Ayon kay Juan 5:1-47

5  Pagkatapos nito, nagkaroon ng kapistahan+ ng mga Judio, at pumunta si Jesus sa Jerusalem.  At sa Jerusalem, sa Pintuang-Daan ng mga Tupa,+ ay may paliguan* na tinatawag sa Hebreo na Betzata, na may limang kolonada.*  Naroon ang maraming maysakit, bulag, pilay, at mga paralisado* ang kamay o paa.  ——  At may isang lalaki roon na 38 taon nang may sakit.  Nakita ni Jesus ang lalaking iyon na nakahiga at alam niyang matagal na itong may sakit, kaya tinanong niya ito: “Gusto mo bang gumaling?”+  Sumagot ang lalaki: “Ginoo, walang tumutulong sa akin na pumunta sa paliguan kapag gumalaw na ang tubig; tuwing pupunta ako, laging may nauuna sa akin.”  Sinabi ni Jesus: “Tumayo ka! Buhatin mo ang hinihigaan mo at lumakad ka.”+  Agad na gumaling ang lalaki, at binuhat niya ang hinihigaan niya at naglakad. Araw iyon ng Sabbath.+ 10  Kaya sinabi ng mga Judio sa lalaking pinagaling: “Sabbath ngayon, kaya hindi mo puwedeng buhatin ang hinihigaan mo.”+ 11  Pero sumagot siya: “Ang mismong nagpagaling sa akin ang nagsabi, ‘Buhatin mo ang hinihigaan mo at lumakad ka.’” 12  Tinanong nila siya: “Sino ang nagsabi sa iyo, ‘Buhatin mo iyan at lumakad ka’?” 13  Pero hindi nakilala ng lalaki kung sino ang nagpagaling sa kaniya dahil umalis agad si Jesus at napahalo sa karamihan. 14  Pagkatapos nito, nakita siya ni Jesus sa templo at sinabi sa kaniya: “Magaling ka na. Huwag ka nang gumawa muli ng kasalanan para walang mas masamang mangyari sa iyo.” 15  Umalis ang lalaki at sinabi sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kaniya. 16  Kaya pinag-usig ng mga Judio si Jesus dahil ginawa niya ang mga ito nang Sabbath.+ 17  Pero sinabi niya sa kanila: “Ang Ama ko ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon, kaya patuloy rin akong gumagawa.”+ 18  Kaya naman mas tumindi ang kagustuhan ng mga Judio na mapatay siya, dahil bukod sa nilalabag niya ang Sabbath, tinatawag din niyang sarili niyang Ama ang Diyos, sa gayon ay ginagawa niyang kapantay ng Diyos ang sarili niya.+ 19  Kaya sinabi ni Jesus sa kanila: “Sinasabi ko sa inyo, walang anumang magagawa ang Anak sa sarili niyang pagkukusa, kundi kung ano lang ang nakikita niyang ginagawa ng Ama.+ Dahil anuman ang ginagawa ng Ama, gayon din ang ginagawa ng Anak. 20  Mahal ng Ama ang Anak+ at ipinapakita Niya sa kaniya ang lahat ng bagay na ginagawa Niya, at ipapakita Niya sa kaniya ang mga gawa na mas dakila pa kaysa sa mga ito para mamangha kayo.+ 21  At kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at binubuhay sila,+ binubuhay rin ng Anak ang sinumang gusto niya.+ 22  Dahil ang Ama ay hindi humahatol kaninuman, kundi ipinagkatiwala niya sa Anak ang lahat ng paghatol+ 23  para ang lahat ay magparangal sa Anak kung paanong nagpaparangal sila sa Ama. Ang sinumang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa kaniya.+ 24  Sinasabi ko sa inyo, ang sinumang nakikinig sa aking salita at nananampalataya sa nagsugo sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan,+ at hindi siya hahatulan kundi nakabangon siya mula sa kamatayan tungo sa buhay.+ 25  “Sinasabi ko sa inyo, nagsisimula na ang panahon kung kailan maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos, at ang mga nagbigay-pansin ay mabubuhay. 26  Ang Ama ay may kapangyarihang magbigay ng buhay,+ at ipinagkaloob din niya sa Anak ang kakayahang magbigay ng buhay.+ 27  At binigyan Niya siya ng awtoridad na humatol,+ dahil siya ang Anak ng tao.+ 28  Huwag kayong mamangha rito, dahil darating ang panahon na ang lahat ng nasa mga libingan ay makaririnig sa tinig niya+ 29  at mabubuhay silang muli. Ang mga gumawa ng mabubuting bagay ay mabubuhay magpakailanman, pero ang mga gumawa ng masasamang bagay ay hahatulan.+ 30  Wala akong anumang magagawa sa sarili kong pagkukusa. Humahatol ako ayon sa sinasabi ng Ama, at matuwid ang hatol ko+ dahil ang gusto kong gawin ay ang kalooban ng nagsugo sa akin, hindi ang sarili kong kalooban.+ 31  “Kung sarili ko lang ang magpapatotoo sa akin, hindi mapananaligan ang patotoo ko.+ 32  May isa pang nagpapatotoo tungkol sa akin, at alam kong mapananaligan ang patotoo niya.+ 33  Nagsugo kayo ng mga tao kay Juan, at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan.+ 34  Gayunman, hindi ko kailangan ng patotoo na mula sa tao, pero sinasabi ko ang mga ito para maligtas kayo. 35  Ang taong iyon ay isang lamparang nagniningas at nagliliwanag, at sa loob ng maikling panahon ay ginusto ninyong magsaya nang husto sa kaniyang liwanag.+ 36  Pero mas dakila ang patotoo ko kaysa kay Juan, dahil ang mismong mga gawang iniatas sa akin ng aking Ama, na siyang ginagawa ko, ang nagpapatotoo na ang Ama ang nagsugo sa akin.+ 37  At ang Ama na nagsugo sa akin ay nagpatotoo rin tungkol sa akin.+ Hindi ninyo kailanman narinig ang kaniyang tinig o nakita ang kaniyang anyo,+ 38  at hindi nanatili sa puso ninyo ang kaniyang salita dahil hindi kayo naniwala sa isinugo niya. 39  “Sinasaliksik ninyo ang Kasulatan+ dahil iniisip ninyo na magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan nito;* at ang mismong nakasulat dito ang nagpapatotoo tungkol sa akin.+ 40  Pero ayaw naman ninyong lumapit sa akin+ para magkaroon kayo ng buhay. 41  Hindi ako tumatanggap ng kaluwalhatian mula sa tao, 42  at alam na alam kong hindi ninyo mahal ang Diyos. 43  Dumating ako sa pangalan ng aking Ama, pero hindi ninyo ako pinaniwalaan. Kung may ibang dumating sa sarili niyang pangalan, paniniwalaan ninyo siya. 44  Tumatanggap kayo ng kaluwalhatian mula sa isa’t isa+ at hindi ninyo hinahanap ang kaluwalhatiang mula sa nag-iisang Diyos, kaya paano kayo maniniwala?+ 45  Huwag ninyong isipin na aakusahan ko kayo sa harap ng Ama; may isa na nag-aakusa sa inyo, si Moises,+ na siyang pinagkakatiwalaan ninyo. 46  Ang totoo, kung pinaniwalaan ninyo si Moises ay paniniwalaan ninyo ako, dahil sumulat siya tungkol sa akin.+ 47  Pero kung hindi ninyo pinaniniwalaan ang mga isinulat niya, paano ninyo paniniwalaan ang mga sinasabi ko?”+

Talababa

Sa Ingles, pool.
Pasilyong may hanay ng mga haligi.
Lit., “tuyot.”
Kasulatan.

Study Notes

Ang Paskuwa: Nagsimulang mangaral si Jesus pagkatapos ng bautismo niya noong taglagas ng 29 C.E., kaya ang Paskuwang ito sa pasimula ng ministeryo niya ay malamang na ang Paskuwang ipinagdiwang noong tagsibol ng 30 C.E. (Tingnan ang study note sa Luc 3:1 at Ap. A7.) Kapag pinagkumpara ang mga ulat ng apat na Ebanghelyo, makikita na may apat na Paskuwang ipinagdiwang noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, na nagpapakitang tumagal nang tatlo at kalahating taon ang ministeryo niya. Sa mga Ebanghelyo nina Mateo, Marcos, at Lucas (madalas tawaging mga sinoptikong Ebanghelyo), isang Paskuwa lang ang binanggit, ang huling Paskuwa kung kailan namatay si Jesus. Sa ulat ni Juan, tatlong Paskuwa ang espesipiko niyang binanggit (Ju 2:13; 6:4; 11:55), at malamang na ang tinawag niya na “kapistahan ng mga Judio” sa Ju 5:1 ang ikaapat na Paskuwa. Ipinapakita lang ng halimbawang ito kung gaano kahalaga na pagkumparahin ang mga Ebanghelyo para magkaroon ng mas malinaw na pagkaunawa sa buhay ni Jesus.​—Tingnan ang study note sa Ju 5:1; 6:4; 11:55.

kapistahan ng mga Judio: Hindi espesipikong binanggit ni Juan kung anong kapistahan ito, pero may makatuwirang mga dahilan para isipin na ito ay ang Paskuwa noong 31 C.E. Karaniwan nang nag-uulat si Juan ayon sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari. Ipinapakita ng konteksto na ang kapistahang ito ay naganap hindi pa natatagalan matapos sabihin ni Jesus na “may apat na buwan pa bago ang pag-aani.” (Ju 4:35) Ang panahon ng pag-aani, partikular na ng sebada, ay nagsimula noong panahon ng Paskuwa (Nisan 14). Kaya lumilitaw na sinabi ito ni Jesus mga apat na buwan bago ang Paskuwa, na pumapatak sa buwan ng Kislev (Nobyembre/Disyembre). May dalawa pang kapistahan, ang mga kapistahan ng Pag-aalay at ng Purim, na ipinagdiriwang sa pagitan ng Kislev at Nisan. Pero sa mga kapistahang ito, hindi kailangan ng mga Israelita na pumunta . . . sa Jerusalem. Kaya sa kontekstong ito, lumilitaw na ang tinutukoy na “kapistahan ng mga Judio” ay ang Paskuwa, dahil kinailangang magpunta ni Jesus sa Jerusalem bilang pagsunod sa Kautusan ng Diyos sa Israel. (Deu 16:16) Totoo na kaunti lang ang mga pangyayaring iniulat ni Juan bago niya banggitin ang sumunod na Paskuwa (Ju 6:4), pero kung pagbabatayan ang chart sa Ap. A7, makikita na hindi detalyadong iniulat ni Juan ang mga pangyayari sa simula ng ministeryo ni Jesus, at hindi na niya binanggit ang marami sa mga ulat na mababasa sa tatlong iba pang Ebanghelyo. Sa katunayan, ang napakaraming ulat ng tatlong iba pang Ebanghelyo tungkol sa mga ginawa ni Jesus ay karagdagang patunay na talagang may isa pang Paskuwang naganap sa pagitan ng nakaulat sa Ju 2:13 at sa Ju 6:4.—Tingnan ang Ap. A7 at study note sa Ju 2:13.

Hebreo: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ginamit ng mga manunulat ang terminong “Hebreo” para tumukoy sa wikang sinasalita ng mga Judio (Ju 19:13, 17, 20; Gaw 21:40; 22:2; Apo 9:11; 16:16) at sa wikang ginamit ng binuhay-muli at niluwalhating si Jesus sa pakikipag-usap kay Saul ng Tarso (Gaw 26:14, 15). Sa Gaw 6:1, may binanggit na “mga Judiong nagsasalita ng Hebreo” at “mga Judiong nagsasalita ng Griego.” Naniniwala ang ilang iskolar na ang terminong “Hebreo” sa mga ulat na ito ay dapat na isinaling “Aramaiko,” pero may makatuwirang dahilan para isiping ang terminong ito ay talagang tumutukoy sa wikang Hebreo. Halimbawa, nang sabihin ng doktor na si Lucas na kinausap ni Pablo ang mga taga-Jerusalem “sa wikang Hebreo,” ang mga kausap noon ni Pablo ay ang mga nagpapakadalubhasa sa Kautusan ni Moises sa wikang Hebreo. Isa pa, ang kalakhang bahagi ng napakaraming natagpuang piraso at manuskrito ng Dead Sea Scroll ay mababasa sa wikang Hebreo, bahagi man ito ng Kasulatan o ibang dokumento. Nagpapatunay ito na karaniwang wika noon ang Hebreo. May natagpuan ding mga piraso ng Dead Sea Scroll sa wikang Aramaiko, na nagpapakitang parehong ginagamit ang dalawang wikang ito. Kaya kapag ginagamit ng mga manunulat ng Bibliya ang terminong “Hebreo,” imposibleng ang tinutukoy nila ay wikang Aramaiko o Siryano. (Gaw 21:40; 22:2; ihambing ang Gaw 26:14.) Makikita sa Hebreong Kasulatan na magkaiba ang “Aramaiko” at ang “wika ng mga Judio” (2Ha 18:26), at may kinalaman sa partikular na ulat na ito, makikita sa sinabi ng Judiong istoryador noong unang siglo na si Josephus na magkaiba ang “Aramaiko” at “Hebreo.” (Jewish Antiquities, X, 8 [i, 2]) Totoo na may mga termino sa Aramaiko at Hebreo na magkahawig, at posibleng may mga termino sa Hebreo na galing sa Aramaiko. Pero hindi pa rin makatuwirang isipin na kapag Hebreo ang sinabi ng mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang tinutukoy talaga nila ay Aramaiko.

Betzata: Ang pangalang Hebreo ay nangangahulugang “Bahay ng Olibo [o, mga Olibo].” Sa ilang manuskrito, ang paliguan ay tinatawag na “Betesda,” na posibleng nangangahulugang “Bahay ng Awa.” Sa ibang manuskrito naman, ang mababasa ay “Betsaida,” na nangangahulugang “Bahay ng Mangangaso [o, Mangingisda].” Maraming iskolar sa ngayon ang pabor sa pangalang Betzata.

Sa ilang manuskrito, idinagdag ito o ang bahagi nito sa dulo ng talata 3 hanggang sa talata 4: “na naghihintay sa paggalaw ng tubig. 4 Bumababa kasi paminsan-minsan ang anghel ng Panginoon [o, “ni Jehova”] sa paliguan at ginagalaw ang tubig; ang unang lulublob matapos gumalaw ang tubig ay gagaling, anuman ang sakit na nagpapahirap sa kaniya.” Pero hindi ito mababasa sa pinakaluma at maaasahang mga manuskrito, at lumilitaw na hindi talaga ito bahagi ng ulat ni Juan. (Tingnan ang Ap. A3.) Sa ilang salin sa Hebreo ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, na may code na J9, 22, 23 sa Ap. C4, ang mababasa ay “anghel ni Jehova” sa halip na “anghel ng Panginoon.”

Naroon ang maraming maysakit: Marami ang naniniwala noon na gagaling ang sinumang lulublob sa paliguang ito kapag gumalaw ang tubig. (Ju 5:7) Dahil diyan, nagpupunta dito ang mga maysakit. Walang sinasabi ang Bibliya na may anghel na gumagawa ng himala sa paliguan ng Betzata. (Tingnan ang study note sa Ju 5:4.) Pero sinasabi nito na gumawa ng himala si Jesus sa may paliguan. Sa ulat na ito, hindi lumublob sa tubig ang lalaki, pero gumaling siya.

Sa ilang manuskrito, idinagdag ito o ang bahagi nito sa dulo ng talata 3 hanggang sa talata 4: “na naghihintay sa paggalaw ng tubig. 4 Bumababa kasi paminsan-minsan ang anghel ng Panginoon [o, “ni Jehova”] sa paliguan at ginagalaw ang tubig; ang unang lulublob matapos gumalaw ang tubig ay gagaling, anuman ang sakit na nagpapahirap sa kaniya.” Pero hindi ito mababasa sa pinakaluma at maaasahang mga manuskrito, at lumilitaw na hindi talaga ito bahagi ng ulat ni Juan. (Tingnan ang Ap. A3.) Sa ilang salin sa Hebreo ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, na may code na J9, 22, 23 sa Ap. C4, ang mababasa ay “anghel ni Jehova” sa halip na “anghel ng Panginoon.”

hinihigaan: Sa mga lupaing binanggit sa Bibliya, ang mga higaan ay karaniwan nang banig na gawa sa dayami o hungko, na posibleng may kubrekama o kutson para maging mas komportable. Kapag hindi ginagamit, ang mga higaang ito ay inirorolyo at itinatabi. Sa kontekstong ito, ang salitang Griego na kraʹbat·tos ay lumilitaw na tumutukoy sa higaan ng mahihirap. Sa ulat ng Mar 2:4-12, ang salitang Griegong ito ay tumutukoy naman sa isang uri ng stretcher kung saan nakaratay ang paralitiko.

mga Judio: Gaya ng pagkakagamit ng terminong ito sa Ebanghelyo ni Juan, iba-iba ang ibig sabihin nito depende sa konteksto. Puwede itong tumukoy sa mga Judio sa pangkalahatan, sa mga taga-Judea, o sa mga nakatira sa Jerusalem o malapit dito. Puwede rin itong tumukoy sa mga panatikong Judio na galít kay Jesus at nanghahawakan sa tradisyon ng tao may kaugnayan sa Kautusang Mosaiko. Sa kontekstong ito, ang “mga Judio” ay posibleng tumutukoy sa mga Judiong lider ng relihiyon, pero puwede ring saklaw nito ang iba pang Judio na panatikong sumusunod sa mga tradisyon.

Huwag ka nang gumawa muli ng kasalanan: Hindi sinasabi ni Jesus na nagkasakit ang lalaki dahil sa kasalanang nagawa nito. Ang lalaking pinagaling niya ay 38 taon nang may sakit dahil sa minana nitong di-kasakdalan, o pagiging di-perpekto. (Ju 5:5-9; ihambing ang Ju 9:1-3.) Pero ngayong pinagpakitaan na siya ng awa at pinagaling, sinabihan siya ni Jesus na umiwas sa sadyang paggawa ng kasalanan para maligtas siya at walang mangyari sa kaniya na mas masama pa sa pagkakasakit, ang mapuksa magpakailanman.—Heb 10:26, 27.

pinag-usig: Ang anyo ng pandiwang Griego na ginamit dito ay nagpapahiwatig na mula nang panahong iyon, pinag-uusig na si Jesus ng mga Judio—posibleng tumutukoy sa mga Judiong lider o sa mga panatikong Judio na nanghahawakan sa tradisyon ng tao may kaugnayan sa Kautusang Mosaiko.

ginagawa niyang kapantay ng Diyos ang sarili niya: Tinatawag talaga ni Jesus na Ama ang Diyos, pero hindi niya kailanman inangkin na magkapantay sila. (Ju 5:17) Ang mga Judio lang naman ang nagsasabi na sa pagtawag ni Jesus sa Diyos bilang kaniyang Ama, ginagawa niyang kapantay ng Diyos ang sarili niya. Gaya ng maling bintang ng mga Judio na nilalabag ni Jesus ang Sabbath, mali rin ang akusasyon nilang ito. Pinatunayan ito ni Jesus sa sinabi niya sa talata 19 hanggang 24 na wala siyang anumang magagawa sa sarili niyang pagkukusa. Maliwanag, hindi niya inaangkin na magkapantay sila ng Diyos.—Ju 14:28.

sa sarili niyang pagkukusa: Lit., “mula sa sarili niya,” ibig sabihin, nang siya lang. Bilang Punong Kinatawan ng Diyos, si Jesus ay laging nakikinig kay Jehova at ang lahat ng sinasabi niya ay mula kay Jehova.

Mahal ng Ama ang Anak: Inilalarawan dito ni Jesus ang matibay na buklod at matalik na pagkakaibigan nila ng kaniyang Ama mula pa sa pasimula ng paglalang. (Kaw 8:30) Nang iulat ito ni Juan, ginamit niya ang isang anyo ng pandiwang Griego na phi·leʹo, ang pag-ibig na may paggiliw. Ang pandiwang ito ay kadalasan nang lumalarawan sa isang napakalapít na ugnayan, katulad ng sa tunay na magkakaibigan. Halimbawa, ginamit ang pandiwang ito sa pagkakaibigan nina Jesus at Lazaro. (Ju 11:3, 36) Ginagamit din ito para sa ugnayan ng magulang at anak. (Mat 10:37) At ginagamit din ang phi·leʹo para ilarawan ang malapít na kaugnayan at pagkagiliw ni Jehova sa mga tagasunod ng kaniyang Anak at ang pagmamahal ng mga alagad sa Anak ng Diyos.—Ju 16:27.

mabubuhay magpakailanman . . . hahatulan: Dito at sa Ju 5:24, ipinapakita na ang mga “hahatulan” ay iba sa mga magkakaroon ng “buhay” at ng “buhay na walang hanggan.” Ibig sabihin, ang resulta ng hatol na ito ay kamatayan. (2Pe 2:9; 3:7; tingnan ang study note sa Ju 5:24.) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang Griego na isinalin ditong “hahatulan” (kriʹsis) ay kadalasan nang tumutukoy sa isang di-paborableng hatol. Gaya ng ipinapakita ng konteksto at ng iba pang teksto, ang hatol na sinasabi ni Jesus ay hindi nakabatay sa mga ginawa ng isang tao bago siya mamatay, kundi sa mga gagawin niya matapos siyang buhaying muli. Sinasabi ng Ro 6:7 na “ang taong namatay ay napawalang-sala na.” Ang mga taong bubuhaying muli na magiging masunurin ay “mabubuhay magpakailanman,” pero ang mga masuwayin ay “hahatulan” ng kamatayan.

Hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay: Gaya ng makikita sa study note sa Luc 9:59, malamang na hindi pa patay ang ama ng lalaking kausap ni Jesus, kundi may sakit lang o matanda na. Kaya parang sinasabi ni Jesus: ‘Hayaan mong ilibing ng mga patay sa espirituwal ang kanilang mga patay.’ Ibig sabihin, hindi dapat ipagpaliban ng lalaki ang desisyon niyang sumunod kay Jesus, dahil lumilitaw na mayroon naman siyang mga kamag-anak na puwedeng mag-alaga sa ama niya. Kung susunod kay Jesus ang lalaki, magkakaroon siya ng pag-asang mabuhay magpakailanman, hindi tulad ng mga patay sa espirituwal sa paningin ng Diyos. Makikita sa sagot ni Jesus na ang pag-una sa Kaharian ng Diyos at pangangaral tungkol dito nang malawakan ay mahalaga para manatiling buháy sa espirituwal.

mga patay: Sinabi ni Jesus na nagsisimula na ang panahon kung kailan “maririnig ng mga patay ang tinig” niya, kaya maliwanag na ang tinutukoy niya ay ang mga taong buháy na nagmana ng kasalanan kay Adan at nahatulan ng kamatayan. (Ro 5:12) Para sa Diyos, walang karapatang mabuhay ang mga tao sa pangkalahatan dahil ang “kabayaran” para sa kasalanan ay kamatayan. (Ro 6:23) Sa pakikinig at pagsunod sa “salita” ni Jesus, ang mga tao ay makasagisag na ‘makakabangon mula sa kamatayan tungo sa buhay.’ (Tingnan ang study note sa Ju 5:24.) Sa Bibliya, ang terminong “pakikinig” ay kadalasan nang tumutukoy sa “pagbibigay-pansin” o “pagsunod.”

hahatulan: Ang terminong Griego na kriʹsis, na isinalin ditong “hahatulan,” ay may iba’t ibang kahulugan, depende sa konteksto. Halimbawa, ang terminong ito ay puwedeng tumukoy sa paghatol (Ju 5:22), katarungan (Mat 23:23; Luc 11:42), o sa hukuman (Mat 5:21). Puwede rin itong tumukoy sa mismong hatol, paborable man o hindi, pero sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, kadalasan nang tumutukoy ito sa isang di-paborableng hatol. Sa talatang ito, ang ‘hatol’ ay iniuugnay sa kamatayan, na kabaligtaran ng buhay at ng buhay na walang hanggan; kaya ang hatol na tinutukoy dito ay nagbubunga ng kamatayan.—2Pe 2:9; 3:7; tingnan ang study note sa Ju 5:29.

nakabangon siya mula sa kamatayan tungo sa buhay: Lumilitaw na ang tinutukoy dito ni Jesus ay ang mga dating patay sa espirituwal pero nakinig sa kaniya, nanampalataya, at tumalikod sa kanilang makasalanang pamumuhay. (Efe 2:1, 2, 4-6) Nakabangon sila “mula sa kamatayan tungo sa buhay” dahil pinalaya sila mula sa hatol ng kamatayan, at binigyan sila ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan dahil sa pananampalataya nila sa Diyos. Lumilitaw na mga patay rin sa espirituwal ang tinutukoy ni Jesus nang sabihin niya sa isang anak na Judio na gustong umuwi para ilibing ang kaniyang ama: “Hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay.”—Luc 9:60; tingnan ang study note sa Luc 9:60; Ju 5:25.

nakabangon siya mula sa kamatayan tungo sa buhay: Lumilitaw na ang tinutukoy dito ni Jesus ay ang mga dating patay sa espirituwal pero nakinig sa kaniya, nanampalataya, at tumalikod sa kanilang makasalanang pamumuhay. (Efe 2:1, 2, 4-6) Nakabangon sila “mula sa kamatayan tungo sa buhay” dahil pinalaya sila mula sa hatol ng kamatayan, at binigyan sila ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan dahil sa pananampalataya nila sa Diyos. Lumilitaw na mga patay rin sa espirituwal ang tinutukoy ni Jesus nang sabihin niya sa isang anak na Judio na gustong umuwi para ilibing ang kaniyang ama: “Hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay.”—Luc 9:60; tingnan ang study note sa Luc 9:60; Ju 5:25.

mga patay: Sinabi ni Jesus na nagsisimula na ang panahon kung kailan “maririnig ng mga patay ang tinig” niya, kaya maliwanag na ang tinutukoy niya ay ang mga taong buháy na nagmana ng kasalanan kay Adan at nahatulan ng kamatayan. (Ro 5:12) Para sa Diyos, walang karapatang mabuhay ang mga tao sa pangkalahatan dahil ang “kabayaran” para sa kasalanan ay kamatayan. (Ro 6:23) Sa pakikinig at pagsunod sa “salita” ni Jesus, ang mga tao ay makasagisag na ‘makakabangon mula sa kamatayan tungo sa buhay.’ (Tingnan ang study note sa Ju 5:24.) Sa Bibliya, ang terminong “pakikinig” ay kadalasan nang tumutukoy sa “pagbibigay-pansin” o “pagsunod.”

buhay: Lit., “buhay sa sarili.” Sa Ju 5:26, sinabi ni Jesus na ang Ama ay “may kapangyarihang magbigay ng buhay [lit., “may buhay sa sarili”],” at ipinagkaloob din ng Diyos sa kaniya “ang kakayahang magbigay ng buhay [lit., “ang buhay sa sarili”].” (Tingnan ang study note sa Ju 5:26.) Pagkalipas ng mga isang taon, ginamit ni Jesus ang literal na ekspresyon para naman sa mga tagasunod niya. Pero sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa pagkakaroon ng “buhay na walang hanggan.” (Ju 6:54) Dito, sa halip na tumukoy sa kapangyarihang magbigay ng buhay, ang ekspresyong ito ay lumilitaw na nangangahulugang lubusan silang masisiyahan sa buhay. Mararanasan ito ng mga pinahirang Kristiyano kapag binuhay na silang muli sa langit bilang imortal. Mararanasan naman ito ng mga tapat na may makalupang pag-asa kapag nalampasan na nila ang huling pagsubok, na agad na mangyayari pagkatapos ng Sanlibong-Taóng Paghahari ni Kristo.—1Co 15:52, 53; Apo 20:5, 7-10.

may kapangyarihang magbigay ng buhay: Lit., “may buhay sa sarili.” Si Jehova lang ang may kapangyarihang magbigay ng buhay, pero si Jesus ay mayroon ding “kakayahang magbigay ng buhay [lit., “buhay sa sarili”]” dahil binigyan siya ng kaniyang Ama ng ganitong kapangyarihan. Siguradong kasama dito ang awtoridad na bigyan ang tao ng pagkakataong magkaroon ng magandang katayuan sa harap ng Diyos at magkaroon ng buhay. Kasama rin dito ang kakayahang bumuhay-muli ng mga patay. Mga isang taon pagkatapos itong sabihin ni Jesus, ginamit niya ang ekspresyong “buhay sa sarili” para naman sa mga alagad niya.—Para sa kahulugan ng ekspresyong ito kapag ginagamit sa mga tagasunod ni Jesus, tingnan ang study note sa Ju 6:53.

Anak ng tao: Lumilitaw ito nang mga 80 beses sa Ebanghelyo. Ginamit ito ni Jesus para tukuyin ang sarili niya, maliwanag na para idiin na isa talaga siyang tao na ipinanganak ng isang babae, at katumbas siya ni Adan, na may kapangyarihang tubusin ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan. (Ro 5:12, 14, 15) Ginamit din ang ekspresyong ito para tukuyin si Jesus bilang Mesiyas, o Kristo.—Dan 7:13, 14; tingnan sa Glosari.

Anak ng tao: Tingnan ang study note sa Mat 8:20.

libingan: Lit., “alaalang libingan.” Salin ito ng salitang Griego na mne·meiʹon, mula sa pandiwang mi·mneʹsko·mai, na nangangahulugang “alalahanin” at tumutukoy sa isang libingan. Kaya ipinapahiwatig ng terminong ito na di-malilimutan ang taong namatay. Sa kontekstong ito, ipinapakita na ang taong namatay ay hindi makakalimutan ng Diyos. Kaya mas maiintindihan natin kung bakit sa ulat ni Lucas, sinabi ng kriminal na katabi ni Jesus: “Alalahanin [isang anyo ng pandiwang mi·mneʹsko·mai] mo ako pagdating mo sa iyong Kaharian.”—Luc 23:42.

pagkabuhay-muli: Ang salitang Griego na a·naʹsta·sis ay literal na nangangahulugang “pagbangon; pagtayo.” Ginamit ito nang mga 40 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan para tumukoy sa pagkabuhay-muli ng mga patay. (Mat 22:31; Gaw 4:2; 24:15; 1Co 15:12, 13) Sa salin ng Septuagint sa Isa 26:19, ginamit ang anyong pandiwa ng a·naʹsta·sis bilang katumbas ng pandiwang Hebreo na “mabuhay” sa pariralang “Ang iyong mga patay ay mabubuhay.”—Tingnan sa Glosari.

hahatulan: Ang terminong Griego na kriʹsis, na isinalin ditong “hahatulan,” ay may iba’t ibang kahulugan, depende sa konteksto. Halimbawa, ang terminong ito ay puwedeng tumukoy sa paghatol (Ju 5:22), katarungan (Mat 23:23; Luc 11:42), o sa hukuman (Mat 5:21). Puwede rin itong tumukoy sa mismong hatol, paborable man o hindi, pero sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, kadalasan nang tumutukoy ito sa isang di-paborableng hatol. Sa talatang ito, ang ‘hatol’ ay iniuugnay sa kamatayan, na kabaligtaran ng buhay at ng buhay na walang hanggan; kaya ang hatol na tinutukoy dito ay nagbubunga ng kamatayan.—2Pe 2:9; 3:7; tingnan ang study note sa Ju 5:29.

mabubuhay silang muli: Tingnan ang study note sa Mat 22:23.

mabubuhay magpakailanman . . . hahatulan: Dito at sa Ju 5:24, ipinapakita na ang mga “hahatulan” ay iba sa mga magkakaroon ng “buhay” at ng “buhay na walang hanggan.” Ibig sabihin, ang resulta ng hatol na ito ay kamatayan. (2Pe 2:9; 3:7; tingnan ang study note sa Ju 5:24.) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang Griego na isinalin ditong “hahatulan” (kriʹsis) ay kadalasan nang tumutukoy sa isang di-paborableng hatol. Gaya ng ipinapakita ng konteksto at ng iba pang teksto, ang hatol na sinasabi ni Jesus ay hindi nakabatay sa mga ginawa ng isang tao bago siya mamatay, kundi sa mga gagawin niya matapos siyang buhaying muli. Sinasabi ng Ro 6:7 na “ang taong namatay ay napawalang-sala na.” Ang mga taong bubuhaying muli na magiging masunurin ay “mabubuhay magpakailanman,” pero ang mga masuwayin ay “hahatulan” ng kamatayan.

sa sarili kong pagkukusa: Lit., “mula sa sarili ko,” ibig sabihin, nang siya lang. Bilang Punong Kinatawan ng Diyos, si Jesus ay laging nakikinig kay Jehova at ang lahat ng sinasabi niya ay mula kay Jehova.

ayon sa sinasabi ng Ama: Pinapakinggan ni Jesus ang sinasabi ng Ama dahil ang Ama ang Kataas-taasang Hukom.

isa pang: Maliwanag na tumutukoy sa Ama.—Ju 5:34, 37.

ang Kasulatan: Ang ekspresyong ito ay kadalasan nang tumutukoy sa Hebreong Kasulatan. Madali lang sanang makikita ng mga Judiong nagsasaliksik nang mabuti sa Kasulatan na si Jesus ang Mesiyas kung ikukumpara nila ang buhay at turo ni Jesus sa mga hula dito. Pero hindi talaga sinuri ng mga Judiong ito ang napakaraming ebidensiya sa Kasulatan na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas. Iniisip nila na magkakaroon sila ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Kasulatan, pero hindi nila matanggap ang sinasabi nito na si Jesus ang daan para magkaroon ng buhay.—Deu 18:15; Luc 11:52; Ju 7:47, 48.

ang mismong nakasulat dito: Mababasa sa Kasulatan ang mga hula tungkol sa Mesiyas na nagpapakitang si Jesus ang daan para magkaroon ng “buhay na walang hanggan” ang mga nakikinig sa kaniya.

nag-iisang Diyos: Sa ilang sinaunang manuskrito, hindi mababasa ang salitang “Diyos” at puwede itong isaling “Nag-iisa.” Pero ang ginamit sa saling ito ay mababasa sa ibang sinaunang maaasahang manuskrito.

Media

Paliguan ng Betzata
Paliguan ng Betzata

Sa Ebanghelyo lang ni Juan binanggit ang isang paliguan na tinatawag na Betzata, na makikita sa “Jerusalem, sa Pintuang-Daan ng mga Tupa.” (Ju 5:2) Malamang na ito ang Pintuang-Daan ng mga Tupa na binabanggit sa Hebreong Kasulatan. Ang pintuang-daang iyon ay nasa hilagang-silangang kanto ng lunsod. (Ne 3:1, 32; 12:39) Posible rin na ang “Pintuang-Daan ng mga Tupa” na binanggit ni Juan ay mas nahuling itinayo kaysa sa tinutukoy sa Hebreong Kasulatan. Sa hilaga ng bundok ng templo, natagpuan ng mga arkeologo ang mga labí ng isang malaking paliguan na tumutugma sa paglalarawan ni Juan. Base sa mga ginawang paghukay, isa itong paliguan na nahahati sa dalawa, at may lapad itong 46 m (150 ft) at haba na 92 m (300 ft). Sinasabi ng Ebanghelyo na ang paliguan ay may “limang kolonada” at kasya dito ang “maraming maysakit” at may kapansanan. (Ju 5:2, 3) Ang pader sa pagitan ng hilaga at timugang bahagi nito ay malamang na isa sa limang kolonadang iyon, at ang apat na iba pang kolonada ay nakapalibot sa buong paliguan.

1. Betzata

2. Bundok ng Templo