Limot Nang mga Alipin ng South Seas
Limot Nang mga Alipin ng South Seas
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA FIJI
SABIK na sabik ang mga tao nang may pumasok na dalawang barko sa lawa ng kanilang liblib na isla ng korales sa gawing Pasipiko. Mga ilang taon bago nito, isang nakaligtas sa nawasak na barko ang nagbigay sa bawat pamilya sa islang iyon ng ilang pahinang pinilas mula sa kaniyang Bibliya. Buong-pananabik na binasa ng mapagpakumbabang mga taong iyon ang mga pahina at mula noon ay inasam-asam na nila ang pagdating ng isang gurong Kristiyano.
Ngayon, ipinangangako sa kanila ng dumadalaw na mga mandaragat na ito na dadalhin daw sila sa isang lugar kung saan marami pa silang matututuhan tungkol sa Diyos. Nagtiwala naman ang mga 250 lalaki at babae at sumakay sila sa barko, hawak-hawak pa ng marami sa kanila ang pinakaiingatang mga pahina ng Bibliya.
Pero biktima sila ng tusong panlilinlang. Pagsakay na pagsakay sa barko, iginapos sila, isiniksik sa ibabang kubyerta, at ibiniyahe nang pagkalayu-layo hanggang sa daungan ng Callao sa Timog Amerika. Marami ang namatay sa paglalayag dahil napakarumi ng barko. Marami rin ang hinalay. Ang mga nakaligtas naman sa paglalayag ay ipinagbili at ginawang alipin sa mga plantasyon at minahan o kaya nama’y mga katulong sa bahay, at hindi na sila kailanman nakabalik pa sa kanilang isla.
Kung Paano Nagsimula ang Bentahan ng mga Alipin sa Timog Pasipiko
Nagsimula ang pangingidnap sa mga tagaisla ng Timog Pasipiko noong ika-19 na siglo at umabot hanggang sa pasimula ng ika-20 siglo. Noong unang mga taon ng dekada ng 1860, libu-libong tagaisla ang dinala sa Timog Amerika. Nang sumunod na dekada naman, maraming tagaisla ang dinala sa gawing kanluran, sa Australia. Noong 1867, inialok ni Ross Lewin, dating kabilang sa Hukbong-Dagat ng Britanya, sa mga may-ari ng plantasyon ng tubó at bulak, ang “pinakamahuhusay at pinakamasisipag na katutubo sa isla sa halagang 7 [pound] bawat isa.”
Hindi nagtagumpay ang mga pagsisikap ng Colonial Office ng Britanya na patigilin ang pagkidnap sa mga tagaisla ng Timog Pasipiko. Mahirap kasing ipatupad ang batas ng Britanya sa mga bansang sakop ng ibang gobyerno. Bukod diyan, hindi kumpletong isinasaad sa batas ng Britanya kung ano ang saklaw ng pang-aalipin. Kaya naman pagdating sa korte, nakakalusot sa kaso ang mga sangkot sa bentahan ng mga alipin. Ikinakatuwiran nila na ang mga tagaislang ito—bagaman nilinlang at dinukot—ay hindi talaga mga alipin kundi mga bayarang trabahador na nasa ilalim ng kontrata at pauuwiin din naman. Sinasabi pa nga ng ilan na ginagawan daw nila ng pabor ang mga dating paganong ito dahil isinasailalim nila ang mga ito sa batas ng Britanya at tinuturuang magtrabaho! Kaya
naman pansamantalang lumaganap ang bentahan ng mga alipin.Nagbago ang Takbo ng mga Pangyayari
Dahil sa mababait na mamamayang tahasang tumututol sa bentahan ng mga alipin, nagbago ang takbo ng mga pangyayari. Bagaman may ilang tagaisla na kusang sumasama, hindi na kinunsinti ang pangingidnap, pati na ang pang-aabuso gaya ng paghagupit at paghehero, o ang nakagigitlang kalagayang nararanasan ng ilang trabahador sa kanilang tinitirhan at pinagtatrabahuhan.
Lalo pang tumindi ang kampanya para sa pagbabago nang si J. C. Patteson, isang Anglikanong obispo—na tahasang kumokontra sa bentahan ng mga alipin—ay paslangin ng mismong mga tagaisla na sinisikap niyang protektahan. Ginamit ng mga nagbebenta ng alipin ang kanilang karaniwang modus operandi na panlilinlang. Ginaya nila ang barko ni Patteson at pumunta sila sa isla. Pagdating ng barko, pinaakyat ang mga tagaisla para makipagkita raw sa obispo. Hindi na muling nakita ang mga ito. Natural lamang na magalit ang pulutong at gusto nilang gumanti, kaya pagdating ng totoong Patteson, pinaslang siya ng mga tagaisla. Dahil sa insidenteng iyon—at sa tumitinding protesta ng publiko—nagtalaga ang Britanya at Pransiya ng kanilang mga barko sa Pasipiko para patigilin ang mga pang-aabuso.
Ang mga gobyerno ng New South Wales at Queensland sa Australia ay nakipagtulungan sa Colonial Office sa pamamagitan ng paggawa ng bagong mga batas para ihinto ang mga pang-aabuso at kontrolin ang pangangalakal ng bayarang mga trabahador na nasa ilalim ng kontrata. Nag-atas ng mga inspektor, at nagtalaga ng mga kinatawan ng gobyerno sa mga barkong ginagamit sa pangangalap ng mga trabahador. Naging matagumpay ang kampanyang ito, kasi kahit marami ang nakalusot sa di-epektibong batas laban sa pang-aalipin, may mga nahatulan naman sa kasong pangingidnap at pagpaslang. Nagbago ang situwasyon sa South Seas noong huling dekada ng ika-19 na siglo. Malaki ang ibinaba ng mga kaso ng pangingidnap at kumaunti ang mga “nakalap” pagsapit ng ika-20 siglo.
Noong 1901, ang imigrasyon sa buong bansa ay kinontrol ng bagong pambansang parlamento, ang Commonwealth ng Australia. Ang mga patakaran nito ay batay sa opinyon ng publiko, na tumututol na noon sa pagpasok ng banyagang mga trabahador, palibhasa’y nangangamba ang marami sa kanila na mawawalan ng trabaho ang lokal na mga manggagawa. Hindi na tinanggap sa bansa ang mga tagaisla ng South Seas, bayarang mga trabahador man sila o hindi. Libu-libo ang sapilitang pinauwi, at nagdulot ito ng mas matinding trahedya, yamang naiwan ng marami sa mga ito ang kanilang mga mahal sa buhay.
Inalaala ang Limot Nang mga Alipin
Noong Setyembre 2000, ang gobyerno ng estado ng Queensland ay nagpalabas ng isang opisyal na pahayag na ginawang permanenteng displey. Kinilala nito ang papel na ginampanan ng mga tagaisla ng South Seas sa pag-unlad ng ekonomiya, kultura, at rehiyon ng Queensland. Pero nagpahayag din ito ng kalungkutan sa pagmamaltratong dinanas ng mga tagaisla.
Sa buong kasaysayan, marami ang nagkamal ng yaman kapalit ng buhay at kalayaan ng ibang tao. Ipinangangako ng Bibliya na sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, wala nang daranas ng gayong kawalang-katarungan. Oo, ang magiging mga sakop sa lupa ng makalangit na pamahalaang iyon ay “uupo . . . bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila.”—Mikas 4:4.
[Dayagram/Mapa sa pahina 24]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Dinala sa Australia at Timog Amerika ang mga alipin
KARAGATANG PASIPIKO
MICRONESIA
MARSHALL ISLANDS
New Guinea
SOLOMON ISLANDS
TUVALU
AUSTRALIA KIRIBATI
QUEENSLAND VANUATU
NEW SOUTH WALES NEW CALEDONIA TIMOG AMERIKA
Sydney ← FIJI → Callao
SAMOA
TONGA
COOK ISLANDS
FRENCH POLYNESIA
Easter Island
[Picture Credit Line sa pahina 24]
National Library of Australia, nla.pic-an11279871