Ang mga Kabataan ay Nagtatanong
Dapat ba Kaming Mag-break?
“Sa tatlong buwan na magkasintahan kami, ang sarap-sarap ng pakiramdam. Parang siguradung-sigurado nang kami ang magkakatuluyan at magsasama habambuhay.”—Jessica. a
“Crush na crush ko siya noon pa, at makalipas ang ilang taon, napansin din niya ako! Gusto kong magkaroon ng boyfriend na mas matanda sa akin at mag-aalaga sa akin.”—Carol.
Sa kalaunan, nagpasiya sina Jessica at Carol na makipag-break sa kanilang boyfriend. Bakit? Nakakapanghinayang ba ang ginawa nila?
HALOS isang taon na kayong magkasintahan. Sa umpisa, sigurado kang “siya na” ang gusto mong makasama habambuhay. b Kung minsan nga, kinikilig ka kapag naalaala mo kung paano kayo nagkagustuhan. Pero ngayon, nagdadalawang-isip ka na. Dapat mo bang ipagwalang-bahala ang mga pag-aalinlangang iyon? Paano mo malalaman kung dapat kayong mag-break?
Una, dapat mong harapin ang katotohanan: Ang pagwawalang-bahala sa masasamang palatandaan sa isang relasyon ay gaya ng pagwawalang-bahala sa babalang mga signal sa dashboard ng iyong sasakyan. Hindi mawawala ang problema; malamang na lumala pa nga ito. Anu-ano ang ilan sa masasamang palatandaan sa isang relasyon na mahalagang bigyan mo ng pansin?
Ang bilis ng takbo ng mga pangyayari. Puwedeng magkaroon ng problema kapag masyadong mabilis ang pagliligawan. “Magka-chat kami sa Internet, nagpapadala ng e-mail sa isa’t isa, at nag-uusap sa telepono,” ang naalaala ni Carol. “Mas matindi ang epekto ng mga pamamaraang iyon ng komunikasyon kaysa sa harapang pag-uusap, kasi mas madali ninyong masasabi ang inyong niloloob at mas mabilis na mahuhulog ang loob ninyo sa isa’t isa!” Huwag dayain ang inyong sarili—bigyan ng pagkakataon ang inyong sarili na makilala ang isa’t isa nang lubusan. Ang isang relasyon ay hindi dapat maging parang damo na mabilis tumubo at pagkatapos ay matutuyo. Sa halip, dapat na gaya ito ng isang mahalagang halaman na kailangan ng panahon para lumago.
Mapamuna siya at mapanlait. “Lagi akong minamaliit ng naging boyfriend ko,” ang sabi ng kabataang si Ana, “pero gustung-gusto ko naman siyang kasama.” Sinabi pa niya, “Hindi ko sukat-akalain na hinayaan ko siyang gawin sa akin iyon!” Hinahatulan ng Bibliya ang “mapang-abusong pananalita.” (Efeso 4:31) Ang mapanlait na mga salita—kahit pa binigkas nang mahinahon at hindi pasigaw—ay hindi dapat marinig sa dalawang taong nagmamahalan.—Kawikaan 12:18.
Sumpungin siya at madaling mag-init ang ulo. “Ang taong may kaunawaan ay malamig ang espiritu,” Kawikaan 17:27. Nakita ni Erin na may problema ang boyfriend niya pagdating sa bagay na iyan. “Kapag hindi kami nagkakasundo, itinutulak niya ako,” ang sabi niya, “kaya kung minsan puro ako pasâ.” Sinasabi ng Bibliya sa mga Kristiyano: “Ang lahat ng mapait na saloobin at galit at poot . . . ay alisin mula sa inyo.” (Efeso 4:31) Ang isang taong kulang ng pagpipigil sa sarili ay hindi pa handang makipag-date.—2 Timoteo 3:1, 3, 5.
ang sabi ngIsinisekreto niya ang aming relasyon. “Ayaw ng boyfriend ko na malaman ng iba na nagde-date kami,” ang naalaala ni Angela. “Nagalit pa nga siya nang malaman ito ng tatay ko!” Siyempre, baka naman may makatuwirang dahilan ang magkasintahan kaya gusto nila ng privacy. Pero ang pagsesekreto—ang sadyang paglilihim ng inyong relasyon sa mga taong may karapatang makaalam tungkol dito—ay malamang na mauwi sa problema.
Wala siyang planong mag-asawa. Para sa mga Kristiyano, ang pakikipag-date ay may marangal na layunin—matulungan ang isang kabataang lalaki at babae na malaman kung gusto nga nilang sila ang magkatuluyan. Siyempre, hindi naman ibig sabihin na gagawa na kayo ng mga plano sa kasal sa unang pagde-date pa lamang ninyo. Sa katunayan, hindi naman nakakatuluyan ng marami ang una nilang naging ka-date. Tandaan din na hindi dapat makipag-date ang isa kung hindi pa siya handa na gampanan ang mga pananagutan ng isang may-asawa.
Lagi kaming away-bati. Sinasabi ng Kawikaan 17:17: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon.” Hindi naman ibig sabihin nito na lagi kayong magkasundo. Pero kung lagi na lang kayong nagbe-break at nagbabalikan, may malalim na problemang kailangang ayusin, gaya ng napag-isip-isip ni Ana. “Napakadalas naming mag-break ng boyfriend ko kaya ang bigat-bigat ng loob ko!” ang sabi niya. “Lagi ko na lang inaayos ang isang relasyon na mas maganda sana kung wala na lang.”
Pinipilit niya akong makipag-sex. “Kung mahal mo ako, papayag ka.” “Kailangang may mangyari na sa relasyon natin.” “Hindi naman tayo aktuwal na magtatalik kaya hindi talaga ito sex.” Ganiyan ang karaniwang mga linya ng mga lalaki para mapapayag ang mga babae na makipag-sex sa kanila. Sinasabi ng Santiago 3:17: “Ang karunungan mula sa itaas una sa lahat ay malinis.” Hindi karapat-dapat sa iyo ang isang boyfriend na hindi malinis sa moral at hindi gumagalang sa iyong mga pamantayan. Huwag kang papayag sa kung sinu-sino na lang!
Binabalaan na nila ako tungkol sa kaniya. Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga balak ay nabibigo dahil sa walang nagpapayo, ngunit magtatagumpay sila kung maraming tagapayo.” (Kawikaan 15:22, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) “Hindi mo puwedeng ipagwalang-bahala ang opinyon ng iyong pamilya at matatagal nang mga kaibigan, kung paanong hindi mo rin puwedeng ipagwalang-bahala ang mga pagdududa sa isip mo,” ang sabi ni Jessica. “Kung pilit mong ipinagwawalang-bahala ang sinasabi ng iba, lalo mo lang pinahihirapan ang sarili mo.”
Ang mga binanggit sa itaas ay ilan lamang sa masasamang palatandaan na hindi magiging maganda ang inyong pagsasama. c Kung may boyfriend ka, may ganito ka rin bang mga problema sa kaniya? Isulat sa ibaba ang anumang ikinababahala mo.
․․․․․
Kung Paano Makikipag-break
Paano kung nakita mo na makabubuting tapusin na ang inyong relasyon. Paano mo ito
gagawin? May iba’t ibang paraan, pero mahalagang tandaan ang mga sumusunod.Lakasan ang iyong loob. “Nakadepende na ako sa boyfriend ko kaya takót akong iwan siya,” ang sabi ng kabataang si Trina. Hindi madaling sabihin na kailangan na ninyong tapusin ang relasyon. Pero mas mabuti nang magsalita ka kaysa manahimik. (Kawikaan 22:3) Tutulong ito para makapagtakda ka ng mga pamantayan kung ano ang ipahihintulot mo at hindi ipahihintulot na gawin ng iyong kasintahan—at, sa kalaunan, ng iyong mapapangasawa.
Maging makonsiderasyon. Kung ikaw ang nasa kalagayan ng iyong boyfriend, ano ang gusto mong maging pakikitungo sa iyo? (Mateo 7:12) Hindi naman talaga kabaitan na basta padalhan siya ng e-mail, text message, o voice mail na nagsasabing “Break na tayo!”
Pumili ng tamang lugar at pagkakataon. Dapat ba kayong mag-usap nang harapan o sa telepono? Dapat ka bang sumulat o kailangan kayong mag-usap? Depende iyan sa situwasyon. Hindi kayo dapat magkita sa isang lugar na magsasapanganib ng kaligtasan mo, at hindi rin katalinuhan na mag-usap kayo sa lugar na walang ibang tao kung saan maaaring mapukaw ang maling mga pagnanasa.—1 Tesalonica 4:3.
Magsabi nang tapat. Sabihin ang totoo kung bakit nadarama mong dapat na kayong mag-break. Kung sa tingin mo ay hindi na tama ang paraan ng pakikitungo sa iyo ng boyfriend mo, sabihin ito sa kaniya. Sa halip na manisi, sabihin ang nadarama mo. Halimbawa, sa halip na sabihing, “Lagi mo akong ipinapahiya,” sabihing, “Napapahiya ako kapag . . .”
Makinig ka rin. Baka naman hindi lang kayo nagkaunawaan? Huwag kang padadala sa pambobola, pero maging makatuwiran ka rin naman at isaalang-alang ang lahat ng detalye. Isang katalinuhan na sundin ang payo ng Bibliya sa mga Kristiyano na “maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.”—Santiago 1:19.
Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype
[Mga talababa]
a Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.
b Bagaman ang mga impormasyon sa artikulong ito ay iniharap mula sa pananaw at kalagayan ng isang babae, ang mga simulain dito ay kapit din sa mga lalaki.
c Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Gumising!, isyu ng Mayo 2007, pahina 18-20.
PAG-ISIPAN
◼ Isulat sa ibaba ang iniisip mong mahahalagang katangian ng gusto mong maging ka-date. ․․․․․
◼ Anu-anong katangian ang ayaw mo? ․․․․․
[Kahon sa pahina 20]
ANG PIPILIIN MONG MAGING KA-DATE AY DAPAT NA . . .
□ kapananampalataya mo.—1 Corinto 7:39.
□ gumagalang sa iyong mga pamantayan sa moral.—1 Corinto 6:18.
□ makonsiderasyon sa iyo at sa iba.—Filipos 2:4.
□ may mabuting reputasyon.—Filipos 2:20.
[Kahon sa pahina 20]
MAG-ISIP-ISIP KA NA KUNG GANITO ANG BOYFRIEND MO . . .
□ lagi niyang iginigiit na siya ang masunod.
□ lagi ka niyang kinokonsiyensiya at ipinadaramang mahina ang ulo mo o wala kang halaga.
□ inilalayo niya ang loob mo sa iyong mga kaibigan at kapamilya.
□ lagi niyang inaalam kung nasaan ka.
□ pinagbibintangan ka niyang nakikipagligaw-biro gayong wala naman siyang basehan.
□ pinagbabantaan ka niya o binibigyan ng ultimatum.
[Larawan sa pahina 19]
Ang pagwawalang-bahala sa masasamang palatandaan sa isang relasyon ay gaya ng pagwawalang-bahala sa babalang mga signal sa “dashboard” ng iyong sasakyan
CHECK OIL