ 19  Nagpatuloy siya sa paglalakad at nakita niya ang magkapatid na sina Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedeo. Nasa bangka sila at tinatahi ang punit sa mga lambat nila.+ 20  Agad silang tinawag ni Jesus. Kaya iniwan nila sa bangka ang ama nilang si Zebedeo kasama ng mga trabahador nito, at sumunod sila kay Jesus. 21  Pumunta sila sa Capernaum. Pagsapit ng Sabbath, pumasok siya sa sinagoga at nagsimulang magturo.+ 22  Hangang-hanga ang mga tao sa paraan niya ng pagtuturo, dahil nagtuturo siya sa kanila bilang isa na may awtoridad, at hindi gaya ng mga eskriba.+ 23  Nang pagkakataong iyon, may isang tao sa sinagoga nila na sinasapian ng isang masamang espiritu, at sumigaw ito: 24  “Bakit nandito ka, Jesus na Nazareno?+ Nandito ka ba para puksain kami? Alam ko kung sino ka talaga, ikaw ang isinugo ng Diyos!”*+ 25  Pero sinaway ito ni Jesus: “Tumahimik ka, at lumabas ka sa kaniya!” 26  At ang masamang espiritu, pagkatapos na pangisayin ang lalaki, ay humiyaw nang napakalakas at lumabas sa kaniya.+ 27  Manghang-mangha ang mga tao kaya nag-usap-usap sila: “Ano ito? Isang bagong paraan ng pagtuturo!* Nauutusan niya kahit ang masasamang espiritu, at sumusunod sila sa kaniya.” 28  Kaya ang balita tungkol sa kaniya ay agad na kumalat sa buong lupain ng Galilea. 29  Pagkatapos, umalis sila sa sinagoga at pumunta sa bahay nina Simon at Andres kasama sina Santiago at Juan.+ 30  Ang biyenang babae ni Simon+ ay nakahiga at nilalagnat, at sinabi nila agad kay Jesus ang kalagayan niya. 31  Nilapitan siya ni Jesus, hinawakan sa kamay, at ibinangon. Nawala ang lagnat niya, at inasikaso niya sila. 32  Pagsapit ng gabi, nang lumubog na ang araw, dinala sa kaniya ng mga tao ang lahat ng maysakit at sinasaniban ng demonyo;+ 33  at ang mga tao sa buong lunsod ay natipon sa may pintuan ng bahay. 34  Kaya marami siyang pinagaling na may iba’t ibang sakit,+ at nagpalayas siya ng maraming demonyo,+ pero hindi niya hinahayaang magsalita ang mga demonyo, dahil alam nilang siya ang Kristo.+ 35  Kinaumagahan, habang madilim pa, bumangon siya at lumabas papunta sa isang liblib na lugar; at nagsimula siyang manalangin doon.+ 36  Pero hinanap siya ni Simon at ng mga kasama nito. 37  Nang makita nila siya, sinabi nila sa kaniya: “Hinahanap ka ng lahat.” 38  Sinabi niya sa kanila: “Pumunta tayo sa ibang lugar, sa kalapít na mga bayan, para makapangaral din ako roon, dahil ito ang dahilan kung bakit ako dumating.”+ 39  At umalis siya at nangaral sa mga sinagoga sa buong Galilea at nagpalayas ng mga demonyo.+ 40  May lumapit din sa kaniya na isang ketongin, at nakaluhod pa itong nagmakaawa sa kaniya: “Kung gugustuhin mo lang, mapagagaling* mo ako.”+ 41  Naawa siya+ at hinipo ang lalaki, at sinabi niya: “Gusto ko! Gumaling ka.”+ 42  Nawala agad ang ketong ng lalaki, at siya ay naging malinis. 43  Pinaalis siya agad ni Jesus matapos siyang mahigpit na pagbilinan: 44  “Huwag mo itong sasabihin kahit kanino, pero humarap ka sa saserdote at maghandog ka ng mga bagay na iniutos ni Moises para sa paglilinis sa iyo,+ para makita nila* na gumaling ka na.”+ 45  Pero pagkaalis ng lalaki, ipinamalita niya ang nangyari saanman siya magpunta, kaya hindi na hayagang makapasok si Jesus saanmang lunsod, kundi nanatili siya sa labas, sa liblib na mga lugar. Pero pinupuntahan pa rin siya ng mga tao mula sa iba’t ibang lugar.+

Talababa

Lit., “ang Banal ng Diyos.”
O “bagong turo.”
O “mapalilinis.”
Malamang na tumutukoy sa mga saserdote.

Study Notes

Marcos: Mula sa pangalang Latin na Marcus. Marcos ang Romanong apelyido ni “Juan” na binanggit sa Gaw 12:12. Ang kaniyang ina ay si Maria, isa sa mga unang alagad na nakatira sa Jerusalem. Si Juan Marcos ay “pinsan ni Bernabe” (Col 4:10), na nakasama niya sa paglalakbay. Naglakbay rin si Marcos kasama ni Pablo at iba pang misyonerong Kristiyano noon. (Gaw 12:25; 13:5, 13; 2Ti 4:11) Hindi binanggit sa Ebanghelyo kung sino ang sumulat nito, pero sinasabi ng mga manunulat noong ikalawa at ikatlong siglo C.E. na si Marcos ang sumulat nito.

Ayon kay Marcos: Hindi sinabi ng sinumang manunulat ng Ebanghelyo na sila ang sumulat ng ulat nila, at ang mga pamagat ay lumilitaw na hindi bahagi ng orihinal nilang isinulat. Ang ilang manuskrito ng Ebanghelyo ni Marcos ay may pamagat na Eu·ag·geʹli·on Ka·taʹ Marʹkon (“Mabuting Balita [o, “Ebanghelyo”] Ayon kay Marcos”), at sa iba naman ay ginamit ang mas maikling pamagat na Ka·taʹ Marʹkon (“Ayon kay Marcos”). Hindi malinaw kung kailan idinagdag o sinimulang gamitin ang mga pamagat. Sinasabi ng ilan na nagsimula ito noong ikalawang siglo C.E., dahil may mga natagpuang manuskrito ng Ebanghelyo na mula pa noong mga huling bahagi ng ikalawang siglo o mga unang bahagi ng ikatlong siglo kung saan makikita ang mas mahabang pamagat. Ayon sa ilang iskolar, ang mga unang salita sa aklat ni Marcos (“Ang pasimula ng mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos”) ang malamang na dahilan kung bakit ginamit ang salitang “ebanghelyo” (lit., “mabuting balita”) para tukuyin ang mga ulat na iyon. Malamang na naglagay ng mga pamagat kasama ng pangalan ng sumulat ng aklat dahil praktikal ito—mas madaling matukoy ang mga aklat.

mabuting balita: Ito ang unang paglitaw ng salitang Griego na eu·ag·geʹli·on, na isinasaling “ebanghelyo” sa ilang Bibliya. Ang kaugnay na salitang Griego na eu·ag·ge·li·stesʹ, na isinasaling “ebanghelisador,” ay nangangahulugang “mángangarál ng mabuting balita.”—Gaw 21:8; Efe 4:11, tlb.; 2Ti 4:5, tlb.

ang mabuting balitang ito: Ang salitang Griego na eu·ag·geʹli·on ay mula sa mga salitang eu, na nangangahulugang “mabuti; maganda” at agʹge·los, “tagapagdala ng balita; tagapaghayag.” (Tingnan sa Glosari, “Mabuting balita.”) Isinasalin itong “ebanghelyo” sa ilang Bibliya. Ang kaugnay na ekspresyong isinasaling “ebanghelisador” (sa Griego, eu·ag·ge·li·stesʹ) ay nangangahulugang “mángangarál ng mabuting balita.”—Gaw 21:8; Efe 4:11, tlb.; 2Ti 4:5, tlb.

mabuting balita: Tingnan ang study note sa Mat 4:23; 24:14 at Glosari.

mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo: Ang pananalitang ito sa Griego ay puwede ring isaling “mabuting balita ni Jesu-Kristo,” ang mabuting balita na inihayag ni Jesus.

ang Anak ng Diyos: Hindi mababasa sa ilang manuskrito ang ekspresyong “ang Anak ng Diyos,” pero mas maraming lumang manuskrito ang sumusuporta sa mas mahabang parirala.

propetang si Isaias: Ang kasunod na bahagi ay mga hulang sinipi sa Mal 3:1 at Isa 40:3. Parehong tumutukoy kay Juan na Tagapagbautismo ang mga hulang ito. Nilagyan ng panaklong ang sinipi mula sa Malakias para maibukod ito sa sinipi mula sa Isaias, na mababasa mula sa talata 3 at nakapokus sa mismong mensahe ni Juan. Ang hula ni Malakias ay tungkol sa papel ni Juan bilang mensahero. Si Isaias lang ang sinabing pinagmulan ng buong pagsipi, posibleng dahil ang idiniriing bahagi ay mula sa Isaias.

Jehova: Sa pagsiping ito sa Isa 40:3, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo. (Tingnan ang Ap. C.) Ginamit ni Mateo ang hulang ito para tumukoy sa ginawa ni Juan Bautista na paghahanda ng daan para kay Jesus bilang kinatawan ng Diyos. Sa Ebanghelyo ni Juan, sinabi ni Juan Bautista na siya ang tumutupad sa hulang ito.—Ju 1:23.

Jehova: Sa pagsiping ito sa Isa 40:3, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo. (Tingnan ang Ap. A5 at Ap. C.) Ipinakita ng mga manunulat ng Ebanghelyo na sina Mateo, Marcos, at Lucas na si Juan Bautista ang tinutukoy sa hulang ito, at sa Ebanghelyong ito ni Juan, si Juan Bautista mismo ang nagsabi na siya ang tutupad sa hulang ito. Papatagin ni Juan ang dadaanan ni Jehova dahil ihahanda niya ang daan para kay Jesus, na kakatawan sa kaniyang Ama at darating sa ngalan ng kaniyang Ama.—Ju 5:43; 8:29.

Patagin ninyo ang lalakaran niya: Posibleng ipinapaalala nito ang ipinapagawa ng mga tagapamahala noon para maihanda ang daraanan ng karwahe nila—ipinapaalis nila ang malalaking bato at nagpapagawa pa nga sila ng tulay at ipinapapatag ang mga burol.

Jehova: Sa pagsiping ito sa Isa 40:3, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo. (Tingnan ang Ap. C.) Ipinakita ni Marcos na tinupad ni “Juan na Tagapagbautismo” (Mar 1:4) ang hulang ito nang ihanda niya ang daan para kay Jesus.—Tingnan ang study note sa Mat 3:3; Ju 1:23.

Patagin ninyo ang lalakaran niya: Tingnan ang study note sa Mat 3:3.

Bautista: O “Tagalubog”; tinatawag na “Tagapagbautismo” sa Mar 1:4; 6:14, 24. Lumilitaw na itinuturing itong apelyido, na nagpapakitang si Juan ay kilala sa pagbabautismo sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig. Tinukoy siya ng Judiong istoryador na si Flavius Josephus bilang si “Juan, na may apelyidong Bautista.”

ilang ng Judea: Silangang dalisdis ng kabundukan ng Judea. Ang kalakhang bahagi nito ay di-tinitirhan at kalbo. Ito ay mga 1,200 m (3,900 ft) palusong sa kanlurang pampang ng Ilog Jordan at Dagat na Patay. Sinimulan ni Juan ang ministeryo niya sa isang bahagi ng rehiyong ito sa hilaga ng Dagat na Patay.

Magsisi: Ang salitang Griego ay puwedeng isaling “magbago ng isip” at nangangahulugang pagbabago ng kaisipan, saloobin, o layunin. Sa kontekstong ito, gagawin ang ‘pagsisisi’ para magkaroon ng magandang kaugnayan sa Diyos.—Tingnan ang study note sa Mat 3:8, 11 at Glosari, “Pagsisisi.”

Ipakita muna ninyo na talagang nagsisisi kayo: Lit., “Magluwal kayo ng bungang angkop sa pagsisisi.” Ang “bungang angkop sa pagsisisi” ay tumutukoy sa mga patunay at mga gawa na nagpapakitang nagbago na ang kaisipan o saloobin ng mga nakikinig kay Juan.—Luc 3:8; Gaw 26:20; tingnan ang study note sa Mat 3:2, 11 at Glosari, “Pagsisisi.”

Binabautismuhan ko kayo: O “Inilulubog ko kayo.” Ang salitang Griego na ba·ptiʹzo ay nangangahulugang “ilublob; ilubog.” Ipinapakita sa iba pang bahagi ng Bibliya na ang pagbabautismo ay lubusang paglulubog. Sa isang pagkakataon, nagbautismo si Juan sa isang lugar sa Lambak ng Jordan malapit sa Salim “dahil may malaking katubigan doon.” (Ju 3:23) Nang bautismuhan naman ni Felipe ang isang mataas na opisyal na Etiope, pareho silang “lumusong sa tubig.” (Gaw 8:38) Ang salitang ba·ptiʹzo rin ang ginamit ng Septuagint sa 2Ha 5:14 nang sabihin nitong “lumublob [si Naaman] sa Jordan nang pitong beses.”

nagsisisi: Lit., “nagbago ng isip.”—Tingnan ang study note sa Mat 3:2, 8 at Glosari, “Pagsisisi.”

Tagapagbautismo: O “Tagalubog.” Ang salitang Griego na isinaling “Tagapagbautismo” dito at sa Mar 6:14, 24 ay puwede ring isaling “isa na nagbabautismo.” Ang anyo ng salitang ito ay may kaunting kaibahan sa pangngalang Griego na Ba·pti·stesʹ, na isinaling “Bautista” sa Mar 6:25; 8:28 at sa Mateo at Lucas. Ang dalawang katawagang ito, “Tagapagbautismo” at “Bautista,” ay parehong ginamit sa Mar 6:24, 25 para tumukoy sa iisang tao.—Tingnan ang study note sa Mat 3:1.

ilang: Tumutukoy sa ilang ng Judea.—Tingnan ang study note sa Mat 3:1.

bautismo bilang sagisag ng pagsisisi: Lit., “bautismo ng pagsisisi.” Hindi inaalis ng bautismo ang mga kasalanan. Sa halip, ang mga binautismuhan ni Juan ay hayagang nagsisi sa mga kasalanan nila laban sa Kautusan, na nagpapakitang determinado silang magbago. Ang pagsisisi nila ay umakay sa kanila sa Kristo. (Gal 3:24) Sa gayon, naihanda ni Juan ang mga tao para makita ang “pagliligtas ng Diyos.”—Luc 3:3-6; tingnan ang study note sa Mat 3:2, 8, 11 at Glosari, “Bautismo”; “Pagsisisi.”

Binabautismuhan ko kayo: O “Inilulubog ko kayo.” Ang salitang Griego na ba·ptiʹzo ay nangangahulugang “ilublob; ilubog.” Ipinapakita sa iba pang bahagi ng Bibliya na ang pagbabautismo ay lubusang paglulubog. Sa isang pagkakataon, nagbautismo si Juan sa isang lugar sa Lambak ng Jordan malapit sa Salim “dahil may malaking katubigan doon.” (Ju 3:23) Nang bautismuhan naman ni Felipe ang isang mataas na opisyal na Etiope, pareho silang “lumusong sa tubig.” (Gaw 8:38) Ang salitang ba·ptiʹzo rin ang ginamit ng Septuagint sa 2Ha 5:14 nang sabihin nitong “lumublob [si Naaman] sa Jordan nang pitong beses.”

hayagang nagtatapat ng kanilang mga kasalanan: Tumutukoy sa mga tao na hayagang nagtatapat o umaamin ng kasalanang nagawa nila laban sa tipang Kautusan.

buong Judea . . . lahat ng taga-Jerusalem: Ang paggamit dito ng “buong” at “lahat” ay eksaherasyon; ipinapakita lang nito na napakaraming naging interesado sa pangangaral ni Juan. Hindi ibig sabihin nito na bawat isa sa Judea o Jerusalem ay nagpunta sa kaniya.

Binabautismuhan: O “Inilulubog.”—Tingnan ang study note sa Mat 3:11 at Glosari, “Bautismo.”

hayagang nagtatapat ng kanilang mga kasalanan: Tingnan ang study note sa Mat 3:6.

damit . . . gawa sa balahibo ng kamelyo: Ang damit ni Juan na gawa sa hinabing balahibo ng kamelyo at ang sinturon niyang gawa sa balat ng hayop, o katad, ay katulad ng damit ni propeta Elias.—2Ha 1:8; Ju 1:21.

balang: Insektong mayaman sa protina at itinuturing ng Kautusan na malinis at puwedeng kainin.—Lev 11:21, 22.

pulot-pukyutang galing sa gubat: Mula sa mga bahay-pukyutang nasa ilang, hindi mula sa mga bubuyog na inaalagaan ng tao. Karaniwan lang sa mga nakatira sa ilang ang kumain ng ganitong pulot-pukyutan at ng balang.

damit . . . gawa sa balahibo ng kamelyo: Tingnan ang study note sa Mat 3:4.

balang: Tingnan ang study note sa Mat 3:4.

pulot-pukyutang galing sa gubat: Tingnan ang study note sa Mat 3:4.

mas malakas: Ibig sabihin, “mas malaki ang awtoridad.”

sandalyas: Ang pag-aalis at pagdadala ng sandalyas ng iba o ang pagkakalag ng sintas ng sandalyas ng iba (Mar 1:7; Luc 3:16; Ju 1:27) ay itinuturing na mababang atas at kadalasang ginagawa ng isang alipin.

mas malakas: Tingnan ang study note sa Mat 3:11.

sandalyas: Tingnan ang study note sa Mat 3:11.

Binabautismuhan ko kayo: O “Inilulubog ko kayo.” Ang salitang Griego na ba·ptiʹzo ay nangangahulugang “ilublob; ilubog.” Ipinapakita sa iba pang bahagi ng Bibliya na ang pagbabautismo ay lubusang paglulubog. Sa isang pagkakataon, nagbautismo si Juan sa isang lugar sa Lambak ng Jordan malapit sa Salim “dahil may malaking katubigan doon.” (Ju 3:23) Nang bautismuhan naman ni Felipe ang isang mataas na opisyal na Etiope, pareho silang “lumusong sa tubig.” (Gaw 8:38) Ang salitang ba·ptiʹzo rin ang ginamit ng Septuagint sa 2Ha 5:14 nang sabihin nitong “lumublob [si Naaman] sa Jordan nang pitong beses.”

Binautismuhan ko kayo: O “Inilubog ko kayo.”—Tingnan ang study note sa Mat 3:11 at Glosari, “Bautismo.”

babautismuhan niya kayo sa pamamagitan ng banal na espiritu: O “ilulubog niya kayo sa banal na aktibong puwersa.” Dito, sinasabi ni Juan na Tagapagbautismo na may bagong kaayusan na sisimulan si Jesus, ang bautismo sa pamamagitan ng banal na espiritu. Ang mga binautismuhan sa ganitong paraan ay nagiging mga anak ng Diyos sa espesyal na paraan, na may pag-asang mabuhay sa langit at pamahalaan ang lupa bilang mga hari.—Apo 5:9, 10.

ika-15 taon ng pamamahala ni Tiberio: Namatay si Cesar Augusto noong Agosto 17, 14 C.E. (kalendaryong Gregorian). Noong Setyembre 15, pumayag si Tiberio na iproklama siya ng Senado ng Roma na emperador. Kung magsisimula ng pagbilang ng taon mula sa pagkamatay ni Augusto, ang ika-15 taon ng pamamahala ni Tiberio ay mula Agosto 28 C.E. hanggang Agosto 29 C.E. Pero kung magsisimula ng pagbilang mula nang opisyal siyang iproklama bilang emperador, ang ika-15 taon niya ay magiging mula Setyembre 28 C.E. hanggang Setyembre 29 C.E. Lumilitaw na sinimulan ni Juan ang ministeryo niya sa tagsibol (sa hilagang hemisperyo) ng 29 C.E., na pasók sa ika-15 taon ng pamamahala ni Tiberio. Sa ika-15 taon ni Tiberio, malamang na si Juan ay mga 30 taóng gulang na, ang edad kung kailan nagsisimulang maglingkod sa templo ang mga saserdoteng Levita. (Bil 4:2, 3) Ayon sa Luc 3:21-23, si Jesus ay “mga 30 taóng gulang” din nang bautismuhan siya ni Juan at ‘pasimulan niya ang kaniyang gawain.’ Namatay si Jesus noong tagsibol, buwan ng Nisan, kaya ang tatlo-at-kalahating taon ng ministeryo niya ay lumilitaw na nagsimula nang taglagas, noong mga buwan ng Etanim (Setyembre/Oktubre). Malamang na mas matanda si Juan kay Jesus nang anim na buwan at lumilitaw na sinimulan din niya ang kaniyang ministeryo nang mas maaga nang anim na buwan kaysa kay Jesus. (Luc, kab. 1) Kaya makatuwirang isipin na sinimulan ni Juan ang ministeryo niya noong tagsibol ng 29 C.E.​—Tingnan ang study note sa Luc 3:23; Ju 2:13.

Nang panahong iyon: Ayon sa Luc 3:1-3, sinimulan ni Juan na Tagapagbautismo ang ministeryo niya noong “ika-15 taon ng pamamahala ni Tiberio Cesar,” noong tagsibol ng 29 C.E. (Tingnan ang study note sa Luc 3:1.) Pagkalipas ng mga anim na buwan, noong taglagas ng 29 C.E., nagpabautismo si Jesus kay Juan.—Tingnan ang Ap. A7.

langit: Puwedeng tumukoy sa literal na langit, o himpapawid, o sa espirituwal na langit.

pagkaahon na pagkaahon: Ang una sa 11 paglitaw ng salitang Griego na eu·thysʹ sa Marcos kabanata 1. (Mar 1:10, 12, 18, 20, 21, 23, 28, 29, 30, 42, 43) Isinalin din ang terminong Griego na “agad.” Naging buhay na buhay ang ulat ni Marcos dahil sa madalas na paggamit niya ng terminong ito—mahigit 40 beses sa Ebanghelyo niya.

niya: Maliwanag na tumutukoy kay Jesus. Gaya ng mababasa sa Ju 1:32, 33, nakita rin ito ni Juan Bautista, pero lumilitaw na nakapokus ang ulat ni Marcos sa nakita ni Jesus.

langit: Tingnan ang study note sa Mat 3:16.

langit na nahahawi: Lumilitaw na ipinaunawa ng Diyos kay Jesus ang mga bagay na nasa langit at ibinalik ang memorya niya noong nasa langit pa siya. Ang mga sinabi ni Jesus pagkatapos ng bautismo niya, partikular na ang napakapersonal na panalangin niya noong gabi ng Paskuwa ng 33 C.E., ay nagpapakitang alam na niya nang pagkakataong iyon ang buhay niya sa langit bago siya maging tao. Makikita rin sa panalanging iyon na naalala niya ang mga narinig niyang sinabi ng kaniyang Ama at nakita niyang ginawa Niya, pati ang kaluwalhatian niya noon sa langit. (Ju 6:46; 7:28, 29; 8:26, 28, 38; 14:2; 17:5) Posibleng naalala niya ang mga iyon noong bautismuhan siya at pahiran.

parang kalapati: Ang mga kalapati ay ginagamit noon sa pagsamba at may makasagisag na kahulugan. Ginagamit ang mga ito sa paghahandog. (Mar 11:15; Ju 2:14-16) Sumasagisag ang mga ito sa pagiging tapat at dalisay. (Mat 10:16) Ang kalapating pinalipad ni Noe ay bumalik sa arka na may tukang dahon ng olibo, na nagpapakitang medyo humupa na ang baha (Gen 8:11) at malapit na ang panahon ng kapahingahan at kapayapaan (Gen 5:29). Kaya noong bautismuhan si Jesus, posibleng ginamit ni Jehova ang kalapati para ipakita ang papel ni Jesus bilang ang Mesiyas, ang dalisay at di-nagkakasalang Anak ng Diyos na maghahandog ng sarili niya para sa sangkatauhan na siyang magbibigay-daan sa panahon ng kapahingahan at kapayapaan habang namamahala siya bilang Hari. Habang bumababa ang espiritu ng Diyos, o aktibong puwersa niya, posibleng mukha itong kalapati na papunta sa dadapuan nito.

bumababa: O “pumapasok.”

isang tinig: Ito ang ikalawa sa tatlong pagkakataong iniulat sa mga Ebanghelyo na direktang nakipag-usap si Jehova sa mga tao.​—Tingnan ang study note sa Mar 1:11; Ju 12:28.

isang tinig: Ito ang huli sa tatlong pagkakataong iniulat sa mga Ebanghelyo na direktang nakipag-usap si Jehova sa mga tao. Ang unang pagkakataon ay nang bautismuhan si Jesus noong 29 C.E., at mababasa ito sa Mat 3:16, 17; Mar 1:11; at Luc 3:22. Ang ikalawa ay nang magbagong-anyo si Jesus noong 32 C.E., na makikita naman sa Mat 17:5; Mar 9:7; at Luc 9:35. At ang ikatlo, na mababasa lang sa Ebanghelyo ni Juan, ay nangyari noong 33 C.E., nang malapit na ang huling Paskuwa ni Jesus. Sinagot ni Jehova ang hiling ni Jesus na luwalhatiin Niya ang Kaniyang pangalan.

kinalulugdan: O “sinang-ayunan.” Ginamit din ang ekspresyong iyan sa Mat 12:18, na sinipi mula sa Isa 42:1 na isang hula tungkol sa ipinangakong Mesiyas, o Kristo. Ang pagbubuhos ng banal na espiritu at ang sinabi ng Diyos tungkol sa kaniyang Anak ay malinaw na mga patunay na si Jesus nga ang ipinangakong Mesiyas.—Tingnan ang study note sa Mat 12:18.

kinalulugdan: O “sinasang-ayunan.”—Tingnan ang study note sa Mat 3:17.

isang tinig ang nanggaling sa langit: Ito ang una sa tatlong pagkakataong iniulat sa mga Ebanghelyo na direktang nakipag-usap si Jehova sa mga tao.—Tingnan ang study note sa Mar 9:7; Ju 12:28.

Ikaw ang Anak ko: Bilang espiritung nilalang, si Jesus ay Anak ng Diyos. (Ju 3:16) Mula nang isilang bilang tao, si Jesus ay “anak ng Diyos,” gaya ni Adan nang perpekto pa siya. (Luc 1:35; 3:38) Pero makatuwirang isipin na hindi lang iyan ang ibig sabihin ng Diyos sa pagkakataong ito. Nang sabihin niya ito, kasabay ng pagbubuhos ng banal na espiritu, maliwanag na ipinakita ng Diyos na si Jesus ang kaniyang Anak na ipinanganak sa pamamagitan ng espiritu—“ipinanganak-muli” na may pag-asang mabuhay muli sa langit at pinahiran ng espiritu ng Diyos para maging Hari at Mataas na Saserdote.—Ju 3:3-6; 6:51; ihambing ang Luc 1:31-33; Heb 2:17; 5:1, 4-10; 7:1-3.

nalulugod ako sa iyo: O “sinasang-ayunan kita.” Ginamit din ang ekspresyong iyan sa Mat 12:18, na sinipi mula sa Isa 42:1 na isang hula tungkol sa ipinangakong Mesiyas, o Kristo. Ang pagbubuhos ng banal na espiritu at ang sinabi ng Diyos tungkol sa kaniyang Anak ay malinaw na mga patunay na si Jesus nga ang ipinangakong Mesiyas.​—Tingnan ang study note sa Mat 3:17; 12:18.

inudyukan ng espiritu na pumunta: O “pinakilos ng aktibong puwersa na pumunta.” Ang salitang Griego rito na pneuʹma ay tumutukoy sa espiritu ng Diyos, ang puwersa na puwedeng magpakilos sa isang tao na gawin ang mga bagay na kaayon ng kalooban ng Diyos.—Luc 4:1; tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”

Satanas: Mula sa salitang Hebreo na sa·tanʹ, na nangangahulugang “kalaban,” o “mananalansang.”

Satanas: Tingnan ang study note sa Mat 4:10.

maiilap na hayop: Noong panahon ni Jesus, mas maraming maiilap na hayop sa rehiyong iyon kaysa sa ngayon. Sa ilang na ito, may mga baboy-ramo, hayina, leopardo, leon, at lobo. Si Marcos lang ang manunulat ng Ebanghelyo na nagsabing may maiilap na hayop sa lugar na ito. Maliwanag na sumulat siya pangunahin nang para sa mga di-Judiong mambabasa, kasama na ang mga Romano at iba pang hindi pamilyar sa heograpiya ng Israel.

Kaharian: Unang paglitaw ng salitang Griego na ba·si·leiʹa, na tumutukoy sa pamahalaan, pati na sa teritoryo at mga taong pinamamahalaan, ng isang hari. Sa 162 paglitaw ng salitang ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, 55 ang nasa Mateo at karamihan sa mga ito ay tumutukoy sa pamamahala ng Diyos mula sa langit. Dahil sa dalas ng paggamit ni Mateo sa terminong ito, matatawag ang Ebanghelyo niya na Ebanghelyo ng Kaharian.—Tingnan sa Glosari, “Kaharian ng Diyos.”

Kaharian ng langit: Ang ekspresyong ito ay lumitaw nang 31 beses at mababasa lang sa Ebanghelyo ni Mateo. Sa Ebanghelyo ni Marcos at ni Lucas, ginamit nila ang katulad na ekspresyong “Kaharian ng Diyos,” na nagpapakitang ang “Kaharian ng Diyos” ay nasa espirituwal na langit at namamahala mula roon.—Mat 21:43; Mar 1:15; Luc 4:43; Dan 2:44; 2Ti 4:18.

ang Kaharian ng langit ay malapit na: Ang mensaheng ito tungkol sa isang bagong pandaigdig na gobyerno ang tema ng pangangaral ni Jesus. (Mat 10:7; Mar 1:15) Naghayag si Juan Bautista ng katulad na mensahe mga anim na buwan bago bautismuhan si Jesus (Mat 3:1, 2); pero mas “malapit na” ang Kaharian nang ipangaral ito ni Jesus dahil naroroon na siya bilang ang piniling Hari. Walang ulat na nagsasabing pagkamatay ni Jesus, patuloy na ipinangaral ng mga alagad niya na ang Kaharian ay “malapit na.”

ang Kahariang: Sa Bibliya, ang terminong “kaharian” ay puwedeng tumukoy sa iba’t ibang bagay, gaya ng “rehiyon o bansa na pinamumunuan ng isang hari,” “kapangyarihan bilang hari,” “teritoryong nasasakupan,” at “pagiging sakop ng isang hari.” Dito, lumilitaw na tumutukoy ito sa pagtanggap ng mga pagpapala ng pagiging sakop ng Kaharian ng Diyos at pamumuhay sa teritoryong sakop nito.

Dumating na ang takdang panahon: Sa kontekstong ito, ang “takdang panahon” (sa Griego, kai·rosʹ) ay tumutukoy sa panahong inihula ng Kasulatan kung kailan sisimulan ni Jesus ang ministeryo niya, na magbibigay sa mga tao ng pagkakataong manampalataya sa mabuting balita. Ito rin ang salitang Griego na ginamit para sa “panahon” ng pagsisiyasat na nangyari noong panahon ng ministeryo ni Jesus (Luc 12:56; 19:44) at para sa “takdang panahon” ng kamatayan niya.—Mat 26:18.

Kaharian ng Diyos: Lumitaw ito nang 14 na beses sa Ebanghelyo ni Marcos. Apat na beses lang ginamit ni Mateo ang pariralang ito (Mat 12:28; 19:24; 21:31; 21:43), pero mga 30 beses niyang ginamit ang kahawig na ekspresyon na “Kaharian ng langit.” (Ihambing ang Mar 10:23 sa Mat 19:23, 24.) Kaharian ng Diyos ang tema ng pangangaral ni Jesus. (Luc 4:43) Mahigit 100 beses binanggit ang Kaharian sa apat na Ebanghelyo, at karamihan sa mga ito ay mula sa mga sinabi ni Jesus.—Tingnan ang study note sa Mat 3:2; 4:17; 25:34.

Lawa ng Galilea: Isang lawa na tubig-tabang sa hilagang bahagi ng Israel. (Ang salitang Griego na isinaling “lawa” ay puwede ring mangahulugang “dagat.”) Tinawag din itong Lawa ng Kineret (Bil 34:11), lawa ng Genesaret (Luc 5:1), at Lawa ng Tiberias (Ju 6:1). Mga 210 m (700 ft) ang baba nito mula sa lebel ng dagat. May haba itong 21 km (13 mi) mula hilaga hanggang timog at lapad na 12 km (8 mi), at ang pinakamalalim na bahagi nito ay mga 48 m (160 ft).—Tingnan ang Ap. A7, Mapa 3B, “Mga Pangyayari sa May Lawa ng Galilea.”

naghahagis ng lambat: Ang isang mahusay na mangingisda na nasa tubig o nasa maliit na bangka ay kayang maghagis ng pabilog na lambat na babagsak nang lapát sa tubig. Ang lambat, na malamang ay 6-8 m (20-25 ft) ang diyametro, ay may mga pabigat sa palibot para lumubog ito at makahuli ng mga isda.

mga mangingisda: Karaniwang trabaho ang pangingisda sa Galilea. Si Pedro at ang kapatid niyang si Andres ay hindi lang basta mangingisda, kundi may negosyo sila ng pangingisda. Lumilitaw na kasosyo nila sina Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedeo.—Mar 1:16-21; Luc 5:7, 10.

Lawa ng Galilea: Tingnan ang study note sa Mat 4:18.

naghahagis ng lambat: Tingnan ang study note sa Mat 4:18.

mga mangingisda: Tingnan ang study note sa Mat 4:18.

mangingisda ng tao: Ang pananalitang ito ay batay sa trabaho nina Simon at Andres. Ipinapakita nito na sila ay “manghuhuli . . . ng mga taong buháy” para sa Kaharian. (Luc 5:10) Posibleng ipinapahiwatig din nito na gaya ng pangingisda, ang paggawa ng alagad ay hindi madali at kailangan ng pagsisikap at tiyaga, na kung minsan ay kaunti lang ang resulta.

mangingisda ng tao: Tingnan ang study note sa Mat 4:19.

sumunod sa kaniya: Mga anim na buwan hanggang isang taon nang alagad ni Jesus sina Pedro at Andres. (Ju 1:35-42) Inimbitahan sila ngayon ni Jesus na sundan siya nang buong panahon at iwan ang negosyo nilang pangingisda.—Luc 5:1-11; tingnan ang study note sa Mat 4:22.

sumunod sa kaniya: Tingnan ang study note sa Mat 4:20.

magkapatid na sina Santiago at Juan: Laging magkasamang binabanggit ang magkapatid na sina Santiago at Juan, at mas madalas na unang binabanggit si Santiago. Posibleng ipinapakita nito na mas matanda siya kay Juan.—Mat 4:21; 10:2; 17:1; Mar 1:29; 3:17; 5:37; 9:2; 10:35, 41; 13:3; 14:33; Luc 5:10; 6:14; 8:51; 9:28, 54; Gaw 1:13.

Zebedeo: Posibleng tiyuhin ni Jesus na asawa ni Salome, na kapatid ng kaniyang ina na si Maria. Kung gayon, sina Juan at Santiago ay pinsan ni Jesus.—Tingnan ang study note sa Mar 15:40.

magkapatid na sina Santiago at Juan: Tingnan ang study note sa Mat 4:21.

Zebedeo: Tingnan ang study note sa Mat 4:21.

mga mangingisda: Karaniwang trabaho ang pangingisda sa Galilea. Si Pedro at ang kapatid niyang si Andres ay hindi lang basta mangingisda, kundi may negosyo sila ng pangingisda. Lumilitaw na kasosyo nila sina Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedeo.—Mar 1:16-21; Luc 5:7, 10.

kasama ng mga trabahador: Si Marcos lang ang nagsabi na may “mga trabahador” si Zebedeo at ang mga anak niya sa kanilang negosyo ng pangingisda. Posibleng si Pedro ang pinanggalingan ng impormasyong ito dahil lumilitaw na kasosyo siya sa negosyong ito at nakita niya ang karamihan sa mga pangyayaring iniulat ni Marcos. (Luc 5:5-11; tingnan din ang “Introduksiyon sa Marcos.”) Masasabing malago ang negosyo ni Zebedeo at ng mga anak niya dahil may mga trabahador sila, at ayon sa ulat ni Lucas, hindi lang isa ang bangka nila.—Tingnan ang study note sa Mat 4:18.

Capernaum: Mula sa pangalang Hebreo na nangangahulugang “Nayon ni Nahum” o “Nayon na Nagpapatibay-Loob.” (Na 1:1, tlb.) Napakahalaga ng lunsod na ito sa ministeryo ni Jesus. Makikita ito sa hilagang-kanluran ng Lawa ng Galilea at tinawag na “sarili niyang lunsod” sa Mat 9:1.

Capernaum: Tingnan ang study note sa Mat 4:13.

sinagoga: Tingnan sa Glosari.

paraan niya ng pagtuturo: Tumutukoy sa kung paano nagturo si Jesus, kasama na ang mismong itinuro niya.

hindi gaya ng mga eskriba: Imbes na sipiin ni Jesus ang sinasabi ng mga iginagalang na rabbi, gaya ng kaugalian ng mga eskriba, nagsalita siya bilang kinatawan ni Jehova, bilang isa na may awtoridad; at Salita ng Diyos ang ginagamit niyang batayan.—Ju 7:16.

masamang espiritu: Lit., “maruming espiritu.” Parehong ginamit ni Marcos ang ekspresyong ito at ang terminong “demonyo” sa ulat niya. (Ihambing ang Mar 1:23, 26, 27 sa 1:34, 39 at ang Mar 3:11, 30 sa 3:15, 22.) Idiniriin ng ekspresyong ito ang pagiging marumi ng mga demonyo sa moral at espirituwal, pati na ang kanilang masamang impluwensiya sa mga tao.

sumigaw ito: Nang isigaw ng lalaki ang nakaulat sa talata 24, sinaway ni Jesus ang masamang espiritu, ang talagang pinanggalingan ng sinabi ng lalaki.—Mar 1:25; Luc 4:35.

Bakit nandito ka, . . . ?: O “Ano ang kinalaman namin sa iyo?” Ang literal na salin nito ay “Ano sa amin at sa iyo?” Ang Semitikong idyoma na ito ay makikita sa Hebreong Kasulatan (Jos 22:24; Huk 11:12; 2Sa 16:10; 19:22; 1Ha 17:18; 2Ha 3:13; 2Cr 35:21; Os 14:8), at may katumbas itong pariralang Griego na ginagamit naman sa Kristiyanong Griegong Kasulatan (Mat 8:29; Mar 1:24; 5:7; Luc 4:34; 8:28; Ju 2:4). Nag-iiba ang kahulugan nito depende sa konteksto. Sa talatang ito, nangangahulugan ito ng pakikipag-away at pagpapalayas, at para sa ilan, puwede itong isalin na “Huwag mo kaming pakialaman!” o “Umalis ka dito!” Sa ibang konteksto naman, nangangahulugan lang ito na may ibang pananaw ang nagsasalita o ayaw niyang makisangkot sa isang partikular na gawain pero hindi nangangahulugang nanghahamak siya, nagmamataas, o nakikipag-away.—Tingnan ang study note sa Ju 2:4.

Bakit nandito ka, . . .?: Tingnan ang study note sa Mat 8:29.

kami . . . ko: Dahil isang masamang espiritu lang ang binanggit sa talata 23, lumilitaw na gumamit ang espiritung kumokontrol sa lalaki ng anyong pangmaramihan (“kami”) para isama ang mga kapuwa niya demonyo at gumamit siya ng anyong pang-isahan (“ko”) para tukuyin ang sarili niya.

Tumahimik ka: Lit., “Busalan ka.” Alam ng masamang espiritu na si Jesus ang Kristo, o Mesiyas, at tinawag niya si Jesus na “isinugo ng Diyos” (tal. 24), pero hindi hinayaan ni Jesus na magpatotoo ang mga demonyo tungkol sa kaniya.​—Mar 1:34; 3:11, 12.

biyenang babae ni Simon: Biyenang babae ni Pedro (kilala ring Cefas). (Ju 1:42) Kaayon ito ng sinabi ni Pablo sa 1Co 9:5 na nagpapakitang may asawa si Cefas. Lumilitaw na nakatira ang biyenang babae ni Pedro sa bahay nila, kasama ang kapatid niyang si Andres.​—Mar 1:29-31; tingnan ang study note sa Mat 10:2, kung saan ipinaliwanag ang iba’t ibang pangalan ni apostol Pedro.

Mataas ang lagnat: Parehong sinabi nina Mateo at Marcos na “nakahiga at nilalagnat” ang biyenang babae ni Pedro. (Mat 8:14; Mar 1:30) Si Lucas lang, malamang na dahil isa siyang doktor, ang nagsabi na “mataas ang lagnat” ng biyenang babae ni Pedro, na nagpapakitang malala ang kalagayan nito.​—Tingnan ang “Introduksiyon sa Lucas.”

biyenang babae ni Simon: Tingnan ang study note sa Luc 4:38.

nilalagnat: Tingnan ang study note sa Luc 4:38.

nang gumabi na: Ibig sabihin, nang matapos na ang araw ng Sabbath, gaya ng makikita sa kaparehong ulat sa Mar 1:21-32 at Luc 4:31-40.

Nang gumabi na: Ang gabi na pasimula ng Nisan 14.—Tingnan ang Ap. A7 at B12.

nang lumubog na ang araw: Nagtatapos ang Sabbath sa paglubog ng araw. (Lev 23:32; Mar 1:21; tingnan ang study note sa Mat 8:16; 26:20.) Kaya dahil wala nang pupuna sa mga Judio, hindi na sila matatakot dalhin kay Jesus ang mga maysakit para mapagaling.​—Ihambing ang Mar 2:1-5; Luc 4:31-40.

maysakit at sinasaniban ng demonyo: May mga pagkakataong nagkakaroon ng sakit o kapansanan ang mga taong sinasaniban ng demonyo. (Mat 12:22; 17:15-18) Pero malinaw na ipinapakita ng Kasulatan kung galing sa mga demonyo ang sakit o hindi. Anuman ang dahilan ng pagkakasakit ng mga tao, pinapagaling sila ni Jesus.​—Mat 4:24; 8:16; Mar 1:34.

buong lunsod: Gaya ng “buong” at “lahat” sa Mar 1:5, ang paggamit dito ng “buong” ay eksaherasyon at nangangahulugan lang ng napakaraming tao.

alam nilang siya ang Kristo: Sa ilang manuskritong Griego, ang mababasa ay “kilala nila siya,” na puwedeng isaling “alam nila kung sino siya.” Mababasa sa kaparehong ulat sa Luc 4:41: “Alam nilang siya ang Kristo.”

lahat: Malinaw na isang eksaherasyon; ginamit ito para idiin na napakaraming tao na naghahanap kay Jesus.

nangaral . . . sa buong Galilea: Ito ang simula ng unang paglalakbay ni Jesus sa Galilea para mangaral kasama ang apat na alagad na kakapili lang niya—sina Pedro, Andres, Santiago, at Juan.​—Mar 1:16-20; tingnan ang Ap. A7.

ketongin: May malubhang sakit sa balat. Sa Bibliya, ang ketong ay hindi lang tumutukoy sa ketong na alam natin sa ngayon. Sinumang napatunayang may ketong ay mamumuhay malayo sa mga tao hanggang sa gumaling siya.—Lev 13:2, tlb., 45, 46; tingnan sa Glosari, “Ketong; Ketongin.”

isang ketongin: Tingnan ang study note sa Mat 8:2 at Glosari, “Ketong; Ketongin.”

nakaluhod: Sa sinaunang Gitnang Silangan, lumuluhod ang mga tao para magpakita ng paggalang, lalo na kapag nakikiusap sa isang nakatataas. Sa mga ulat ng Ebanghelyo tungkol sa pangyayaring ito, si Marcos lang ang espesipikong gumamit ng salitang Griego (go·ny·pe·te′o) para sa pagluhod.

naawa: Ang pandiwang Griego na ginamit dito (splag·khniʹzo·mai) ay may kaugnayan sa salita para sa “bituka” (splagʹkhna), na nagpapahiwatig ng isang damdaming nadarama sa kaloob-looban ng isang tao, isang matinding emosyon. Isa ito sa pinakamapuwersang salita sa Griego para sa pagkadama ng awa.

hinipo niya ang lalaki: Ayon sa Kautusang Mosaiko, dapat na nakabukod ang mga ketongin para hindi mahawa ang iba. (Lev 13:45, 46; Bil 5:1-4) Pero nagdagdag ng mga tuntunin ang mga Judiong lider ng relihiyon. Halimbawa, sinasabi nilang dapat na apat na siko, o mga 1.8 m (6 ft), ang layo ng isang tao sa isang ketongin, pero kapag mahangin, dapat na 100 siko ang layo, o mga 45 m (150 ft). Dahil diyan, naging malupit ang pagtrato sa mga ketongin. Sa sinaunang akda ng mga Judio, pinuri pa ang isang rabbi na nagtago sa mga ketongin at ang isa pa na pinagbabato ang mga ketongin para hindi sila makalapit. Pero ibang-iba si Jesus. Nahabag siya sa ketongin kaya ginawa niya ang isang bagay na talagang ikinagulat ng mga Judio—hinipo niya ang lalaki. Ginawa niya iyan kahit kaya niya namang pagalingin ang ketongin sa pamamagitan lang ng salita.—Mat 8:5-13.

Gusto ko: Hindi lang basta pinakinggan ni Jesus ang kahilingan kundi sinabi niyang gusto niyang gawin ito. Ipinapakita nitong hindi niya ito ginawa dahil lang sa obligasyon.

Naawa siya: O “Nahabag siya.” (Tingnan ang study note sa Mat 9:36.) Mababasa sa ilang modernong salin ng Bibliya na “nagalit siya.” Pero ang makikita sa karamihan ng sinaunang manuskrito, kasama na ang mga pinakaluma at pinakamaaasahan, ay “naawa (nahabag) siya.” Makikita rin sa konteksto na kumilos si Jesus dahil sa awa, hindi sa galit.

hinipo ang lalaki: Tingnan ang study note sa Mat 8:3.

Gusto ko: Tingnan ang study note sa Mat 8:3.

Huwag mo itong sasabihin kahit kanino: Malamang na ipinag-utos ito ni Jesus dahil ayaw niyang siya ang matanghal sa halip na ang Diyos na Jehova at ang mabuting balita ng Kaharian. Katuparan ito ng hula tungkol sa lingkod ni Jehova sa Isa 42:1, 2, na nagsasabing “hindi niya iparirinig sa lansangan ang tinig niya” para maging kapansin-pansin. (Mat 12:15-19) Ang pagiging mapagpakumbaba ni Jesus ay ibang-iba sa mga mapagkunwari na kinondena niya dahil nananalangin sila “sa mga kanto ng malalapad na daan para makita sila ng mga tao.” (Mat 6:5) Lumilitaw na gustong makumbinsi ni Jesus ang mga tao na siya ang Kristo sa pamamagitan ng matibay na ebidensiya, hindi ng mga bali-balita tungkol sa mga himala niya.

humarap ka sa saserdote: Ayon sa Kautusang Mosaiko, kailangang kumpirmahin ng saserdote na magaling na ang isang ketongin. Ang gumaling na ketongin ay dapat na pumunta sa templo at maghandog ng mga bagay na iniutos ni Moises, gaya ng binabanggit sa Lev 14:2-32.

Media

Video ng Introduksiyon sa Aklat ng Marcos
Video ng Introduksiyon sa Aklat ng Marcos
Ebanghelyo ni Marcos—Ilang Mahahalagang Pangyayari
Ebanghelyo ni Marcos—Ilang Mahahalagang Pangyayari

Inilista ang mga pangyayari ayon sa pagkakasunod-sunod hangga’t posible

Ibang mga pangyayari ang makikita sa bawat mapa ng Ebanghelyo

1. Ministeryo ni Juan na Tagapagbautismo sa ilang na malapit sa Ilog Jordan (Mat 3:1, 2; Mar 1:3-5; Luc 3:2, 3)

2. Bautismo ni Jesus sa Ilog Jordan; sinabi ni Jehova na Anak niya si Jesus (Mat 3:13, 16, 17; Mar 1:9-11; Luc 3:21, 22)

3. Nagsimulang mangaral si Jesus sa Galilea (Mat 4:17; Mar 1:14, 15; Luc 4:14, 15)

4. Sa baybayin ng Lawa ng Galilea, tinawag ni Jesus ang apat na alagad niya para maging mangingisda ng tao (Mat 4:18-22; Mar 1:16-20)

5. Nagturo si Jesus sa sinagoga ng Capernaum (Mar 1:21; Luc 4:31, 38)

6. Umakyat si Jesus sa bundok malapit sa Capernaum at pumili ng 12 apostol (Mar 3:13-15; Luc 6:12, 13)

7. Lawa ng Galilea; pinatahimik ni Jesus ang malakas na bagyo (Mat 8:23-26; Mar 4:37-39; Luc 8:22-24)

8. Posibleng sa Capernaum, hinipo ng isang babae ang damit ni Jesus at gumaling (Mat 9:19-22; Mar 5:25-29; Luc 8:43, 44)

9. Pinakain ni Jesus ang mga 5,000 lalaki sa hilagang-silangan ng Lawa ng Galilea (Mat 14:19-21; Mar 6:39-42, 44; Luc 9:14, 16, 17; Ju 6:10, 11)

10. Pinapunta ni Jesus ang mga alagad niya sa Betsaida sakay ng bangka (Mat 14:22; Mar 6:45)

11. Sa rehiyon ng Tiro at Sidon, pinagaling ni Jesus ang anak ng babaeng Sirofenisa (Mat 15:21, 22, 28; Mar 7:24-26, 29)

12. Dumaan si Jesus sa rehiyon ng Decapolis papunta sa Lawa ng Galilea (Mar 7:31)

13. Nagpagaling si Jesus ng lalaking bulag sa Betsaida (Mar 8:22-25)

14. Nagturo si Jesus sa Perea (Mat 19:1-3; Mar 10:1, 2)

15. Nagpagaling si Jesus ng mga lalaking bulag malapit sa Jerico (Mat 20:29, 30, 34; Mar 10:46, 47, 51, 52; Luc 18:35, 40-43)

16. Nilinis ni Jesus ang templo (Mat 21:12, 13; Mar 11:15-17; Luc 19:45, 46)

17. Sa kabang-yaman ng templo sa Looban ng mga Babae, nakita ni Jesus ang isang mahirap na biyuda na naghuhulog ng dalawang barya (Mar 12:42-44; Luc 21:1-4)

18. Noong papunta si Jesus sa Bundok ng mga Olibo mula sa templo, inihula niya ang pagkawasak ng templo (Mat 24:1, 2; Mar 13:1, 2; Luc 21:5, 6)

19. Sa lunsod ng Jerusalem, naghanda ang mga alagad para sa Paskuwa (Mar 14:13-16; Luc 22:10-13)

20. Dinala si Jesus sa bahay ng mataas na saserdoteng si Caifas (Mat 26:57-59; Mar 14:60-62; Luc 22:54)

21. Sa bulwagan ng Sanedrin, muling humarap si Jesus sa Sanedrin (Mar 15:1; Luc 22:66-69)

Ang Ilang
Ang Ilang

Ang orihinal na mga salita sa Bibliya na isinasaling “ilang” (sa Hebreo, midh·barʹ at sa Griego, eʹre·mos) ay karaniwang tumutukoy sa lupaing kakaunti ang nakatira, hindi natamnan, at kadalasang madamo at madawag, at puwede rin itong tumukoy sa mga pastulan. Ang mga salitang ito ay puwede ring tumukoy sa tigang na mga rehiyon na matatawag na disyerto. Sa mga Ebanghelyo, ang ilang ay karaniwang tumutukoy sa ilang ng Judea. Sa ilang na ito tumira at nangaral si Juan at dito rin tinukso ng Diyablo si Jesus.—Mar 1:12.

Pananamit at Hitsura ni Juan na Tagapagbautismo
Pananamit at Hitsura ni Juan na Tagapagbautismo

Ang damit ni Juan ay gawa sa balahibo ng kamelyo, at may sinturon siya na gawa sa balat ng hayop na puwedeng paglagyan ng maliliit na bagay. Ganiyan din ang suot ni propeta Elias. (2Ha 1:8) Magaspang ang tela na gawa sa balahibo ng kamelyo, at karaniwan itong isinusuot ng mahihirap. Ang malalambot na damit naman na gawa sa seda o lino ay isinusuot ng mayayaman. (Mat 11:7-9) Dahil Nazareo na si Juan mula pagkasilang, posibleng hindi kailanman nagupitan ang buhok niya. Dahil sa pananamit at hitsura niya, madaling makita na simple lang ang buhay niya at nakapokus sa paggawa ng kalooban ng Diyos.

Balang
Balang

Ang terminong “balang” sa Bibliya ay puwedeng tumukoy sa anumang uri ng tipaklong na may maiiksing antena, partikular na ang mga nandarayuhan nang kulu-kulupon. Ayon sa isang pag-aaral na ginawa sa Jerusalem, 75 porsiyento ng katawan ng mga balang sa ilang ay protina. Sa ngayon, tinatanggal ang ulo nito, binti, pakpak, at tiyan bago kainin. Ang natitirang bahagi, ang thorax, ay kinakain nang hilaw o luto. Sinasabing ito ay lasang hipon o alimango at mayaman sa protina.

Pulot-Pukyutang Galing sa Gubat
Pulot-Pukyutang Galing sa Gubat

Makikita sa larawan ang isang bahay-pukyutan (1) at isang piraso ng bahay-pukyutan na punô ng pulot-pukyutan (2). Ang pulot-pukyutang kinain ni Juan ay malamang na gawa ng bubuyog na tinatawag na Apis mellifera syriaca, na karaniwan sa lugar na iyon. Ang matapang na uring ito ng bubuyog ay nabubuhay sa mainit at tuyot na ilang ng Judea at hindi puwedeng alagaan. Pero noong mga ikasiyam na siglo B.C.E., nagsimulang mag-alaga ng mga bubuyog ang mga nakatira sa Israel, at inilalagay nila ito sa mga luwad na silindro. Maraming ganitong bahay-pukyutan na natagpuan sa sentro ng isang bayan (na tinatawag ngayong Tel Rehov) na nasa Lambak ng Jordan. Ang mga pulot-pukyutang mula sa mga bahay-pukyutang ito ay gawa ng mga bubuyog na lumilitaw na inangkat mula sa lugar na tinatawag ngayong Turkey.

Sandalyas
Sandalyas

Noong panahon ng Bibliya, ang sandalyas ay walang takong. Ang suwelas nito ay gawa sa katad, kahoy, o iba pang mahiblang materyales, at may sintas itong katad. May makasagisag na gamit ang sandalyas sa ilang transaksiyon, at ginagamit din ito sa mga paglalarawan. Halimbawa, aalisin ng isang biyuda na nasa ilalim ng Kautusan ang sandalyas ng bayaw niyang ayaw magpakasal sa kaniya. Hahamakin ang lalaking iyon, at ang pamilya niya ay tatawaging “Ang sambahayan ng taong hinubaran ng sandalyas.” (Deu 25:9, 10) Ang pagbibigay ng sandalyas sa isang tao ay puwedeng sumagisag sa pagbibigay sa kaniya ng isang pag-aari o ng karapatang tumubos. (Ru 4:7) Ang pagkakalag ng sintas ng sandalyas o pagbibitbit ng sandalyas ng iba ay itinuturing na mababang trabaho na karaniwang ginagawa ng mga alipin. Sinabi ni Juan Bautista na hindi man lang siya karapat-dapat na mag-alis ng sandalyas ni Kristo para ipakitang di-hamak na mas mababa siya kay Kristo.

Ilog Jordan
Ilog Jordan

Binautismuhan ni Juan si Jesus sa Ilog Jordan; hindi alam kung saan siya dito eksaktong binautismuhan.

Ang Lambak ng Jezreel
Ang Lambak ng Jezreel

Ito ang tanawin mula sa bangin na malapit sa Nazaret kung nakaharap sa timog. Makikita rito ang silangan at kanlurang bahagi ng mabungang Lambak ng Jezreel, na nabanggit sa iba’t ibang ulat ng Bibliya. (Jos 17:16; Huk 6:33; Os 1:5) Sa kaliwa, kitang-kita ang burol ng More, at nasa dalisdis nito ang lunsod ng Nain. Sa Nain binuhay-muli ni Jesus ang anak ng isang biyuda. (Huk 7:1; Luc 7:11-15) Sa gitna, maaaninag ang Bundok Gilboa. (1Sa 31:1, 8) Lumaki si Jesus sa kalapit nitong nayon ng Nazaret at posibleng nagpunta siya rito, kung saan matatanaw ang ilang mahahalagang lugar sa kasaysayan ng Israel.​—Luc 2:39, 40.

Ilang ng Judea, Kanluran ng Ilog Jordan
Ilang ng Judea, Kanluran ng Ilog Jordan

Sa tigang na rehiyong ito sinimulan ni Juan Bautista ang ministeryo niya, at dito rin tinukso ng Diyablo si Jesus.

Mababangis na Hayop sa Ilang
Mababangis na Hayop sa Ilang

Ang ilan sa mga hayop sa ilang kung saan nanatili si Jesus nang mga 40 araw at gabi ay ang leon (1), leopardo (2), at ang guhit-guhit na hayina (3). Daan-daang taon nang walang nakikitang leon sa lugar na ito, pero may mga leopardo at hayina pa rin sa rehiyon. Pero nitong mga nakaraang taon, kumaunti na ang mga ito.

Paghahagis ng Lambat
Paghahagis ng Lambat

Ang mga mangingisda sa Lawa ng Galilea ay gumagamit ng dalawang klase ng lambat; ang isa ay lambat na maliliit ang mata, o butas, para makahuli ng maliliit na isda at ang isa pa ay malalaki ang mata para sa malalaking isda. Di-gaya ng ibang uri ng lambat na kailangan ng bangka at kailangang hilahin ng maraming tao, ang ganitong lambat ay puwedeng gamitin kahit ng isang tao lang na nasa bangka o nasa dalampasigan o malapit dito. Ang inihahagis na lambat ay mga 6 m (18 ft) ang diyametro o higit pa at may mga pabigat na bato o tingga sa dulo. Kapag tama ang pagkakahagis, lalapag ito nang lapát sa tubig. Unang lumulubog ang mabigat na bahagi, at nahuhuli ang mga isda habang lumulubog ang lambat sa sahig ng dagat. Puwedeng sumisid ang mangingisda para kunin ang isda sa lumubog na lambat, o puwede niyang unti-unting hilahin ang lambat sa dalampasigan. Kailangan ng husay at tiyaga sa paggamit ng lambat na ito.

Mga Isda sa Lawa ng Galilea
Mga Isda sa Lawa ng Galilea

Maraming beses na binabanggit sa Bibliya ang isda, pangingisda, at mangingisda may kaugnayan sa Lawa ng Galilea. Mga 18 uri ng isda ang makikita sa Lawa ng Galilea, pero mga 10 uri lang ang hinuhuli ng mga mangingisda. Ang 10 uri na ito ay maikakategorya sa tatlong grupo kapag ibinebenta. Ang isang grupo ay ang binny, na tinatawag ding barbel (makikita rito ang Barbus longiceps) (1). Ang tatlong uri ng binny ay may balbas sa gilid ng bibig nito; kaya ang Semitikong pangalan nito ay biny, na nangangahulugang “buhok.” Kumakain ito ng mga mollusk, susô, at maliliit na isda. Ang longheaded barbel ay umaabot nang 75 cm (30 in) at maaaring tumimbang nang mahigit 7 kg (15 lb). Ang ikalawang grupo ay tinatawag na musht (makikita rito ang Tilapia galilea) (2), na nangangahulugang “suklay” sa Arabiko, dahil ang limang uri nito ay may tulad-suklay na palikpik sa likod. Ang isang uri ng musht ay umaabot nang mga 45 cm (18 in) at maaaring tumimbang nang mga 2 kg (4.5 lb). Ang ikatlong grupo ay ang Kinneret sardine (makikita rito ang Acanthobrama terrae sanctae) (3), na mukhang maliit na herring. Noon pa man, pinepreserba na ang isdang ito sa pamamagitan ng pagbababad sa sukà.

Sinagoga sa Capernaum
Sinagoga sa Capernaum

Ang puting pader na gawa sa batong-apog sa larawang ito ay bahagi ng sinagoga na itinayo sa pagitan ng dulo ng ikalawang siglo at ng mga unang taon ng ikalimang siglo C.E. Ang itim na basaltong nasa ilalim ng batong-apog ay pinaniniwalaan ng ilan na bahagi ng isang sinagoga noong unang siglo. Kung totoo iyan, posibleng isa ito sa mga lugar kung saan nagturo si Jesus at nagpalayas ng demonyo mula sa isang lalaki na binanggit sa Mar 1:23-27 at Luc 4:33-36.