May Nagdisenyo ba Nito?
Tuka ng Toucan
◼ Ang toucan ng Sentral at Timog Amerika ay hindi magaling lumipad kaya palagi itong palukso-lukso. Ang huni ng ilang uri ng ibong ito ay parang kokak ng palaka pero mas malakas. Sa katunayan, kapag nasa gubat, dinig pa rin ito kahit isang kilometro na ang layo. Pero ang unang-unang hinahangaan ng mga siyentipiko sa toucan ay ang tuka nito.
Pag-isipan: Ang tuka ng ilang toucan ay mahigit sangkatlo ng haba ng katawan nito. Mukha itong mabigat pero hindi naman. “Ang tuka nito ay nababalot ng keratin, na siya ring bumubuo sa mga kuko at buhok,” ang paliwanag ng materials scientist na si Marc André Meyers. “Binubuo ito ng maraming suson ng maliliit na platong may anim na gilid, anupat patung-patong na gaya ng mga tisang pambubong.”
Ang tuka ng toucan ay katulad ng matigas na espongha. May mga bahagi ito na hungkag, o walang laman, samantalang ang ibang bahagi naman ay may patung-patong na mga suson na may mga suporta. Dahil dito, napakagaan ng tuka nito pero napakatibay. “Para bang napakaraming alam ng toucan tungkol sa mechanical engineering,” ang sabi ni Meyers.
Bale-wala sa toucan ang mabagsak o mabangga dahil sa kayarian ng tuka nito. Naniniwala ang mga siyentipiko na ang tuka ng toucan ay puwedeng gawing modelo ng mga inhinyerong gumagawa ng mga eroplano at kotse. “Ang mga panel na isinunod ang disenyo sa tuka ng toucan ay malamang na mas makapagbibigay ng proteksiyon sa mga motorista kapag sila’y nabangga,” ang sabi ni Meyers.
Ano sa palagay mo? Nagkataon lamang ba ang magaan pero matibay na tuka ng toucan? O may nagdisenyo nito?
[Dayagram/Larawan sa pahina 17]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon
Hungkag na bahagi
Kayarian na parang espongha