Ayon kay Juan 12:1-50

12  Anim na araw bago ang Paskuwa, dumating si Jesus sa Betania,+ ang lugar ni Lazaro,+ na binuhay-muli ni Jesus.* 2  Kaya naghanda sila ng hapunan para sa kaniya, at si Marta ang nagsisilbi ng pagkain sa kanila,+ habang si Lazaro ay isa sa mga kumakaing* kasama niya. 3  At kumuha si Maria ng isang libra ng mabangong langis na gawa sa nardo, puro at napakamamahalin, at ibinuhos iyon sa mga paa ni Jesus at pinunasan ang mga paa nito ng kaniyang buhok.+ Amoy na amoy sa buong bahay ang mabangong langis.+ 4  Pero sinabi ni Hudas Iscariote,+ isa sa mga alagad niya at malapit nang magtraidor sa kaniya: 5  “Bakit hindi na lang ipinagbili ang mabangong langis na ito sa halagang 300 denario at ibinigay sa mahihirap?” 6  Pero sinabi niya ito hindi dahil sa naaawa siya sa mahihirap, kundi dahil magnanakaw siya at nasa kaniya ang kahon ng pera at dati na niyang ninanakaw ang perang inilalagay roon. 7  Kaya sinabi ni Jesus: “Hayaan ninyo siya, para magawa niya ito bilang paghahanda sa araw ng aking libing.+ 8  Dahil lagi ninyong kasama ang mahihirap,+ pero hindi ninyo ako laging makakasama.”+ 9  Samantala, nalaman ng maraming Judio na naroon si Jesus, at pumunta sila, hindi lang dahil sa kaniya, kundi para makita rin si Lazaro na binuhay niyang muli.*+ 10  Kaya nagsabuwatan ang mga punong saserdote para patayin din si Lazaro.+ 11  Marami kasi sa mga Judio ang pumupunta roon at nananampalataya kay Jesus dahil sa kaniya.+ 12  Kinabukasan, narinig ng mga pumunta sa Jerusalem para sa kapistahan na darating si Jesus. 13  Kaya kumuha sila ng mga sanga ng puno ng palma at lumabas para salubungin siya.+ Sumisigaw sila: “Iligtas nawa siya! Pinagpala siya na dumarating sa pangalan ni Jehova,+ ang Hari ng Israel!”+ 14  Nang makakita si Jesus ng isang batang asno, sumakay siya rito,+ gaya ng nasusulat: 15  “Huwag kang matakot, anak na babae ng Sion. Tingnan mo! Ang iyong hari ay dumarating na nakasakay sa bisiro ng isang asno.”+ 16  Noong una, hindi ito naintindihan ng mga alagad niya,+ pero nang luwalhatiin na si Jesus,+ naalaala nila na ang ginawa nila ay ang mismong nakasulat tungkol sa kaniya.+ 17  At patuloy na nagpapatotoo ang mga nakakita nang tawagin niya si Lazaro mula sa libingan+ at buhayin itong muli.*+ 18  Ito rin ang dahilan kaya siya sinalubong ng mga tao,* dahil narinig nila na ginawa niya ang tandang ito. 19  Kaya sinabi ng mga Pariseo sa isa’t isa: “Nakikita ba ninyo? Walang nangyayari sa mga plano natin. Tingnan ninyo! Ang buong mundo* ay sumusunod na sa kaniya.”+ 20  May ilang Griego rin na pumunta sa kapistahan para sumamba. 21  Nilapitan nila si Felipe+ na mula sa Betsaida ng Galilea at hiniling sa kaniya: “Ginoo, gusto naming makita si Jesus.” 22  Pinuntahan ni Felipe si Andres+ at sinabi ito sa kaniya. Pumunta naman sina Andres at Felipe kay Jesus, at sinabi nila ito sa kaniya. 23  Pero sinabi ni Jesus sa kanila: “Dumating na ang oras para luwalhatiin ang Anak ng tao.+ 24  Tinitiyak ko sa inyo, kung hindi mahulog sa lupa ang isang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong isang butil lang; pero kung mamatay ito,+ mamumunga ito ng marami. 25  Ang sinumang nagmamahal sa buhay* niya ay pupuksa rito, pero kung napopoot ang isa sa buhay* niya+ sa mundong ito, maiingatan niya ito para sa buhay na walang hanggan.+ 26  Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin, sumunod siya sa akin, at kung nasaan ako ay naroon din ang aking lingkod.+ Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin, pararangalan siya ng Ama. 27  Ngayon ay nababagabag ako,*+ at ano ang dapat kong sabihin? Ama, iligtas mo ako mula sa oras na ito.+ Pero ito ang dahilan kung bakit ako dumating, para harapin ang oras na ito. 28  Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” At isang tinig+ ang nanggaling sa langit: “Niluwalhati ko ito at luluwalhatiing muli.”+ 29  Narinig iyon ng mga naroroon at sinabing kulog iyon. Sinabi naman ng iba: “Kinausap siya ng isang anghel.” 30  Sinabi ni Jesus: “Ang tinig na iyon ay ipinarinig para sa inyo at hindi para sa akin.+ 31  Ngayon ay may paghatol sa mundong* ito; ngayon ay palalayasin ang tagapamahala ng mundong* ito.+ 32  Pero kung itataas ako mula sa lupa,+ ilalapit ko sa akin ang lahat ng uri ng tao.”+ 33  Sinasabi niya ito para ipahiwatig kung anong uri ng kamatayan ang malapit na niyang danasin.+ 34  Sumagot ang mga tao: “Narinig namin mula sa Kautusan na ang Kristo ay nananatili magpakailanman.+ Bakit mo sinasabi na kailangang itaas ang Anak ng tao?+ Sino ang tinutukoy mong Anak ng tao?” 35  Kaya sinabi ni Jesus: “Makakasama ninyo ang liwanag nang kaunting panahon pa.+ Lumakad kayo habang nasa inyo pa ang liwanag, para hindi kayo madaig ng kadiliman; sinumang lumalakad sa kadiliman ay hindi nakaaalam kung saan siya papunta.+ 36  Habang nasa inyo ang liwanag, manampalataya kayo sa liwanag, para kayo ay maging mga anak ng liwanag.”+ Pagkasabi nito, umalis si Jesus at nagtago sa kanila. 37  Kahit gumawa siya ng napakaraming tanda* sa harap nila, hindi sila nanampalataya sa kaniya, 38  kaya natupad ang sinabi ni Isaias na propeta: “Jehova, sino ang nanampalataya sa sinabi namin?+ At kanino ipinakita ni Jehova ang lakas niya?”+ 39  Sinabi muli ni Isaias ang dahilan kung bakit hindi sila naniniwala: 40  “Binulag ko ang mga mata nila at pinatigas ang mga puso nila, para hindi makakita ang mga mata nila at hindi makaunawa ang mga puso nila at hindi sila manumbalik at hindi ko sila mapagaling.”+ 41  Sinabi ito ni Isaias tungkol sa Kristo dahil nakita niya ang kaluwalhatian nito.+ 42  Gayunman, marami pa ring tagapamahala ang nanampalataya sa kaniya.+ Pero dahil sa takot sa mga Pariseo, hindi nila ito ipinapakita para hindi sila matiwalag mula sa sinagoga;+ 43  dahil mas mahalaga sa kanila na maluwalhati ng tao kaysa maluwalhati ng Diyos.+ 44  Gayunman, sinabi ni Jesus: “Ang sinumang nananampalataya sa akin ay hindi lang sa akin nananampalataya, kundi sa nagsugo rin sa akin;+ 45  at sinumang nakakakita sa akin ay nakakakita rin sa nagsugo sa akin.+ 46  Dumating ako sa mundo* bilang liwanag+ para hindi manatili sa kadiliman ang bawat isa na nananampalataya sa akin.+ 47  Pero kung ang sinuman ay nakarinig sa mga pananalita ko at hindi tumupad sa mga iyon, hindi ko siya hahatulan; dahil dumating ako, hindi para hatulan ang sangkatauhan,* kundi para iligtas ang sangkatauhan.+ 48  May isa na hahatol sa sinumang nagwawalang-halaga sa akin at hindi tumatanggap sa mga pananalita ko. Ang mensahe na ipinahayag ko ang hahatol sa kaniya sa huling araw.+ 49  Dahil hindi ko sariling ideya ang sinasabi ko, kundi sa Ama na nagsugo sa akin. Siya ang nag-utos sa akin kung ano ang sasabihin at ituturo ko.+ 50  At alam kong ang utos niya ay umaakay sa buhay* na walang hanggan.+ Kaya anuman ang sinasabi ko, iyon mismo ang sinabi sa akin ng Ama.”+

Talababa

Lit., “na ibinangon ni Jesus mula sa mga patay.”
O “nakahilig sa mesa na.”
Lit., “na ibinangon niya mula sa mga patay.”
Lit., “at ibangon mula sa mga patay.”
Mga pumunta sa kapistahan.
O “sanlibutan.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
O “sanlibutang.”
O “sanlibutang.”
O “himala.”
O “sanlibutan.”
O “sanlibutan.”
O “ay buhay.”

Study Notes

Anim na araw bago ang Paskuwa: Malamang na dumating si Jesus sa Betania nang magsimula na ang Sabbath noong Nisan 8 (pagkalubog ng araw). Pagkatapos ng Sabbath (sa simula ng Nisan 9), naghapunan siya sa bahay ni Simon na ketongin, kasama nina Marta, Maria, at Lazaro.—Ju 12:2-11; tingnan ang study note sa Mat 26:6 at Ap. A7 at B12.

Betania: Tingnan ang study note sa Mat 21:17.

Lazaro: Tingnan ang study note sa Luc 16:20.

hapunan: Hapunan sa bahay ni Simon na ketongin, pagkalubog ng araw sa pasimula ng Nisan 9.—Mat 26:6; Mar 14:3.

Maria: Ang kapatid nina Marta at Lazaro. (Ju 11:1, 2) Siya ang “babae” na tinutukoy sa kaparehong ulat sa Mat 26:7 at Mar 14:3.

libra: Ang terminong Griego na liʹtra ay karaniwan nang sinasabing ang Romanong libra (mula sa salitang Latin na libra). Kaya ito ay mga 327 g (11.5 oz).—Tingnan ang Ap. B14.

mabangong langis . . . napakamamahalin: Makikita sa ulat ng Juan na sinabi ni Hudas Iscariote na puwedeng ibenta ang langis na ito sa halagang “300 denario.” (Ju 12:5) Katumbas iyan ng mga isang-taóng sahod ng karaniwang trabahador. Sinasabing ang mabangong langis na ito ay galing sa mabangong halaman (Nardostachys jatamansi) na matatagpuan sa kabundukan ng Himalaya. Ang nardo ay karaniwan nang hinahaluan, o pinepeke pa nga, pero parehong binanggit nina Marcos at Juan na puro ang langis na ginamit ni Maria.—Mar 14:3; tingnan sa Glosari, “Nardo.”

ibinuhos iyon sa mga paa ni Jesus: Tingnan ang study note sa Mar 14:3.

malapit nang magtraidor sa kaniya: Ang dalawang pandiwang Griego na ginamit dito (ang isa ay isinaling “malapit nang” at ang isa naman ay “magtraidor”), na parehong nasa panahunang pangkasalukuyan, ay nagpapahiwatig na hindi biglaan ang pagtatraidor ni Hudas kay Jesus kundi napag-isipan. Sinusuportahan iyan ng ulat sa Ju 6:64.—Tingnan ang study note sa Ju 6:64.

300 denario: Tingnan ang study note sa Mar 14:5.

paghahanda sa araw ng aking libing: Tingnan ang study note sa Mat 26:12.

naroon: Sa Betania.—Ju 12:1.

Kinabukasan: Umaga ng Nisan 9, 33 C.E. Nagsimula ang Nisan 9 sa takipsilim ng sinundang araw. Nang gabing iyon, naghapunan si Jesus sa bahay ni Simon na ketongin.—Tingnan ang study note sa Ju 12:1 at Ap. B12.

kapistahan: Gaya ng makikita sa konteksto, ang kapistahang ito ay tumutukoy sa Paskuwa. (Ju 11:55; 12:1; 13:1) Noong panahon ni Jesus, ang Paskuwa, na ipinagdiriwang nang Nisan 14, at ang Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa, na ipinagdiriwang naman mula Nisan 15 hanggang 21 (Lev 23:5, 6; Bil 28:16, 17; tingnan ang Ap. B15), ay masyado nang napag-ugnay kaya ang buong walong araw, mula Nisan 14 hanggang 21, ay itinuturing na lang na iisang kapistahan. (Luc 22:1) May binanggit si Josephus na “walong-araw na kapistahan, na tinatawag na kapistahan ng tinapay na walang pampaalsa.”—Tingnan ang Ap. B12.

Iligtas nawa siya: Tingnan ang study note sa Mat 21:9.

Jehova: Sa pagsiping ito sa Aw 118:25, 26, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. A5 at C.

gaya ng nasusulat: Ang siniping bahagi na mababasa sa Ju 12:15 ay kinuha sa Zac 9:9.

anak na babae ng Sion: Tingnan ang study note sa Mat 21:5.

bisiro ng isang asno: Anak ng asno. Bisiro lang ang binanggit nina Marcos (11:2), Lucas (19:35), at Juan nang iulat nila ang pangyayaring ito. Pero mababasa sa ulat ni Mateo (21:2-7) na naroon din ang magulang na asno.—Tingnan ang study note sa Mat 21:2, 5.

libingan: O “alaalang libingan.”—Tingnan sa Glosari, “Alaalang libingan.”

Griego: Maraming kolonyang Griego sa Palestina noong unang siglo, pero sa konteksto, lumilitaw na tumutukoy ang terminong ito sa mga Griegong proselita, o mga Griegong nakumberte sa relihiyon ng mga Judio. Kapansin-pansin na inihula ni Jesus sa Ju 12:32: “Ilalapit ko sa akin ang lahat ng uri ng tao.”

maglilingkod: Ang pangngalang Griego na di·aʹko·nos, na isinaling lingkod (o, “ministro”) sa talatang ito, ay kaugnay ng pandiwang Griego na di·a·ko·neʹo na ginamit dito. Kadalasan nang ginagamit ng Bibliya ang salitang Griego na di·aʹko·nos para tumukoy sa mga patuloy na naglilingkod sa iba nang mapagpakumbaba.—Tingnan ang study note sa Mat 20:26.

isang tinig: Ito ang huli sa tatlong pagkakataong iniulat sa mga Ebanghelyo na direktang nakipag-usap si Jehova sa mga tao. Ang unang pagkakataon ay nang bautismuhan si Jesus noong 29 C.E., at mababasa ito sa Mat 3:16, 17; Mar 1:11; at Luc 3:22. Ang ikalawa ay nang magbagong-anyo si Jesus noong 32 C.E., na makikita naman sa Mat 17:5; Mar 9:7; at Luc 9:35. At ang ikatlo, na mababasa lang sa Ebanghelyo ni Juan, ay nangyari noong 33 C.E., nang malapit na ang huling Paskuwa ni Jesus. Sinagot ni Jehova ang hiling ni Jesus na luwalhatiin Niya ang Kaniyang pangalan.

palalayasin: Inihula ni Jesus na darating ang panahon na patatalsikin si Satanas bilang tagapamahala ng mundong ito.

ang tagapamahala ng mundong ito: May katulad itong ekspresyon sa Ju 14:30 at 16:11, at tumutukoy ito kay Satanas na Diyablo. Sa kontekstong ito, ang terminong ‘mundo’ (sa Griego, koʹsmos) ay tumutukoy sa lipunan ng tao na malayo sa Diyos at hindi kumikilos kaayon ng kalooban niya. Hindi Diyos ang dahilan kung bakit masama ang mundong ito. Ang totoo, ito ay “nasa ilalim ng kapangyarihan ng isa na masama.” (1Ju 5:19) Si Satanas at ang kaniyang “hukbo ng napakasasamang espiritu sa makalangit na dako” ang di-nakikitang “mga tagapamahala [isang anyo ng salitang Griego na ko·smo·kraʹtor] ng madilim na sanlibutang ito.”—Efe 6:11, 12.

itataas ako mula sa lupa: Lumilitaw na tumutukoy sa pagbitay kay Jesus sa tulos, gaya ng makikita sa sumunod na talata.

lahat ng uri ng tao: Sinabi ni Jesus na ilalapit niya sa kaniya ang lahat ng uri ng tao, anuman ang kanilang nasyonalidad, lahi, o katayuan sa buhay. (Gaw 10:34, 35; Apo 7:9, 10; tingnan ang study note sa Ju 6:44.) Kapansin-pansin na sa pagkakataong ito, “may ilang Griego” na sumasamba sa templo na gustong makita si Jesus. (Tingnan ang study note sa Ju 12:20.) Sa maraming Bibliya, ang pagkakasalin sa salitang Griego na pas (“lahat; bawat”) ay nagpapahiwatig na bawat tao ay ilalapit ni Jesus sa sarili niya. Pero hindi iyan kaayon ng iba pang bahagi ng Kasulatan. (Aw 145:20; Mat 7:13; Luc 2:34; 2Te 1:9) Kahit ang salitang Griegong ito ay literal na nangangahulugang “lahat; bawat isa” (Ro 5:12), malinaw na makikita sa Mat 5:11 at Gaw 10:12 na puwede rin itong mangahulugang “bawat uri” o “iba’t ibang klase.” Kaya ganiyan din ang salin na makikita sa maraming Bibliya.—Ju 1:7; 1Ti 2:4.

Jehova: Sa pagsiping ito mula sa Isa 53:1, isang beses lang lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo ang pangalan ng Diyos, sa pariralang “kanino ipinakita ni Jehova ang lakas niya?” Pero lumilitaw na sumipi si Juan sa salin ng Septuagint ng hulang ito ni Isaias, kung saan ang tekstong Griego ay nagsimula sa isang anyo ng salitang Kyʹri·os (Panginoon), na ginagamit sa pakikipag-usap sa Diyos. (Tingnan ang Ro 10:16, na sumipi rin sa Isa 53:1.) Posibleng idinagdag ng mga tagapagsalin ng Septuagint ang unang paglitaw ng pangalan ng Diyos para maging malinaw sa mga mambabasa na ang Diyos ang tinatanong ng propeta. Ang Kyʹri·os sa mas bagong mga kopya ng Septuagint ay kadalasan nang ipinampapalit sa Tetragrammaton na lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo (gaya ng ginawa sa pangalawang paglitaw ng Kyʹri·os sa pagsiping ito). Kaya ginamit sa saling ito ang pangalan ng Diyos. Maraming saling Hebreo ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (may code na J12, 14, 16-18, 22, 23 sa Ap. C4) ang gumamit ng pangalan ng Diyos sa unang paglitaw ng Kyʹri·os sa Ju 12:38.

ipinakita ni Jehova ang lakas niya: Lit., “ipinakita ni Jehova ang bisig niya.” Sa pagsiping ito sa Isa 53:1, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw nang isang beses sa orihinal na tekstong Hebreo. (Tingnan ang study note sa unang paglitaw ng Jehova sa talatang ito at ang Ap. A5 at C.) Ang terminong Hebreo at Griego para sa “bisig” ay kadalasan nang ginagamit sa Bibliya para tumukoy sa paggamit ng lakas o kapangyarihan. Sa pamamagitan ng mga tanda at himala ni Jesus, naipakita ni Jehova ang “bisig” niya, o ang kaniyang lakas at kapangyarihan.

Isaias . . . nakita niya ang kaluwalhatian nito: Sa pangitain ni Isaias sa langit, kung saan nakaupo si Jehova sa kaniyang matayog na trono, tinanong ni Jehova si Isaias: “Sino ang magdadala ng mensahe namin?” (Isa 6:1, 8-10) Ang paggamit ng panghalip na pangmaramihan na “namin” ay nagpapakitang may kasama ang Diyos sa pangitaing ito. Kaya makatuwirang isipin na nang isulat ni Juan na ‘nakita ni Isaias ang kaluwalhatian’ ng Kristo, tumutukoy ito sa kaluwalhatian ni Jesus noong nasa langit siya kasama ni Jehova bago siya bumaba sa lupa. (Ju 1:14) Kaayon ito ng iba pang teksto, gaya ng Gen 1:26, kung saan sinabi ng Diyos: “Gawin natin ang tao ayon sa ating larawan.” (Tingnan din ang Kaw 8:30, 31; Ju 1:1-3; Col 1:15, 16.) Binanggit ni Juan na may sinabi si Isaias tungkol sa Kristo, dahil ang malaking bahagi ng isinulat ni Isaias ay nakapokus sa inihulang Mesiyas.

tagapamahala: Dito, ang salitang Griego para sa “tagapamahala” ay lumilitaw na tumutukoy sa mga miyembro ng mataas na hukuman ng mga Judio, ang Sanedrin. Ang termino ay ginamit sa Ju 3:1 para tumukoy kay Nicodemo, isang miyembro ng hukumang iyon.—Tingnan ang study note sa Ju 3:1.

matiwalag mula sa sinagoga: Tingnan ang study note sa Ju 9:22.

hahatulan: Tingnan ang study note sa Ju 3:17.

Media

Puno ng Palma
Puno ng Palma

Noong panahon ng Bibliya, maraming palmang datiles (Phoenix dactylifera) sa Israel at sa kalapít na mga lugar. Ang mga palma ay sinasabing nabubuhay sa baybayin ng Lawa ng Galilea, pati na sa mas mababang bahagi ng mainit na Lambak ng Jordan. Napakaraming ganitong puno sa Jerico, na tinatawag na “lunsod ng mga puno ng palma.” (Deu 34:3; Huk 1:16; 3:13; 2Cr 28:15) Ang isang palmang datiles ay puwedeng tumaas nang hanggang 30 m (100 ft). Ang mga sanga nito ay puwedeng humaba nang 3 hanggang 5 m (10 hanggang 16 ft). Nangunguha ang mga Judio ng mga sanga ng palma kapag ipinagdiriwang nila ang masayang Kapistahan ng mga Kubol. (Lev 23:39-43; Ne 8:14, 15) Ang paggamit ng mga sanga ng palma ng mga taong sumalubong kay Jesus bilang “Hari ng Israel” ay maliwanag na lumalarawan sa pagpuri at pagpapasakop nila sa posisyon niya bilang hari. (Ju 12:12, 13) Ang “malaking pulutong” sa Apo 7:9, 10 ay inilalarawan din na ‘may hawak na mga sanga ng palma’ bilang pasasalamat sa pagliligtas ng Diyos at ng Kordero.

Bisiro, o Batang Asno
Bisiro, o Batang Asno

Ang asno ay kapamilya ng kabayo at may matigas na paa; pero mas maliit ito, mas maigsi ang buhok sa batok, at mas mahaba ang tainga kaysa sa kabayo. Mas maigsi rin ang buhok nito sa buntot, at ang dulong bahagi lang ng buntot nito ang makapal ang balahibo. Kahit madalas gamitin ang asno para ilarawan ang kamangmangan at katigasan ng ulo, mas matalino ito kaysa sa kabayo at karaniwan nang matiisin. Sumasakay sa asno ang mga lalaki at babae, kahit pa ang prominenteng mga Israelita. (Jos 15:18; Huk 5:10; 10:3, 4; 12:14; 1Sa 25:42) Noong hihirangin na si Solomon bilang hari, sumakay siya sa alaga ng kaniyang amang si David, sa isang babaeng mula na anak ng kabayo at lalaking asno. (1Ha 1:33-40) Dahil si Jesus ang mas dakilang Solomon, tinupad niya ang hula sa Zac 9:9 sa pamamagitan ng pagsakay sa batang asno, hindi sa kabayo.