Kapos Na ba Tayo sa Tubig?
Kapos Na ba Tayo sa Tubig?
Ayon sa isang kasabihang Uzbek, “kapag tubig ang naglaho, susunod ka nang maglalaho.” Sinasabi ng ilang eksperto na parang inihula ng kasabihang ito ang nangyayari sa ngayon. Taun-taon, mga dalawang milyon ang namamatay dahil sa di-ligtas na sanitasyon at maruming tubig, at 90 porsiyento ng mga biktima ay mga bata.
PAANO ka nakakakuha ng tubig? Isang pihit mo lang ba sa gripo, may tubig ka na? O, gaya ng karaniwan sa ilang bansa, kailangan mo bang maglakad nang pagkalayu-layo, pumila, bago ka makauwi bitbit o pasan-pasan ang mabigat na timba ng mahalagang tubig? Inaabot ka ba nang kung ilang oras bawat araw para lang makaipon ng sapat na tubig para sa paglalaba at pagluluto? Sa maraming bansa, ganiyan kahirap makakuha ng tubig! Sa kaniyang aklat na Water Wars—Drought, Flood, Folly, and the Politics of Thirst, sinabi ni Diane Raines Ward na 40 porsiyento ng populasyon sa daigdig ang “umiigib ng tubig mula sa mga balon, ilog, maliit na lawa, o sa mga lubak na may tubig.” Sa ilang bansa, ang mga babae ay gumugugol nang hanggang anim na oras sa pag-iigib ng tubig para sa kanilang pamilya at hirap na hirap sa pagbubuhat ng mga lalagyan na mahigit 20 kilo kapag puno.
Sa katunayan, mahigit sangkatlo ng populasyon sa daigdig ang dumaranas ng matinding krisis sa tubig at sanitasyon. Napakalubha ng problema sa Aprika kung saan 6 sa 10 katao ang wala man lamang maayos na palikuran—isang bagay na, ayon sa ulat ng World Health Organization, sanhi ng “pagkalat ng baktirya, mga virus at parasito mula sa dumi ng tao na . . . nagpaparumi sa pinagkukunan ng tubig, sa lupa at pagkain.” Ayon sa ulat, ang gayong kontaminasyon ay “pangunahing sanhi ng diarrhoea, ang pangalawa sa
pinakakaraniwang sanhi ng pagkamatay ng mga bata sa papaunlad na mga bansa, at sanhi ng iba pang pangunahing mga sakit gaya ng kolera, schistosomiasis, at trachoma.”Ang tubig ay binansagang gintong likido, ang langis ng ika-21 siglo. Pero gayon na lamang ang pag-aaksaya ng mga bansa sa napakahalagang tubig na ito kaya halos wala nang gaanong dumadaloy na tubig mula sa kanilang malalaking ilog papuntang dagat. Dahil sa irigasyon at ebaporasyon ng tubig, natutuyo ang malalaking ilog, kabilang na ang Ilog Colorado sa kanlurang Estados Unidos, ang Yangtze sa Tsina, ang Indus sa Pakistan, ang Ganges sa India, at ang Nilo sa Ehipto. Ano ang ginagawa para kahit paano ay masolusyonan ang krisis? Ano ba talaga ang solusyon?
[Kahon/Larawan sa pahina 3]
NASASAID ANG SUPLAY NG TUBIG
◼ “Ang Dagat Aral sa Sentral Asia ang ikaapat sa pinakamalaking lawa sa planeta noong 1960. Pagsapit ng 2007, 10 porsiyento na lang ang natitira sa dati nitong laki.”—Scientific American.
◼ “Nakaaalarma ang bilis” ng pag-urong ng limang Great Lakes ng Estados Unidos at Canada—Erie, Huron, Michigan, Ontario, at Superior.—The Globe and Mail.
◼ Noon, ang gilingan ng palay ng Deniliquin sa Australia ay nagkikiskis ng sapat na dami ng butil para matustusan ang 20 milyon katao. Pero ngayon, bumaba nang 98 porsiyento ang ani ng palay, at nagsara ang gilingan noong Disyembre 2007. Ang dahilan? “Anim na taon na mahabang tagtuyot.”—The New York Times.
[Larawan]
Isang barkong inabandona sa natuyong Dagat Aral
[Credit Line]
© Marcus Rose/Insight/Panos Pictures
[Kahon/Mga mapa sa pahina 4]
‘NATUTUYO ANG MGA ILOG AT BATIS’
“Hirap na ngayon ang mga astronot na makita ang Lawa ng Chad ng Aprika, ang dati nilang palatandaan kapag umiikot sa lupa. Ang lawa, na napalilibutan ng [Cameroon,] Chad, Niger, at Nigeria . . . , ay umurong nang 95 porsiyento mula noong dekada ng 1960. Dahil sa lumalaking pangangailangan para sa irigasyon sa lugar na iyon, ang mga ilog at batis, na pinagmumulan ng tubig ng lawa, ay natutuyo. Kaya baka di-magtagal ay mabura na sa mapa ang Lawa ng Chad at hindi na makita ng susunod na mga henerasyon.”—Plan B 2.0—Rescuing a Planet Under Stress and a Civilization in Trouble, ni Lester R. Brown.
[Mga mapa]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
■ Tubig
☒ Pananim
□ Lupa
1963
NIGER
CHAD
Lawa ng Chad
NIGERIA
CAMEROON
2007
NIGER
CHAD
Lawa ng Chad
NIGERIA
CAMEROON
[Credit Line]
NASA/U.S. Geological Survey