Unang Liham sa mga Taga-Corinto 9:1-27

9  Hindi ba ako malaya? Hindi ba ako apostol?+ Hindi ko ba nakita si Jesus na ating Panginoon?+ Hindi ba kayo ang bunga ng paglilingkod ko sa Panginoon?  Kung hindi ako naglingkod bilang apostol sa iba, naglingkod ako bilang apostol sa inyo! At kayo ang tatak na nagpapatunay na apostol ako ng Panginoon.+  Ito ang depensa ko sa mga pumupuna sa akin:  Hindi ba may karapatan* kaming kumain at uminom?  Hindi ba may karapatan kaming magkaroon ng sumasampalatayang asawa+ na maisasama namin sa paglalakbay, gaya ng ibang apostol, ng mga kapatid ng Panginoon,+ at ni Cefas?+  Kami lang ba ni Bernabe+ ang walang karapatang tumigil sa paghahanapbuhay?*  Sino bang sundalo ang maglilingkod sa sarili niyang gastos? Sino ang nagtatanim ng ubas at hindi kumakain ng bunga nito?+ O sino ang nagpapastol ng kawan at hindi nakikinabang sa gatas nito?  Kaisipan ba ng tao ang sinasabi ko? Hindi ba sinasabi rin ito sa Kautusan?  Dahil nakasulat sa Kautusan ni Moises: “Huwag mong bubusalan ang* toro habang gumigiik ito.”+ Mga toro ba ang pinagmamalasakitan ng Diyos? 10  O sinabi niya iyon para sa kapakanan natin? Talagang isinulat iyon para sa kapakanan natin, dahil ang taong nag-aararo at ang taong gumigiik ay dapat magtrabaho sa pag-asang makatatanggap sila ng parte sa ani. 11  Kung naghasik kami sa inyo ng espirituwal na mga bagay, mali ba kung tumanggap* kami sa inyo ng materyal na suporta?+ 12  Kung ang ibang tao ay may karapatang tumanggap ng suporta mula sa inyo, hindi ba lalo na kami? Pero kahit may karapatan* kami, hindi kami humihiling ng anuman sa inyo,+ kundi tinitiis namin ang lahat para hindi namin mahadlangan sa anumang paraan ang mabuting balita tungkol sa Kristo.+ 13  Hindi ba ninyo alam na ang mga lalaking gumaganap ng sagradong mga atas ay kumakain ng mga bagay na mula sa templo, at ang mga regular na naglilingkod sa altar ay may parte sa mga bagay na inihahandog sa altar?+ 14  Sa katulad na paraan, ipinag-utos ng Panginoon na ang mga naghahayag ng mabuting balita ay matustusan sa pamamagitan ng mabuting balita.+ 15  Pero hindi ko ginamit ang kahit isa man sa mga paglalaang ito.+ At hindi ko ito isinulat para ito ang gawin sa akin. Mas mabuti pang mamatay ako—walang taong makapag-aalis ng dahilan ko para magmalaki!+ 16  Ngayon, kung inihahayag ko ang mabuting balita, hindi dahilan iyon para magmalaki ako, dahil ang pananagutan ay nakaatang sa akin.+ Talagang kaawa-awa ako kung hindi ko ihahayag ang mabuting balita!+ 17  Kung ginagawa ko ito nang bukal sa loob, may gantimpala ako; pero kahit gawin ko ito nang labag sa kalooban ko, nasa akin pa rin ang responsibilidad na ipinagkatiwala sa akin.+ 18  Kung gayon, ano ang gantimpala ko? Ang gantimpala ko ay ang ihayag ang mabuting balita nang walang bayad. Sa ganitong paraan, maiiwasan kong abusuhin ang awtoridad* ko bilang mángangarál ng mabuting balita. 19  Dahil kahit wala akong pagkakautang sa sinumang tao, nagpaalipin ako sa lahat para maakay ko ang pinakamaraming tao hangga’t posible. 20  Sa mga Judio, ako ay naging gaya ng Judio, para maakay ko ang mga Judio;+ sa mga nasa ilalim ng kautusan, ako ay naging gaya ng nasa ilalim ng kautusan, kahit na wala ako sa ilalim ng kautusan, para maakay ko ang mga nasa ilalim ng kautusan.+ 21  Sa mga walang kautusan, ako ay naging gaya ng walang kautusan,+ kahit na sumusunod ako sa kautusan ng Diyos at nasa ilalim ako ng kautusan ni Kristo,+ para maakay ko ang mga walang kautusan. 22  Sa mahihina, ako ay naging mahina, para maakay ko ang mahihina.+ Ako ay naging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao para mailigtas ko ang ilan sa anumang paraan. 23  Ginagawa ko ang lahat alang-alang sa mabuting balita para maibahagi ko ito sa iba.+ 24  Hindi ba ninyo alam na lahat ng kasali sa takbuhan ay tumatakbo, pero isa lang ang tumatanggap ng gantimpala? Tumakbo kayo sa paraang makukuha ninyo ito.+ 25  Ang lahat ng kasali sa isang paligsahan ay nagpipigil sa sarili sa lahat ng bagay. Ginagawa nila ito para tumanggap ng isang koronang nasisira,+ pero ginagawa natin ito para sa gantimpalang hindi nasisira.+ 26  Kaya nga, hindi ako tumatakbo nang walang patutunguhan;+ hindi ako sumusuntok na parang sumusuntok sa hangin;+ 27  kundi binubugbog ko ang aking katawan+ at ginagawa itong alipin, dahil baka pagkatapos kong mangaral sa iba, ako naman ang hindi sang-ayunan.*

Talababa

Lit., “awtoridad.”
O “ang dapat maghanapbuhay?”
O “tatakpan ang bibig ng.”
Lit., “umani.”
Lit., “awtoridad.”
O “ang mga karapatan.”
O “ang maging hindi kuwalipikado.”

Study Notes

apostol: Ang pangngalang Griego na a·poʹsto·los ay mula sa pandiwang a·po·stelʹlo, na nangangahulugang “isugo.” (Mat 10:5; Luc 11:49; 14:32) Ang pangunahing kahulugan nito ay malinaw na makikita sa sinabi ni Jesus sa Ju 13:16, kung saan isinalin itong “ang isinugo.” Si Pablo ay tinawag para maging apostol sa mga bansa, o sa mga di-Judio; ang binuhay-muling si Jesu-Kristo mismo ang pumili sa kaniya. (Gaw 9:1-22; 22:6-21; 26:12-23) Pinagtibay ni Pablo ang pagiging apostol niya nang sabihin niyang nakita niya ang binuhay-muling Panginoong Jesu-Kristo (1Co 9:1, 2) at nang gumawa siya ng mga himala (2Co 12:12). Naging daan din si Pablo para mabigyan ng banal na espiritu ang mga bautisadong mánanampalatayá, na karagdagang patunay na isa siyang tunay na apostol. (Gaw 19:5, 6) Madalas niyang mabanggit na apostol siya, pero wala tayong mababasa na sinabi niyang isa siya sa “12 apostol.”​—1Co 15:5, 8-10; Ro 11:13; Gal 2:6-9; 2Ti 1:1, 11.

apostol: Tingnan ang study note sa Ro 1:1.

Si Simon, na tinatawag na Pedro: May limang pangalan si Pedro sa Kasulatan: (1) “Symeon,” anyong Griego ng pangalang Hebreo na “Simeon”; (2) pangalang Griego na “Simon” (ang Symeon at Simon ay mula sa pandiwang Hebreo na nangangahulugang “marinig; makinig”); (3) “Pedro” (pangalang Griego na nangangahulugang “Isang Bato”; siya lang ang may ganitong pangalan sa Kasulatan); (4) “Cefas,” ang Semitikong katumbas ng Pedro (posibleng kaugnay ng salitang Hebreo na ke·phimʹ [malalaking bato] na ginamit sa Job 30:6; Jer 4:29); at (5) ang kombinasyong “Simon Pedro.”—Gaw 15:14; Ju 1:42; Mat 16:16.

Cefas: Isa sa mga pangalan ng apostol na si Simon Pedro. Noong unang makita ni Jesus si Simon, ibinigay niya sa kaniya ang Semitikong pangalan na Cefas (sa Griego, Ke·phasʹ). Posibleng kaugnay ito ng Hebreong pangngalan na ke·phimʹ (malalaking bato) na ginamit sa Job 30:6 at Jer 4:29. Sa Ju 1:42, ipinaliwanag ni Juan na ang pangalang ito ay “isinasaling ‘Pedro’” (Peʹtros, isang pangalang Griego na nangangahulugan ding “Isang Piraso ng Bato”). Ang pangalang Cefas ay ginamit lang sa Ju 1:42 at sa dalawang liham ni Pablo, ang 1 Corinto at Galacia.—1Co 1:12; 3:22; 9:5; 15:5; Gal 1:18; 2:9, 11, 14; tingnan ang study note sa Mat 10:2; Ju 1:42.

biyenang babae ni Simon: Biyenang babae ni Pedro (kilala ring Cefas). (Ju 1:42) Kaayon ito ng sinabi ni Pablo sa 1Co 9:5 na nagpapakitang may asawa si Cefas. Lumilitaw na nakatira ang biyenang babae ni Pedro sa bahay nila, kasama ang kapatid niyang si Andres.​—Mar 1:29-31; tingnan ang study note sa Mat 10:2, kung saan ipinaliwanag ang iba’t ibang pangalan ni apostol Pedro.

sumasampalatayang asawa: O “asawang kapatid,” ibig sabihin, asawang Kristiyano. Sa kongregasyong Kristiyano, ang mga babae ay itinuturing na mga kapatid sa espirituwal.—Ro 16:1; 1Co 7:15; San 2:15.

Cefas: Isa sa mga pangalan ni apostol Pedro. (Tingnan ang study note sa Mat 10:2; 1Co 1:12.) Dito, binanggit na may asawa si Cefas. Gaya ng makikita sa mga Ebanghelyo, nakatira sa bahay nila ang biyenan niyang babae, pati na ang kapatid niyang si Andres. (Mat 8:14; Mar 1:29-31; tingnan ang study note sa Luc 4:38.) Ipinapakita ng talatang ito na kung minsan, sinasamahan si Cefas ng asawa niya sa kaniyang ministeryo. Ang iba pang mga apostol at ang mga kapatid ni Jesus sa ina ay sinasamahan din ng mga asawa nila.

sa sarili niyang gastos: Lit., “sa sarili niyang suweldo.” Ginamit dito ni Pablo ang isang terminong Griego na tumutukoy sa “suweldo” ng isang sundalo. (Tingnan ang study note sa Luc 3:14.) Sa kontekstong ito, ginamit ang terminong ito para ipakita na nararapat ding tumanggap ng kahit kaunting materyal na suporta ang masisipag na Kristiyanong “sundalo.”

suweldo: O “probisyon; kabayaran.” Ginamit dito ang isang terminong panghukbo na tumutukoy sa suweldo ng isang sundalo. Noong una, kasama sa kabayaran ng mga sundalo ang pagkain at iba pang probisyon. Ang mga sundalong Judio na lumapit kay Juan ay posibleng mga sundalong rumoronda, partikular na para maningil ng buwis. Posibleng ibinigay ni Juan ang payong ito dahil mababa ang suweldo ng karamihan sa mga sundalo, at lumilitaw na nagiging dahilan ito para abusuhin ng mga sundalo ang kapangyarihan nila at madagdagan ang kinikita nila. Ginamit din ang terminong ito sa ekspresyon na “sarili niyang gastos” sa 1Co 9:7, kung saan sinasabi ni Pablo ang kabayaran na nararapat sa isang ‘sundalong’ Kristiyano.

Mga toro ba ang pinagmamalasakitan ng Diyos?: Ginamit ni Pablo ang retorikal na tanong na ito para idiin ang punto niya. Sinipi muna niya ang Kautusang Mosaiko, na nagsasabi: “Huwag mong bubusalan ang toro habang gumigiik ito.” (Deu 25:4) Kung paanong puwedeng kumain ang toro ng ginigiik nitong butil, karapat-dapat din sa materyal na suporta ang mga Kristiyano na nagbabahagi sa iba ng espirituwal na mga bagay. Sa 1Co 9:10, sinabi ni Pablo na ang utos sa Deu 25:4 ay “talagang isinulat . . . para sa kapakanan natin.” Hindi sinasabi ni Pablo na bale-walain ng mga Kristiyano ang utos ng Diyos na alagaan ang mga hayop. Sinasabi niya lang na kung angkop ang ganitong pagtrato sa mga hayop na nagtatrabaho, lalo nang dapat pakitunguhan sa ganitong paraan ang mga tao—partikular na ang mga nagpapakapagod sa paglilingkod sa Diyos.

pananagutan: Inatasan si Pablo na mangaral, at itinuring niya itong isang pananagutan. (Gaw 9:15-17; Gal 1:15, 16) Ang salitang Griego para sa “pananagutan” ay isinalin ding “matinding dahilan.” (Ro 13:5) Sinabi pa ni Pablo: Kaawa-awa ako kung hindi ko ihahayag ang mabuting balita! Ginamit niya ang salitang Griego na isinaling “kaawa-awa” para ipakitang talagang maghihirap ang kalooban niya kung hindi niya gagampanan ang pananagutang ito. Nakasalalay ang buhay niya sa pananatiling tapat. (Ihambing ang Eze 33:7-9, 18; Gaw 20:26.) Posibleng nasa isip ni Pablo ang mga sinabi nina Jeremias at Amos. (Jer 20:9; Am 3:8) Pero hindi siya nangangaral dahil lang sa obligasyon, kundi dahil sa pag-ibig.—2Co 5:14, 20; Fil 1:16.

Sa mga Judio, ako ay naging gaya ng Judio: Dahil isang Judio si Pablo at handa siyang ‘gawin ang lahat alang-alang sa mabuting balita,’ natulungan niya ang mapagpakumbabang mga Judio na tanggapin si Jesus bilang Mesiyas. (1Co 9:23) Halimbawa, nang isama ni Pablo si Timoteo, “tinuli muna niya ito dahil sa mga Judio.” Ginawa ito ni Pablo—at nakipagtulungan naman si Timoteo—kahit pa hindi na kailangan ng mga Kristiyano na magpatuli.—Gaw 16:1-3.

Sa mga walang kautusan, ako ay naging gaya ng walang kautusan: Ang ekspresyong “mga walang kautusan” ay tumutukoy sa mga Gentil, o di-Judio, na wala sa ilalim ng Kautusang Mosaiko. Noong nagpapatotoo si Pablo sa mga Griego sa Atenas, isinaalang-alang niya ang takbo ng isip nila at nagsalita siya tungkol sa Diyos na hindi nila kilala; sumipi pa nga siya mula sa mga makatang Griego.—Gaw 17:22-34.

Sa mahihina, ako ay naging mahina: Kahit mapuwersang magsalita si Pablo, isinaalang-alang niya ang sensitibong konsensiya ng ilang Judio at Gentil sa kongregasyon, kaya masasabing “naging mahina” siya para sa mahihina.—Ro 14:1, 13, 19; 15:1.

Ginagawa ko ang lahat alang-alang sa mabuting balita: Ipinapakita ng sinabing ito ni Pablo na ibinagay niya sa iba’t ibang uri ng tao ang paraan ng pangangaral niya para maging epektibo siya. (1Co 9:19-23) Pero hindi niya kailanman ‘pinilipit ang salita ng Diyos’ o hindi siya ‘nanlinlang’ para lang makagawa ng alagad.—2Co 4:2.

kasali sa takbuhan: Mahalagang bahagi ng kulturang Griego ang paligsahan ng mga atleta, kaya epektibong nagamit ni Pablo ang mga paligsahang ito sa mga ilustrasyon niya. (1Co 9:24-27; Fil 3:14; 2Ti 2:5; 4:7, 8; Heb 12:1, 2) Pamilyar ang mga Kristiyano sa Corinto sa Palarong Isthmian na ginaganap malapit sa lunsod nila. Nagkakaroon ng ganitong palaro kada dalawang taon. Malamang na nasa Corinto si Pablo nang idaos ang palarong ito noong 51 C.E. Ikalawa ito sa pinakasikat na palaro noon, ang Olympics na ginaganap sa Olympia sa Gresya. Iba-iba ang haba ng tinatakbo ng mga kasali sa ganitong mga palarong Griego. Sa paggamit ni Pablo ng mananakbo at boksingero sa mga ilustrasyon niya, naituro niya ang kahalagahan ng pagpipigil sa sarili, pagiging epektibo, at pagtitiis.—1Co 9:26.

takbuhan: Ang terminong Griego na staʹdi·on ay isinalin ditong “takbuhan.” Ang salitang Griegong ito ay puwedeng tumukoy sa istraktura na ginagamit para sa takbuhan at iba pang malalaking pagtitipon, sa isang sukat ng distansiya, o sa mismong takbuhan. Sa kontekstong ito, ang mismong takbuhan ang tinutukoy ni Pablo. Iba-iba ang haba ng Griegong staʹdi·on, depende sa lugar. Sa Corinto, ito ay mga 165 m (540 ft). Ang Romanong estadyo naman ay mga 185 m, o 606.95 ft.—Tingnan ang Ap. B14.

isa lang ang tumatanggap ng gantimpala: Sa mga paligsahang Griego noon, ang nagwaging atleta ay tumatanggap ng isang putong, na karaniwan nang gawa sa dahon, bilang premyo. Ang koronang ito ay tanda ng malaking karangalan, at lumilitaw na idinidispley ito sa istadyum para makita ng mga kasali sa palaro ang premyo nila. Hinimok ni Pablo ang mga pinahirang Kristiyano na pagsikapang makuha ang premyo na di-hamak na nakahihigit sa isang nasisirang putong—ang di-nasisirang korona ng imortalidad. Para magwagi ang isang Kristiyano, dapat siyang tumitig sa gantimpala.—1Co 9:25; 15:53; 1Pe 1:3, 4; 5:4.

lahat ng kasali sa isang paligsahan: O “lahat ng atleta.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay kaugnay ng isang pangngalan na kadalasang tumutukoy sa paligsahan ng mga atleta. Sa Heb 12:1, ginamit ang pangngalang ito para sa Kristiyanong “takbuhan” tungo sa buhay. Isinasalin din itong “problema” (Fil 1:30), “paghihirap” (Col 2:1), o “pakikipaglaban” (1Ti 6:12; 2Ti 4:7). Ang mga anyo ng pandiwang Griego na ginamit dito sa 1Co 9:25 ay isinaling “magsikap kayo nang husto” (Luc 13:24), “nagsisikap . . . nang husto” (Col 1:29; 1Ti 4:10), “marubdob” (Col 4:12), at “pakikipaglaban” (1Ti 6:12). —Tingnan ang study note sa Luc 13:24.

nagpipigil sa sarili: Ang mga atleta ay nagpipigil sa sarili habang naghahanda para sa isang kompetisyon. Marami ang nagdidiyeta, at ang ilan ay hindi muna umiinom ng alak. Isinulat ng istoryador na si Pausanias na umaabot nang 10 buwan ang pagsasanay para sa Olympics, at ipinapalagay na halos ganiyan din kahaba ang pagsasanay para sa iba pang malalaking palaro.

Magsikap kayo nang husto: O “Patuloy kayong magpursigi.” Idiniriin dito ni Jesus na kailangang ibigay ng isa ang buong makakaya niya para makapasok sa makipot na pinto. Ayon sa iba’t ibang reperensiya, puwede rin itong isalin sa tekstong ito na “Ibigay ang inyong buong makakaya; Gawin ninyo ang lahat.” Ang pandiwang Griego na a·go·niʹzo·mai ay nauugnay sa pangngalang Griego na a·gonʹ, na madalas gamitin para tumukoy sa kompetisyon ng mga atleta. Sa Heb 12:1, ginamit ang pangngalang ito para sa Kristiyanong “takbuhan” tungo sa buhay. Isinasalin din itong “problema” (Fil 1:30), “paghihirap” (Col 2:1), o “pakikipaglaban” (1Ti 6:12; 2Ti 4:7). Ang mga anyo ng pandiwang Griego na ginamit sa Luc 13:24 ay isinaling “kasali sa isang paligsahan” (1Co 9:25), “nagsisikap . . . nang husto” (Col 1:29; 1Ti 4:10), “marubdob” (Col 4:12), at “pakikipaglaban” (1Ti 6:12). Dahil iniuugnay ang ekspresyong ito sa kompetisyon ng mga atleta, sinasabi ng ilan na pinapasigla ni Jesus ang mga alagad niya na magsikap na katulad ng isang atleta na ibinubuhos ang buong makakaya para mapanalunan ang gantimpala.

sumusuntok: Dito, inihahalintulad ni Pablo ang sarili niya sa isang boksingero na gustong manalo. Sinisigurado ng isang boksingerong sinanay nang mabuti na hindi nasasayang ang bawat suntok niya; hindi siya sumusuntok sa hangin para hindi maaksaya ang lakas niya. Sa katulad na paraan, dapat ding pag-isipang mabuti ng isang Kristiyano kung paano niya ginagamit ang lakas niya. Dapat na pagsikapan niyang makuha ang pinakamalaking gantimpala, ang buhay na walang hanggan. (Mat 7:24, 25; San 1:22) Lumalaban siya sa anumang hadlang o pagsubok—kasama na ang sarili niyang mga kahinaan—na puwedeng magpabagsak sa kaniya.—1Co 9:27; 1Ti 6:12.

kulitin ako hanggang sa hindi ko na iyon matagalan: O “pahirapan ako nang lubusan.” Lit., “suntukin ako sa ilalim [ng mata] hanggang dulo.” Ang pandiwang Griego na hy·po·pi·aʹzo na ginamit dito ay nangangahulugang “suntukin sa mukha; bigyan ng black eye.” Pero dito, makasagisag ang pagkakagamit sa ekspresyong ito at nangangahulugang kulitin ang isang tao hanggang sa mainis siya nang lubusan at mapagod. Para sa ilang iskolar, nangangahulugan din ito ng pagsira sa reputasyon ng iba. Sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa nararamdaman ng hukom, na sa umpisa ay ayaw makinig sa paghingi ng katarungan ng biyuda pero napilitang umaksiyon dahil sa kakulitan nito. (Luc 18:1-4) Hindi sinasabi ng ilustrasyon na ang Diyos ay katulad ng di-matuwid na hukom. Ipinapakita lang nito na kung ang isang di-matuwid na hukom ay gagawa ng tama, lalo pa ang Diyos! Gaya ng biyuda, hindi rin dapat mapagod ang mga lingkod ng Diyos sa paghingi ng tulong kay Jehova. Sasagutin ng Diyos na matuwid ang mga panalangin nila at bibigyan sila ng katarungan.​—Luc 18:6, 7.

binubugbog ko: O “pinaparusahan ko; dinidisiplina ko nang husto.” Ang salitang Griego na isinaling “binubugbog” ay literal na nangangahulugang “sinusuntok sa ilalim [ng mata].” Kailangang disiplinahin ng isang Kristiyano ang sarili niya at magpakita ng pagpipigil sa sarili kahit pa mahirapan siya, na para bang sinusuntok siya sa ilalim ng mata. Makakatulong ang ganitong disiplina sa sarili para lagi siyang “sang-ayunan” ng Diyos.—Ihambing ang study note sa Luc 18:5.

Media

Pagtatatak ng Dokumento
Pagtatatak ng Dokumento

Ginagamit sa iba’t ibang paraan ang mga pantatak noong unang panahon. Halimbawa, ginagamit ang mga ito bilang indikasyon ng kasunduan o pagiging tunay ng isang bagay. (Tingnan sa Glosari, “Pantatak; Tatak.”) Noong panahon ng mga Griego at Romano, isinusulat ng mga tao sa isang tablang nababalutan ng wax ang legal na mga kasunduan o mga transaksiyon sa negosyo. Kailangang patunayan ng mga saksi na totoo ang nilalaman ng ganitong mga dokumento. Ang isang saksi ay may sariling pantatak, na eksklusibo ang disenyo at kadalasan nang nakaukit sa isang singsing. Itinatatak niya ito sa isang limpak ng mainit na wax na nasa ibabaw ng taling ipinansara sa dokumento. Kapag lumamig ang wax, maseselyuhan ang dokumento hanggang sa buksan ito para makita ng publiko. Sa paggawa nito, pinatototohanan ng mga saksi na tunay ang dokumento, at hindi rin ito basta-basta mapapalsipika. Kaya naman ang ekspresyong “tatakan; lagyan ng tatak” ay nangahulugan na ring “patunayan o kumpirmahin na totoo o mapanghahawakan ang isang bagay.” Sinabi ni apostol Juan na ang sinumang naniniwala sa patotoo ni Jesus ay naglagay ng kaniyang tatak, o nagpapatunay, na ang Diyos ay tapat, o nagsasabi ng totoo.—Tingnan ang study note sa Ju 3:33.

Busal ng Toro
Busal ng Toro

Makikita sa mga larawang ito, na kinuha noong pasimula ng ika-20 siglo, ang isang magsasaka na gumagamit ng bakang may busal para sa paggigiik ng butil. Para mahiwalay ang trigo mula sa ipa, ang mga butil ay pinapadaanan ng mga magsasaka sa mga torong may hilang panggiik. Dahil may busal ang hayop, hindi ito nakakakain habang nagtatrabaho. Mahal ni Jehova ang mga hayop, kaya ipinagbawal ng Kautusang Mosaiko ang gawaing ito. (Deu 25:4) Napakahirap para sa isang gutom na hayop kung hindi ito puwedeng kumain habang nagtatrabaho malapit sa mga butil. Ginamit ni apostol Pablo ang prinsipyo sa likod ng utos na ito nang sabihin niyang karapat-dapat ang masisipag na mga ministrong Kristiyano na tumanggap ng karangalan at materyal na suporta mula sa iba.—1Co 9:9-14; 1Ti 5:17, 18.

Nangaral si Pablo sa Pamilihan sa Corinto
Nangaral si Pablo sa Pamilihan sa Corinto

Ang sinaunang lunsod ng Corinto ay nasa isang makitid na ismo na nagdurugtong sa gitnang Gresya at sa Peloponnese sa timugang peninsula. Maraming tao ang dumadaan dito kapag naglalakbay sila sa lupa man o sa dagat. Marami ang nakatira sa lunsod na ito at iba-iba ang lahi at kultura nila. Nakibagay si Pablo sa lahat ng uri ng tao para marami ang maligtas. (1Co 9:22) Sa isang pangitain, sinabi ng Panginoon kay Pablo na maraming potensiyal na alagad sa Corinto, kaya nanatili doon ang apostol nang isa’t kalahating taon. (Gaw 18:1, 9-11) Makalipas ang ilang taon nang nasa Efeso si Pablo, nalaman niya na dumanas ng mabibigat na problema ang mga alagad sa Corinto. Itinuturing niya silang minamahal na mga anak, kaya pinayuhan at pinatibay niya sila sa pamamagitan ng liham, na kilalá ngayon bilang 1 Corinto.—1Co 4:14.

“Isang Koronang Nasisira”
“Isang Koronang Nasisira”

Sa unang liham ni apostol Pablo sa mga taga-Corinto, binanggit niya ang mga atletang nagsisikap “para tumanggap ng isang koronang nasisira.” Posibleng ang tinutukoy ni Pablo ay ang premyo ng mga nananalong atleta sa Palarong Isthmian. Ginaganap ang mga palarong ito malapit sa Corinto. Nang isulat ni Pablo ang liham niya, malamang na ang mga korona ay gawa sa dahon ng pino, pero may ilan ding gawa sa dahon ng seleri. Pareho itong madaling masira. Ipinapakita nito ang pagkakaiba ng panandaliang kaluwalhatian na tinatanggap ng mga atleta at ng walang-hanggang kaluwalhatian na tatanggapin ng mga pinahirang Kristiyano na mamamahalang kasama ni Kristo.—1Co 9:25.