Ayon kay Mateo 9:1-38
Talababa
Study Notes
sarili niyang lunsod: Tumutukoy sa Capernaum, ang pinakatirahan ni Jesus sa rehiyong iyon. (Mat 4:13; Mar 2:1) Ang lunsod na ito ay malapit sa Nazaret, kung saan siya lumaki; sa Cana, kung saan ginawa niyang alak ang tubig; sa Nain, kung saan binuhay niyang muli ang anak ng isang biyuda; at sa may Betsaida, kung saan makahimala siyang nagpakain ng mga 5,000 lalaki at nagpagaling ng isang bulag.
Nang makita ni Jesus ang pananampalataya nila: Ang paggamit ng panghalip na pangmaramihan na “nila” ay nagpapakitang nakita ni Jesus kung gaano kalaki ang pananampalataya ng buong grupo, hindi lang ng paralitiko.
Anak: Ginamit ni Jesus ang terminong ito para maipadama ang pagmamahal niya.—2Ti 1:2; Tit 1:4; Flm 10.
Alin ba ang mas madali: Mas madali para sa isa na sabihing kaya niyang magpatawad ng kasalanan, dahil hindi nito kailangan ng nakikitang ebidensiya. Pero kailangan ng isang himala para mangyari ang sinabi ni Jesus na Bumangon ka at lumakad, at ito ang magpapatunay na siya ay may awtoridad ding magpatawad ng mga kasalanan. Sa ulat na ito at sa Isa 33:24, iniuugnay ang pagkakasakit sa pagiging makasalanan natin.
Anak ng tao: Lumilitaw ito nang mga 80 beses sa Ebanghelyo. Ginamit ito ni Jesus para tukuyin ang sarili niya, maliwanag na para idiin na isa talaga siyang tao na ipinanganak ng isang babae, at katumbas siya ni Adan, na may kapangyarihang tubusin ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan. (Ro 5:12, 14, 15) Ginamit din ang ekspresyong ito para tukuyin si Jesus bilang Mesiyas, o Kristo.—Dan 7:13, 14; tingnan sa Glosari.
Anak ng tao: Tingnan ang study note sa Mat 8:20.
magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa—: Ipinapakita ng gatlang na huminto si Jesus sa kalagitnaan ng sinasabi niya. Pagkatapos, pinatunayan niyang totoo ang sinasabi niya sa pamamagitan ng pagpapagaling sa lalaki sa harap ng maraming tao.
Mateo: Ang pangalang Griego na isinaling “Mateo” ay malamang na pinaikling anyo ng pangalang Hebreo na isinaling “Matitias” (1Cr 15:18), na ang ibig sabihin ay “Regalo ni Jehova.”
Mateo: Tinatawag ding Levi.—Tingnan ang study note sa Mar 2:14; Luc 5:27.
Maging tagasunod kita: Ang pandiwang Griego na ginamit sa paanyayang ito ay literal na nangangahulugang “lumakad sa likuran, sumunod,” pero dito, nangangahulugan itong “sumunod bilang isang alagad.”
Mateo: Tingnan ang study note sa Mat Pamagat at 10:3.
tanggapan ng buwis: Puwede itong tumukoy sa isang maliit na gusali o puwesto kung saan umuupo ang isang maniningil ng buwis para sa mga kalakal na iniluluwas o inaangkat at sa mga panindang idinaraan ng mga mangangalakal sa isang bayan. Ang tanggapan ng buwis ni Mateo ay nasa Capernaum o malapit dito.
Maging tagasunod kita: Tingnan ang study note sa Mar 2:14.
kumain siya: O “humilig siya sa mesa.” Ang pagkain nang sama-sama sa iisang mesa ay nagpapahiwatig ng malapít na ugnayan. Kaya noong panahon ni Jesus, halos imposibleng humilig sa mesa, o kumain, ang mga Judio kasama ng mga di-Judio.
maniningil ng buwis: Marami sa mga Judio ang naniningil ng buwis para sa pamahalaang Romano. Galít ang mga tao sa mga Judiong ito dahil hindi lang sila kumakampi sa mananakop nila; sobra-sobra din ang sinisingil nilang buwis. Ang mga maniningil ng buwis ay karaniwan nang iniiwasan ng mga kapuwa nila Judio at itinuturing na gaya ng mga makasalanan at babaeng bayaran.—Mat 11:19; 21:32.
kumakain: Tingnan ang study note sa Mar 2:15.
sa bahay: Tumutukoy sa bahay ni Mateo.—Mar 2:14, 15; Luc 5:29.
maniningil ng buwis: Tingnan ang study note sa Mat 5:46.
mga makasalanan: Ipinapakita ng Bibliya na lahat ng tao ay makasalanan. (Ro 3:23; 5:12) Kaya mas espesipiko ang pagkakagamit ng terminong ito dito at maliwanag na tumutukoy sa mga taong kilalang makasalanan, halimbawa, mga taong imoral o kriminal. (Luc 7:37-39; 19:7, 8) Ginagamit din noon ang terminong ito para sa mga di-Judio, at itinatawag ito ng mga Pariseo sa mga Judio na hindi sumusunod sa tradisyon ng mga rabbi.—Ju 9:16, 24, 25.
awa at hindi hain: Dalawang beses ginamit ni Jesus ang pananalitang ito mula sa Os 6:6 (dito at sa Mat 12:7). Si Mateo, isang kinamumuhiang maniningil ng buwis na naging malapít na kasamahan ni Jesus, ang tanging manunulat ng Ebanghelyo na nag-ulat ng pagsiping ito at ng ilustrasyon tungkol sa aliping walang awa. (Mat 18:21-35) Itinatampok sa Ebanghelyo niya ang pagdiriin ni Jesus na hindi lang hain ang kailangan, kundi pati ang awa.
nag-aayuno: Ibig sabihin, hindi kumakain sa loob ng maikling panahon. (Tingnan sa Glosari, “Pag-aayuno.”) Hindi iniutos ni Jesus sa mga alagad niya na mag-ayuno, pero hindi rin niya sila pinagbawalan na gawin ito. Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, nag-aayuno ang mga Judio para ipakita ang kanilang taimtim na pagsisisi at pagpapakumbaba sa harap ni Jehova.—1Sa 7:6; 2Cr 20:3.
nag-aayuno: Tingnan ang study note sa Mat 6:16.
mga kaibigan ng lalaking ikakasal: Lit., “mga anak na lalaki ng silid-kasalan,” isang idyomang tumutukoy sa mga bisita sa kasal, lalong-lalo na sa mga kaibigan ng lalaking ikakasal.
alak sa . . . sisidlang balat: Karaniwan lang noong panahon ng Bibliya na maglagay ng alak sa sisidlang gawa sa balat ng hayop. (1Sa 16:20) Gawa ito sa buong balat ng hayop, gaya ng tupa o kambing. Ang mga lumang sisidlang balat ay lumulutong at hindi na nababanat. Pero ang mga bagong sisidlang balat ay nababanat at lumalaki kaya nakakayanan nito ang pressure na dulot ng gas na inilalabas ng bagong alak habang tumatagal ito.—Tingnan sa Glosari, “Sisidlang balat.”
lumuhod sa harap niya: O “yumukod sa harap niya; nagbigay-galang sa kaniya.” Sa ulat ng Hebreong Kasulatan, ang mga tao noon ay yumuyukod din sa harap ng mga propeta, hari, o iba pang kinatawan ng Diyos. (1Sa 25:23, 24; 2Sa 14:4-7; 1Ha 1:16; 2Ha 4:36, 37) Maliwanag, kinilala ng lalaking ito na ang kausap niya ay kinatawan ng Diyos na may kapangyarihang magpagaling. Angkop lang na lumuhod o yumukod para magpakita ng paggalang sa Hari na pinili ni Jehova.—Mat 9:18; para sa higit pang impormasyon sa salitang Griego na ginamit dito, tingnan ang study note sa Mat 2:2.
isang tagapamahala: Ang pangalan ng “tagapamahala” (sa Griego, arʹkhon), na Jairo, ay mababasa sa kaparehong ulat sa Marcos at Lucas, kung saan siya tinawag na isang punong opisyal ng sinagoga.—Mar 5:22; Luc 8:41.
sumubsob sa paanan niya: O “yumukod sa kaniya; nagbigay-galang sa kaniya.”—Tingnan ang study note sa Mat 8:2.
dinudugo: Malamang na isang malala at nagtatagal na sakit sa pagreregla. Ayon sa Kautusang Mosaiko, marumi ang babaeng nasa ganitong kalagayan. Dahil diyan, hindi siya dapat humawak sa iba.—Lev 15:19-27.
Anak: Ang terminong Griego na ginamit dito ay tumutukoy sa isang anak na babae, at sa kaniya lang ginamit ni Jesus ang terminong ito, posibleng dahil maselan ang kalagayan niya at “nanginginig” siya. (Luc 8:47) Wala itong ipinapahiwatig tungkol sa edad ng babae, pero sa paggamit ng ganitong termino, naipakita ni Jesus ang malasakit niya sa babae.
Hindi namatay ang bata. Natutulog lang siya: Sa Bibliya, ang kamatayan ay madalas na ihambing sa pagtulog. (Aw 13:3; Ju 11:11-14; Gaw 7:60, tlb.; 1Co 7:39, tlb.; 15:51; 1Te 4:13, tlb.) Bubuhaying muli ni Jesus ang batang babae, kaya malamang na sinabi niya ito para ipakita na kung paanong puwedeng gisingin ang isang taong mahimbing ang tulog, puwede ring mabuhay-muli ang mga patay. Ang kapangyarihang ginamit ni Jesus para buhayin ang bata ay galing sa kaniyang Ama, “na bumubuhay ng mga patay at tumatawag sa mga bagay na wala, na para bang umiiral ang mga iyon.”—Ro 4:17.
hindi namatay . . . natutulog lang: Tingnan ang study note sa Mar 5:39.
anak ni David: Ipinapakita nito na si Jesus ang inapo ni David na magiging tagapagmana ng tipan para sa Kaharian na ipinakipagtipan kay David.—2Sa 7:11-16; Aw 89:3, 4.
si David na hari: May ibang mga hari na binanggit sa talaangkanang ito, pero si David lang ang tinawag na “hari.” Ang dinastiya ng mga hari sa Israel ay tinawag na “sambahayan ni David.” (1Ha 12:19, 20) Sa pagtawag kay Jesus na “anak ni David” sa talata 1, itinampok ni Mateo ang Kaharian at tinukoy si Jesus bilang ang tagapagmanang hari gaya ng ipinangako sa tipan kay David.—2Sa 7:11-16.
Anak ni David: Nang tawagin nila si Jesus na “Anak ni David,” ipinakita ng mga lalaking iyon na naniniwala silang si Jesus ang tagapagmana ng trono ni David at na siya ang Mesiyas.—Tingnan ang study note sa Mat 1:1, 6.
nagtuturo . . . nangangaral: Ang pagtuturo ay iba sa pangangaral, dahil ang guro ay hindi lang basta naghahayag; nagtuturo siya, nagpapaliwanag, gumagamit ng nakakakumbinsing mga argumento, at naghaharap ng katibayan.—Tingnan ang study note sa Mat 3:1; 28:20.
mabuting balita: Ito ang unang paglitaw ng salitang Griego na eu·ag·geʹli·on, na isinasaling “ebanghelyo” sa ilang Bibliya. Ang kaugnay na salitang Griego na eu·ag·ge·li·stesʹ, na isinasaling “ebanghelisador,” ay nangangahulugang “mángangarál ng mabuting balita.”—Gaw 21:8; Efe 4:11, tlb.; 2Ti 4:5, tlb.
nagtuturo . . . nangangaral: Tingnan ang study note sa Mat 4:23.
mabuting balita: Tingnan ang study note sa Mat 4:23.
naawa: Ang pandiwang Griego na ginamit dito (splag·khniʹzo·mai) ay may kaugnayan sa salita para sa “bituka” (splagʹkhna), na nagpapahiwatig ng isang damdaming nadarama sa kaloob-looban ng isang tao, isang matinding emosyon. Isa ito sa pinakamapuwersang salita sa Griego para sa pagkadama ng awa.
sugatán: Ang salitang Griego para dito ay literal na nangangahulugang “nabalatan,” na lumalarawan sa mga tupang nagkasugat-sugat dahil sa pag-atake ng mababangis na hayop at dahil sa pagpapagala-gala sa lugar na may matitinik na halaman at matutulis na bato. Nang maglaon, ang terminong ito ay nangangahulugan na ring “minaltrato, sinaktan, sinugatan.”
napabayaan: Inilalarawan nito ang mga tupang ibinagsak, walang kalaban-laban, at pagod na pagod. Ang mga tupang ito ay makasagisag na tumutukoy sa mga taong ipinagtabuyan, pinabayaan, at walang kalaban-laban.
Media

1. Kapatagan ng Genesaret. Isa itong matabang lupain na hugis tatsulok, na mga 5 por 2.5 km (3 por 1.5 mi) ang sukat. Sa baybayin nito inanyayahan ni Jesus ang mga mangingisdang sina Pedro, Andres, Santiago, at Juan na sumama sa kaniya sa ministeryo.—Mat 4:18-22.
2. Sinasabing dito binigkas ni Jesus ang Sermon sa Bundok.—Mat 5:1; Luc 6:17, 20.
3. Capernaum. Dito tumira si Jesus, at nakita niya si Mateo sa lunsod na ito o malapit dito.—Mat 4:13; 9:1, 9.

Pagkatapos magturo ni Jesus sa Capernaum, nakita niyang nakaupo ang maniningil ng buwis na si Mateo sa isang tanggapan ng buwis. Kinamumuhian noon ang mga maniningil ng buwis; marami kasi sa kanila ang yumayaman dahil sobra-sobra ang sinisingil nilang buwis. Pero may nakitang mabuti si Jesus kay Mateo at inimbitahan niya itong maging tagasunod niya. Agad na sumunod si Mateo, at siya ang ikalimang alagad ni Jesus na sumama sa kaniyang ministeryo. (Luc 5:1-11, 27, 28) Nang maglaon, pinili siya ni Jesus na maging isa sa 12 apostol. (Mat 10:2-4; Mar 3:16-19) Mababakas sa Ebanghelyo ni Mateo ang naging buhay niya noon. Halimbawa, espesipiko ang ulat niya pagdating sa pera, bilang, at halaga. (Mat 17:27; 26:15; 27:3) Idiniriin din niya ang awa ng Diyos, na nagbigay ng pagkakataon sa isang kinamumuhiang maniningil ng buwis na gaya niya na magsisi at maging ministro ng mabuting balita.—Mat 9:9-13; 12:7; 18:21-35.

Ang mga sisidlang balat ay karaniwan nang gawa sa buong balat ng tupa, kambing, o baka. Pinuputol ang ulo at mga paa ng patay na hayop, at maingat na tinatanggal ang laman nito para hindi mabutas ang tiyan ng hayop. Matapos kultihin ang balat, ang mga bukás na bahagi ay tinatahi. Ang balat sa bahaging leeg o binti ay iniiwang bukás para magsilbing bibig ng sisidlan at nilalagyan ng takip o tinatalian. Bukod sa alak, puwede rin itong paglagyan ng gatas, mantikilya, keso, langis, o tubig.

Makikita sa paglalarawang ito ang posibleng hitsura ng mga sinagoga noon. Batay ito sa mga labí ng unang-siglong sinagoga na natagpuan sa Gamla, mga 10 km (6 mi) sa hilagang-silangan ng Lawa ng Galilea.