Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 18

AWIT BLG. 1 Ang mga Katangian ni Jehova

Magtiwala sa Maawaing “Hukom ng Buong Lupa”!

Magtiwala sa Maawaing “Hukom ng Buong Lupa”!

“Hindi ba gagawin ng Hukom ng buong lupa kung ano ang tama?”GEN. 18:25.

MATUTUTUHAN

Kung paano natin mas mapapahalagahan ang awa at katarungan ni Jehova pagdating sa pagbuhay-muli sa mga di-matuwid.

1. Anong magandang aral ang itinuro ni Jehova kay Abraham?

 MARAMING taon na ang nakakalipas, ginamit ng Diyos ang isang anghel para sabihin kay Abraham na pupuksain Niya ang mga lunsod ng Sodoma at Gomorra. Nag-alala si Abraham, kaya itinanong niya: “Talaga bang lilipulin mo ang mga matuwid kasama ng masasama? . . . Hindi ba gagawin ng Hukom ng buong lupa kung ano ang tama?” Matiyagang itinuro ni Jehova sa kaibigan niyang si Abraham ang isang magandang aral na makakatulong din sa atin sa ngayon: Hinding-hindi pupuksain ng Diyos ang mga matuwid.​—Gen. 18:​23-33.

2. Bakit sigurado tayong laging tama at puno ng awa ang mga hatol ni Jehova?

2 Bakit sigurado tayo na kapag humahatol si Jehova, lagi niyang ginagawa ang tama at nagpapakita siya ng awa? Kasi alam nating “si Jehova ay tumitingin sa puso.” (1 Sam. 16:7) At sinasabi ng Bibliya na talagang alam niya “kung ano ang nasa puso ng bawat tao.” (1 Hari 8:39; 1 Cro. 28:9) Sinabi ni apostol Pablo tungkol sa Diyos na Jehova: “Di-maabot ng isipan ang mga hatol niya!” (Roma 11:33) Kaya baka kung minsan, hindi natin lubusang maiintindihan ang mga desisyon niya.

3-4. Ano ang posibleng maisip natin kung minsan, at ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito? (Juan 5:​28, 29)

3 Kung minsan, baka makapagtanong din tayo ng gaya ng mga tanong ni Abraham. Posibleng maisip natin: ‘May pag-asa pa ba ang mga taong pinuksa na ni Jehova, gaya ng mga nasa Sodoma at Gomorra? Posible kaya na may ilan sa kanila na makakasama sa “bubuhaying muli na mga di-matuwid”?’—Gawa 24:15.

4 Pag-uusapan natin ngayon ang tungkol sa pagkabuhay-muli. Nitong nakaraan, may mga bago tayong paliwanag tungkol sa “pagkabuhay-muli sa buhay” at ‘pagkabuhay-muli sa paghatol.’ a (Basahin ang Juan 5:​28, 29.) Dahil dito, nagkaroon ng iba pang pagbabago sa unawa natin. Sa artikulong ito at sa susunod, pag-uusapan natin kung ano ang hindi natin alam at kung ano ang alam natin pagdating sa matuwid na mga hatol ni Jehova.

KUNG ANO ANG HINDI NATIN ALAM

5. Ano ang sinasabi noon ng mga publikasyon natin tungkol sa mga pinuksa ni Jehova sa Sodoma at Gomorra?

5 Tinalakay noon sa mga publikasyon natin kung ano ang mangyayari sa mga hinatulan na ni Jehova na di-matuwid. Sinabi natin na hindi na bubuhaying muli ang mga pinuksa na ni Jehova, gaya ng mga nasa Sodoma at Gomorra. Pero pagkatapos ng maraming panalangin at pag-aaral, malinaw na hindi natin puwedeng sabihin iyan. Bakit?

6. Ano ang ilang halimbawa ng ginawang paghatol ni Jehova sa mga taong di-matuwid, at ano ang hindi natin alam?

6 Sa Bibliya, may mababasa tayong mga ulat tungkol sa ginawang paghatol ni Jehova sa mga taong di-matuwid. Halimbawa, maraming namatay noong panahon ng Baha at noong utusan ni Jehova ang mga Israelita na puksain ang mga nakatira sa pitong bansa na nasa Lupang Pangako. (Gen. 7:23; Deut. 7:​1-3) Pinatay rin ng isang anghel ni Jehova ang 185,000 sundalong Asiryano sa isang gabi lang. (Isa. 37:​36, 37) Sa mga pangyayaring ito, may sapat na impormasyon ba sa Bibliya para masabi natin na talagang hinatulan na ni Jehova ng walang-hanggang pagkapuksa ang bawat isa sa mga namatay at na wala na silang pag-asang buhaying muli? Wala.

7. Ano ang hindi natin alam tungkol sa mga taong pinuksa noong panahon ng Baha o noong sakupin ang Canaan? (Tingnan ang larawan.)

7 Sa mga halimbawang binanggit natin, hindi natin alam kung ano ang hatol ni Jehova sa bawat isa sa mga namatay. Hindi rin natin alam kung nagkaroon sila ng pagkakataong makilala si Jehova at magsisi. Totoo, tinawag ng Bibliya si Noe na “isang mángangarál ng katuwiran” noong panahon ng Baha. (2 Ped. 2:5) Pero hindi nito sinabi na sinikap niyang mapangaralan ang lahat ng tao sa buong lupa habang itinatayo niya ang arka. Tungkol naman sa mga taga-Canaan, hindi rin natin alam kung lahat ba sila, nagkaroon ng pagkakataong makilala si Jehova at magbago.

Itinatayo ni Noe at ng pamilya niya ang arka. Hindi natin alam kung nakapag-organisa ba si Noe ng pangangaral noong panahong nagtatayo sila para mababalaan nila ang lahat ng tao sa lupa bago dumating ang Baha (Tingnan ang parapo 7)


8. Ano ang hindi natin alam tungkol sa mga taga-Sodoma at Gomorra?

8 Kumusta naman ang mga taga-Sodoma at Gomorra? Tumira sa lunsod nila ang matuwid na lalaking si Lot. Pero masasabi ba nating napangaralan silang lahat ni Lot? Hindi. Masasabi rin ba natin na alam nilang lahat na mali ang ginagawa nila? Hindi rin. Isipin noong may isang grupo ng mga lalaki doon na gustong gumahasa sa mga bisita ni Lot. Sinasabi ng Bibliya na may mga bata sa grupong iyon. (Gen. 19:4; 2 Ped. 2:7) Kaya sigurado ba tayo na kahit isa sa kanila, hindi na bubuhaying muli ng maawain nating Diyos? Sinabi ni Jehova kay Abraham na hindi aabot sa 10 ang matuwid sa lunsod na iyon. (Gen. 18:32) Kaya maituturing silang di-matuwid, at pinarusahan sila ni Jehova dahil sa mga ginawa nila. Pero sigurado ba tayo na walang isa man sa kanila ang makakasama kapag ‘binuhay nang muli ang mga di-matuwid’? Hindi natin alam!

9. Ano ang hindi natin alam tungkol kay Solomon?

9 May mababasa rin tayo sa Bibliya tungkol sa mga taong matuwid na naging di-matuwid. Isa na diyan si Haring Solomon. Kilalang-kilala niya si Jehova, at marami siyang tinanggap na pagpapala noong una. Pero bandang huli, sumamba siya sa huwad na mga diyos. Dahil dito, nagalit sa kaniya si Jehova at nagdusa ang bansang Israel nang maraming taon. Totoo, sinasabi ng Bibliya na noong mamatay si Solomon, inilibing siyang kasama ng mga ama niya, gaya ng tapat na si Haring David. (1 Hari 11:​5-9, 43; 2 Hari 23:13) Dahil ba sa ganiyang paraan inilibing si Solomon, sigurado nang bubuhayin siyang muli? Walang sinasabi ang Bibliya. Pero baka ikatuwiran naman ng ilan na “ang taong namatay ay napawalang-sala na.” (Roma 6:7) Totoo naman iyan, pero hindi ibig sabihin niyan na bubuhayin nang muli ang lahat ng namatay, na para bang kapag namatay ang isa, may karapatan na siyang mabuhay ulit. Regalo ng mapagmahal nating Diyos ang pagkabuhay-muli. Ibinibigay niya iyon sa mga gusto niyang bigyan ng pagkakataon na maglingkod sa kaniya nang walang hanggan. (Job 14:​13, 14; Juan 6:44) Makakatanggap kaya si Solomon ng ganitong regalo? Si Jehova lang ang nakakaalam. Pero alam natin na gagawin ni Jehova kung ano ang tama.

KUNG ANO ANG ALAM NATIN

10. Bakit natin masasabi na hindi gusto ni Jehova na pumuksa ng mga tao? (Ezekiel 33:11) (Tingnan din ang larawan.)

10 Basahin ang Ezekiel 33:11. Makikita natin sa isinulat ni Ezekiel kung ano ang nararamdaman ni Jehova sa pagpuksa ng mga tao. Inulit pa nga iyan ni apostol Pedro: ‘Hindi gusto ni Jehova na mapuksa ang sinuman.’ (2 Ped. 3:9) Base sa mga tekstong iyan, alam natin na hinding-hindi pupuksa si Jehova nang walang dahilan kasi napakamaawain niya at nagpapakita siya ng awa hangga’t posible. Hindi ba nakakapagpatibay sa atin iyan?

Kapag binuhay nang muli ang mga di-matuwid, iba’t ibang uri ng tao ang magkakaroon ng pagkakataong makilala si Jehova (Tingnan ang parapo 10)


11. Sino ang mga hindi na bubuhaying muli, at ano ang basehan natin diyan?

11 Sino ang mga alam natin na hindi na bubuhaying muli? Tingnan natin ang ilang halimbawa sa Bibliya. b Lumilitaw na hindi na bubuhaying muli si Hudas Iscariote base sa sinabi ni Jesus. (Mar. 14:21; tingnan din ang Juan 17:12 at ang study note.) Sinadya kasi ni Hudas na kalabanin si Jehova at ang Anak Niya. (Tingnan ang Marcos 3:29 at ang mga study note.) Isa pang halimbawa ang ilan sa mga lider ng relihiyon na kumokontra kay Jesus noon. Sinabi niya na wala na silang pag-asang buhaying muli. (Mat. 23:33; tingnan ang Juan 19:11 at ang study note na “taong.”) Nagbabala rin si apostol Pablo na hindi na bubuhaying muli ang hindi nagsisising mga apostata.​—Heb. 6:​4-8; 10:29.

12. Magbigay ng halimbawa na nagpapakitang napakamaawain ni Jehova.

12 Gaya ng sinabi natin kanina, napakamaawain ni Jehova at “hindi niya gustong mapuksa ang sinuman.” Tingnan natin kung paano niya iyan ipinakita sa mga nakagawa ng malulubhang kasalanan gaya nina Haring David at Haring Manases. Nagkasala si David ng pangangalunya at pagpatay. Pero nagsisi siya, kaya pinatawad siya ni Jehova. (2 Sam. 12:​1-13) Marami ring ginawang masama si Manases. Pero kahit sobrang lala ng mga ginawa niya, pinatawad siya ni Jehova kasi nagsisi siya. (2 Cro. 33:​9-16) Itinuturo sa atin ng mga halimbawang ito na nagpapakita ng awa si Jehova kung may dahilang gawin iyon. Gaya nina David at Manases, bubuhaying muli ni Jehova ang mga taong nagkasala nang malubha pero nagsisi.

13. (a) Bakit naawa si Jehova sa mga Ninevita? (b) Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa mga Ninevita?

13 Isa pang halimbawa ang mga Ninevita. Naawa rin sa kanila si Jehova. Sinabi ng Diyos kay Jonas: “Nakita kong sobra na ang kasamaan nila.” Pero nang pagsisihan nila ang mga kasalanan nila, pinatawad sila ni Jehova. Hindi iyon matanggap ni Jonas, at nagalit siya. Kaya ipinaalala sa kaniya ni Jehova na ‘hindi man lang alam ng mga Ninevita ang kaibahan ng tama at mali.’ (Jon. 1:​1, 2; 3:10; 4:​9-11) Ginamit ni Jesus ang pangyayaring ito para ituro na maawain at makatarungan si Jehova. Sinabi ni Jesus na “bubuhaying muli sa paghuhukom” ang mga nagsising Ninevita.​—Mat. 12:41.

14. Ano ang ibig sabihin ng sinabi ni Jesus na “bubuhaying muli sa paghuhukom” ang mga Ninevita?

14 Ano ang ibig sabihin ng sinabi ni Jesus na “bubuhaying muli sa paghuhukom” ang mga Ninevita? ‘Pagkabuhay-muli sa paghatol’ ang tinutukoy ni Jesus. (Juan 5:29) Mangyayari iyan sa Sanlibong-Taóng Paghahari niya kapag binuhay nang muli ang “mga matuwid at di-matuwid.” (Gawa 24:15) Ang mga di-matuwid ay may pag-asang ‘buhaying muli tungo sa paghatol.’ Sa panahong iyon, oobserbahan sila ni Jehova at ni Jesus at titingnan kung susundin nila ang mga ituturo sa kanila. Pero kapag ayaw talagang sumunod ng isang Ninevita, pupuksain na siya ni Jehova. (Isa. 65:20) Kapag naging tapat naman ang isa kay Jehova, magkakaroon siya ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan.​—Dan. 12:2.

15. (a) Bakit hindi natin puwedeng sabihin na hindi na bubuhaying muli ang lahat ng pinuksa sa Sodoma at Gomorra? (b) Ano ang posibleng ibig sabihin ng Judas 7? (Tingnan ang kahong “ Ano ang Ibig Sabihin ni Judas?”)

15 Sinabi ni Jesus na “sa Araw ng Paghuhukom,” mas may pag-asa pa ang mga taga-Sodoma at Gomorra kaysa sa mga taong hindi naniwala sa kaniya at sa mga turo niya. (Mat. 10:​14, 15; 11:​23, 24; Luc. 10:12) Ano ang ibig sabihin ni Jesus? Baka maisip natin na hindi naman literal ang sinasabi niya at gumagamit lang siya dito ng eksaherasyon, o pagmamalabis, para ituro ang isang punto. Pero lumilitaw na literal ang sinasabi niya. Nang sabihin niyang “bubuhaying muli sa paghuhukom” ang mga Ninevita, literal iyon. At iisang “paghuhukom” lang ang tinutukoy ni Jesus sa dalawang pagkakataong ito. Gaya ng mga Ninevita, gumawa rin ng masama ang mga taga-Sodoma at Gomorra. Pero nagkaroon ng pagkakataong magsisi ang mga Ninevita. Isa pa, tandaan ang sinabi ni Jesus tungkol sa mga ‘bubuhaying muli sa paghatol.’ Kasama dito ang “mga gumawa ng masasamang bagay.” (Juan 5:29) Kaya lumilitaw na may pag-asa pa ang ilang taga-Sodoma at Gomorra. Posibleng buhaying muli ang ilan sa kanila, at baka nga magkaroon pa tayo ng pagkakataong turuan sila tungkol kay Jehova at kay Jesu-Kristo.

16. Ano ang tinitingnan ni Jehova kapag nagdedesisyon siya kung sino ang bubuhaying muli? (Jeremias 17:10)

16 Basahin ang Jeremias 17:10. Sinasabi ng tekstong ito kung ano ang alam natin tungkol sa paraan ng paghatol ni Jehova: Laging ‘sinusuri ni Jehova ang puso at kaloob-looban ng isip’ ng isang tao. Kaya kapag nagdedesisyon siya kung sino ang bibigyan niya ng pag-asang mabuhay-muli, makakasigurado tayong tatanggapin ng bawat isa kung ano ang nararapat sa kaniya. Hinding-hindi lalabagin ni Jehova ang mga matuwid na pamantayan niya kapag humahatol. Pero magpapakita siya ng awa hangga’t posible. Kaya hindi natin puwedeng sabihin na wala nang pag-asang mabuhay-muli ang isa hangga’t hindi ito malinaw na sinasabi ng Bibliya!

“GAGAWIN NG HUKOM NG BUONG LUPA KUNG ANO ANG TAMA”

17. Ano ang mangyayari sa mga taong namatay na?

17 Mula noong sumama sina Adan at Eva sa pagrerebelde ni Satanas kay Jehova, bilyon-bilyon na ang naging biktima ng kamatayan. Talagang masasabing isa itong “kaaway”! (1 Cor. 15:26) Pero ano ang mangyayari sa lahat ng taong namatay? May ilang tapat na tagasunod si Jesus na bubuhaying muli sa langit. Sinasabi ng Bibliya na 144,000 ang bilang nila. (Apoc. 14:1) Bubuhayin din ang maraming tapat na lingkod ni Jehova sa ‘pagbuhay-muli sa mga matuwid.’ Kung mananatili silang matuwid sa loob ng Sanlibong-Taóng Paghahari ni Kristo at sa huling pagsubok, mabubuhay sila magpakailanman sa lupa. (Dan. 12:13; Heb. 12:1) May bubuhayin ding mga “di-matuwid” sa panahon ng paghahari ni Kristo. Kasama dito ang mga taong hindi naging lingkod ni Jehova o ‘gumawa pa nga ng masasamang bagay.’ Bibigyan sila ng pagkakataong magbago at maging tapat na lingkod niya. (Luc. 23:​42, 43) Pero may mga hindi na bubuhaying muli si Jehova. Sila ang mga taong sobrang sama at determinadong kalabanin siya.​—Luc. 12:​4, 5.

18-19. (a) Bakit tayo makakapagtiwala sa magiging hatol ni Jehova sa mga namatay? (Isaias 55:​8, 9) (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

18 Bakit tayo nagtitiwala na kapag humatol si Jehova, laging tama ang desisyon niya? Kasi gaya ng alam ni Abraham, naniniwala rin tayo na perpekto si Jehova, siya ang pinakamarunong sa lahat, at siya ang maawaing “Hukom ng buong lupa.” Sinanay ni Jehova ang Anak niya at ipinagkatiwala dito ang lahat ng paghatol. (Juan 5:22) Parehong nakakabasa ng puso si Jehova at si Jesus. (Mat. 9:4) Kaya tama ang magiging hatol nila sa bawat tao!

19 Lagi sana tayong magtiwala na mas alam ni Jehova kung ano ang tama. Tandaan natin na hindi para sa atin ang humatol. Si Jehova na ang bahala doon! Siya ang may kakayahang gawin iyon. (Basahin ang Isaias 55:​8, 9.) Kaya magtiwala tayo sa lahat ng magiging hatol niya at ng Anak niya na inatasan niyang maging Hari; perpektong natutularan ni Jesus ang pagiging makatarungan at maawain ni Jehova. (Isa. 11:​3, 4) Paano naman ang magiging hatol ni Jehova at ni Jesus sa panahon ng malaking kapighatian? Ano ang hindi natin alam? At ano ang alam natin? Sasagutin iyan sa susunod na artikulo.

AWIT BLG. 57 Mangaral sa Lahat ng Uri ng Tao

b Tungkol kina Adan, Eva, at Cain, tingnan ang Bantayan, isyu ng Enero 1, 2013, p. 12, tlb.