Unang Liham sa mga Taga-Corinto 3:1-23
Study Notes
gatas, at hindi ng matigas na pagkain: Nakakatulong ang gatas para lumaki at lumakas ang mga bata. Sa katulad na paraan, nakakatulong ang pangunahing mga turo sa Bibliya para sumulong at lumakas sa espirituwal ang mga baguhang Kristiyano. (Heb 5:12–6:2) Mahalaga sa kaligtasan ang pangunahing mga katotohanang ito. (1Pe 2:2) Pero gusto ni Pablo na “sumulong . . . sa pagiging maygulang” ang mga Kristiyano sa Corinto, at pinasigla niya ang mga Hebreong Kristiyano sa Jerusalem na gawin din ito. (Heb 6:1) Kaya idiniin niya na mahalagang kumain ng matigas na pagkain, o ng malalalim na espirituwal na katotohanan.
Apolos: Tingnan ang study note sa 1Co 1:12.
lingkod: Kadalasan nang ginagamit ng Bibliya ang salitang Griego na di·aʹko·nos para tumukoy sa mga patuloy na naglilingkod sa iba nang mapagpakumbaba. (Tingnan ang study note sa Mat 20:26.) Sa Ro 15:8, ginamit ang termino para tumukoy kay Jesus. (Tingnan ang study note.) Sa talatang ito (1Co 3:5), sinabi ni Pablo na siya at si Apolos ay mga lingkod na tumulong sa mga taga-Corinto na maging mánanampalatayá. Kasama sa paglilingkod nila, gayundin ng lahat ng iba pang bautisadong Kristiyano, ang pagsapat sa espirituwal na pangangailangan ng ibang tao.—Luc 4:16-21.
Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig: Inihalintulad ni Pablo ang ministeryong Kristiyano sa gawain ng isang magsasaka. Para bang nagtanim si Pablo ng binhi sa isang bukirin nang dalhin niya ang mabuting balita ng Kaharian sa mga taga-Corinto. Diniligan at inalagaan ni Apolos ang binhing iyon nang dumalaw rin siya sa mga taga-Corinto para turuan pa sila. (Gaw 18:24; 19:1) Pero ang espiritu ng Diyos ang dahilan kaya sumulong sa espirituwal ang bagong mga alagad na ito. Itinuturo ng ilustrasyon ni Pablo na ang espirituwal na pagsulong ay hindi nakadepende sa pagsisikap ng iisang tao. Lahat ay mga ministro na nagtutulungan bilang “mga kamanggagawa ng Diyos.” (1Co 3:9) Pinagpapala ng Diyos ang pagsisikap at pagtutulungan ng mapagsakripisyong mga lingkod niya, kaya siya talaga ang dahilan ng paglago.
iisa: O “may iisang layunin.” Dito, inilalarawan ni Pablo ang pagkakaisa ng mga ministrong Kristiyano habang nakikipagtulungan sila sa isa’t isa at sa Diyos. (1Co 3:9) Ang salitang Griego na ginamit dito para sa “iisa” ay walang kasarian (nangangahulugang “iisang bagay”), hindi panlalaki (nangangahulugang “iisang tao”). Kaya ang paggamit ni Pablo ng terminong “iisa” ay tumutukoy sa pagkakaisa at pagtutulungan.—Tingnan ang study note sa Ju 10:30; 17:11, 21, kung saan ginamit din sa ganitong paraan ang salitang Griego para sa “iisa.”
kamanggagawa ng Diyos: Ang salitang Griego para sa “kamanggagawa,” sy·ner·gosʹ, ay lumitaw nang mahigit 10 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at karamihan nito ay nasa mga liham ni Pablo. Tumutukoy ito sa lahat ng nakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita. (Ro 16:9, 21; 2Co 1:24; 8:23; Fil 2:25; 4:3; Col 4:11; Flm 1, 24) Dito, idiniriin ni Pablo ang malaking pribilehiyo ng mga ministrong Kristiyano na maging “kamanggagawa ng Diyos.” (Tingnan ang study note sa 1Co 3:6.) Ganito rin ang punto ni Pablo sa 2Co 6:1 nang tawagin ng apostol ang mga Kristiyano na “mga kamanggagawa niya,” o ng Diyos.—2Co 5:20; tingnan ang study note sa Ro 16:3.
Kayo ang bukid ng Diyos na sinasaka niya: Ang Diyos at hindi si Pablo ang talagang May-ari ng “bukid,” na tumutukoy sa sumusulong na mga Kristiyano. Kung walang pagpapala at espiritu ng Diyos, hindi magbubunga ang lahat ng pagsisikap ni Pablo o ni Apolos. (Tingnan ang study note sa 1Co 3:6.) Dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang terminong isinaling “bukid . . . na sinasaka” (sa Griego, ge·orʹgi·on). Kahit na maunlad ang Corinto dahil sa kalakalan, kilalá rin ito sa mabungang lupain nito. Bukod sa ilustrasyon tungkol sa pagsasaka, gumamit din si Pablo ng isa pang ilustrasyon sa talatang ito—tungkol naman sa pagtatayo. (Tingnan ang study note sa gusaling itinayo ng Diyos sa talatang ito.) Ibinagay ni Pablo ang mensahe niya sa iba’t ibang miyembro ng kongregasyon, dahil ang pagtatayo at pagsasaka ay dalawang karaniwang gawain noong panahong iyon.
gusaling itinayo ng Diyos: Dito, inihalintulad ni Pablo sa isang gusali ang kongregasyong Kristiyano. Sa sumunod na talata, inihalintulad niya ang sarili niya sa isang tagapagtayo na gumagawang kasama ng Diyos para sa isang proyekto—ang pagtulong sa mga Kristiyanong alagad na magkaroon ng matibay na pundasyon. (1Co 3:10-15) Sa 1Co 3:16 (tingnan ang study note), tinawag ni Pablo na “templo ng Diyos” ang kongregasyon. Sa Efe 2:21, 22, tinawag itong “banal na templo” na tinitirhan ng Diyos “sa pamamagitan ng kaniyang espiritu.” Ibig sabihin, ginagamit ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu, o di-nakikitang aktibong puwersa, para pakilusin ang mga miyembro ng kongregasyon, palakasin sila, at tulungang magkaroon ng mga katangiang bunga nito. (Gal 5:22, 23) Gumamit si apostol Pedro ng katulad na paghahambing nang tawagin niyang “buháy na bato” ang mga alagad. (1Pe 2:5) Ang mga apostol at mga propeta ang pundasyon, at si Jesus ang “pinakamahalagang batong pundasyon.”—Efe 2:20.
mahusay na tagapagtayo: O “marunong na tagapangasiwa sa mga gawain.” Karaniwan na, ang “tagapagtayo” (sa Griego, ar·khi·teʹkton, na puwedeng literal na isaling “punong manggagawa”) ay nasa mismong lugar ng konstruksiyon at nangunguna sa pagtatayo. Siya ang pumipili sa mga manggagawa at nangangasiwa sa trabaho nila. Sa talatang ito, inihalintulad ni Pablo ang sarili niya sa isang tagapagtayo na gumagawang kasama ng Diyos para sa isang proyekto—ang pagtulong sa mga Kristiyanong alagad na magkaroon ng matibay na pundasyon. (1Co 3:9-16) Dito lang lumitaw ang terminong ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan; ang kaugnay na terminong Griego na teʹkton ay isinasaling “karpintero” at ginamit para kay Jesus at sa ama-amahan niyang si Jose.—Tingnan ang study note sa Mat 13:55; Mar 6:3.
ginto, pilak, mamahaling bato, kahoy, dayami, o pinaggapasan: Pinasigla ni Pablo ang mga Kristiyano sa Corinto na turuang mabuti ang mga bagong alagad na pinangaralan niya noon at tulungan silang magkaroon ng mga katangiang Kristiyano. (1Co 3:6) Bilang ilustrasyon, pinagkumpara niya ang matitibay na materyales sa pagtatayo na hindi natutupok ng apoy at ang mahihinang materyales na madaling masunog. Kahit mayaman ang Corinto, iba’t ibang klase ng tao ang nakatira dito kaya siguradong parehong makikita rito ang matitibay at marurupok na gusali. May magagarang templo na gawa sa malalaki at mamahaling tipak ng bato at posibleng napapalamutian ng ginto at pilak. Posibleng makikita ang matitibay na gusaling ito di-kalayuan sa mga kubo at tolda sa pamilihan na gawa sa magagaspang na kahoy at dayami. Sa makasagisag na pagtatayo, ang ginto, pilak, at mamahaling bato ay lumalarawan sa mga katangiang gaya ng matibay na pananampalataya, makadiyos na karunungan, kaunawaan, katapatan, at pag-ibig at pagpapahalaga kay Jehova at sa mga utos niya. Mahalaga ang ganitong mga katangian para magkaroon ang isang Kristiyano ng matibay na kaugnayan sa Diyos na Jehova na hindi masisira sa harap ng pagsubok.
gaya siya ng isang taong nakaligtas sa sunog: Kailangang gumamit ang isang ministrong Kristiyano ng materyales na di-natutupok ng apoy para sa kaniyang proyekto ng pagtatayo—ang pagtulong niya sa kaniyang estudyante na magkaroon ng mga katangiang Kristiyano na tutulong dito na harapin ang mga pagsubok. (1Co 3:10-14) Kung hindi iyan gagawin ng tagapagturo, posibleng “masunog” ang itinayo niya kapag napaharap ito sa maapoy na pagsubok. (Mat 28:19, 20; Ro 2:21, 22; 1Ti 4:16; 2Ti 2:15; 4:2) Ang mismong guro ay puwede ring magdusa na gaya ng isang taong nasunugan ng lahat ng pag-aari at muntik na ring mamatay. Ginamit ni Pablo ang ekspresyong “nakaligtas sa sunog” sa makasagisag na paraan, gaya ng iba pang Griegong manunulat noon na gumamit ng ekspresyong “nakaligtas sa apoy” para tukuyin ang isang tao na muntik nang mapahamak dahil sa isang pagsubok o mahirap na sitwasyon.
kayo ang templo ng Diyos: Isa ito sa maraming pagkakataon na ikinumpara ng Bibliya sa templo ang mga tao. Tinukoy ni Jesus na isang templo ang sarili niya sa Ju 2:19, at inihula ng Kasulatan na siya ang magiging “pangunahing batong-panulok” ng isang espirituwal na gusali. (Aw 118:22; Isa 28:16, 17; Gaw 4:10, 11) Ang pandiwang Griego na ginamit sa ekspresyong “kayo ang” ay nasa anyong pangmaramihan at ikalawang panauhan, na nagpapakitang ang buong kongregasyon ang bumubuo sa “templo ng Diyos” kung saan nananatili ang espiritu ng Diyos. Ang pinahirang mga Kristiyanong ito na naglilingkod bilang mga katulong na saserdote ay “ang gusaling itinayo ng Diyos” (1Co 3:9; tingnan ang study note), kaya idiniriin sa talata 17 na banal ang espirituwal na templong ito, at binababalaan nito ang sinumang gustong dumhan ang templo. Sa Efe 2:20-22 at 1Pe 2:6, 7, gumamit sina Pablo at Pedro ng ganito ring paghahalimbawa para kay Jesus at sa mga tagasunod niya.
sistemang ito: Tingnan ang study note sa 1Co 1:20.
gaya nga ng nasusulat: Dito, sinipi ni Pablo si Elipaz na Temanita. Nang sabihin ni Elipaz kay Job na “ang marurunong ay hinuhuli niya [ng Diyos] sa sarili nilang bitag,” mali ang puntong gusto niyang palitawin. (Job 4:1; 5:13) Hindi sinusuportahan ni Pablo ang lahat ng sinabi ni Elipaz, dahil karamihan dito ay di-totoo o ginamit sa maling konteksto. (Job 42:7) Pero may katotohanan ang sinabi ni Elipaz sa Job 5:13, dahil makikita rin ang ganitong diwa sa iba pang bahagi ng Kasulatan. (Aw 10:2; ihambing ang Job 5:17 sa Aw 94:12.) Sa patnubay ng espiritu, sinipi ni Pablo ang pananalitang ito para ipakita na hindi mapapantayan ng karunungan ng tao ang karunungan ng Diyos.
Jehova: Sa pagsiping ito sa Aw 94:11, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. C1 at C2.
Cefas: Tingnan ang study note sa 1Co 1:12.