Unang Liham kay Timoteo 1:1-20
Talababa
Study Notes
Unang Liham kay Timoteo: Lumilitaw na ang ganitong mga pamagat ay hindi bahagi ng orihinal na teksto. Makikita sa mga sinaunang manuskrito na idinagdag lang ang mga pamagat nang maglaon para madaling matukoy ang mga aklat ng Bibliya. Halimbawa, ang kilaláng manuskritong Codex Sinaiticus na mula noong ikaapat na siglo C.E. ay may pamagat na “Unang Liham kay Timoteo” sa dulo ng liham. May iba pang sinaunang manuskrito na may kahawig na pamagat.
Diyos na ating Tagapagligtas: Sa unang liham ni Pablo kay Timoteo at sa liham niya kay Tito, anim na beses niyang ginamit ang terminong “Tagapagligtas” para tumukoy sa Diyos na Jehova (dito at sa 1Ti 2:3; 4:10; Tit 1:3; 2:10; 3:4), pero dalawang beses lang itong ginamit sa natitira pang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (Luc 1:47; Jud 25). Sa Hebreong Kasulatan, madalas ilarawan si Jehova bilang Tagapagligtas ng bayan niyang Israel. (Aw 106:8, 10, 21; Isa 43:3, 11; 45:15, 21; Jer 14:8) Dahil si Jesus ang ginamit ni Jehova para iligtas ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan, tinatawag din siyang “Tagapagligtas.” (Gaw 5:31; 2Ti 1:10) Tinatawag din siyang “Punong Kinatawan para sa kaligtasan.” (Heb 2:10) Ang pangalang Jesus, na ibinigay sa Anak ng Diyos batay sa tagubilin ng isang anghel, ay nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan,” dahil sabi ng anghel, “ililigtas niya ang kaniyang bayan mula sa kanilang mga kasalanan.” (Mat 1:21 at study note) Idiniriin ng mismong pangalan ni Jesus na nagliligtas si Jehova sa pamamagitan ni Jesus. Kaya parehong tinatawag na Tagapagligtas ang Ama at ang Anak. (Tit 2:11-13; 3:4-6) Ang mga terminong Hebreo at Griego (sa Septuagint) para sa “tagapagligtas” ay puwede ring tumukoy sa mga taong ginagamit ng Diyos bilang “mga tagapagligtas para palayain” ang bayan niya mula sa mga kaaway nila.—Ne 9:27; Huk 3:9, 15.
Kristo Jesus, na ating pag-asa: Sinabi ni Pablo na si Jehova ang ‘Diyos na nagbibigay ng pag-asa’ (Ro 15:13), pero dito, ipinaalala niya kay Timoteo na sa pamamagitan ni Kristo Jesus nagbibigay si Jehova sa mga Kristiyano ng mapanghahawakang pag-asa. Si Jesus ang tumutupad sa lahat ng pangako ni Jehova, at sa pamamagitan niya, naging posible sa mga tao na magkaroon ng buhay na walang hanggan.—Tingnan ang 2Co 1:20 at mga study note; 1Pe 1:3, 4.
sa pamamagitan din niya, sinasabi natin sa Diyos ang “Amen”: Ang salitang isinalin na “Amen” ay transliterasyon ng Hebreong salita na nangangahulugang “mangyari nawa,” o “tiyak nga.” Sa Apo 3:14, tinukoy ni Jesus ang sarili niya bilang “Amen,” dahil noong nasa lupa siya, tinupad niya ang lahat ng hula tungkol sa kaniya. Isa pa, dahil sa katapatan at kamatayan niya, siya ang naging garantiya, o “Amen,” na ang lahat ng sinabi ng Diyos ay magkakatotoo. Dahil dito, mas nagiging makahulugan ang pagsasabi ng “Amen” sa pagtatapos ng mga panalangin sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo.—Tingnan ang study note sa 1Co 14:16.
Jesus: Katumbas ng pangalang Hebreo na Jesua o Josue, pinaikling anyo ng Jehosua, na ang ibig sabihin ay “Si Jehova ay Kaligtasan.”
ang mga iyon ay naging “oo” sa pamamagitan niya: Ibig sabihin, ang mga pangako ng Diyos ay napagtibay at natupad sa pamamagitan ni Jesus. Sa pamamagitan ng lahat ng itinuro at ginawa niya, natupad ang lahat ng pangako sa Hebreong Kasulatan. Dahil sa walang-batik na katapatan ni Jesus noong nandito siya sa lupa, naalis ang anumang pagdududa sa mga pangako ni Jehova.
Timoteo: Sa Bibliya, dito unang binanggit si Timoteo, na ang pangalang Griego ay nangangahulugang “Isa na Nagpaparangal sa Diyos.” Hindi tiyak kung kailan naging Kristiyano si Timoteo. Pero mula pa pagkabata, tinuruan na siya ng nanay niyang si Eunice, na isang Judiong mánanampalatayá, at posibleng ng lola niyang si Loida tungkol sa “banal na mga kasulatan” ng mga Judio, ang Hebreong Kasulatan. (2Ti 1:5; 3:15) Malamang na naging Kristiyano sina Eunice at Loida nang dumalaw si Pablo sa Listra noong unang paglalakbay niya bilang misyonero. Ang ama ni Timoteo ay tinawag na Griego dahil posibleng ang mga ninuno niya ay mula sa Gresya o iba ang lahi niya. Lumilitaw na hindi siya Kristiyano. Sa ikalawang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, noong katapusan ng 49 C.E. o pasimula ng 50 C.E., nagpunta siya sa Listra, kung saan lumilitaw na nakatira si Timoteo. Isa nang Kristiyano si Timoteo nang panahong iyon, at “mabuti ang sinasabi tungkol sa kaniya ng mga kapatid sa Listra at Iconio.” (Gaw 16:2) Posibleng mga 20 taóng gulang si Timoteo noon, at sinusuportahan ito ng sinabi ni Pablo kay Timoteo mga 10 o 15 taon pagkatapos nito: “Hindi dapat hamakin ng sinuman ang pagiging kabataan mo.” (1Ti 4:12, malamang na isinulat sa pagitan ng 61 at 64 C.E.) Ipinapakita nito na kahit noong panahong iyon, medyo bata pa rin si Timoteo.
Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan: Ginamit ni Pablo ang pagbating ito sa 11 liham niya. (1Co 1:3; 2Co 1:2; Gal 1:3; Efe 1:2; Fil 1:2; Col 1:2; 1Te 1:1; 2Te 1:2; Tit 1:4; Flm 3) Halos ganito rin ang pagbati niya sa mga liham niya kay Timoteo, pero idinagdag niya ang katangiang “awa.” (1Ti 1:2; 2Ti 1:2) Napansin ng mga iskolar na sa halip na gamitin ni Pablo ang karaniwang salita para sa pagbati (khaiʹrein), madalas niyang gamitin ang katunog na terminong Griego (khaʹris) para ipakita ang kagustuhan niyang lubos na matanggap ng mga kongregasyon ang “walang-kapantay na kabaitan.” (Tingnan ang study note sa Gaw 15:23.) Ang pagbanggit niya ng “kapayapaan” ay kahawig ng isang karaniwang Hebreong pagbati, sha·lohmʹ. (Tingnan ang study note sa Mar 5:34.) Sa paggamit ng “walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan,” maliwanag na idiniriin ni Pablo ang naibalik na kaugnayan ng mga Kristiyano sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng pantubos. Nang sabihin ni Pablo kung kanino galing ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan, binanggit niya nang magkahiwalay ang Diyos na ating Ama at ang Panginoong Jesu-Kristo.
Timoteo: Ibig sabihin, “Isa na Nagpaparangal sa Diyos.”—Tingnan ang study note sa Gaw 16:1.
isang tunay na anak: Ipinapakita ng malambing na ekspresyong ito ang pagkagiliw ni Pablo kay Timoteo. Walang mababasa sa Kasulatan kung si Pablo ang nagdala ng mabuting balita kay Timoteo at sa pamilya nito. Pero noong bata-bata pa si Timoteo, isinama niya ito sa mga paglalakbay niya. (Gaw 16:1-4) Kaya nang isulat ni Pablo ang liham na ito, itinuturing niya si Timoteo na anak “sa pananampalataya.” (Ihambing ang Tit 1:4.) Nabuo nila ang ganito kalapít na ugnayan dahil nagkasama sila nang 10 taon o higit pa.—1Co 4:17; Fil 2:20-22.
Sumaiyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan, awa, at kapayapaan: Tingnan ang study note sa Ro 1:7.
manatili sa Efeso: Nakakatulong ang mahalagang impormasyong ito para mas maintindihan ang sitwasyon nang isulat ni Pablo ang unang liham niya kay Timoteo. Nang matanggap ni Timoteo ang liham na ito, naglilingkod siya bilang tagapangasiwa sa kongregasyon sa Efeso. Kilalang-kilala ni Pablo ang kongregasyong ito. (Gaw 19:1, 9, 10; 20:31) Pinayuhan niya si Timoteo na manatili sa Efeso “para masabihan [niya] ang ilan doon na huwag magturo ng ibang doktrina.” Isinulat ni Pablo ang liham na ito noong mga 61-64 C.E., pagkatapos niyang mapalaya mula sa pagkakabilanggo sa sarili niyang bahay sa Roma pero bago ang huling pagkabilanggo niya roon.—Tingnan ang Introduksiyon sa 1 Timoteo at Media Gallery, “Mga Paglalakbay ni Pablo Pagkatapos ng mga 61 C.E.”
huwag magturo ng ibang doktrina: Malaking pananagutan ang ipinagkatiwala ni Pablo kay Timoteo sa kongregasyon sa Efeso—ang sabihan ang ilan doon na huwag magturo ng mga doktrinang iba sa itinuro ni Jesus at ng mga inatasan niya. Ang terminong ginamit ni Pablo, na isinalin ditong “masabihan,” ay nagpapahiwatig na kailangang magawa agad ni Timoteo ang iniutos sa kaniya. Makikita sa utos na ito ang pagsisikap ni Pablo nang panahong iyon na patuloy na labanan ang apostasya. (Tingnan ang study note sa 2Te 2:3.) Ilang taon bago nito, noong mga 56 C.E., binabalaan ni Pablo ang matatandang lalaki sa Efeso laban sa “malulupit na lobo” na manggagaling sa mga nangunguna sa kongregasyon at “pipilipit sa katotohanan para ilayo ang mga alagad at pasunurin sa kanila.” (Gaw 20:29, 30) Sa ibang liham ni Pablo na nasa Kasulatan, binabalaan niya ang mga Kristiyano na huwag makinig sa “mabuting balita na iba sa tinanggap na [nila].” (Gal 1:6 at study note; 2Co 11:4) Maliwanag na nakapasok na sa kongregasyon sa Efeso ang ilan sa mga taong iyon na nagtuturo ng maling doktrina.
magkakaroon muna ng apostasya: Nalinlang ang ilang Kristiyano sa Tesalonica may kinalaman sa “presensiya ng ating Panginoong Jesu-Kristo” at “araw ni Jehova.” Kaya ipinaalala sa kanila ni Pablo ang dalawang pangyayari na kailangan munang maganap: (1) Magkakaroon ng apostasya (tingnan ang study note sa apostasya sa talatang ito) at (2) masisiwalat ang “napakasamang tao.” (2Te 2:1-3) Ang inihula ni Pablo tungkol sa paglaganap ng apostasya sa kongregasyong Kristiyano ay kaayon ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa trigo at panirang-damo. (Mat 13:24-30, 36-43) Nagbabala si Pablo na makakapasok ang mga apostata sa kongregasyon; ganiyan din ang sinabi ni apostol Pedro nang maglaon.—Gaw 20:29, 30; 1Ti 4:1-3; 2Ti 4:3, 4; 2Pe 2:1-3.
ibang uri ng mabuting balita: May itinuturo ang “nagkukunwaring mga kapatid” (Gal 2:4) na “iba sa mabuting balita” na natutuhan ng mga Kristiyano sa Galacia. Kasama sa mabuting balita na inihayag sa kanila ni Pablo ang “mabuting balita tungkol sa Kristo.” (Gal 1:7, 8) Tungkol ito sa kalayaang naging posible dahil kay Kristo—kalayaan mula sa pagkaalipin sa kasalanan at mula sa Kautusang Mosaiko. (Gal 3:13; 5:1, 13 at study note) Ang mabuting balitang ito ay “hindi galing sa tao.”—Gal 1:8, 9, 11, 12; 2Co 11:4; tingnan ang study note sa Gal 1:8.
mga kuwentong di-totoo at lumalapastangan sa Diyos: Lumalapastangan sa Diyos ang “mga kuwentong di-totoo” (salin ng salitang Griego na myʹthos) na kumakalat noong panahon ni Pablo. Nilalabag nito ang banal na mga pamantayan ng Diyos, at salungat ito sa sagrado at kapaki-pakinabang na mga katotohanan. (1Ti 6:20; 2Ti 1:13) Bunga lang ng imahinasyon ang mga kuwentong ito, kaya wala itong kabuluhan.—Tingnan ang study note sa 1Ti 1:4.
mga kuwentong di-totoo: Sa 2Ti 4:4, parehong binanggit ni Pablo ang “mga kuwentong di-totoo” at ang “katotohanan.” Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang Griego na myʹthos, na isinalin ditong “mga kuwentong di-totoo,” ay nangangahulugang “alamat, pabula . . . kathang-isip.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, laging negatibo ang pagkakagamit sa salitang ito. Posibleng nasa isip ni Pablo ang nakakaaliw na mga alamat na base sa mga kasinungalingan sa relihiyon at sabi-sabi. (Tit 1:14; 2Pe 1:16; tingnan ang study note sa 1Ti 4:7.) Sinabihan niya ang mga Kristiyano na huwag magbigay-pansin, o maging interesado, sa di-totoong mga kuwento. Walang makukuhang pakinabang sa mga ito, at maililihis pa nito ang isip ng mga Kristiyano mula sa katotohanang nasa Salita ng Diyos.—2Ti 1:13.
mga talaangkanan: Posibleng tinutukoy dito ni Pablo ang personal na talaangkanan ng isang tao, o ang angkan na pinagmulan niya. Sinabihan niya ang mga Kristiyano na hindi nila dapat ubusin ang panahon nila sa pag-aaral at pag-uusap tungkol sa ganitong mga bagay. Malamang na may gumagawa nito dahil ipinagmamalaki nila ang pinagmulan nilang angkan o ang kaalaman nila tungkol dito. Pero ang gayong mga bagay ay walang pakinabang, o hindi nakakatulong, para tumibay ang pananampalataya ng isang Kristiyano. Hindi na kailangang alamin ng mga Judiong Kristiyano ang pinagmulan nilang angkan dahil para sa Diyos, wala nang pagkakaiba ang mga Judio at di-Judio sa loob ng kongregasyong Kristiyano. (Gal 3:28) Ang mahalaga para sa mga Kristiyano ay ang matunton na nagmula sa linya ni David ang Kristo.—Mat 1:1-17; Luc 3:23-38.
mga pag-aalinlangan: Tinukoy dito ni Pablo ang isang panganib kung magbibigay-pansin ang mga Kristiyano sa mga kuwentong di-totoo at sa mga talaangkanan. (Tingnan ang study note sa mga kuwentong di-totoo at mga talaangkanan sa talatang ito.) Ginamit niya ang salitang Griego na nangangahulugang “walang-kabuluhang espekulasyon,” ayon sa isang diksyunaryo. Ayon sa isa pang reperensiya, ang ganitong mga espekulasyon ay “mga tanong na walang sagot at hindi naman talaga kailangang sagutin.” Binanggit ni Pablo na hindi ito kasama sa “mga paglalaan ng Diyos para mapatibay ang ating pananampalataya.” Ang ganitong mga pag-aalinlangan ay ibang-iba sa taimtim na pagtatanong at pangangatuwiran na may matibay na basehan sa Kasulatan at nakakapagpatibay ng pananampalataya. (Gaw 19:8; 1Co 1:10) Walang kabuluhan kung pag-uusapan ang mga espekulasyon na ito, pati na ang kaduda-dudang sagot sa mga ito, dahil puwede nitong sirain ang pagkakaisa ng mga Kristiyano.
wakas: May iba’t ibang kahulugan ang salitang Griego na teʹlos, na karaniwang isinasaling “wakas.” Puwede itong tumukoy sa katapusan ng isang bagay, na kabaligtaran ng pasimula nito. (Mat 24:14; Mar 3:26; Apo 21:6) Angkop ang kahulugang iyan sa pagkakagamit dito ng teʹlos, dahil lubusang natapos ang Kautusang Mosaiko nang mamatay, buhaying muli, at umakyat sa langit si Jesus. (Ju 1:17; Ro 6:14; Gal 5:18; Col 2:14, 16, 17) Pero ang teʹlos ay puwede ring tumukoy sa pag-abot ng isang tunguhin o layunin. (Ihambing ang 1Ti 1:5, kung saan ang salitang Griegong ito ay ginamit sa ganiyang paraan at isinaling “para.”) Inilarawan ni Pablo ang Kautusang Mosaiko bilang isang “tagapagbantay . . . na umaakay kay Kristo,” kaya masasabing si Kristo ang pinakatunguhin ng Kautusan. (Gal 3:24) Kaya sa kontekstong ito, lumilitaw na saklaw ng teʹlos ang dalawang kahulugang ito.
malinis ang puso: Panloob na kalinisan, na tumutukoy sa kalinisan sa moral at espirituwal. Kasama rito ang dalisay na pagmamahal, hangarin, at motibo.
konsensiya: O “budhi.” Ang salitang Griego na sy·neiʹde·sis ay mula sa mga salitang syn (kasama) at eiʹde·sis (kaalaman). Kaya ang terminong Griego ay literal na nangangahulugang “kasamang kaalaman” o “kaalaman sa sarili.” Ipinapaliwanag dito ni Pablo na kahit ang mga tao na walang alam sa kautusan ng Diyos ay may konsensiya, o kakayahang suriin ang sarili at masabi kung tama o mali ang ginagawa niya. Pero gagana lang nang tama ang konsensiya kung sinanay ito sa Salita ng Diyos at nakaayon sa kalooban Niya. Ipinapakita ng Kasulatan na hindi lahat ng konsensiya ay gumagana nang tama. Ang isang tao ay puwedeng magkaroon ng konsensiya na mahina (1Co 8:12), manhid (1Ti 4:2), o nadumhan (Tit 1:15). Ganito ang sinabi ni Pablo tungkol sa sarili niyang konsensiya: “Sa pamamagitan ng banal na espiritu, nagpapatotoo ang konsensiya ko.” (Ro 9:1) Laging sinisikap ni Pablo na “magkaroon ng malinis na konsensiya sa harap ng Diyos at mga tao.”—Gaw 24:16.
mapagkunwari: O “mapagpaimbabaw.” Ang salitang Griego na hy·po·kri·tesʹ ay tumutukoy noong una sa mga Griego (at pagkatapos ay sa mga Romano) na umaarte sa entablado at nakasuot ng malalaking maskara na pampalakas ng boses. Nang maglaon, ginamit ang terminong ito para tumukoy sa sinumang nagpapanggap at nagtatago ng totoo niyang motibo o personalidad. Dito, tinawag ni Jesus na “mapagkunwari” ang mga Judiong lider ng relihiyon.—Mat 6:5, 16.
tagubiling: O “utos na.” Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang utos niya kay Timoteo na ‘sabihan ang ilan’ sa kongregasyon na “huwag magturo ng ibang doktrina o magbigay-pansin sa mga kuwentong di-totoo.” (1Ti 1:3, 4) Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang ginamit dito ay tumutukoy sa “isang bagay na kailangang gawin.” Maraming beses ginamit ni Pablo sa liham niya ang salitang ito at ang kaugnay nitong mga ekspresyon.—1Ti 1:18; 4:11; 5:7; 6:13, 17.
para: Tingnan ang study note sa Ro 10:4.
mahalin natin ang isa’t isa nang may malinis na puso: Sa talatang ito, iniugnay ni Pablo ang mapagsakripisyong pag-ibig ng isang Kristiyano sa “malinis na puso at konsensiya at . . . pananampalatayang walang pagkukunwari.” Kapag malinis ang puso, o pagkatao, ng isang Kristiyano, malinis siya sa moral at sa espirituwal. Malinis ang motibo niya at tapat siya kay Jehova. (Mat 5:8 at study note) Ang malinis na puso niya ang nag-uudyok sa kaniya na magpakita ng tunay na pag-ibig sa kapuwa.
mahalin natin ang isa’t isa nang may malinis na . . . konsensiya: Nilalang ng Diyos ang tao na may konsensiya, ang kakayahang suriin ang sarili para malaman kung tama o mali ang naiisip, nadarama, o ginagawa niya. Dahil hindi perpekto ang tao, kailangan niyang sanayin ang konsensiya niya gamit ang Salita ng Diyos para makagawa siya ng mga desisyong ayon sa pamantayan ni Jehova. Kapag nasanay ang konsensiya ng isang Kristiyano ayon sa kalooban ng Diyos, hindi na siya dapat mabagabag sa mga nagawa niyang kasalanan dahil nagsisi na siya, tinalikuran na niya ang masamang gawain, at ginagawa na niya ang tama. (1Pe 3:16, 21; tingnan ang study note sa Ro 2:15.) Ipinapakita dito ni Pablo na nakakatulong sa isa ang malinis na konsensiya para makapagpakita siya ng mapagsakripisyong pag-ibig.
mahalin natin ang isa’t isa nang . . . may pananampalatayang walang pagkukunwari: Alam na alam ni Pablo ang pagkukunwari ng mga Pariseo at ang masasamang epekto nito. (Gaw 26:4, 5; ihambing ang Mat 23:13.) Binabalaan niya si Timoteo na iwasang maging mapagkunwari. (1Ti 4:1, 2) Ang mga salitang Griego na ginamit para sa “pagkukunwari” at “mapagkunwari” ay unang ginamit para tumukoy sa mga umaarte sa entablado na nagsusuot ng maskara para makaganap ng iba’t ibang karakter sa isang dula. (Tingnan ang study note sa Mat 6:2.) Ang salitang Griego na isinalin ditong “walang pagkukunwari” ay nangangahulugang “hindi nagpapanggap.” Kaya ipinapakita dito ni Pablo na nakakatulong sa isang Kristiyano ang tunay na pananampalataya para makapagpakita siya ng mapagsakripisyong pag-ibig.
Gusto nilang maging guro ng kautusan: Lumilitaw na ang mga taong tinutukoy dito ni Pablo ay naghahangad na maging guro sa kongregasyon dahil iniisip nilang magkakaroon sila ng awtoridad at magiging prominente. Ambisyoso ang mga taong ito, at hindi sila kuwalipikadong maging pastol o inatasan mang magturo sa kawan ng Diyos. Pero “magandang tunguhin” ang maging guro kung ang motibo ng isang Kristiyano ay ang paglingkuran ang kaniyang kapuwa at kung naabot niya ang mga kahilingan sa Kasulatan para sa isang tagapangasiwa.—1Ti 3:1.
mabuti ang Kautusan kung sinusunod ito nang tama: Noong panahon ni Pablo, itinuturo ng ilan na dapat sundin ng mga Kristiyano ang lahat ng nasa Kautusang Mosaiko, na para bang nakadepende dito ang kaligtasan nila. Alam ni Pablo na mali ang itinuturo ng mga gurong ito. Wala sa ilalim ng Kautusang Mosaiko ang mga Kristiyano; nakadepende rin ang kaligtasan nila sa pananampalataya nila sa pantubos ni Kristo. (Gal 2:15, 16) Pero makikinabang pa rin ang mga Kristiyano sa Kautusang Mosaiko kung susundin nila “nang tama” ang mga prinsipyo nito. May matututuhan sila kung pag-aaralan nila ang Kautusan, dahil ito ay “anino ng mabubuting bagay na darating” may kinalaman kay Kristo Jesus. (Heb 10:1) Ipinakita rin ng Kautusan na kailangang tubusin ang tao sa pamamagitan ng buhay ni Jesu-Kristo. (Gal 3:19) Higit sa lahat, malalaman din mula rito ang kaisipan ni Jehova.—Exo 22:21; Lev 19:15, 18; Ro 7:12.
kautusan ng Kristo: Kasama sa kautusang ito ang lahat ng itinuro ni Jesus at ang ipinasulat ng espiritu ng Diyos sa Kristiyanong Griegong Kasulatan sa mga tagasunod ni Kristo. Gaya ng inihula ni Jeremias, pinalitan nito ang tipan ng Kautusang Mosaiko. (Jer 31:31-34; Heb 8:6-13) Hindi si Kristo ang gumawa ng mga utos at prinsipyo dito; galing ito sa dakilang Tagapagbigay-Batas, si Jehova. (Ju 14:10) Dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang ekspresyong “kautusan ng Kristo,” pero ang kahawig nitong parirala na “kautusan ni Kristo” ay ginamit sa 1Co 9:21. Tinatawag din itong “perpektong kautusan na umaakay sa kalayaan” (San 1:25), “kautusan ng isang malayang bayan” (San 2:12), at “kautusan ng pananampalataya.”—Ro 3:27.
ginawa ang kautusan, hindi para sa matuwid: Matuwid ang mga Kristiyano dahil sinusunod nila ang pamantayan ng Diyos ng tama at mali. May kapakumbabaan silang nagpapagabay sa espiritu ng Diyos. (Gal 5:16-23) Kaya hindi nila kailangan ng napakarami at detalyadong batas, gaya ng nasa Kautusang Mosaiko. Sinusunod ng mga Kristiyano ang “kautusan ng Kristo,” na nakakahigit sa ibang kautusan at nakabase sa pag-ibig.—Gal 6:2 at study note.
mga imoral: Salin ito ng pangngalang Griego na porʹnos, na kaugnay ng pangngalang por·neiʹa (seksuwal na imoralidad, 1Co 5:1) at ng pandiwang por·neuʹo (mamihasa sa seksuwal na imoralidad, 1Co 6:18). (Tingnan sa Glosari, “Seksuwal na imoralidad.”) Kilalá noon ang Corinto sa pagkakaroon ng mababang moralidad at sa pagsamba sa diyosang si Aphrodite. Itinataguyod ng pagsambang iyon ang kahalayan at imoralidad. (Ihambing ang study note sa 1Co 7:2.) Sinabi ni Pablo na ang ilang Kristiyano noon sa Corinto ay dating imoral pero nagbago at naging mabubuting kasama.—1Co 6:11.
imoral: Tingnan ang study note sa 1Co 5:9; Gal 5:19.
lalaking nagsasagawa ng gawaing homoseksuwal: O “lalaking nakikipagtalik sa lalaki.”—Tingnan ang study note sa 1Co 6:9.
lalaking nagpapagamit sa kapuwa lalaki, lalaking nagsasagawa ng gawaing homoseksuwal: Dalawang magkaibang salita ang ginamit dito sa tekstong Griego. Ang unang salita (sa Griego, ma·la·kosʹ) ay pangunahin nang nangangahulugang “malambot” (ihambing ang Luc 7:25), kaya sa kontekstong ito, lumilitaw na tumutukoy ito sa malambot na lalaki sa isang ugnayang homoseksuwal. Kaya isinalin itong lalaking nagpapagamit sa kapuwa lalaki. Ang ikalawang salita (sa Griego, ar·se·no·koiʹtes), na literal na nangangahulugang “lalaking sumisiping sa lalaki,” ay ginamit din sa 1Ti 1:10. Lumilitaw na tumutukoy naman ito sa isa na mas nakakapagpakita ng mga panlalaking katangian sa isang homoseksuwal na ugnayan. Kaya isinalin itong lalaking nagsasagawa ng gawaing homoseksuwal, o “lalaking nakikipagtalik sa lalaki.” Nang banggitin ni Pablo ang dalawang klaseng ito ng homoseksuwal, malinaw niyang ipinakita na kinasusuklaman ng Diyos ang lahat ng homoseksuwal na gawain.
seksuwal na imoralidad: Sa Bibliya, ang salitang Griego na por·neiʹa ay sumasaklaw sa lahat ng seksuwal na gawain na labag sa pamantayan ng Diyos. Ayon sa isang diksyunaryo, ang por·neiʹa ay tumutukoy sa “prostitusyon, karumihan, pakikiapid” at sumasaklaw sa “lahat ng uri ng bawal na pagtatalik.” Bukod sa prostitusyon, pangangalunya, at pagtatalik ng mga walang asawa, kasama rin dito ang homoseksuwal na mga gawain at pakikipagtalik sa hayop, na hinahatulan ng Kasulatan. (Lev 18:6, 22, 23; 20:15, 16; 1Co 6:9; tingnan sa Glosari.) Ipinakita ni Jesus na napakasama ng seksuwal na imoralidad, dahil inihanay niya ito sa pagpatay, pagnanakaw, at pamumusong.—Mat 15:19, 20; Mar 7:21-23.
Maligaya: Ang salitang Griego dito na ma·kaʹri·os ay hindi lang tumutukoy sa saya na nadarama ng isang tao dahil nalilibang siya. Sa halip, kapag iniuugnay sa tao, tumutukoy ito sa kalagayan ng isa na pinagpapala at kinalulugdan ng Diyos. Ginamit din ang terminong ito para ilarawan ang Diyos at si Jesus sa kaniyang maluwalhating kalagayan sa langit.—1Ti 1:11; 6:15.
maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo: Puwede talagang sabihin na ‘maluwalhati’ ang mabuting balita dahil sa nilalaman nito. Kasama sa mensaheng ito ang unti-unting pagsisiwalat sa sagradong lihim ng Diyos tungkol kay Kristo (Col 1:27), sa papel ng kasama niyang mga tagapamahala sa Kaharian (1Te 2:12; Apo 1:6), at sa napakagandang kinabukasang ipinangako ng Diyos sa lahat ng tao (Apo 21:3, 4). Puwede ring isalin ang pariralang Griegong ito na “mabuting balita tungkol sa kaluwalhatian ng Kristo.”
kamangha-manghang kaalaman tungkol sa Diyos: Sa Bibliya, kadalasan nang ang orihinal na mga pandiwa para sa “alamin” at ang mga pangngalan para sa “kaalaman” ay hindi lang tumutukoy sa basta pagkakaroon ng kaalaman o impormasyon. Puwede rin itong mangahulugan ng personal na pagkakilala sa isang indibidwal, pagkilala sa posisyon niya, at pagsunod sa kaniya. (Tingnan ang study note sa Ju 17:3.) Sa konteksto ng 2Co 4:6, ang “kaalaman tungkol sa Diyos” ay kaugnay ng espirituwal na liwanag na ibinibigay ng Diyos sa mga lingkod niya sa pamamagitan ni Kristo. Masasabing ‘kamangha-mangha’ ang kaalaman tungkol sa Diyos dahil kasama rito ang kahanga-hangang personalidad at mga katangian niya. Ang ekspresyong Griego na isinaling “kamangha-manghang kaalaman tungkol sa Diyos” ay puwede ring isaling “kaalaman tungkol sa kaluwalhatian ng Diyos,” na nagdiriin na nakasentro sa kaluwalhatian ng Diyos ang kaalamang ito. Mababasa sa Hab 2:14 ang isang kahawig na ekspresyon: “Ang lupa ay mapupuno ng kaalaman sa kaluwalhatian ni Jehova.”
ang sinabi mismo ng Panginoong Jesus: Si apostol Pablo lang ang sumipi sa sinabi ni Jesus sa talatang ito, pero ang diwa nito ay makikita rin sa mga Ebanghelyo at sa iba pang bahagi ng Kasulatan. (Aw 41:1; Kaw 11:25; 19:17; Mat 10:8; Luc 6:38) Posibleng sinabi ito kay Pablo ng isa na nakarinig kay Jesus, o ang binuhay-muling si Jesus mismo ang nagsabi nito sa kaniya. Puwede ring isiniwalat ito sa kaniya ng Diyos.—Gaw 22:6-15; 1Co 15:6, 8.
Maligaya: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, 50 beses lumitaw ang salitang Griego na ma·kaʹri·os. Inilalarawan dito ni Pablo ang “kaligayahan ng tao na itinuturing na matuwid ng Diyos pero hindi dahil sa mga gawa.” (Ro 4:6) Ang terminong Griego na ito ay ginamit para ilarawan ang Diyos (1Ti 1:11) at si Jesus sa kaniyang maluwalhating kalagayan sa langit (1Ti 6:15). Ginamit din ang terminong ito sa kilaláng mga kasabihan tungkol sa kaligayahan sa Sermon sa Bundok. (Mat 5:3-11; Luc 6:20-22) Dito sa Ro 4:7, 8, ang “maligaya” ay sinipi mula sa Aw 32:1, 2. Ang ganitong uri ng kapahayagan ay karaniwan sa Hebreong Kasulatan. (Deu 33:29; 1Ha 10:8; Job 5:17; Aw 1:1; 2:12; 33:12; 94:12; 128:1; 144:15; Dan 12:12) Ang mga ekspresyong Hebreo at Griego para sa “maligaya” ay hindi lang tumutukoy sa saya na nadarama ng isang tao dahil nalilibang siya. Ipinapakita ng Kasulatan na para maging tunay na maligaya ang isang tao, kailangan niyang mahalin ang Diyos, paglingkuran Siya nang tapat, at makuha ang pagsang-ayon at pagpapala Niya.
maluwalhating mabuting balita: ‘Maluwalhati’ ang mabuting balita dahil sa napakagandang nilalaman nito. Halimbawa, makikita dito ang kamangha-manghang personalidad at katangian ng Diyos na Jehova, ang Pinagmulan ng magandang mensaheng ito. Ginagamit ng “maligayang Diyos” ang mabuting balita para malaman ng mga tao na may pag-asa silang maligtas sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Kaya hindi nakakapagtakang maramdaman ni Pablo na malaking karangalan na ipagkatiwala sa kaniya ang mabuting balitang ito.—Tingnan ang study note sa 2Co 4:4, 6.
maligayang Diyos: Ipinapakita dito ni Pablo na isa sa pangunahing katangian ni Jehova ang pagiging maligaya. Sa loob ng di-mabilang na taon ng pag-iral ng Diyos, lagi siyang masaya, kahit noong nag-iisa siya. (Mal 3:6) Nakadagdag din sa kaligayahan ni Jehova ang pag-iral ng kaniyang panganay na Anak. (Kaw 8:30) Nasaktan at nalungkot si Jehova dahil sa pagrerebelde at paninirang-puri ni Satanas, pero masaya pa rin siya dahil nananatiling tapat ang kaniyang mga lingkod. (Kaw 27:11) Nang makipagkita si Pablo sa matatandang lalaki sa Efeso, sinipi niya ang sinabi ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gaw 20:35 at study note) Makikita dito ang isang dahilan kung bakit “maligayang Diyos” si Jehova; siya ang pinakabukas-palad sa buong uniberso. (Aw 145:16; Isa 42:5) Kapag tinutularan si Jehova ng mga lingkod niya, nagiging maligaya din sila. (Efe 5:1) “Maligaya” ang taong araw-araw na nagbabasa ng kautusan ni Jehova, gaya ng sinasabi sa Aw 1:1, 2. Sa tekstong iyon, ginamit sa saling Septuagint ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo. Sa Sermon sa Bundok, paulit-ulit na sinabi ni Jesus na puwedeng maging maligaya ang mga tagasunod niya, kahit sa panahon ng problema at pag-uusig.—Mat 5:3-11; tingnan ang study note sa Mat 5:3; Ro 4:7.
aking ministeryo: Noong nasa lupa si Jesus, inatasan niya ang mga tagasunod niya na gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa. (Mat 28:19, 20) Tinawag ni Pablo ang gawaing ito na “ministeryo ng pakikipagkasundo.” Sinasabi ni Pablo sa mga taong malayo sa Diyos: “Nakikiusap kami: ‘Makipagkasundo kayo sa Diyos.’” (2Co 5:18-20) Ginawa ni Pablo ang lahat para makapangaral sa mga tao ng ibang mga bansa, pero gustong-gusto niya ring mapakilos ang ilang Judio para maligtas din sila. (Ro 11:14) Ang pangunahing kahulugan ng salitang Griego na di·a·ko·niʹa ay “paglilingkod,” at ang kaugnay na pandiwa nito ay ginagamit kung minsan sa Bibliya para tumukoy sa pagsisilbi sa iba, gaya ng paghahain ng pagkain. (Luc 4:39; 17:8; Ju 2:5) Dito, tumutukoy ito sa ministeryong Kristiyano. Mas mataas na anyo ito ng paglilingkod dahil sinasapatan nito ang espirituwal na pangangailangan ng iba.
Nagpapasalamat ako kay Kristo Jesus: Para kay Pablo, ang pag-aatas ni Kristo Jesus sa kaniya ng “isang banal na gawain” ay patunay ng awa, pag-ibig, at tiwala ni Jesus sa kaniya. Dati siyang “mang-uusig” at “walang galang,” at pinaboran pa nga niya ang pagpatay kay Esteban. (1Ti 1:13; Gaw 6:8; 7:58; 8:1, 3; 9:1, 2) Para ipakita ni Pablo na malaki ang pasasalamat niya, buong puso siyang naglingkod para patibayin sa espirituwal ang kapuwa niya. Halimbawa, masigasig niyang ipinangaral ang mabuting balita.—Tingnan ang study note sa Ro 11:13.
walang-kapantay na kabaitan ng Diyos: Dating pinag-uusig ni Pablo si Jesus at ang mga tagasunod nito (Gaw 9:3-5), kaya talagang napahalagahan niya ang walang-kapantay na kabaitan ni Jehova. (Tingnan sa Glosari, “Walang-kapantay na kabaitan.”) Nakita ni Pablo na nagagawa lang niya ang ministeryo niya dahil sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos. (1Co 15:10; 1Ti 1:13, 14) Noong kausap niya ang matatandang lalaki mula sa Efeso, dalawang beses niyang binanggit ang katangiang ito. (Gaw 20:24, 32) Sa 14 na liham ni Pablo, mga 90 beses niyang binanggit ang “walang-kapantay na kabaitan”; di-hamak na mas marami ito kaysa sa pagbanggit dito ng ibang manunulat. Halimbawa, binanggit niya ang walang-kapantay na kabaitan ng Diyos o ni Jesus sa pasimula ng lahat ng liham niya, maliban sa liham niya sa mga Hebreo, at tinapos niya ang bawat liham niya gamit ang ekspresyong ito.
walang-kapantay na kabaitan na ipinakita sa akin ng ating Panginoon: Hindi nakakalimutan ni Pablo na dati siyang mang-uusig ng mga Kristiyano, pero dito, nagpokus siya sa positibong bagay—tumanggap pa rin siya ng walang-kapantay na kabaitan ni Jehova. (Tingnan ang study note sa Gaw 13:43; 1Co 15:10; Gal 2:20.) Idiniin niya ito sa pagsasabing nag-uumapaw ang tinanggap niyang kabaitan ni Jehova. Gumamit siya ng pandiwang Griego na puwedeng tumukoy sa pag-apaw ng laman ng isang lalagyan.
nagmahal sa akin at nagbigay ng sarili niya para sa akin: Ang paggamit dito ni Pablo ng panghalip na “akin” ay nagdiriin sa mga pagpapala ng kaloob ni Kristo sa bawat indibidwal na mananampalataya sa kaniya. (Tingnan ang study note sa Ju 3:16.) Tinatanggap ni Pablo ang dakilang pag-ibig ni Kristo para sa kaniya bilang indibidwal, kaya napapakilos siyang maging mapagmahal, magiliw, at bukas-palad. (Tingnan ang study note sa 2Co 5:14; ihambing ang 2Co 6:11-13; 12:15.) Pinapahalagahan niya na tinawag siya ni Jesus para maging alagad kahit na inuusig niya noon ang mga tagasunod ni Kristo. Naiintindihan ni Pablo na dahil sa pag-ibig, ibinigay ni Jesus ang buhay niya, hindi lang para sa matuwid na mga tao, kundi pati sa mga napapabigatan ng kasalanan. (Ihambing ang Mat 9:12, 13.) Kahit na idiniriin dito ni Pablo kung paano siya makikinabang sa sakripisyo ni Kristo bilang indibidwal, malinaw sa kaniya na napakaraming taong makikinabang sa pantubos.
dahil sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos, ako ay naging kung ano ako ngayon: Dito, mapagpakumbabang kinikilala ni Pablo na anumang nagawa niya sa paglilingkod kay Jehova ay hindi dahil sa sariling niyang kakayahan. Idiniin niya ang puntong iyan nang tatlong beses niyang banggitin ang “walang-kapantay na kabaitan ng Diyos” sa talatang ito. (Tingnan sa Glosari, “Walang-kapantay na kabaitan.”) Iyan ang konteksto nang sabihin ni Pablo na nagpagal siya nang higit kaysa sa kanilang lahat, o sa iba pang mga apostol. Talagang pinahalagahan ni Pablo ang awang ipinakita ni Jehova nang piliin siya ng Diyos na maging apostol kahit na dati niyang inuusig ang mga Kristiyano. (1Ti 1:12-16) Kaya para maipakita ang pasasalamat niya, nagpagal nang husto si Pablo sa atas niya. Naglakbay siya nang malayo at naglayag sa dagat para maipangaral ang mabuting balita at makapagtatag ng maraming kongregasyon. At bilang bahagi ng kaniyang ministeryo, sumulat siya ng 14 na liham sa patnubay ng espiritu, at naging bahagi ang mga ito ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Pinagkalooban din siya ni Jehova ng kakayahang makapagsalita ng iba’t ibang wika, makakita ng mga pangitain, at makagawa ng mga himala, gaya ng pagbuhay-muli sa patay. (Gaw 20:7-10; 1Co 14:18; 2Co 12:1-5) Para kay Pablo, ang lahat ng atas at pagpapalang ito na tinanggap niya ay walang-kapantay na kabaitan ni Jehova.
ako ang pinakamakasalanan sa mga ito: Makikita sa sinabing ito ni Pablo ang kapakumbabaan niya at panghahawakan niya sa pag-asa niya. Aminado siyang napakalaki ng kasalanan niya nang pag-usigin niya ang mga Kristiyano. Pero nanghahawakan siya sa pag-asa niya dahil alam niyang “si Kristo Jesus ay dumating sa mundo para iligtas ang mga makasalanan.”—Ihambing ang Mat 9:13.
magsilbi akong halimbawa: Binanggit ni Pablo kung paano siya nakinabang sa awa ni Kristo, pero dito, ipinakita naman niya kung paano makikinabang ang iba sa halimbawa niya. Kapag nalaman ng mga Kristiyano kung paano pinakitaan ng Diyos si Pablo ng awa, mapapatibay sila na posible rin silang mapatawad. Nang sabihin ni Pablo na siya ang “pinakamakasalanan sa lahat,” ipinakita niyang posibleng mapatawad ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo kahit ang pinakamalulubhang kasalanan ng isa, basta tunay ang pagsisisi niya.
walang-hanggang layunin: Sa kontekstong ito, ang terminong “layunin” ay tumutukoy sa isang espesipikong tunguhin na puwedeng maisakatuparan sa maraming paraan. May kaugnayan ito sa kagustuhan ni Jehova na maibalik ang orihinal na layunin niya para sa mga tao at sa lupa sa kabila ng rebelyon sa Eden. (Gen 1:28) Pagkatapos ng rebelyon, agad na binuo ni Jehova ang layunin niyang ito may kaugnayan sa Kristo, si Jesus na ating Panginoon. Inihula niya ang pagdating ng isang “supling” na mag-aalis sa lahat ng pinsalang nagawa ng mga rebelde. (Gen 3:15; Heb 2:14-17; 1Ju 3:8) May di-kukulangin sa dalawang dahilan kung bakit tinatawag itong “walang-hanggang layunin”: (1) Hinayaan ni Jehova, ang “Haring walang hanggan” (1Ti 1:17), na lumipas ang napakahabang panahon bago lubusang matupad ang layunin niya, at (2) walang hanggan ang epekto ng katuparan ng layuning ito.—Tingnan ang study note sa Ro 8:28.
Haring walang hanggan: Para lang sa Diyos na Jehova ang titulong ito. Tinatawag din siyang “Sinauna sa mga Araw.” (Dan 7:9, 13, 22) Umiiral na si Jehova bago pa man umiral ang sinuman o anuman sa uniberso, at wala ring katapusan ang pag-iral niya. (Aw 90:2) Kaya si Jehova lang ang puwedeng magtakda ng “walang-hanggang layunin,” at siya lang ang makakatupad nito. (Efe 3:11 at study note) Siya lang din ang makakapagbigay ng “buhay na walang hanggan.” (Ju 17:3; Tit 1:2) Lumitaw din ang titulong “Haring walang hanggan” sa Apo 15:3 sa “awit ni Moises na alipin ng Diyos at . . . awit ng Kordero.” Sa Exo 15:18, umawit si Moises at ang mga Israelita: “Si Jehova ay maghahari magpakailanman.”—Aw 10:16; 29:10; 146:10.
Amen: Tingnan ang study note sa Ro 1:25.
Amen: O “Mangyari nawa.” Ang salitang Griego na a·menʹ ay transliterasyon ng terminong Hebreo mula sa salitang-ugat na ’a·manʹ, na nangangahulugang “maging tapat; maging mapagkakatiwalaan.” (Tingnan sa Glosari.) Ang “Amen” ay sinasabi bilang pagsang-ayon sa isang panata, panalangin, o isang bagay na sinabi. Madalas itong gamitin ng mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan para ipahayag ang pagsang-ayon nila sa isang bagay nang may kasamang papuri sa Diyos, gaya ng ginawa dito ni Pablo. (Ro 16:27; Efe 3:21; 1Pe 4:11) Minsan, ginagamit din ito para idiin ang kagustuhan ng manunulat na pagpalain ng Diyos ang makakatanggap ng liham. (Ro 15:33; Heb 13:20, 21) Ginagamit din ito para ipakita na talagang sang-ayon ang manunulat sa isang bagay na kasasabi lang.—Apo 1:7; 22:20.
Anak: Ginamit ni Jesus ang terminong ito para maipadama ang pagmamahal niya.—2Ti 1:2; Tit 1:4; Flm 10.
isang tunay na anak: Ipinapakita ng malambing na ekspresyong ito ang pagkagiliw ni Pablo kay Timoteo. Walang mababasa sa Kasulatan kung si Pablo ang nagdala ng mabuting balita kay Timoteo at sa pamilya nito. Pero noong bata-bata pa si Timoteo, isinama niya ito sa mga paglalakbay niya. (Gaw 16:1-4) Kaya nang isulat ni Pablo ang liham na ito, itinuturing niya si Timoteo na anak “sa pananampalataya.” (Ihambing ang Tit 1:4.) Nabuo nila ang ganito kalapít na ugnayan dahil nagkasama sila nang 10 taon o higit pa.—1Co 4:17; Fil 2:20-22.
tagubiling: O “utos na.” Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang utos niya kay Timoteo na ‘sabihan ang ilan’ sa kongregasyon na “huwag magturo ng ibang doktrina o magbigay-pansin sa mga kuwentong di-totoo.” (1Ti 1:3, 4) Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang ginamit dito ay tumutukoy sa “isang bagay na kailangang gawin.” Maraming beses ginamit ni Pablo sa liham niya ang salitang ito at ang kaugnay nitong mga ekspresyon.—1Ti 1:18; 4:11; 5:7; 6:13, 17.
sa pamamagitan ng isang hula: Posibleng tumutukoy ito sa isa sa mga hulang binanggit tungkol kay Timoteo nang dumalaw si Pablo sa Listra noong ikalawang paglalakbay nito bilang misyonero. Ang mga hulang ito ay lumilitaw na tungkol sa magiging pananagutan ni Timoteo sa kongregasyong Kristiyano. (Tingnan ang study note sa 1Ti 1:18.) Kaya naging malinaw na ang espiritu ni Jehova ang aakay kay Timoteo sa mga gagawin niyang paglilingkod. Dahil diyan, agad na binigyan ng matatandang lalaki sa Listra si Timoteo ng espesyal na atas at ipinasama siya kay Pablo.—Gaw 16:1-5.
hindi kami nakikipagdigma: Lit., “hindi kami sumasali sa hukbo.” Gaya ng mababasa sa 2Co 10:3-6, madalas na gumagamit si Pablo ng mga terminong ginagamit sa digmaan kapag inilalarawan niya ang espirituwal na pakikipagdigma nila ng mga kapananampalataya niya para protektahan ang kongregasyon mula sa mapaminsala at maling mga pangangatuwiran at turo.—1Co 9:7; Efe 6:11-18; 2Ti 2:4; tingnan ang study note sa 2Co 10:4, 5.
anak ko: Ginamit ito dito ni Pablo bilang isang malambing na termino.—2Ti 1:2; Tit 1:4; Flm 10; tingnan ang study note sa Mat 9:2; 1Ti 1:2.
tagubiling: O “utos na.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 1:5.
ayon sa mga hula tungkol sa iyo: Ipinaalala ni Pablo kay Timoteo ang mga hula tungkol sa kaniya, at posibleng pati na sa magiging papel niya sa kongregasyon. Ibinigay ang mga hulang ito sa patnubay ng espiritu ng Diyos. (Tingnan ang study note sa 1Ti 4:14.) Lumilitaw na kasama sa mga hula ang pag-aatas kay Timoteo, dahil sinabi ni Pablo na matutulungan si Timoteo ng mga ito, o ng mga hula, sa pakikipaglaban niya sa huwad na mga guro.
mahusay na pakikipaglaban: Gaya ng ginawa ni Pablo sa 2Co 10:3, ikinumpara niya sa pakikipagdigma ang paglaban sa masasamang impluwensiya para maprotektahan ang kongregasyon. Sa labanang ito, pananagutan ni Timoteo na protektahan ang kongregasyon mula sa mga gustong pumasok dito at magturo ng mga maling doktrina.—1Ti 1:3, 4; tingnan ang study note sa 2Co 10:3.
tatlong beses na nawasak ang barkong sinasakyan ko: Detalyadong inilalarawan sa Bibliya ang isa sa mga pagkakataong nawasak ang barkong sinasakyan ni Pablo, pero nangyari iyon pagkatapos niyang isulat ang liham na ito. (Gaw 27:27-44) Madalas maglayag si Pablo. (Gaw 13:4, 13; 14:25, 26; 16:11; 17:14, 15; 18:18-22, 27) Kaya posibleng maraming beses niyang naranasan ang ganitong aksidente. Malamang na nawasak ang barkong sinasakyan ni Pablo nang sabihin niyang isang gabi at isang araw siyang nasa gitna ng dagat (lit., “nasa kalaliman”). Posibleng nakakapit lang si Pablo sa isang piraso ng nawasak na barko nang buong gabi at araw habang tinatangay-tangay ng alon sa dagat hanggang sa mailigtas siya o mapadpad sa dalampasigan. Pero kahit naranasan niya ang mga ito, nagpatuloy pa rin siya sa kaniyang gawaing paglalakbay.
kaya nawasak ang pananampalataya nila: Para ilarawan kung gaano kadelikado ang sadyang pagtatakwil sa pananampalataya at malinis na konsensiya, gumamit si Pablo ng ilustrasyon na tatatak sa isip: Ang Kristiyanong nawalan ng pananampalataya ay gaya ng isang nawasak na barko. Sa naunang liham ni Pablo, binanggit niya na tatlong beses siyang nakaligtas sa pagkawasak ng barko. (2Co 11:25 at study note) At nang isulat niya ang unang liham niya kay Timoteo, minsan pa siyang nakaranas ng pagkawasak ng barko, o posibleng higit pa. (Gaw 27:27-44) Alam na alam ni Pablo kung gaano ito kapanganib kaya ginamit niya itong babala sa mga taong sadyang iniwan ang katotohanan—posibleng hindi na rin sila makabangon. Pero hindi naman namamatay lahat ng nakaranas ng pagkawasak ng barko. Kaya posible pa ring makabangon ang mga taong nawasak ang pananampalataya—kung hihingi sila ng tulong sa espirituwal.—Gal 6:1; San 5:14, 15, 19, 20.
Kasama rito sina Himeneo at Alejandro: “Nawasak ang pananampalataya” ng mga lalaking ito (1Ti 1:19), at lumilitaw na nagtuturo sila ng maling doktrina. Halimbawa, sinabi ni Pablo sa 2Ti 2:16-18 na itinuturo nina Himeneo at Fileto na naganap na ang pagkabuhay-muli. “Sinisira nila ang pananampalataya ng ilan.” (Tingnan ang mga study note sa 2Ti 2:18.) Posibleng si Alejandro ang panday-tanso na binanggit sa 2Ti 4:14, 15. Sinabi ni Pablo na “napakasama ng mga ginawa” ng taong ito sa kaniya at na “inatake [nito] nang husto ang mensahe” ni Pablo at ng mga kasama niya. (Tingnan ang study note sa 2Ti 4:14.) Ipinapahiwatig ng ekspresyong “kasama rito” na may iba pang indibidwal na hindi nanindigan sa katotohanan at nakakaimpluwensiya na sa ilan sa loob ng kongregasyong Kristiyano.
ibinigay ko sila kay Satanas: Lumilitaw na nangangahulugan itong itiniwalag sila sa kongregasyon. Kailangang gawin iyon ni Pablo dahil ang mga lalaking ito na binanggit niya ay sadyang gumagawa ng kasalanan at hindi nagsisisi.—Tingnan ang study note sa 1Co 5:5.
bilang disiplina para matuto: Sinabi dito ni Pablo ang isang dahilan kung bakit ‘ibinibigay kay Satanas,’ o itinitiwalag sa kongregasyon, ang mga makasalanan na hindi nagsisisi. (Tingnan ang study note sa ibinigay ko sila kay Satanas sa talatang ito.) Nawasak ang pananampalataya ng dalawang lalaking tinukoy ni Pablo, kaya kinailangan silang itiwalag para “matuto silang huwag mamusong.” (Tingnan ang study note sa 1Ti 1:19.) Maliwanag na hindi sila itiniwalag para lang parusahan, kundi para turuan din sila. Gaya nga ng sabi ng isang reperensiya, “baka may pag-asa pang magbago sila.”
mamusong: O “magsalita ng mapang-abuso.”—Tingnan ang study note sa Mat 12:31; Col 3:8.
sinisira nila ang pananampalataya: Mga 10 taon nang nilalabanan ni Pablo ang maling mga turo na kumokontra sa pag-asang pagkabuhay-muli. (1Co 15:2 at study note, 12; ihambing ang Gaw 17:32.) Ang mga nagsasabing hindi totoo ang pagkabuhay-muli at pagiging perpekto sa hinaharap, sa langit man o sa lupa, ay tuwirang sumasalungat sa Kasulatan. (Dan 12:13; Luc 23:43; 1Co 15:16-20, 42-44) Kung hahayaan ng mga Kristiyano na masira ng maling turo tungkol sa pagkabuhay-muli ang pananampalataya nila, mawawala ang pag-asa nilang mabuhay muli sa hinaharap.—Ju 5:28, 29.
panday-tanso na si Alejandro: Pinag-ingat ni Pablo si Timoteo sa isang Alejandro na “inatake . . . nang husto” ang mensaheng ipinapangaral ni Pablo at ng mga kasamahan niya. (2Ti 4:15) Nang tawagin ni Pablo ang taong ito na “panday-tanso,” gumamit siya ng isang terminong Griego na noong unang siglo C.E. ay tumutukoy sa kahit anong uri ng panday. Posibleng siya rin ang Alejandro na binanggit sa 1Ti 1:20, na lumilitaw na itiniwalag sa kongregasyon. (Tingnan ang mga study note.) Hindi sinabi ni Pablo kung ano ang napakasamang ginawa sa kaniya ng taong ito. Sinasabi ng ilan na posibleng isa si Alejandro sa mga nagpaaresto kay Pablo, at baka nagbigay pa nga siya ng di-totoong testimonya laban sa kaniya.
ibigay ang gayong tao kay Satanas: Isa itong utos na alisin, o itiwalag, ang isang tao sa kongregasyon. (1Co 5:13; 1Ti 1:20) At ang taong iyon ay magiging bahagi ng mundo, kung saan si Satanas ang diyos at tagapamahala. (1Ju 5:19) Ang pagtitiwalag ay mag-aalis sa makalamang impluwensiya na nakakasamâ sa kongregasyon. Dahil diyan, maiingatan ang “espirituwalidad ng kongregasyon.”—2Ti 4:22.
kaya nawasak ang pananampalataya nila: Para ilarawan kung gaano kadelikado ang sadyang pagtatakwil sa pananampalataya at malinis na konsensiya, gumamit si Pablo ng ilustrasyon na tatatak sa isip: Ang Kristiyanong nawalan ng pananampalataya ay gaya ng isang nawasak na barko. Sa naunang liham ni Pablo, binanggit niya na tatlong beses siyang nakaligtas sa pagkawasak ng barko. (2Co 11:25 at study note) At nang isulat niya ang unang liham niya kay Timoteo, minsan pa siyang nakaranas ng pagkawasak ng barko, o posibleng higit pa. (Gaw 27:27-44) Alam na alam ni Pablo kung gaano ito kapanganib kaya ginamit niya itong babala sa mga taong sadyang iniwan ang katotohanan—posibleng hindi na rin sila makabangon. Pero hindi naman namamatay lahat ng nakaranas ng pagkawasak ng barko. Kaya posible pa ring makabangon ang mga taong nawasak ang pananampalataya—kung hihingi sila ng tulong sa espirituwal.—Gal 6:1; San 5:14, 15, 19, 20.
pamumusong: Tumutukoy sa mapanghamak, mapaminsala, o mapang-abusong pananalita laban sa Diyos o sa sagradong mga bagay. Dahil ang banal na espiritu ay nanggagaling mismo sa Diyos, ang sadyang pagkontra at hindi pagkilala sa pagkilos nito ay katumbas ng pamumusong sa Diyos. Gaya ng ipinapakita sa Mat 12:24, 28, nakita ng mga Judiong lider ng relihiyon ang pagkilos ng espiritu ng Diyos kay Jesus nang gumawa siya ng mga himala, pero sinasabi nilang nagmula ang kapangyarihang ito kay Satanas na Diyablo.
mapang-abusong pananalita: Ang ginamit dito ni Pablo na salitang Griego ay bla·sphe·miʹa, na kadalasang isinasaling “pamumusong” kapag tumutukoy ito sa walang-galang na pananalita laban sa Diyos. (Apo 13:6) Pero noon, hindi lang tumutukoy sa pang-iinsulto sa Diyos ang terminong ito. Puwede rin itong tumukoy sa pagsasabi ng masama o paninira sa kapuwa, at ganiyan ang pagkakagamit ni Pablo sa salitang ito batay sa konteksto. (Tingnan din ang Efe 4:31.) Sa ibang salin, ang ginamit sa talatang ito ay “paninirang-puri” at “pang-iinsulto.” Ganito ang sinabi ng isang reperensiya tungkol sa terminong ito: “Ipinapahiwatig nito ang panghahamak ng isa sa kapuwa niya at ang pagsisikap niyang sirain ang reputasyon nito.”
sinasabi nilang nangyari na ang pagkabuhay-muli: Lumilitaw na may ilang huwad na mga guro sa Efeso, gaya nina Himeneo at Fileto, na nagtuturong binuhay nang muli sa makasagisag na paraan ang mga nakaalay na Kristiyano. Posible pa ngang pinipilipit ng ilan sa kanila ang sinabi ni Pablo para masuportahan ang maling paniniwala nila. Totoo, itinuro ni Pablo na kapag nabautismuhan ang isang makasalanan, namatay na siya sa dating paraan ng pamumuhay niya at para bang binuhay na siyang muli. Pero kahit totoo ang makasagisag na pagkabuhay-muli, may itinuturo pa rin ang Bibliya na literal na pagkabuhay-muli. Ang mga nagtuturo na “nangyari na” ang pagkabuhay-muli at walang literal na pagkabuhay-muli ay mga apostata.—Ro 6:2-4, 11; Efe 5:14; tingnan ang study note sa Efe 2:1.
Media
