Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 13

Magpakita ng Pakikipagkapuwa-tao sa Iyong Ministeryo

Magpakita ng Pakikipagkapuwa-tao sa Iyong Ministeryo

“Nahabag siya sa kanila . . . At nagsimula siyang magturo sa kanila ng maraming bagay.”—MAR. 6:34.

AWIT 70 Hanapin ang mga Karapat-dapat

NILALAMAN *

1. Ano ang isa sa pinakamagandang katangian ni Jesus? Ipaliwanag.

ANG isa sa pinakamagandang katangian ni Jesus ay ang kakayahan niyang maintindihan ang mga hamon sa buhay ng di-sakdal na mga tao. Noong nasa lupa si Jesus, siya ay ‘nakipagsaya sa mga taong nagsasaya’ at ‘nakitangis sa mga taong tumatangis.’ (Roma 12:15) Halimbawa, nang masayang bumalik ang 70 alagad niya matapos ang matagumpay na pangangaral, si Jesus ay “nag-umapaw . . . sa kagalakan.” (Luc. 10:17-21) Nang makita naman niyang napakalungkot ng mga nagmamahal kay Lazaro nang mamatay ito, si Jesus ay “dumaing sa espiritu at nabagabag.”—Juan 11:33.

2. Bakit naging maawain at mahabagin si Jesus sa mga tao?

2 Bakit naging maawain at mahabagin ang sakdal na taong ito sa pakikitungo sa di-sakdal na mga tao? Una, mahal ni Jesus ang mga tao. Gaya ng nabanggit sa naunang artikulo, ‘kinagigiliwan niya ang mga tao.’ (Kaw. 8:31) Dahil mahal niya tayo, pinag-aralan niyang mabuti kung paano tayo mag-isip. Sinabi ni apostol Juan: “Alam niya kung ano ang nasa tao.” (Juan 2:25) Malapít sa puso ni Jesus ang mga tao. Nadama ng mga tao noon ang kaniyang pag-ibig sa kanila at nakinig sila sa mensahe ng Kaharian. Kung makadarama tayo ng gayunding habag sa iba, mas magiging epektibo tayo sa ating ministeryo.—2 Tim. 4:5.

3-4. (a) Kapag may pakikipagkapuwa-tao tayo, ano ang magiging tingin natin sa ministeryo? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

3 Alam ni apostol Pablo na dapat siyang mangaral, at alam nating pananagutan din natin ito. (1 Cor. 9:16) Pero kung may pakikipagkapuwa-tao tayo, hindi lang basta obligasyon ang magiging tingin natin sa ministeryo. Ipakita nating nagmamalasakit tayo sa mga tao at gustong-gusto natin silang tulungan. Alam natin na “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Kapag ganiyan ang tingin natin sa ating ministeryo, mas masisiyahan tayo sa pagganap nito.

4 Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano tayo makapagpapakita ng pakikipagkapuwa-tao sa ating ministeryo. Una, aalamin natin kung ano ang matututuhan natin sa nadama ni Jesus sa mga tao. Pagkatapos, tatalakayin natin ang apat na paraan para matularan siya.—1 Ped. 2:21.

PAKIKIPAGKAPUWA-TAO NI JESUS SA KANIYANG MINISTERYO

Dahil sa habag, sinabi ni Jesus ang isang nakagiginhawang mensahe (Tingnan ang parapo 5-6)

5-6. (a) Kanino nagpakita si Jesus ng empatiya? (b) Bakit nahabag si Jesus sa mga taong pinangangaralan niya, gaya ng inihula sa Isaias 61:1, 2?

5 Tingnan ang isang halimbawa kung paano nagpakita si Jesus ng pakikipagkapuwa-tao, o empatiya. Minsan, napagod si Jesus at ang mga alagad niya matapos mangaral nang walang pahinga. Hindi man lang sila nagkaroon ng “panahon upang kumain.” Kaya isinama ni Jesus ang mga alagad niya sa “isang liblib na dako” para “magpahinga nang kaunti.” Pero nauna nang pumunta ang maraming tao sa lugar na pupuntahan nila. Nang makita ni Jesus ang mga tao, ano ang nadama at ginawa niya? “Nahabag * siya sa kanila, sapagkat sila ay gaya ng mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila ng maraming bagay.”—Mar. 6:30-34.

6 Bakit nahabag, o nagpakita ng empatiya, sa mga tao si Jesus? Napansin niyang sila ay “gaya ng mga tupang walang pastol.” Baka nakita ni Jesus na ang ilan sa kanila ay mahirap lang at subsob sa trabaho para makapaglaan sa pamilya. Baka ang iba naman ay namatayan ng mahal sa buhay. Kaya malamang na naintindihan ni Jesus ang sitwasyon nila. Gaya ng tinalakay natin sa naunang artikulo, maaaring naranasan din ni Jesus ang gayong mga problema. Nagmamalasakit si Jesus sa iba, at naudyukan siyang sabihin sa kanila ang isang nakagiginhawang mensahe.—Basahin ang Isaias 61:1, 2.

7. Paano natin matutularan si Jesus?

7 Ano ang matututuhan natin kay Jesus? Gaya ni Jesus, nakakasama natin ang mga taong “gaya ng mga tupang walang pastol.” Marami silang problema. Nasa atin ang kailangan nila—ang mensahe ng Kaharian. (Apoc. 14:6) Kaya bilang pagtulad sa Panginoon natin, ipinangangaral natin ang mabuting balita dahil ‘naaawa tayo sa maralita at sa dukha.’ (Awit 72:13) Nahahabag tayo sa kanila, at gusto natin silang tulungan.

KUNG PAANO MAKAPAGPAPAKITA NG PAKIKIPAGKAPUWA-TAO

Isipin ang kailangan ng bawat tao (Tingnan ang parapo 8-9)

8. Ano ang isang paraan para makapagpakita ng pakikipagkapuwa-tao sa ministeryo? Ilarawan.

8 Ano ang makakatulong sa atin para makapagpakita ng pakikipagkapuwa-tao sa mga pinangangaralan natin? Gusto nating ilagay ang ating sarili sa sitwasyon ng mga nakakausap natin sa ministeryo at pakitunguhan sila kung paano natin gustong pakitunguhan tayo. * (Mat. 7:12) Talakayin natin ang apat na paraan para magawa iyan. Una, pag-isipan ang kailangan ng bawat tao. Kapag nangangaral tayo, para tayong doktor. Iniisip ng isang mahusay na doktor ang kailangan ng bawat pasyente. Nagtatanong siya at nakikinig na mabuti habang sinasabi ng pasyente ang mga nararamdaman niya. Sa halip na magreseta agad ng gamot na naiisip niya, baka palipasin muna niya ang panahon para maobserbahan ang pasyente at makapagbigay ng tamang gamot. Hindi rin tayo gagamit ng isang paraan lang sa lahat ng nakakausap natin sa ministeryo. Sa halip, pag-iisipan natin ang kalagayan at pananaw ng bawat tao.

9. Ano ang hindi natin dapat isipin? Ipaliwanag.

9 Kapag may nakausap ka sa ministeryo, huwag mong isiping alam mo na agad ang kalagayan niya o paniniwala at kung bakit niya iyon pinaniniwalaan. (Kaw. 18:13) Sa halip, mataktika siyang tanungin para malaman iyon. (Kaw. 20:5) Kung angkop sa kultura ninyo, magtanong tungkol sa trabaho niya, pamilya, mga karanasan, at paniniwala. Kapag nagtatanong tayo, sa kanila na mismo manggagaling kung bakit nila kailangan ang mabuting balita. Kapag nalaman natin iyon, maibibigay natin ang kailangan nila, gaya ng ginawa ni Jesus.—Ihambing ang 1 Corinto 9:19-23.

Pag-isipan ang posibleng pinagdaraanan ng iyong pinangangaralan (Tingnan ang parapo 10-11)

10-11. Batay sa 2 Corinto 4:7, 8, ano ang ikalawang paraan para makapagpakita ng pakikipagkapuwa-tao? Magbigay ng halimbawa.

10 Ikalawa, isipin ang posibleng pinagdaraanan nila. Baka kapareho ng sa atin ang sitwasyon nila. Ang totoo, lahat naman ng tao ay may problema dahil hindi tayo sakdal. (1 Cor. 10:13) Alam nating napakahirap ng buhay ngayon. Nakapagtitiis lang tayo sa tulong ni Jehova. (Basahin ang 2 Corinto 4:7, 8.) Pero isipin na lang ang mga taong walang malapít na kaugnayan kay Jehova. Tiyak na mas nahihirapan sila. Gaya ni Jesus, naaawa tayo sa kanila, at dahil diyan, gusto nating sabihin sa kanila ang “mabuting balita tungkol sa bagay na mas mabuti.”—Isa. 52:7.

11 Tingnan ang halimbawa ni Sergey. Bago niya malaman ang katotohanan, napakamahiyain niya. Hiráp siyang makipag-usap sa iba. Nang maglaon, nagpa-Bible study siya. “Habang nag-aaral ako ng Bibliya, natutuhan kong obligasyon ng mga Kristiyano na sabihin sa iba ang kanilang pananampalataya,” ang sabi ni Sergey. “Iniisip kong hindi ko talaga iyon kayang gawin.” Pero naisip niya ang mga taong hindi pa nakakaalam ng katotohanan, na siguradong nahihirapan sa buhay dahil hindi nila kilala si Jehova. “Ang mga bagong bagay na natututuhan ko ay nagdudulot sa akin ng malaking kagalakan at kapayapaan ng kalooban,” ang sabi niya. “Kailangan din itong malaman ng iba.” Habang nagkakaroon ng empatiya sa mga tao si Sergey, lalo siyang nagkakaroon ng lakas ng loob na mangaral. “Nagulat ako sa resulta,” ang sabi ni Sergey. “Nagkaroon ako ng kumpiyansa sa sarili! At lalong tumagos sa puso ko ang aking mga bagong paniniwala.” *

Kailangan ng ilan ang panahon para sumulong sa espirituwal (Tingnan ang parapo 12-13)

12-13. Bakit kailangan nating maging matiyaga sa mga tinuturuan natin sa ministeryo? Ipaliwanag.

12 Ikatlo, maging matiyaga sa mga tinuturuan mo. Tandaan, baka hindi man lang sumagi sa isip nila ang ilang katotohanan sa Bibliya na alam na alam na natin. At marami ang kumbinsidong-kumbinsido sa kanilang pinaniniwalaan. Baka iniisip nilang ang relihiyon nila ang nagbubuklod sa kanilang pamilya at komunidad, at ito rin ang nagpapanatili ng kanilang kultura. Paano natin sila matutulungan?

13 Pag-isipan ito: Ano ang ginagawa kapag kailangan nang palitan ang isang luma at marupok na tulay? Madalas na itinatayo ang bagong tulay habang ginagamit pa ang luma. Kapag tapós na ang bagong tulay, saka pa lang sisirain ang lumang tulay. Gayundin, bago natin hilingin sa mga tao na bitawan ang dati nilang mga paniniwalang mahalaga sa kanila, baka kailangan muna natin silang tulungang magkaroon ng malalim na pagpapahalaga sa mga bago nilang natututuhan—mga katotohanan sa Bibliya na hindi pa nila alam noon. Saka pa lang sila magiging handa na bitawan ang dati nilang paniniwala. Kaya kailangan dito ang panahon.—Roma 12:2.

14-15. Paano natin matutulungan ang mga taong walang alam o kaunti lang ang alam sa pag-asang buhay na walang hanggan sa paraisong lupa? Magbigay ng halimbawa.

14 Kung matiyaga tayo sa mga tao sa ministeryo, hindi natin aasahang maiintindihan o tatanggapin nila agad ang katotohanan sa Bibliya na itinuturo sa kanila. Sa halip, bibigyan natin sila ng panahon na mapag-isipang mabuti ang sinasabi ng Kasulatan. Halimbawa, isipin kung paano natin maipapaliwanag sa isang tao ang tungkol sa pag-asang buhay na walang hanggan sa paraisong lupa. Marami ang walang alam o kaunti lang ang alam sa turong ito. Baka naniniwala silang ang kamatayan ang katapusan ng lahat. O baka naniniwala silang pupunta sa langit ang lahat ng mabubuting tao. Paano natin sila matutulungan?

15 Sinabi ng isang brother ang isang paraan na napatunayan niyang epektibo. Una, binabasa niya ang Genesis 1:28. Pagkatapos, tinatanong niya ang may-bahay kung saan at sa anong kalagayan gusto ng Diyos na mabuhay ang mga tao. Marami ang sumasagot, “Sa lupa, sa magandang kalagayan.” Sumunod, binabasa ng brother ang Isaias 55:11 at itinatanong kung nagbago ba ang layunin ng Diyos. Madalas na ang sagot ng may-bahay ay hindi. Panghuli, binabasa ng brother ang Awit 37:10, 11 at itinatanong kung ano ang magiging buhay ng tao sa hinaharap. Sa gayong pangangatuwiran gamit ang Bibliya, marami siyang natulungang maintindihan na gusto pa rin ng Diyos na mabuhay ang mabubuting tao sa paraisong lupa magpakailanman.

Malaki ang nagagawa ng pagpapakita ng kabaitan kahit sa simpleng paraan, gaya ng pagpapadala ng nakapagpapatibay na liham (Tingnan ang parapo 16-17)

16-17. Ayon sa simulain ng Kawikaan 3:27, ano ang ilang paraan para makapagpakita tayo ng empatiya? Ilarawan.

16 Ikaapat, maging makonsiderasyon at mag-isip ng mga paraan para maipakita ito. Halimbawa, baka nadatnan mo ang isang may-bahay sa panahong hindi kumbinyente sa kaniya. Puwede tayong humingi ng pasensiya at magsabing babalik na lang tayo sa ibang panahon. Paano kung kailangan ng may-bahay ng simpleng tulong? O paano kung ang nadatnan mo ay may sakit o matanda na at hindi na makaalis ng bahay? Baka may kailangan siyang ipagawa. Makakatulong tayo sa gayong mga pagkakataon.—Basahin ang Kawikaan 3:27.

17 Naging maganda ang resulta nang magpakita ng kabaitan sa simpleng paraan ang isang sister. Dahil sa pagmamalasakit, sinulatan niya ang isang pamilyang namatayan ng anak. May nakapagpapatibay na mga teksto sa liham. Paano ito nakatulong sa pamilya? “Lumong-lumo ako kahapon,” ang sabi ng nagdadalamhating nanay. “Hindi mo alam kung paano nakatulong sa amin ang sulat mo. Hindi ko maipaliwanag kung paano kami napalakas nito. Mahigit 20 beses ko yatang binasa kahapon ang sulat mo. Damang-dama namin ang iyong kabaitan at pagmamalasakit. Maraming, maraming salamat.” Talagang may magagandang resulta kapag nagpapakita tayo ng empatiya sa mga nagdurusa at tinutulungan natin sila.

MAGKAROON NG BALANSENG PANANAW

18. Gaya ng ipinapakita sa 1 Corinto 3:6, 7, ano ang dapat nating tandaan tungkol sa ating ministeryo, at bakit?

18 Gusto nating magkaroon ng balanseng pananaw sa ating ministeryo. May papel tayong ginagampanan para matuto ang mga tao tungkol sa Diyos, pero si Jehova ang may pinakamalaking papel na ginagampanan. (Basahin ang 1 Corinto 3:6, 7.) Inilalapit niya sa kaniya ang mga tao. (Juan 6:44) Depende sa puso ng isa kung tatanggapin niya ang mabuting balita o hindi. (Mat. 13:4-8) Tandaan na marami ang hindi tumanggap sa mensahe ni Jesus kahit siya ang pinakadakilang Guro! Kaya hindi tayo dapat masiraan ng loob kung marami ang hindi nakikinig sa ating mensahe.

19. Ano ang magagandang resulta kapag nagpapakita tayo ng pakikipagkapuwa-tao sa ating ministeryo?

19 Magaganda ang resulta kapag nagpapakita tayo ng pakikipagkapuwa-tao sa ating ministeryo. Mas gaganahan tayo sa pangangaral. Mas magiging maligaya tayo dahil nagbibigay tayo. At magiging mas madali para sa “mga wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan” na tanggapin ang mabuting balita. (Gawa 13:48) Kaya “habang tayo ay may panahong kaayaaya para rito, gumawa tayo ng mabuti sa lahat.” (Gal. 6:10) At magiging masaya tayo dahil naluluwalhati natin ang ating Ama sa langit.—Mat. 5:16.

AWIT 64 May-kagalakang Nakikibahagi sa Pag-aani

^ par. 5 Kapag nagpapakita tayo ng pakikipagkapuwa-tao, lalo tayong nagiging masaya sa ministeryo, at kadalasan nang nagkakaroon ito ng magagandang resulta. Bakit? Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Jesus. Tatalakayin din natin ang apat na paraan para maipakita ang pakikipagkapuwa-tao sa ating pangangaral.

^ par. 5 KARAGDAGANG PALIWANAG: Sa kontekstong ito, ang salitang nahabag ay nangangahulugang naawa sa isang taong nagdurusa o pinagmamalupitan. Ang gayong damdamin ay maaaring mag-udyok sa isang tao na gawin ang lahat ng magagawa niya para makatulong sa iba.

^ par. 8 Tingnan ang artikulong “Ikapit ang Gintong Aral sa Iyong Ministeryo” sa Mayo 15, 2014, isyu ng Bantayan.