Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Dapat bang magkaroon ang isang Kristiyano ng baril, gaya ng pistola o riple, bilang proteksiyon sa ibang tao?

Gumagawa ng makatuwirang mga hakbang ang mga Kristiyano para protektahan ang kanilang sarili, pero kaayon ito ng mga simulain sa Bibliya. Ipinakikita ng mga simulaing iyon na maling magkaroon ng mga armas, gaya ng pistola, riple, o iba pang uri ng baril, bilang proteksiyon sa ibang tao. Pag-isipan ang sumusunod:

Para kay Jehova, ang buhay—lalo na ang buhay ng tao—ay sagrado. Kinilala ng salmistang si David na si Jehova “ang bukal ng buhay.” (Awit 36:9) Kaya kung ang isang Kristiyano ay gagawa ng makatuwirang mga hakbang para protektahan ang kaniyang sarili o ang pag-aari niya, titiyakin niya na hindi siya makakapatay ng tao at magkakasala sa dugo.—Deut. 22:8; Awit 51:14.

Totoo, anumang bagay na gagamitin ng isa para protektahan ang sarili ay puwedeng maging dahilan ng pagkakasala sa dugo. Pero mas madaling makapatay gamit ang baril—sinasadya man ito o hindi. * At kung ang kriminal ay ninenerbiyos na at makita niyang may baril ang bibiktimahin niya, mas malamang na lumala ang sitwasyon at baka may mapatay.

Nang sabihin ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na magdala sila ng tabak noong huling gabi niya sa lupa, hindi ito para protektahan ang kanilang sarili. (Luc. 22:36, 38) Sa halip, gusto ni Jesus na magturo ng isang mahalagang aral: Hindi dapat gumamit ng dahas ang kaniyang mga alagad, kahit mapaharap pa sila sa pulutong na may dalang mga armas. (Luc. 22:52) Nang tagain ni Pedro ang alipin ng mataas na saserdote gamit ang isang tabak, iniutos ni Jesus kay Pedro: “Ibalik mo ang iyong tabak sa kinalalagyan nito.” Pagkatapos, sinabi ni Jesus ang isang simulain na gumagabay sa mga Kristiyano hanggang ngayon: “Ang lahat niyaong humahawak ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.”—Mat. 26:51, 52.

Kaayon ng Mikas 4:3, pinupukpok ng bayan ng Diyos “ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos.” Ang pagkakakilanlang ito ng mga tunay na Kristiyano ay kaayon ng kinasihang payo ni apostol Pablo: “Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama. . . . Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.” (Roma 12:17, 18) Sa kabila ng mahihirap na pinagdaanan ni Pablo, kasama na ang “mga panganib sa mga tulisan,” hindi niya nilabag ang mga simulain ng Kasulatan para protektahan ang sarili. (2 Cor. 11:26) Sa halip, nagtiwala siya sa Diyos at sa karunungang nasa Kaniyang Salita—karunungan na “mas mabuti kaysa sa mga kagamitan [o, sandata] sa labanan.”—Ecles. 9:18.

Para sa mga Kristiyano, mas mahalaga ang buhay kaysa sa materyal na mga bagay. “Ang [buhay ng isang tao] ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.” (Luc. 12:15) Kaya kung hindi makuha sa mahinahong pakikipag-usap ang isang magnanakaw na may baril, susundin ng matatalinong Kristiyano ang payo ni Jesus: “Huwag mong labanan siya na balakyot.” Baka nga kailangan pa nating ibigay ang ating ‘panloob at panlabas na kasuotan.’ (Mat. 5:39, 40; Luc. 6:29) * Siyempre pa, pag-iingat pa rin ang pinakamabisang paraan. Kung iiwasan natin “ang pagpaparangya ng [ating] kabuhayan” at kung kilalá tayo ng ating mga kapitbahay bilang mapagpayapang mga Saksi ni Jehova, maiiwasan nating maging target ng mga kriminal.—1 Juan 2:16; Kaw. 18:10.

Iginagalang ng mga Kristiyano ang budhi ng iba. (Roma 14:21) Kapag nalaman ng mga kapatid na ang isang miyembro ng kongregasyon ay may baril bilang proteksiyon, baka ikagulat, o ikatisod pa nga nila ito. Pag-ibig ang magpapakilos sa atin na unahin ang kapakanan ng iba sa halip na ang sa atin, kahit mangahulugan ito ng pagsasaisantabi ng sa tingin natin ay isang legal na karapatan.—1 Cor. 10:32, 33; 13:4, 5.

Sinisikap ng mga Kristiyano na maging mabuting halimbawa sa iba. (2 Cor. 4:2; 1 Ped. 5:2, 3) Kapag nakatanggap na ng makakasulatang payo ang isang Kristiyano pero patuloy siyang nag-iingat ng baril bilang proteksiyon, hindi siya maituturing na mabuting halimbawa sa iba. Dahil diyan, hindi siya kuwalipikadong magkaroon ng mga pananagutan o pantanging mga pribilehiyo sa kongregasyon. Kapit din iyan sa isang Kristiyano na nagdadala ng baril bilang bahagi ng kaniyang sekular na trabaho. Mas makabubuti nga kung maghahanap siya ng ibang trabaho! *

Siyempre pa, ang indibiduwal na Kristiyano mismo ang magpapasiya kung paano niya poprotektahan ang kaniyang sarili, pamilya, o pag-aari, at kung anong trabaho ang papasukin niya. Pero dapat na kaayon ito ng mga simulain sa Bibliya na kakikitaan ng karunungan ng Diyos at ng pag-ibig niya sa atin. Kaya naman, pipiliin ng may-gulang na mga Kristiyano na huwag magkaroon ng baril bilang proteksiyon sa ibang tao. Alam nila na kung magtitiwala sila sa Diyos at mamumuhay kaayon ng mga simulain sa Bibliya, magkakaroon sila ng tunay at namamalaging katiwasayan.—Awit 97:10; Kaw. 1:33; 2:6, 7.

Sa panahon ng malaking kapighatian, ang mga Kristiyano ay magtitiwala kay Jehova sa halip na ipagtanggol ang kanilang sarili

^ par. 3 Baka ipasiya ng isang Kristiyano na magkaroon ng baril (gaya ng riple o shotgun) para gamitin sa pangangaso ng pagkain o bilang proteksiyon sa mababangis na hayop. Pero kapag hindi iyon ginagamit, makabubuting alisan ito ng bala, marahil ay kalasin pa nga, at itago. Sa mga lugar kung saan ang pagmamay-ari ng baril ay ilegal, ipinagbabawal, o may regulasyon, sinusunod ng mga Kristiyano ang batas.—Roma 13:1.

^ par. 2 Para malaman kung paano ipagtatanggol ang sarili sa panggagahasa, tingnan ang artikulong “Kung Paano Hahadlangan ang Paggahasà” sa Gumising!, Marso 8, 1993.

^ par. 4 Para sa higit pang detalye tungkol sa pagtanggap ng trabaho na nagsasangkot ng pagdadala ng armas, tingnan ang Bantayan, Nobyembre 1, 2005, p. 31; at ang The Watchtower, Hulyo 15, 1983, p. 25-26.