Ayon kay Lucas 23:1-56

23  Kaya tumayo silang lahat at dinala siya kay Pilato.+ 2  Pagkatapos, inakusahan nila siya:+ “Inililigaw ng taong ito ang mga kababayan namin, ipinagbabawal ang pagbabayad ng buwis kay Cesar,+ at sinasabing siya ang Kristo na hari.”+ 3  Kaya tinanong siya ni Pilato: “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot siya: “Ikaw mismo ang nagsasabi.”+ 4  Sinabi ni Pilato sa mga punong saserdote at sa mga tao: “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito.”+ 5  Pero ipinipilit nila: “Sinusulsulan niya ang mga tao sa pamamagitan ng pagtuturo sa buong Judea; nagsimula siya sa Galilea at nakaabot dito.” 6  Nang marinig ito, tinanong ni Pilato kung taga-Galilea ang taong ito. 7  Pagkatapos matiyak na galing siya sa lugar na sakop ni Herodes,+ ipinadala niya si Jesus kay Herodes, na nasa Jerusalem din nang panahong iyon. 8  Nang makita ni Herodes si Jesus, tuwang-tuwa siya. Matagal na niyang gustong makita si Jesus dahil sa dami ng nababalitaan niya tungkol dito,+ at gusto niyang makitang gumawa ng himala si Jesus. 9  Kaya pinagtatanong niya si Jesus, pero hindi ito sumasagot.+ 10  Samantala, paulit-ulit na tumatayo ang mga punong saserdote at mga eskriba at galit na galit siyang inaakusahan. 11  At hinamak siya+ ni Herodes pati ng mga sundalo nito at sinuotan siya ng magarbong damit para gawin siyang katatawanan+ at saka siya ibinalik kay Pilato.+ 12  Nang mismong araw na iyon, ang dating magkaaway na sina Herodes at Pilato ay naging magkaibigan. 13  Pagkatapos, ipinatawag ni Pilato ang mga punong saserdote, mga tagapamahala, at iba pa, 14  at sinabi: “Dinala ninyo sa akin ang taong ito at sinasabi ninyong sinusulsulan niya ang mga tao na maghimagsik. Pero sinuri ko siya sa harap ninyo at wala akong makitang dahilan para hatulan ang taong ito ayon sa mga paratang ninyo sa kaniya.+ 15  Sa katunayan, wala ring nakitang kasalanan si Herodes sa kaniya, dahil ibinalik niya siya sa atin, at wala siyang anumang ginawa na karapat-dapat sa kamatayan. 16  Kaya paparusahan ko siya+ at palalayain.” 17  —— 18  Pero sumigaw ang lahat: “Patayin ang taong iyan,* at palayain si Barabas!”+ 19  (Ang lalaking ito ay nabilanggo dahil sa pagpatay at sa sedisyong naganap sa lunsod.) 20  Nagsalitang muli si Pilato sa harap nila dahil gusto niyang palayain si Jesus.+ 21  Pero sumigaw sila: “Ibayubay* siya sa tulos! Ibayubay siya sa tulos!”+ 22  Sinabi niya sa kanila sa ikatlong pagkakataon: “Bakit? Ano ba ang ginawang masama ng taong ito? Wala akong makita sa kaniya na karapat-dapat sa kamatayan;+ kaya paparusahan ko siya at palalayain.” 23  Dahil dito, lalo pa silang naging mapilit at isinisigaw nilang patayin siya,* at nangibabaw ang boses nila.+ 24  Kaya nagpasiya si Pilato na ibigay ang hinihiling nila. 25  Pinalaya niya ang lalaking gusto nilang palayain, na ibinilanggo dahil sa sedisyon at pagpatay, pero ibinigay niya sa kanila si Jesus para gawin ang gusto nila. 26  Nang dalhin nila siya, pinahinto nila si Simon na taga-Cirene, na naglalakbay mula sa lalawigan, at ipinasan nila sa kaniya ang pahirapang tulos para buhatin ito habang naglalakad kasunod ni Jesus.+ 27  Sinusundan siya ng maraming tao, kasama ang mga babae na humahagulgol habang sinusuntok ang dibdib nila sa pagdadalamhati. 28  Lumingon si Jesus sa mga babae, at sinabi niya: “Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag na kayong umiyak para sa akin. Umiyak kayo para sa inyong sarili at sa inyong mga anak;+ 29  dahil darating ang panahon kung kailan sasabihin ng mga tao, ‘Maligaya ang mga babaeng baog, ang mga sinapupunang hindi nanganak at ang mga dibdib na hindi nagpasuso!’+ 30  At sasabihin nila sa mga bundok, ‘Itago ninyo kami!’ at sa mga burol, ‘Takpan ninyo kami!’+ 31  Kung ito ang nangyayari habang buháy pa ang puno, ano na lang ang mangyayari kung tuyot na ito?” 32  Dinala rin ang dalawa pang lalaki, na mga kriminal, para pataying kasama niya.+ 33  Nang makarating sila sa lugar na tinatawag na Bungo,+ ipinako nila siya sa tulos kasama ang mga kriminal, isa sa kanan niya at isa sa kaliwa.+ 34  Pero sinabi ni Jesus: “Ama, patawarin mo sila, dahil hindi nila alam ang ginagawa nila.”+ Nagpalabunutan din sila para paghati-hatian ang damit niya.+ 35  Ang mga tao naman ay nakatayo roon at nanonood. Pero nangungutya ang mga tagapamahala at sinasabi nila: “Iniligtas niya ang iba; iligtas niya ang sarili niya kung siya nga ang Kristo ng Diyos, ang Pinili.”+ 36  Ginawa rin siyang katatawanan kahit ng mga sundalo; nilapitan siya ng mga ito, inalok ng maasim na alak,+ 37  at sinabi: “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang sarili mo.” 38  May nakasulat din sa ulunan niya: “Ito ang Hari ng mga Judio.”+ 39  At ininsulto siya ng isa sa nakabayubay na mga kriminal+ at sinabi: “Ikaw ang Kristo, hindi ba? Iligtas mo ang sarili mo, pati kami!” 40  Sinaway ito ng isa pang kriminal at sinabi: “Wala ka na ba talagang takot sa Diyos? Hinatulan ka ring mamatay tulad niya. 41  Nararapat lang na magdusa tayo dahil sa mga ginawa natin, pero ang taong ito ay walang ginawang masama.” 42  Pagkatapos, sinabi niya: “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong Kaharian.”+ 43  Sumagot si Jesus: “Sinasabi ko sa iyo ngayon, makakasama kita sa Paraiso.”+ 44  Noon ay mga ikaanim na oras na, pero nagdilim sa buong lupain* hanggang sa ikasiyam na oras,+ 45  dahil naglaho ang liwanag ng araw; at ang kurtina ng templo+ ay nahati sa gitna.+ 46  At sumigaw si Jesus: “Ama, ipinagkakatiwala ko na ang buhay ko sa mga kamay mo.”+ Pagkasabi nito, namatay siya.+ 47  Nang makita ng opisyal ng hukbo ang nangyari, niluwalhati niya ang Diyos at sinabi: “Talaga ngang matuwid ang taong ito.”+ 48  Pagkakita sa nangyari, ang lahat ng nagtipon doon ay umuwi habang sinusuntok ang dibdib nila. 49  At nakatayo sa malayo ang lahat ng nakakakilala sa kaniya. Naroon din ang mga babae na sumama sa kaniya mula sa Galilea, at nakita nila ang mga bagay na ito.+ 50  At naroon ang lalaking si Jose, na miyembro ng Sanggunian. Isa siyang mabuti at matuwid na tao.+ 51  (Hindi siya pumayag* sa pakana nila at hindi niya sila sinuportahan.) Mula siya sa Arimatea, isang lunsod ng mga Judeano, at hinihintay niya ang Kaharian ng Diyos. 52  Pumunta siya kay Pilato at hiningi ang katawan ni Jesus. 53  Ibinaba niya ito mula sa tulos,+ binalot sa magandang klase ng lino, at inilagay sa isang libingan na inuka sa bato,+ na hindi pa napaglilibingan ng sinuman. 54  Noon ay araw ng Paghahanda,+ at malapit nang magsimula ang Sabbath.+ 55  Pero pumunta rin ang mga babae na sumama kay Jesus mula sa Galilea, at tiningnan nila ang libingan at nakita kung paano inilagay ang katawan niya,+ 56  at umuwi sila para maghanda ng mabangong langis at iba pang mababangong sangkap.* Pero nagpahinga sila nang Sabbath+ ayon sa utos.

Talababa

Lit., “Alisin ang isang ito.”
O “Ibitin.”
O “ibayubay siya sa tulos.”
Lit., “mundo.”
O “Hindi siya bumoto pabor.”
Dahon o iba pa na ginagamit sa paghahanda ng katawan para sa paglilibing.

Study Notes

Cesar: Tingnan ang study note sa Mat 22:17.

Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?: Parehong-pareho ang pagkakaulat ng apat na Ebanghelyo sa tanong na ito ni Pilato. (Mat 27:11; Mar 15:2; Luc 23:3; Ju 18:33) Sa Imperyo ng Roma, walang haring makakapamahala nang walang pahintulot ni Cesar. Kaya makikitang ang mga tanong ni Pilato ay nakasentro sa isyu ng pagiging hari ni Jesus.

Ikaw mismo ang nagsasabi: Tingnan ang study note sa Mat 27:11.

Herodes: Si Herodes Antipas, anak ni Herodes na Dakila. Si Antipas ang tagapamahala ng distrito (tetrarka) ng Galilea at Perea. Si Lucas lang ang nag-ulat na dinala si Jesus kay Herodes.​—Luc 3:1; tingnan sa Glosari.

magarbong damit: Ang magarbong damit na ipinasuot kay Jesus para hamakin siya bilang Hari ng mga Judio bago siya pabalikin kay Pilato ay posibleng galing kay Herodes Antipas, isang Judio at tagapamahala ng distrito ng Galilea at Perea. Ang damit na ito ay posibleng panghari at kulay puti. Ang salitang Griego na ginamit dito para sa “damit” (e·sthesʹ) ay karaniwan nang tumutukoy sa isang mahabang damit na napapalamutian. Ganiyan ang suot ng ilang anghel na nagpakita sa mga tao. (Luc 24:4; tingnan din ang San 2:2, 3.) Ginamit din ang salitang Griego na ito para sa “magarbong kasuotan” ni Herodes Agripa I. (Gaw 12:21) Ang salitang Griego naman na ginamit dito para sa ‘magarbo’ (lam·prosʹ) ay mula sa salitang nangangahulugang “magningning.” Kapag ginagamit sa damit, tumutukoy ito sa magandang klase ng damit at kung minsan ay sa mga kasuotang nagniningning o kulay puti. Lumilitaw na iba ito sa matingkad-na-pulang balabal, o purpurang damit, na ipinasuot ng mga sundalo ni Pilato kay Jesus sa bahay ng gobernador. (Mat 27:27, 28, 31; Ju 19:1, 2, 5; tingnan ang study note sa Mat 27:28; Mar 15:17.) Maliwanag na pare-pareho ng intensiyon si Herodes, si Pilato, at ang mga sundalong Romano nang suotan nila si Jesus ng mga damit na ito—para hamakin siya bilang Hari ng mga Judio.​—Ju 19:3.

Mababasa sa ilang manuskrito: “Sa bawat kapistahan, kailangan niyang magpalaya ng isang bilanggo,” pero hindi ito mababasa sa maraming sinauna at maaasahang manuskrito at lumilitaw na hindi talaga ito bahagi ng Lucas. Sa ilang manuskrito, makikita ang pananalitang ito pagkatapos ng talata 19. Kahawig ito ng nasa Mat 27:15 at Mar 15:6, kung saan walang pag-aalinlangan na lumitaw ang pananalitang ito. Sinasabing idinagdag ng mga tagakopya ang pananalitang ito sa Lucas bilang paliwanag at ibinatay nila ito sa mga kaparehong ulat sa Ebanghelyo ni Mateo at ni Marcos.

palayain si Barabas: Ang pangyayaring ito na nakaulat sa Luc 23:16-25 ay binanggit sa apat na Ebanghelyo. (Mat 27:15-23; Mar 15:6-15; Ju 18:39, 40) Pero idinagdag nina Mateo, Marcos, at Juan na nakaugalian na ng gobernador na magpalaya ng isang bilanggo bawat kapistahan.​—Tingnan ang study note sa Mat 27:15; Mar 15:6; Ju 18:39.

taga-Cirene: Ang Cirene ay isang lunsod sa North Africa na malapit sa baybayin, sa timog-kanluran ng isla ng Creta. (Tingnan ang Ap. B13.) Posibleng ipinanganak si Simon sa Cirene, at nang maglaon ay nanirahan siya sa Israel.

pahirapang tulos: O “tulos na pambitay.”​—Tingnan sa Glosari, “Tulos”; “Pahirapang tulos”; tingnan din ang Luc 9:23; 14:27, kung saan ginamit ang terminong ito sa makasagisag na paraan.

habang buháy pa ang puno, . . . kung tuyot na ito: Lumilitaw na ang tinutukoy rito ni Jesus ay ang bansang Judio. Para itong puno na malapit nang mamatay. Nang panahong iyon, buháy pa ang puno dahil buháy pa si Jesus at may mga Judio pa na naniniwala sa kaniya. Pero malapit nang patayin si Jesus, at ang tapat na mga Judio ay papahiran ng banal na espiritu at magiging bahagi na ng espirituwal na Israel. (Ro 2:28, 29; Gal 6:16) Pagdating ng panahong iyon, mamamatay na sa espirituwal ang literal na bansang Israel, gaya ng tuyot na puno.​—Mat 21:43.

kriminal: Ang salitang Griego na ginamit dito (ka·kourʹgos) ay literal na nangangahulugang “isa na gumagawa ng masama.” Sa kaparehong ulat sa Mat 27:38, 44 at Mar 15:27, ginamit ang salitang Griego na lei·stesʹ na isinaling “magnanakaw.” Puwede itong tumukoy sa mga magnanakaw na gumagamit ng dahas, at kung minsan, sa mga bandido o naghihimagsik. Ginamit din ang salitang ito para kay Barabas (Ju 18:40), na ayon sa Luc 23:19 ay nabilanggo dahil sa “pagpatay” at ‘sedisyon.’

Bungo: Ang ekspresyong Griego na Kra·niʹon ay katumbas ng pangalang Hebreo na Golgota. (Tingnan ang study note sa Mat 27:33; Ju 19:17.) Ang terminong “Calvary” ay ginamit sa ilang Ingles na salin ng Bibliya sa tekstong ito. Mula ito sa salitang Latin para sa “bungo,” calvaria, na ginamit sa Vulgate.

patawarin mo sila: Hindi sinasabi sa konteksto kung para kanino ang kahilingang ito ni Jesus, pero malamang na ang nasa isip niya ay ang mga taong sumisigaw na patayin siya, na ang ilan ay nagsisi nang maglaon. (Gaw 2:36-38; 3:14, 15) Posibleng kasama rin dito ang mga sundalong Romano na nagpako kay Jesus sa tulos; hindi kasi nila naiintindihan kung gaano kabigat ang kasalanan nila dahil hindi naman nila siya kilala. Pero siguradong hindi niya hihilingin sa kaniyang Ama na patawarin ang mga punong saserdote, na talagang may pananagutan sa kamatayan niya. Alam na alam nila kung ano ang ginagawa nila nang magsabuwatan sila para patayin si Jesus. Ginawa nila ito dahil sa inggit. (Mat 27:18; Mar 15:10; Ju 11:45-53) Gayundin, malamang na hindi niya hihilingin sa kaniyang Ama na patawarin ang mga kriminal na katabi niya dahil wala naman silang kinalaman sa kamatayan niya.

. . . ginagawa nila: Ang unang bahagi ng talatang ito ay hindi mababasa sa ilang sinaunang manuskrito. Pero makikita ito sa ibang sinauna at maaasahang mga manuskrito, kaya inilagay ito sa Bagong Sanlibutang Salin at sa maraming iba pang salin ng Bibliya.

maasim na alak: Tingnan ang study note sa Mat 27:48.

May nakasulat din sa ulunan niya: Idinagdag ang pananalitang ito sa ilang manuskrito: “sa mga letrang Griego at Latin at Hebreo.” Pero hindi ito mababasa sa sinauna at maaasahang mga manuskrito, at sinasabing idinagdag lang ito ng mga tagakopya para tumugma sa Ju 19:20.

nakabayubay: Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay hindi stauroʹo (“patayin sa tulos”), kundi kre·manʹny·mi (“ibitin”). Kapag iniuugnay sa pagpatay kay Jesus, ang pandiwang ito ay ginagamit kasama ng pariralang e·piʹ xyʹlou (“sa tulos o puno”). (Gal 3:13; tingnan ang study note sa Gaw 5:30.) Sa Septuagint, ang pandiwang ito ay madalas na tumutukoy sa pagbibitin sa isang tao sa tulos o puno.​—Gen 40:19; Deu 21:22; Es 8:7.

Sinasabi ko sa iyo ngayon,: Sa pinakalumang mga manuskrito ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na mayroon tayo sa ngayon, ang ginamit na paraan ng pagsulat sa Griego ay puro malalaking letra lang. Wala itong puwang o bantas sa pagitan ng mga salita, gaya ng ginagamit ngayon. May ilang eskriba na naglalagay kung minsan ng mga marka na nagsisilbing bantas, pero bihira nilang gamitin ang mga ito. Kaya ang mga bantas na ginagamit sa mga salin ngayon ng Bibliya ay nakabatay sa konteksto at sa gramatika ng wikang Griego. Sa talatang ito, parehong puwede sa gramatika ng wikang Griego ang paglalagay ng kuwit (o tutuldok) bago o pagkatapos ng salitang “ngayon.” Kaya ang ginawang basehan ng mga tagapagsalin sa paglalagay nila ng bantas sa tekstong ito ay ang pagkakaintindi nila sa sinabi ni Jesus at ang itinuturo ng Bibliya sa kabuoan. Sa mga akademikong edisyon ng tekstong Griego, gaya ng ginawa nina Westcott at Hort, Nestle at Aland, at ng United Bible Societies, inilagay ang kuwit bago ang salitang Griego para sa “ngayon.” Pero ang paglalagay ng kuwit pagkatapos ng salitang “ngayon” ay kaayon ng mga naunang sinabi ni Jesus at ng mga turong mababasa sa iba pang bahagi ng Kasulatan. Halimbawa, sinabi ni Jesus na mamamatay siya at “mananatili sa libingan nang tatlong araw.” (Mat 12:40; Mar 10:34) Ilang beses niyang sinabi sa mga alagad na papatayin siya at sa ikatlong araw ay bubuhaying muli. (Luc 9:22; 18:33) Sinasabi rin ng Bibliya na binuhay-muli si Jesus bilang “unang bunga sa mga natulog sa kamatayan” at na umakyat siya sa langit pagkatapos ng 40 araw. (1Co 15:20; Ju 20:17; Gaw 1:1-3, 9; Col 1:18) Binuhay-muli si Jesus, hindi sa mismong araw na namatay siya, kundi sa ikatlong araw pa, kaya maliwanag na hindi makakasama ni Jesus sa Paraiso ang kriminal sa mismong araw na kinausap niya ito.

Kaayon ng paliwanag na ito, ganito ang salin ng Curetonian Syriac, ang bersiyong Syriac ng ulat ni Lucas noong ikalimang siglo C.E.: “Amen, sinasabi ko sa iyo ngayon na makakasama kita sa Hardin ng Eden.” (F. C. Burkitt, The Curetonian Version of the Four Gospels, Tomo 1, Cambridge, 1904) Kapansin-pansin din na magkakaiba ang opinyon ng mga Griegong manunulat at komentarista noon at ngayon kung paano isasalin ang pananalitang ito. Halimbawa, ganito ang isinulat ni Hesychius ng Jerusalem, na nabuhay noong ikaapat at ikalimang siglo C.E., tungkol sa Luc 23:43: “May mga naglalagay ng kuwit pagkatapos ng ‘Sinasabi ko sa iyo ngayon,’ at saka nila isinusunod: ‘Makakasama kita sa Paraiso.’” (Tekstong Griego na mababasa sa Patrologiae Graecae, Tomo 93, kol. 1432-1433.) Isinulat din ni Theophylact, na nabuhay noong ika-11 at ika-12 siglo C.E., na may mga sumusuporta sa “paglalagay ng bantas pagkatapos ng ‘ngayon,’ kaya mabubuo ang pariralang ‘Sinasabi ko sa iyo ngayon,’ at saka ito susundan ng ekspresyong ‘Makakasama kita sa Paraiso.’” (Patrologiae Graecae, Tomo 123, kol. 1104.) Sinabi ni G. M. Lamsa, sa publikasyong Gospel Light—Comments on the Teachings of Jesus From Aramaic and Unchanged Eastern Customs, p. 303-304, tungkol sa paggamit ng “ngayon” sa Luc 23:43: “Idiniriin sa teksto ang salitang ‘ngayon’ at dapat itong basahing ‘Sinasabi ko sa iyo ngayon, makakasama kita sa Paraiso.’ Ginawa ang pangako sa araw na iyon at tutuparin ito sa hinaharap. Ganito magsalita ang mga taga-Silangan, at ipinapahiwatig nito na siguradong matutupad ang pangakong ginawa sa araw na iyon.” Kaya ang pariralang Griego sa Luc 23:43 ay posibleng ayon sa Semitikong paraan ng pagdiriin. Sa Hebreong Kasulatan, madalas gamitin sa katulad na paraan ang salitang “ngayon” sa mga pangako at utos. (Deu 4:26; 6:6; 7:11; 8:1, 19; Zac 9:12) Ipinapakita ng mga ebidensiyang ito na ginamit ni Jesus ang salitang “ngayon” para tumukoy sa panahon kung kailan niya ginawa ang pangako, hindi sa panahon kung kailan mabubuhay sa Paraiso ang kriminal.

Maraming salin, gaya ng salin sa Ingles ni Rotherham at ni Lamsa (1933 edisyon) at ng salin sa German ni L. Reinhardt at ni W. Michaelis, ang nagsasabi na ang idiniriin dito ay ang panahon kung kailan ginawa ang pangako, hindi ang panahon kung kailan ito tutuparin. Ang salin ng mga Bibliyang ito ay katulad ng makikita sa Bagong Sanlibutang Salin.

Paraiso: Ang salitang “paraiso” ay mula sa salitang Griego na pa·raʹdei·sos, at may katulad itong mga salita sa Hebreo (par·desʹ, sa Ne 2:8; Ec 2:5; Sol 4:13) at Persiano (pairidaeza). Ang tatlong salitang ito ay pangunahin nang tumutukoy sa isang magandang parke o sa isang tulad-parkeng hardin. Ginamit ng mga tagapagsalin ng Septuagint ang terminong Griego na pa·raʹdei·sos bilang katumbas ng salitang Hebreo para sa “hardin” (gan) sa ekspresyong “hardin sa Eden” sa Gen 2:8. Ganito ang mababasa sa ilang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (may code na J17, 18, 22 sa Ap. C) sa Luc 23:43: “Makakasama kita sa hardin ng Eden.” Ang paraisong ipinangako ni Jesus sa kriminal na katabi niya ay hindi ang “paraiso ng Diyos” na binabanggit sa Apo 2:7, dahil para ito sa mga “magtatagumpay,” o sa mga makakasama ni Kristo na mamahala sa Kaharian sa langit. (Luc 22:28-30) Ang kriminal na ito ay hindi nagtagumpay laban sa sanlibutan kasama ni Jesu-Kristo, at hindi rin siya ‘ipinanganak mula sa tubig at sa espiritu.’ (Ju 3:5; 16:33) Maliwanag na kasama siya sa mga “di-matuwid” na bubuhaying muli sa lupa bilang sakop ng Kaharian kapag namamahala na si Kristo sa Paraiso sa lupa sa loob ng sanlibong taon.​—Gaw 24:15; Apo 20:4, 6.

mga ikaanim na oras: Mga 12:00 n.t.​—Tingnan ang study note sa Mat 20:3.

nagdilim: Ang kadilimang ito ay isang himala na gawa ng Diyos. Hindi ito dahil sa solar eclipse, dahil nangyayari ang solar eclipse kapag bagong buwan. Pero panahon ng Paskuwa noon at kabilugan ng buwan. At ang kadilimang ito ay umabot nang tatlong oras, na di-hamak na mas matagal kaysa sa pinakamahabang total eclipse na posible, na hindi aabot nang walong minuto. Mababasa sa ulat na ito ni Lucas na “naglaho ang liwanag ng araw.”​—Luc 23:45.

ikasiyam na oras: Mga 3:00 n.h.​—Tingnan ang study note sa Mat 20:3.

kurtina: Tingnan ang study note sa Mat 27:51.

templo: Tingnan ang study note sa Mat 27:51.

ipinagkakatiwala ko na ang buhay ko: Dito, sinipi ni Jesus ang Aw 31:5, kung saan hiniling ni David sa Diyos na ingatan ang buhay niya. Bago mamatay si Jesus, ipinagkatiwala na niya kay Jehova ang kaniyang puwersa ng buhay; kaya nakasalalay sa Diyos ang pag-asa niyang mabuhay sa hinaharap.​—Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”

namatay: Ang pandiwang Griego dito na ek·pneʹo (lit., “bumuga ng hininga”) ay puwede ring isaling “nalagutan ng hininga.” (Tingnan ang study note sa Mat 27:50.) Maliwanag sa Kasulatan na nang mamatay si Jesus, hindi siya agad umakyat sa langit. Sinabi mismo ni Jesus na “sa ikatlong araw” pa siya bubuhaying muli. (Mat 16:21; Luc 9:22) At ipinapakita sa Gaw 1:3, 9 na lumipas pa ang 40 araw bago siya umakyat sa langit.

opisyal ng hukbo: O “senturyon,” kumandante ng mga 100 sundalo sa hukbong Romano. Ayon sa kaparehong ulat nina Mateo at Marcos, kinilala rin niya na si Jesus ay “ang Anak ng Diyos.”​—Mat 27:54; Mar 15:39.

Jose: Tingnan ang study note sa Mar 15:43.

miyembro ng Sanggunian: Tumutukoy sa miyembro ng Sanedrin, ang mataas na hukuman ng mga Judio sa Jerusalem.​—Tingnan ang study note sa Mat 26:59 at Glosari, “Sanedrin.”

Arimatea: Tingnan ang study note sa Mat 27:57.

libingan: Tingnan ang study note sa Mat 27:60.

Paghahanda: Tingnan ang study note sa Mat 27:62.

libingan: O “alaalang libingan.”​—Tingnan sa Glosari, “Alaalang libingan.”

Media

Pako sa Buto ng Sakong
Pako sa Buto ng Sakong

Replika ito ng buto ng sakong ng tao na may nakatusok na pakong bakal na 11.5 cm (4.5 in) ang haba. Ang orihinal na artifact nito, na natuklasang mula pa noong panahon ng mga Romano, ay natagpuan noong 1968 sa isang paghuhukay sa hilagang Jerusalem. Patunay ito na talagang ginagamit noon ang mga pako sa paglalapat ng hatol na kamatayan sa tulos. Ang pakong ito ay maaaring katulad ng ginamit ng mga sundalong Romano sa pagpapako kay Jesu-Kristo sa tulos. Ang artifact ay natagpuan sa isang lalagyang bato, na tinatawag na ossuary, kung saan inilalagay ang tuyong buto ng bangkay kapag nabulok na ang laman nito. Ipinapakita nito na maaaring ilibing ang taong hinatulan ng kamatayan sa tulos.

Libingan
Libingan

Kadalasan na, inililibing ng mga Judio ang mga patay sa mga kuweba o butas na inuka sa bato. Karaniwan nang nasa labas ng lunsod ang mga libingan, maliban sa libingan ng mga hari. Kapansin-pansin ang pagiging simple ng mga natagpuang libingan ng mga Judio. Malamang na simple ito dahil hindi naman sinasamba ng mga Judio ang mga patay at hindi sila naniniwala na nabubuhay sa daigdig ng mga espiritu ang mga namatay.