Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga “Minero” ng Asin sa Sahara

Mga “Minero” ng Asin sa Sahara

Mga “Minero” ng Asin sa Sahara

HABANG nagbibiyahe, may nakikita kaming mga poste sa kahabaan ng lansangan. Palatandaan ng daan ang mga posteng ito kapag medyo natabunan ang kalsada dahil sa bagyo ng buhangin. Pangkaraniwan na kasi ang gayong mga bagyo dito sa Disyerto ng Sahara.

Ang kalsadang binabagtas namin ay isang sinaunang rutang dinaraanan ng mga kamelyo na nag-uugnay sa lunsod ng Agadez, sa hilagang Niger, at sa Algeria. Pupunta kami sa isang lugar na 200 kilometro sa hilagang-kanluran ng Agadez​—ang Teguidda-n-Tessoumt, isang maliit na nayon na parang dulo na ng mundo. May 50 pamilyang nakatira roon na kumukuha ng mahalagang asin mula sa luwad ng Sahara, gamit ang pamamaraang natutuhan nila mula pa sa kanilang mga ninuno.

Gawang-Taong mga Burol at mga Tipunang Kulay Pastel

Natatanaw namin ang maliliit na burol sa disyertong kapatagan, na siyang palatandaan ng aming destinasyon. Inihinto ng giya ang sasakyan malapit sa isang burol na sampung metro ang taas at niyaya kaming umakyat sa taluktok ng burol na ito para masilayan ang nayon. Habang paakyat kami, ipinaliwanag niya na ang inaakyat namin at ang iba pang mga burol ay hindi likas na mga burol, kundi naipong luwad na itinambak ng mga “nagmimina” ng asin sa loob ng maraming taon.

Mula sa taluktok ng burol ay aliw na aliw kami sa ganda ng tanawin. Halos lahat ng bagay sa nayon ay kulay hinurnong luwad​—ang lupa, mga pader, at ang mga bubong ng bahay. Ang naiiba lang ay ang berdeng dahon ng dalawang puno na nakatayong parang mga tanod sa magkabilang dulo ng nayon. Sa katunayan, gawa sa luwad ang mga bakod at bahay dito. Ang halos iisang kulay ng mga gusali ay ibang-iba sa sari-saring kulay pastel ng daan-daang tipunan. Abalang-abala ang mga tao sa lugar na ito​—mga lalaki, babae, at mga bata​—lahat ay kumakayod nang husto.

Kakaibang “Pagmimina” ng Asin

Habang pababa kami ng burol, ipinaliwanag ng aming giya ang sinaunang pamamaraang ginagamit ng mga taganayon sa pagkuha ng asin. “May dalawang uri lamang talaga ng tipunan,” ang sabi niya. “Sa mas malalaking tipunan, na mga dalawang metro ang diyametro, unang isinasalin ang maalat na tubig. Sa maliliit na tipunan naman pinasisingaw ang tubig. Ang mismong tubig mula sa 20 bukal sa lugar na iyon ay maalat. Pero hindi tubig ang pangunahing pinagmumulan ng asin kundi ang lupa, at iyan ang kaibahan ng prosesong ito ng pagkuha ng asin.” Paano ba talaga nakakakuha ng asin mula sa lupa?

Nakita namin ang isang lalaking nagtatambak ng lupa sa malaking tipunan na punô ng tubig mula sa bukal. Tinatapak-tapakan niya ang inihalo niyang lupa na parang nagyuyurak ng ubas sa pisaan. Nang husto na ang pagkakahalo, iniwan niya ito nang ilang oras para tumining. Sa paligid niya, maraming iba pang malalaking tipunan na may gayunding halo. Ang laman ng bawat tipunan ay kulay kayumanggi na iba’t iba ang tingkad dahil nagbabago ang kulay ng mga tipunan habang tumitining ang putik.

Sa di-kalayuan, sinasalok naman ng isang lalaki ang maalat na tubig mula sa malaking tipunan gamit ang calabash​—isang kasangkapang gawa sa balat ng isang klase ng upo​—at isinasalin sa maliliit na tipunan. Mga lalaki ang karaniwang gumagawa nito. Sila rin ang nagmamantini sa mga tipunan. Ang ilan sa mga tipunang ito ay likas na mga hukay sa lupa, samantalang ang iba naman ay inuka sa bato. Kung hindi naman puwedeng gumawa ng uka, ang mga lalaki ay nagtatambak ng luwad para gawing pabilog na pilapil sa ibabaw ng patag na bato. Manu-mano nilang ginagawa ang pilapil at pinupukpok ito ng kahoy hanggang sa masiksik. Taun-taon, kailangang kumpunihin o itayong muli ang mga tipunang ito.

Ano naman ang ginagawa ng mga babae? Sila ang naghahakot ng maalat na lupa para tiyaking hindi mauubusan ng lupang gagamitin. Sila rin ang kumukuha ng namuong asin mula sa maliliit na tipunan. Pagkatapos, nililinis nilang mabuti ang mga tipunan para muling magamit.

Ang mga bata naman ay patakbu-takbo at palipat-lipat sa maliliit na tipunan. Binabantayan nila ang pagkatuyo ng mga tipunan. Habang sumisingaw ang tubig, nabubuo ang suson ng asin sa ibabaw. Kung hahayaan ito, hindi magtutuluy-tuloy ang ebaporasyon. Kaya winiwisikan ng mga bata ng tubig ang ibabaw nito para magkabitak-bitak ang suson at lumubog. Magpapatuloy ang ebaporasyon hanggang sa mahalagang asin na lamang ang matira.

Bakit sari-sari at magaganda ang kulay ng mga tipunan? Ipinaliwanag ng aming giya: “May tatlong pangunahing uri ng luwad, o putik, sa lugar na ito, at bawat isa ay nakadaragdag ng kulay sa tubig. Bukod diyan, nagbabago ang kulay ng mga ito depende sa alat ng tubig at lupa. Ang ilang tipunan naman ay may mga lumot na nagbibigay-kulay sa tubig.” Napansin din namin na nagbabago ang kulay ng mga tipunan habang nagbabago ang anggulo ng repleksiyon ng nakapapasong sinag ng araw.

Pera sa Asin

Sa nayon, ang nakuhang mamasa-masang asin ay ginagawang hugis-tinapay at ibinibilad ng kababaihan sa nagbabagang sikat ng araw. Wala nang iba pang dinaraanang proseso ang asin, kaya nananatili itong kulay kayumanggi. Napansin namin na binubuo ng kababaihan ang asin sa tatlong hugis​—biluhaba, bilog, at tatsulok. Ayon sa isa sa mga babae, ang mga biluhaba at bilog ay pambenta, samantalang ang tatsulok ay panregalo.

Sino ang bumibili sa asin? Ang mga pagala-gala at mangangalakal ng asin. Dumaraan sila sa Teguidda-n-Tessoumt para kumuha ng asin na ito kapalit ng dala nilang pagkain at iba pang paninda. Karamihan sa asin ay ibinebenta sa mga pamilihan sa mas malalaking bayan sa hangganan ng disyerto. Ang asing ito na hindi dumaan sa iba pang proseso ay hindi naman para sa tao. Sa halip, inihahalo ito sa pagkain ng mga alagang hayop.

Nang pabalik na kami sa sasakyan, nakita namin ang isang lalaki na nag-aalis ng naiwang luwad mula sa malaking tipunan. Hinakot niya ito at itinambak sa burol. Habang papalayo kami, nasa isip pa rin namin ang mga burol na ito na siyang naiwang bakas ng mga henerasyon ng mga “nagmimina” ng asin na namuhay, nagtrabaho, at namatay sa Teguidda-n-Tessoumt.​—Ipinadala.

[Blurb sa pahina 22]

“Hindi tubig ang pangunahing pinagmumulan ng asin kundi ang lupa, at iyan ang kaibahan ng prosesong ito ng pagkuha ng asin”

[Mapa sa pahina 21]

Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

SAHARA

NIGER

Agadez

Teguidda-n-Tessoumt

[Credit Line]

Based on NASA/Visible Earth imagery

[Larawan sa pahina 23]

Pagkuha ng mahalagang asin mula sa luwad ng Sahara

[Credit Line]

© Victor Englebert

[Larawan sa pahina 23]

Iba-iba ang kulay ng mga tipunan kung saan pinasisingaw ang tubig

[Credit Line]

© Ioseba Egibar/age fotostock

[Larawan sa pahina 23]

Natutuyo sa sikat ng araw ang asin na hugis-tinapay