Ayon kay Juan 8:12-59
Talababa
Study Notes
ang liwanag ng sangkatauhan: Sa paglalarawang ito ni Jesus sa sarili niya, posibleng naalala ng mga tagapakinig niya ang apat na malalaking kandelero sa Looban ng mga Babae, na sinisindihan tuwing Kapistahan ng mga Kubol, o Tabernakulo. (Ju 7:2; tingnan ang Ap. B11.) Malayo ang inaabot ng liwanag ng mga ito. Maaalala rin sa ekspresyong “liwanag ng sangkatauhan” ang hula ni Isaias na isang “matinding liwanag” ang makikita ng “mga nakatira sa lupain ng matinding dilim” at na ang “lingkod” ni Jehova ay magsisilbing “liwanag ng mga bansa.” (Isa 9:1, 2; 42:1, 6; 49:6) Sa Sermon sa Bundok, ginamit din ni Jesus ang paglalarawang ito nang sabihin niya sa mga tagasunod niya: “Kayo ang liwanag ng sangkatauhan.” (Mat 5:14) Ang ekspresyong “liwanag ng sangkatauhan,” kung saan ginamit ang salitang Griego na koʹsmos, ay kaayon ng sinabi ni Isaias na ang Mesiyas ay magsisilbing “liwanag ng mga bansa.” At sa Gaw 13:46, 47, ipinakita nina Pablo at Bernabe na ang hula sa Isa 49:6 ay isa ring utos sa lahat ng tagasunod ni Kristo na patuloy na magsilbing liwanag ng mga bansa. Ang ministeryo ni Jesus at ng mga tagasunod niya ay magbibigay ng espirituwal na kaliwanagan sa mga tao at magpapalaya sa kanila sa maling mga turo ng relihiyon.
ang Ama: Sa ilang manuskrito, ang mababasa ay “siya,” pero ang ginamit sa saling ito ay sinusuportahan ng sinauna at maaasahang mga manuskrito.
nasa ingatang-yaman siya: O “malapit siya sa mga kabang-yaman.” Ang salitang Griego na ginamit dito ay lumitaw rin sa Mar 12:41, 43 at Luc 21:1, kung saan isinalin itong “kabang-yaman.” Lumilitaw na ang terminong ginamit dito ay tumutukoy sa isang lugar sa templo na nasa Looban ng mga Babae, kung saan may 13 kabang-yaman. (Tingnan ang Ap. B11.) Sinasabing ang templo ay mayroong pangunahing kabang-yaman at doon dinadala ang perang nakukuha sa mga kabang-yamang iyon. Pero malamang na hindi ito ang lugar na tinutukoy sa talatang ito.—Tingnan ang study note sa Mar 12:41.
kabang-yaman: Ayon sa sinaunang mga akdang Judio, ang mga hulugan ng kontribusyon ay kahugis ng trumpeta, o sungay, at lumilitaw na may maliit na butas ito sa ibabaw. Naghuhulog ng pera ang mga tao dito para sa iba’t ibang handog. Ang salitang Griego na ginamit dito ay makikita rin sa Ju 8:20, kung saan isinalin itong “ingatang-yaman.” Lumilitaw na ito ay nasa Looban ng mga Babae. (Tingnan ang study note sa Mat 27:6 at Ap. B11.) Ayon sa mga akda ng mga rabbi, 13 kabang-yaman ang makikita sa paligid ng loobang iyon, malapit sa pader. Sinasabing ang templo ay mayroong pangunahing kabang-yaman at doon dinadala ang perang nakukuha sa iba pang kabang-yaman.
seksuwal na imoralidad: Ang salitang Griego na por·neiʹa ay sumasaklaw sa lahat ng uri ng pagtatalik na labag sa sinasabi ng Bibliya. Kasama rito ang pangangalunya, prostitusyon, seksuwal na gawain sa pagitan ng mga hindi mag-asawa, pakikipagtalik sa kasekso, at pakikipagtalik sa hayop.—Tingnan sa Glosari.
Hindi kami mga bunga ng imoralidad: O “Hindi kami mga anak sa labas.” Inaangkin ng mga Judio na legal na mga anak sila ng Diyos at ni Abraham, kaya mga tagapagmana raw sila ng mga ipinangako kay Abraham.
imoralidad: O “seksuwal na imoralidad.” Sa Griego, por·neiʹa.—Tingnan ang study note sa Mat 5:32 at Glosari, “Seksuwal na imoralidad.”
nang siya ay magsimula: O “mula sa simula,” ibig sabihin, mula nang magsimula siyang maging Diyablo, na isang mamamatay-tao, sinungaling, at maninirang-puri ng Diyos.—1Ju 3:8, tlb.
isang Samaritanong: Karaniwan nang mababa ang tingin ng mga Judio sa mga Samaritano at ayaw nilang makihalubilo sa mga ito. (Ju 4:9) Ginagamit pa nga ng ilang Judio ang terminong “Samaritano” para manlait o manghamak. (Ju 8:48) Isang rabbi ang sinipi sa Mishnah: “Ang kumakain ng tinapay ng Samaritano ay katulad ng kumakain ng karne ng baboy.” (Shebiith 8:10) Maraming Judio ang hindi naniniwala sa testimonya ng mga Samaritano o hindi tumatanggap ng serbisyo mula sa mga ito. Dahil alam ni Jesus na hinahamak ng karamihan sa mga Judio ang mga Samaritano, nagturo siya ng mahalagang aral gamit ang ilustrasyong ito, na nakilala bilang ang kuwento ng mabuting Samaritano.
Samaritano: Dito, ginamit ng mga Judio ang terminong “Samaritano” para manghamak at manlait.—Tingnan ang study note sa Luc 10:33 at Glosari.
nakita niya iyon: Nakita niya iyon sa pamamagitan ng mata ng pananampalataya.—Heb 11:13; 1Pe 1:11.
Nakita mo na si Abraham: Sa ilang manuskrito, ang mababasa ay “Nakita ka na ni Abraham,” pero ang ginamit sa saling ito ay batay sa sinauna at maaasahang mga manuskrito.
Ako siya: Lit., “Ako.” Sa Griego, e·goʹ ei·mi. Iniuugnay ng ilan ang ekspresyong ito sa Exo 3:14 sa salin ng Septuagint, at ginagamit nila ito para ikatuwiran na si Jesus ang Diyos. Pero magkaibang pananalita ang ginamit sa Exo 3:14 (e·goʹ ei·mi ho on, “Ako ang Isa na Umiiral”) at sa Ju 4:26. Isa pa, ginamit din ng Septuagint ang ekspresyong e·goʹ ei·mi para sa sinabi nina Abraham, Eliezer, Jacob, David, at ng iba pa. (Gen 23:4; 24:34; 30:2; 1Cr 21:17) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, hindi lang sa mga pananalita ni Jesus ipinanumbas ang pariralang e·goʹ ei·mi. Sa Ju 9:9, ito rin ang mga salitang Griego na ginamit para sa sinabi ng lalaking pinagaling ni Jesus. Ang ibig sabihin lang ng lalaki ay siya nga iyon. Ginamit din ni anghel Gabriel, pati nina Pedro, Pablo, at ng iba pa, ang mga salitang ito. (Luc 1:19; Gaw 10:21; 22:3) Maliwanag na ang mga ito ay hindi kaugnay ng nasa Exo 3:14. Kapag tiningnan ang magkakaparehong ulat sa Mateo, Marcos, at Lucas, makikita na ang pariralang e·goʹ ei·mi na nasa Mar 13:6 at Luc 21:8 (“Ako siya”) ay pinaikling paraan lang ng pagsasabi ng mababasa sa Mat 24:5, na isinaling “Ako ang Kristo.”
umiiral na ako: Gustong batuhin si Jesus ng mga Judiong kumakalaban sa kaniya dahil sinabi niyang ‘nakita na niya si Abraham’ kahit ‘wala pa siyang 50 taóng gulang.’ (Ju 8:57) Sinabi iyon ni Jesus dahil gusto niyang malaman nila na nabuhay na siya sa langit bilang isang espiritung nilalang bago pa ipanganak si Abraham. Naniniwala ang ilan na pinatutunayan ng tekstong ito na si Jesus ang Diyos. Sinasabi nila na ang terminong Griego na ginamit dito, e·goʹ ei·miʹ, ay may kaugnayan sa salin ng Septuagint sa Exo 3:14, kung saan ipinapakilala ng Diyos ang sarili niya. (Tingnan ang study note sa Ju 4:26.) Pero gaya ng makikita sa pangangatuwiran ni Jesus sa Ju 8:54, 55, hindi niya sinasabi na siya at ang Ama ay iisa.
dumampot sila ng bato para batuhin siya: Pagkalipas ng mga dalawang buwan, tinangka ulit ng mga Judio na patayin si Jesus sa templo. (Ju 10:31) Nang panahong iyon, may ginagawang konstruksiyon sa templo, kaya ipinapalagay na doon kinuha ng mga Judio ang mga bato.