Ayon kay Lucas 13:1-35

13  Nang panahong iyon, may ilang naroon na nagsabi kay Jesus tungkol sa mga taga-Galilea na pinatay ni Pilato habang naghahain ang mga ito.  Sumagot siya: “Iniisip ba ninyo na mas makasalanan ang mga taga-Galileang iyon kaysa sa lahat ng iba pa sa Galilea dahil sa dinanas nila?  Sinasabi ko sa inyo, hindi. Pero kung hindi kayo magsisisi, mamamatay kayong lahat tulad nila.+  O ang 18 nabagsakan ng tore sa Siloam at namatay—iniisip ba ninyo na mas makasalanan sila kaysa sa lahat ng iba pang taga-Jerusalem?  Sinasabi ko sa inyo, hindi. Pero kung hindi kayo magsisisi, mamamatay kayong lahat tulad nila.”  Pagkatapos, ibinigay niya ang ilustrasyong ito: “Isang tao ang may puno ng igos na nakatanim sa ubasan niya; pinuntahan niya ang puno para maghanap ng bunga roon, pero wala siyang nakita.+  Kaya sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tatlong taon na akong naghahanap ng bunga sa punong ito, pero wala akong makita. Putulin mo na ito! Bakit masasayang ang lupa dahil sa punong ito?’+  Sumagot siya, ‘Panginoon, maghintay pa tayo nang isang taon. Huhukay ako sa palibot nito at maglalagay ng pataba.  Kung mamunga ito, mabuti; pero kung hindi, ipaputol mo na ito.’”+ 10  Isang Sabbath, habang nagtuturo siya sa isa sa mga sinagoga, 11  naroon ang isang babae na 18 taon nang may kapansanan dahil sa isang demonyo; hukot na hukot ito at hindi makatayo nang tuwid. 12  Nang makita ni Jesus ang babae, tinawag niya ito at sinabi: “Mawawala na ang kapansanan mo.”*+ 13  Hinawakan niya ang* babae, at agad itong nakatayo nang tuwid at niluwalhati ang Diyos. 14  Pero nagalit ang punong opisyal ng sinagoga dahil nagpagaling si Jesus nang Sabbath, at sinabi nito sa mga tao: “May anim na araw para gawin ang mga dapat gawin;+ kaya pumunta kayo rito sa mga araw na iyon para mapagaling, pero huwag sa araw ng Sabbath.”+ 15  Gayunman, sumagot ang Panginoon: “Mga mapagpanggap,+ hindi ba kinakalagan ninyo kapag Sabbath ang inyong toro o asno mula sa kuwadra at inilalabas ito para painumin?+ 16  Ang babaeng ito ay isang anak ni Abraham at iginapos* ni Satanas nang 18 taon. Hindi ba nararapat lang na mapagaling* siya sa araw ng Sabbath?” 17  Nang sabihin niya ito, napahiya ang mga kumakalaban sa kaniya, pero nagsaya ang lahat ng iba pa dahil sa lahat ng kahanga-hangang bagay na ginawa niya.+ 18  Sinabi pa niya: “Ano ang katulad ng Kaharian ng Diyos, at saan ko ito maihahambing? 19  Gaya ito ng binhi ng mustasa, na kinuha ng isang tao at itinanim sa kaniyang hardin, at tumubo ito at naging isang puno, at ang mga ibon sa langit ay namugad sa mga sanga nito.”+ 20  At sinabi niya ulit: “Saan ko maihahambing ang Kaharian ng Diyos? 21  Gaya ito ng pampaalsa,* na kinuha ng isang babae at inihalo sa tatlong malalaking takal ng harina kaya umalsa ang buong masa.”+ 22  Habang papunta sa Jerusalem, dumaan siya sa mga lunsod at nayon at nagturo sa mga tao.+ 23  May nagsabi sa kaniya: “Panginoon, kaunti lang ba ang maliligtas?” Sinabi niya sa kanila: 24  “Magsikap kayo nang husto na makapasok sa makipot na pinto,+ dahil sinasabi ko sa inyo, marami ang magsisikap na pumasok pero hindi ito magagawa. 25  Dahil kapag tumayo na ang may-bahay at ikinandado ang pinto, tatayo kayo sa labas at kakatok, at sasabihin ninyo, ‘Panginoon, pagbuksan mo kami.’+ Pero sasagot siya: ‘Hindi ko kayo kilala.’+ 26  Kaya sasabihin ninyo, ‘Kumain kami at uminom kasama mo, at nagturo ka sa malalapad na daan namin.’+ 27  Pero sasabihin niya, ‘Hindi ko kayo kilala. Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng masama!’ 28  Iiyak kayo at magngangalit ang mga ngipin ninyo kapag nakita ninyo sa Kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac, Jacob, at ang lahat ng propeta, samantalang kayo ay nasa labas.+ 29  Bukod diyan, may mga taong darating mula sa silangan, kanluran, hilaga, at timog, at uupo sila sa mesa sa Kaharian ng Diyos. 30  At may mga huli na mauuna, at may mga una na mahuhuli.”+ 31  Nang mismong oras na iyon, lumapit ang ilang Pariseo at sinabi nila sa kaniya: “Umalis ka sa lugar na ito, dahil gusto kang patayin ni Herodes.” 32  Sinabi niya: “Sabihin ninyo sa asong-gubat na iyon, ‘Magpapalayas ako ng mga demonyo at magpapagaling ng mga tao ngayon at bukas, at matatapos ako sa ikatlong araw.’ 33  Pero anuman ang mangyari, itutuloy ko pa rin ang dapat kong gawin ngayon, bukas, at sa susunod na araw, dahil hindi puwedeng patayin ang isang propeta sa labas ng Jerusalem.+ 34  Jerusalem, Jerusalem, ang pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinugo sa kaniya+—ilang ulit kong sinikap na tipunin ang mga anak mo, kung paanong tinitipon ng inahing manok ang mga sisiw niya sa ilalim ng kaniyang mga pakpak! Pero ayaw ninyo.+ 35  Kaya pababayaan ng Diyos ang bahay ninyo.+ Sinasabi ko sa inyo, hindi ninyo ako makikita hanggang sa sabihin ninyo: ‘Pinagpala ang isa na dumarating sa pangalan ni Jehova!’”+

Talababa

O “Malaya ka na sa kapansanan mo.”
O “Ipinatong niya ang kamay niya sa.”
O “mapalaya.”
O “pinahirapan.”
O “lebadura.”

Study Notes

nabagsakan ng tore sa Siloam: Para palitawin ang punto niya, binanggit ni Jesus ang isang trahedya na kamakailan lang nangyari o posibleng sariwa pa sa isip ng mga tao. Lumilitaw na ang tore ng Siloam ay malapit sa imbakan ng tubig ng Siloam na nasa timog-silangang bahagi ng Jerusalem.​—Tingnan ang Ap. B12, mapa na “Jerusalem at ang Palibot Nito.”

puno ng igos na nakatanim sa ubasan: Karaniwan noon na magtanim ng puno ng igos at olibo sa mga ubasan, para kahit hindi maganda ang ani sa ubasan, may kikitain pa rin sa igos at olibo.

Tatlong taon: Ang mga bagong puno na itinanim gamit ang bahaging tinabas mula sa ibang puno ng igos ay karaniwan nang namumunga nang kahit kaunti pagkatapos ng dalawa o tatlong taon. Nang sabihin ni Jesus ang ilustrasyong ito, mga tatlong taon na siyang nangangaral, at lumilitaw na dito tumutukoy ang tatlong taon na binanggit niya sa ilustrasyon. Mga tatlong taon nang sinisikap ni Jesus na palaguin ang pananampalataya ng mga Judio. Pero kaunti lang ang naging alagad, na maituturing na bunga ng pagsisikap niya. Ngayon, sa ikaapat na taon ng ministeryo niya, dinoble pa niya ang pagsisikap niya. Nang mangaral at magturo si Jesus sa Judea at Perea, para bang binubungkal niya ang lupa at nilalagyan ng pataba ang makasagisag na puno ng igos, na kumakatawan sa bansang Judio. Pero kakaunti lang ang nakinig sa kaniya, kaya naging karapat-dapat sa pagkapuksa ang bansang Judio.

may kapansanan dahil sa isang demonyo: Lit., “may espiritu ng panghihina.” Sa Luc 13:16, sinabi ni Jesus na ang babaeng ito ay “iginapos” ni Satanas.

binhi ng mustasa: May iba’t ibang uri ng mustasa na tumutubo sa Israel. Ang black mustard (Brassica nigra) ay ang uri na karaniwang itinatanim sa Israel. Ang maliit na binhi nito ay may diyametro na 1 hanggang 1.6 mm (0.039 hanggang 0.063 in) at may timbang na 1 mg (0.000035 oz), pero tumutubo ito na kasinlaki ng puno. Ang ilang uri ng mustasa ay tumataas nang hanggang 4.5 m (15 ft). Ang binhi ng mustasa, na tinatawag na “pinakamaliit sa lahat ng binhi” sa Mat 13:32 at Mar 4:31, ay ginagamit sa mga sinaunang akdang Judio bilang idyoma para sa napakaliliit na bagay. Kahit na may mas maliliit na binhi na kilala ngayon, lumilitaw na ito ang pinakamaliit na binhing tinitipon at inihahasik ng mga magsasakang Israelita noong panahon ni Jesus.

malalaking takal: Tingnan ang study note sa Mat 13:33.

kaunti lang ba ang maliligtas?: Laging pinagtatalunan ng mga Judiong lider ng relihiyon noon ang bilang ng makakaligtas. Nang maglaon, may mga kulto pa nga na naglalagay ng katumbas na numero para sa bawat letra ng iba’t ibang sagradong kasulatan para malaman ang eksaktong bilang ng makakaligtas. Maraming opinyon at haka-haka tungkol sa paghatol ng Diyos, pero idiniin ni Jesus na pananagutan ng bawat isa ang sarili niyang kaligtasan.

Magsikap kayo nang husto: O “Patuloy kayong magpursigi.” Idiniriin dito ni Jesus na kailangang ibigay ng isa ang buong makakaya niya para makapasok sa makipot na pinto. Ayon sa iba’t ibang reperensiya, puwede rin itong isalin sa tekstong ito na “Ibigay ang inyong buong makakaya; Gawin ninyo ang lahat.” Ang pandiwang Griego na a·go·niʹzo·mai ay nauugnay sa pangngalang Griego na a·gonʹ, na madalas gamitin para tumukoy sa kompetisyon ng mga atleta. Sa Heb 12:1, ginamit ang pangngalang ito para sa Kristiyanong “takbuhan” tungo sa buhay. Isinasalin din itong “problema” (Fil 1:30), “paghihirap” (Col 2:1), o “pakikipaglaban” (1Ti 6:12; 2Ti 4:7). Ang mga anyo ng pandiwang Griego na ginamit sa Luc 13:24 ay isinaling “kasali sa isang paligsahan” (1Co 9:25), “nagsisikap . . . nang husto” (Col 1:29; 1Ti 4:10), “marubdob” (Col 4:12), at “pakikipaglaban” (1Ti 6:12). Dahil iniuugnay ang ekspresyong ito sa kompetisyon ng mga atleta, sinasabi ng ilan na pinapasigla ni Jesus ang mga alagad niya na magsikap na katulad ng isang atleta na ibinubuhos ang buong makakaya para mapanalunan ang gantimpala.

malalapad na daan: O “pangunahing mga daan.” Ang terminong Griego na ginamit dito ay tumutukoy sa pangunahing mga daan sa isang lunsod na nagiging malapad pagdating sa sentro ng lunsod na nagsisilbing plaza. Ang “malalapad na daan” na ito ay ibang-iba sa makikipot at mahahabang daan na tipikal sa mga lunsod at bayan noong unang siglo.

magngangalit ang mga ngipin ninyo: Nagpapahiwatig ito ng matinding stress, kawalan ng pag-asa, at galit, na posibleng may kasama pang pagsasalita ng masakit at marahas na paggawi.

mula sa silangan, kanluran, hilaga, at timog: Ang tinutukoy ni Jesus sa pagbanggit niya sa apat na direksiyon ay ang buong mundo. Ibig sabihin, ang pribilehiyong ito ay magiging bukás sa lahat ng bansa.

uupo sila sa mesa: Tingnan ang study note sa Mat 8:11.

Herodes: Si Herodes Antipas, anak ni Herodes na Dakila.​—Tingnan sa Glosari.

asong-gubat: Sa Ingles, fox. Ang hayop na ito ay kilala sa pagiging tuso, at iyan ang posibleng dahilan kung bakit tinawag ni Jesus si Herodes na asong-gubat. Sinasabi ng ilang iskolar na bukod sa pagiging tuso, iniisip din ni Jesus na si Herodes ay mahina at walang halaga. Sa mga akdang Judio, ginagamit ang asong-gubat para tumukoy sa mahihina (ihambing ang Ne 4:3) pero tuso at mapagsamantala, kabaligtaran ng paggamit sa leon, na tumutukoy sa matapang at malakas na tagapamahala. (Ihambing ang Kaw 28:1; Jer 50:17; Eze 32:2.) Kung tama ang mga pananaw na ito, lumilitaw na sinasabi ni Jesus na si Herodes ay isang tagapamahalang tuso at mataas ang tingin sa sarili pero walang halaga sa paningin ng Diyos. Papunta noon si Jesus sa Jerusalem, at malamang na nasa Perea siya, na teritoryo ni Herodes, nang sabihin ng mga Pariseo sa kaniya na gusto siyang patayin ni Herodes. Posibleng si Herodes ang nagpakalat ng balitang ito kasi umaasa siyang matatakot si Jesus at aalis sa teritoryo niya kapag narinig ito. Lumilitaw na hindi mapalagay si Herodes dahil kay Jesus at sa ministeryo niya. Bago nito, namanipula si Herodes ng asawa niya kaya ipinapatay niya si Juan Bautista, at malamang na takót siyang pumatay ng isa pang propeta ng Diyos.​—Mat 14:1, 2; Mar 6:16.

ngayon at bukas, at matatapos ako sa ikatlong araw: Hindi literal ang sinabing ito ni Jesus. Sa halip, sinasabi lang niya na kaunting panahon na lang ang natitira bago siya magpunta sa Jerusalem, kung saan siya mamamatay. Posibleng ipinapahiwatig din ng pananalita niya na nakatakda na ang gawain at haba ng ministeryo niya bilang Mesiyas at hindi ito mapapaikli, maiimpluwensiyahan, o mababago ng sinumang tagapamahala.

hindi puwedeng: O “imposibleng.” Hindi espesipikong inihula sa Bibliya na ang Mesiyas ay mamamatay sa Jerusalem, pero ito ang ipinapahiwatig ng Dan 9:24-26. Isa pa, makatuwirang isipin na kung papatay ang mga Judio ng propeta, lalo na ang Mesiyas, gagawin nila ito sa lunsod na iyon. Ang mataas na hukuman ng Sanedrin, na may 71 miyembro, ay nagpupulong sa Jerusalem para litisin ang mga inaakusahang huwad na propeta. Malamang na naisip din ni Jesus na sa Jerusalem iniaalay ang regular na mga handog sa Diyos, at doon pinapatay ang korderong pampaskuwa. At natupad nga ang sinabi ni Jesus. Dinala siya sa Sanedrin sa Jerusalem at hinatulan. At pinatay si Jesus bilang “korderong pampaskuwa” sa Jerusalem, sa labas lang ng mga pader nito.​—1Co 5:7.

Jerusalem, Jerusalem: Sa Mat 23:37, mababasa na sinabi rin ni Jesus ang katulad na pananalita noong Nisan 11, sa huling linggo ng ministeryo niya sa lupa. Pero naunang mangyari ang ulat na ito sa Lucas, noong nasa Perea si Jesus.​—Tingnan ang Ap. A7.

bahay: Templo.

Jehova: Sa pagsiping ito sa Aw 118:26, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.​—Tingnan ang Ap. C.

Media

Baryang Ginawa ni Herodes Antipas
Baryang Ginawa ni Herodes Antipas

Makikita sa larawan ang magkabilang panig ng baryang tanso na may halong ibang metal na ginawa noong mga panahong nangangaral si Jesus. Ang baryang ito ay ipinagawa ni Herodes Antipas, na tetrarka noon, o tagapamahala ng distrito, ng Galilea at Perea. Nang sabihin ng mga Pariseo kay Jesus na gusto siyang patayin ni Herodes, malamang na nasa Perea siya na sakop ni Herodes habang papunta sa Jerusalem. Nang sumagot si Jesus, tinawag niya si Herodes na “asong-gubat.” (Tingnan ang study note sa Luc 13:32.) Dahil karamihan ng sakop ni Herodes ay mga Judio, pumili siya ng disenyo ng barya na katanggap-tanggap sa mga Judio, gaya ng sanga ng palma (1) at putong (2).

Inahin na Nagtitipon ng mga Sisiw
Inahin na Nagtitipon ng mga Sisiw

Nakakaantig ang paglalarawan ni Jesus sa malasakit niya sa Jerusalem nang ihambing niya ang sarili niya sa inahing nagtitipon ng mga sisiw sa ilalim ng pakpak para protektahan ang mga ito. Ang ilustrasyong ito, pati na ang pagbanggit ni Jesus tungkol sa anak na humingi ng itlog sa tatay niya (Luc 11:11, 12), ay nagpapakitang karaniwan ang pag-aalaga ng manok sa Israel noong unang siglo. Ang salitang Griego na orʹnis, na ginamit din sa Mat 23:37 at Luc 13:34, ay puwedeng tumukoy sa anumang ibon, inaalagaan man o ligáw; pero sa kontekstong ito, maliwanag na inahing manok ang tinutukoy, ang pinakakaraniwan at kapaki-pakinabang na alagang ibon.