Liham sa mga Taga-Efeso 2:1-22
Talababa
Study Notes
Hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay: Gaya ng makikita sa study note sa Luc 9:59, malamang na hindi pa patay ang ama ng lalaking kausap ni Jesus, kundi may sakit lang o matanda na. Kaya parang sinasabi ni Jesus: ‘Hayaan mong ilibing ng mga patay sa espirituwal ang kanilang mga patay.’ Ibig sabihin, hindi dapat ipagpaliban ng lalaki ang desisyon niyang sumunod kay Jesus, dahil lumilitaw na mayroon naman siyang mga kamag-anak na puwedeng mag-alaga sa ama niya. Kung susunod kay Jesus ang lalaki, magkakaroon siya ng pag-asang mabuhay magpakailanman, hindi tulad ng mga patay sa espirituwal sa paningin ng Diyos. Makikita sa sagot ni Jesus na ang pag-una sa Kaharian ng Diyos at pangangaral tungkol dito nang malawakan ay mahalaga para manatiling buháy sa espirituwal.
nakabangon siya mula sa kamatayan tungo sa buhay: Lumilitaw na ang tinutukoy dito ni Jesus ay ang mga dating patay sa espirituwal pero nakinig sa kaniya, nanampalataya, at tumalikod sa kanilang makasalanang pamumuhay. (Efe 2:1, 2, 4-6) Nakabangon sila “mula sa kamatayan tungo sa buhay” dahil pinalaya sila mula sa hatol ng kamatayan, at binigyan sila ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan dahil sa pananampalataya nila sa Diyos. Lumilitaw na mga patay rin sa espirituwal ang tinutukoy ni Jesus nang sabihin niya sa isang anak na Judio na gustong umuwi para ilibing ang kaniyang ama: “Hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay.”—Luc 9:60; tingnan ang study note sa Luc 9:60; Ju 5:25.
mga patay: Sinabi ni Jesus na nagsisimula na ang panahon kung kailan “maririnig ng mga patay ang tinig” niya, kaya maliwanag na ang tinutukoy niya ay ang mga taong buháy na nagmana ng kasalanan kay Adan at nahatulan ng kamatayan. (Ro 5:12) Para sa Diyos, walang karapatang mabuhay ang mga tao sa pangkalahatan dahil ang “kabayaran” para sa kasalanan ay kamatayan. (Ro 6:23) Sa pakikinig at pagsunod sa “salita” ni Jesus, ang mga tao ay makasagisag na ‘makakabangon mula sa kamatayan tungo sa buhay.’ (Tingnan ang study note sa Ju 5:24.) Sa Bibliya, ang terminong “pakikinig” ay kadalasan nang tumutukoy sa “pagbibigay-pansin” o “pagsunod.”
patay kayo dahil sa inyong mga pagkakamali at kasalanan: Sa Bibliya, ginagamit kung minsan ang kamatayan at buhay sa makasagisag, o espirituwal, na diwa. Sinasabi dito ni Pablo na ang mga Kristiyano sa Efeso ay ‘patay noon dahil sa kanilang mga pagkakamali at kasalanan.’ Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang Griego para sa “patay” sa talatang ito ay nangangahulugang “pagiging bagsak sa moral at espirituwal ng isang tao, at dahil doon, maituturing siyang patay.” Pero ipinapakita dito ni Pablo na para kay Jehova, buháy ang mga pinahirang Kristiyano dahil pinagsisihan na nila ang makasalanan nilang pamumuhay at nanampalataya sila sa hain ni Jesus.—Efe 2:5; Col 2:13; tingnan ang study note sa Luc 9:60; Ju 5:24, 25.
Anak ng: Sa Hebreo, Aramaiko, at Griego, ang pananalitang “(mga) anak ng” ay ginagamit para tukuyin ang isang tao na kilalá sa isang partikular na katangian o para ilarawan ang isang grupo ng tao. Halimbawa, sa Deu 3:18, ang literal na salin para sa “matatapang na lalaki,” o matatapang na mandirigma, ay “mga anak ng abilidad.” Sa Job 1:3, ang literal na salin para sa ekspresyong “taga-Silangan” ay “anak ng Silangan.” Ang ekspresyong ‘walang-kuwentang tao’ sa 1Sa 25:17 ay “anak ng belial” sa literal, o “anak ng kawalang-kabuluhan.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ginagamit ang mga ekspresyong “anak ng Kataas-taasan,” “anak ng liwanag at anak ng araw,” at “anak ng pagsuway” para tumukoy sa mga taong tumatahak sa isang partikular na landasin o kilalá sa isang partikular na katangian.—Luc 6:35; 1Te 5:5; Efe 2:2, tlb.
mga tao sa sistemang ito: Ang salitang Griego na isinalin ditong ‘sistema’ ay pangunahin nang nangangahulugang “panahon.” Kadalasan, tumutukoy ito sa kalakaran o sa mga pagkakakilanlan ng isang espesipikong yugto ng panahon. Ang salitang Griego naman na isinalin ditong “tao” (koʹsmos) ay tumutukoy sa di-matuwid na lipunan na hiwalay sa Diyos. Sa talatang ito, ang kombinasyon ng mga terminong ito ay puwedeng isaling “landasin [o, “kalakaran”] ng sanlibutang ito,” na tumutukoy sa ugali at pamantayan ng mga taong hiwalay sa Diyos. Sinasabi ni Pablo na di-matuwid ang paraan ng pamumuhay noon ng mga Kristiyano sa Efeso.
tagapamahala na may awtoridad sa hanging: Si Satanas na Diyablo ang “tagapamahala” na tinutukoy rito. Ginamit ni Pablo ang hangin para ilarawan kung gaano kalaganap ang pagkamakasarili at pagiging masuwayin ng mga tao sa ngayon. Gumamit din si Pablo ng kaparehong ekspresyon sa 1Co 2:12 na isinaling “espiritu ng sanlibutan.” Kung paanong may hangin kahit saan, laganap din ang “espiritu ng sanlibutan.” May “awtoridad” ito, o impluwensiya, sa karamihan ng tao. Madaling makaimpluwensiya ang nangingibabaw na mga ugaling ito dahil hindi ito madaling mahalata, mahirap labanan, laganap na gaya ng hangin, at gusto ito ng makasalanang laman. Ang mga taong hiwalay sa Diyos at namumuhay nang salungat sa kalooban niya ay tinatawag ditong “mga masuwayin.”
mga masuwayin: Tingnan ang study note sa Gaw 4:36.
karapat-dapat na tayo sa poot ng Diyos: O “mga anak na tayo ng poot.” Sinadya ni Adan na sumuway sa Diyos, kaya naipasa niya ang kasalanan at kamatayan sa lahat ng inapo niya. (Ro 5:12, 19) Dahil sa minanang kasalanan, naging ‘karapat-dapat sila sa poot ng Diyos’ at sa kamatayan. (Deu 32:5; Ro 2:5; 3:10; Efe 5:6; Col 1:21; 3:6) Pero kung lalabanan nila ang pagiging makasalanan at tatanggapin ang paanyaya ng Diyos na maging kaibigan siya, hindi na ‘mapopoot’ ang Diyos sa kanila. (Ju 3:36) Dahil sa “matinding pag-ibig niya sa atin,” inilaan ng Diyos ang “pantubos ni Kristo Jesus.”—Efe 2:4, 5; Ro 3:23, 24.
sa langit: Inilalarawan dito ni Pablo ang mga pinahirang Kristiyano na tumanggap ng “bawat uri ng espirituwal na pagpapala mula sa langit,” kahit na nandito pa sila sa lupa. Makikita sa konteksto na ‘inatasan’ sila ng Diyos bilang “tagapagmana” sa langit kasama ng kaniyang Anak at na binigyan Niya sila ng garantiya na tatanggap sila ng mana. (Efe 1:11, 13, 14) Kaya kahit nasa lupa pa sila, para silang binuhay, o itinaas, dahil sa natanggap nilang atas.—Efe 1:18-20; 2:4-7.
langit: Ginamit ni Pablo ang ekspresyong ito sa Efe 1:20 para tumukoy sa langit na tirahan ng Diyos. Pero dito, sinabi ni Pablo na binuhay nang muli ang pinahirang mga Kristiyano at tinanggap na nila ang ‘puwesto nila sa langit’ kahit nandito pa sila sa lupa. Kagaya ito ng makikita sa Efe 1:3. Naging posible ito dahil ginawa sila ng Diyos na “tagapagmana” sa langit kasama ng kaniyang Anak at binigyan niya sila ng garantiya ng tatanggapin nilang mana. (Efe 1:11, 13, 14) Ipinanganak silang muli sa pamamagitan ng espiritu at naging mga anak ni Jehova (Ju 1:12, 13; 3:5-7), kapatid ni Jesus (Ro 8:15; Efe 1:5), at “kasamang tagapagmana ni Kristo.”—Ro 8:17; Efe 1:11; tingnan ang study note sa Efe 1:3.
darating na mga sistema: O “darating na mga panahon.” Ginamit dito ang anyong pangmaramihan ng salitang Griego na ai·onʹ, na kadalasan nang isinasaling “sistema.” Sa konteksto, tumutukoy ito sa panahon sa hinaharap kung kailan ang pinahirang mga Kristiyano ay mamamahalang kasama ni Kristo Jesus at tatanggap ng walang-kapantay na kabaitan ng Diyos. (Ihambing ang Efe 1:18-23; Heb 6:4, 5.) Nasa anyong pangmaramihan ang ekspresyong “darating na mga sistema.” Ipinapahiwatig nito na ang “darating na sistema” ay binubuo ng mga sistema, o mga panahon na may sariling pagkakakilanlan. (Tingnan ang study note sa Mar 10:30; 1Co 10:11.) Maikukumpara ito sa Judiong sistema sa ilalim ng tipang Kautusan, na binubuo ng iba’t ibang sistema na magkakaugnay at sabay-sabay na umiiral.—Tingnan sa Glosari, “Sistema.”
kagandahang-loob: O “pabor; pagkabukas-palad.” Ang salitang Griego na ginamit dito ay puwede ring isaling “kabaitan.”—Ro 2:4; 11:22.
sa darating na sistema: O “sa darating na panahon.” Ang salitang Griego na ai·onʹ, na literal na nangangahulugang “panahon,” ay puwedeng tumukoy sa kalakaran o sa mga pagkakakilanlan ng isang espesipikong yugto ng panahon. Tinutukoy dito ni Jesus ang darating na sistema sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, kung saan matutupad ang ipinangakong buhay na walang hanggan.—Luc 18:29, 30; tingnan sa Glosari, “Sistema.”
nabubuhay sa wakas ng sistemang ito: Binanggit ni apostol Pablo ang maraming pangyayari sa kasaysayan ng Israel (1Co 10:1-10) hanggang sa wakas ng sistema, o kalakaran, noong panahon niya. (Tingnan sa Glosari, “Sistema.”) Ang “sistemang” iyon ay may kaugnayan sa tipang Kautusan at kasama rito ang sumusunod: pagkasaserdote, alituntunin sa paghahandog at pagkain, kaayusan sa pagsamba sa tabernakulo at templo na may kasamang mga kapistahan at sabbath, at kaayusan ng pamamahala sa bansa, na nang maglaon ay pinamunuan ng mga taong hari. Marami sa mga pagkakakilanlan ng sistema, o panahon, ng mga Israelita o Judio ay lubusan lang na nagwakas noong 70 C.E. Noong panahong iyon, winasak ang Jerusalem at ang templo nito, kaya permanente nang natapos ang pagkasaserdote, paghahandog, at pagsamba sa templo ng mga Judio, na nakasaad sa Kautusan. Nangalat din sa mga bansa ang mga Judio, ang dating piniling bayan ng Diyos, kaya natupad ang hula ni Jesus sa Luc 21:24 at ang sinabi ni Pablo tungkol sa ‘wakas ng [Judiong] sistema.’
Tayo ay gawa mismo ng Diyos: O “Tayo ay bunga ng Kaniyang gawa.” Ang pinahirang mga Kristiyano ay “isang bagong nilalang” ng Diyos at kaisa ni Kristo Jesus. (Tingnan ang study note sa 2Co 5:17; Gal 6:15.) Ang salitang Griego na isinalin ditong “gawa” ay ginamit din para sa pisikal na mga nilalang sa Ro 1:20, kung saan isinalin itong “mga bagay na ginawa.” Ipinapahiwatig ng ginamit na ekspresyon na ang mga ito ay produkto ng isang dalubhasang manggagawa.
Ang mahalaga ay ang pagiging bagong nilalang: Ang bawat pinahirang Kristiyano ay isang bagong nilalang—naging anak siya ng Diyos sa pamamagitan ng espiritu at may pag-asa siyang makasama ni Kristo sa Kaharian sa langit. (Gal 4:6, 7) Ang mga pinahiran ay bahagi rin ng kongregasyong Kristiyano, ang “Israel ng Diyos” (Gal 6:16 at study note), na isa ring bagong nilalang. (Tingnan ang study note sa 2Co 5:17.) Kaya hindi mahalaga sa Diyos kung tuli o di-tuli ang isang Kristiyano.
siya ay isang bagong nilalang: Ang bawat pinahirang Kristiyano ay isang bagong nilalang—naging anak siya ng Diyos sa pamamagitan ng espiritu at may pag-asa siyang makasama ni Kristo sa Kaharian sa langit. (Gal 4:6, 7) Walang nilalang ang Diyos na bagong pisikal na mga bagay mula nang matapos ang ikaanim na araw ng paglalang (Gen 2:2, 3), pero lumalang siya ng bagong espirituwal na mga bagay.
di-tuli: Mga di-Judio.
mga lalaking tinuli: Mga Judio.—Tingnan ang study note sa Ro 2:25.
pagtutuli: Sa Kautusang Mosaiko, kailangang magpatuli ng isang lalaking mananamba ni Jehova. (Lev 12:2, 3; tingnan sa Glosari.) Kahit ang mga dayuhan ay kailangang magpatuli para payagan silang kumain ng hapunan para sa Paskuwa. (Exo 12:43-49) Pero noong 49 C.E., pitong taon bago isulat ni Pablo ang liham niya sa mga taga-Roma, napagpasiyahan ng lupong tagapamahala sa Jerusalem na ang mga di-Judiong tumanggap sa mabuting balita ay hindi na kailangang magpatuli at sumunod sa Kautusang Judio. (Gaw 15:1, 2, 28, 29) Sa sulat ni Pablo sa mga taga-Roma, sinuportahan niya ang desisyong iyon na ginabayan ng espiritu, at sa patnubay rin ng banal na espiritu, nilinaw pa niya ito sa talatang ito at sa sumunod na mga talata. Kahit noong may bisa pa ang tipang Kautusan, hindi sapat ang basta pagpapatuli lang. Kailangan pa ring sumunod sa iba pang bahagi ng Kautusan.—Lev 18:5; Deu 30:16; Jer 9:25; tingnan ang study note sa Ro 2:29.
napakalayo ninyo sa bansang Israel: Bago malaman ng mga Kristiyano sa Efeso ang mga layunin ng Diyos, ang ilan sa kanila ay di-tuling “mga tao ng ibang mga bansa.” (Efe 2:11) Napakalayo nila noon sa bansang Israel, na may espesyal na kaugnayan sa Diyos. (Exo 19:5, 6; 1Ha 8:53) Walang alam tungkol sa Diyos ang ibang mga bansa, at wala rin silang magandang katayuan sa harap niya.
walang pag-asa at walang Diyos: Gaya ng mga Judio, ang mga Kristiyanong Gentil ay mga makasalanan na nanggaling sa makasalanang si Adan. Pero dahil sa hain ni Kristo Jesus, naging posible para sa di-Judiong mga bansa na maging malapít sa Diyos at magkaroon ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan.—Efe 1:7; 2:13.
dalawang grupo: Mga Judio at di-Judio.—Efe 2:11.
pader na naghihiwalay sa mga ito: Lit., “pader sa gitna.” Malamang na ang nasa isip dito ni Pablo ay ang pader ng templo sa Jerusalem noong unang siglo na “naghihiwalay” sa mga mananambang Gentil mula sa mga Judio na nakakapasok sa maliit na mga looban. Ayon sa Mishnah, ang pader na ito ay sala-sala at tinatawag na Soreg. (Tingnan ang Ap. B11.) Ayon kay Josephus, ang pader na ito ay tatlong siko (1.3 m; 4.3 ft) ang taas at may nakapaskil ditong babala sa Griego at Latin, na nagsasabing paparusahan ng kamatayan ang mga di-Judio na lalampas dito. Nang isulat ni Pablo ang liham na ito, nakabilanggo siya dahil sa akusasyong nagsama siya ng isang di-Judiong taga-Efeso sa loob ng pader. Kaya malamang na pamilyar ang mga taga-Efeso sa pader na ito. (Gaw 21:28-31; 28:30, 31; Efe 3:1) Buo pa ang pader sa Jerusalem nang isulat ni Pablo ang liham na ito. Kaya nang sabihin niya na giniba “ang pader,” hindi ito ang tinutukoy niya, kundi ang tipang Kautusan na naghihiwalay sa mga Judio at mga Gentil. Ang makasagisag na pader na ito ay mga 30 taon nang giba mula nang mamatay si Kristo.
sa pamamagitan ng pahirapang tulos: Dito, ang terminong “pahirapang tulos” (sa Griego, stau·rosʹ) ay sumasagisag sa kamatayan ni Jesus sa tulos na pambitay. Napawalang-bisa ng kamatayan ni Jesus ang Kautusan, na naghihiwalay sa mga Judio at di-Judio. Kaya kung tatanggapin ng dalawang bayang ito, ang mga Judio at di-Judio, ang pagkakataong mapagkasundo sila dahil sa kamatayan ni Jesus, puwede silang “mapagsama sa iisang katawan . . . sa pamamagitan ng pahirapang tulos.”—Tingnan din ang Col 1:20 at Glosari, “Tulos”; “Pahirapang tulos.”
ng kaniyang kamatayan: O posibleng “nito,” na tumutukoy sa pahirapang tulos.—Col 1:20; 2:13, 14.
sa tulong ng iisang espiritu: Ibig sabihin, sa tulong ng banal na espiritu ng Diyos.
pagkamamamayan natin: Isang kolonya ng Roma ang lunsod ng Filipos, at maraming benepisyo ang mga tagarito. (Tingnan ang study note sa Gaw 16:12, 21.) Posibleng ang ilang miyembro ng kongregasyon sa Filipos ay may pagkamamamayang Romano, na talagang pinahahalagahan ng mga tao noon. Malaki ang kaibahan noon ng mga mamamayang Romano at hindi. Pero ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang pagkamamamayan sa langit, na di-hamak na nakahihigit. (Efe 2:19) Hinimok ni Pablo ang pinahirang mga Kristiyano na magpokus, hindi sa mga bagay sa lupa (Fil 3:19), kundi sa buhay na naghihintay sa kanila bilang “mamamayan” ng langit.—Tingnan ang study note sa Fil 1:27.
pader na naghihiwalay sa mga ito: Lit., “pader sa gitna.” Malamang na ang nasa isip dito ni Pablo ay ang pader ng templo sa Jerusalem noong unang siglo na “naghihiwalay” sa mga mananambang Gentil mula sa mga Judio na nakakapasok sa maliit na mga looban. Ayon sa Mishnah, ang pader na ito ay sala-sala at tinatawag na Soreg. (Tingnan ang Ap. B11.) Ayon kay Josephus, ang pader na ito ay tatlong siko (1.3 m; 4.3 ft) ang taas at may nakapaskil ditong babala sa Griego at Latin, na nagsasabing paparusahan ng kamatayan ang mga di-Judio na lalampas dito. Nang isulat ni Pablo ang liham na ito, nakabilanggo siya dahil sa akusasyong nagsama siya ng isang di-Judiong taga-Efeso sa loob ng pader. Kaya malamang na pamilyar ang mga taga-Efeso sa pader na ito. (Gaw 21:28-31; 28:30, 31; Efe 3:1) Buo pa ang pader sa Jerusalem nang isulat ni Pablo ang liham na ito. Kaya nang sabihin niya na giniba “ang pader,” hindi ito ang tinutukoy niya, kundi ang tipang Kautusan na naghihiwalay sa mga Judio at mga Gentil. Ang makasagisag na pader na ito ay mga 30 taon nang giba mula nang mamatay si Kristo.
mga kapananampalataya natin: O “mga kapatid natin; mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya.” Ang salitang Griego na isinaling “mga may kaugnayan” ay ginagamit kapag tinutukoy ang mga miyembro ng isang pamilya, o sambahayan. (1Ti 5:8) Sa mga Griego at Romano noon, ang isang sambahayan ay binubuo ng mga taong malalapít sa isa’t isa at magkakatulad ang paniniwala at layunin. At ganiyang-ganiyan nga ang unang siglong mga Kristiyano. Kadalasan nang nagtitipon sila sa bahay ng mga kapatid nila (Ro 16:3-5), at malapít sila sa isa’t isa dahil sa kanilang pananampalataya.—Efe 2:19.
mga mamamayan kasama ng mga banal: Tiniyak ni Pablo sa mga Kristiyanong Gentil sa Efeso na nagbago na ang kanilang espirituwal na kalagayan. Hindi na sila mga estranghero at dayuhan na limitado ang karapatan. Sa halip, “mga mamamayan” na silang “kasama ng mga banal” na may magkakatulad na tunguhin, obligasyon, at pagkakakilanlan. Miyembro na sila ng bagong espirituwal na bayan, at kapareho na nila ng pagkamamamayan ang iba pang banal. (Tingnan ang Fil 3:20 at study note.) Giniba ni Kristo ang pader, ang “Kautusan,” na naghihiwalay sa mga Gentil at mga Judio, kaya ang dalawang bayang ito ay pareho nang malayang nakakalapit sa Ama sa pamamagitan ni Kristo.—Efe 2:14-18; tingnan ang study note sa Efe 2:14.
mga miyembro na ng sambahayan ng Diyos: Ginamit ni Pablo ang ekspresyong “mga miyembro . . . ng sambahayan” para ipakitang ang mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano ay gaya ng isang pamilyang malapít sa isa’t isa. (1Ti 3:15) Sa isang makadiyos na pamilya, iginagalang ng mga miyembro ang ulo, pati na ang mga patakaran at pamantayang itinakda niya para sa pamilya. Sa katulad na paraan, malapít din sa isa’t isa ang mga miyembro ng mga kongregasyon noong unang siglo at iginagalang nila ang mga kaayusan ni Jehova sa kongregasyon.—Tingnan ang study note sa Gal 6:10.
pinakamahalagang batong pundasyon: Dalawang beses lang lumitaw ang ekspresyong ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito at sa 1Pe 2:6. Si Jesus ang “pinakamahalagang batong pundasyon” ng kongregasyong Kristiyano, na inihalintulad ni Pablo sa isang gusali. (Efe 2:21) Ang terminong Griego na isinalin ditong “pinakamahalagang batong pundasyon” ay lumitaw nang isang beses sa Septuagint, sa hula tungkol sa Mesiyas sa Isa 28:16. Doon, sinabi ni Jehova na gagawin niyang “pundasyon sa Sion ang isang subok na bato, ang mahalagang batong-panulok ng isang matibay na pundasyon.” Sinipi ni Pedro ang hulang ito at ipinakitang tumutukoy ito kay Jesus. (1Pe 2:4-6) Inilalagay ang pinakamahalagang batong-panulok sa kanto ng isang istraktura, gaya ng gusali o mga pader ng lunsod, kung saan nagdurugtong ang dalawang pader. Pinagdurugtong-dugtong nito ang iba pang mga bato. Dapat na nakapuwesto kaayon ng batong-panulok ang lahat ng iba pang bato sa gusali para maging matibay ito.
kayo ang templo ng Diyos: Isa ito sa maraming pagkakataon na ikinumpara ng Bibliya sa templo ang mga tao. Tinukoy ni Jesus na isang templo ang sarili niya sa Ju 2:19, at inihula ng Kasulatan na siya ang magiging “pangunahing batong-panulok” ng isang espirituwal na gusali. (Aw 118:22; Isa 28:16, 17; Gaw 4:10, 11) Ang pandiwang Griego na ginamit sa ekspresyong “kayo ang” ay nasa anyong pangmaramihan at ikalawang panauhan, na nagpapakitang ang buong kongregasyon ang bumubuo sa “templo ng Diyos” kung saan nananatili ang espiritu ng Diyos. Ang pinahirang mga Kristiyanong ito na naglilingkod bilang mga katulong na saserdote ay “ang gusaling itinayo ng Diyos” (1Co 3:9; tingnan ang study note), kaya idiniriin sa talata 17 na banal ang espirituwal na templong ito, at binababalaan nito ang sinumang gustong dumhan ang templo. Sa Efe 2:20-22 at 1Pe 2:6, 7, gumamit sina Pablo at Pedro ng ganito ring paghahalimbawa para kay Jesus at sa mga tagasunod niya.
matibay ang pagkakadugtong-dugtong: Idiniriin ng ekspresyong ito na kailangang magkaisa ng kongregasyong Kristiyano. (Tingnan ang “Introduksiyon sa Efeso.”) Ang mga mánanampalatayáng Judio at Gentil ay puwedeng sama-samang lumapit kay Jehova; lahat sila ay puwedeng tumanggap ng banal na espiritu; at pareho silang bahagi ng isang espirituwal na templo, isang “bahay na titirhan [ng Diyos] sa pamamagitan ng kaniyang espiritu.”—Efe 2:22; tingnan ang Efe 4:16, kung saan ginamit ni Pablo ang kaparehong ekspresyon (isinaling “nagkakabuklod”) nang ihalintulad niya ang kongregasyong Kristiyano sa katawan ng tao.
isang banal na templo para kay Jehova: Ang kongregasyong Kristiyano ay maituturing na isang bahay o templo na itinayo sa pundasyon ng mga apostol at mga propeta, kung saan ang pinakamahalagang batong-panulok ay si Kristo Jesus. (Efe 2:20) Sa Efe 2:19, 22, tinawag ang kongregasyong ito na “sambahayan ng Diyos” at isang “bahay na titirhan niya sa pamamagitan ng kaniyang espiritu.” Gumamit din si Pablo ng ganitong ekspresyon sa mga liham niya sa mga taga-Corinto.—2Co 6:16; tingnan ang study note sa 1Co 3:16; 6:19; para sa pagkakagamit ng pangalan ng Diyos sa talatang ito, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Efe 2:21.
ang katawan ninyo ang templo: Bilang isang grupo, ang pinahirang mga Kristiyano ay may espesyal na papel sa layunin ni Jehova. Ang anyong pangmaramihan ng panghalip na ginamit dito, “ninyo,” ay nagpapakitang hindi lang ang katawan ng isang miyembro ng kongregasyon ang bumubuo sa templo. (1Co 10:17) Madalas na ginagamit ng Bibliya sa makasagisag na paraan ang salitang “templo,” at kung minsan, tumutukoy ito sa mga tao. Ginamit ni Jesus ang ekspresyong ito sa Ju 2:19 para tukuyin ang sarili niya, at inihula sa Kasulatan na ang Mesiyas ang magiging “pangunahing batong-panulok” ng espirituwal na templo. (Aw 118:22; Isa 28:16, 17; Gaw 4:10, 11) Inihalintulad din nina Pablo at Pedro sa istrakturang ito si Jesus at ang mga tagasunod niya sa 1Co 3:16, 17; Efe 2:20-22; at 1Pe 2:6, 7.