Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gawin Nawa Niyang Matagumpay ang Lahat ng Iyong Plano

Gawin Nawa Niyang Matagumpay ang Lahat ng Iyong Plano

“Magkaroon ka rin ng masidhing kaluguran kay Jehova, at ibibigay niya sa iyo ang mga kahilingan ng iyong puso.”—AWIT 37:4.

AWIT: 89, 140

1. Ano ang dapat pagpasiyahan ng mga kabataan tungkol sa hinaharap? Pero bakit hindi sila dapat masyadong mabalisa? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

MGA kabataan, siguro sasang-ayon kayo na bago maglakbay, makabubuting planuhin muna ng isa kung saan siya pupunta. Ang buhay ay parang paglalakbay. Kailan ka dapat magplano kung saan ka “pupunta”? Sa panahon ng iyong kabataan. Hindi ito laging madali. Sinabi ng kabataang si Heather: “Nakakatakot. Kailangan mong magpasiya kung ano ang gagawin mo sa buhay mo.” Pero lakasan mo ang iyong loob. Sinasabi ni Jehova sa kaniyang bayan: “Huwag kang matakot, . . . sapagkat ako ang iyong Diyos. Patitibayin kita. Talagang tutulungan kita.”—Isa. 41:10.

2. Bakit ka nakatitiyak na gusto ni Jehova na magplano ka para sa isang maligayang kinabukasan?

2 Hinihimok ka ni Jehova na magplano nang may katalinuhan para sa iyong kinabukasan. (Ecles. 12:1; Mat. 6:20) Gusto niyang maging maligaya ka. Makikita mo iyan sa nilikha niyang mga bagay na kaayaaya sa ating paningin, pandinig, at panlasa. Nagmamalasakit siya sa atin at itinuturo niya ang pinakamagandang paraan ng pamumuhay. Sinasabi ni Jehova sa mga tumatanggi sa kaniyang payo: “Ang bagay na hindi ko kinalugdan ay pinili ninyo. . . . Narito! Ang aking mga lingkod ay magsasaya, ngunit kayo ay mapapahiya. Narito! Ang aking mga lingkod ay hihiyaw nang may kagalakan dahil sa mabuting kalagayan ng puso.” (Isa. 65:12-14) Kapag ang kaniyang bayan ay nagpapasiya nang may katalinuhan, naluluwalhati si Jehova.—Kaw. 27:11.

MGA PLANONG MAGDUDULOT SA IYO NG KALIGAYAHAN

3. Ano ang inirerekomenda ni Jehova para sa iyo?

3 Anong mga plano ang inirerekomenda ni Jehova para sa iyo? Nilikha niya ang mga tao sa paraang magiging maligaya sila kung makikilala nila siya at paglilingkuran nang tapat. (Awit 128:1; Mat. 5:3) Di-gaya ng mga hayop na kontento nang kumain, uminom, at magparami, gusto ng Diyos na maging maligaya ka sa mas makabuluhang mga bagay. Ang iyong Maylikha ay ang “Diyos ng pag-ibig,” ang “maligayang Diyos,” na lumalang sa mga tao “ayon sa kaniyang larawan.” (2 Cor. 13:11; 1 Tim. 1:11; Gen. 1:27) Magiging maligaya ka kung tutularan mo ang ating maibiging Diyos. Sinasabi ng Bibliya: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Naranasan mo na ba iyan? Totoo iyan, hindi ba? Kaya gusto ni Jehova na ipokus mo ang iyong mga plano sa pagpapakita ng pag-ibig sa Diyos at sa iba.—Basahin ang Mateo 22:36-39.

4, 5. Bakit naging maligaya si Jesus?

4 Si Jesu-Kristo ang nagpakita ng perpektong halimbawa para sa inyo na mga kabataan. Siguradong naglaro din siya at naging masaya noong bata pa. Sinasabi sa Salita ng Diyos na may “panahon ng pagtawa . . . at panahon ng pagluksu-lukso.” (Ecles. 3:4) Naging malapít din si Jesus kay Jehova sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kasulatan. Noong 12 anyos siya, namangha ang mga guro sa templo dahil sa “kaniyang unawa at sa kaniyang mga sagot” tungkol sa espirituwal na mga bagay.—Luc. 2:42, 46, 47.

5 Maligaya rin si Jesus bilang adulto. Bakit? Dahil alam niya na gusto ng Diyos na ‘ipahayag niya ang mabuting balita sa mga dukha at ang pagpapanumbalik ng paningin sa mga bulag.’ (Luc. 4:18) Naging maligaya si Jesus dahil ginawa niya ang kahilingan ng Diyos sa kaniya. Binabanggit sa Awit 40:8 ang damdamin ni Jesus: “Ang gawin ang iyong kalooban, O Diyos ko, ay kinalulugdan ko.” Masaya siyang ituro sa iba ang tungkol sa kaniyang makalangit na Ama. (Basahin ang Lucas 10:21.) Matapos turuan ang isang babae tungkol sa tunay na pagsamba, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Ang aking pagkain ay ang gawin ko ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain.” (Juan 4:31-34) Naging maligaya si Jesus dahil nagpakita siya ng pag-ibig sa Diyos at sa mga tao. Magiging maligaya ka rin kung tutularan mo siya.

6. Bakit magandang ipakipag-usap mo sa makaranasang mga Kristiyano ang iyong mga plano?

6 Maraming Kristiyano ang naging maligaya dahil nakapaglingkod sila bilang payunir noong kanilang kabataan. Bakit hindi mo ipakipag-usap sa kanila ang iyong mga plano? “Nabibigo ang mga plano kung saan walang matalik na usapan, ngunit sa karamihan ng mga tagapayo ay may naisasagawa.” (Kaw. 15:22) Masasabi sa iyo ng espirituwal na mga taong iyon na ang buong-panahong ministeryo ay nagbibigay ng pagsasanay na magagamit mo sa buhay. Tinuruan si Jesus ng kaniyang Ama noong nasa langit siya, pero patuloy na natuto si Jesus noong panahon ng kaniyang ministeryo dito sa lupa. Halimbawa, naranasan niya ang kagalakan ng pag-abot sa puso ng mga tao sa pamamagitan ng mabuting balita at ng pagpapanatili ng katapatan sa harap ng pagsubok. (Basahin ang Isaias 50:4; Heb. 5:8; 12:2) Talakayin natin ang ilang aspekto ng buong-panahong paglilingkod na magdudulot sa iyo ng masidhing kaligayahan.

PAGGAWA NG MGA ALAGAD—ANG PINAKAKASIYA-SIYANG GAWAIN

7. Bakit maraming kabataan ang nasisiyahan sa paggawa ng mga alagad?

7 Sinabi ni Jesus: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao,” na tinuturuan sila. (Mat. 28:19, 20) Ito ang pinakakasiya-siyang gawain at lumuluwalhati ito sa Diyos. Pero tulad ng iba pang karera sa buhay, kailangan ang panahon para maging mahusay ka rito. Si Timothy ay nagsimulang magpayunir noong tin-edyer siya. Sinabi niya: “Gusto kong maglingkod kay Jehova nang buong panahon para maipakita kong mahal ko siya. Noong una, hindi ako makapagpasimula ng Bible study, pero nang lumipat ako ng teritoryo, isang buwan pa lang, marami na ’kong naumpisahang study. Isa sa kanila ang dumadalo na sa Kingdom Hall. Nang makapag-aral ako nang dalawang-buwan sa Bible School for Single Brothers, * binigyan ako ng bagong atas, at doon, nakapagpasimula ako ng apat na Bible study. Gustong-gusto kong magturo sa mga tao kasi nakikita kong nagbabago sila sa tulong ng banal na espiritu.”—1 Tes. 2:19.

8. Ano ang ginawa ng ilang kabataan para higit na makibahagi sa paggawa ng mga alagad?

8 May mga kabataang Kristiyano na nag-aral ng ibang wika. Halimbawa, si Jacob na mula sa North America ay sumulat: “Noong pitong taóng gulang ako, marami sa mga kaklase ko ay Vietnamese. Dahil gusto kong sabihin sa kanila ang tungkol kay Jehova, pinlano kong pag-aralan ang kanilang wika. Kadalasan, pinagkukumpara ko ang English at ang Vietnamese na mga edisyon ng Ang Bantayan. Nakipagkaibigan din ako sa mga kapatid sa kalapít na Vietnamese congregation. Noong 18 ako, nagpayunir ako. Nang maglaon, nakapag-aral ako sa Bible School for Single Brothers. Nakatulong ito sa kasalukuyan kong teritoryo bilang payunir, kung saan ako lang ang elder sa aming Vietnamese group. Maraming Vietnamese ang natutuwa dahil marunong ako ng kanilang wika. Pinatutuloy nila ako, at kadalasan, nakakapagpasimula ako ng Bible study sa kanila. May ilang sumulong at nagpabautismo.”—Ihambing ang Gawa 2:7, 8.

9. Bakit magandang pagsasanay sa atin ang paggawa ng mga alagad?

9 Marami kang matututuhan sa paggawa ng mga alagad, gaya ng magagandang kaugalian sa paggawa, kakayahang makipag-usap, pagkakaroon ng kumpiyansa, at pagiging mataktika. (Kaw. 21:5; 2 Tim. 2:24) Pero lalong nagiging masaya ang paggawa ng mga alagad dahil mas natututuhan mong patunayan ang saligan ng iyong pananampalataya gamit ang Bibliya. Mas nagiging mahusay ka ring kamanggagawa ni Jehova.—1 Cor. 3:9.

10. Paano ka magkakaroon ng kagalakan sa paggawa ng mga alagad kahit sa mahirap na teritoryo?

10 Masisiyahan ka pa rin sa paggawa ng mga alagad kahit kaunti lang ang tumutugon sa inyong teritoryo. Sa paggawa ng mga alagad, kailangan ang pagtutulungan. Buong kongregasyon ang naghahanap sa mga tapat-puso. Kahit isang brother o sister lang ang nakatagpo sa tao na naging alagad, ang lahat ay nakibahagi sa paghahanap, kaya kabahagi rin sila sa kagalakan. Halimbawa, siyam-na-taóng naglingkod si Brandon bilang payunir sa isang di-mabungang teritoryo. Sinabi niya: “Gusto kong ipangaral ang mabuting balita dahil kahilingan ito ni Jehova. Nagpayunir agad ako pagkatapos kong mag-aral. Pinapatibay ko ang mga kabataang brother sa aming kongregasyon at natutuwa akong makitang sumusulong sila sa espirituwal. Pagka-graduate ko sa Bible School for Single Brothers, nakatanggap ako ng bagong atas. Kahit wala akong study na nabautismuhan sa teritoryo, meron naman ang ibang kapatid. Mabuti na lang nagplano ako na lubusang makibahagi sa paggawa ng mga alagad.”—Ecles. 11:6.

SAAN KA AAKAYIN NG MGA PLANO MO?

11. Sa anong uri ng sagradong paglilingkod nakikibahagi ang maraming kabataan?

11 Maraming oportunidad para mapaglingkuran si Jehova. Halimbawa, maraming kabataan ang nagboboluntaryo sa mga proyekto ng pagtatayo. Daan-daang Kingdom Hall pa ang kailangan. Ang pagtatayo sa mga ito ay sagradong paglilingkod na lumuluwalhati sa Diyos at magdudulot sa iyo ng kaligayahan. Gaya ng iba pang uri ng sagradong paglilingkod, napakasayang makipagsamahan sa mga kapuwa boluntaryo. Marami ka ring matututuhan dito, gaya ng pagiging maingat, masikap, at pakikipagtulungan sa mga nangunguna.

Maraming pagpapalang naghihintay para sa mga pumapasok sa buong-panahong paglilingkod (Tingnan ang parapo 11-13)

12. Ano pang mga oportunidad ang puwedeng mabuksan kung maglilingkod ka bilang payunir?

12 Sinabi ng brother na si Kevin: “Bata pa lang ako, pangarap ko nang maglingkod kay Jehova nang buong panahon. Sa wakas, nakapagpayunir ako noong 19 ako. Para suportahan ang sarili ko, nagtrabaho ako nang part-time sa isang brother na kontratista. Natuto akong mag-install ng bubong, bintana, at pinto. Nang maglaon, dalawang taon akong nagboluntaryo sa isang relief team. Itinayo namin ang mga Kingdom Hall at bahay ng mga kapatid na sinalanta ng bagyo. Nang mabalitaan ko ang pangangailangan sa konstruksiyon sa South Africa, nag-aplay ako at naanyayahan. Dito sa Africa, lumilipat kami kada ilang linggo kapag nakakatapos kami ng isang Kingdom Hall project. Parang isang pamilya ang construction group namin—nakatira kami sa iisang bahay, sama-samang nag-aaral ng Bibliya, at sama-sama ring nagtatayo. Nag-e-enjoy rin akong mangaral kasama ng lokal na mga kapatid linggo-linggo. Hindi ko akalaing ganito kasaya ang kalalabasan ng mga plano ko noong bata pa ako.”

13. Bakit masaya ang mga kabataang naglilingkod sa Bethel?

13 Ang ilan na kumilos ayon sa mga plano nilang maglingkod kay Jehova nang buong panahon ay nasa Bethel na ngayon. Napakasayang maglingkod sa Bethel dahil ang lahat ng ginagawa roon ay para kay Jehova. Tumutulong ang pamilyang Bethel sa paglalaan ng espirituwal na pagkain. Sinabi ng Bethelite na si Dustin: “Siyam na taóng gulang pa lang ako, tunguhin ko nang maglingkod nang buong panahon, at nagpayunir ako pagka-graduate ko sa school. Pagkalipas ng isa’t kalahating taon, inanyayahan ako sa Bethel. Natuto akong mag-operate ng printing press at saka computer programming. Sa Bethel, personal kong naririnig ang mga report sa pagsulong ng gawain natin sa buong mundo. Gustong-gusto kong maglingkod dito kasi ang ginagawa namin ay nakakatulong para mapalapít ang mga tao kay Jehova.”

ANO ANG MGA PLANO MO PARA SA KINABUKASAN?

14. Anong paghahanda ang puwede mong gawin sa pagpasok sa buong-panahong ministeryo?

14 Paano ka makapaghahanda para maging buong-panahong ministrong Kristiyano? Higit sa lahat, espirituwal na mga katangian ang tutulong sa iyo para magtagumpay ka sa paglilingkod kay Jehova. Kaya maging masikap sa pag-aaral ng Salita ng Diyos, bulay-bulayin ang kahulugan ng pinag-aaralan mo, at ipahayag ang iyong pananampalataya sa panahon ng pagpupulong. Habang nag-aaral ka pa, puwede kang magkaroon ng karanasan at kasanayan bilang mángangarál ng mabuting balita. Maging interesado sa mga tao—mataktikang tanungin ang kanilang opinyon at pakinggan ang kanilang sagot. Magkusa ring tumulong sa mga gawain sa kongregasyon, gaya ng paglilinis at pagmamantini ng Kingdom Hall. Natutuwa si Jehova na gamitin ang mga mapagpakumbaba at nagkukusa. (Basahin ang Awit 110:3; Gawa 6:1-3) Inanyayahan ni apostol Pablo si Timoteo sa paglilingkod bilang misyonero dahil mayroon siyang “mabuting ulat mula sa mga kapatid.”—Gawa 16:1-5.

15. Anong paghahanda ang puwede mong gawin para magkaroon ka ng trabaho?

15 Karaniwan na, ang buong-panahong mga ministro ay nangangailangan ng trabaho. (Gawa 18:2, 3) Marahil sapat na ang maikling kurso para makakuha ka ng part-time job sa inyong lugar. Habang nagpaplano, tanungin ang inyong tagapangasiwa ng sirkito at ang mga payunir sa inyong sirkito kung anong trabaho ang praktikal para sa mga payunir. At, gaya ng sabi ng Bibliya, “igulong mo ang iyong mga gawain kay Jehova at ang iyong mga plano ay matibay na matatatag.”—Kaw. 16:3; 20:18.

16. Kung maglilingkod ka kay Jehova nang buong panahon sa iyong kabataan, paano ka nito maihahanda sa iba pang responsibilidad sa hinaharap?

16 Makatitiyak ka na gusto ni Jehova na “makapanghawakan [kang] mahigpit” sa isang maligayang kinabukasan. (Basahin ang 1 Timoteo 6:18, 19.) Ang buong-panahong paglilingkod habang nasa kabataan ka ay tutulong sa iyo na maging may-gulang na Kristiyano dahil makakasalamuha mo ang mga kapatid na kapareho mong naglilingkod nang buong panahon. Nakita rin ng marami na nakatulong ito para magkaroon sila ng matagumpay na pag-aasawa nang maglaon. Kadalasan, ang mga payunir bago ikasal ay nakapagpapatuloy sa pagpapayunir bilang mag-asawa.—Roma 16:3, 4.

17, 18. Bakit sangkot ang iyong puso sa paggawa mo ng mga plano?

17 Sangkot ang iyong puso sa paggawa mo ng mga plano. Sinasabi ng Awit 20:4 tungkol kay Jehova: “Ibigay niya nawa sa iyo ang ayon sa iyong puso, at ang lahat nawa ng iyong panukala [o, plano] ay tuparin niya.” Kaya pag-isipan kung ano ang gusto mong gawin sa iyong buhay. Isaalang-alang ang ginagawa ni Jehova sa ating panahon at kung paano ka makikipagtulungan sa kaniya. Pagkatapos, magplano ka para magawa mo ang nakalulugod sa kaniya.

18 Ang paglilingkod kay Jehova nang lubusan ay magdudulot sa iyo nang matinding kaligayahan dahil isa itong paraan ng pamumuhay na nagpaparangal sa kaniya. Kaya “magkaroon ka . . . ng masidhing kaluguran kay Jehova, at ibibigay niya sa iyo ang mga kahilingan ng iyong puso.”—Awit 37:4.

^ par. 7 Pinalitan na ng School for Kingdom Evangelizers.