Ang Pangmalas ng Bibliya
Parusa ba Mula sa Diyos ang Iyong mga Problema?
“Siguro parusa ito sa akin,” ang sabi ng isang babaing mahigit 50 taóng gulang nang malaman niyang may kanser siya. Naalaala niya ang kasalanang nagawa niya ilang taon na ang nakalipas kaya niya nasabi, “Ito na siguro ang paraan ng Diyos para sabihing nagkasala ako.”
KAPAG napapaharap sa mga problema, marami ang nag-aakalang pinarurusahan sila ng Diyos sa nagawa nilang mga kasalanan. Dahil sa patung-patong na problema, baka maghinagpis sila: “Bakit ako pa? Ano ba ang nagawa ko?” Dapat ba nating isipin na ang ating mga problema ay pahiwatig na hindi tayo sinasang-ayunan ng Diyos? Talaga bang parusa mula sa Diyos ang ating mga problema?
Dumanas ng mga Problema ang Tapat na mga Mananamba
Pag-isipan ang ulat ng Bibliya hinggil sa lalaking nagngangalang Job. Bigla siyang naghirap. Pagkatapos, namatay ang lahat ng sampung anak niya dahil sa buhawi. Di-nagtagal, nagkaroon siya ng nakapanghihina at nakapandidiring sakit. (Job 1:13-19; 2:7, 8) Sa tindi ng kaniyang mga problema, nasabi ni Job: “Hinampas ako ng kamay ng Diyos.” (Job 19:21, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Oo, gaya ng maraming tao sa ngayon, inisip ni Job na pinarurusahan siya ng Diyos.
Pero ipinakikita ng Bibliya na bago magsimula ang mga pagsubok kay Job, inilarawan siya mismo ng Diyos bilang “isang lalaking walang kapintasan at matuwid, na natatakot sa Diyos at lumilihis sa kasamaan.” (Job 1:8) Yamang ipinahiwatig ng Diyos na nalulugod siya kay Job, maliwanag na hindi parusa mula sa Diyos ang naranasan niyang mga problema.
Ang totoo, maraming ulat sa Bibliya tungkol sa matuwid na mga taong dumanas ng mga problema. Isang tapat na lingkod ng Diyos si Jose, pero nabilanggo siya nang ilang taon kahit na Genesis 39:10-20; 40:15) Ang tapat na Kristiyanong si Timoteo ay ‘malimit magkasakit.’ (1 Timoteo 5:23) Maging si Jesu-Kristo, na walang nagawang anumang kasalanan, ay pinagmalupitan bago siya dumanas ng napakasakit na kamatayan. (1 Pedro 2:21-24) Kaya maling isipin na ang ating mga problema ay katibayan na hindi nalulugod sa atin ang Diyos. Pero kung hindi ang Diyos ang pinagmumulan ng problema, sino kaya, kung mayroon man?
wala siyang nagawang kasalanan. (Ang Sanhi ng Ating mga Problema
Ipinakikita ng Bibliya na si Satanas na Diyablo ang nagpasapit ng mga trahedya kay Job. (Job 1:7-12; 2:3-8) Ipinakikita rin nito na si Satanas ang pangunahing sanhi ng ating mga problema sa ngayon, gaya ng nasusulat: “Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.” (Apocalipsis 12:12) Si Satanas na siyang “tagapamahala ng sanlibutang ito” ang nag-uudyok sa marami na gumawa ng mga kasamaang nagdudulot ng napakatinding pasakit at dalamhati.—Juan 12:31; Awit 37:12, 14. a
Pero hindi natin dapat agad isisi sa Diyablo ang lahat ng problemang dumarating sa atin. Dahil sa minanang kasalanan at di-kasakdalan, nakagagawa tayo ng maling mga desisyon na maaaring magdulot sa atin ng mga problema. (Awit 51:5; Roma 5:12) Ipaghalimbawa ang isang taong sadyang hindi kumakain nang wasto at hindi nagpapahinga nang sapat. Kapag nagkasakit siya nang malubha, dapat ba niya itong isisi sa Diyablo? Hindi, inani lamang ng taong ito ang masaklap na resulta ng kaniyang maling pagpapasiya. (Galacia 6:7) Tamang-tama ang pagkakasabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Ang kamangmangan ng tao ang nagwawasak sa sariling buhay.”—Kawikaan 19:3, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Tandaan din na marami sa mapapait nating karanasan ay resulta lamang ng “panahon at . . . di-inaasahang pangyayari.” (Eclesiastes 9:11) Halimbawa, isang tao ang biglang inabutan ng malakas na ulan. Puwedeng hindi siya gaanong mabasa o kaya nama’y mabasa nang husto, depende kung saan siya inabutan ng ulan. Sa katulad na paraan, sa “mga panahong [ito na] mapanganib [at] mahirap pakitunguhan,” ang masasamang kalagayan ay maaaring biglang mauwi sa unos ng mga problema. (2 Timoteo 3:1-5) Kung gaano kalubha ang epekto nito sa atin ay kadalasang nakadepende sa panahon at mga kalagayan, na hindi natin gaanong kontrolado o wala talaga tayong kontrol. Pero nangangahulugan ba ito na lagi na lamang tayong uulanin ng mga problema?
Malapit Nang Alisin ang Lahat ng Problema
Nakatutuwang malaman na napakalapit nang alisin ng Diyos na Jehova ang lahat ng problema. (Isaias 25:8; Apocalipsis 1:3; 21:3, 4) Pero kahit ngayon pa lamang, ipinakikita na niyang talagang nagmamalasakit siya sa atin—binibigyan niya tayo ng mga tagubilin at “kaaliwan mula sa Kasulatan” para mabata natin ang mga pagsubok ngayon habang hinihintay natin ang kamangha-manghang kinabukasang napakalapit na. (Roma 15:4; 1 Pedro 5:7) Sa panahong iyon, ang mga matuwid sa paningin ng Diyos ay mabubuhay nang walang hanggan sa bagong sanlibutan kung saan wala nang anumang problema.—Awit 37:29, 37.
[Talababa]
a Tingnan ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Sino si Satanas? Totoo ba Siya?” sa Gumising!, isyu ng Pebrero 2007.
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
◼ Masasamang tao lamang ba ang nagkakaproblema?—Job 1:8.
◼ Dapat bang isisi sa Diyablo ang lahat ng ating problema?—Galacia 6:7.
◼ Hindi na ba mawawala ang problema?—Apocalipsis 21:3, 4.
[Blurb sa pahina 29]
“Ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa kanilang lahat.”—Eclesiastes 9:11