Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
◼ “Noong ika-20 siglo, 100 milyon ang namatay dahil sa paninigarilyo.”—WORLD HEALTH ORGANIZATION, SWITZERLAND.
◼ “Sa halos 9000 pasyente na inoperahan sa puso sa [United Kingdom] mula 1996 hanggang 2003, ang mga nagpasalin ng pulang selula ay tatlong ulit na mas nanganib mamatay makalipas ang isang taon at halos anim na ulit namang mas nanganib mamatay sa loob ng 30 araw matapos ang operasyon kung ihahambing sa mga hindi nagpasalin.”—NEW SCIENTIST, BRITANYA.
Panahon ng Kapayapaan?
“Ang Pasko ay isa sa pinakamalaking selebrasyon natin,” pero isa rin itong “panahon ng alitan,” ang sabi ng Vi Föräldrar, isang magasing Sweko para sa mga magulang. Sa katunayan, ang mga pamilya ay “mas madalas mag-away at magbangayan [kung Pasko] kaysa sa anumang panahon.” Tinanong ng magasin ang mahigit 1,100 magulang na may maliliit na anak tungkol sa kanilang mga karanasan sa panahon ng Kapaskuhan. Mga 88 porsiyento ang nagsabi na ang kanilang pamilya ay nag-aaway dahil hindi sila magkasundo “kung paano at kung saan ipagdiriwang ang Pasko.” Marami ang naiinis sa mga lolo’t lola dahil pinalalaki ng mga ito sa layaw ang kanilang mga apo sa pamamagitan ng pagbibigay ng kendi at di-kinakailangang mga regalo.
May Higit na Kaligayahan sa Pagbibigay
“Mapaliligaya ka ng pera—kung mamimigay ka,” ang sabi ng ulong balita ng The Globe and Mail ng Canada. Bagaman iniisip ng karamihan sa mga sinurbey na magiging mas maligaya sila kapag ginamit nila ang kanilang pera para sa kanilang sarili, ang mga gumamit ng kanilang pera para tumulong sa iba—gaano man kaliit ang halaga—ang talagang nagsabi na naging mas maligaya sila. “Hindi garantiya ng kaligayahan ang kayamanan, gaya ng ipinakikita ng napakaraming pag-aaral,” ang sabi ng pahayagan. “Kapag may sapat nang pera ang mga tao para mabili ang pangunahin nilang mga pangangailangan, ang pagkakaroon ng higit pang pera ay hindi na makadaragdag pa sa kanilang kaligayahan.”
Makabibili Ka Nito sa Internet!
Sinubukang alamin ng mga opisyal ng gobyerno ng Estados Unidos kung posibleng “makabili [ang kanilang potensiyal na mga kaaway] ng sensitibong mga kagamitan ng militar” sa pamamagitan ng Internet, ang sabi ng magasing New Scientist. “Nagulat sila nang matuklasan nila kung gaano ito kadaling gawin.” Gamit ang kilalang mga Web site, hindi sila nahirapang bumili ng “mga kasuutang pangmilitar ng [Estados Unidos],” ng “gamít nang kasuutang pamproteksiyon sa mga sandatang nuklear, biyolohikal, at kemikal,” mga piyesa ng eroplanong pandigma, at “iba pang sensitibong mga kagamitan.” Hindi alam kung paano nakakakuha ng gayong mga kagamitan ang mga nagbebenta, pero may ilan nang “iniimbestigahan ngayon sa mga kasong kriminal,” ang sabi ng magasin.
Sinauna at Napakatibay na Pandikit
Noong sinaunang panahon, ang helmet na isinusuot ng Romanong opisyal kapag may parada ay nilalagyan ng pandekorasyong pilak na mga dahon ng laurel gamit ang isang napakatibay na pandikit. Iyan ang di-sinasadyang natuklasan ni Frank Willer, chief restorer ng Rhineland Museum sa Bonn, Alemanya. Gumamit siya ng isang pinong lagari para kumuha ng kapirasong sampol na metal mula sa isang bakal na helmet na ginawa noon pang unang siglo B.C.E. at di-kukulangin sa 1,500 taon nang nasa pinakasahig ng Ilog Rhine. “Dahil sa init na likha ng pinong lagari, natanggal ang pagkakadikit ng pilak na mga dahon ng laurel mula sa helmet at naiwan ang tulad-hiblang mga bakas ng pandikit,” ang paliwanag niya. Ipinakikita ng pagsusuri na ang matibay na pandikit ay gawa mula sa bitumen, alkitran mula sa balat ng kahoy, at sebo ng baka.