Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 20

AWIT BLG. 67 Ipangaral ang Salita

Patuloy Tayong Nangangaral Dahil sa Pag-ibig!

Patuloy Tayong Nangangaral Dahil sa Pag-ibig!

“Kailangan munang ipangaral ang mabuting balita sa lahat ng bansa.”​—MAR. 13:10.

MATUTUTUHAN

Kung paano makakatulong ang pag-ibig para maibigay natin ang buong makakaya natin sa gawaing pangangaral.

1. Ano ang natutuhan natin sa 2023 taunang miting?

 SA 2023 taunang miting, a sinabi ang mga bagong paliwanag sa ilang paniniwala natin. Ipinatalastas din ang malaking pagbabago sa ministeryo natin. Halimbawa, natutuhan natin na posibleng may pagkakataon pa rin ang ilan na pumanig kay Jehova kahit sa panahong nawasak na ang Babilonyang Dakila. Nalaman din natin na simula Nobyembre 2023, hindi na natin kailangang ireport ang lahat ng ginagawa natin sa ministeryo. Ibig bang sabihin nito, hindi na ganoon kahalaga at kaapurahan ang pangangaral natin? Siyempre, hindi!

2. Bakit nagiging mas apurahan ang ministeryo natin sa bawat lumilipas na araw? (Marcos 13:10)

2 Bakit nagiging mas apurahan ang ministeryo natin sa bawat lumilipas na araw? Kasi kaunting panahon na lang ang natitira. Pag-isipan ang inihula ni Jesus tungkol sa gawaing pangangaral sa mga huling araw. (Basahin ang Marcos 13:10.) Ayon sa ulat ni Mateo, sinabi ni Jesus na ipapangaral ang mabuting balita sa lahat ng bansa bago dumating “ang wakas.” (Mat. 24:14) Tumutukoy ang wakas sa panahon kung kailan aalisin na ang masamang sistema ni Satanas. Nakapagdesisyon na si Jehova kung anong “araw at oras” mangyayari ito. (Mat. 24:36; 25:13; Gawa 1:7) Sa bawat araw na lumilipas, mas lumalapit tayo sa panahong iyon. (Roma 13:11) Kaya dapat na patuloy tayong mangaral habang may panahon pa.

3. Bakit tayo nangangaral?

3 Ano ang sagot ninyo sa tanong na ‘Bakit tayo nangangaral’? Dahil sa pag-ibig. Kapag nangangaral tayo, nakikita ang pag-ibig natin—pag-ibig sa mabuting balita, pag-ibig sa mga tao, at higit sa lahat, pag-ibig kay Jehova at sa pangalan niya. Talakayin natin ngayon ang bawat isa sa mga ito.

NANGANGARAL TAYO DAHIL MAHAL NATIN ANG MABUTING BALITA

4. Ano ang reaksiyon natin kapag nakatanggap tayo ng magandang balita?

4 Ano ang naging reaksiyon mo nang makatanggap ka ng magandang balita? Halimbawa, baka nabalitaan mong magkakaroon ka ng bagong kapatid o kaya naman natanggap ka sa trabahong kailangang-kailangan mo. Siguradong excited ka na ikuwento iyan sa mga kapamilya at kaibigan mo. Ganiyan din ba ang naramdaman mo nang malaman mo ang pinakamagandang balita sa lahat—ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos?

5. Ano ang naramdaman mo nang malaman mo ang katotohanan? (Tingnan din ang mga larawan.)

5 Naaalala mo pa ba ang naramdaman mo nang malaman mo ang katotohanang nasa Bibliya? Halimbawa, nalaman mo na mayroon kang mapagmahal na Ama sa langit at na gusto niyang makasama ka sa malaking pamilya na naglilingkod sa kaniya. (Mar. 10:​29, 30; Roma 8:​38, 39) Nalaman mo rin na aalisin niya ang lahat ng problema at pagdurusa at na bubuhayin niyang muli sa Paraiso ang mga mahal mo sa buhay. (Juan 5:​28, 29; Apoc. 21:​3, 4) Maluha-luha ka ba nang malaman mo ang mga katotohanang ito? (Luc. 24:32) Siguradong nagustuhan mo ang mga natutuhan mo at hindi mo mapigilang ikuwento iyon sa iba!—Ihambing ang Jeremias 20:9.

Nang malaman natin ang mabuting balita, hindi natin mapigilang ikuwento iyon sa iba! (Tingnan ang parapo 5)


6. Ano ang natutuhan mo sa karanasan nina Ernest at Rose?

6 Tingnan ang isang karanasan. Namatay ang tatay ni Ernest b noong mga 10 taóng gulang siya. Ikinuwento niya: “Iniisip ko noon: ‘Nasa langit kaya si Tatay? O talaga bang hindi ko na siya makikita ulit?’ Naiinggit din ako sa mga bata na may tatay pa.” Laging pumupunta noon si Ernest sa puntod ng tatay niya. Lumuluhod siya doon at nananalangin, “Panginoon, gusto ko pong malaman kung nasaan ba talaga ang tatay ko.” Mga 17 taon pagkamatay ng tatay ni Ernest, may nag-alok sa kaniya ng Bible study, at tinanggap niya iyon. Tuwang-tuwa siya nang malaman niya ang sinasabi ng Bibliya na may pagkabuhay-muli at na sa ngayon, parang natutulog lang ang mga patay at wala na silang alam. (Ecles. 9:​5, 10; Gawa 24:15) Sagot iyon sa matagal nang mga tanong ni Ernest! Masayang-masaya siya sa mga nalaman niya. Nakakatuwa, nag-Bible study na rin ang asawa niyang si Rose, at nagustuhan din nito ang katotohanan. Noong 1978, nabautismuhan sila. Talagang sinikap nilang sabihin sa mga kapamilya, kaibigan, at sa lahat ng handang makinig ang natutuhan nila. Dahil dito, mahigit 70 ang natulungan nina Ernest at Rose na sumulong at magpabautismo.

7. Ano ang magiging epekto sa atin kapag tumagos sa puso natin ang mga katotohanan sa Bibliya? (Lucas 6:45)

7 Nakita natin na kapag tumagos sa puso natin ang mga katotohanan sa Bibliya, hindi natin mapipigilang sabihin ito sa iba. (Basahin ang Lucas 6:45.) Ganiyan din ang naramdaman ng mga alagad ni Jesus noong unang siglo. Sinabi nila: “Hindi namin kayang tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na nakita namin at narinig.” (Gawa 4:20) Mahal na mahal natin ang katotohanan, at gusto nating malaman ito ng mga tao.

NANGANGARAL TAYO DAHIL MAHAL NATIN ANG MGA TAO

8. Bakit gusto nating sabihin sa iba ang mabuting balita? (Tingnan ang kahong  Mahalin ang mga Tao—Gumawa ng mga Alagad.”) (Tingnan din ang larawan.)

8 Gaya ni Jehova at ni Jesus, mahal natin ang mga tao. (Kaw. 8:31; Juan 3:16) Naaawa tayo sa mga taong nabubuhay na “walang Diyos” at “walang pag-asa.” (Efe. 2:12) Nalulunod na sila sa problema, at nasa atin ang makakatulong sa kanila—ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. Mahal natin sila at nagmamalasakit tayo sa kanila, kaya ginagawa natin ang lahat para masabi sa kanila ang mabuting balita. Alam natin na magbibigay ito sa kanila ng pag-asa, tutulong sa kanila na maging masaya ngayon, at magbibigay sa kanila ng pagkakataong maranasan ang “tunay na buhay”—ang buhay na walang hanggan sa Paraiso.​—1 Tim. 6:19.

Mahal natin ang mga tao at nagmamalasakit tayo sa kanila, kaya ginagawa natin ang lahat para masabi sa kanila ang mabuting balita (Tingnan ang parapo 8)


9. Anong babala ang sinasabi natin sa mga tao, at bakit? (Ezekiel 33:​7, 8)

9 Papalapit na nang papalapit ang pagkawasak ng masamang sanlibutang ito. At dahil mahal natin ang mga tao, gusto natin silang babalaan. (Basahin ang Ezekiel 33:​7, 8.) Napakalapit na ng “malaking kapighatian na hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng mundo hanggang sa ngayon at hindi na mangyayari pang muli.” (Mat. 24:21) Hindi iyan alam ng maraming tao, kasama na diyan ang mga kapamilya nating di-Saksi. Kaya naaawa tayo sa kanila. Alam natin na sa panahong iyon, aalisin ang lahat ng huwad na relihiyon at pupuksain ang masamang sistemang ito sa Armagedon. (Apoc. 16:​14, 16; 17:​16, 17; 19:​11, 19, 20) Gusto nating malaman nila iyan. Ipinapanalangin natin na marami pa sana ang makinig sa babala at sumama sa atin sa pagsamba kay Jehova. Pero paano kung hindi sila makinig ngayon, pati na ang mga kapamilya natin?

10. Bakit mahalaga na patuloy nating babalaan ang mga tao?

10 Gaya ng tinalakay sa nakaraang artikulo, baka may mga taong manampalataya kay Jehova kapag nakita na nilang nawasak ang Babilonyang Dakila. Natutuhan natin na posible silang bigyan ng pagkakataon ni Jehova. Kaya napakahalaga na patuloy tayong magbabala sa mga tao. Pag-isipan ito: Puwede nilang maalala sa hinaharap ang sinasabi natin sa kanila sa ngayon. (Ihambing ang Ezekiel 33:33.) Hindi kaya bigla na lang nilang maisip ang mga babalang sinabi natin sa kanila, at dahil dito, sumama na rin sila sa pagsamba kay Jehova bago mahuli ang lahat? May tagapagbilanggo noon sa Filipos na nanampalataya lang pagkatapos “lumindol nang malakas.” Kaya posible rin na may mga hindi nakikinig ngayon na mananampalataya lang kapag nakita na nilang nawasak ang Babilonyang Dakila.​—Gawa 16:​25-34.

NANGANGARAL TAYO DAHIL MAHAL NATIN SI JEHOVA AT ANG PANGALAN NIYA

11. Paano tayo nakakapagbigay kay Jehova ng kaluwalhatian, karangalan, at kapangyarihan? (Apocalipsis 4:11) (Tingnan din ang mga larawan.)

11 Mahal natin ang Diyos na Jehova at ang pangalan niya. Iyan ang pinakamahalagang dahilan kung bakit tayo nangangaral. Alam nating isang paraan ang ministeryo para purihin ang minamahal nating Diyos. (Basahin ang Apocalipsis 4:11 at talababa.) Talagang sang-ayon tayo na karapat-dapat si Jehova na tumanggap ng kaluwalhatian, karangalan, at kapangyarihan mula sa mga lingkod niya. Nakakapagbigay tayo sa kaniya ng kaluwalhatian at karangalan kapag sinasabi natin sa iba ang mga patunay na siya ang ‘lumalang sa lahat ng bagay’ at na utang natin sa kaniya ang buhay natin. Naibibigay naman natin kay Jehova ang kapangyarihan natin kapag ginagamit natin nang husto ang panahon, lakas, at pag-aari natin para sa ministeryo. (Mat. 6:33; Luc. 13:24; Col. 3:23) Talagang gustong-gusto nating sabihin sa mga tao ang tungkol sa minamahal nating Diyos! Bukod diyan, gusto rin nating sabihin sa kanila ang pangalan niya at kung anong klase siya ng Diyos. Bakit?

Naibibigay natin kay Jehova ang kapangyarihan natin kapag ginagamit natin nang husto ang panahon, lakas, at pag-aari natin para sa ministeryo (Tingnan ang parapo 11)


12. Paano natin napapabanal ang pangalan ni Jehova kapag nangangaral tayo?

12 Mahal natin si Jehova kaya gusto nating mapabanal ang pangalan niya. (Mat. 6:9) Gusto nating malinis ang pangalan niya sa mga kasinungalingang ikinakalat ni Satanas tungkol sa Kaniya. (Gen. 3:​1-5; Job 2:4; Juan 8:44) Kapag nangangaral tayo, sinasabi natin sa mga taong handang makinig ang katotohanan tungkol sa Diyos natin. Gusto nating malaman ng lahat na napakamapagmahal niya at na matuwid at makatarungan ang pamamahala niya. (1 Juan 4:8) Sinasabi rin natin sa kanila na malapit nang alisin ng Kaharian niya ang lahat ng problema, kaya magiging payapa at masaya ang lahat ng tao. (Awit 37:​10, 11, 29) Kapag itinuturo natin ang mga ito sa ministeryo, napapabanal natin ang pangalan ni Jehova. Dahil din dito, nagiging masaya tayo, kasi nagagawa natin ang dapat nating gawin bilang mga Saksi niya. At isang karangalan para sa atin na tawagin sa pangalang ito. Bakit?

13. Bakit isang karangalan para sa atin na tawaging mga Saksi ni Jehova? (Isaias 43:​10-12)

13 Pinili tayo ni Jehova na maging “mga saksi” niya. (Basahin ang Isaias 43:​10-12.) Mga ilang taon na ang nakakalipas, sinabi sa isang liham ng Lupong Tagapamahala: “Wala nang hihigit pa sa karangalang matawag bilang Saksi ni Jehova.” c Bakit natin nasabi iyan? Tingnan ang isang ilustrasyon. Isiping inakusahan ka ng isang kasalanan na hindi mo naman ginawa. Ngayon, kailangan mong pumili ng tetestigo sa iyo para patunayang mali iyon. Siyempre, pipiliin mo ang taong kilala mo, pinagkakatiwalaan, at may magandang reputasyon para paniwalaan siya ng iba. Kaya nang piliin tayo ni Jehova na maging mga Saksi niya, ibig sabihin, kilala niya tayo at nagtitiwala siyang sasabihin natin sa iba na siya lang ang tunay na Diyos. Napakalaking karangalan niyan para sa atin! Kaya sinasamantala natin ang bawat pagkakataon na ipakilala siya sa iba at patunayang mali ang mga ibinibintang sa kaniya. Sa paggawa niyan, talagang masasabing mga Saksi tayo ni Jehova!—Awit 83:18; Roma 10:​13-15.

MANGANGARAL TAYO HANGGANG WAKAS

14. Ano ang inaabangan natin na posibleng mangyari sa hinaharap?

14 Talagang kaabang-abang ang mga posibleng mangyari sa hinaharap! Umaasa tayo na sa tulong ni Jehova, dadami pa ang tatanggap sa katotohanan bago magsimula ang malaking kapighatian. At natutuwa tayo na kahit sa pinakamahirap na panahong iyon sa kasaysayan, posibleng may mga tao pa rin na aalis sa sistema ni Satanas at sasama sa atin sa pagpuri kay Jehova.​—Gawa 13:48.

15-16. Ano ang patuloy nating gagawin, at hanggang kailan?

15 Pero sa ngayon, mayroon tayong dapat gawin na hindi na mauulit kahit kailan. Pribilehiyo natin ngayon na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa buong mundo. Bukod diyan, kailangan din nating patuloy na babalaan ang mga tao na malapit nang magwakas ang masamang sistemang ito. At kapag dumating na ang panahong iyon ng paghatol, malalaman nila na galing sa Diyos na Jehova ang mensaheng ipinapangaral natin.​—Ezek. 38:23.

16 Kaya ano ang determinado nating gawin? Mahal natin ang mabuting balita, ang mga tao, at higit sa lahat, ang Diyos na Jehova at ang pangalan niya. Kaya patuloy nating ibibigay ang buong makakaya natin sa pangangaral hanggang sa sabihin na ni Jehova, “Tapos na!”

AWIT BLG. 54 “Ito ang Daan”

a Ginanap ang taunang miting noong Oktubre 7, 2023 sa Newburgh Assembly Hall of Jehovah’s Witnesses sa New York, U.S.A. Ipinalabas ang buong programa sa JW Broadcasting®—ang Bahagi 1 noong Nobyembre 2023 at ang Bahagi 2 noong Enero 2024.

b Tingnan ang artikulong “Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay—Humanga Ako sa Malinaw at Makatuwirang Sagot ng Bibliya” sa Bantayan, isyu ng Pebrero 1, 2015.