‘Purihin si Jah!’—Bakit?
“Purihin ninyo si Jah, . . . sapagkat kaiga-igaya—ang papuri ay nararapat [sa kaniya].”—AWIT 147:1.
1-3. (a) Kailan malamang na isinulat ang Awit 147? (b) Ano ang matututuhan natin sa pag-aaral sa Awit 147?
KARAPAT-DAPAT purihin ang isa kung naging mahusay siya sa isang atas o nagpakita ng magandang katangiang Kristiyano. Kung totoo iyan sa mga tao, hindi ba mas marami tayong dahilan para purihin ang Diyos na Jehova? Pinupuri natin siya dahil sa kaniyang dakilang kapangyarihan, na makikita sa kaniyang mga nilikha. Pinupuri din natin siya dahil sa kaniyang pag-ibig sa sangkatauhan, na makikita sa paglalaan niya ng haing pantubos ng sarili niyang Anak.
2 Naudyukan ang manunulat ng ika-147 Awit na purihin si Jehova. Pinasigla rin niya ang iba na samahan siya sa pagpuri sa Diyos.—Basahin ang Awit 147:1, 7, 12.
3 Hindi natin alam kung sino ang sumulat ng awit na ito, pero malamang na nabuhay siya noong maisauli ni Jehova sa Jerusalem ang mga Israelita mula sa pagkatapon sa Babilonya. (Awit 147:2) Tiyak na naudyukan ang salmista na purihin si Jehova dahil naibalik na ang bayan ng Diyos sa kanilang lugar ng dalisay na pagsamba. Pero bumanggit din siya ng karagdagang mga dahilan. Ano ang mga iyon? Ikaw, ano ang mga dahilan mo para sumigaw ng “Hallelujah!”?—Awit 147:1, tlb. sa nwt-E.
PINAGAGALING NI JEHOVA ANG MGA MAY WASAK NA PUSO
4. Nang palayain ni Haring Ciro ang mga tapong Israelita, ano ang nadama nila, at bakit?
4 Isip-isipin ang nadama ng mga tapong Israelita noong nasa Babilonya sila. Kinukutya sila ng mga bumihag sa kanila: “Awitin ninyo para sa amin ang isa sa mga awit ng Sion.” Nang panahong iyon, tiwangwang na ang Jerusalem, ang kanilang “pangunahing dahilan ng pagsasaya” kay Jehova. (Awit 137:1-3, 6) Walang ganang umawit ang mga Judio. Wasak ang kanilang puso, at kailangan nila ng kaaliwan. Pero natupad ang inihula ng Diyos at iniligtas sila sa pamamagitan ni Ciro na hari ng Persia. Nilupig niya ang Babilonya at idineklara: “[Si Jehova] ang nag-atas sa akin na magtayo para sa kaniya ng isang bahay sa Jerusalem. . . . Sinuman sa inyo na mula sa kaniyang buong bayan, sumakaniya nawa si Jehova na kaniyang Diyos. Kaya paahunin siya.” (2 Cro. 36:23) Siguradong naging kaaliwan ito sa mga Israelita na nasa Babilonya noon!
5. Ano ang sinabi ng salmista tungkol sa kakayahan ni Jehova na magpagaling?
5 Nagbigay si Jehova ng kaaliwan, hindi lang sa bansang Israel sa kabuoan, kundi maging sa bawat indibiduwal. Ganiyan din si Jehova sa ngayon. Isinulat ng salmista: “Pinagagaling niya ang mga may pusong wasak, at tinatalian niya ang kanilang makikirot na bahagi.” (Awit 147:3) Oo, nagmamalasakit si Jehova sa mga may problema—pisikal man o emosyonal. Sa ngayon, gustong-gusto ni Jehova na maglaan sa atin ng kaaliwan at paginhawahin ang mga sugat sa ating damdamin. (Awit 34:18; Isa. 57:15) Nagbibigay siya ng karunungan at lakas para maharap natin ang anumang problema.—Sant. 1:5.
6. Paano tayo makikinabang sa sinabi ng salmista sa Awit 147:4? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
6 Sumunod, ibinaling ng salmista ang kaniyang pansin sa kalangitan at sinabing “tinutuos [ni Jehova] ang bilang ng mga bituin” at ang mga ito ay “tinatawag niya ayon sa kanilang mga pangalan.” (Awit 147:4) Bakit parang nagbago ang paksa ng salmista? Pag-isipan ito: Nakikita ng salmista ang mga bituin, pero wala siyang kaide-ideya kung ilan talaga ang bilang ng mga ito. Sa paglipas ng mga taon, dumami nang husto ang mga bituin na puwede nating makita. Ayon sa mga siyentipiko, sa Milky Way galaxy pa lang, bilyon-bilyon na ang mga bituin. Pero trilyon-trilyon ang galaksi sa uniberso! Kaya imposibleng mabilang natin ang lahat ng bituin! Pero ang lahat ng ito ay binibigyan ng Maylikha ng pangalan o katawagan. Para kay Jehova, ang bawat bituin ay natatangi. (1 Cor. 15:41) Kumusta naman ang mga tao dito sa lupa? Kung alam ng Diyos ang kinaroroonan ng bawat bituin ngayon, tiyak na kilalá ka rin niya bilang indibiduwal—kung nasaan ka, kung ano ang nararamdaman mo, at kung ano ang partikular na kailangan mo ngayon!
7, 8. (a) Kapag inililigtas ni Jehova sa mga pagsubok ang kaniyang bayan, ano ang isinasaalang-alang niya? (b) Ilarawan ang pagkamahabagin ni Jehova sa pagtulong sa di-sakdal na mga tao.
7 Hindi lang interesado si Jehova sa iyo bilang indibiduwal—mayroon din siyang kapangyarihan at empatiya na tulungan ka sa mga problema mo sa buhay. (Basahin ang Awit 147:5.) Baka pakiramdam mo ay napakahirap ng sitwasyon mo o napakabigat ng dinadala mo. Alam ng Diyos ang iyong mga limitasyon, ‘na inaalaalang ikaw ay alabok.’ (Awit 103:14) Dahil hindi tayo sakdal, nauulit-ulit natin ang ating mga pagkakamali, at pinanghihinaan tayo ng loob. Kung puwede lang sanang hindi nadudulas ang ating dila, hindi tayo nakadarama ng makalamang pagnanasa, at hindi tayo naiinggit sa pag-aari ng iba! Hindi nararamdaman ni Jehova ang mga kahinaang ito, pero nauunawaan niya tayo.—Isa. 40:28.
8 Marahil naranasan mo na ang tulong ng makapangyarihang kamay ni Jehova sa harap ng pagsubok. (Isa. 41:10, 13) Si Kyoko, isang sister na payunir, ay talagang pinanghinaan ng loob matapos siyang lumipat sa isang bagong atas. Paano ipinakita ni Jehova na nauunawaan niya ang pinagdaraanan ni Kyoko? Sa kaniyang bagong kongregasyon, nakita ni Kyoko na maraming kapatid ang nakauunawa sa kaniya. Para bang sinasabi ni Jehova sa kaniya: “Mahal kita, hindi lang dahil payunir ka, kundi dahil anak kita at nakaalay ka sa akin. Gusto kong maging maligaya ka bilang aking Saksi!” Sa kalagayan mo, paano ipinakita ng Makapangyarihan-sa-lahat na talagang nauunawaan ka niya?
INILALAAN NI JEHOVA ANG ATING PANGANGAILANGAN
9, 10. Ano ang inuuna ni Jehova sa pagbibigay ng tulong? Magbigay ng halimbawa.
9 Mayroon tayong materyal na mga pangangailangan. Halimbawa, baka nag-aalala ka na kapusin ang inyong pagkain. Pero tandaan na si Jehova ang lumikha ng likas na mga siklo ng lupa para makapagluwal ito ng pagkain, maging sa “mga inakáy na uwak na laging tumatawag” para dito. (Basahin ang Awit 147:8, 9.) Kung patuloy niyang pinakakain ang mga uwak, makatitiyak kang ilalaan din ni Jehova ang materyal na mga pangangailangan mo.—Awit 37:25.
10 Pero ang pinakamahalaga, inilalaan ni Jehova ang ating espirituwal na pangangailangan, at binibigyan niya tayo ng “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.” (Fil. 4:6, 7) Tingnan kung paano inalalayan ni Jehova si Mutsuo at ang asawa nito nang manalasa ang tsunami sa Japan noong 2011. Nakaligtas sila dahil umakyat sila sa bubong ng kanilang bahay. Pero nawala ang halos lahat ng pag-aari nila. Nagpalipas sila ng magdamag sa madilim at malamig na silid sa ikalawang palapag ng kanilang nawasak na bahay. Kinabukasan, naghanap sila ng puwedeng magpatibay sa kanila sa espirituwal. Ang tanging aklat na nakita nila ay ang 2006 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova. Nakita ni Mutsuo ang pamagat na “Mga Tsunami na Pinakamaraming Pinatay.” Tungkol ito sa lindol sa Sumatra noong 2004 na lumikha ng pinakamapaminsalang mga tsunami na naitala. Lumuluha si Mutsuo at ang asawa niya habang binabasa nila ang mga karanasan doon. Naramdaman nila ang maibiging pangangalaga ng Diyos dahil nagbigay siya ng espirituwal na pampatibay sa mismong pagkakataong kailangan nila ito. Maibigin ding inilaan ni Jehova ang kanilang materyal na pangangailangan. Nakatanggap sila ng mga relief supply mula sa mga kapatid. Pero higit sa lahat, napalakas sila sa mga pagdalaw ng mga kinatawan ng organisasyon. Sinabi ni Mutsuo: “Parang nasa tabi lang namin si Jehova at inaalagaan kami. Kay laking kaaliwan nito!” Oo, inilalaan muna ng Diyos ang ating espirituwal na pangangailangan, at saka niya sinasapatan ang ating materyal na pangangailangan.
MAKINABANG SA TULONG NG DIYOS
11. Ano ang kahilingan para makinabang tayo sa nagliligtas na kapangyarihan ng Diyos?
11 Si Jehova ay laging handang tumulong para ‘paginhawahin ang maaamo.’ (Awit 147:6a) Pero paano tayo makikinabang dito? Kailangan natin ng magandang kaugnayan sa kaniya. Para magkaroon tayo nito, dapat nating linangin ang kaamuan. (Zef. 2:3) Ang maaamo ay naghihintay sa Diyos para ituwid ang mga kamalian at pawiin ang kawalang-katarungang nararanasan nila. Nasa maaamo ang pagsang-ayon ni Jehova.
12, 13. (a) Para makinabang sa tulong ng Diyos, ano ang dapat nating iwasan? (b) Kanino nalulugod si Jehova?
Awit 147:6b) Ayaw nating mangyari sa atin iyan! Para makinabang sa matapat na pag-ibig ni Jehova at makaiwas sa kaniyang galit, kailangan nating kapootan ang kinapopootan niya. (Awit 97:10) Halimbawa, dapat nating kapootan ang seksuwal na imoralidad. Ano ang ibig sabihin nito? Dapat nating iwasan ang anumang maaaring umakay sa atin sa imoralidad, kasama na ang pornograpya. (Awit 119:37; Mat. 5:28) Baka hindi ito madaling gawin, pero sulit na sulit ang anumang pagsisikap natin para sa pagpapala ni Jehova.
12 Pero “ibinababa [ng Diyos] sa lupa ang mga balakyot.” (13 Sa labanang ito, dapat tayong umasa kay Jehova, hindi sa ating sarili o sa ibang tao. Malulugod kaya siya kung aasa tayo sa “kalakasan ng kabayo” o sa matitibay na “binti ng tao”? Hindi! (Awit 147:10) Sa halip, dapat tayong lumapit kay Jehova at magsumamo para sa kaniyang tulong. Di-tulad ng mga taong tagapayo, hindi siya kailanman magsasawang makinig sa ating mga pakiusap, kahit paulit-ulit tayong humihingi ng tulong. “Si Jehova ay nakasusumpong ng kaluguran sa mga may takot sa kaniya, sa mga naghihintay sa kaniyang maibiging-kabaitan.” (Awit 147:11) Dahil sa kaniyang maibiging-kabaitan, o matapat na pag-ibig, lagi siyang nariyan para tulungan tayong madaig ang ating maling mga pagnanasa.
14. Sa ano kumbinsido ang salmista?
14 Tinitiyak ni Jehova na tutulungan niya ang kaniyang bayan sa panahong kailangan nila ito. Hinggil sa pagsasauli sa Jerusalem, umawit ang salmista tungkol kay Jehova: “Tinibayan niya ang mga halang ng iyong mga pintuang-daan; pinagpala niya ang iyong mga anak sa loob mo. Naglalagay siya ng kapayapaan sa iyong teritoryo.” (Awit 147:13, 14) Panatag ang salmista dahil kumbinsido siya na patitibayin ng Diyos ang mga pintuang-daan ng lunsod para protektahan ang kaniyang mga mananamba!
15-17. (a) Kung minsan, ano ang nadarama natin sa harap ng pagsubok? At paano ginagamit ni Jehova ang kaniyang Salita para tulungan tayo? (b) Ilarawan kung paano ‘mabilis na tumatakbo ang salita ng Diyos.’
15 Kung mapaharap ka sa mga problemang magdudulot ng kabalisahan, mabibigyan ka ni Jehova ng karunungan para makayanan mo ang mga iyon. Sinabi ng salmista na “isinusugo [ng Diyos] ang kaniyang pananalita sa lupa; mabilis na tumatakbo ang kaniyang salita.” At matapos sabihing si Jehova ang ‘nagbibigay ng niyebe, nagpapangalat ng nagyelong hamog, at naghahagis ng yelo,’ o graniso, itinanong ng salmista: “Sa harap ng kaniyang lamig ay sino ang makatatayo?” Pagkatapos, sinabi niya na “isinusugo [ni Jehova] ang kaniyang salita at tinutunaw niya ang mga iyon.” (Awit 147:15-18) Oo, ang Diyos na marunong at makapangyarihan-sa-lahat, na kumokontrol sa graniso at niyebe, ay makatutulong sa iyo na malampasan ang anumang problemang mapapaharap sa iyo.
16 Sa ngayon, ginagabayan tayo ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya. “Mabilis na tumatakbo ang kaniyang salita” sa diwa na agad niyang ibinibigay ang patnubay na kailangan natin. Isip-isipin kung paano ka nakikinabang sa pagbabasa ng Bibliya, sa pag-aaral sa mga publikasyon ng “tapat at maingat na alipin,” sa panonood ng JW Broadcasting, sa pagpunta sa jw.org, sa pakikipag-usap sa mga elder, at sa pakikipagsamahan sa mga kapuwa Kristiyano. (Mat. 24:45) Tiyak na nakita mong mabilis na naglalaan si Jehova ng gabay para sa iyo!
17 Naranasan ni Simone ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos. Napakababa ng tingin
niya sa sarili at nag-aalinlangan siya kung nalulugod ang Diyos sa kaniya. Pero kapag pinanghihinaan siya ng loob, nagpupursigi siya sa pananalangin para sa tulong ni Jehova. Naging abala rin siya sa personal na pag-aaral ng Bibliya. “Wala pang sitwasyon na hindi ko naramdaman ang lakas at patnubay ni Jehova,” ang sabi niya. Nakatulong ito sa kaniya na makapanatiling positibo hangga’t maaari.18. Bakit mo nadaramang sinasang-ayunan ka ng Diyos?
18 Alam ng salmista na sinasang-ayunan ng Diyos ang kaniyang bayan noon. Sila lang ang bansang pinagkalooban ng Diyos ng kaniyang “salita” at ng kaniyang ‘mga tuntunin at mga hudisyal na pasiya.’ (Basahin ang Awit 147:19, 20.) Sa ngayon, pinagpala rin tayo dahil sa buong mundo, tayo lang ang tinatawag sa pangalan ng Diyos. Dahil kilalá natin si Jehova at ginagabayan tayo ng kaniyang Salita, mayroon tayong malapít na kaugnayan sa kaniya. Tulad ng manunulat ng Awit 147, hindi ba marami ka ring magagandang dahilan para sumigaw ng ‘Purihin si Jah!’ at pasiglahin ang iba na gawin din iyon?