Oseas 3:1-5

  • Kinuhang muli ni Oseas ang kaniyang mapangalunyang asawa (1-3)

  • Babalik ang Israel kay Jehova (4, 5)

3  At sinabi ni Jehova sa akin: “Mahalin mong muli ang babaeng iniibig ng ibang lalaki at nangangalunya,+ kung paanong iniibig ni Jehova ang bayang Israel+ kahit bumabaling sila sa ibang mga diyos+ at gustong-gusto nilang maghandog sa mga ito ng kakaning pasas.”  Kaya binili ko siya sa halagang 15 pirasong pilak at isa’t kalahating takal na homer* ng sebada.  Sinabi ko sa kaniya: “Mananatili kang akin sa loob ng maraming araw. Huwag kang makikiapid,* at huwag kang makikipagtalik sa ibang lalaki, at hindi rin ako makikipagtalik sa iyo.”  Dahil ang bayang Israel ay matagal* na mawawalan ng hari,+ pinuno,* hain, haligi, at epod*+ at mga rebultong terapim.*+  Pagkatapos, babalik ang bayang Israel, at hahanapin nila ang Diyos nilang si Jehova+ at ang hari nilang si David,+ at lalapit sila nang nanginginig kay Jehova para matamo ang kaniyang kabutihan sa huling bahagi ng mga araw.+

Talababa

Ang isang homer ay 220 L. Tingnan ang Ap. B14.
O “Hindi ka puwedeng maging babaeng bayaran.”
Lit., “maraming araw.”
O “prinsipe.”
Tingnan sa Glosari.
O “mga diyos ng pamilya; mga idolo.”