Ikalawang Liham kay Timoteo 4:1-22

4  Sa harap ng Diyos at ni Kristo Jesus, na hahatol+ sa mga buháy at mga patay,+ at sa pamamagitan ng kaniyang pagkakahayag+ at kaniyang Kaharian,+ inuutusan kita:  Ipangaral mo ang salita ng Diyos;+ gawin mo ito nang apurahan, maganda man o mahirap ang kalagayan; sumaway ka,+ magbabala, at magpayo nang may pagtitiis at husay sa pagtuturo.+  Dahil darating ang isang yugto ng panahon kung kailan hindi na nila tatanggapin ang kapaki-pakinabang na turo,+ kundi gaya ng gusto nila, papalibutan nila ang kanilang sarili ng mga guro na kikiliti sa mga tainga nila.+  Hindi na sila makikinig sa katotohanan at magbibigay-pansin sila sa mga kuwentong di-totoo.+  Pero ikaw, gamitin mo ang iyong kakayahang mag-isip sa lahat ng pagkakataon,+ tiisin mo ang mga paghihirap,+ gawin mo ang gawain ng isang ebanghelisador,* at isagawa mo nang lubusan ang iyong ministeryo.+  Dahil gaya ako ngayon ng ibinubuhos na handog na inumin,+ at malapit na akong lumaya.+  Naipaglaban ko na ang marangal na pakikipaglaban,+ natapos ko na ang takbuhan,+ nanatili akong matatag sa pananampalataya.  Mula ngayon, may nakalaan nang korona ng katuwiran para sa akin,+ na ibibigay ng Panginoon, ang matuwid na hukom,+ bilang gantimpala ko sa araw na iyon,+ pero hindi lang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa kaniyang pagkakahayag.  Sikapin mong makapunta agad sa akin. 10  Dahil pinabayaan ako ni Demas;+ inibig niya ang sistemang ito at pumunta siya sa Tesalonica, si Cresente naman ay sa Galacia, at si Tito ay sa Dalmacia. 11  Si Lucas lang ang kasama ko. Isama mo rito si Marcos dahil malaking tulong siya sa akin sa ministeryo.+ 12  Pinapunta ko na si Tiquico+ sa Efeso. 13  Dalhin mo rin dito ang balabal na iniwan ko kay Carpo sa Troas at ang mga balumbon, lalo na ang mga pergamino. 14  Napakasama ng mga ginawa sa akin ng panday-tanso na si Alejandro. Gagantihan siya ni Jehova ayon sa mga ginawa niya.+ 15  Mag-ingat ka rin sa kaniya, dahil inatake niya nang husto ang mensahe namin. 16  Sa una kong pagtatanggol, walang pumanig sa akin at pinabayaan nila ako; huwag nawa itong singilin sa kanila ng Diyos. 17  Pero ang Panginoon ay tumayong malapit sa akin at pinalakas niya ako+ para lubusan kong maipangaral ang mensahe at marinig ito ng lahat ng bansa;+ at iniligtas niya ako sa bibig ng leon.+ 18  Ililigtas ako ng Panginoon sa lahat ng kasamaan at ililigtas niya ako para sa kaniyang Kaharian sa langit.+ Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen. 19  Ikumusta mo ako kina Prisca at Aquila+ at sa sambahayan ni Onesiforo.+ 20  Nanatili sa Corinto si Erasto,+ pero iniwan ko si Trofimo+ sa Mileto dahil may sakit siya. 21  Sikapin mong makarating bago magtaglamig. Kinukumusta ka ni Eubulo, pati nina Pudente, Lino, at Claudia at ng lahat ng kapatid. 22  Pagpalain ka nawa ng Panginoon habang nagpapakita ka ng magagandang katangian.* Sumainyo nawa ang kaniyang walang-kapantay na kabaitan.

Talababa

O “patuloy mong ipangaral ang mabuting balita.”
O “saloobin.”

Study Notes

pagkakahayag ng ating Panginoong Jesu-Kristo: Sa Bibliya, ang terminong Griego na isinaling “pagkakahayag” (e·pi·phaʹnei·a) ay tumutukoy sa nakikitang ebidensiya ng isang bagay o pagpapakita ng awtoridad o kapangyarihan. Ginamit ito para tukuyin ang panahong nandito sa lupa si Jesus. (2Ti 1:10 at study note) Ginamit din ito para tumukoy sa iba’t ibang pangyayari sa panahon ng presensiya ni Jesus bilang Hari. (Halimbawa, tingnan ang study note sa 2Te 2:8.) Sa kontekstong ito, ang “pagkakahayag” ni Jesus ay tumutukoy sa isang pangyayari sa hinaharap kung saan malinaw na makikita ang kaluwalhatian at kapangyarihan niya bilang Mesiyanikong Hari.—Dan 2:44; 7:13, 14; 1Ti 6:15; 2Ti 4:1.

luklukan ng paghatol ng Kristo: Sa Ro 14:10, may binanggit si Pablo na “luklukan ng paghatol ng Diyos.” Pero humahatol si Jehova sa pamamagitan ng Anak niya (Ju 5:22, 27), kaya tinawag ito dito na “luklukan ng paghatol ng Kristo.” Noong panahon ng sinaunang mga Kristiyano, ang luklukan ng paghatol (sa Griego, beʹma) ay kadalasan nang isang mataas na plataporma na nasa labas at may mga baytang kung saan umuupo ang mga opisyal para sabihin sa mga tao ang pasiya nila. (Mat 27:19; Ju 19:13; Gaw 12:21; 18:12; 25:6, 10) Posibleng naalala ng mga taga-Corinto sa ekspresyong ginamit ni Pablo ang kahanga-hangang luklukan ng paghatol sa Corinto.—Tingnan sa Glosari, “Luklukan ng paghatol,” at Media Gallery, “Luklukan ng Paghatol sa Corinto.”

inuutusan kita: Iisang salita lang sa Griego ang katumbas ng mapuwersang pariralang ito. Ayon sa isang diksyunaryo, ang pandiwang ito ay nangangahulugang “mag-utos nang may awtoridad para gawin ng isa ang mga bagay na napakahalaga.” (Lumitaw rin ang pandiwang ito sa Septuagint, halimbawa, sa 1Sa 8:9 at 2Cr 24:19.) Sa naunang mga talata, sinabi ni Pablo kung ano ang dapat gawin kapag may nag-akusa sa matatandang lalaki ng paglabag sa kautusan. Idiniin niya rin kung bakit dapat sawayin ang mga namimihasa sa kasalanan. Dahil napakabigat ng pananagutang ito, inutusan niya si Timoteo sa harap ng Diyos at ni Kristo Jesus para ipaalala na kapag pinag-uusapan ng matatandang lalaki ang kompidensiyal na mga bagay, hayag ang lahat ng ito sa pinakamatataas na awtoridad.—Ro 2:16; Heb 4:13.

kaniyang pagkakahayag: Sa kontekstong ito, ang “pagkakahayag” ni Kristo ay tumutukoy sa isang pangyayari sa hinaharap kung kailan malinaw na makikita ang kaluwalhatian niya bilang hari sa langit. Sa panahong ito, ilalapat niya ang mga hatol ng Diyos sa mga tao.—Dan 2:44; 7:13, 14; tingnan din ang study note sa 1Ti 6:14.

Kristo Jesus, na hahatol sa mga buháy at mga patay: Sinasabi sa Hebreong Kasulatan na ang Diyos na Jehova ang “Hukom ng buong lupa.” (Gen 18:25) At sinasabi sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na si Jehova ang “Hukom ng lahat.” (Heb 12:23) Pero inihula sa Hebreong Kasulatan na maglilingkod din bilang hukom ang Mesiyas. (Isa 11:3-5) Kaayon ng ganitong mga hula ang sinabi ni Jesus na “ipinagkatiwala [ng Ama] sa Anak ang lahat ng paghatol.” (Ju 5:22, 27) Sinasabi rin sa Bibliya na si Jesus ay “inatasan ng Diyos para maging hukom ng mga buháy at ng mga patay.”—Gaw 10:42; 17:31; 1Pe 4:5; tingnan din ang study note sa 2Co 5:10.

inuutusan kita: Ginamit ni Pablo ang ekspresyong ito para idiin kay Timoteo kung gaano kaseryoso ang sasabihin niya. (Tingnan ang study note sa 1Ti 5:21, kung saan ginamit din ni Pablo ang ekspresyong ito.) Marami nang ginawa sina Pablo at Timoteo para patibayin ang mga kongregasyon at protektahan ang mga ito sa impluwensiya ng huwad na mga guro. At dahil alam ni Pablo na malapit na siyang mamatay (2Ti 4:6-8), gusto niyang seryosohin ni Timoteo ang mga tagubiling ibibigay niya (2Ti 4:2-5).

ginagamit nang tama ang salita ng katotohanan: Ang pandiwang Griego na ginamit dito ni Pablo ay literal na nangangahulugang “pumutol nang tuwid.” May ilang posibleng pinagbatayan si Pablo ng ekspresyong ito. Halimbawa, dahil gumagawa siya ng tolda, posibleng nasa isip niya ang tuwid na pagputol sa tela. O posible ring ibinatay niya ito sa pagkakagamit dito ng Septuagint sa Kaw 3:6 at 11:5, kung saan ang pandiwa ay tumutukoy sa pagtutuwid ng isang tao sa landas niya. Puwede ring tumukoy ang pandiwang ito sa ibang bagay, gaya ng pag-aararo nang tuwid ng isang magsasaka. Alinman dito ang pinagbatayan ni Pablo, sinasabi lang niya kay Timoteo na kapag nagtuturo ito ng Salita ng Diyos, dapat niya itong gamitin nang tama at ipaliwanag nang may katumpakan at hindi siya dapat lumihis o mawala sa pokus dahil lang sa pakikipagdebate tungkol sa mga opinyon, salita, at iba pang walang-katuturang mga bagay.—2Ti 2:14, 16.

gawin mo ang gawain ng isang ebanghelisador: Binigyan ng atas ni Jesus ang lahat ng Kristiyano na maging ebanghelisador, o ipangaral ang mabuting balita ng kaligtasan mula sa Diyos. (Mat 24:14; 28:19, 20; Gaw 5:42; 8:4; Ro 10:9, 10) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang mga termino para sa pag-eebanghelyo ay madalas tumukoy sa pangangaral sa mga di-kapananampalataya. Dahil isang tagapangasiwang Kristiyano si Timoteo, marami siyang atas sa pagtuturo sa loob ng kongregasyon, gaya ng binanggit sa 2Ti 4:1, 2. Pero kailangan pa rin niya at ng lahat ng iba pang tagapangasiwa na ipangaral ang mabuting balita sa labas ng kongregasyon.

Sawayin: Sa Bibliya, ang terminong Griego na isinasaling “sawayin” ay kadalasan nang tumutukoy sa pagtulong sa isa na makitang nagkasala siya. Layunin ng nagbibigay ng saway na mapakilos ang isang tao na aminin ang kasalanan niya at ituwid ito. Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang ito ay puwede ring mangahulugang “‘ituwid,’ ibig sabihin, ‘ituro ang daan mula sa kasalanan tungo sa pagsisisi.’” Nakapagtuturo ang disiplinang ito. Sa Ju 16:8, ang salitang Griego para sa “sawayin” ay isinaling “magbibigay . . . ng nakakukumbinsing katibayan.”

pagpapatibay: O “pagpapayo.” Ang salitang Griego na pa·ra·ka·leʹo ay literal na nangangahulugang “tawagin ang isa para tabihan ka.” Malawak ang kahulugan nito at puwedeng tumukoy sa pagpapatibay (Gaw 11:23; 14:22; 15:32; 1Te 5:11; Heb 10:25); pag-aliw (2Co 1:4; 2:7; 7:6; 2Te 2:17); at sa ilang konteksto ay sa pagbibigay ng matinding payo (Gaw 2:40; Ro 15:30; 1Co 1:10; Fil 4:2; 1Te 5:14; 2Ti 4:2; Tit 1:9, tlb.). Dahil magkakaugnay ang pagpapayo, pag-aliw, at pagpapatibay, ipinapakita nito na kahit kailan, ang isang Kristiyano ay hindi dapat magpayo sa paraang masakit at walang galang.

pagpapayo: O “pagpapatibay.” Kasama sa pagpapayo ang pagpapakilos sa iba na gawin ang isang bagay, pero ang salitang Griego na ginamit dito ay puwede ring tumukoy sa pagpapasigla at pagpapatibay. Kung paanong kailangan ni Timoteo na maghandang mabuti sa pangmadlang pagbabasa at pagtuturo, kailangan din niyang gawin ang buong makakaya niya para mapasigla at mapatibay ang mga kapatid.—Tingnan ang study note sa Ro 12:8; Fil 2:1.

maging mapagpasensiya sa lahat: Ang mga salitang Griego na isinasaling “pagpapasensiya” o “pagtitiis” ay nagpapahiwatig ng pagiging kalmado habang nagtitiis at pagiging hindi magagalitin, mga katangiang ipinapakita ni Jehova at ni Jesus sa mga tao. (Ro 2:4; 9:22; 1Ti 1:16; 1Pe 3:20; 2Pe 3:9, 15; tingnan ang study note sa Gal 5:22.) Para matularan ng mga Kristiyano si Jehova at si Jesus, kailangan nilang maging mapagpasensiya. (1Co 11:1; Efe 5:1) Ang pandiwang Griego para sa “maging mapagpasensiya” ay dalawang beses na ginamit sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa dalawang alipin, na parehong nagmakaawa at humingi ng “pasensiya.” (Mat 18:26, 29) Hindi naging mapagpasensiya at maawain ang ‘napakasamang alipin,’ at ayaw niyang magpatawad. Kabaligtaran siya ng hari sa ilustrasyon, na lumalarawan sa Ama ni Jesus sa langit. (Mat 18:30-35) Ipinapakita ng ilustrasyon ni Jesus at ng pagkakagamit sa pandiwa ring ito sa 2Pe 3:9 na kasama sa pagiging mapagpasensiya sa iba ang pagiging mapagpatawad at maawain.

paraan niya ng pagtuturo: Tumutukoy sa kung paano nagturo si Jesus, kasama na ang mismong itinuro niya, ang lahat ng itinuro niya sa Sermon sa Bundok.

itinuturo sa kanila: Saklaw ng salitang Griego na isinasaling “magturo” ang pagpapaliwanag, paggamit ng nakakakumbinsing argumento, at paghaharap ng mga katibayan. (Tingnan ang study note sa Mat 3:1; 4:23.) Ang pagtuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng iniutos ni Jesus ay dapat gawin nang patuluyan, at kasama rito ang pagtuturo sa kanila ng lahat ng itinuro niya, kung paano susundin ang mga ito, at kung paano siya tutularan.—Ju 13:17; Efe 4:21; 1Pe 2:21.

kuwalipikadong magturo: Dapat na isang mahusay na guro ang isang tagapangasiwa—kaya niyang ituro nang malinaw sa mga kapananampalataya niya ang mga katotohanan at prinsipyo sa Bibliya. Sa liham ni Pablo kay Tito, sinabi niya na ang isang tagapangasiwa ay dapat na “mahigpit na nanghahawakan sa mapananaligang mensahe pagdating sa kaniyang paraan ng pagtuturo” para mapatibay, mapayuhan, at maituwid niya ang iba. (Tit 1:5, 7, 9 at mga study note) Ginamit din ni Pablo ang ekspresyong “kuwalipikadong magturo” sa ikalawang liham niya kay Timoteo. Sinabi niya doon na “ang alipin ng Panginoon” ay dapat na may pagpipigil sa sarili at “mahinahong nagtuturo sa mga rebelyoso.” (2Ti 2:24, 25) Kaya dapat na may kakayahan ang isang tagapangasiwa na mangatuwiran batay sa Kasulatan sa nakakakumbinsing paraan, magbigay ng mahusay na payo, at maabot ang puso ng mga tagapakinig niya. (Tingnan ang study note sa Mat 28:20.) Dapat na masipag siyang mag-aral ng Salita ng Diyos, dahil ang mga tuturuan niya ay nag-aaral din ng Bibliya.

Ipangaral mo ang salita ng Diyos: Ipinapahiwatig ng konteksto na ang pangunahing tinutukoy dito ni Pablo ay ang pangangaral, o pagtuturo, sa loob ng kongregasyon. (2Ti 4:3, 4) Dahil isang tagapangasiwa si Timoteo, dapat niyang mahusay na ituro ang salita ng Diyos sa mga kapatid niya para tumibay ang pananampalataya nila at malabanan nila ang turo ng mga apostata. Nagpapasimula ng mga debate tungkol sa mga salita ang huwad na mga guro at nagtataguyod ng sarili nilang mga opinyon at mga kuwentong di-totoo. Ibang-iba sa kanila ang mga tagapangasiwa, na “salita ng Diyos” lang ang ipinangangaral. (Tingnan ang study note sa 2Ti 2:15; tingnan din ang 2Ti 3:6-9, 14, 16.) Puwede ring tumukoy ang ekspresyong ito sa pangangaral sa labas ng kongregasyon, kaya pinasigla ni Pablo si Timoteo na “gawin . . . ang gawain ng isang ebanghelisador.”—2Ti 4:5 at study note.

gawin mo ito nang apurahan: Gumamit dito si Pablo ng pandiwang Griego na literal na nangangahulugang “tumuntong,” pero malawak ang kahulugan ng pandiwang ito; karaniwan itong nangangahulugang “tumayo malapit sa, maging handa.” Ginagamit kung minsan ang terminong ito sa militar para tumukoy sa isang sundalo o bantay na nasa puwesto niya at laging handa. Pero puwede ring tumukoy ang salitang ito sa agarang pagkilos. Saklaw din ng salitang ito ang pagiging masigasig at pursigido. Gusto ni Pablo na laging maging handa si Timoteo na “ipangaral . . . ang salita ng Diyos.”—Tingnan ang study note sa Ipangaral mo ang salita ng Diyos sa talatang ito.

maganda man o mahirap ang kalagayan: O “kapanahunan man nito o hindi.” Hinimok ni Pablo si Timoteo na patuloy na ipagtanggol ang mga katotohanan sa Salita ng Diyos sa anumang sitwasyon. Kailangan niya itong gawin kapag maganda ang kalagayan, pero hindi pa rin siya titigil kahit na may humadlang sa kaniya, gaya ng huwad na mga guro na kumakalaban sa kaniya at nagsisikap na sirain ang pagkakaisa ng kongregasyon.

sumaway: Tingnan ang study note sa 1Ti 5:20.

magbabala: Ang pandiwang Griego na isinaling “magbabala” ay nangangahulugang “sumaway, magbigay ng matinding babala, o mahigpit na magbilin.” Puwede itong tumukoy sa pagbababala sa isang tao para pigilan siyang gawin ang isang bagay o patigilin siya sa isang bagay na ginagawa na niya.—Mat 16:20; Mar 8:33; Luc 17:3.

magpayo: Tingnan ang study note sa Ro 12:8; 1Ti 4:13.

nang may pagtitiis: Maraming natutuhan si Timoteo kay Pablo tungkol sa pagtitiis. (2Ti 3:10) Bilang isang tagapangasiwa, kailangan ni Timoteo na maging matiisin dahil naimpluwensiyahan na ang ilan sa kongregasyon ng huwad na mga turo. Kapag sinasaway, binababalaan, at pinapayuhan niya ang mga kapuwa niya Kristiyano, tinatandaan niyang gusto ng mga ito na gawin ang tama, kaya kailangan niyang magpakita ng pagpipigil sa sarili at matiyaga silang tulungan. Kung magpapadala siya sa inis o pagkadismaya, baka layuan siya ng mga kapatid o matisod pa nga ang mga ito.—1Pe 5:2, 3; tingnan ang study note sa 1Te 5:14.

husay sa pagtuturo: O “sining sa pagtuturo.” Ang salitang Griego na isinalin ditong “husay sa pagtuturo” ay puwedeng tumukoy sa paraan ng pagtuturo at sa mismong itinuturo. (Tingnan ang study note sa Mat 7:28, kung saan ang salitang ito ay isinaling “paraan . . . ng pagtuturo.”) Pero sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa paraan ng pagtuturo, kaya isinalin itong “husay sa pagtuturo.” Sa orihinal na Griego, ginamit dito ni Pablo ang salita para sa “lahat,” kaya isinalin ito sa ilang Bibliya na “bawat uri ng pagtuturo,” “lahat ng kakayahan sa pagtuturo,” o “masinsinang pagtuturo.” Ayon sa isang iskolar, sinasabi sa talatang ito na “dapat na laging mapatunayan [ni Timoteo] na isa siyang mahusay at maaasahang tagapagturo ng Kristiyanong paniniwala.”—1Ti 4:15, 16; tingnan ang study note sa Mat 28:20; 1Ti 3:2.

kapaki-pakinabang na mga tagubilin: Tinutukoy dito ni Pablo ang mga turo ng Panginoong Jesu-Kristo. Dahil kaayon ng buong Kasulatan ang lahat ng itinuro ni Jesus, puwede ring tumukoy ang ekspresyong “kapaki-pakinabang [lit., “nakapagpapalusog”] na mga tagubilin” sa lahat ng turo sa Bibliya.—Tingnan ang study note sa 2Ti 1:13.

may ilan na tatalikod sa pananampalataya: Inihula ni Pablo na itatakwil ng ilang nag-aangking Kristiyano ang mga turo ng Diyos na nasa Kasulatan at iiwan ang tunay na pagsamba. Ang pandiwang Griego na isinalin ditong “tatalikod” ay literal na nangangahulugang “lalayo” at puwede ring isaling “hihiwalay; magtatakwil.” (Gaw 19:9; 2Ti 2:19; Heb 3:12) Kaugnay ito ng pangngalang isinasaling “apostasya.”—Tingnan ang study note sa 2Te 2:3.

kapaki-pakinabang: Lit., “nakapagpapalusog.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 6:3.

kikiliti sa mga tainga nila: O “magsasabi sa kanila ng gusto nilang marinig.” Sa idyomang ito, gumamit si Pablo ng pandiwang Griego na puwedeng mangahulugang “kilitiin; kamutin,” pero puwede rin itong mangahulugang “mangati.” Dito lang ito lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Maliwanag na tumutukoy ito sa mga taong gustong-gustong marinig ang mga bagay na kukunsinti sa kanilang makasariling pagnanasa sa halip na ang mga makakatulong sa kanila sa espirituwal, kaya naman sa ilang salin, inihalintulad ito sa pangangati na kailangang kamutin. Kaya mas gusto nila ang mga gurong kikiliti sa tainga nila, o magsasabi ng gusto nilang marinig. Dahil sa inihulang apostasya, dadami talaga ang ganitong makasariling alagad at huwad na mga guro; kaya kailangang kumilos agad ni Timoteo.—Tingnan ang study note sa 1Ti 4:1.

mga kuwentong di-totoo: Sa 2Ti 4:4, parehong binanggit ni Pablo ang “mga kuwentong di-totoo” at ang “katotohanan.” Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang Griego na myʹthos, na isinalin ditong “mga kuwentong di-totoo,” ay nangangahulugang “alamat, pabula . . . kathang-isip.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, laging negatibo ang pagkakagamit sa salitang ito. Posibleng nasa isip ni Pablo ang nakakaaliw na mga alamat na base sa mga kasinungalingan sa relihiyon at sabi-sabi. (Tit 1:14; 2Pe 1:16; tingnan ang study note sa 1Ti 4:7.) Sinabihan niya ang mga Kristiyano na huwag magbigay-pansin, o maging interesado, sa di-totoong mga kuwento. Walang makukuhang pakinabang sa mga ito, at maililihis pa nito ang isip ng mga Kristiyano mula sa katotohanang nasa Salita ng Diyos.—2Ti 1:13.

mga kuwentong di-totoo: Tingnan ang study note sa 1Ti 1:4.

alerto: O “malinaw ang isip.” Lit., “hindi lasing.” Ang salitang Griego na ginamit dito ay lumitaw rin sa 1Te 5:8; 2Ti 4:5; 1Pe 1:13; 4:7; tlb. (‘laging handa’; “alisto”); 5:8.

mabuting balita: Ito ang unang paglitaw ng salitang Griego na eu·ag·geʹli·on, na isinasaling “ebanghelyo” sa ilang Bibliya. Ang kaugnay na salitang Griego na eu·ag·ge·li·stesʹ, na isinasaling “ebanghelisador,” ay nangangahulugang “mángangarál ng mabuting balita.”—Gaw 21:8; Efe 4:11, tlb.; 2Ti 4:5, tlb.

ihayag . . . ang mabuting balita: Ang pandiwang Griego na ginamit dito, eu·ag·ge·liʹzo·mai (“ihayag ang mabuting balita”), ay lumitaw nang 54 na beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Madalas itong mabasa sa mga ulat ni Lucas. (Luc 1:19; 2:10; 3:18; 4:18; 8:1; 9:6; 20:1; Gaw 5:42; 8:4; 10:36; 11:20; 13:32; 14:15, 21; 15:35; 16:10; 17:18) May pagkakaiba ang mga terminong ke·rysʹso, “ipangaral; ihayag” (Mat 3:1; 4:17; 24:14; Luc 4:18, 19; 8:1, 39; 9:2; 24:47; Gaw 8:5; 28:31; Apo 5:2), at eu·ag·ge·liʹzo·mai, “ihayag ang mabuting balita.” Idinidiin ng ke·rysʹso ang paraan ng paghahayag—awtorisado at sa publiko. Idinidiin naman ng eu·ag·ge·liʹzo·mai ang mensaheng inihahayag—“ang mabuting balita.” Ang kaugnay na pangngalang eu·ag·geʹli·on (“mabuting balita”) ay lumitaw nang 76 na beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.​—Tingnan ang study note sa Mat 4:23; 24:14 at Glosari, “Mabuting balita.”

paghahayag ng mabuting balita: Ang pandiwang Griego na ginamit dito, eu·ag·ge·liʹzo·mai, ay kaugnay ng pangngalang eu·ag·geʹli·on, “mabuting balita.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, isang mahalagang bahagi ng mabuting balita ang tungkol sa Kaharian ng Diyos, ang paksa ng pangangaral at pagtuturo ni Jesus, at tungkol sa kaligtasan na magiging posible sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Kristo. Sa aklat ng Gawa, maraming beses lumitaw ang pandiwang Griego na eu·ag·ge·liʹzo·mai, at idiniriin nito ang gawaing pangangaral.—Gaw 8:4, 12, 25, 35, 40; 10:36; 11:20; 13:32; 14:7, 15, 21; 15:35; 16:10; 17:18; tingnan ang study note sa Mat 4:23; 24:14.

ebanghelisador: Ang terminong Griego na eu·ag·ge·li·stesʹ, na isinalin ditong “ebanghelisador,” ay pangunahin nang nangangahulugang “tagapaghayag ng mabuting balita.” (Tingnan ang study note sa Mat 4:23.) Lahat ng Kristiyano ay inatasang mangaral ng mabuting balita (Mat 24:14; 28:19, 20; Gaw 5:42; 8:4; Ro 10:9, 10), pero makikita sa konteksto ng tatlong talata kung saan lumitaw ang terminong Griegong ito na ang salitang “ebanghelisador” ay puwedeng tumukoy sa mas espesipikong atas (Gaw 21:8; Efe 4:11, tlb.; 2Ti 4:5, tlb.). Halimbawa, kapag tumutukoy ito sa isang tao na magdadala ng mabuting balita sa isang bagong teritoryo na hindi pa napangaralan, ang terminong Griego ay puwedeng isaling “misyonero.” Pagkatapos ng Pentecostes, sinimulan ni Felipe ang pangangaral sa lunsod ng Samaria, at naging mabunga siya roon. Sa patnubay ng isang anghel, ipinangaral din ni Felipe ang mabuting balita tungkol kay Kristo sa isang mataas na opisyal na Etiope, at binautismuhan niya ito. Pagkatapos, inakay naman siya ng espiritu para mangaral sa Asdod at sa lahat ng lunsod na madaraanan niya papuntang Cesarea. (Gaw 8:5, 12, 14, 26-40) Makalipas ang mga 20 taon, tinatawag pa rin si Felipe na “ebanghelisador,” gaya ng makikita dito sa Gaw 21:8.

ebanghelisador: Ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo ay pangunahin nang nangangahulugang “tagapaghayag, o mángangarál, ng mabuting balita.” Ang salitang ito ay kaugnay ng terminong Griego para sa “ebanghelyo,” o “mabuting balita,” at lumitaw lang ito dito at sa dalawa pang talata sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (2Ti 4:5; tingnan ang study note sa Gaw 21:8.) Inatasan ang lahat ng Kristiyano na ipahayag ang mabuting balita. (Mat 24:14; 28:19, 20) Pero sa tekstong ito, malamang na ginamit ni Pablo ang terminong “ebanghelisador” para tumukoy partikular na sa mga “misyonero.” Halimbawa, naglakbay nang malayo sina Pablo, Timoteo, Bernabe, at Silas para mangaral sa mga lugar na hindi pa napapaabutan ng mabuting balita.—Gaw 13:2-4; 15:40, 41; 16:3, 4.

niluluwalhati: O “dinadakila.” Ang pandiwang Griego na do·xaʹzo (luwalhatiin; dakilain), na kaugnay ng salitang doʹxa (kaluwalhatian; karangalan), ay madalas na iniuugnay sa pagluwalhati sa Diyos. (Mat 5:16; 9:8; Mar 2:12; Luc 2:20; 5:25, 26; Gaw 4:21; 11:18; Ro 15:6, 9) Sa kontekstong ito, ang pandiwa ay puwede ring mangahulugang “ipagmalaki; seryosohin; sulitin.” Napakahalaga kay Pablo ng “ministeryo” niya; itinuturing niya itong napakalaking karangalan.

aking ministeryo: Noong nasa lupa si Jesus, inatasan niya ang mga tagasunod niya na gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa. (Mat 28:19, 20) Tinawag ni Pablo ang gawaing ito na “ministeryo ng pakikipagkasundo.” Sinasabi ni Pablo sa mga taong malayo sa Diyos: “Nakikiusap kami: ‘Makipagkasundo kayo sa Diyos.’” (2Co 5:18-20) Ginawa ni Pablo ang lahat para makapangaral sa mga tao ng ibang mga bansa, pero gustong-gusto niya ring mapakilos ang ilang Judio para maligtas din sila. (Ro 11:14) Ang pangunahing kahulugan ng salitang Griego na di·a·ko·niʹa ay “paglilingkod,” at ang kaugnay na pandiwa nito ay ginagamit kung minsan sa Bibliya para tumukoy sa pagsisilbi sa iba, gaya ng paghahain ng pagkain. (Luc 4:39; 17:8; Ju 2:5) Dito, tumutukoy ito sa ministeryong Kristiyano. Mas mataas na anyo ito ng paglilingkod dahil sinasapatan nito ang espirituwal na pangangailangan ng iba.

ministeryong ito: Tumutukoy sa ministeryong ginagawa ng “mga lingkod ng isang bagong tipan” na binanggit sa 2Co 3:6. (Tingnan ang study note.) Dahil sa ministeryong ito, na tinawag ni Pablo na ‘kayamanan,’ naipapahayag ang katotohanan.—2Co 4:2, 7.

Nagpapasalamat ako kay Kristo Jesus: Para kay Pablo, ang pag-aatas ni Kristo Jesus sa kaniya ng “isang banal na gawain” ay patunay ng awa, pag-ibig, at tiwala ni Jesus sa kaniya. Dati siyang “mang-uusig” at “walang galang,” at pinaboran pa nga niya ang pagpatay kay Esteban. (1Ti 1:13; Gaw 6:8; 7:58; 8:1, 3; 9:1, 2) Para ipakita ni Pablo na malaki ang pasasalamat niya, buong puso siyang naglingkod para patibayin sa espirituwal ang kapuwa niya. Halimbawa, masigasig niyang ipinangaral ang mabuting balita.—Tingnan ang study note sa Ro 11:13.

gamitin mo ang iyong kakayahang mag-isip: Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay literal na nangangahulugang “hindi lasing.” (1Pe 1:13; 5:8; tingnan ang study note sa 1Te 5:6.) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ginagamit ang pandiwang ito para tumukoy sa pagiging “matino at balanse, may pagpipigil sa sarili.” Malapit nang mamatay si Pablo. (2Ti 4:6-8) Kaya kailangan ni Timoteo bilang tagapangasiwa na patuloy na palakasin ang kongregasyon at patibayin ito para malabanan ang paparating na apostasya. (1Ti 3:15; 2Ti 4:3, 4) Kailangan niyang manatiling balanse, alisto, at mapagbantay sa lahat ng aspekto ng paglilingkod niya.

gawin mo ang gawain ng isang ebanghelisador: Binigyan ng atas ni Jesus ang lahat ng Kristiyano na maging ebanghelisador, o ipangaral ang mabuting balita ng kaligtasan mula sa Diyos. (Mat 24:14; 28:19, 20; Gaw 5:42; 8:4; Ro 10:9, 10) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang mga termino para sa pag-eebanghelyo ay madalas tumukoy sa pangangaral sa mga di-kapananampalataya. Dahil isang tagapangasiwang Kristiyano si Timoteo, marami siyang atas sa pagtuturo sa loob ng kongregasyon, gaya ng binanggit sa 2Ti 4:1, 2. Pero kailangan pa rin niya at ng lahat ng iba pang tagapangasiwa na ipangaral ang mabuting balita sa labas ng kongregasyon.

ebanghelisador: O “mángangarál ng mabuting balita.” (Tingnan ang study note sa Mat 4:23.) Maraming beses na lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang kaugnay na pandiwang Griego na isinasaling “ihayag ang mabuting balita.” Madalas na tumutukoy ito sa kung paano ipinangangaral ni Jesus at ng lahat ng tagasunod niya ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Luc 4:43 at study note; Gaw 5:42 at study note; 8:4; 15:35) Pero tatlong beses lang lumitaw ang espesipikong termino na ginamit dito ni Pablo; at sa lahat ng paglitaw nito, makikita sa konteksto na ang “ebanghelisador” ay puwede ring tumukoy sa “isang misyonero.” (Tingnan ang study note sa Gaw 21:8; Efe 4:11.) Naging misyonero si Timoteo at naglakbay kasama ni Pablo para mangaral sa mga lugar na hindi pa naaabot ng mabuting balita, at binigyan din siya ng apostol ng iba pang espesyal na atas. (Gaw 16:3, 4; 1Ti 1:3) Dito, pinapasigla siya ni Pablo na patuloy na gampanan ang ganitong mahahalagang atas.

isagawa mo nang lubusan ang iyong ministeryo: Para masunod ni Timoteo ang tagubiling ito, marami siyang matututuhan sa halimbawa ni Pablo. Napakalaki ng pagpapahalaga ni Pablo sa pribilehiyo niyang makatulong sa paglalaan ng espirituwal na pangangailangan ng iba, sa loob at labas ng kongregasyon. (Tingnan ang study note sa Ro 11:13; 2Co 4:1; 1Ti 1:12.) Lahat ng tunay na Kristiyano ay binigyan ng atas na maglingkod. (2Co 4:1) Posibleng isa ito sa mga huling bilin ni Pablo kay Timoteo, at dito, pinapasigla ng apostol si Timoteo na isagawa nang lubusan ang ministeryo niya at gampanan ang lahat ng aspekto nito.

Kagaya man ako ng ibinubuhos na handog na inumin: Halos lahat ng inihahandog ng mga Israelita ay sinasamahan ng alak bilang handog na inumin, na ibinubuhos sa altar. (Lev 23:18, 37; Bil 15:2, 5, 10; 28:7) Dito, inihalintulad ni Pablo ang sarili niya sa handog na inumin. Ipinakita niya na kahit wala nang matira sa kaniya, handa niyang ibigay ang buong lakas at puso niya sa pagtulong sa mga taga-Filipos at sa iba pa niyang kapananampalataya habang nagsasakripisyo sila at gumagawa ng “banal na paglilingkod” bilang handog sa Diyos. (Ihambing ang 2Co 12:15.) Noong malapit nang mamatay si Pablo, sinabi niya kay Timoteo: “Gaya ako ngayon ng ibinubuhos na handog na inumin, at malapit na akong lumaya.”—2Ti 4:6.

sa araw na iyon: Hindi tinutukoy dito ni Pablo ang araw ng kamatayan niya na malapit nang mangyari, kundi ang panahon pa sa hinaharap kung kailan maghahari si Kristo sa Kaharian ng Diyos. Bubuhaying muli si Pablo at ang lahat ng iba pang pinahiran na namatay na, at bibigyan sila ng imortal na buhay sa langit.—1Te 4:14-16; 2Ti 1:12.

mapalaya: Lumilitaw na ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang kamatayan niya. Sa ikalawang liham niya kay Timoteo, na isinulat noong mga 65 C.E., gumamit siya ng isang kaugnay na salitang Griego nang sabihin niya tungkol sa kamatayan niya: “Malapit na akong lumaya.” (2Ti 4:6) Lumilitaw na ang ekspresyong “mapalaya at makasama si Kristo” ay kaayon ng sinabi ni Pablo sa 2Co 5:8: “Mas gusto nating manirahan kasama ng Panginoon sa halip na sa katawang ito.” Itinuring niyang ‘paglaya’ ang kamatayan niya bilang tapat na pinahirang lingkod ng Diyos, dahil ito ang paraan para buhayin siyang muli at maging bahagi ng “Kaharian [ni Kristo] sa langit.” (2Ti 4:18) Gaya ng ipinaliwanag ni Pablo sa 1Co 15:23, “ang mga kay Kristo” ay bubuhaying muli tungo sa langit sa “panahon ng . . . presensiya” ni Kristo. Kaya sinasabi dito ni Pablo na gusto niyang mamatay nang tapat para mabuhay siyang muli tungo sa langit. Karaniwan lang noon na tukuying ‘paglaya’ ang kamatayan, gaya ng pagkakagamit ni Pablo sa terminong ito, dahil may iba pang Griegong manunulat na gumawa nito.

ibinubuhos na handog na inumin: Sa Kautusang Mosaiko, inihahain ang handog na inumin kasama ng handog na sinusunog at handog na mga butil. (Lev 23:18, 37; Bil 15:2, 5, 10; 28:7) Ganito ang sinabi ng isang reperensiya tungkol sa mga handog na inumin: “Inihahain itong lahat, gaya ng handog na sinusunog, at walang itinitira sa mga saserdote; ibinubuhos ang lahat ng ito.” Ginamit ni Pablo ang paglalarawang ito nang sumulat siya sa mga taga-Filipos para ipakitang masaya siyang ibigay ang buong lakas at puso niya para sa mga kapananampalataya niya. (Fil 2:17 at study note) Pero nang gamitin niya dito ang ekspresyong ito, tinutukoy niya ang nalalapit na niyang kamatayan.

malapit na akong lumaya: Itinuturing ni Pablo na ‘paglaya’ ang kamatayan niya bilang tapat na pinahirang lingkod ng Diyos dahil magiging daan ito para buhayin siyang muli at makasama si Kristo sa Kaniyang “Kaharian sa langit.” (2Ti 4:18; tingnan din ang study note sa 2Ti 4:8.) Sinabi rin niya sa liham niya sa mga taga-Filipos: “Ang talagang gusto ko, ang mapalaya at makasama si Kristo.” (Fil 1:23 at study note) Malamang na natatandaan ni Timoteo ang ekspresyong ito dahil kasama niya si Pablo sa Roma nang isulat ito ng apostol.—Fil 1:1; 2:19.

lahat ng kasali sa isang paligsahan: O “lahat ng atleta.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay kaugnay ng isang pangngalan na kadalasang tumutukoy sa paligsahan ng mga atleta. Sa Heb 12:1, ginamit ang pangngalang ito para sa Kristiyanong “takbuhan” tungo sa buhay. Isinasalin din itong “problema” (Fil 1:30), “paghihirap” (Col 2:1), o “pakikipaglaban” (1Ti 6:12; 2Ti 4:7). Ang mga anyo ng pandiwang Griego na ginamit dito sa 1Co 9:25 ay isinaling “magsikap kayo nang husto” (Luc 13:24), “nagsisikap . . . nang husto” (Col 1:29; 1Ti 4:10), “marubdob” (Col 4:12), at “pakikipaglaban” (1Ti 6:12). —Tingnan ang study note sa Luc 13:24.

Ipagpatuloy mo ang marangal na pakikipaglaban para sa pananampalataya: Ang pandiwa at pangngalang Griego sa ekspresyong ‘ipagpatuloy ang pakikipaglaban’ ay tumutukoy noon sa pakikipaglaban ng mga atleta sa mga paligsahan para manalo. (Tingnan ang study note sa Luc 13:24; 1Co 9:25.) Kaya idinidiin dito ni Pablo na kailangang makipaglaban ang mga Kristiyano para sa pananampalataya nila sa Diyos na Jehova at kailangan nilang ipagtanggol ang mga katotohanan sa Bibliya na pinaniniwalaan nila. Talagang “marangal” ang pakikipaglaban na ito.—Tingnan ang mga study note sa 2Ti 4:7.

kasali sa takbuhan: Mahalagang bahagi ng kulturang Griego ang paligsahan ng mga atleta, kaya epektibong nagamit ni Pablo ang mga paligsahang ito sa mga ilustrasyon niya. (1Co 9:24-27; Fil 3:14; 2Ti 2:5; 4:7, 8; Heb 12:1, 2) Pamilyar ang mga Kristiyano sa Corinto sa Palarong Isthmian na ginaganap malapit sa lunsod nila. Nagkakaroon ng ganitong palaro kada dalawang taon. Malamang na nasa Corinto si Pablo nang idaos ang palarong ito noong 51 C.E. Ikalawa ito sa pinakasikat na palaro noon, ang Olympics na ginaganap sa Olympia sa Gresya. Iba-iba ang haba ng tinatakbo ng mga kasali sa ganitong mga palarong Griego. Sa paggamit ni Pablo ng mananakbo at boksingero sa mga ilustrasyon niya, naituro niya ang kahalagahan ng pagpipigil sa sarili, pagiging epektibo, at pagtitiis.—1Co 9:26.

takbuhan: Ang terminong Griego na staʹdi·on ay isinalin ditong “takbuhan.” Ang salitang Griegong ito ay puwedeng tumukoy sa istraktura na ginagamit para sa takbuhan at iba pang malalaking pagtitipon, sa isang sukat ng distansiya, o sa mismong takbuhan. Sa kontekstong ito, ang mismong takbuhan ang tinutukoy ni Pablo. Iba-iba ang haba ng Griegong staʹdi·on, depende sa lugar. Sa Corinto, ito ay mga 165 m (540 ft). Ang Romanong estadyo naman ay mga 185 m, o 606.95 ft.—Tingnan ang Ap. B14.

buong lakas akong tumatakbo para sa mga bagay na nasa unahan: Makikita sa pananalita ni Pablo na ikinukumpara niya ang sarili niya sa isang mananakbo, posibleng sa isang atleta sa mga palarong Griego. (Tingnan ang mga study note sa 1Co 9:24.) Pamilyar sa mga Griego at Romano ang ganitong paglalarawan; karaniwan nang may mga estatuwa noon ng mga mananakbo, at makikita rin ang larawan nila sa mga banga. Hindi dapat tumingin sa likuran ang isang mananakbo dahil babagal siya. Ginamit din ng manunulat na Griego noong ikalawang siglo na si Lucian ang ganitong ilustrasyon. Sinabi niya: “Kapag ibinaba na ang harang sa [simula ng] takbuhan, wala nang ibang nasa isip ang isang mahusay na mananakbo kundi ang umabante, maabot ang dulo ng takbuhan, at umasa sa lakas ng mga binti niya para manalo.” Ibibigay ng mananakbo ang buo niyang makakaya para matapos ang takbuhan. Nagpokus si Pablo, hindi sa mga tunguhin sa sanlibutan na iniwan na niya, kundi sa gantimpalang nasa harapan niya.—Tingnan ang study note sa Fil 3:14.

Naipaglaban ko na . . . , natapos ko na . . . , nanatili akong matatag: Gumamit si Pablo ng tatlong ekspresyon para magdiin ng iisang ideya: Tapat niyang natapos ang Kristiyanong landasin at ministeryo niya at natupad ang lahat ng iniatas sa kaniya ng Panginoong Jesus. (Gaw 20:24) Kahit na mamamatay na si Pablo, patuloy na mamumunga ang mga pinaghirapan niya.

marangal na pakikipaglaban: Ikinumpara ni Pablo ang buhay at ministeryo niya bilang Kristiyano sa isang marangal na pakikipaglaban. (Tingnan ang study note sa 1Co 9:25; 1Ti 6:12.) Tapat niyang pinaglingkuran si Jehova sa kabila ng maraming pagsubok. Naglakbay siya nang malayo at naglayag sa dagat bilang misyonero. Tiniis niya ang iba’t ibang pag-uusig, gaya ng pang-uumog, panghahagupit, at pagkabilanggo. Kinalaban din siya ng “nagkukunwaring mga kapatid.” (2Co 11:23-28) Pero binigyan siya ni Jehova at ni Jesus ng lakas na kailangan niya para makapanatiling tapat at matapos ang ministeryo niya.—Fil 4:13; 2Ti 4:17.

natapos ko na ang takbuhan: Ikinumpara ni Pablo ang sarili niya sa isang mananakbo para ilarawan ang buhay niya bilang Kristiyano. Ngayong malapit na siyang mamatay, alam niyang naging matagumpay siya sa takbuhang ito. Maraming beses ginamit ni Pablo sa mga liham niya ang ilustrasyon tungkol sa mga atleta sa mga palarong Griego.—Heb 12:1; tingnan ang study note sa 1Co 9:24; Fil 3:13.

ang kaniyang tatak: Noong panahon ng Bibliya, ginagamit ang pantatak bilang indikasyon ng pagmamay-ari, kasunduan, o pagiging tunay ng isang bagay. Sa kaso ng mga pinahirang Kristiyano, makasagisag silang tinatakan ng Diyos sa pamamagitan ng banal na espiritu para ipakita na pagmamay-ari niya sila at may pag-asa silang mabuhay sa langit.—Efe 1:13, 14.

garantiya ng darating: O “paunang bayad.” Ang tatlong paglitaw ng salitang Griego na ar·ra·bonʹ sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay tumutukoy sa pagpili ng Diyos sa mga pinahirang Kristiyano sa pamamagitan ng espiritu, ang banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos. (2Co 5:5; Efe 1:13, 14) Ang pagkilos na ito ng banal na espiritu ay gaya ng paunang bayad. Kumbinsido ang mga pinahirang Kristiyano sa kanilang pag-asa dahil sa garantiyang tinanggap nila. At kapag natanggap na nila ang kabuoang bayad, o gantimpala, magkakaroon din sila ng katawang di-nasisira at imortalidad.—1Co 15:48-54; 2Co 5:1-5.

pagkakahayag ng ating Panginoong Jesu-Kristo: Sa Bibliya, ang terminong Griego na isinaling “pagkakahayag” (e·pi·phaʹnei·a) ay tumutukoy sa nakikitang ebidensiya ng isang bagay o pagpapakita ng awtoridad o kapangyarihan. Ginamit ito para tukuyin ang panahong nandito sa lupa si Jesus. (2Ti 1:10 at study note) Ginamit din ito para tumukoy sa iba’t ibang pangyayari sa panahon ng presensiya ni Jesus bilang Hari. (Halimbawa, tingnan ang study note sa 2Te 2:8.) Sa kontekstong ito, ang “pagkakahayag” ni Jesus ay tumutukoy sa isang pangyayari sa hinaharap kung saan malinaw na makikita ang kaluwalhatian at kapangyarihan niya bilang Mesiyanikong Hari.—Dan 2:44; 7:13, 14; 1Ti 6:15; 2Ti 4:1.

Mula ngayon, may nakalaan nang . . . para sa akin: Alam ni Pablo na may nakalaan nang gantimpala sa langit para sa kaniya; sigurado nang makukuha niya ito. May pauna nang tatak na tinanggap si Pablo bilang pinahirang anak ng Diyos. (Tingnan ang mga study note sa 2Co 1:22.) Pero tatanggapin lang ng pinahirang mga Kristiyano ang pangwakas na tatak kapag nanatili silang tapat “hanggang sa wakas.” (Mat 10:22; 2Ti 2:12; San 1:12; Apo 2:10; 7:1-4; 17:14) Ngayong malapit nang mamatay si Pablo, alam niyang napatunayan na niyang tapat siya. Sa pamamagitan ng banal na espiritu, ipinaalam ni Jehova kay Pablo na tinanggap na nito ang pangwakas na tatak. Sa natitirang mga araw niya sa lupa, sigurado na ang gantimpala niya sa langit.

korona ng katuwiran: Ginamit din ni Pablo sa ibang liham niya ang salitang Griego na isinasaling “korona.” Halimbawa, sa 1Co 9:25, 26, ginamit niya ito para tumukoy sa korona, o putong, na ibinibigay sa mga nananalong atleta. Pero sa talata ring iyon, sinabi niyang umaasa siyang makatanggap ng gantimpalang di-hamak na mas maganda—“isang koronang . . . hindi nasisira.” Tinawag niya iyon dito na “korona ng katuwiran.” Kung susunod sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos hanggang kamatayan ang mga pinahirang Kristiyano, ipagkakaloob sa kanila ng Panginoong Jesu-Kristo, na tinukoy ditong “matuwid na hukom,” ang koronang ito—imortal na buhay sa langit.

sa araw na iyon: Hindi tinutukoy dito ni Pablo ang araw ng kamatayan niya na malapit nang mangyari, kundi ang panahon pa sa hinaharap kung kailan maghahari si Kristo sa Kaharian ng Diyos. Bubuhaying muli si Pablo at ang lahat ng iba pang pinahiran na namatay na, at bibigyan sila ng imortal na buhay sa langit.—1Te 4:14-16; 2Ti 1:12.

lahat ng nananabik sa kaniyang pagkakahayag: Sa panahon ng presensiya ni Kristo bilang Hari, aalalahanin niya ang mga namatay nang pinahirang Kristiyano. (1Te 4:15, 16) Bubuhayin niya silang muli at bibigyan ng imortal na buhay sa langit bilang pagtupad sa pangako niya na isasama niya sila sa kaniyang bahay. (Ju 14:3; Apo 14:13; tingnan ang study note sa korona ng katuwiran sa talatang ito.) Sa ganitong paraan mahahayag si Kristo sa kanila. ‘Pinananabikan’ ng mga pinahiran na makita ang kanilang minamahal na Panginoon sa langit bilang maluwalhating Hari. Ang tapat na mga Kristiyano na may pag-asang mabuhay sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos sa langit ay nananabik din sa pagkakahayag ni Kristo, kung kailan malinaw na makikita ng lahat ang kaluwalhatian at kapangyarihan niya bilang Hari sa langit.—Dan 2:44; tingnan din ang study note sa 1Ti 6:14.

Demas: Binanggit din ni Pablo ang kamanggagawa niyang ito sa liham niya kay Filemon. (Flm 24) Pero pagkaraan lang ng ilang taon, nang mabilanggo si Pablo sa Roma sa ikalawang pagkakataon, sinabi niya: “Pinabayaan ako ni Demas; inibig niya ang sistemang ito.” Bumalik si Demas sa Tesalonica, na malamang na sarili niyang bayan.—2Ti 4:10.

lumibot ako hanggang sa Ilirico: Ang Ilirico ay isang Romanong lalawigan at rehiyon na ang pangalan ay isinunod sa mga tribong Illyrian na nakatira doon. Makikita ito sa hilagang-kanlurang bahagi ng Peninsula ng Balkan sa baybayin ng Dagat Adriatico. (Tingnan ang Ap. B13.) Paiba-iba ang hangganan at pagkakahati nito sa buong panahon ng pamamahala ng Roma. Hindi tiyak kung ang orihinal na terminong Griego na isinaling “hanggang sa” ay nangangahulugang nakapangaral si Pablo sa Ilirico o hanggang sa hangganan lang nito.

pinabayaan ako ni Demas: Tumutukoy ang salitang Griego na isinaling “pinabayaan” sa pag-iwan sa kapuwa sa panahon ng panganib. Malapít na kaibigan ni Pablo si Demas. Sa mga liham na isinulat niya noong unang pagkabilanggo niya sa Roma, ipinahiwatig niyang kasama niya si Demas. (Flm 24; tingnan ang study note sa Col 4:14.) Pero ngayon, nasa mas mahirap na kalagayan si Pablo. Iniwan na siya ng marami sa mga kapananampalataya niya. (2Ti 1:15) Hindi ipinahiwatig ni Pablo na naging mang-uusig o apostata si Demas. Pero sinayang niya ang napakagandang pribilehiyo na mapatibay ang tapat na apostol na ito sa panahon ng pangangailangan.

inibig niya ang sistemang ito: O “inibig niya ang panahong ito.” (Tingnan sa Glosari, “Sistema.”) Posibleng nangibabaw kay Demas ang pag-ibig niya sa materyal na mga bagay at makasariling mga pagnanasa imbes na sa espirituwal na mga bagay. Puwede ring natakot siya sa pag-uusig at kamatayan kaya lumayo na lang siya. Ipinapahiwatig ng isang reperensiya na tumutukoy ang “sistemang ito” sa “buhay sa mundong ito na walang panganib at pagsasakripisyong kailangan para mapaglingkuran ang apostol.” Posibleng taga-Tesalonica si Demas kaya doon siya nagpunta. Puwedeng alinman sa mga ito ang dahilan kung bakit mas ‘inibig niya ang sistema’ nang panahong iyon kaysa sa espesyal na pribilehiyong makapaglingkod kasama ni Pablo.

Dalmacia: Lugar na nasa Peninsula ng Balkan, sa silangan ng Dagat Adriatico. Dati itong tumutukoy sa timugang bahagi ng lalawigan ng Roma na Ilirico. Pero nang isulat ni Pablo ang liham na ito, isa nang lalawigan ang Dalmacia. (Tingnan ang Ap. B13.) Posibleng dumaan sa Dalmacia si Pablo dahil nangaral siya “hanggang sa Ilirico.” (Ro 15:19 at study note) Noong nasa Creta si Tito, pinakisuyuan siya ni Pablo na magpunta sa Nicopolis, na malamang na ang Nicopolis sa hilagang-kanlurang baybayin ng Greece ngayon. (Tit 3:12) Kaya posibleng magkasama sina Pablo at Tito sa Nicopolis at pagkatapos ay lumipat si Tito sa bago nitong atas sa Dalmacia. Posibleng naglingkod doon si Tito bilang misyonero at inasikaso ang mga kailangang ayusin sa mga kongregasyon, gaya ng ginawa niya sa Creta.—Tit 1:5.

bahay ni Maria: Lumilitaw na ang kongregasyon sa Jerusalem ay nagtitipon noon sa bahay ni Maria na ina ni Juan Marcos. Malaki ang bahay na ito dahil kasya rito ang ‘maraming’ mananamba, at mayroon ditong isang alilang babae. Kaya posibleng maykaya si Maria. (Gaw 12:13) Posible ring biyuda na siya dahil tinawag ang tirahan niya na “bahay ni Maria” at hindi binanggit ang asawa niya.

Juan na tinatawag na Marcos: Isa sa mga alagad ni Jesus na “pinsan ni Bernabe” (Col 4:10) at ang manunulat ng Ebanghelyo ni Marcos. (Tingnan ang study note sa Mar Pamagat.) Ang pangalang Juan ay katumbas ng pangalang Hebreo na Jehohanan o Johanan, na nangangahulugang “Si Jehova ay Nagpakita ng Lingap; Si Jehova ay Nagmagandang-Loob.” Sa Gaw 13:5, 13, ang alagad na ito ay tinatawag lang na Juan. Pero dito at sa Gaw 12:25; 15:37, binanggit din ang Romanong apelyido niya na Marcos. Sa iba pang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, Marcos lang ang tawag sa kaniya.—Col 4:10; 2Ti 4:11; Flm 24; 1Pe 5:13.

Marcos: Tinawag ding Juan sa Gaw 12:12, 25; 13:5, 13. (Tingnan ang study note sa Mar Pamagat; Gaw 12:12.) Hindi nagkasundo sina Pablo at Bernabe kung isasama nila si Marcos sa ikalawang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero (mga 49-52 C.E.). Nauwi ito sa “mainitang pagtatalo,” at naghiwalay sila ng landas. (Gaw 15:37-39) Pero sa 1Co 9:6, makikita sa sinabi ni Pablo na nagkaayos na sila ni Bernabe noong isinusulat ni Pablo ang liham niya sa mga taga-Colosas. Kasama ni Pablo si Marcos sa Roma noong una siyang mabilanggo, kaya ipinapakita nito na nagbago na ang tingin niya rito. Sinabi pa nga ni Pablo na “talagang napalalakas” siya ni Marcos. (Tingnan ang study note sa Col 4:11.) Posibleng isinulat ni Marcos ang Ebanghelyo na nakapangalan sa kaniya noong mga panahong dinalaw niya si Pablo sa Roma.—Tingnan din ang “Introduksiyon sa Marcos.”

Si Lucas lang ang kasama ko: Lumilitaw na sa lahat ng nakasamang maglakbay ni Pablo, si Lucas na lang ang kasama niya sa panahon ng huling pagkabilanggo niya. (Col 4:14; tingnan ang “Introduksiyon sa Gawa.”) Pero maliwanag na may tumulong din sa kanila. Sa 2Ti 4:21, may binanggit ang apostol na di-bababa sa apat na kapatid na nagpadala ng pagbati kay Timoteo at sa mga taga-Efeso. Posibleng mga Kristiyano sila sa kongregasyon doon na nakadalaw kay Pablo.

Isama mo rito si Marcos: Tinutukoy dito ni Pablo si Juan Marcos, ang sumulat ng Ebanghelyo ni Marcos at isa sa mga alagad ni Jesus. (Tingnan ang mga study note sa Gaw 12:12.) Sumama si Marcos kina Pablo at Bernabe sa unang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, pero iniwan niya sila at bumalik sa Jerusalem. (Gaw 12:25; 13:5, 13) Dahil diyan, hindi pumayag si Pablo na isama siya sa sumunod na paglalakbay nila. (Gaw 15:36-41) Pero makalipas ang mga 10 taon, nagkasama sina Pablo at Marcos sa Roma. Noong mga panahong iyon, maganda na ang mga sinabi ni Pablo tungkol kay Marcos, na nagpapakitang nagkaayos na sila at na itinuturing na siya ni Pablo na isang maaasahang kapatid. (Flm 23, 24; tingnan ang study note sa Col 4:10.) Dahil pinagkakatiwalaan na ni Pablo ang tapat na ministrong Kristiyanong ito, sinabi niya kay Timoteo: “Isama mo rito si Marcos dahil malaking tulong siya sa akin sa ministeryo.”

Tiquico: Isang ministrong Kristiyano mula sa lalawigan ng Asia na naging malaking tulong kay Pablo. (Gaw 20:2-4) Ipinagkatiwala ni Pablo kay Tiquico ang pagdadala ng liham sa mga taga-Colosas, kay Filemon na miyembro ng kongregasyon sa Colosas, at sa mga taga-Efeso. Pero hindi lang iyan ang atas ni Tiquico. Siya rin ang ‘nagdala ng balita’ tungkol kay Pablo. Malamang na kasama dito ang mga detalye tungkol sa pagkakabilanggo ni Pablo, sa kalagayan niya, at sa mga pangangailangan niya. Sigurado si Pablo na kapag ang “minamahal na kapatid . . . at tapat na lingkod” na ito ang nagdala ng balita tungkol sa kaniya, maaaliw ang mga kapatid at lalo nilang mapapahalagahan ang mahahalagang aral mula sa Diyos na itinuro niya. (Col 4:8, 9; tingnan din ang Efe 6:21, 22.) Pagkalaya ni Pablo sa pagkakabilanggo, inisip niyang isugo si Tiquico sa Creta. (Tit 3:12) At nang mabilanggo si Pablo sa Roma sa ikalawang pagkakataon, ipinadala niya si Tiquico sa Efeso.—2Ti 4:12.

Pinapunta ko na si Tiquico sa Efeso: Pinapunta ni Pablo sa kongregasyon sa Efeso ang tapat at minamahal na kamanggagawa niyang si Tiquico, malamang na para palitan doon si Timoteo. (Tingnan ang study note sa Col 4:7.) Posibleng dahil alam ni Timoteo na paparating na si Tiquico at may mag-aalaga na sa kongregasyon, madali na sa kaniyang umalis para puntahan si Pablo sa Roma at makita ito sa huling pagkakataon. (2Ti 4:9) Sa talatang ito huling binanggit ni Pablo ang kongregasyon sa Efeso. Pero pagkalipas ng mga 30 taon, kasama ang kongregasyong ito sa mga binanggit ni Jesus sa pagsisiwalat niya kay apostol Juan.—Apo 2:1.

mga balumbon: Lumilitaw na ang mga balumbong hinihingi ni Pablo ay mga bahagi ng Hebreong Kasulatan. Ang terminong Griego na ginamit dito (bi·bliʹon) ay kaugnay ng isang salita (biʹblos) na orihinal na tumutukoy sa malambot na ubod ng halamang papiro. (Tingnan sa Glosari, “Balumbon”; “Papiro.”) Ginagawa ito noon na sulatan na kagaya ng papel, kaya ang dalawang terminong Griego na ito ay ginamit na rin para tumukoy sa isang balumbon o aklat. (Mar 12:26; Luc 3:4; Gaw 1:20; Apo 1:11) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang ginamit dito ni Pablo ay puwedeng tumukoy sa isang maiksing dokumento (Mat 19:7; Mar 10:4); pero mas madalas itong tumukoy sa Hebreong Kasulatan (Luc 4:17, 20; Gal 3:10; Heb 9:19; 10:7). Sa salitang Griegong ito galing ang terminong “Bibliya.”

lalo na ang mga pergamino: Tumutukoy ang pergamino sa balat ng tupa, kambing, o baka na pinoproseso para gawing sulatan. (Tingnan sa Glosari, “Pergamino.”) Hindi espesipikong binanggit ni Pablo kung anong pergamino ang tinutukoy niya. Posibleng tinutukoy niya ang mga balumbon ng Hebreong Kasulatan na gawa sa balat ng hayop. O posibleng personal na mga nota niya ang laman ng mga pergamino. Ayon sa ilang iskolar, ang salitang Griego para sa “pergamino” ay puwede ring tumukoy sa pergaminong mga kuwaderno. Nang isulat ni Pablo ang liham na ito, tiwala siyang matagumpay na niyang naipaglaban ang marangal na pakikipaglaban. (2Ti 4:6-8) Pero pinakisuyuan pa rin niya si Timoteo na “dalhin [sa kaniya] ang mga balumbon, lalo na ang mga pergamino.” Maliwanag na gusto pa rin niyang patibayin ang sarili niya at ang iba sa pamamagitan ng Salita ng Diyos.

Kasama rito sina Himeneo at Alejandro: “Nawasak ang pananampalataya” ng mga lalaking ito (1Ti 1:19), at lumilitaw na nagtuturo sila ng maling doktrina. Halimbawa, sinabi ni Pablo sa 2Ti 2:16-18 na itinuturo nina Himeneo at Fileto na naganap na ang pagkabuhay-muli. “Sinisira nila ang pananampalataya ng ilan.” (Tingnan ang mga study note sa 2Ti 2:18.) Posibleng si Alejandro ang panday-tanso na binanggit sa 2Ti 4:14, 15. Sinabi ni Pablo na “napakasama ng mga ginawa” ng taong ito sa kaniya at na “inatake [nito] nang husto ang mensahe” ni Pablo at ng mga kasama niya. (Tingnan ang study note sa 2Ti 4:14.) Ipinapahiwatig ng ekspresyong “kasama rito” na may iba pang indibidwal na hindi nanindigan sa katotohanan at nakakaimpluwensiya na sa ilan sa loob ng kongregasyong Kristiyano.

ibinigay ko sila kay Satanas: Lumilitaw na nangangahulugan itong itiniwalag sila sa kongregasyon. Kailangang gawin iyon ni Pablo dahil ang mga lalaking ito na binanggit niya ay sadyang gumagawa ng kasalanan at hindi nagsisisi.—Tingnan ang study note sa 1Co 5:5.

panday-tanso na si Alejandro: Pinag-ingat ni Pablo si Timoteo sa isang Alejandro na “inatake . . . nang husto” ang mensaheng ipinapangaral ni Pablo at ng mga kasamahan niya. (2Ti 4:15) Nang tawagin ni Pablo ang taong ito na “panday-tanso,” gumamit siya ng isang terminong Griego na noong unang siglo C.E. ay tumutukoy sa kahit anong uri ng panday. Posibleng siya rin ang Alejandro na binanggit sa 1Ti 1:20, na lumilitaw na itiniwalag sa kongregasyon. (Tingnan ang mga study note.) Hindi sinabi ni Pablo kung ano ang napakasamang ginawa sa kaniya ng taong ito. Sinasabi ng ilan na posibleng isa si Alejandro sa mga nagpaaresto kay Pablo, at baka nagbigay pa nga siya ng di-totoong testimonya laban sa kaniya.

Gagantihan siya ni Jehova: Makikita dito na nagtitiwala si Pablo na gagantihan ni Jehova ang panday-tansong si Alejandro ayon sa mga ginawa niya. Kaayon ito ng maraming talata sa Hebreong Kasulatan na nagpapakitang ang Diyos na Jehova ang gumaganti sa mga tao, mabuti man o masama ang ginawa nila. Ang isang halimbawa ay ang Aw 62:12, kung saan sinabi ng salmista: “O Jehova, . . . ginagantihan mo ang bawat isa ayon sa mga ginagawa niya.” (Tingnan din ang Aw 28:1, 4; Kaw 24:12; Pan 3:64.) Ganito rin ang punto ni Pablo sa Ro 2:6, kung saan sinabi niya tungkol sa Diyos: “Ibibigay niya sa bawat isa ang ayon sa kaniyang mga gawa.” Sinipi din niya ang sinabi ni Jehova sa Deu 32:35 nang sabihin niya sa Ro 12:19: “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti.”—Para sa paliwanag kung bakit ginamit ang pangalan ng Diyos sa talatang ito, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; 2Ti 4:14.

Hindi ito nagkikimkim ng sama ng loob: O “Hindi ito nagbibilang ng pagkakamali.” Ang pandiwang Griego na lo·giʹzo·mai, na puwede ring isaling “nagbibilang,” ay laging ginagamit noon para sa paggawa ng listahan o kalkulasyon. Puwede rin itong mangahulugang “isipin” o “laging alalahanin.” (Tingnan ang Fil 4:8, kung saan ang pandiwang Griegong ito ay isinaling “patuloy na isaisip.”) Ang isang mapagmahal na tao ay hindi “nagkikimkim ng sama ng loob,” na para bang inililista ang masasakit na salita o ginawa sa kaniya para hindi niya malimutan ang mga ito. Ito rin ang pandiwang Griego na ginamit sa 2Co 5:19, kung saan mababasa na ang bayan ni Jehova ay “hindi na niya . . . pananagutin sa mga kasalanan nila.”

Sa una kong pagtatanggol: Sa batas ng Roma, posibleng mabigyan ng maraming pagkakataon sa isang paglilitis ang akusado na ipagtanggol ang sarili niya. Malamang na ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang una sa mga pagtatanggol na ginawa niya sa ikalawang pagkabilanggo niya sa Roma noong mga 65 C.E, noong panahong isinusulat niya rin ang liham na ito. Sinasabi ng ilan na ang unang pagtatanggol na tinutukoy dito ni Pablo ay ang ginawa niya noong una siyang mabilanggo noong mga 61 C.E. (Gaw 28:16, 30) Pero hindi makatuwirang isipin na kailangan pang ipaalam ni Pablo kay Timoteo ang mga pangyayaring alam na nito.—Col 1:1, 2; 4:3.

huwag nawa itong singilin sa kanila ng Diyos: Lumilitaw na tinutukoy dito ni Pablo ang mga kapananampalataya niyang hindi sumuporta sa kaniya sa “una [niyang] pagtatanggol,” na inilarawan niyang isang napakasamang karanasan. (2Ti 4:17) Pero natuto si Pablo kay Kristo na magpatawad. Iniwan si Jesus ng pinakamatatalik niyang kaibigan noong arestuhin siya. (Mar 14:50) Gaya ni Jesus, ayaw ni Pablo na magtanim ng sama ng loob sa kaniyang mga kapatid.—Tingnan ang study note sa 1Co 13:5.

patuloy mong palakasin ang sarili mo: Pinasigla ni Pablo si Timoteo na umasa sa Diyos na Jehova, na pinagmumulan ng di-nauubos na lakas. Dito, ginamit ng apostol ang pandiwang Griego na en·dy·na·moʹo; kaugnay ito ng pangngalang dyʹna·mis (kapangyarihan; lakas), na ginamit sa 2Ti 1:8 sa ekspresyong “kapangyarihan ng Diyos.” Ayon sa isang reperensiya, ang anyo ng pandiwang ginamit dito ni Pablo ay “nagpapahiwatig na kailangan ni Timoteo na patuloy na umasa sa Diyos para ‘laging maging malakas.’” Ito rin ang pandiwang ginamit ni Pablo sa Efe 6:10, kung saan pinasigla niya ang mga Kristiyano sa Efeso na“patuloy [na] kumuha ng lakas sa Panginoon [ang Diyos na Jehova] at sa kaniyang dakilang kapangyarihan.”

nakipaglaban ako sa mababangis na hayop sa Efeso: Kadalasan nang inihahagis ng mga Romano ang mga kriminal sa mababangis na hayop sa arena. Sinasabi ng mga iskolar na hindi binibigyan ng ganitong parusa ang mga mamamayang Romano gaya ni Pablo, pero may mga ebidensiya na may ilang mamamayang Romano na inihagis sa mababangis na hayop o ipinanlaban sa mga ito. Ang binanggit ni Pablo sa 2 Corinto ay puwedeng tumukoy sa literal na pakikipaglaban sa mababangis na hayop sa arena. (2Co 1:8-10) Kung inihagis talaga si Pablo sa mababangis na hayop, siguradong naghimala ang Diyos para iligtas siya. (Ihambing ang Dan 6:22.) Posibleng isa ito sa maraming pagkakataon na “nalagay sa bingit ng kamatayan” si Pablo habang naglilingkod. (2Co 11:23) Pero may mga iskolar na nagsasabing makasagisag ang binabanggit dito ni Pablo na mababangis na hayop, at tumutukoy ito sa mababangis na taong umuusig sa kaniya sa Efeso.—Gaw 19:23-41.

ang Panginoon ay tumayong malapit sa akin: Lumilitaw na si Jesu-Kristo ang tinutukoy dito ni Pablo na “Panginoon” na ‘nagpalakas’ sa kaniya. (Tingnan din ang 1Ti 1:12.) Pero siyempre, ang Diyos na Jehova ang Pinagmumulan ng lahat ng kapangyarihan; pinalalakas niya ang mga lingkod niya sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.—Isa 40:26, 29; Fil 4:13; 2Ti 1:7, 8; tingnan din ang study note sa 2Ti 2:1.

iniligtas niya ako sa bibig ng leon: Hindi tiyak kung literal o makasagisag ang ekspresyong ito. (Ihambing ang study note sa 1Co 15:32.) Kung totoong mga leon ang tinutukoy ni Pablo, pareho sila ng naranasan ni Daniel nang iligtas ito ni Jehova. (Dan 6:16, 20-22) Pero maraming iskolar ang naniniwalang dahil mamamayan ng Roma si Pablo, hindi siya maipapapatay sa mga leon. Kaya ang ekspresyong “bibig ng leon” ay puwedeng tumukoy sa isang mapanganib na sitwasyon. (Ihambing ang Aw 7:2; 35:17.) Posibleng kinuha ito ni Pablo sa sinabi ni David sa Aw 22:21.

korona ng katuwiran: Ginamit din ni Pablo sa ibang liham niya ang salitang Griego na isinasaling “korona.” Halimbawa, sa 1Co 9:25, 26, ginamit niya ito para tumukoy sa korona, o putong, na ibinibigay sa mga nananalong atleta. Pero sa talata ring iyon, sinabi niyang umaasa siyang makatanggap ng gantimpalang di-hamak na mas maganda—“isang koronang . . . hindi nasisira.” Tinawag niya iyon dito na “korona ng katuwiran.” Kung susunod sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos hanggang kamatayan ang mga pinahirang Kristiyano, ipagkakaloob sa kanila ng Panginoong Jesu-Kristo, na tinukoy ditong “matuwid na hukom,” ang koronang ito—imortal na buhay sa langit.

Ililigtas ako . . . sa lahat ng kasamaan: Dahil sa pananampalataya ni Pablo, napaharap siya sa maraming napakahirap at mapanganib na sitwasyon, kasama na ang matinding pag-uusig at pag-atake ng mga apostata. Pero laging nakatayo malapit kay Pablo ang Panginoong Jesus; pinalakas niya si Pablo at iniligtas. (2Ti 3:11; 4:14-17) Hindi iniisip ni Pablo na makakaligtas siya ngayon sa kamatayan. (2Ti 4:6-8) Pero nagtitiwala siya na gaya ng mga naranasan niya noon, patuloy siyang ililigtas ni Jesus mula sa anumang puwedeng sumira sa pananampalataya niya o anumang puwedeng makahadlang sa pagpasok niya sa “Kaharian [ni Kristo] sa langit.”

Panginoon: Lumilitaw na ang Panginoong Jesu-Kristo ang tinutukoy dito ni Pablo gaya ng ipinapakita sa naunang talata.—Tingnan din ang 2Ti 4:8 at study note.

Aquila: Ang tapat na Kristiyanong asawang ito, pati na ang tapat na asawa niyang si Priscila (kilalá ring Prisca), ay tinawag na “mga kamanggagawa” ni Pablo. (Ro 16:3) Anim na beses na lumitaw ang pangalan nila sa Kristiyanong Griegong Kasulatan (Gaw 18:18, 26; 1Co 16:19; 2Ti 4:19), at lagi silang binabanggit nang magkasama. Ang Priscila ay ang pangmaliit na anyo ng pangalang Prisca. Ang maikling anyo ay makikita sa isinulat ni Pablo, at ang mahaba naman ay sa isinulat ni Lucas. Karaniwan lang sa mga pangalang Romano na magkaroon ng higit sa isang anyo. Nanirahan sa Corinto sina Aquila at Priscila nang palayasin ni Emperador Claudio sa Roma ang mga Judio noong 49 C.E. o unang bahagi ng 50 C.E. Nang dumating si Pablo sa Corinto noong taglagas ng 50 C.E., nakatrabaho niya sa paggawa ng tolda ang mag-asawang ito. Tiyak na tinulungan nina Aquila at Priscila si Pablo sa pagpapatibay sa bagong kongregasyon doon. Si Aquila ay katutubo ng Ponto, isang rehiyon sa hilagang Asia Minor sa may baybayin ng Dagat na Itim.​—Tingnan ang Ap. B13.

Prisca at Aquila: Napalayas sa Roma ang tapat na mag-asawang ito dahil sa utos ni Emperador Claudio laban sa mga Judio noong 49 C.E. o unang bahagi ng 50 C.E. Namatay si Claudio noong 54 C.E., at nang isulat ni Pablo ang liham niya sa mga Kristiyano sa Roma, noong mga 56 C.E., nakabalik na roon sina Prisca at Aquila. (Tingnan ang study note sa Gaw 18:2.) Tinawag sila ni Pablo na mga kamanggagawa niya. Ang salitang Griego para sa “kamanggagawa,” sy·ner·gosʹ, ay lumitaw nang 12 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, na ang karamihan ay makikita sa mga liham ni Pablo. (Ro 16:9, 21; Fil 2:25; 4:3; Col 4:11; Flm 1, 24) Kapansin-pansin na sa 1Co 3:9, sinabi ni Pablo: “Kami ay mga kamanggagawa ng Diyos.”

Onesiforo: Kahanga-hanga ang tapat na Kristiyanong ito dahil nanatili siyang tapat kay Pablo at nagsakripisyo siya para masuportahan ito. Pinuri ni Pablo si Onesiforo sa “lahat ng ginawa” nito para sa kaniya sa Efeso. Malamang na kilala rin siya ni Timoteo. Ipinapahiwatig ng pariralang “noong nasa Roma [si Onesiforo]” na naglakbay siya papunta doon, pero hindi sinasabi sa ulat kung ginawa niya iyon para makita si Pablo o may iba siyang dahilan. (2Ti 1:17, 18) Dito, hinihiling ni Pablo sa Diyos na pagpalain ang sambahayan ni Onesiforo; sa dulo ng liham ng apostol, nagpakumusta siya sa pamilyang ito.—2Ti 4:19.

Ikumusta mo ako kina Prisca at Aquila: Mga 15 taon nang kaibigan ni Pablo ang mapagpatuloy na mag-asawang ito. Naging masigasig sina Prisca at Aquila sa pagpapatibay sa mga kongregasyon sa maraming lugar. Nakilala nila si Pablo sa Corinto noong palayasin sila sa Roma. (Gaw 18:1-3; 1Co 16:19) Pagkatapos, lumipat sila sa Efeso (Gaw 18:18, 19, 24-26); bumalik saglit sa Roma (Ro 16:3, 4); at pumunta ulit sa Efeso, kung saan naglilingkod ngayon si Timoteo.—Tingnan ang study note sa Gaw 18:2; Ro 16:3.

sambahayan ni Onesiforo: Tingnan ang study note sa 2Ti 1:16.

Sikapin mong makarating bago magtaglamig: Gusto ni Pablo na maglakbay si Timoteo sa Roma bago magtaglamig, malamang na dahil mapanganib nang magbiyahe sa mga buwang ito. Sa Mediteraneo noon, walang gaanong naglalayag sa pagtatapos ng taglagas, sa panahon ng taglamig, at sa pagsisimula ng tagsibol dahil panahon ito ng malalakas na bagyo. (Gaw 27:9-44; tingnan din sa Media Gallery, “Mga Gawa ng mga Apostol—Paglalakbay ni Pablo sa Roma at Unang Pagkabilanggo Niya Doon.”) Mas mahirap din ang paglalayag dahil sa makapal na ulap na may kasamang ulan, niyebe, at hamog. Walang kompas ang mga marinero kaya umaasa lang sila sa posisyon ng mga isla o bundok, pati na ng araw, buwan, at mga bituin. Isa pa, kung makakarating si Timoteo bago magtaglamig at madala na niya kay Pablo ang balabal nito na naiwan sa Troas, makakatulong iyon sa apostol na hindi masyadong ginawin sa taglamig habang nakabilanggo.—2Ti 4:13; tingnan din sa Media Gallery, ‘Dalhin Mo ang Balabal.’

habang nagpapakita kayo ng magagandang katangian: O “habang nagpapakita kayo ng magagandang saloobin.” Ang terminong “saloobin” ay salin ng salitang Griego na pneuʹma, na karaniwang isinasaling “espiritu.” Sa kontekstong ito, ang pneuʹma ay tumutukoy sa puwersa o sa nangingibabaw na takbo ng isip ng isang tao na nagpapakilos sa kaniya na sabihin o gawin ang isang bagay. Halimbawa, ginamit sa Kasulatan ang ekspresyong “tahimik at mahinahong espiritu.” (1Pe 3:4) May binanggit din si Pablo na “espiritu ng pagiging duwag” na kabaligtaran ng “kapangyarihan, pag-ibig, at matinong pag-iisip.” (2Ti 1:7; tlb.) At sa katapusan ng liham ni Pablo kay Timoteo, ginamit niya ang ekspresyong katulad ng nasa talatang ito. (2Ti 4:22) Ipinapakita nito na kaya ng isang indibidwal na magpakita ng isang partikular na saloobin, at kaya rin itong gawin ng isang grupo. Ganito rin ang konklusyon ni Pablo sa liham niya sa mga taga-Filipos, pero gaya sa liham niya sa mga taga-Galacia, anyong pangmaramihan ng panghalip na Griego ang ginamit niya. Ipinapakita nito na gusto niyang ang lahat ng miyembro ng kongregasyon ay magpakita ng iisang saloobin na kaayon ng kalooban ng Diyos at ng halimbawa ni Kristo.—Fil 4:23.

Panginoon: Lumilitaw na tumutukoy sa Panginoong Jesu-Kristo.—Ihambing ang Gal 6:18; Fil 4:23; 1Te 5:28; Flm 25.

habang nagpapakita ka ng magagandang katangian: Lit., “sa iyong espiritu.” (Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”) Tinapos ni Pablo ang liham na ito sa pagsasabing umaasa siyang pagpapalain si Timoteo dahil sa positibong saloobin nito.—Tingnan ang study note sa Gal 6:18; Flm 25.

Sumainyo: Noong si Timoteo lang ang kausap ni Pablo, ginamit niya ang Griegong panghalip na pang-isahan na isinalin ditong “ka.” Pero sa sumunod na bahagi, ginamit niya ang panghalip na pangmaramihan na isinaling “sumainyo.” Kaya malamang na gusto ni Pablo na mabasa rin ang liham na ito sa iba, kasama na ang kongregasyon sa Efeso, kung saan lumilitaw na naglilingkod si Timoteo noon.

Media

‘Dalhin Mo ang Balabal’
‘Dalhin Mo ang Balabal’

Habang nakabilanggo si Pablo sa Roma, sumulat siya kay Timoteo: “Dalhin mo rin dito ang balabal na iniwan ko . . . sa Troas.” (2Ti 4:13) Ang salitang Griego para sa “balabal” ay malamang na tumutukoy sa uri ng balabal na ginagamit sa paglalakbay, gaya ng makikita sa larawan. Napakahalaga ng ganitong balabal noong unang siglo C.E. Pinoprotektahan nito ang isa kapag malamig o maulan. Kadalasan nang gawa ito sa lana, lino, o katad, at may panakip din ito sa ulo. Puwede rin itong magsilbing kumot kapag malamig sa gabi. Malapit na ang taglamig noong isinusulat ni Pablo ang liham na ito; posibleng ito ang dahilan kaya nakiusap siyang dalhin sa kaniya ang balabal niya.—2Ti 4:21.

Pergamino—Kuwaderno at Balumbon
Pergamino—Kuwaderno at Balumbon

Ang pergamino ay ginagamit na sulatán noon, at gawa ito sa balat ng hayop, gaya ng tupa, kambing, o guya. Mas matibay ang pergamino kaysa papiro. (Tingnan sa Glosari, “Papiro.”) Makikita sa larawan (1) ang isang pergaminong pahina na mula pa noong ikalawang siglo C.E. Malamang na bahagi ito ng isang pergaminong kuwaderno na may mga pahinang pinagdikit-dikit, gaya ng pagkakagawa sa mga aklat ngayon. May mga balumbon (2) din noon na gawa sa pergamino. Pinagdurugtong-dugtong ang mga piraso nito para makabuo ng mahabang rolyo. Nang pakiusapan ni Pablo si Timoteo na dalhin ang “mga pergamino” (2Ti 4:13), posibleng ang tinutukoy niya ay ang mga balumbon ng Hebreong Kasulatan na gawa sa katad. O posibleng personal na mga nota niya sa pag-aaral ang gusto niyang makuha; ayon sa ilang iskolar, ang salitang Griego para sa “pergamino” ay puwede ring tumukoy sa pergaminong mga kuwaderno na pinagsusulatan ng personal na mga nota.

Mga Pagbisita ni Pablo sa Mileto
Mga Pagbisita ni Pablo sa Mileto

Makikita sa mapa ang sinaunang lunsod ng Mileto, sa kanlurang baybayin ng Asia Minor (nasa Turkey ngayon). Ayon sa Bibliya, di-bababa sa dalawang beses na nagpunta si Pablo sa lunsod na ito. Una siyang bumisita dito sa katapusan ng ikatlong paglalakbay niya bilang misyonero (mga 56 C.E.). Papunta siya noon sa Jerusalem, pero dumaong muna siya sa Mileto, at ipinatawag niya ang matatandang lalaki sa kongregasyon ng Efeso para sa isang mahalagang pagtitipon. Para makarating sa Mileto ang matatandang lalaki mula sa Efeso, kailangan nilang maglakbay nang mga 70 km (44 mi), at posibleng naglayag din sila. Nagkita sila at nag-iyakan bago nila ihatid si Pablo sa barko para ipagpatuloy ang paglalakbay niya. (Gaw 20:17-38) Lumilitaw na bumisita ulit si Pablo sa Mileto pagkalaya niya sa unang pagkakabilanggo niya sa Roma. Sinabi ni Pablo na “iniwan [niya] si Trofimo sa Mileto dahil may sakit [ito].”—2Ti 4:20; tingnan ang mapa na “Mga Paglalakbay ni Pablo Pagkatapos ng mga 61 C.E.

1. Mga guho ng isang sinaunang daungan. Dahil sa naipong buhanging dala ng tubig, ang guho ng Mileto ay makikita na ngayon mga 8 km (5 mi) mula sa dagat.

2. Ang sinaunang teatrong ito ay itinayo noong ikatlong siglo B.C.E., pero ilang beses na itong kinumpuni.

3. Makikita sa mapa ang baybayin noon.