Ayon kay Lucas 24:1-53
Talababa
Study Notes
unang araw ng linggo: Tumutukoy sa Nisan 16. Para sa mga Judio, ang araw pagkatapos ng Sabbath ay ang unang araw ng linggo.
libingan: O “alaalang libingan.” Hindi talaga ito kuweba, kundi isang libingang inuka sa malambot na batong-apog. Ang ganitong libingan ay may mga uka sa loob o mahahabang patungan ng bangkay.—Tingnan sa Glosari, “Alaalang libingan.”
bumili ng mababangong sangkap na ipapahid nila sa katawan niya: Naihanda na ang katawan ni Jesus para sa paglilibing “ayon sa kaugalian ng mga Judio.” (Ju 19:39, 40) Pero dahil namatay si Jesus mga tatlong oras bago ang Sabbath at hindi na puwedeng gawin ang paghahanda sa katawan ng patay sa panahon ng Sabbath, malamang na minadali ang paghahanda sa katawan ni Jesus. Kaya sa unang araw pagkatapos ng Sabbath, sa ikatlong araw pagkamatay ni Jesus, malamang na nagpunta ang mga babaeng ito para magdagdag ng dahon, langis, o iba pang sangkap para mapreserba ang katawan niya nang mas matagal. (Luc 23:50–24:1) Malamang na ilalagay nila ang mga sangkap na ito sa ibabaw ng nakabalot na katawan ni Jesus.
unang araw ng linggo: Tingnan ang study note sa Mat 28:1.
libingan: Tingnan ang study note sa Mat 27:60.
mababangong sangkap na inihanda nila: Tingnan ang study note sa Mar 16:1.
isang bato: Lumilitaw na isa itong bilog na bato, dahil sinasabi sa talatang ito na iginulong ang bato, at sinasabi naman sa Mar 16:4 na “naigulong na ang bato” noong buhaying muli si Jesus. Malamang na may bigat itong isang tonelada o higit pa. Tinawag ito ni Mateo na “isang malaking bato.”—Mat 27:60.
bato: Tingnan ang study note sa Mar 15:46.
ng Panginoong Jesus: Hindi makikita ang pananalitang ito sa ilang manuskrito, pero mababasa ito sa luma at maaasahang mga manuskrito.—Para malaman kung paano ginagamit ang mga sinaunang manuskrito para mabuo ang tekstong Griego, tingnan ang Ap. A3.
dalawang lalaki na may nagniningning na damit: Tumutukoy ito sa mga anghel. (Ihambing ang Luc 24:23.) Sa Gaw 1:10, ang “dalawang lalaki na nakaputing damit” ay mga anghel din.
Wala siya rito dahil binuhay na siyang muli: Hindi makikita ang pananalitang ito sa ilang manuskrito, pero mababasa ito sa luma at maaasahang mga manuskrito.—Tingnan ang Ap. A3.
ibayubay sa tulos: O “ibitin sa tulos.”—Tingnan ang study note sa Mat 20:19 at Glosari, “Tulos”; “Pahirapang tulos.”
ibayubay sa tulos: O “ibitin sa tulos.” Ito ang una sa mahigit 40 paggamit ng pandiwang Griego na stau·roʹo sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ito ang pandiwa ng pangngalang Griego na stau·rosʹ, na isinasaling “pahirapang tulos.” (Tingnan ang study note sa Mat 10:38; 16:24; 27:32 at Glosari, “Tulos”; “Pahirapang tulos.”) Ginamit ng Septuagint ang pandiwang ito sa Es 7:9, kung saan ipinag-utos na ibitin si Haman sa tulos na mahigit 20 m (65 ft) ang taas. Sa klasikal na Griego, nangangahulugan itong “bakuran o palibutan ng tulos o poste.”
umalis sila . . . para ibalita sa 11 apostol . . . ang lahat ng ito: Ang pagkabuhay-muli ni Jesus ay puwede sanang sa mga lalaking alagad muna ipinaalám ng dalawang anghel, na tinukoy sa Luc 24:4 bilang mga “lalaki na may nagniningning na damit.” Pero ibinigay sa mga babae ang pribilehiyo na unang makaalam ng tungkol dito. (Luc 24:6-9; Ju 20:11-18) At mga babae rin ang pinagkatiwalaan na ibalita ito “sa 11 apostol at sa iba pang alagad.” Bukod diyan, si Maria Magdalena ay isa sa mga alagad na unang nakakita sa binuhay-muling si Jesus.—Ju 20:16; tingnan ang study note sa Mat 28:7.
sa libingan: Hindi makikita ang pananalitang ito sa ilang manuskrito, pero mababasa ito sa luma at maaasahang mga manuskrito.
sabihin ninyo sa mga alagad niya na binuhay siyang muli: Ang mga babaeng ito ang una sa mga alagad na nakaalam ng pagkabuhay-muli ni Jesus, at sila rin ang inutusang magbalita nito sa iba pang alagad. (Mat 28:2, 5, 7) Ayon sa di-makakasulatang paniniwala ng mga Judio, hindi puwedeng tumestigo sa korte ang isang babae. Pero binigyang-dangal ng anghel ni Jehova ang mga babae nang ibigay niya sa kanila ang magandang atas na ito.
si Maria na tinatawag na Magdalena: Ang babaeng madalas tawaging Maria Magdalena ay unang binanggit dito sa ulat ng ikalawang taon ng pangangaral ni Jesus. Ang pangalan niyang Magdalena (nangangahulugang “Ng, o Mula sa, Magdala”) ay malamang na kinuha sa bayan ng Magdala. Ang bayang ito ay nasa kanlurang baybayin ng Lawa ng Galilea at nasa pagitan ng Capernaum at Tiberias. Sinasabing sa Magdala lumaki si Maria o doon siya nakatira. Karaniwan nang nababanggit si Maria Magdalena sa mga ulat tungkol sa pagkamatay at pagkabuhay-muli ni Jesus.—Mat 27:55, 56, 61; Mar 15:40; Luc 24:10; Ju 19:25.
Maria Magdalena: Tingnan ang study note sa Luc 8:2.
Juana: Pinaikling pambabaeng anyo ng pangalang Hebreo na Jehohanan, na nangangahulugang “Si Jehova ay Nagpakita ng Lingap; Si Jehova ay Nagmagandang-Loob.” Si Juana, na pinagaling ni Jesus, ay asawa ni Cuza, na isa sa mga opisyal ni Herodes Antipas. Dalawang beses lang siyang binanggit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at mababasa lang siya sa Ebanghelyo ni Lucas.—Luc 8:2, 3.
. . . sa nangyari: Hindi makikita ang pananalitang ito sa ilang manuskrito, pero mababasa ito sa luma at maaasahang mga manuskrito.—Tingnan ang Ap. A3.
mga 11 kilometro: Mga 7 mi. Lit., “60 estadyo.” Ang isang Romanong estadyo ay 185 m (606.95 ft).—Tingnan sa Glosari, “Milya,” at Ap. B14.
ipinaliwanag: Ang salitang Griego na di·er·me·neuʹo ay puwedeng mangahulugang “isalin sa ibang wika.” (Gaw 9:36; 1Co 12:30) Pero nangangahulugan din ito na “linawin ang kahulugan; ipaliwanag nang mabuti.” Sa talatang ito, tumutukoy ito sa pagpapaliwanag sa ibig sabihin ng mga hula.
nagniningas: Ang ekspresyong ginamit dito ay galing sa salitang Griego na puwedeng tumukoy sa matitinding emosyon, gaya ng kagalakan at kasiyahan, at sa pagiging interesadong-interesado at sabik. Inilalarawan nito ang reaksiyon ng dalawang alagad habang malinaw na ipinapaliwanag sa kanila ni Jesus ang Hebreong Kasulatan.
malinaw niyang ipinapaliwanag . . . ang Kasulatan: Ang pandiwang Griego para sa “malinaw na ipaliwanag” (di·a·noiʹgo) ay ginamit nang tatlong beses sa kabanatang ito. Una, sa Luc 24:31, inilarawan nito kung paano “nabuksan ang mga mata” ng dalawang alagad kaya nalaman nila na si Jesus ang kausap nila. Ikalawa, sa Luc 24:32, ginamit naman ang salitang ito para sa pariralang ‘malinaw na ipinapaliwanag.’ At ikatlo, sa Luc 24:45, ginamit ang salitang Griegong ito para ilarawan kung paano “binuksan” ni Jesus ang isip ng mga alagad para maintindihan ng mga ito ang Hebreong Kasulatan.—Tingnan din ang Gaw 7:56, “bukás”; 16:14, “binuksan”; at 17:3, “ipinaliwanag [lit., “lubusang binuksan”],” kung saan ginamit din ang salitang Griego na ito.
at sinabi niya: “Sumainyo nawa ang kapayapaan”: Hindi makikita ang pananalitang ito sa ilang manuskrito, pero mababasa ito sa luma at maaasahang mga manuskrito.
espiritu: Ang salitang Griego na pneuʹma ay puwedeng tumukoy sa di-nakikitang espiritung persona, pero dito, maliwanag na tumutukoy ito sa isang aparisyon o pangitain. Ipinakita ni Jesus sa mga alagad niya ang kaniyang mga kamay at paa at sinabi: “Hawakan ninyo ako at tingnan, dahil ang isang espiritu ay walang laman at buto, hindi gaya ng nakikita ninyo sa akin.” (Luc 24:39) Patunay ito na hindi siya aparisyon kundi nagkatawang-tao siya, gaya ng mga anghel noon, para makita siya ng mga alagad.—Gen 18:1-8; 19:1-3.
mga kamay at paa ko: Karaniwan nang ipinapako ng mga Romano sa tulos ang mga kamay (at malamang na pati ang mga paa) ng isang akusado, gaya ng ginawa nila kay Jesus. (Aw 22:16; Ju 20:25, 27; Col 2:14) Naniniwala ang ilang iskolar na ipinako ang mga paa ni Jesus sa mismong tulos o sa isang tabla na nakakabit sa tulos.
. . . at paa: Hindi makikita ang pananalitang ito sa ilang manuskrito, pero mababasa ito sa luma at maaasahang mga manuskrito.—Tingnan ang Ap. A3.
isda: Sa ilang bagong manuskrito, idinagdag ang pananalitang “at pulot-pukyutan,” pero hindi ito mababasa sa luma at maaasahang mga manuskrito.
sa Kautusan ni Moises at sa mga Propeta at sa mga Awit: Maliwanag na hinati-hati ni Jesus ang Hebreong Kasulatan sa paraang tinatanggap at naiintindihan ng mga Judio. Ang “Kautusan” (sa Hebreo, Toh·rahʹ) ay tumutukoy sa mga aklat ng Bibliya mula Genesis hanggang Deuteronomio. Ang “mga Propeta” (sa Hebreo, Nevi·ʼimʹ) ay tumutukoy sa mga aklat ng hula sa Hebreong Kasulatan, kasama na ang tinatawag na Unang mga Propeta (ang mga aklat ng Bibliya mula Josue hanggang Mga Hari). Ang “mga Awit” ay ang ikatlong seksiyon, na naglalaman ng natitira pang mga aklat sa Hebreong Kasulatan at tinatawag ding Mga Akda, o Kethu·vimʹ sa Hebreo. Tinawag itong “mga Awit” dahil ito ang unang aklat sa ikatlong seksiyon. Ang terminong “Tanakh,” na tawag ng mga Judio sa Hebreong Kasulatan, ay ang pinagsama-samang unang letra ng tatlong seksiyong ito (TaNaKh). Ang paggamit ni Jesus ng tatlong terminong ito ay nagpapakita na buo na ang kanon ng Hebreong Kasulatan noong nasa lupa siya at na tinatanggap niya ito.
Kayo ay magpapatotoo: O “Kayo ay magiging saksi.” Isa ito sa mga unang pagkakataon na sinabi ni Jesus sa mga alagad niya na “magpapatotoo” sila tungkol sa kaniyang buhay at ministeryo, kasama na ang kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli. (Ihambing ang Ju 15:27.) Bilang tapat na mga Judio, ang mga alagad ni Jesus ay mga saksi na ni Jehova at nagpapatotoo na sila na Siya lang ang tunay na Diyos. (Isa 43:10-12; 44:8) Pagkalipas ng mga 40 araw mula nang mangyari ang ulat na ito, inulit at idiniin ni Jesus ang bagong atas nila na magpatotoo tungkol sa kaniya.—Tingnan ang study note sa Gaw 1:8.
mga saksi ko: Bilang tapat na mga Judio, ang mga alagad ni Jesus noon ay mga saksi na ni Jehova at nagpapatotoo na sila na Siya lang ang tunay na Diyos. (Isa 43:10-12; 44:8) Pero mula nang pagkakataong iyon, ang mga alagad ay magiging mga saksi na ni Jehova at ni Jesus. Ihahayag nila ang mahalagang papel ni Jesus sa pagpapabanal ng pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian, na isang bagong bahagi ng layunin ni Jehova. Mas maraming beses na ginamit ng aklat ng Gawa ang mga terminong Griego na marʹtys (“saksi”), mar·ty·reʹo (“magpatotoo”), di·a·mar·tyʹro·mai (“lubusang magpatotoo”), at ang kaugnay na mga salita kumpara sa iba pang aklat ng Bibliya, maliban sa Ebanghelyo ni Juan. (Tingnan ang study note sa Ju 1:7.) Ang pagiging saksi at ang lubusang pagpapatotoo tungkol sa mga layunin ng Diyos—kasama na ang Kaharian ng Diyos at ang mahalagang papel ni Jesus—ang pinakatema ng aklat ng Gawa. (Gaw 2:32, 40; 3:15; 4:33; 5:32; 8:25; 10:39; 13:31; 18:5; 20:21, 24; 22:20; 23:11; 26:16; 28:23) May ilang unang-siglong Kristiyano na nagpatotoo, o nagpatunay, sa mga detalyeng iniulat tungkol sa buhay, kamatayan, at pagkabuhay-muli ni Jesus dahil personal nila itong nasaksihan. (Gaw 1:21, 22; 10:40, 41) Ang mga sumunod naman na nanampalataya kay Jesus ay naging saksi, o nagpatotoo, sa pamamagitan ng pagsasabi sa iba ng tungkol sa kahalagahan ng buhay niya, kamatayan, at pagkabuhay-muli.—Gaw 22:15; tingnan ang study note sa Ju 18:37.
ang ipinangako ng aking Ama: Tumutukoy sa banal na espiritu na ipinangako sa Joe 2:28, 29 at Ju 14:16, 17, 26. Palalakasin ng aktibong puwersang ito ang mga alagad ni Jesus para makapagpatotoo sila sa buong lupa.—Gaw 1:4, 5, 8; 2:33.
lunsod: Ang Jerusalem.
Pagkatapos: Ipinapakita sa Gaw 1:3-9 na umakyat si Jesus sa langit 40 araw pagkatapos siyang buhaying muli. Kaya pagkatapos ng mga pangyayari noong araw na buhaying muli si Jesus (Nisan 16), na nakaulat sa Luc 24:1-49, lumipas pa ang panahon bago naganap ang mga pangyayari sa araw na umakyat siya sa langit (Iyyar 25), na nakaulat naman sa talatang ito hanggang sa katapusan ng kabanata.—Tingnan ang Ap. A7.
Betania: Tingnan ang study note sa Mat 21:17.
Betania: Nayon sa timog-silangang dalisdis ng Bundok ng mga Olibo na mga 3 km (2 mi) mula sa Jerusalem. (Ju 11:18) Lumilitaw na ang bahay nina Marta, Maria, at Lazaro sa nayong ito ang pinakatirahan ni Jesus sa Judea. (Ju 11:1) Sa ngayon, nasa lokasyon nito ang isang maliit na nayon na may pangalang Arabiko na nangangahulugang “Lugar ni Lazaro.”
at umakyat sa langit: Hindi makikita ang pananalitang ito sa ilang manuskrito, pero mababasa ito sa luma at maaasahang mga manuskrito. Sinabi rin ni Lucas sa Gaw 1:1, 2 na ang “unang ulat” niya, ang Ebanghelyo, ay tungkol sa buhay at ministeryo ni Jesus “hanggang sa araw na dalhin siya [si Jesus] sa langit.” Kaya makatuwiran lang na isama ni Lucas sa ulat niya ang mga pananalitang ito tungkol sa pag-akyat ni Jesus sa langit.
magbigay-galang: O “yumukod.” Kapag ang pandiwang Griego na pro·sky·neʹo ay tumutukoy sa pagsamba sa isang diyos o bathala, isinasalin itong “sumamba.” Pero sa kontekstong ito, ang hinahanap ng mga astrologo ay ang “ipinanganak na hari ng mga Judio.” Kaya malinaw na ang termino ay tumutukoy sa pagbibigay-galang sa isang taong hari, hindi sa isang diyos. Ganiyan din ang pagkakagamit sa Mar 15:18, 19, kung saan sinabing ang mga sundalong nangungutya kay Jesus ay “yumuyukod” sa kaniya at tinatawag siyang “Hari ng mga Judio.”—Tingnan ang study note sa Mat 18:26.
lumuhod sa harap niya: O “yumukod sa harap niya; nagbigay-galang sa kaniya.” Sa ulat ng Hebreong Kasulatan, ang mga tao noon ay yumuyukod din sa harap ng mga propeta, hari, o iba pang kinatawan ng Diyos. (1Sa 25:23, 24; 2Sa 14:4-7; 1Ha 1:16; 2Ha 4:36, 37) Maliwanag, kinilala ng lalaking ito na ang kausap niya ay kinatawan ng Diyos na may kapangyarihang magpagaling. Angkop lang na lumuhod o yumukod para magpakita ng paggalang sa Hari na pinili ni Jehova.—Mat 9:18; para sa higit pang impormasyon sa salitang Griego na ginamit dito, tingnan ang study note sa Mat 2:2.
Lumuhod at yumuko sa kaniya: O “Nagbigay-galang sa kaniya.” Kinilala ng mga taong ito si Jesus bilang kinatawan ng Diyos. Kaya lumuhod at yumuko sila sa harap niya, hindi dahil isa siyang diyos o bathala, kundi dahil siya ang “Anak ng Diyos.”—Tingnan ang study note sa Mat 2:2; 8:2; 18:26.
lumuhod: O “yumukod; nagbigay-galang.” Sa pagtawag kay Jesus na “Anak ni David” (Mat 15:22), maliwanag na kinilala ng di-Judiong babaeng ito na siya ang ipinangakong Mesiyas. Lumuhod ang babae sa harap ni Jesus, hindi dahil isa siyang diyos o bathala, kundi dahil kinatawan siya ng Diyos.—Tingnan ang study note sa Mat 2:2; 8:2; 14:33; 18:26.
Yumukod: O “Nagpatirapa; Nagbigay-galang.” Kapag ang pandiwang Griego na pro·sky·neʹo ay tumutukoy sa pagsamba sa isang diyos o bathala, isinasalin itong “sumamba.” (Mat 4:10; Luc 4:8) Pero sa kontekstong ito, kinilala ng mga alagad ang binuhay-muling si Jesus bilang kinatawan ng Diyos. Kaya yumukod sila sa kaniya, hindi dahil isa siyang diyos o bathala, kundi dahil siya ang “Anak ng Diyos,” ang inihulang “Anak ng tao,” ang Mesiyas na binigyan ng awtoridad ng Diyos. (Luc 1:35; Mat 16:13-16; Ju 9:35-38) Katulad ito ng ginagawa ng mga tao noon sa Hebreong Kasulatan na yumuyukod sa harap ng mga propeta, hari, o iba pang kinatawan ng Diyos. (1Sa 25:23, 24; 2Sa 14:4; 1Ha 1:16; 2Ha 4:36, 37) Sa maraming pagkakataon, yumukod kay Jesus ang mga tao bilang pasasalamat dahil isiniwalat ng Diyos kung sino talaga si Jesus o bilang pagkilala na pinapaboran siya ng Diyos.—Mat 14:32, 33; 28:5-10, 16-18; Ju 9:35, 38; tingnan din ang study note sa Mat 2:2; 8:2; 14:33; 15:25.
Yumukod . . . sa kaniya at: Hindi makikita ang pananalitang ito sa ilang manuskrito, pero mababasa ito sa luma at maaasahang mga manuskrito.—Tingnan ang Ap. A3.
Ang unang ulat: Ang tinutukoy dito ni Lucas ay ang Ebanghelyo niya ng buhay ni Jesus. Doon, nagpokus si Lucas sa “lahat ng ginawa at itinuro ni Jesus.” Sa aklat ng Gawa, ipinagpatuloy ni Lucas ang ulat at nagpokus siya sa mga sinabi at ginawa ng mga tagasunod ni Jesus. Pareho ang istilo at pananalita na ginamit sa mga ulat na ito, at pareho itong para kay Teofilo. Hindi tuwirang sinabi kung talagang alagad ni Kristo si Teofilo. (Tingnan ang study note sa Luc 1:3.) Sinimulan ni Lucas ang aklat ng Gawa sa pagsusumaryo ng marami sa mga pangyayaring nakaulat sa katapusan ng Ebanghelyo niya. Kaya maliwanag na ang ikalawang ulat na ito ay karugtong ng naunang ulat niya. Pero sa sumaryong ito, ibang pananalita ang ginamit ni Lucas at nagbigay siya ng karagdagang mga detalye.—Ihambing ang Luc 24:49 sa Gaw 1:1-12.
palagi silang nasa templo: Nang patayin si Jesus, takot na takot ang mga alagad sa mga kaaway, kaya patago silang nagtitipon. (Ju 20:19, 26) Pero napatibay sila nang turuan sila ni Jesus matapos siyang buhaying muli (Gaw 1:3) at nang makita nila ang pag-akyat niya sa langit makalipas ang 40 araw. Kaya hindi na sila nagtago sa mga tao at hayagan nilang pinuri ang Diyos. Bukod sa Ebanghelyo ni Lucas, isinulat din niya ang aklat ng Mga Gawa para iulat ang masigasig na pangangaral ng mga alagad.—Tingnan ang study note sa Gaw 1:1.
Media

Replika ito ng buto ng sakong ng tao na may nakatusok na pakong bakal na 11.5 cm (4.5 in) ang haba. Ang orihinal na artifact nito, na natuklasang mula pa noong panahon ng mga Romano, ay natagpuan noong 1968 sa isang paghuhukay sa hilagang Jerusalem. Patunay ito na posible talagang ginagamit noon ang mga pako sa paglalapat ng hatol na kamatayan sa tulos. Ang pakong ito ay maaaring katulad ng ginamit ng mga sundalong Romano sa pagpapako kay Jesu-Kristo sa tulos. Ang artifact ay natagpuan sa isang lalagyang bato, na tinatawag na ossuary, kung saan inilalagay ang tuyong buto ng bangkay kapag nabulok na ang laman nito. Ipinapakita nito na maaaring ilibing ang taong hinatulan ng kamatayan sa tulos.