Unang Liham sa mga Taga-Tesalonica 2:1-20
Talababa
Study Notes
katapangan: O “pagkatahasan.” Ang salitang Griego na par·re·siʹa ay isinalin ding “kalayaan sa pagsasalita; nagtitiwala.” (Gaw 28:31; 1Ju 5:14) Ang pangngalang ito at ang kaugnay na pandiwang par·re·si·aʹzo·mai, na isinasaling “buong tapang (walang takot) na nagsasalita,” ay lumitaw nang maraming beses sa aklat ng Gawa, at ipinapakita nito kung paano nangangaral ang mga Kristiyano noon.—Gaw 4:29, 31; 9:27, 28; 13:46; 14:3; 18:26; 19:8; 26:26.
napagmalupitan sa Filipos: Tinutukoy dito ni Pablo ang mga pangyayaring nakaulat sa Gaw 16:12, 16-24. Kinaladkad sina Pablo at Silas papunta sa pamilihan, hinatulan ng mga mahistrado sibil nang walang imbestigasyon, hinubaran, pinagpapalo, itinapon sa bilangguan, at inilagay sa pangawan. Tama lang na sabihin ni Pablo na “napagmalupitan” sila. Ayon sa isang reperensiya, ang terminong ginamit dito ni Pablo ay puwedeng tumukoy sa “pagmamaltrato na ginawa para sadyang ipahiya sa publiko at insultuhin ang isang tao.” Kaya talagang kahanga-hanga ang ipinakitang lakas ng loob nina Pablo at Silas.
nag-ipon kami ng lakas ng loob: Sa kabila ng pagmamalupit na dinanas nina Pablo at Silas sa Filipos, hindi sila pinanghinaan ng loob. Sa halip, “nag-ipon [sila] ng lakas ng loob” para patuloy na makapangaral. (Gaw 17:2-10) Mapagpakumbabang kinilala ni Pablo na naging matapang sila dahil “sa tulong ng . . . Diyos” at hindi dahil sa sarili nilang pagsisikap. Ganito rin ang sinabi ng salmistang si David kay Jehova: “Pinatatag mo ako at pinalakas.” (Aw 138:3; tingnan din ang Ezr 7:28.) Ilang beses na iniugnay sa ministeryo ni Pablo ang terminong Griego na isinalin ditong “nag-ipon ng lakas ng loob,” at kadalasan nang tumutukoy ito sa ‘pagsasalita nang may katapangan.’—Gaw 13:46; 14:3; 19:8; tingnan ang study note sa Gaw 4:13; 28:31.
kahit marami ang humahadlang: Kararating pa lang nina Pablo at Silas sa Tesalonica, nakaranas na agad sila ng matinding pag-uusig. (Gaw 17:1-14; tingnan ang study note sa 1Te 1:6.) Pero dahil mahal ni Pablo ang ministeryo niya, napagtagumpayan niya ang pagsalansang at patuloy na ipinangaral ang mabuting balita nang may tapang. (Ro 1:14, 15; 2Ti 4:2) Ang ginamit ni Pablo na ekspresyong Griego ay puwede ring isaling “nang may matinding pakikipagpunyagi,” na nagpapahiwatig na nilabanan nina Pablo at Silas ang pag-uusig para patuloy silang makapangaral. Kung minsan, ginagamit ang ekspresyong ito para sa mga atletang sumasali sa Olympics na buong lakas na nilalabanan ang katunggali nila para manalo.
kahit nagdurusa kayo: Tumutukoy ito sa pag-uusig na naranasan ng kongregasyon sa Tesalonica di-nagtagal matapos ibahagi sa kanila nina Pablo at Silas ang mabuting balita. Nagalit ang panatikong mga Judio sa paglaganap ng mabuting balita kaya sinulsulan nila ang mga tao na sugurin ang bahay kung saan nakatuloy si Pablo. Dahil hindi nila nakita si Pablo, kinaladkad nila ang may-ari ng bahay na si Jason at ang ilang kapatid papunta sa mga tagapamahala ng lunsod at inakusahan ang mga ito ng sedisyon. Kinagabihan, kinumbinsi ng mga kapatid sina Pablo at Silas na umalis ng lunsod at magpunta sa Berea. (Gaw 17:1-10) Kitang-kita ang pagkilos ng banal na espiritu sa mga Kristiyano sa Tesalonica dahil nakapanatili silang masaya sa kabila ng ganitong pag-uusig.
nang may buong kalayaan sa pagsasalita: O “nang buong tapang (walang takot).” Ang salitang Griego na par·re·siʹa ay isinalin ding “katapangan.” (Gaw 4:13) Ang pangngalang ito at ang kaugnay na pandiwang par·re·si·aʹzo·mai, na karaniwang isinasaling “magsalita nang walang takot,” ay lumitaw nang maraming ulit sa Gawa. Mula sa simula hanggang sa katapusan ng ulat ni Lucas, malinaw na ipinakita ng mga Kristiyano noon ang katapangan sa pangangaral nila.—Gaw 4:29, 31; 9:27, 28; 13:46; 14:3; 18:26; 19:8; 26:26.
masamang motibo: Lit., “karumihan.” Sa makasagisag na diwa, ang “karumihan” (sa Griego, a·ka·thar·siʹa) ay puwedeng tumukoy sa anumang uri ng karumihan—seksuwal na gawain, pananalita, pagkilos, o pagsamba. (Ihambing ang Ro 1:24; 1Co 7:14; 2Co 6:17; Efe 4:19; 1Te 4:7.) Sa kontekstong ito, ang “karumihan” ay puwedeng tumukoy sa masamang motibo.—Tingnan ang study note sa Gal 5:19.
karumihan: O “kasalaulaan; kahalayan.” Sa unang tatlong “gawa ng laman” na binanggit sa talatang ito, ang “karumihan” (sa Griego, a·ka·thar·siʹa) ang may pinakamalawak na kahulugan. Ang salitang ito ay lumitaw nang 10 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sa literal, tumutukoy ito sa pisikal na karumihan. (Mat 23:27) Sa makasagisag na diwa nito, puwede itong tumukoy sa anumang uri ng karumihan—seksuwal na gawain, pananalita, pagkilos, o pagsamba, gaya ng pagsamba sa diyos-diyusan. (Ro 1:24; 6:19; 2Co 6:17; 12:21; Efe 4:19; 5:3; Col 3:5; 1Te 2:3; 4:7) Kaya ang “karumihan” ay puwedeng tumukoy sa iba’t ibang uri ng kasalanan, at may iba’t iba itong antas. (Tingnan ang study note sa Efe 4:19.) Idiniriin nito ang pagiging kasuklam-suklam ng isang kalagayan o maling gawain.—Tingnan sa Glosari, “Marumi.”
Mabuting Guro: Maliwanag na ginamit ito ng lalaki bilang titulo para labis na papurihan si Jesus, dahil karaniwan nang gusto ng mga lider ng relihiyon ang ganoong mga papuri. Hindi naman sinasabi ni Jesus na hindi siya puwedeng tawaging “Guro” at “Panginoon” (Ju 13:13), pero gusto niyang ibigay ang lahat ng kapurihan sa kaniyang Ama.
labis na pinuri: Ang labis na papuri ay hindi totoo at hindi taos sa puso, at kadalasan nang ginagamit ito para makakuha ng pabor o materyal na pakinabang. Hinahatulan ito ng Bibliya. (Aw 5:9; 12:2, 3) Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang Griego na ko·la·kiʹa, na isinalin ditong “labis na pinuri,” ay tumutukoy sa “papuri na lalong nagpapalaki sa ulo ng isa na mataas ang tingin sa sarili.” Isang beses lang lumitaw ang salitang ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sinabi ni Pablo na hindi niya “labis na pinuri” ang sinuman sa Tesalonica noong nangangaral siya at “saksi ang Diyos” dito. Kapag iniiwasan ng mga Kristiyano na maghangad ng labis na papuri, tinutularan nila ang napakagandang halimbawa ni Jesu-Kristo. Agad na itinuwid ni Jesus ang isang tagapamahalang Judio nang tawagin siya nitong “Mabuting Guro,” dahil lumilitaw na ginamit niya ito para labis na papurihan si Jesus.—Mar 10:17 at study note, 18; ihambing ang Job 32:21, 22.
mapagkunwari: Sa kontekstong ito, ang salitang Griego na isinaling “mapagkunwari” ay puwedeng mangahulugang “nanlilinlang; may itinatago.” Ayon sa isang diksyunaryo, nangangahulugan ito na “ang ipinapakita ng isa ay iba sa kung ano talaga ang totoo.” Hindi kailanman naging sakim si Pablo at ang mga kasamahan niya; hindi nila kailangang magsinungaling at labis na purihin ang iba dahil wala naman silang itinatagong maling motibo.
hinangad na maparangalan ng tao: Dahil isang mapagpakumbabang ministro si Pablo na nagsisikap tularan si Kristo, malamang na nasa isip niya ang sinabing ito ni Jesus: “Hindi ako tumatanggap ng kaluwalhatian mula sa tao.” (Ju 5:41; 7:18; 1Co 11:1) Hindi naman sinasabi ni Pablo na maling igalang, o bigyang-dangal, ang mga nasa kongregasyon. (Ihambing ang Ro 12:10; 1Ti 5:17.) Hindi lang hinangad ni Pablo na tumanggap ng karangalan, espesyal na atensiyon, labis na paghanga, at papuri mula sa mga tao.
kahit puwede naming sabihin sa inyo na gastusan ninyo kami: Hindi humingi si Pablo ng kahit kaunting materyal na tulong sa mga Kristiyano sa Tesalonica para sana mas makapagpokus siya sa ministeryo niya. Ganiyan din ang ginawa niya noong nasa Corinto siya kahit na may makakasulatang basehan naman siya para humingi ng tulong, gaya ng binanggit niya. (1Co 9:11-15, 18) Ayon sa 1Te 2:9, “gabi’t araw” na nagtrabaho si Pablo sa Tesalonica; posibleng gumawa din siya ng tolda doon gaya ng ginawa niya sa Corinto. (Tingnan ang study note sa Gaw 18:3.) Bukod sa ayaw niyang maging pabigat sa kanila, gusto niya ring magpakita ng magandang halimbawa sa mga Kristiyano sa Tesalonica.—2Te 3:7-12.
gumagawa ng tolda: Dito, ang terminong Griego na ske·no·poi·osʹ ay ginamit para ilarawan ang trabaho nina Pablo, Aquila, at Priscila. Hindi tiyak kung ano ang eksaktong trabaho na tinutukoy ng salitang ito (kung gumagawa ng tolda, tagahabi ng tela, o gumagawa ng lubid); pero maraming iskolar ang naniniwala na tumutukoy ito sa “gumagawa ng tolda.” Nagmula si Pablo sa Tarso ng Cilicia, na kilalá sa telang gawa sa balahibo ng kambing na tinatawag na cilicium, ang materyal na ginagamit sa paggawa ng tolda. (Gaw 21:39) Para sa mga Judio noong unang siglo C.E., kapuri-puri ang isang kabataang lalaki na natuto ng isang kasanayan kahit pa tatanggap naman siya ng mas mataas na edukasyon. Kaya posibleng natutong gumawa ng tolda si Pablo noong kabataan pa siya. Hindi madali ang trabahong ito dahil sinasabing karaniwan nang matigas at magaspang ang cilicium, kaya mahirap itong gupitin at tahiin.
naging mapagmahal at mabait: Lit., “naging banayad.” Mahal na mahal ni Pablo at ng mga kasamahan niya ang mga kapatid sa Tesalonica, at gustong-gusto nilang sumulong ang mga ito sa espirituwal. (1Te 2:8) Pero sa ilang salin, ang mababasa dito ay “naging bata” o “naging sanggol.” Nagkaroon ng ganitong pagkakaiba dahil may mga manuskritong Griego na gumamit ng salitang nangangahulugang “mapagmahal at mabait” (eʹpi·oi), at may iba naman na ang salitang ginamit ay nangangahulugang “sanggol; bata” (neʹpi·oi). Isang letra lang ang kaibahan ng dalawang salitang ito. Ayon sa ilang iskolar, posibleng nagkaroon ng ganitong pagkakaiba sa mga manuskrito dahil di-sinasadyang nadoble ng mga eskriba ang letrang Griego na “n” na galing sa naunang salita. Tinatawag ang pagkakamaling ito na dittography. Pero batay sa konteksto at sa paghahalintulad sa isang ina na ginamit sa talatang ito, mas makatuwiran ang saling “mapagmahal at mabait,” na ginamit sa maraming makabagong salin.
ina: O “nagpapasusong ina.” Mula talata 7 hanggang 11, dalawang ugnayang pampamilya ang ginamit ni Pablo para malinaw na ilarawan kung gaano sila kalapít ng mga Kristiyano sa Tesalonica. (1Te 3:6) Dito, ikinumpara ni Pablo ang sarili niya at ang mga kasamahan niya sa isang “ina,” na mahal na mahal ang mga anak at inuuna ang kapakanan nila kaysa sa kaniya. Pero sa 1Te 2:11, ginamit naman niya ang ugnayan ng isang ama at anak. (Tingnan ang study note.) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang lumitaw ang terminong isinaling “nagpapasusong ina.” Pero ginamit ito sa salin ng Septuagint sa Isa 49:23, kung saan sinabi ni Jehova na kapag ibinalik na niya ang bayan niya sa kanilang lupain, maglalaan siya sa kanila ng mga prinsesa na “maglilingkod,” o “magpapasuso sa mga anak” (tlb.) nila.
buong pagmamahal na nag-aalaga: O “nag-aaruga.” Ang ekspresyong Griego na ginamit dito ay literal na nangangahulugang “painitin.” Sa kontekstong ito, posibleng maisip ng mambabasa ang ginagawang pag-aalaga ng isang ina para hindi ginawin ang anak niya at maging komportable ito. Sa Septuagint, ginamit din ang salitang ito sa Deu 22:6 (para sa Hebreo ng “nililimliman”) at sa Job 39:14 (“pinananatiling mainit”) para ilarawan ang ginagawa ng isang inahin sa mga inakáy o itlog niya.
gaya ng ginagawa ng ama sa mga anak niya: Para maipakita ang naging papel ni Pablo sa mga taga-Tesalonica, ikinumpara niya ang sarili niya sa isang ama na maibiging nagpapayo, nang-aaliw, at nagtuturo sa mga anak niya ng mahahalagang katotohanan. (Ihambing ang Deu 6:6, 7; Aw 78:5, 6.) Sinusuportahan nito ang naunang metapora sa 1Te 2:7, kung saan ginamit ni Pablo ang ugnayan ng isang ina at anak. (Tingnan ang study note.) Idiniriin ng dalawang paglalarawang ito na kahit na mga pastol si Pablo at ang mga kasamahan niya at may bigay-Diyos na awtoridad sila, gusto nilang mahalin at suportahan ng mga miyembro ng kongregasyon ang isa’t isa, na gaya ng isang pamilya.—Ihambing ang 1Ti 5:1, 2.
Mahal na mahal: Para mailarawan ni Pablo ang nararamdaman niya para sa mga Kristiyano sa Tesalonica, gumamit siya ng isang pandiwang Griego na ang kahulugan ayon sa isang diksyunaryo ay “pagkadama ng isang matinding emosyon na lalo pang pinatindi ng malapít na ugnayan.” Sa ibang diksyunaryo, nangangahulugan naman itong “pananabik” o “pangungulila.”
gustong-gusto: “Mahal na mahal” ni Pablo at ng mga kamanggagawa niya ang mga taga-Tesalonica na tumanggap ng mabuting balita. Kaya napakilos sila na ibigay ang buong makakaya nila para tulungan ang mga bagong Kristiyanong iyon. Ang pandiwang Griego na isinalin ditong “gustong-gusto” ay nagpapahiwatig din na determinado (o “handa”) silang gawin ito. Sinabi rin ng isang reperensiya tungkol kay Pablo: “Ang imperfect na anyo ng [Griegong] pandiwa ay nagpapakita ng di-natitinag na determinasyon niya na ibigay ang buong lakas niya para sa mga natulungan niyang makumberte.”
sarili: O “buhay.”—Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
hindi mapabigatan: Tingnan ang study note sa 1Te 2:6.
kahit puwede naming sabihin sa inyo na gastusan ninyo kami: Hindi humingi si Pablo ng kahit kaunting materyal na tulong sa mga Kristiyano sa Tesalonica para sana mas makapagpokus siya sa ministeryo niya. Ganiyan din ang ginawa niya noong nasa Corinto siya kahit na may makakasulatang basehan naman siya para humingi ng tulong, gaya ng binanggit niya. (1Co 9:11-15, 18) Ayon sa 1Te 2:9, “gabi’t araw” na nagtrabaho si Pablo sa Tesalonica; posibleng gumawa din siya ng tolda doon gaya ng ginawa niya sa Corinto. (Tingnan ang study note sa Gaw 18:3.) Bukod sa ayaw niyang maging pabigat sa kanila, gusto niya ring magpakita ng magandang halimbawa sa mga Kristiyano sa Tesalonica.—2Te 3:7-12.
gaya ng ginagawa ng ama sa mga anak niya: Para maipakita ang naging papel ni Pablo sa mga taga-Tesalonica, ikinumpara niya ang sarili niya sa isang ama na maibiging nagpapayo, nang-aaliw, at nagtuturo sa mga anak niya ng mahahalagang katotohanan. (Ihambing ang Deu 6:6, 7; Aw 78:5, 6.) Sinusuportahan nito ang naunang metapora sa 1Te 2:7, kung saan ginamit ni Pablo ang ugnayan ng isang ina at anak. (Tingnan ang study note.) Idiniriin ng dalawang paglalarawang ito na kahit na mga pastol si Pablo at ang mga kasamahan niya at may bigay-Diyos na awtoridad sila, gusto nilang mahalin at suportahan ng mga miyembro ng kongregasyon ang isa’t isa, na gaya ng isang pamilya.—Ihambing ang 1Ti 5:1, 2.
ina: O “nagpapasusong ina.” Mula talata 7 hanggang 11, dalawang ugnayang pampamilya ang ginamit ni Pablo para malinaw na ilarawan kung gaano sila kalapít ng mga Kristiyano sa Tesalonica. (1Te 3:6) Dito, ikinumpara ni Pablo ang sarili niya at ang mga kasamahan niya sa isang “ina,” na mahal na mahal ang mga anak at inuuna ang kapakanan nila kaysa sa kaniya. Pero sa 1Te 2:11, ginamit naman niya ang ugnayan ng isang ama at anak. (Tingnan ang study note.) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang lumitaw ang terminong isinaling “nagpapasusong ina.” Pero ginamit ito sa salin ng Septuagint sa Isa 49:23, kung saan sinabi ni Jehova na kapag ibinalik na niya ang bayan niya sa kanilang lupain, maglalaan siya sa kanila ng mga prinsesa na “maglilingkod,” o “magpapasuso sa mga anak” (tlb.) nila.
patuloy kayong mamuhay nang karapat-dapat sa harap ng Diyos: Sa orihinal na teksto, inihalintulad ni Pablo sa paglakad ang paraan ng pamumuhay ng isang Kristiyano. Katulad ito ng ginamit niyang ekspresyon sa Col 1:10.—Tingnan ang study note.
para makapamuhay kayo nang karapat-dapat sa harap ni Jehova: Sa orihinal na teksto, ginamit ang ekspresyong “makalakad” para tumukoy sa pagkilos o paraan ng pamumuhay ng isang tao. Maraming beses na ginamit ni Pablo ang ekspresyong “lumakad” sa makasagisag na diwa. (Gal 5:16; Col 2:6; 4:5) Sinasabi ng isang reperensiya na sa ganitong konteksto, tumutukoy ang ekspresyong ito sa “paglakad sa isang landasin ng buhay.” Ginagamit din sa ganitong diwa ang ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan. Ang isang halimbawa ay makikita sa 2Ha 20:3, kung saan sinabi ni Haring Hezekias: “Nakikiusap ako sa iyo, O Jehova, alalahanin mong lumakad ako sa harap mo nang may katapatan.” Kaya ang pamumuhay nang karapat-dapat sa harap ni Jehova ay nangangahulugang pamumuhay sa paraang nagpaparangal sa pangalan niya at kaayon ng matuwid na mga pamantayan niya. Gumamit din ng ganiyang pananalita si Pablo sa 1Te 2:12.—Para sa paliwanag kung bakit ginamit ang pangalan ng Diyos sa talatang ito, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Col 1:10.
pinasisigla kayo ng: O “kumikilos sa loob ninyo ang.” Dalawang beses na lumitaw sa talatang ito ang salitang Griego na e·ner·geʹo; ang una ay isinaling “pinasisigla” at ang isa pa ay “ibinibigay sa inyo ang . . . lakas para kumilos.” Ang banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos, ang mapagkukunan ng di-nauubos na kapangyarihan, o lakas, sa uniberso. Ito ang ginamit ng Diyos para lalangin ang lahat ng bagay. (Gen 1:2; Aw 104:30; Isa 40:26) Banal na espiritu rin ang ibinibigay ni Jehova sa mga lingkod niya na nangangailangan ng “lakas para kumilos” kapag nanghihina sila. (Isa 40:31) Nakakatulong din ang espiritu ni Jehova para mapasulong ng isa ang kakayahan niya ayon sa pangangailangan. (Luc 11:13; 2Co 4:7) Madalas itong maranasan ni apostol Pablo; ibinibigay niya ang buo niyang makakaya sa paglilingkod, at pinupunan ng Diyos ang anumang kulang.—Fil 4:13; Col 1:29.
marinig ninyo mula sa amin ang salita ng Diyos: Nakarating sa mga Kristiyano sa Tesalonica ang salita, o mensahe, ng Diyos dahil sa pangangaral nina Pablo at Silas (Gaw 17:1-4), pero alam nila na hindi lang ito mensahe ng tao. Galing ito sa Diyos na Jehova, at nakabase ito sa Hebreong Kasulatan. Pero mula noong panahon ni Jesus, sinaklaw na rin ng terminong “salita ng Diyos” ang mabuting balita ng kaligtasan sa pamamagitan ni Jesus. (Efe 1:12, 13; Col 4:3) Nang buoin ang Kristiyanong Griegong Kasulatan, malamang na ang unang naging bahagi ng Salita ng Diyos sa lahat ng mga isinulat ni Pablo ay ang unang liham niya sa mga taga-Tesalonica. Nang maglaon, sinabi rin ni apostol Pedro na ang mga isinulat ni Pablo ay bahagi ng “buong Kasulatan.”—2Pe 3:15, 16; tingnan sa Glosari, “Kanon (kanon ng Bibliya).”
na umiimpluwensiya sa inyo na mga mananampalataya: Ang isang anyo ng salitang Griego na e·ner·geʹo, na isinalin ditong “umiimpluwensiya,” ay puwede ring isaling “nagpapasigla.” (Tingnan ang study note sa Fil 2:13.) Dahil hindi lang “salita ng tao” ang mensaheng ipinangangaral ni Pablo at ng mga kamanggagawa niya kundi “salita ng Diyos,” napakalaki ng impluwensiya nito sa taimtim na mga mánanampalatayá. (Sa Heb 4:12, isinaling “malakas” ang kaugnay nitong pandiwang Griego.) Sa buong ministeryo ni Pablo, marami siyang nakitang gumawa ng napakalaking pagbabago sa buhay nila dahil sa kapangyarihan ng salita ng Diyos. (1Co 6:9-11; Efe 2:3; Tit 3:3) Si Pablo mismo ay isang matibay na patunay na kayang baguhin ng “salita ng Diyos” ang buhay at ugali ng isang tao.—Gal 1:13, 22, 23; 1Ti 1:12-14.
kahit nagdurusa kayo: Tumutukoy ito sa pag-uusig na naranasan ng kongregasyon sa Tesalonica di-nagtagal matapos ibahagi sa kanila nina Pablo at Silas ang mabuting balita. Nagalit ang panatikong mga Judio sa paglaganap ng mabuting balita kaya sinulsulan nila ang mga tao na sugurin ang bahay kung saan nakatuloy si Pablo. Dahil hindi nila nakita si Pablo, kinaladkad nila ang may-ari ng bahay na si Jason at ang ilang kapatid papunta sa mga tagapamahala ng lunsod at inakusahan ang mga ito ng sedisyon. Kinagabihan, kinumbinsi ng mga kapatid sina Pablo at Silas na umalis ng lunsod at magpunta sa Berea. (Gaw 17:1-10) Kitang-kita ang pagkilos ng banal na espiritu sa mga Kristiyano sa Tesalonica dahil nakapanatili silang masaya sa kabila ng ganitong pag-uusig.
ang mga pinagdusahan ninyo sa kamay ng mga kababayan ninyo: Tingnan ang study note sa 1Te 1:6.
ipinagkasundo niya kami sa sarili niya: Kailangang makipagkasundo ng lahat ng tao sa Diyos dahil ang unang tao, si Adan, ay naging masuwayin at naipasa niya ang kasalanan at pagiging di-perpekto sa lahat ng inapo niya. (Ro 5:12) Kaya ang mga tao ay napalayo sa Diyos at naging kaaway niya, dahil labag sa pamantayan niya na kunsintihin ang mga pagkakasala. (Ro 8:7, 8) Ang mga salitang Griego para sa “makipagkasundo” at “pakikipagkasundo” ay pangunahin nang nangangahulugang “magbago; makipagpalitan,”at sa kontekstong ito, nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng malapít at magandang kaugnayan sa Diyos mula sa pagiging kaaway niya. Ipinapakita dito ni Pablo na ang Diyos ang unang kumilos para maipagkasundo sila (si Pablo, ang mga kasama niya, at ang lahat ng pinahirang Kristiyano) sa sarili niya sa pamamagitan ni Kristo, o ng haing pantubos ni Kristo. Pagkatapos, sinabi ni Pablo na ibinigay ng Diyos sa kanila “ang ministeryo ng pakikipagkasundo.”—Tingnan ang study note sa Ro 5:10.
ministeryo ng pakikipagkasundo: Ginagawa ang ministeryong ito para maipagkasundo ang mga tao sa Diyos “sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak.” (Ro 5:10) Kasama dito ang agarang pagsasabi sa mga taong malayo sa Diyos ng mensaheng tutulong sa kanila na magkaroon ng mapayapang kaugnayan sa kaniya at maging kaibigan niya.—2Co 5:18-20; para sa impormasyon tungkol sa terminong “ministeryo” (sa Griego, di·a·ko·niʹa), tingnan ang study note sa Gaw 11:29; Ro 11:13.
hindi nakalulugod sa Diyos: Tumutukoy ito sa mga taong humahadlang sa iba na makipagkasundo sa Diyos at magkaroon ng pag-asa na maligtas at mabuhay nang walang hanggan. (1Te 2:16) Gaya ni Pablo noong pinag-uusig niya ang mga Kristiyano, posibleng iniisip ng mga mang-uusig na ito na ang ginagawa nila ay sagradong paglilingkod sa Diyos. (Ju 16:2; Gal 1:13; 1Ti 1:13) Pero ang totoo, hindi talaga nila kilala si Jehova o ang Anak niya.—Ju 16:3.
hindi nakakabuti sa sinuman: Masasabing hindi nakakabuti sa lahat ng tao ang ginagawa ng mga umuusig sa tunay na mga Kristiyano dahil ang pangangaral, na pinasimulan ni Jesus, ay paraan ni Jehova para maipagkasundo sa Kaniya ang makasalanang mga tao.—Tingnan ang study note sa 2Co 5:18, 19.
ipinakikipagkasundo . . . ang isang sanlibutan sa sarili niya: Kailangang makipagkasundo ng lahat ng tao sa Diyos dahil ang unang tao, si Adan, ay naging masuwayin at naipasa niya ang kasalanan at pagiging di-perpekto sa lahat ng inapo niya. (Tingnan ang study note sa 2Co 5:18.) Ginawa ng Diyos ang pakikipagkasundong ito sa pamamagitan ni Kristo, o ng haing pantubos ni Jesus. (Ro 5:10; 2Co 5:21; Col 1:21, 22) Inatasan ni Jehova ang mga kaisa ni Kristo na maging “mga embahador” sa masamang mundong ito at ibinigay sa kanila “ang ministeryo ng pakikipagkasundo.”—2Co 5:18, 20.
tapusin ninyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno: Lit., “punuin ninyo ang panukat ng inyong mga ninuno.” Ang literal na kahulugan ng idyomang ito ay “punuin ninyo ang panukat na sinimulang salinan ng iba.” Hindi inuutusan ni Jesus ang mga Judiong lider na tapusin ang sinimulan ng mga ninuno nila. Sa halip, ginamit niya ang ekspresyong ito para ihula na papatayin nila siya, gaya ng mga ninuno nila na pumatay sa mga propeta ng Diyos noon.
patuloy na nadaragdagan ang mga kasalanan nila: Tinutukoy dito ni Pablo ang mga Judio noong unang siglo na “pumatay . . . sa Panginoong Jesus” at malupit na umuusig sa mga tagasunod niya. (1Te 2:15) Sinisikap din nilang hadlangan ang mga Kristiyano na ‘makipag-usap sa mga tao ng ibang mga bansa.’ Ipinapakita ng ekspresyong “nadaragdagan ang mga kasalanan nila” na namimihasa sila sa pagkakasala. Nang sabihin ni Pablo na patuloy nila itong ginagawa, ipinapahiwatig niya na ipinagpapatuloy ng mga Judiong mang-uusig na ito ang ginawa ng mga ninuno nila nang daan-daang taon.—Tingnan ang study note sa Mat 23:32.
ang poot ng Diyos: Lit., “ang poot.” Sa orihinal na anyo ng pandiwang Griego na ginamit dito, para bang naibuhos na ang poot ng Diyos, na nagpapakitang tiyak na matitikman iyon ng mga Judio. At nangyari nga ito nang wasakin ng mga Romano ang Jerusalem at ang templo nito noong 70 C.E. May ilan ding sinaunang manuskrito na gumamit ng “ang poot ng Diyos.”
gaya ng ginagawa ng ama sa mga anak niya: Para maipakita ang naging papel ni Pablo sa mga taga-Tesalonica, ikinumpara niya ang sarili niya sa isang ama na maibiging nagpapayo, nang-aaliw, at nagtuturo sa mga anak niya ng mahahalagang katotohanan. (Ihambing ang Deu 6:6, 7; Aw 78:5, 6.) Sinusuportahan nito ang naunang metapora sa 1Te 2:7, kung saan ginamit ni Pablo ang ugnayan ng isang ina at anak. (Tingnan ang study note.) Idiniriin ng dalawang paglalarawang ito na kahit na mga pastol si Pablo at ang mga kasamahan niya at may bigay-Diyos na awtoridad sila, gusto nilang mahalin at suportahan ng mga miyembro ng kongregasyon ang isa’t isa, na gaya ng isang pamilya.—Ihambing ang 1Ti 5:1, 2.
sandali: Gumamit dito si Pablo ng isang idyoma na dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sa literal, puwede itong isaling “isang panahon (isang takdang panahon) sa loob ng isang oras.” Lumilitaw na gustong sabihin ni Pablo na kahit kamakailan lang niya nakasama ang mga kapananampalataya niya sa Tesalonica—posibleng mga ilang buwan pa lang ang nakakalipas—gusto na niya ulit silang makita. Kaya nga sinabi niya na pinagsikapan pa nilang makabalik ulit doon kahit kinailangan nilang umalis agad noong una. Kaya para mapatibay sila, isinugo ni Pablo si Timoteo.—1Te 3:1, 2.
napalayo noon sa inyo: Lit., “naulila dahil sa inyo.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito ni Pablo (a·por·pha·niʹzo) ay kaugnay ng terminong isinaling “mga ulila” (anyong pangmaramihan ng or·pha·nosʹ) sa San 1:27. Pero malawak ang terminong ito at puwede ring tumukoy sa mga magulang na nangungulila sa mga anak. Sa talata 7 at 11 ng kabanatang ito, ikinumpara ni Pablo ang sarili niya at ang mga kasamahan niya sa isang ina at ama. Kaya posibleng ginamit ni Pablo ang terminong ito para ipakita kung gaano katindi ang pananabik niya at ng mga kasamahan niya na makita ang mga kapananampalataya nila sa Tesalonica, gaya ng magulang na nangungulila sa namatay nilang anak. Isa ulit ito sa mga pagkakataon kung saan ginamit ni Pablo ang ugnayang pampamilya para ilarawan ang kaugnayan niya sa mga kapananampalataya niya.—Tingnan ang study note sa 1Te 2:7, 11.
ina: O “nagpapasusong ina.” Mula talata 7 hanggang 11, dalawang ugnayang pampamilya ang ginamit ni Pablo para malinaw na ilarawan kung gaano sila kalapít ng mga Kristiyano sa Tesalonica. (1Te 3:6) Dito, ikinumpara ni Pablo ang sarili niya at ang mga kasamahan niya sa isang “ina,” na mahal na mahal ang mga anak at inuuna ang kapakanan nila kaysa sa kaniya. Pero sa 1Te 2:11, ginamit naman niya ang ugnayan ng isang ama at anak. (Tingnan ang study note.) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang lumitaw ang terminong isinaling “nagpapasusong ina.” Pero ginamit ito sa salin ng Septuagint sa Isa 49:23, kung saan sinabi ni Jehova na kapag ibinalik na niya ang bayan niya sa kanilang lupain, maglalaan siya sa kanila ng mga prinsesa na “maglilingkod,” o “magpapasuso sa mga anak” (tlb.) nila.
hinarangan kami ni Satanas: Ang ekspresyong Griego na isinaling “hinarangan kami” ay puwede ring isaling “hinarangan ang daan namin” o “pinigilan kami.” Ito rin ang pandiwang Griegong ginamit ni Pablo sa Ro 15:22. Kung minsan, ginagamit ang pandiwang ito para tumukoy sa pagsira sa isang kalsada para hindi ito madaanan o sa pagsugod sa teritoryo ng kaaway na ginagawa ng mga sundalo. Posibleng nasa isip dito ni Pablo ang ilan sa mga isinagawang pakana ng mga mang-uusig sa Tesalonica para hindi siya makabalik doon. Anuman ang nakahadlang kay Pablo, pinatnubayan siya ng espiritu na sabihing galing iyon kay Satanas, dahil siya ang “diyos ng sistemang ito.”—Tingnan ang study note sa Ju 12:31; 2Co 4:4.
diyos ng sistemang ito: Si Satanas ang “diyos” na tinutukoy dito, dahil gaya ng makikita sa teksto, ‘binulag niya ang isip ng mga di-sumasampalataya.’ Tinawag ni Jesus si Satanas na “tagapamahala ng mundong ito” at sinabi na “palalayasin” siya. (Ju 12:31) Ang sinabi ni Jesus at ang tawag kay Satanas na “diyos ng sistemang ito [o, “ng panahong ito”]” ay nagpapakitang pansamantala lang ang posisyon niya.—Ihambing ang Apo 12:12.
ang tagapamahala ng mundong ito: May katulad itong ekspresyon sa Ju 14:30 at 16:11, at tumutukoy ito kay Satanas na Diyablo. Sa kontekstong ito, ang terminong ‘mundo’ (sa Griego, koʹsmos) ay tumutukoy sa lipunan ng tao na malayo sa Diyos at hindi kumikilos kaayon ng kalooban niya. Hindi Diyos ang dahilan kung bakit masama ang mundong ito. Ang totoo, ito ay “nasa ilalim ng kapangyarihan ng isa na masama.” (1Ju 5:19) Si Satanas at ang kaniyang “hukbo ng napakasasamang espiritu sa makalangit na dako” ang di-nakikitang “mga tagapamahala [isang anyo ng salitang Griego na ko·smo·kraʹtor] ng madilim na sanlibutang ito.”—Efe 6:11, 12.
presensiya: Ito ang una sa anim na beses na pagbanggit ni Pablo ng presensiya ng Kristo sa dalawang liham niya sa mga taga-Tesalonica. (Tingnan sa Glosari, “Presensiya”; tingnan din ang “Introduksiyon sa 1 Tesalonica.”) Pinananabikan ni Pablo ang panahon ng presensiya ng Panginoong Jesus, at tuwang-tuwa siyang isipin na tatanggap din ng gantimpala ang mahal niyang mga kapananampalataya sa panahong iyon. Mababasa rin sa liham niya na ipinanalangin niyang ‘maging walang kapintasan at banal sila sa harap ng Diyos at Ama sa panahon ng presensiya ng Panginoong Jesus kasama ang lahat ng kaniyang banal.’—1Te 3:13; tingnan ang study note sa 1Co 15:23.
ipagmamalaking korona: Ipinagmamalaki ni Pablo ang mga Kristiyano sa Tesalonica at tinawag silang “korona.” Posibleng nasa isip ni Pablo ang ginagawa noon sa isang embahador, mataas na opisyal, o atleta, na karaniwan nang pinuputungan ng korona o palamuti sa ulo bilang parangal o tanda ng tagumpay niya. Ang salitang Griego na isinaling ‘ipinagmamalaki’ ay puwede ring mangahulugang “nagsasaya.” Tamang-tama ang terminong ito dahil angkop lang na makadama si Pablo ng kasiyahan sa pribilehiyong makatulong sa pagtatatag ng kongregasyon sa Tesalonica.—2Te 1:4; ihambing ang Fil 4:1; ihambing ang study note sa 2Co 10:17.
ipagmalaki niya si Jehova: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pandiwang Griego na isinasaling “magmalaki” (kau·khaʹo·mai) ay puwede ring isaling “magsaya; magbunyi.” Puwedeng maging positibo o negatibo ang kahulugan nito. Halimbawa, sinabi ni Pablo na puwede tayong “magsaya [o, “magmalaki”] . . . dahil sa pag-asang tumanggap ng kaluwalhatian mula sa Diyos.” (Ro 5:2) Kapag ‘ipinagmamalaki natin si Jehova,’ ipinagmamalaki nating siya ang Diyos natin at nagsasaya tayo dahil sa kaniyang mabuting pangalan at reputasyon.—Jer 9:23, 24.
sa panahon ng kaniyang presensiya: Unang ginamit ang terminong ito sa Mat 24:3, kung saan tinanong si Jesus ng ilan sa mga alagad niya tungkol sa “tanda ng presensiya” niya. Tumutukoy ito sa presensiya ni Jesu-Kristo mula sa panahong iluklok siya sa langit bilang Mesiyanikong Hari sa pasimula ng huling mga araw ng sistemang ito. Ang salitang Griego na isinaling “presensiya” ay pa·rou·siʹa. Sa maraming Bibliya, isinalin itong “pagparito,” pero literal itong nangangahulugang “pagiging nasa tabi.” Ang presensiya niya ay tumutukoy sa isang yugto ng panahon sa halip na sa mismong pagdating. Ang ganitong kahulugan ng pa·rou·siʹa ay makikita sa Mat 24:37-39, kung saan ang “panahon ni Noe . . . bago ang Baha” ay ikinumpara sa “presensiya ng Anak ng tao.” Sa Fil 2:12, ginamit din ni Pablo ang pa·rou·siʹa para tukuyin ang panahong “kasama” siya ng mga kapuwa niya Kristiyano, kabaligtaran ng panahong “wala” siya. (Tingnan ang study note sa 1Co 16:17.) Kaya ipinapaliwanag ni Pablo na ang pagkabuhay-muli tungo sa langit ng mga kay Kristo, o mga pinahirang kapatid niya at kasamang tagapamahala, ay magaganap mga ilang panahon pagkatapos iluklok si Jesus sa langit bilang Hari ng Kaharian ng Diyos.