Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Krisis sa Tubig—Ano ang Ginagawang Solusyon?

Krisis sa Tubig—Ano ang Ginagawang Solusyon?

Krisis sa Tubig​—Ano ang Ginagawang Solusyon?

Buong daigdig ang apektado ng krisis sa tubig. Isinasapanganib nito ang kalusugan ng bilyun-bilyong tao sa lupa. Anu-anong hakbang ang ginagawa para hindi magkaubusan ng suplay ng tubig?

TIMOG APRIKA: “May Suplay Na ng Tubig ang Mahihirap ng Durban,” ang sabi ng ulong balita sa magasing Science. Ayon sa artikulo, ilang dekada nang nagtitiis sa kakarampot na suplay ng tubig ang mahihirap na tagaroon dahil sa nabuwag na sistemang apartheid ng nakaraang mga gobyerno. Sinabi sa artikulo na noong 1994, “sangkapat ng isang milyong pamilya sa Durban ang walang malinis na tubig o tamang sanitasyon.”

Para masolusyonan ang problema, sinimulan noong 1996 ng isang inhinyero ang isang programa na magsusuplay ng mga 200 litro ng tubig araw-araw sa bawat pamilya. Ang resulta? “Halos 120,000 ng 3.5 milyong residente ng Durban ay makakakuha na ng malinis na tubig,” ang ulat ng Science. Kahit paano, malapit na ngayon ang igiban ng tubig​—napakalaking kaibahan sa dating kalagayan na kailangan pa nilang lumakad nang mahigit isang kilometro para lang umigib ng tubig.

Ipinaliwanag ng magasing Science na para malutas ang problema sa sanitasyon, ang “sinaunang ‘hukay’ na mga palikuran” ay pinalitan ng “mga urine-diversion (UD) double-pit toilet, na naghihiwalay ng ihi at dumi para mas madaling matuyo at mabulok ang dumi.” Pagpasok ng 2008, humigit-kumulang 60,000 na ang nailagay na palikurang UD, bagaman tinataya nang taong iyon na aabutin pa ng dalawang taon bago malagyan ng angkop na palikuran ang lahat ng bahay.

Brazil: Sa lunsod ng Salvador, daan-daang bata ang dumaranas ng mga sakit na nauugnay sa diarrhea dahil walang sistema ng imburnal at palikuran. a Para masolusyonan ito, ang lunsod ay naglagay ng 2,000 kilometro ng imburnal para sa mahigit 300,000 bahay. Ang resulta? Bumaba nang 22 porsiyento ang nagkasakit ng diarrhea sa buong lunsod at 43 porsiyento sa mga lugar na dating napakaraming nagkakasakit nito.

India: Sa ilang bahagi ng daigdig, may mga panahong sagana sa tubig; subalit hindi ito laging naiipon para mapakinabangan. Pero noong 1985, isang grupo ng kababaihang Indian, sa distrito ng Dholera sa hilagang-kanlurang estado ng Gujarat, ang nakaisip ng kakaibang paraan para makaipon ng tubig. Bumuo sila ng grupo para gumawa ng isang malaking tipunan na kasinlaki ng palaruan ng football. Nilatagan nila ito ng makapal na plastik para hindi tumagas ang tubig. Nagtagumpay sila sa kanilang proyekto. Sa katunayan, ilang buwan matapos ang sumunod na tag-ulan, may tubig pa rin sila​—kahit “namigay pa sila.”

Chile: Ang bansang ito sa Timog Amerika ay may habang 4,265 kilometro mula Baybaying Pasipiko sa kanluran hanggang Kabundukan ng Andes sa silangan. Kailangang kumuha ng permiso mula sa Estado para sa suplay ng tubig at bago makapagtayo ng mga dam at kanal. Ang resulta? Sa ngayon, 99 na porsiyento ng mga nakatira sa lunsod at 94 na porsiyento ng mga nakatira sa probinsiya ang may sapat na tubig.

Ang Talagang Solusyon

Bawat bansa ay waring may kani-kaniyang paraan ng pagharap sa krisis sa tubig. Sa ilang bansa kung saan madalas humihip ang malakas na hangin, gumagamit ng windmill para makakuha ng tubig at lumikha ng elektrisidad. Sa mayayamang bansa, nakita na maganda ring solusyon ang desalinization (pag-aalis ng alat sa tubig-dagat para mapakinabangan). Sa maraming lugar, iniipon ang mga tubig ng ilog at tubig-ulan sa malalaking dam​—isang hakbang na epektibo rin naman, bagaman mga 10 porsiyento ng tubig sa mga imbakan sa maiinit na lugar ang nawawala dahil sa ebaporasyon.

Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova, ang mga naglathala ng magasing ito, na nasa kamay ng Diyos, hindi ng tao, ang talagang solusyon sa krisis sa tubig. Sinasabi ng Bibliya: “[Sa Diyos na] Jehova ang lupa at ang lahat ng naririto, ang mabungang lupain at ang mga tumatahan dito. Sapagkat inilagay niya ito nang matatag sa ibabaw ng mga dagat, at pinananatili niya itong nakatatag nang matibay sa ibabaw ng mga ilog.”​—Awit 24:1, 2.

Oo, ipinagkatiwala ng Diyos sa tao ang pangangalaga sa planetang ito. (Genesis 1:28) Pero ang maling pangangasiwa ng tao sa likas-yaman ng lupa​—pati na ang masaklap na resulta nito​—ay lalo pang nagpapatunay na “hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.”​—Jeremias 10:23.

Ano ang gagawin ni Jehova para maibalik sa sakdal na kalagayan ang lupa? Tinitiyak sa atin ng Bibliya na layunin niyang ‘gawing bago ang lahat ng bagay.’ (Apocalipsis 21:5) Isip-isipin ang isang daigdig na wala nang kahirapan, tagtuyot, at kakapusan sa tubig. Isip-isipin ang isang daigdig na wala nang baha, na sanhi ng pagkamatay ng libu-libong tao sa ngayon taun-taon. Sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang Kaharian, tutuparin ng Diyos ang marami niyang pangako! Si Jehova mismo ang nagsabi: “Magiging gayon ang aking salita na lumalabas sa aking bibig. Hindi ito babalik sa akin nang walang resulta, kundi gagawin nga nito yaong kinalulugdan ko, at ito ay tiyak na magtatagumpay sa bagay na pinagsuguan ko nito.”​—Isaias 55:11.

Gusto mo bang matuto nang higit pa tungkol sa layunin ng Diyos na ayusin ang ating lupa, gaya ng mababasa sa kaniyang Salita, ang Bibliya? Ipaliliwanag ng kasunod na artikulo kung paano mo ito magagawa.

[Talababa]

a Taun-taon sa buong daigdig, mga 1.6 milyong bata ang namamatay dahil sa mga sakit na nauugnay sa diarrhea. Mas marami pa iyan sa kabuuang bilang ng mga namamatay dahil sa AIDS, tuberkulosis, at malarya.

[Blurb sa pahina 5]

“Kung saan walang tubig, walang buhay. . . . Nabubuhay tayo sa biyaya ng tubig.”​—Michael Parfit, manunulat para sa National Geographic

[Blurb sa pahina 6]

Sanlibong tonelada ng tubig ang kailangan para makaani ng isang tonelada ng butil

[Blurb sa pahina 6]

“Ang 70 porsiyento ng tubig sa daigdig ay ginagamit sa irigasyon.”​—Plan B 2.0, ni Lester R. Brown

[Graph/Mga larawan sa pahina 7]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Gaano karami ang tubig-tabang?

Kabuuang dami ng tubig

97.5% Tubig-alat

2.5% Tubig-tabang

Tubig-tabang

99% Nasa mga glacier at iceberg o nasa ilalim ng lupa

1% Paghahati-hatian ng halos pitong bilyon katao at bilyun-bilyong iba pang nilalang

[Larawan sa pahina 7]

Pagkakabit ng mga tubo para maglaan ng malinis na tubig sa Durban, Timog Aprika

[Credit Line]

Courtesy eThekwini Water and Sanitation Programme

[Larawan sa pahina 7]

Mga babaing nagtatrabaho sa isang proyekto para maipon ang tubig-ulan sa Rajasthan, India, noong 2007

[Credit Line]

© Robert Wallis/Panos Pictures

[Larawan sa pahina 7]

Mga taganayon na nagtatrabaho para sa bagong sistema ng pagsusuplay ng tubig sa kanilang lugar malapit sa Copán, Honduras

[Credit Line]

© Sean Sprague/SpraguePhoto.com