Ayon kay Juan 16:1-33

16  “Sinasabi ko sa inyo ang mga ito para hindi kayo matisod. 2  Ititiwalag kayo ng mga tao mula sa sinagoga.+ Ang totoo, darating ang panahon na ang bawat isa na pumapatay sa inyo+ ay mag-aakalang gumagawa siya ng sagradong paglilingkod sa Diyos. 3  Pero gagawin nila ang mga ito dahil hindi nila nakilala ang Ama o kahit ako.+ 4  Gayunman, sinasabi ko ito sa inyo para kapag dumating na ang oras na mangyari ang mga iyon, maaalaala ninyong sinabi ko ang mga iyon sa inyo.+ “Hindi ko sinabi ang mga ito sa inyo noong una, dahil kasama pa ninyo ako. 5  Pero ngayon ay pupunta ako sa nagsugo sa akin;+ gayunman, walang isa man sa inyo ang nagtatanong, ‘Saan ka pupunta?’ 6  Pero dahil sinabi ko sa inyo ang mga ito, napuno ng lungkot ang puso ninyo.+ 7  Gayunman, sinasabi ko sa inyo, para sa ikabubuti ninyo ang pag-alis ko. Dahil kung hindi ako aalis, ang katulong+ ay hindi darating sa inyo; pero kung aalis ako, ipadadala ko siya sa inyo. 8  At kapag dumating ang isang iyon, magbibigay siya sa mundo* ng nakakukumbinsing katibayan may kinalaman sa kasalanan at sa katuwiran* at sa paghatol: 9  una, may kinalaman sa kasalanan,+ dahil hindi sila nananampalataya sa akin;+ 10  pagkatapos, may kinalaman sa katuwiran,* dahil pupunta ako sa Ama at hindi na ninyo ako makikita; 11  pagkatapos, may kinalaman sa paghatol, dahil ang tagapamahala ng mundong* ito ay hinatulan na.+ 12  “Marami pa sana akong sasabihin sa inyo, pero hindi pa ninyo iyon mauunawaan sa ngayon.+ 13  Pero kapag dumating ang isang iyon, ang espiritu ng katotohanan,+ gagabayan niya kayo para lubusan ninyong maunawaan ang katotohanan, dahil hindi siya magsasalita nang mula sa sarili niya, kundi sasabihin lang niya ang mga narinig niya, at ipaaalam niya sa inyo ang mga bagay na darating.+ 14  Luluwalhatiin ako ng isang iyon,+ dahil sasabihin niya sa inyo ang narinig niya mula sa akin.+ 15  Ang lahat ng taglay ng Ama ay sa akin.+ Iyan ang dahilan kaya sinabi kong sasabihin niya sa inyo ang narinig niya mula sa akin. 16  Kaunting panahon na lang at hindi na ninyo ako makikita,+ pero pagkalipas ng kaunting panahon ay makikita ninyo ako.” 17  Kaya sinabi ng ilan sa mga alagad niya: “Ano kaya ang ibig niyang sabihin sa ‘Kaunting panahon na lang at hindi na ninyo ako makikita, pero pagkalipas ng kaunting panahon ay makikita ninyo ako’ at ‘dahil pupunta ako sa Ama’?” 18  At paulit-ulit nilang sinasabi: “Ano ang ibig niyang sabihin sa ‘kaunting panahon’? Hindi natin maintindihan ang sinasabi niya.” 19  Alam ni Jesus na gusto nila siyang tanungin, kaya sinabi niya: “Tinatanong ba ninyo ang isa’t isa dahil sinabi ko: ‘Kaunting panahon na lang at hindi na ninyo ako makikita, pero pagkalipas ng kaunting panahon ay makikita ninyo ako’? 20  Tinitiyak ko sa inyo, iiyak kayo at hahagulgol,+ pero magsasaya ang mundo; mamimighati kayo, pero mapapalitan ng kagalakan ang inyong pamimighati.+ 21  Kapag nanganganak ang isang babae, napakatindi ng paghihirap niya* dahil dumating na ang oras niya, pero kapag naisilang na niya ang sanggol, nakakalimutan na niya ang naranasan niyang hirap dahil sa kagalakan na isang tao ang ipinanganak sa mundo.* 22  Kayo rin naman ay namimighati sa ngayon; pero makikita ko kayong muli, at magsasaya ang mga puso ninyo,+ at walang sinumang makapag-aalis ng inyong kagalakan. 23  Sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin. Tinitiyak ko sa inyo, kung hihingi kayo sa Ama ng anuman,+ ibibigay niya iyon sa inyo sa pangalan ko.+ 24  Hanggang sa ngayon, hindi pa kayo humihingi ng kahit isang bagay sa pangalan ko. Humingi kayo, at kayo ay tatanggap, para maging lubos ang kagalakan ninyo. 25  “Sinasabi ko sa inyo ang mga ito sa pamamagitan ng mga paghahambing. Darating ang panahon na hindi na ako gagamit sa inyo ng mga paghahambing, kundi sasabihin ko sa inyo nang malinaw ang tungkol sa Ama. 26  Sa araw na iyon, hihingi kayo sa Ama sa pangalan ko; pero hindi na kailangang ako ang humiling para sa inyo. 27  Mahal kayo ng Ama, dahil minahal ninyo ako+ at naniwala kayo na dumating ako bilang kinatawan ng Diyos.+ 28  Dumating ako sa mundo* bilang kinatawan ng Ama. Pero ngayon, iiwan ko ang mundo at pupunta ako sa Ama.”+ 29  Sinabi ng mga alagad niya: “Malinaw na ngayon ang sinasabi mo, at hindi ka na gumagamit ng mga paghahambing! 30  Alam na namin ngayon na alam mo ang lahat ng bagay at hindi ka namin kailangang tanungin. Dahil dito, naniniwala kaming galing ka sa Diyos.” 31  Sumagot si Jesus: “Talaga bang naniniwala na kayo? 32  Sinasabi ko sa inyo, malapit nang dumating ang oras na mangangalat kayo, bawat isa sa sarili niyang bahay, at iiwan ninyo akong mag-isa.+ Pero hindi ako nag-iisa dahil kasama ko ang Ama.+ 33  Sinabi ko sa inyo ang mga ito para magkaroon kayo ng kapayapaan sa pamamagitan ko.+ Daranas kayo ng kapighatian sa sanlibutan,+ pero lakasan ninyo ang inyong loob! Dinaig ko ang sanlibutan.”+

Talababa

Tingnan sa Glosari.
O “sanlibutan.”
Tingnan sa Glosari.
O “sanlibutang.”
O “namimighati siya.”
O “sanlibutan.”
O “sanlibutan.”

Study Notes

Ititiwalag kayo ng mga tao mula sa sinagoga: O “Palalayasin kayo ng mga tao mula sa sinagoga.” Tatlong beses lang na ginamit sa Bibliya ang pang-uring Griego na a·po·sy·naʹgo·gos (lit., “malayo sa sinagoga”), dito at sa Ju 9:22 at 12:42. Ang mga itiniwalag ay nilalayuan at itinatakwil ng lipunan. Kapag naputol ang pakikipag-ugnayan ng isa sa kapuwa niya mga Judio, matindi ang magiging epekto nito sa kabuhayan ng pamilya niya. Ang mga sinagoga, na pangunahin nang ginagamit sa pagtuturo, ay lumilitaw na puwede ring maging lokal na mga hukuman na makakapagpataw ng parusang paghahagupit at pagtitiwalag. (Tingnan ang study note sa Mat 10:17.) Nang sabihin ni Jesus sa mga tagasunod niya na matitiwalag sila mula sa mga sinagoga, binababalaan niya sila sa mga puwedeng mangyari kapag sumunod sila sa kaniya. Kahit sinabi na noon ni Jesus na ang mga tagasunod niya ay kapopootan ng mga tao, ito ang unang beses na direkta niyang sinabi na papatayin ang ilan sa kanila.

sagradong paglilingkod: O “banal na paglilingkod.” Ang salitang Griego na ginamit dito, la·treiʹa, ay tumutukoy sa isang gawa ng pagsamba. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, laging iniuugnay ang pangngalang ito sa paglilingkod sa Diyos. (Ro 9:4; 12:1; Heb 9:1, 6)—Para sa pagtalakay sa kaugnay na pandiwang Griego na la·treuʹo, tingnan ang study note sa Luc 1:74.

katulong: Tingnan ang study note sa Ju 14:16.

ang isang iyon: Ang “isang iyon” at “siya” na binanggit sa talatang ito ay tumutukoy sa “katulong,” na binanggit sa naunang talata. (Tingnan ang study note sa Ju 16:13.) Gumamit si Jesus ng personipikasyon nang tukuyin niya bilang katulong ang banal na espiritu, na isang puwersa at hindi persona. Sinabi niya na ang katulong na ito ay “magtuturo,” “magpapatotoo,” ‘magbibigay ng nakakukumbinsing katibayan,’ ‘gagabay,’ “magsasalita,” at ‘makakarinig.’ (Ju 14:26; 15:26; 16:7-15) Sa personipikasyon, parang may buhay ang isang bagay na walang buhay. Sa kontekstong ito, sinabi na ang espiritu ay magbibigay . . . sa mundo ng nakakukumbinsing katibayan may kinalaman sa kasalanan, ibig sabihin, malalantad ang kawalan ng pananampalataya ng mga tao sa Anak ng Diyos. Ang espiritu ay magbibigay rin ng nakakukumbinsing katibayan may kinalaman sa katuwiran, dahil ang pag-akyat ni Jesus sa langit ay magpapatunay na matuwid siya. At ipapakita ng espiritu kung bakit dapat lang na tumanggap ng matinding hatol si Satanas, “ang tagapamahala ng mundong ito.” (Ju 16:9-11) Ang salitang Griego na ginamit dito para sa ‘magbigay ng nakakukumbinsing katibayan’ ay e·legʹkho, na isinasalin ding “sumaway.”—1Ti 5:20; Tit 1:9.

isang iyon: Ang “isang iyon,” “siya,” at “niya” sa talata 13 at 14 ay tumutukoy sa “katulong” sa Ju 16:7. Ginamit ni Jesus ang salitang “katulong” (na nasa kasariang panlalaki sa Griego) bilang personipikasyon para sa banal na espiritu, na isang puwersa, hindi persona, at walang kasarian sa Griego.—Tingnan ang study note sa Ju 14:16.

mundo: O “sanlibutan.” Sa kontekstong ito, ang salitang Griego na koʹsmos ay tumutukoy sa mga tao na hindi lingkod ng Diyos, ang di-matuwid na lipunan ng tao na hiwalay sa Diyos.—Ihambing ang study note sa Ju 15:19.

ipinanganak sa mundo: Ginamit dito ni Jesus ang panganganak para ilarawan kung paano “mapapalitan ng kagalakan ang . . . pamimighati.” (Ju 16:20) Ang babaeng nanganganak ay nakakaramdam ng matinding kirot, pero pagkasilang niya sa sanggol, nakakalimutan niya ang lahat ng sakit sa sobrang saya niya. Sa kontekstong ito, ang terminong “mundo” (sa Griego, koʹsmos) ay tumutukoy sa organisadong lipunan ng tao, kung saan ipinanganak ang sanggol. Sa Bibliya, ganito kung minsan ang kahulugan ng terminong “mundo.”—1Co 14:10; 1Ti 6:7; tingnan ang study note sa Luc 9:25.

anuman: Bukod sa mga paksang binanggit ni Jesus sa modelong panalangin (Mat 6:9-13), binabanggit din ng Kasulatan ang napakaraming bagay na nakakaapekto sa mga lingkod ng Diyos at puwede nilang ipanalangin. Kaya puwede nating ipanalangin ang halos lahat ng bagay sa buhay natin.—Fil 4:6; 1Pe 5:7; 1Ju 5:14.

paghahambing: O “tayutay.”—Tingnan ang study note sa Ju 10:6.

Mahal kayo: Ang pandiwang Griego na phi·leʹo ay isinasaling “mahal,” “gusto,” “nagmamahal,” at “hahalikan.” (Mat 23:6; Ju 12:25; Mar 14:44) Ang terminong Griego ay puwedeng lumarawan sa isang napakalapít na ugnayan, katulad ng sa tunay na magkakaibigan. Nang “lumuha si Jesus” habang papalapit siya sa libingan ni Lazaro, sinabi ng mga tao: “Tingnan ninyo kung gaano niya siya kamahal [isang anyo ng pandiwang Griego na phi·leʹo]!” (Ju 11:35, 36) Ginagamit din ang terminong Griego na ito para ilarawan ang malapít na ugnayan ng magulang at anak. (Mat 10:37) Gaya ng mababasa sa Ju 16:27, ipinapakita ng terminong ito ang malapít na kaugnayan at pagkagiliw ni Jehova sa mga tagasunod ng kaniyang Anak at ang pagmamahal ng mga alagad sa Anak ng Diyos. Sa Ju 5:20, ginamit din ang salitang Griego na ito para ilarawan ang pagkagiliw ng Ama sa Anak.

sa pamamagitan ko: O “habang kaisa ko kayo.” Sa kontekstong ito, ang Griegong pang-ukol (en) ay nagpapahiwatig ng pagiging instrumento (“sa pamamagitan”) at ng malapít na ugnayan at pagkakaisa (“kaisa”).—Tingnan ang study note sa Ju 10:38.

Dinaig ko ang sanlibutan: Sa kontekstong ito, ang salitang Griego na koʹsmos (“sanlibutan”) ay tumutukoy sa di-matuwid na lipunan ng tao na hiwalay sa Diyos. Ganiyan ang pagkakagamit sa terminong “sanlibutan” o “mundo” sa Ju 12:31; 15:19; 2Pe 2:5; 3:6; at 1Ju 2:15-17; 5:19. Sa pangkalahatan, ang paraan ng pamumuhay at ugali ng mga tao sa “sanlibutan” ay hindi kaayon ng kalooban ng Diyos na binabanggit sa Kasulatan. (1Ju 2:16) Pero nasabi ni Jesus noong huling gabi ng buhay niya bilang tao: “Dinaig ko ang sanlibutan.” Nagawa ito ni Jesus dahil hindi siya naging gaya ng mga tagasanlibutan; hindi siya nagpaimpluwensiya sa pag-iisip at pagkilos ng di-matuwid na mga tao. Sa pamamagitan ng pananampalataya at katapatan ni Jesus, pinatunayan niya na ‘walang kontrol’ sa kaniya si Satanas, ang “tagapamahala ng mundo.” (Tingnan ang study note sa Ju 14:30.) Sinabi ni Jesus sa panalangin niya na nakaulat sa Juan kabanata 17 na siya at ang mga alagad niya ay hindi bahagi ng sanlibutan. (Ju 17:15, 16) At noong nililitis si Jesus ng Romanong gobernador na si Pilato, sinabi niya: “Ang Kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.” (Ju 18:36) Makalipas ang mahigit 60 taon mula nang litisin si Jesus, ipinasulat ng Diyos kay Juan: “Nadaig natin ang sanlibutan dahil sa ating pananampalataya.”—1Ju 5:4, 5.

Media