Hanapin ang Tunay na Kayamanan
“Makipagkaibigan kayo . . . sa pamamagitan ng di-matuwid na kayamanan.”—LUC. 16:9.
1, 2. Bakit hindi mawawala ang mga dukha sa sistemang ito ng mga bagay?
MALUPIT at di-patas ang ekonomiya sa ngayon. Maraming kabataan ang hiráp makakita ng trabaho. Isinasapanganib ng marami ang kanilang buhay, makapunta lang sa mas mauunlad na bansa. At kahit sa mayayamang bansa, marami pa rin ang mahihirap. Sa buong mundo, ang mayayaman ay lalong yumayaman habang ang mahihirap ay lalong naghihirap. Ayon sa mga pagtaya kamakailan, ang kayamanan ng pinakamayamang 1 porsiyento ng populasyon ng mundo ay katumbas ng pinagsama-samang kayamanan ng natitirang 99 na porsiyento. Maliwanag, bilyon-bilyon ang naghihirap samantalang sobra-sobra ang kayamanan ng iba, na tatagal pa nga nang maraming henerasyon. Kaya naman nasabi ni Jesus: “Lagi ninyong kasama ang mga dukha.” (Mar. 14:7) Bakit may gayong di-pagkakapantay-pantay sa mundo?
2 Alam ni Jesus na hindi magbabago ang kasalukuyang sistema ng ekonomiya hangga’t hindi dumarating ang Kaharian ng Diyos. Sinasabi ng Bibliya na ang mga “mangangalakal”—ang sakim na sistema ng komersiyo—kasama ng politika at relihiyon, ay bahagi ng sanlibutan ni Satanas. (Apoc. 18:3) Bagaman ang bayan ng Diyos ay lubusang nakahiwalay sa politika at huwad na relihiyon, karamihan sa kanila ay hindi kayang lubusang humiwalay sa komersiyal na bahagi ng sanlibutan ni Satanas.
3. Anong mga tanong ang sasagutin natin?
3 Bilang mga Kristiyano, makabubuting suriin natin ang ating pananaw sa kasalukuyang sistema ng komersiyo. Tanungin ang sarili: ‘Paano ko magagamit ang aking materyal na mga pag-aari para maipakita ang katapatan ko sa Diyos? Paano ko mababawasan ang pagkasangkot ko sa mundo ng komersiyo? Anong mga karanasan ang nagpapakita na ang bayan ng Diyos ay lubusang nagtitiwala sa kaniya sa mahirap na kalagayan ngayon?’
ANG DI-MATUWID NA KATIWALA
4, 5. (a) Ano ang nangyari sa katiwala sa ilustrasyon ni Jesus? (b) Anong payo ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod?
4 Basahin ang Lucas 16:1-9. Pinag-iisip tayo ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa di-matuwid na katiwala. Inakusahan ng pag-aaksaya ang katiwalang ito kung kaya nagpasiya ang kaniyang panginoon na tanggalin siya sa puwesto. * Pero kumilos siya nang may “praktikal na karunungan” dahil ‘nakipagkaibigan’ siya sa mga makatutulong sa kaniya kapag nawalan na siya ng trabaho. Hindi tinuturuan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na kumilos sa di-matuwid na paraan para makaraos sa mundong ito. Sinabi niya na “mga anak ng sistemang ito ng mga bagay” ang gumagawa ng ganito. Pero ginamit niya ang ilustrasyong ito para ituro ang isang mahalagang aral.
5 Alam ni Jesus na gaya ng katiwalang biglang nalagay sa mahirap na sitwasyon, karamihan sa mga tagasunod niya ay kailangang maghanapbuhay sa di-makatarungang mundong ito. Kaya naman pinayuhan niya sila: “Makipagkaibigan kayo . . . sa pamamagitan ng di-matuwid na kayamanan, upang kapag nabigo ang mga iyon ay tanggapin nila [ni Jehova at ni Jesus] kayo sa walang-hanggang mga tahanang dako.” Ano ang matututuhan natin dito?
6. Bakit natin masasabi na ang kasalukuyang sistema ng komersiyo ay hindi bahagi ng layunin ng Diyos?
6 Hindi ipinaliwanag ni Jesus kung bakit niya tinawag na “di-matuwid” ang kayamanan, pero ipinakikita ng Bibliya na hindi bahagi ng layunin ng Diyos ang komersiyalismo. Halimbawa, saganang inilaan ni Jehova ang mga pangangailangan nina Adan at Eva sa Eden. (Gen. 2:15, 16) Noong unang siglo, matapos ibuhos ng Diyos ang banal na espiritu sa kongregasyon ng mga pinahiran, “wala ni isa man ang nagsabi na ang alinman sa mga bagay na pag-aari niya ay sa kaniyang sarili; kundi taglay nila ang lahat ng bagay para sa lahat.” (Gawa 4:32) Sinabi ni propeta Isaias na darating ang panahon na lahat ng tao ay masisiyahan sa saganang likas na yaman ng lupa. (Isa. 25:6-9; 65:21, 22) Samantala, kailangan ng mga tagasunod ni Jesus ang “praktikal na karunungan” para makapaghanapbuhay gamit ang “di-matuwid na kayamanan” ng sanlibutang ito habang nagsisikap silang palugdan ang Diyos.
MATALINONG PAGGAMIT NG DI-MATUWID NA KAYAMANAN
7. Anong payo ang mababasa sa Lucas 16:10-13?
7 Basahin ang Lucas 16:10-13. Ang katiwala sa ilustrasyon ni Jesus ay nakipagkaibigan para sa pansariling kapakinabangan. Pero hinimok ni Jesus ang mga tagasunod niya na magkaroon ng mga kaibigan sa langit. Ipinakikita ng sumunod na mga talata sa ilustrasyon na ang paggamit ng “di-matuwid na kayamanan” ay nauugnay sa katapatan sa Diyos. Ang punto ni Jesus? ‘Mapatutunayan nating tayo ay tapat’ sa paraan ng paggamit natin sa kayamanang iyon. Paano?
8, 9. Magbigay ng mga halimbawa ng mga nagpakita ng katapatan sa paggamit ng di-matuwid na kayamanan.
8 Ang isang paraan para maipakitang tapat Mat. 24:14) Isang batang babae sa India ang may maliit na kahon na pinag-iipunan niya ng mga barya, kasama ng pambili sana niya ng mga laruan. Nang mapunô ang kahon, ibinigay niya ang pera para magamit sa gawaing pangangaral. Isang brother sa India na may taniman ng buko ang nagbigay sa Malayalam remote translation office ng napakaraming buko. Naisip niya na dahil bumibili ng buko ang translation office, mas makatutulong siya kung buko ang iaabuloy niya sa halip na pera. Iyan ay “praktikal na karunungan.” Ang mga kapatid naman sa Greece ay regular na nagbibigay ng olive oil, keso, at iba pang pagkain para sa pamilyang Bethel.
tayo sa paggamit ng materyal na mga bagay ay ang pag-aabuloy sa pambuong-daigdig na gawaing pangangaral na inihula ni Jesus. (9 Ipinagamit naman ng isang brother na taga-Sri Lanka, pero naninirahan na ngayon sa ibang bansa, ang kaniyang property para sa mga pulong at asamblea, at para matirhan ng mga naglilingkod nang buong panahon. Sakripisyo ito sa pinansiyal, pero malaking tulong ito sa mga mamamahayag doon na nangangailangan. Sa isang bansa naman kung saan ipinagbabawal ang gawain, ipinagagamit ng mga kapatid ang kanilang mga tahanan para maging Kingdom Hall. Dahil dito, may dakong mapagpupulungan ang maraming payunir at iba pa na kapos sa pinansiyal.
10. Ano ang ilang pagpapalang tinatanggap natin kapag bukas-palad tayo?
10 Ipinakikita ng mga halimbawang ito na ang bayan ng Diyos ay “tapat sa pinakakaunti.” (Luc. 16:10) Ginagamit nila ang materyal na kayamanan, na mas mababang uri kaysa sa espirituwal na kayamanan, para makinabang ang iba. Ano ang nadarama ng mga kaibigang ito ni Jehova sa pagsasakripisyo nila? Alam nila na ang pagiging bukas-palad ay isang paraan para magtamo ng “tunay” na kayamanan. (Luc. 16:11) Ikinuwento ng isang sister, na regular na nag-aabuloy sa gawaing pang-Kaharian, ang pagpapalang natanggap niya: “Dahil naging bukas-palad ako sa materyal, may napansin akong kakaiba sa sarili ko sa nakalipas na mga taon. Miyentras mas bukas-palad ako sa materyal, mas nagiging mapagbigay rin ang saloobin ko sa iba. Mas naging mapagpatawad ako, mapagpasensiya, at mas natatanggap ko na ang mga kabiguan at payo.” Napatunayan ng marami na nakapagpapayaman sa espirituwal ang pagiging bukas-palad.—Awit 112:5; Kaw. 22:9.
11. (a) Paano tayo nakapagpapakita ng “praktikal na karunungan” kapag bukas-palad tayo? (b) Anong pagpapantay-pantay ng pondo ang nagaganap sa bayan ng Diyos? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
11 Nakapagpapakita rin tayo ng “praktikal na karunungan” kapag ginagamit natin ang ating materyal na mga pag-aari para tulungan ang iba sa kanilang ministeryo. Halimbawa, kahit hindi tayo makapaglingkod nang buong panahon o makalipat sa ibang bansa kung saan mas malaki ang pangangailangan, alam natin na ang ating donasyon ay nakatutulong sa iba. (Kaw. 19:17) Dahil sa ating mga abuloy, nailalaan ang literatura at natutustusan ang gawaing pangangaral sa mahihirap na bansa kung saan napakalaki ng espirituwal na pagsulong. Sa loob ng maraming taon, sa mga bansang gaya ng Congo, Madagascar, at Rwanda, ang mga kapatid ay kailangang pumili kung bibili sila ng pagkain para sa pamilya o ng mga kopya ng Bibliya, na kung minsan ay katumbas ng isang-linggo o isang-buwang sahod. Pero ngayon, sa tulong ng abuloy ng iba at ng “pagpapantay-pantay” ng mga pondo, ang organisasyon ni Jehova ay nagsasalin at namamahagi ng mga Bibliya nang libre sa bawat miyembro ng pamilya, pati na sa kanilang mga Bible study. (Basahin ang 2 Corinto 8:13-15.) Kaya naman, ang mga nagbibigay at ang mga tumatanggap ay parehong nagiging kaibigan ni Jehova.
BAWASAN ANG PAKIKISANGKOT SA MUNDO NG KOMERSIYO
12. Paano ipinakita ni Abraham na nagtitiwala siya sa Diyos?
12 Maaari din tayong maging kaibigan ni Jehova kung babawasan natin ang pakikisangkot sa mundo ng komersiyo at maghahanap tayo ng “tunay” na kayamanan. Dahil sa pananampalataya, iniwan ni Abraham ang maunlad na lunsod ng Ur para manirahan sa mga tolda at maging kaibigan ni Jehova. (Heb. 11:8-10) Lagi siyang umaasa sa Diyos, ang Pinagmumulan ng tunay na kayamanan, at hindi siya naghanap ng materyal na pakinabang. (Gen. 14:22, 23) Pinasigla tayo ni Jesus na magkaroon ng ganiyang pananampalataya. Sinabi niya sa isang mayamang binata: “Kung ibig mong maging sakdal, humayo ka at ipagbili mo ang iyong mga pag-aari at ibigay mo sa mga dukha at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit, at halika maging tagasunod kita.” (Mat. 19:21) Ang binatang iyon ay walang pananampalatayang tulad ng kay Abraham, pero may mga iba na lubusang nagtiwala sa Diyos.
13. (a) Anong payo ang ibinigay ni Pablo kay Timoteo? (b) Paano natin masusunod ang payo ni Pablo?
13 Si Timoteo ay isang taong may pananampalataya. Tinawag siya ni Pablo na “isang mabuting kawal ni Kristo Jesus,” at sinabi sa kaniya: “Walang taong naglilingkod bilang kawal ang sumasangkot sa mga pangkabuhayang pangangalakal, upang makamit niya ang pagsang-ayon ng isa na nagtala sa kaniya bilang kawal.” (2 Tim. 2:3, 4) Sa ngayon, sinisikap ng mga tagasunod ni Jesus, kabilang na ang isang hukbo ng mahigit isang milyong buong-panahong ministro, na sundin ang payo ni Pablo. Nilalabanan nila ang nakatutuksong mga advertisement ng sanlibutan at tinatandaan ang simulaing ito: “Ang nanghihiram ay lingkod [o, alipin] ng taong nagpapahiram.” (Kaw. 22:7) Gustong-gusto ni Satanas na magkandakuba tayo sa pagkayod at magpaalipin sa mundo ng komersiyo. Kung hindi tayo mag-iingat, puwede tayong mabaon sa utang nang maraming taon. Marami ang nangungutang nang malaki para sa bahay, edukasyon, kotse, at pati na sa magarbong kasal. Kung pasisimplehin natin ang ating buhay at babawasan ang utang at gastusin, nagpapakita tayo ng praktikal na karunungan. Nagiging malaya tayo para maging alipin ng Diyos at hindi ng sistema ng komersiyo.—1 Tim. 6:10.
14. Anong determinasyon ang kailangan? Magbigay ng mga halimbawa.
14 Para mapanatiling simple ang ating buhay, kailangan nating magtakda ng mga priyoridad. Isang brother at ang kaniyang asawa ang may maunlad na negosyo. Pero gusto nilang bumalik sa buong-panahong ministeryo. Kaya ipinagbili nila ang kanilang negosyo, speedboat, at iba pang materyal na ari-arian. Pagkatapos, nagboluntaryo sila sa konstruksiyon ng pandaigdig na punong-tanggapan sa Warwick, New York. Pinagpala sila dahil nakapaglingkod sila sa Bethel kasama ng kanilang anak na babae at manugang, at ilang linggo rin nilang nakasama ang mga magulang ng brother, na nagtrabaho rin sa proyekto sa Warwick. Isang sister na payunir sa Colorado, U.S.A., ang nakakita ng part-time na trabaho sa isang bangko. Nagustuhan ng staff ang kaniyang trabaho kung kaya inalok siya na magtrabaho
nang full-time at magiging triple ang kaniyang sahod. Pero dahil makaaapekto ito sa kaniyang ministeryo, tinanggihan niya ang nakatutuksong alok na ito. Ilan lang ito sa napakaraming sakripisyong ginagawa ng mga lingkod ni Jehova. Ang ganiyang determinasyon na unahin ang Kaharian ay nagpapakitang pinahahalagahan natin ang pakikipagkaibigan sa Diyos at ang espirituwal na kayamanan kaysa sa maiaalok ng mundo ng komersiyo.KAPAG NABIGO ANG MATERYAL NA KAYAMANAN
15. Anong kayamanan ang nagdudulot ng pinakamalaking kasiyahan?
15 Ang materyal na kayamanan ay hindi laging tanda ng pagpapala ng Diyos. Ang pinagpapala ni Jehova ay ang mga “mayaman sa maiinam na gawa.” (Basahin ang 1 Timoteo 6:17-19.) Halimbawa, nang malaman ni Lucia, * na nasa Italy, ang pangangailangan para sa mga ministro sa Albania, lumipat siya roon noong 1993. Kahit wala siyang trabaho, lubusan siyang nagtiwala na tutulungan siya ni Jehova. Natuto siya ng wikang Albanian at mahigit 60 katao ang natulungan niya na magpabautismo. Hindi lahat ng lingkod ng Diyos ay nangangaral sa gayong mabubungang teritoryo. Pero anumang ginagawa natin para tulungan ang iba na matagpuan ang daan ng buhay at manatili roon ay isang bagay na pahahalagahan natin, at ng mga natulungan natin, magpakailanman.—Mat. 6:20.
16. (a) Ano ang mangyayari sa kasalukuyang sistema ng komersiyo? (b) Paano ito dapat makaapekto sa pananaw natin sa materyal na kayamanan?
16 Hindi sinabi ni Jesus na ‘kung mabigo’ ang di-matuwid na kayamanan kundi “kapag nabigo ang mga iyon.” (Luc. 16:9) Sa mga huling araw na ito, may mga bangko na nagsasara at mga bansang nagkakaroon ng krisis sa ekonomiya. Pero walang-wala ito sa mangyayari sa buong daigdig sa malapit na hinaharap. Ang buong sistema ni Satanas—politikal, relihiyoso, at komersiyal—ay nakatakdang bumagsak. Inihula ng mga propetang sina Ezekiel at Zefanias na ang ginto at pilak, na importante sa mundo ng komersiyo, ay mawawalan ng halaga. (Ezek. 7:19; Zef. 1:18) Ano ang madarama natin kung magwawakas na ang ating buhay at makita nating isinakripisyo pala natin ang tunay na kayamanan kapalit ng “di-matuwid na kayamanan” ng sanlibutang ito? Para tayong isang tao na buong-buhay nagtrabaho para magkamal ng maraming salapi, pero natuklasan niyang peke pala ang mga ito. (Kaw. 18:11) Oo, talagang mabibigo ang di-matuwid na kayamanang iyon, kaya samantalahin natin ang pagkakataong gamitin ito para magkaroon ng mga kaibigan sa langit. Anumang ginagawa natin para sa kapakanan ng Kaharian ni Jehova ay magpapayaman sa atin sa espirituwal.
17, 18. Ano ang inaasam ng mga kaibigan ng Diyos?
17 Kapag dumating na ang Kaharian ng Diyos, hindi na tayo magbabayad ng upa sa bahay, libre at sagana na ang pagkain, at hindi na tayo gagastos para sa pagpapagamot. Masisiyahan ang mga kabilang sa pamilya ni Jehova sa pinakamaiinam na bunga ng lupa. Ang ginto, pilak, at mahahalagang bato ay gagamiting palamuti, hindi para kamkamin o gawing investment. Ang de-kalidad na materyales, gaya ng kahoy, bato, at metal, ay magiging libre at sagana para sa pagtatayo ng magagandang tahanan. Tutulungan tayo ng iba dahil gusto nila, hindi dahil binabayaran natin sila. Lahat tayo ay masisiyahan sa mga produkto ng lupa.
18 Bahagi lang ito ng napakahalagang mana ng mga may kaibigan sa langit. Walang pagsidlan ang kaligayahan ng mga mananamba ni Jehova sa lupa kapag narinig nilang sinabi ni Jesus: “Halikayo, kayo na mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkakatatag ng sanlibutan.”—Mat. 25:34.
^ par. 4 Hindi sinasabi ni Jesus kung totoo o hindi ang akusasyon. Sa Lucas 16:1, ang salitang Griego na isinaling “inakusahan” ay puwedeng mangahulugan na siniraang-puri ang katiwala. Pero ang idiniriin ni Jesus ay ang reaksiyon ng katiwala, hindi ang dahilan kung bakit ito tinanggal sa trabaho.
^ par. 15 Mababasa ang talambuhay ni Lucia Moussanett sa Gumising!, Hunyo 22, 2003, p. 18-22.