Ayon kay Lucas 16:1-31

16  Pagkatapos, sinabi rin niya sa mga alagad: “Isang taong mayaman ang may katiwala+ na inakusahang sinasayang ang kayamanan niya.  Kaya tinawag niya ito at sinabi, ‘Ano itong naririnig ko tungkol sa iyo? Ibigay mo sa akin ang ulat kung paano mo ginamit ang pera ko, dahil hindi ka na puwedeng magtrabaho sa akin.’*  Sinabi ng katiwala sa sarili niya, ‘Ano ang gagawin ko? Aalisin na ako ng panginoon ko bilang katiwala. Hindi naman ako ganoon kalakas para maghukay, at nahihiya akong mamalimos.  A! Alam ko na ang gagawin ko, para kapag inalis ako sa pagiging katiwala, patutuluyin ako ng mga tao sa bahay nila.’  Kaya isa-isa niyang tinawag ang mga may utang sa panginoon niya. Sinabi niya sa una, ‘Magkano ang utang mo sa panginoon ko?’  Sumagot ito, ‘Sandaang takal ng langis ng olibo.’ Sinabi ng katiwala, ‘Kunin mo ang iyong nasusulat na kasunduan, umupo ka, at isulat mo agad na 50.’  Sinabi niya sa isa pa, ‘Ikaw naman, magkano ang utang mo?’ Sumagot ito, ‘Sandaang malalaking takal ng trigo.’ Sinabi niya, ‘Kunin mo ang iyong nasusulat na kasunduan at isulat mo na 80.’  At pinapurihan ng kaniyang panginoon ang katiwala, dahil kahit di-matuwid ay naging marunong siya sa praktikal na paraan; dahil ang mga anak ng sistemang ito ay mas marunong sa praktikal na paraan kaysa sa mga anak ng liwanag.+  “Sinasabi ko rin sa inyo: Makipagkaibigan kayo gamit ang di-matuwid na mga kayamanan,+ para kapag wala na ang mga ito, tanggapin nila kayo sa walang-hanggang mga tirahan.+ 10  Ang taong tapat sa pinakamaliit na* bagay ay tapat din sa maraming bagay, at ang taong di-matuwid sa pinakamaliit na* bagay ay hindi rin matuwid sa maraming bagay. 11  Kaya kung hindi ninyo napatunayang tapat kayo pagdating sa di-matuwid na mga kayamanan, paano ipagkakatiwala sa inyo ang tunay na kayamanan? 12  At kung hindi ninyo napatunayang tapat kayo pagdating sa pag-aari ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng gantimpala na para talaga sa inyo?+ 13  Walang lingkod na puwedeng maging alipin ng dalawang panginoon, dahil alinman sa kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o magiging tapat siya sa isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo puwedeng maging alipin ng Diyos at ng Kayamanan.”+ 14  At ang mga Pariseo, na maibigin sa pera, ay nakikinig sa lahat ng sinasabi niya, at kitang-kita sa mukha nila na hindi sila natutuwa.+ 15  Kaya sinabi niya: “Ipinapakita ninyo sa harap ng mga tao na matuwid kayo,+ pero alam ng Diyos ang laman ng puso ninyo.+ Dahil ang mahalaga sa paningin ng tao ay walang-saysay sa paningin ng Diyos.+ 16  “Ang Kautusan at mga Propeta ay ipinahayag hanggang sa dumating si Juan. Mula noon, ang Kaharian ng Diyos ay ipinahahayag bilang mabuting balita, at bawat uri ng tao ay nagsisikap nang husto na makapasok doon.+ 17  Oo, mas posible pang mawala ang langit at lupa kaysa mawala ang kahit isang letra sa Kautusan nang hindi natutupad.+ 18  “Ang sinumang nakikipagdiborsiyo sa kaniyang asawang babae at nag-aasawa ng iba ay nangangalunya, at ang sinumang nag-aasawa ng babaeng diniborsiyo ng asawa nito ay nangangalunya.+ 19  “May isang taong mayaman na nagsusuot ng damit na purpura* at lino,+ at araw-araw siyang nagpapakasasa sa karangyaan. 20  Pero may isang pulubi na nagngangalang Lazaro na laging dinadala noon sa pintuang-daan niya; punô ito ng sugat 21  at gusto nitong kainin ang mga nahuhulog mula sa mesa ng taong mayaman. May mga aso pa nga na lumalapit sa pulubi at hinihimod ang mga sugat niya. 22  Paglipas ng panahon, namatay ang pulubi at dinala siya ng mga anghel sa tabi ni Abraham. “Ang taong mayaman ay namatay rin at inilibing. 23  Tumingala siya mula sa Libingan habang hirap na hirap siya, at mula sa malayo ay nakita niya si Abraham at si Lazaro sa tabi nito. 24  Kaya sumigaw siya, ‘Amang Abraham, maawa ka sa akin. Isugo mo si Lazaro para isawsaw sa tubig ang dulo ng daliri niya at palamigin ang dila ko, dahil hirap na hirap na ako sa naglalagablab na apoy na ito.’ 25  Pero sinabi ni Abraham, ‘Anak, alalahanin mo na puro magagandang bagay ang tinamasa mo sa buong buhay mo, at masasama naman ang dinanas ni Lazaro. Pero ngayon, pinagiginhawa siya rito at ikaw ay nahihirapan.+ 26  Bukod diyan, isang malaking agwat ang inilagay sa pagitan namin at ninyo, para ang mga narito na gustong pumunta sa inyo ay hindi makatawid, at ang mga tao mula riyan ay hindi makatawid sa amin.’ 27  Kaya sinabi niya, ‘Kung gayon, pakisuyo, ama, isugo mo siya sa bahay ng aking ama, 28  dahil may lima akong kapatid na kailangan niyang mababalaan para hindi rin sila mapunta sa lugar na ito ng paghihirap.’ 29  Pero sinabi ni Abraham, ‘Nasa kanila si Moises at ang mga Propeta; pakinggan nila ang mga iyon.’+ 30  Kaya sinabi niya, ‘Hindi, amang Abraham, pero kung isang mula sa mga patay ang pupunta sa kanila, magsisisi sila.’ 31  Pero sinabi ni Abraham, ‘Kung hindi sila nakikinig kay Moises+ at sa mga Propeta, hindi rin sila mahihikayat kung may isang bumangon mula sa mga patay.’”

Talababa

O “mamahala sa bahay ko.”
O “pinakakaunting.”
O “pinakakaunting.”
O “kulay-ube.” Tingnan sa Glosari.

Study Notes

katiwala: O “tagapamahala sa sambahayan.” Ang salitang Griego na oi·ko·noʹmos ay tumutukoy sa isang tao na inatasang mangasiwa sa mga tagapaglingkod, kahit na siya mismo ay isa ring tagapaglingkod. Noon, kadalasan nang ang pinipili para sa posisyong ito ay isang tapat na alipin na inatasang mangasiwa sa mga pag-aari ng panginoon niya. Kaya talagang pinagkakatiwalaan ang ganitong alipin. Ganiyang klase ng katiwala, o tagapamahala sa sambahayan, ang lingkod ni Abraham na “namamahala sa lahat ng pag-aari niya.” (Gen 24:2) Ganiyan din si Jose, gaya ng makikita sa Gen 39:4. Ang “katiwala” sa ilustrasyon ni Jesus ay nasa pang-isahang anyo, pero hindi ito nangangahulugang tumutukoy ito sa isang partikular na tao. Gumagamit kung minsan ang Kasulatan ng pangngalang nasa pang-isahang anyo para tumukoy sa isang grupo, gaya noong sabihin ni Jehova sa bansang Israel: “Kayo [pangmaramihan] ang mga saksi ko, . . . oo, ang lingkod [pang-isahan] ko na aking pinili.” (Isa 43:10) Kaya ang ilustrasyong ito ni Jesus ay tumutukoy rin sa isang grupong pinagkakatiwalaan. Sa kaparehong ilustrasyon na nasa Mat 24:45, ang aliping ito ay tinawag na “ang tapat at matalinong alipin.”

katiwala: O “tagapamahala sa sambahayan.”​—Tingnan ang study note sa Luc 12:42.

takal: O “takal na bat.” Sinasabi ng ilang iskolar na ang salitang Griego na baʹtos ay tumutukoy sa takal na bat ng mga Hebreo. Batay sa mga piraso ng banga na may nakasulat na “bat” sa sinaunang letrang Hebreo, ang isang bat ay mga 22 L (5.81 gal).​—Tingnan sa Glosari, “Bat,” at Ap. B14.

takal: O “takal na bat.” Sinasabi ng ilang iskolar na ang salitang Griego na baʹtos ay tumutukoy sa takal na bat ng mga Hebreo. Batay sa mga piraso ng banga na may nakasulat na “bat” sa sinaunang letrang Hebreo, ang isang bat ay mga 22 L (5.81 gal).​—Tingnan sa Glosari, “Bat,” at Ap. B14.

malalaking takal: O “takal na kor.” Sinasabi ng ilang iskolar na ang salitang Griego na koʹros ay tumutukoy sa takal na kor ng mga Hebreo na katumbas ng 10 takal na bat. Kung ang isang bat ay 22 L, ang kor ay 220 L.​—Tingnan ang study note sa Luc 16:6; Glosari, “Bat,” “Kor”; at Ap. B14.

matalinong: Ang salitang Griego para dito ay nangangahulugang may kaunawaan, nag-iisip muna, maingat, at marunong sa praktikal na paraan. Ginamit din ang salitang Griegong ito sa Mat 7:24 at 25:2, 4, 8, 9. Ginamit ng Septuagint ang salitang ito sa Gen 41:33, 39 sa paglalarawan kay Jose.

matalino: Ang pang-uring Griego na phroʹni·mos na ginamit dito ay nangangahulugang may kaunawaan, nag-iisip muna, maingat, at marunong sa praktikal na paraan. Ginamit ni Lucas sa Luc 16:8 ang ibang anyo ng salitang Griegong ito, kung saan isinalin itong “mas marunong sa praktikal na paraan.” Ginamit din ito sa Mat 7:24; 25:2, 4, 8, 9. Ginamit ng Septuagint ang salitang ito sa Gen 41:33, 39 sa paglalarawan kay Jose.

naging marunong siya sa praktikal na paraan: O “kumilos siya nang may karunungan (nang maingat).” Ang salitang Griego na phro·niʹmos ay isinalin ditong “marunong siya sa praktikal na paraan.” Ang mga anyo ng kaugnay na pang-uri ay isinaling mas marunong sa praktikal na paraan sa huling bahagi ng talatang ito at “matalino” sa Mat 7:24; 24:45; 25:2; at Luc 12:42.​—Tingnan ang study note sa Mat 24:45; Luc 12:42.

sistemang ito: Ang salitang Griego na ai·onʹ, na literal na nangangahulugang “panahon,” ay puwedeng tumukoy sa kalakaran o sa mga pagkakakilanlan ng isang espesipikong yugto ng panahon. Sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa kasalukuyang masamang sistema at sa makasanlibutang paraan ng pamumuhay.​—Tingnan sa Glosari, “Sistema.”

Kayamanan: Ang salitang Griego na ma·mo·nasʹ (mula sa salitang Semitiko) ay puwede ring isaling “Pera.” Dito, ang “Kayamanan” ay ikinumpara sa isang panginoon, o isang klase ng huwad na diyos, pero walang matibay na ebidensiya na ginamit ang salitang ito bilang pangalan ng isang espesipikong bathala.

Makipagkaibigan: Ibig sabihin, makipagkaibigan sa mga nasa langit, sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo, dahil sila lang ang puwedeng tumanggap sa mga tao sa “walang-hanggang mga tirahan.”

di-matuwid na mga kayamanan: Ang salitang Griego na ma·mo·nasʹ (mula sa salitang Semitiko) ay karaniwang tumutukoy sa pera o kayamanan. (Tingnan ang study note sa Mat 6:24.) Maliwanag na di-matuwid ang tingin ni Jesus sa kayamanang ito dahil makasalanang mga tao ang gumagamit nito, karaniwan nang ginagamit ito para sa makasariling mga kagustuhan, at kadalasan nang nakukuha ito sa maling paraan. Ang pagkakaroon o ang kagustuhang magkaroon ng materyal na kayamanan ay puwedeng magtulak sa isa na gumawa ng masama. Nawawalan ng halaga ang materyal na kayamanan, kaya ang isang taong mayaman ay hindi dapat magtiwala rito. (1Ti 6:9, 10, 17-19) Sa halip, dapat niya itong gamitin para makipagkaibigan kay Jehova at kay Jesus, na puwedeng tumanggap sa isang tao sa walang-hanggang mga tirahan.

walang-hanggang mga tirahan: Lit., “walang-hanggang mga tolda.” Maliwanag na tumutukoy sa perpektong mga tirahan sa bagong sanlibutan na hindi magwawakas, ito man ay sa Kaharian sa langit kasama ni Jesu-Kristo o sa Paraisong lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kahariang iyon.

napopoot: Sa Bibliya, ang terminong “poot” ay may iba’t ibang kahulugan. Puwede itong tumukoy sa matinding galit, na nagtutulak sa isang tao na saktan ang iba. Puwede rin itong mangahulugan na ayaw na ayaw ng isa sa isang tao o bagay kaya iniiwasan niya ito. Pero puwede rin itong tumukoy sa mas kaunting pagmamahal. Halimbawa, nang sabihing “kinapopootan” ni Jacob si Lea at mahal niya si Raquel, nangangahulugan lang ito na mas mahal niya si Raquel kaysa kay Lea (Gen 29:31, tlb.; Deu 21:15, tlb.), at ginagamit din ang terminong ito sa ganitong diwa sa iba pang akdang Judio noon. Kaya hindi sinasabi dito ni Jesus na dapat kamuhian ng mga tagasunod niya ang sarili nila o ang pamilya nila, dahil salungat ito sa sinasabi ng iba pang bahagi ng Kasulatan. (Ihambing ang Mar 12:29-31; Efe 5:28, 29, 33.) Sa kontekstong ito, sinasabi lang ni Jesus na dapat na mas mahal nila siya kaysa sa pamilya nila.

magpaalipin: Ang pandiwang Griego para dito ay tumutukoy sa pagtatrabaho bilang alipin, na pag-aari ng iisang panginoon. Sinasabi rito ni Jesus na hindi maibibigay ng isang Kristiyano ang kaniyang bukod-tanging debosyon na nararapat sa Diyos kung ibinubuhos din niya ang sarili niya sa pagkakamal ng materyal na mga bagay.

Kayamanan: Ang salitang Griego na ma·mo·nasʹ (mula sa salitang Semitiko) ay puwede ring isaling “Pera.” Dito, ang “Kayamanan” ay ikinumpara sa isang panginoon, o isang klase ng huwad na diyos, pero walang matibay na ebidensiya na ginamit ang salitang ito bilang pangalan ng isang espesipikong bathala.

kapopootan: Ibig sabihin, hindi gaanong bibigyan ng importansiya.​—Tingnan ang study note sa Luc 14:26.

maging alipin: Tingnan ang study note sa Mat 6:24.

Kayamanan: Tingnan ang study note sa Mat 6:24.

ang mga Propeta at ang Kautusan: Dito lang magkabaligtad ang ekspresyong “Kautusan at mga Propeta.” (Mat 5:17; 7:12; 22:40; Luc 16:16) Maliwanag na iisa lang ang ibig sabihin nito (tingnan ang study note sa Mat 5:17), pero mas idiniriin dito ang mga hula sa Kasulatan. Kahit ang Kautusan ay sinasabing humula rin.

Ang Kautusan at mga Propeta: Ang “Kautusan” ay ang mga aklat ng Bibliya mula Genesis hanggang Deuteronomio. Ang “mga Propeta” naman ay ang mga aklat ng hula sa Hebreong Kasulatan. Pero kapag pinagsama ito, ang ekspresyon ay masasabing tumutukoy sa buong Hebreong Kasulatan.​—Mat 5:17; 7:12; 22:40; tingnan ang study note sa Mat 11:13.

nagsisikap nang husto: Ang salitang Griego na ginamit dito ay nagpapakita ng pagiging puspusan. Negatibo ang pagkakaintindi rito ng ilang tagapagsalin ng Bibliya. Iniisip nilang nangangahulugan ito ng marahas na pagkilos o pagdurusa dahil sa karahasan. Pero dahil ang konteksto ay tungkol sa Kaharian ng Diyos na ipinahahayag bilang mabuting balita, masasabing positibo ito at nangangahulugang “pagsisikap na makuha ang isang bagay na gustong-gusto mo.” Maliwanag na inilalarawan nito ang matinding pagsisikap na ginawa ng mga tumugon sa pangangaral ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos, kung kaya nagkaroon sila ng pag-asa na maging bahagi ng Kahariang iyon.

kudlit: May ilang letrang Hebreo na may maliit na kudlit para maipakitang iba ito sa iba pang letra. Kaya idiniriin ng eksaherasyong ito ni Jesus na ang Salita ng Diyos ay matutupad hanggang sa kaliit-liitang detalye.

isang letra: O “isang kudlit ng isang letra.” Sa alpabetong Hebreo noong panahon ni Jesus, may ilang letrang Hebreo na may maliit na kudlit para maipakitang iba ito sa iba pang letra. Kaya idiniriin ng eksaherasyong ito ni Jesus na ang Salita ng Diyos ay matutupad hanggang sa kaliit-liitang detalye.​—Tingnan ang study note sa Mat 5:18.

seksuwal na imoralidad: Ang salitang Griego na por·neiʹa ay sumasaklaw sa lahat ng uri ng pagtatalik na labag sa sinasabi ng Bibliya. Kasama rito ang pangangalunya, prostitusyon, seksuwal na gawain sa pagitan ng mga walang asawa, pakikipagtalik sa kasekso, at pakikipagtalik sa hayop.—Tingnan sa Glosari.

mangangalunya: Ibig sabihin, magtataksil sa asawa at makikipagtalik sa iba. Ang pandiwang Griego na moi·kheuʹo ay ginamit sa pagsiping ito sa Exo 20:14 at Deu 5:18, kung saan ginamit ang katumbas na terminong Hebreo na na·ʼaphʹ. Sa Bibliya, ang pangangalunya ay “seksuwal na imoralidad” na kusang ginawa ng may-asawa at ng hindi niya asawa. (Ihambing ang study note sa Mat 5:32, kung saan tinalakay ang “seksuwal na imoralidad,” na galing sa salitang Griego na por·neiʹa.) Noong may bisa pa ang Kautusang Mosaiko, ang kusang pakikipagtalik sa asawa o mapapangasawa ng isang lalaki ay itinuturing na pangangalunya.

nangangalunya at nagkakasala sa kaniyang asawa: Dito, ipinapakita ni Jesus na mali ang popular na turo ng mga rabbi na puwedeng diborsiyuhin ang asawang babae “sa kahit anong dahilan.” (Mat 19:3, 9) Hindi naniniwala ang karamihan sa mga Judio na puwede silang magkasala sa kanilang asawang babae ng pangangalunya. Itinuturo kasi ng mga rabbi na ang mga babae lang ang nagtataksil, hindi ang mga lalaki. Dahil ipinakita ni Jesus na iisang pamantayang moral lang ang dapat sundin ng mga asawang lalaki at asawang babae, binigyang-dangal niya ang mga babae at itinaas ang katayuan nila sa lipunan.

seksuwal na imoralidad: Ang salitang Griego na por·neiʹa ay sumasaklaw sa lahat ng uri ng pagtatalik na labag sa sinasabi ng Bibliya. Kasama rito ang pangangalunya, prostitusyon, seksuwal na gawain sa pagitan ng mga walang asawa, pakikipagtalik sa kasekso, at pakikipagtalik sa hayop.—Tingnan sa Glosari.

nangangalunya: Ang pandiwang Griego na moi·kheuʹo ay tumutukoy sa pagtataksil sa asawa at pakikipagtalik sa iba. Sa Bibliya, ang pangangalunya ay “seksuwal na imoralidad” na kusang ginawa ng may-asawa at ng hindi niya asawa. (Ihambing ang study note sa Mat 5:32, kung saan tinalakay ang “seksuwal na imoralidad,” na galing sa salitang Griego na por·neiʹa.) Noong may bisa pa ang Kautusang Mosaiko, ang kusang pakikipagtalik sa asawa o mapapangasawa ng isang lalaki ay itinuturing na pangangalunya.​—Tingnan ang study note sa Mat 5:27; Mar 10:11.

babaeng diniborsiyo: Tumutukoy sa babaeng diniborsiyo nang hindi dahil sa seksuwal na imoralidad.​—Tingnan ang study note sa Mat 5:32.

mga nakauunawa na kailangan nila ang Diyos: O “mga palaisip sa espirituwal na pangangailangan nila.” Lit., “mga namamalimos ng espiritu.” Ang ekspresyong Griego na ginamit dito ay tumutukoy sa mga taong may pangangailangan at alam na alam ito. Ito rin ang salitang ginamit sa Luc 16:20, 22 para tumukoy sa “pulubi” na si Lazaro. Ang pariralang Griego na isinasaling “dukha sa espiritu” sa ilang salin ay nangangahulugang alam na alam ng mga taong ito na dukha sila sa espirituwal at kailangan nila ang Diyos.—Tingnan ang study note sa Luc 6:20.

pulubi: O “dukha.” Ang salitang Griego ay puwedeng tumukoy sa isang taong napakahirap. Ginamit ito para ipakita ang malaking pagkakaiba ng pulubi sa mayamang lalaki sa ilustrasyon ni Jesus. Sa Mat 5:3, ginamit din ang salitang ito sa pariralang Griego na puwedeng literal na isaling “namamalimos ng espiritu,” na tumutukoy sa mga taong alam na alam na dukha sila sa espirituwal at na kailangan nila ang Diyos.​—Tingnan ang study note sa Mat 5:3.

Lazaro: Anyong Griego ng pangalang Hebreo na Eleazar, na nangangahulugang “Tumulong ang Diyos.”

ibigay sa mga aso ang anumang banal . . . ihagis sa mga baboy ang inyong mga perlas: Ayon sa Kautusang Mosaiko, ang mga baboy at aso ay marumi. (Lev 11:7, 27) Puwedeng ibigay sa aso ang laman ng hayop na pinatay ng mabangis na hayop. (Exo 22:31) Pero ipinagbabawal ng tradisyong Judio na ibigay sa aso ang “banal na karne,” o karne ng hayop na inihandog. Sa Mat 7:6, ang mga terminong “aso” at “baboy” ay tumutukoy sa mga taong hindi mapagpahalaga sa espirituwal na kayamanan. Kung paanong walang halaga sa baboy ang perlas at puwede nitong saktan ang nagbigay nito, puwede ring saktan ng mga hindi nagpapahalaga sa espirituwal na kayamanan ang nagbibigay nito sa kanila.

mga anak . . . maliliit na aso: Dahil ang mga aso ay itinuturing na marumi sa Kautusang Mosaiko, madalas gamitin ang terminong ito sa Kasulatan sa negatibong paraan. (Lev 11:27; Mat 7:6; Fil 3:2; Apo 22:15) Pero sa ulat nina Marcos (7:27) at Mateo tungkol sa pakikipag-usap na ito ni Jesus, pareho silang gumamit ng pangmaliit na anyo ng termino para sa aso na nangangahulugang “maliit na aso” o “alagang aso sa bahay,” kaya hindi ito nakakainsulto. Ipinapahiwatig nito na ang ginamit ni Jesus ay isang malambing na termino para sa mga alagang aso sa tahanan ng mga di-Judio. Dahil itinulad ni Jesus ang mga Israelita sa “mga anak” at ang mga di-Judio sa “maliliit na aso,” maliwanag na gusto lang sabihin ni Jesus kung sino ang dapat unahin. Sa isang bahay na may mga anak at aso, ang mga anak muna ang pakakainin.

aso: Ayon sa Kautusang Mosaiko, ang mga aso ay marumi. (Lev 11:27) Lumilitaw na ang mga asong humihimod sa mga sugat ng pulubi ay mga asong-kalye na nangangalkal ng basura. Sa Hebreong Kasulatan, ang terminong “aso” ay madalas gamitin para manghamak. (Deu 23:18, tlb.; 1Sa 17:43; 24:14; 2Sa 9:8; 2Ha 8:13; Kaw 26:11) Sa Mat 7:6, ang terminong “aso” ay tumutukoy sa mga taong hindi mapagpahalaga sa espirituwal na kayamanan. Dahil marumi ang mga aso para sa mga Judio at negatibo ang makasagisag na gamit nito sa Bibliya, ang pagbanggit ng “aso” sa ilustrasyong ito ay malinaw na nagpapakita ng kaawa-awang kalagayan ng pulubing si Lazaro.​—Tingnan ang study note sa Mat 7:6; 15:26.

nasa tabi ng Ama: Lit., “nasa dibdib ng Ama.” Ang ekspresyong ito ay nagpapakita ng espesyal at malapít na kaugnayan. Ang idyomang ito ay malamang na nanggaling sa nakasanayang puwesto ng mga tao noon habang kumakain, kung saan humihilig sila sa dibdib ng malapít nilang kaibigan. (Ju 13:23-25) Kaya inilalarawan dito si Jesus bilang pinakamalapít na kaibigan ni Jehova; siya lang ang lubusang makakapagpakilala kung sino talaga ang Diyos.—Mat 11:27.

sa tabi ni Abraham: Lit., “sa dibdib ni Abraham.” Kapag ang isang indibidwal ay sinabing nasa tabi, o dibdib, ng isa, ipinapakita nito na mayroon silang espesyal at malapít na kaugnayan. (Tingnan ang study note sa Ju 1:18.) Ang idyomang ito ay nanggaling sa nakasanayang puwesto ng mga tao noon habang kumakain, kung saan humihilig sila sa dibdib ng malapít nilang kaibigan.​—Ju 13:23-25.

sa tabi ni Abraham: Lit., “sa dibdib ni Abraham.” Kapag ang isang indibidwal ay sinabing nasa tabi, o dibdib, ng isa, ipinapakita nito na mayroon silang espesyal at malapít na kaugnayan. (Tingnan ang study note sa Ju 1:18.) Ang idyomang ito ay nanggaling sa nakasanayang puwesto ng mga tao noon habang kumakain, kung saan humihilig sila sa dibdib ng malapít nilang kaibigan.​—Ju 13:23-25.

Libingan: O “Hades,” ang libingan ng mga tao sa pangkalahatan.—Tingnan sa Glosari.

sa tabi: Lit., “sa dibdib.”​—Tingnan ang study note sa Luc 16:22.

Nasa kanila si Moises at ang mga Propeta: Tumutukoy sa mga isinulat ni Moises at ng mga propeta, na binabasa kada Sabbath sa mga sinagoga (Gaw 15:21) at nakatulong sana sa kanila na tanggapin si Jesus bilang Mesiyas at Hari na pinili ng Diyos.

Media

Nasusulat na Kasunduan sa Pagbabayad ng Utang
Nasusulat na Kasunduan sa Pagbabayad ng Utang

Sa talinghaga ng di-matuwid na katiwala, binanggit ni Jesus ang paggawa ng nasusulat na kasunduan sa mga transaksiyon sa negosyo. (Luc 16:​6, 7) Ang dokumentong papiro na makikita rito ay nasa wikang Aramaiko at mula noong mga 55 C.E. Natagpuan ito sa isang kuweba sa may Wadi Murabbaat, isang tuyong ilog sa Disyerto ng Judea. Makikita sa dokumento ang utang at ang kasunduan sa pagbabayad ni Absalom na anak ni Hanin at ni Zacarias na anak ni Jehohanan. Malamang na ganitong dokumento ang naisip ng mga tao nang marinig nila ang ilustrasyon ni Jesus.

Tinang Purpura
Tinang Purpura

Nakukuha ang tinang purpura sa mga shellfish o mollusk gaya ng Murex trunculus (kaliwa) at Murex brandaris (kanan) na makikita rito. Ang mga shell ay may haba na 5 hanggang 8 cm (2 hanggang 3 in). Sa leeg ng mismong hayop, may glandula na naglalaman ng isang patak ng likido na tinatawag na flower. Sa una, ang likidong ito ay malapot at kulay-gatas, pero kapag nahanginan ito at nasinagan ng liwanag, unti-unti itong nagiging kulay-ube o mamula-mulang purpura. Makikita ang mga shellfish na ito sa baybayin ng Dagat Mediteraneo, at iba-iba ang tingkad ng kulay ng tina depende sa kung saan ito nakuha. Binubuksan isa-isa ang malalaking shell at saka maingat na kinukuha ang likido mula sa hayop; ang maliliit naman ay dinudurog sa dikdikan. Dahil kaunti lang ang likidong nakukuha sa bawat shellfish, napakalaking trabaho ang kailangan para makaipon nito. Kaya napakamahal ng tinang ito, at ang mga damit na tinina sa purpura ay naging pagkakakilanlan ng mayayaman o prominenteng mga tao.—Es 8:15.