Tubig na Nagbibigay-Buhay
Tubig na Nagbibigay-Buhay
Naglalakbay si Jesus sa Samaria, sa hilaga ng Jerusalem. Pagod na siya at nauuhaw. Habang nakaupo sa isang balon, humingi siya ng tubig sa isang Samaritana. Nagulat ang Samaritana kung bakit ang isang Judio ay hihingi sa kaniya ng tubig, dahil noong unang siglo, hindi magkasundo ang mga Judio at mga Samaritano.
Tinanong ng nagtatakang babae si Jesus: “Paano ngang ikaw, bagaman isang Judio, ay humihingi sa akin ng maiinom, gayong isa akong babaing Samaritana?”
Sumagot si Jesus: “Kung nalaman mo ang walang-bayad na kaloob ng Diyos at kung sino itong nagsasabi sa iyo, ‘Bigyan mo ako ng maiinom,’ ay hiningan mo sana siya, at bibigyan ka niya ng tubig na buháy.”
Ipinaliwanag pa sa kaniya ni Jesus: “Bawat isa na umiinom mula sa tubig na ito ay muling mauuhaw. Ang sinumang uminom mula sa tubig na ibibigay ko sa kaniya ay hindi na kailanman mauuhaw pa, kundi ang tubig na ibibigay ko sa kaniya ay magiging isang bukal ng tubig sa kaniya na bumabalong upang magbigay ng buhay na walang hanggan.”—Juan 4:1-15.
Anong tubig ang tinutukoy ni Jesus?
SINASABI sa Bibliya na ang Maylalang, ang Diyos na Jehova, “ang bukal ng tubig na buháy.” (Jeremias 2:13) Ang buhay ay kaloob ng Diyos, at ang pag-iral natin ay nakadepende sa pagkuha natin ng tubig na inilalaan niya, sa literal at espirituwal na diwa.
Kailangang-kailangan natin ngayon ng patnubay ng Diyos. Sa katunayan, masasabing dumaranas tayo ng espirituwal na tagtuyot. Nauuhaw ang mga tao sa sagot sa mga tanong na gaya ng: Nasaan ang mga patay? Makakasama pa kaya natin sila? Bakit pinahintulutan ng Diyos ang pagdurusa? Darating kaya ang panahon na wala nang digmaan, krimen, taggutom, at sakit? Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na makukuha sa nakapagpapaginhawang “tubig” ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, ang kasiya-siyang sagot sa mga tanong na ito.
Nang makipag-usap si Jesus sa Samaritana sa balon, gaya ng binanggit sa simula, ang tinutukoy niya ay ang nagbibigay-buhay na tubig ng katotohanan mula sa Salita ng Diyos. Inaanyayahan ka ng mga Saksi ni Jehova na tikman ang dalisay na tubig ng katotohanan. Ang paanyayang ito ay mababasa sa huling aklat ng Bibliya: “Ang sinumang nauuhaw ay pumarito; ang sinumang nagnanais ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.”—Para sa higit pang kaalaman kung paano makikinabang ang mga tao sa Kaharian ng Diyos, makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa pinakamalapit na Kingdom Hall sa inyong lugar o sumulat sa angkop na adres na nakatala sa pahina 5 ng magasing ito. Puwede mo ring tingnan ang Web site na www.watchtower.org.
[Kahon sa pahina 8, 9]
NAPAWI BA NG RELIHIYON ANG PAGKAUHAW NG MGA TAO?
Ang nakapagpapaginhawang tubig ng katotohanan ay hindi makukuha sa basta pagsisimba o pag-aangking relihiyoso. Ang totoo, marami sa malalaking relihiyon sa ngayon ang nakadaragdag pa nga sa mga problema ng tao sa halip na lutasin ang mga ito. Pag-isipan ang isang halimbawa: Sa panahon ng digmaan, pumapatay ang mga Katoliko ng kapuwa Katoliko, pumapatay ang mga Protestante ng kapuwa Protestante—anupat ang bawat panig ay parehong nananalangin sa Diyos para manalo!
Nariyan din ang maraming ulat tungkol sa mga iskandalo ng simbahan kung saan nasangkot ang mga klerigo sa paglustay sa pondo ng simbahan o pag-abuso sa mga menor-de-edad. Talagang marumi ang tubig mula sa maraming relihiyon. (Apocalipsis 17:4-6; 18:1-5) Ang kalagayan ay gaya ng inilalarawan ng Bibliya sa Tito 1:16: “Hayagan nilang sinasabi na kilala nila ang Diyos, ngunit itinatatwa nila siya sa pamamagitan ng kanilang mga gawa.” Sa pangkalahatan, walang gaanong nagagawa ang relihiyon para pawiin ang pagkauhaw ng tao sa panahong ito ng espirituwal na tagtuyot.
[Kahon/Larawan sa pahina 9]
Ipinaliliwanag ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?, na may 19 na kabanata at 224 na pahina, ang sagot ng Bibliya sa mahahalagang tanong na gaya ng:
“Ano ang layunin ng Diyos para sa lupa?”
“Nasaan ang mga patay?”
“Nabubuhay na ba tayo sa ‘mga huling araw’?”
“Bakit kaya pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa?”
[Larawan sa pahina 9]
Masusumpungan mo ang ‘tubig ng katotohanan’ sa Kingdom Hall na malapit sa inyo