Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nakita Namin ang Matagal Na Naming Hinahanap

Nakita Namin ang Matagal Na Naming Hinahanap

Nakita Namin ang Matagal Na Naming Hinahanap

Ayon sa salaysay ni Bert Tallman

Kaysayang alalahanin ng buhay ko noong bata pa ako sa Blood Reserve, isang pamayanan ng mga Katutubo na kabilang sa Blackfoot Nation sa Alberta, Canada. Nakatira kami malapit sa Canadian Rockies at magandang Lawa ng Louise.

SIYAM kaming magkakapatid, pitong lalaki at dalawang babae. Madalas kami sa bahay ng lola ko. Napakasipag niya at iminulat niya kami sa paraan ng pamumuhay ng mga ninuno naming Blackfoot. Natuto kaming manguha ng ligáw na mga berry, maghanda ng lutuing Blackfoot, at maghalaman. Isinasama kami ni Lolo at ni Itay sa pangangaso at pangingisda. Nanghuhuli kami ng elk, usa, at moose para sa pagkain at kinukuha namin ang balat nito. Napakasipag ng mga magulang namin at ginawa nila ang lahat para pangalagaan kami. Masaya ako sa reserbasyon.

Pero nagbago ang lahat nang mamatay ang lola ko noong 1963. Limang taóng gulang pa lang ako noon kaya litung-lito ako sa nangyari. Walang nakapagbigay sa akin ng tunay na kaaliwan. Kahit bata pa lang ako noon, tinatanong ko ang sarili ko, ‘Kung mayroong Maylalang, nasaan siya? Bakit namamatay ang tao?’ Kung minsan, napapaiyak na lang ako. Kapag tinatanong ako ng mga magulang ko kung ano ang problema, basta sinasabi kong may masakit sa akin.

Ugnayan sa mga Puti

Bago mamatay si Lola, hindi namin gaanong kilala ang mga puti. Kung makita man namin sila, kung anu-ano ang naririnig kong komento gaya ng: “Masasama rin ang mga iyan, sakim, manhid. Hindi sila totoong tao.” Sinabihan ako na bihira lang sa kanila ang mabait at marami sa kanila ang hindi mapagkakatiwalaan. Bagaman interesado akong makilala sila, nag-iingat pa rin ako dahil sa lugar namin ay madalas nila kaming laitin.

Di-nagtagal pagkamatay ng lola ko, madalas nang maglasing ang mga magulang ko kaya napakalungkot ko noon. Noong walong taóng gulang ako, may dalawang Mormon na pumunta sa bahay namin. Mukha naman silang mababait. Sumang-ayon ang mga magulang ko sa mungkahi nilang subukan ko ang programa nilang pagkupkop sa mga bata. Sa ilalim ng programang iyon, gaya ng intindi ko, bubuti raw ang buhay ng mga batang Katutubo sa pakikipisan sa mga puti. Dahil sa kalagayan ng mga magulang ko, inisip nila na mas mabuti kung kupkupin ako ng ibang pamilya. Ikinagulat ko iyon at ikinalungkot dahil sinasabi dati ng mga magulang ko na hindi mapagkakatiwalaan ang mga puti. Ayoko sanang sumama, at gumawa pa nga ako ng paraan para hindi iyon matuloy. Bandang huli, pumayag na rin ako dahil tiniyak sa akin ng mga magulang ko na sasama rin si Kuya.

Pero nang dumating kami sa Vancouver, British Columbia, pinaghiwalay kami ng kuya ko, at napalayo ako sa kaniya nang mga 100 kilometro! Lungkot na lungkot ako. Kahit mabait ang pamilyang kumupkop sa akin, nakakatrauma pa rin iyon, at takot na takot ako. Makalipas ang sampung buwan, bumalik ako sa amin.

Nakauwi Rin Kina Itay at Inay

Kahit may problema pa rin sa bahay, masaya akong makabalik sa amin. Nang mga 12 anyos ako, itinigil ng mga magulang ko ang pag-inom. Wala na sanang problema, pero ako naman ngayon ang may bisyo​—droga at alak. Sinabihan ako ng mga magulang ko na maging abala sa ibang aktibidad, gaya ng rodeo, na talaga namang gustung-gusto ko. Hindi puwede ang mahina ang loob sa rodeo. Natutuhan kong sumakay sa sumisipang toro nang di-kukulangin sa walong segundo nang hindi nahuhulog, habang isang kamay ko lang ang nakahawak sa lubid na nakatali sa tiyan ng toro.

Noong tin-edyer ako, itinuro sa akin ng matatanda sa tribo ang relihiyon ng mga Katutubo. Interesado ako dahil hindi ko gaanong gusto ang sinasabing mga relihiyon ng mga puti. Inisip ko na parang maganda naman ang kaugalian ng mga Blackfoot dahil itinuturo nila ang kabaitan at katarungan na wala sa maraming “Kristiyanong” relihiyon. Palagay ang loob ko sa mga Katutubo, natutuwa ako dahil palabiro sila at malapít sa isa’t isa ang magkakapamilya at magkakaibigan.

Nang mga panahong iyon, nalaman ko rin ang pang-aaping dinanas ng mga Katutubo sa loob ng maraming siglo. Ikinuwento sa akin na nagkalat daw ng sakit ang mga puti sa mga Katutubo at nilipol ang mga bupalo, ang pangunahin naming ikinabubuhay. Sa katunayan, napabalita pa nga na sinabi raw ni Koronel R. I. Dodge ng hukbo ng Estados Unidos ang ganito: “Patayin ang lahat ng bupalo na kaya ninyong patayin. Sa bawat bupalo na mapapatay ninyo, isang Indian din ang katumbas nito.” Nalaman ko na dahil dito, pinanghinaan ng loob ang mga Blackfoot at nadama nila na wala silang kalaban-laban.

Bukod diyan, may mga lider ng gobyerno, pati na ang kanilang mga kakampi sa simbahan, na nagpursiging baguhin ang pamumuhay ng mga Katutubo, na sa tingin nila ay mga taong-gubat at hindi sibilisado. Naniniwala sila na maraming kailangang baguhin sa mga Katutubo​—ang kanilang kultura, paniniwala, kilos, at wika​—para makasabay sila sa paraan ng pamumuhay ng mga puti. Sa Canada, inabuso ang ilang batang Katutubo na nakatira sa mga eskuwelahan na pinatatakbo ng simbahan. Ang iba naman ay bumaling sa pag-abuso sa droga, alkohol at iba pa, nasangkot sa karahasan, at ang ilan ay nagpatiwakal​—mga problemang kinakaharap pa rin ngayon sa mga reserbasyon.

Para matakasan ang mga problemang ito, tinalikuran ng ilang Katutubo ang kulturang Blackfoot. Kinakausap nila sa wikang Ingles ang kanilang anak sa halip na sa wikang Blackfoot, at sinikap nilang gayahin ang pamumuhay ng mga puti. Pero sa halip na tanggapin sa lipunan, marami ang tinuya, hindi lang ng ilang puti kundi pati ng kapuwa nila Katutubo, anupat tinatawag silang mga Katutubo na nag-aastang mga puti.

Nakalulungkot makita ang mga Katutubo na labis-labis na nagdurusa. Sana’y bumuti ang kalagayan ng mga tao sa aming reserbasyon at sa iba pang reserbasyon sa Canada at Estados Unidos.

Naghahanap Ako ng Kasagutan

Noong tin-edyer ako, inisip kong hindi ako matatanggap sa lipunan. Ang baba ng tingin ko sa sarili ko at madalas na nauuwi ito sa hinanakit. Napoot pa nga ako sa mga puti. Pero sinabihan ako ng mga magulang ko at tiyahin na huwag magkimkim ng galit at huwag ding mag-isip na maghiganti; sa halip, lagi nila akong sinasabihan na magpatawad at magpakita ng pag-ibig at pagpasensiyahan na lang ang mga taong nagtatangi. Nang maglaon, nalaman kong itinuturo pala ng Bibliya ang payong iyon. Bukod doon, gusto ko pa ring malaman ang sagot sa mga tanong na gumugulo sa isip ko mula pa pagkabata. Nagtanong din ako kung bakit tayo naririto sa lupa at kung bakit nagpapatuloy ang kawalang-katarungan. Hindi ko maintindihan kung bakit nabubuhay tayo nang maikling panahon at pagkatapos ay namamatay. Litung-lito ako.

Kapag may kumakatok na mga Saksi ni Jehova sa bahay, ako ang pinagbubukas ng pinto. Lagi ko silang iginagalang dahil mukha namang hindi sila nagtatangi. Bagaman nahihirapan akong buuin ang aking mga tanong, laging maganda ang nagiging usapan namin. Naalaala ko ang pagdalaw nina John Brewster at Harry Callihoo, isang Blackfoot na Saksi. Ang tagal naming nag-usap habang naglalakad sa parang. Kumuha ako ng isang aklat at halos kalahati na ang nababasa ko, pero nawala ito.

Sumali Ako sa Rodeo

Humingi ako ng payo sa matatanda sa aming reserbasyon. Bagaman nagandahan ako sa payo nila, hindi nila masagot ang mga tanong ko sa buhay. Nang mga 16 anyos ako, nagsarili ako at naubos ang panahon ko sa mga paligsahan sa rodeo. Pagkatapos ng rodeo, pumupunta ako sa mga parti kung saan kadalasan nang may lasingan at droga. Nakonsiyensiya ako kasi alam kong mali iyon at alam kong hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang paraan ng pamumuhay ko. Palagi akong nananalangin sa Maylalang na tulungan akong gawin ang tama at malaman ang sagot sa mga tanong na bumabagabag pa rin sa akin.

Noong 1978, habang nasa Calgary ako, nakilala ko ang isang dalagang Katutubo na si Rose. May lahi siyang Blackfoot at lahing Cree. Pareho kami ng hilig at nasasabi ko sa kaniya ang niloloob ko. Nagkagustuhan kami at nagpakasal noong 1979. Nagkaanak kami ng isang babae, si Carma, at isang lalaki, si Jared. Si Rose ay matapat at mabait na asawa at butihing ina. Isang araw, nang dumadalaw kami ng aking pamilya sa kuya ko, may nakita akong aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. a Naging interesado ako dahil mukha namang makatuwiran ang mga nabasa ko. Pero nang unti-unti ko nang naiintindihan ang mensahe ng Bibliya, napansin kong nawawala naman ang kasunod na mga pahina ng aklat. Pilit naming hinanap ni Rose ang mga iyon, pero hindi namin makita. Magkagayunman, patuloy pa rin akong nanalangin sa Diyos na tulungan kami.

Nagtanong Kami sa Pari

Noong tagsibol ng 1984, isinilang ni Rose ang ikatlo naming anak, isang magandang sanggol na babae, si Kayla. Pero dahil may sakit sa puso si Kayla, dalawang buwan pa lamang ay namatay na siya. Parang gumuho ang mundo namin, at hindi ko alam kung paano aaliwin si Rose. Kinumbinsi niya akong samahan siyang magtanong sa isang paring Katoliko sa aming reserbasyon para gumaan ang aming pakiramdam.

Tinanong namin siya kung bakit kailangang mamatay ang mahal naming anak at kung nasaan na siya. Sinabi niyang kinuha ng Diyos si Kayla dahil kailangan niya ng isa pang anghel. Naisip ko, ‘Bakit kailangan pang kunin ng Diyos ang aming anak para maging anghel kung siya ang Maylalang na Makapangyarihan-sa-lahat? Ano naman ang magagawa ng walang kamalay-malay na sanggol?’ Ni minsan ay hindi bumuklat ng Bibliya ang pari. Lungkot na lungkot pa rin kami pag-uwi.

Malaking Tulong sa Amin ang Pananalangin

Nobyembre 1984, Lunes ng umaga noon. Ang tagal kong nanalangin anupat nagmamakaawa sa Diyos na tulungan akong maging mas mabuting tao, na sana’y maintindihan ko kung bakit nangyayari ang mga bagay-bagay at maunawaan ang layunin ng buhay. Nang umagang iyon, kumatok sa bahay namin ang dalawang Saksi ni Jehova, sina Diana Bellemy at Karen Scott. Napakabait nila at sabik na sabik silang sabihin ang kanilang mensahe. Nakinig ako at tumanggap ng isang Bibliya at aklat na Survival Into a New Earth, b at pumayag akong bumalik si Diana kasama ang kaniyang asawa, si Daryl, nang linggo ring iyon.

Pagkaalis nila, saka ko lang naisip na ito na siguro ang sagot sa mga panalangin ko. Tuwang-tuwa ako. Inip na inip ako sa paghihintay sa pag-uwi ni Rose mula sa kaniyang trabaho dahil gustung-gusto ko nang ikuwento sa kaniya ang nangyari. Nagulat ako nang sabihin ni Rose na nang gabi bago dumalaw ang mga Saksi ay nanalangin din siya na sana tulungan siya ng Diyos na malaman ang tamang relihiyon. Pagdating ng Biyernes, nagsimula na kaming mag-aral ng Bibliya. Nang maglaon, nalaman namin na nang araw na bumisita sa amin sina Karen at Diana, nangangaral sila at may hinahanap silang bahay pero hindi nila makita. Magkagayunman, nang makita nila ang bahay namin, bigla nilang naisip na sa amin kumatok.

Sa Wakas​—Nasagot ang mga Tanong Ko!

Sa umpisa, takang-taka ang mga kamag-anak at kaibigan namin at naging malamig ang pakikitungo nila sa amin nang mag-aral kami ng Bibliya. Palagi rin nilang sinasabi na sinasayang namin ang aming buhay at hindi namin ginagamit nang lubusan ang aming mga kakayahan. Pero desidido kaming huwag talikuran ang aming bagong Kaibigan, ang ating Maylalang, si Jehova. Aba, napakahalaga ng natutuhan namin​—ang kamangha-manghang katotohanan at mga sagradong lihim na nasa Salita ng Diyos, ang Bibliya. (Mateo 13:52) Nabautismuhan kami ni Rose bilang mga Saksi ni Jehova noong Disyembre 1985. Sa ngayon, malaki na ang paggalang ng mga kamag-anak namin sa mga Saksi ni Jehova, palibhasa’y nakita nila ang magagandang pagbabago sa buhay namin mula nang mabautismuhan kami.

Oo, natagpuan ko ang matagal ko nang hinahanap! Simple at lohikal ang sagot ng Bibliya sa mahahalagang tanong. Tuwang-tuwa ako nang malaman ko ang layunin ng buhay, kung bakit tayo namamatay, at ang pangako ng Diyos na makakasama naming muli ang aming anak na si Kayla at makikita siyang lumaki sa isang napakagandang kapaligiran. (Juan 5:28, 29; Apocalipsis 21:4) Natutuhan ko rin na maling abusuhin ang ating katawan, na dapat pahalagahan ang buhay, at hindi dapat makipagkompetisyon. (Galacia 5:26) Bagaman hindi madaling iwan ang rodeo at pagsakay sa toro, ginawa ko ito para mapalugdan ang Diyos.

Pinalaya kami ng tumpak na kaalaman sa Bibliya mula sa mga pamahiing kinatatakutan ng maraming Katutubo, gaya ng paniniwala na kapag may nakitang kuwago o may umalulong na aso, may mamamatay raw na kapamilya. Hindi na kami natatakot na sasaktan kami ng di-nakikitang espiritu na sumasapi raw sa mga nilalang na may buhay at walang buhay. (Awit 56:4; Juan 8:32) Pinahahalagahan na namin ngayon ang kamangha-manghang mga lalang ni Jehova. Marami akong kaibigan na iba-iba ang lahi na tinatawag kong mga brother at sister, at hindi sila nagtatangi kundi itinuturing nila kaming kapuwa mga lingkod ng Diyos. (Gawa 10:34, 35) Marami sa kanila ang nagsisikap na matuto tungkol sa kultura at paniniwala naming mga Katutubo pati na ng wikang Blackfoot para maibahagi nila ang mensahe ng Bibliya sa mabisa at kaakit-akit na paraan.

Nakatira ang aming pamilya sa Blood Reserve, sa timugang Alberta, kung saan mayroon kaming maliit na rantso. Gusto pa rin namin ng kulturang Katutubo​—ang mga pagkain, musika, at sayaw ng mga Blackfoot. Hindi na kami sumasali sa tradisyonal na mga sayawan na tinatawag kung minsan na powwow, pero nasisiyahan kaming panoorin ang mga ito kung angkop naman. Sinikap ko ring ituro sa aming mga anak ang tungkol sa kanilang mga ninuno at wikang Blackfoot. Kilala ang maraming Katutubo sa magagandang katangian gaya ng kabaitan, kapakumbabaan, at maibiging malasakit sa pamilya at mga kaibigan. Kilala rin sila na mapagpatuloy at may paggalang sa ibang tao, pati na sa mga taong iba ang kultura. Pinahahalagahan at hinahangaan ko pa rin ang mga bagay na ito.

Maligayang-maligaya kami sa paggamit ng aming panahon at mga tinatangkilik sa pagtulong sa iba na makilala at ibigin si Jehova. Ang aming anak na si Jared ay naglilingkod bilang boluntaryo sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova malapit sa Toronto. Binigyan ako ng pribilehiyong maglingkod bilang elder sa Kongregasyon ng Macleod sa aming lugar, at kami nina Rose at Carma ay mga regular pioneer, o buong-panahong mga ebanghelisador. Kagalakan naming mangaral gamit ang aming katutubong wikang Blackfoot. Nakatataba ng puso na makitang tumutugon ang iba sa katotohanan tungkol sa Maylalang at sa kaniyang layunin.

Ganito ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jehova: “Kung hahanapin mo siya, hahayaan niyang masumpungan mo siya.” (1 Cronica 28:9) Laking pasasalamat ko na tinupad niya ang kaniyang pangako at tinulungan niya ako, at ang aking pamilya, na makita ang matagal na naming hinahanap.

[Mga talababa]

a Inilathala ng mga Saksi ni Jehova pero hindi na ngayon inililimbag.

b Inilathala ng mga Saksi ni Jehova pero hindi na ngayon inililimbag.

[Blurb sa pahina 13]

‘Kung mayroong Maylalang, nasaan siya? Bakit namamatay ang tao?’

[Blurb sa pahina 16]

‘Kilala ang maraming Katutubo sa pagiging mabait at mapagpakumbaba’

[Larawan sa pahina 12]

Itinuro sa akin ng lola ko ang tradisyonal na kulturang Blackfoot

[Larawan sa pahina 15]

Naubos ang panahon ko sa “rodeo”

[Larawan sa pahina 15]

Ang espesyal na tract na “You Can Trust the Creator” (Makapagtitiwala Ka sa Maylalang) ay makukuha sa wikang Blackfoot at iba pang wika

[Larawan sa pahina 15]

Nagagalak ako ngayon na ibahagi sa iba ang kaalaman mula sa Bibliya

[Larawan sa pahina 15]

Ngayon, kasama ang aking pamilya