Mga Gawa ng mga Apostol 20:1-38
Talababa
Study Notes
Media

Karaniwan nang sa gabi naghahanap ng mabibiktima ang mga lobo sa Israel. (Hab 1:8) Ang mga lobo ay mabangis, matakaw, matapang, at sugapa, dahil madalas na mas marami pa ang pinapatay nilang tupa kaysa sa kaya nilang kainin o tangayin. Sa Bibliya, ang mga hayop at ang mga katangian at ginagawa ng mga ito ay madalas na ginagamit para lumarawan sa magaganda at pangit na mga katangian. Halimbawa, sa hula ni Jacob bago siya mamatay, inilarawan niya ang tribo ni Benjamin bilang mandirigmang tulad ng lobo (Canis lupus). (Gen 49:27) Pero mas madalas na gamitin ang lobo para lumarawan sa pangit na mga katangian, gaya ng pagiging mabangis, sakim, walang awa, at tuso. Inihalintulad sa lobo ang huwad na mga propeta (Mat 7:15), mga umuusig sa mga Kristiyano (Mat 10:16; Luc 10:3), at huwad na mga guro sa loob ng kongregasyong Kristiyano na nagsasapanganib dito (Gaw 20:29, 30). Alam na alam ng mga pastol kung gaano kapanganib ang mga lobo. Sinabi ni Jesus na “kapag nakita ng taong upahan na dumarating ang lobo, iniiwan niya ang mga tupa at tumatakas.” Di-gaya ng taong upahan, na ‘walang malasakit sa mga tupa,’ si Jesus, ang “mabuting pastol,” ay nagbigay ng “buhay niya alang-alang sa mga tupa.”—Ju 10:11-13.