Ayon kay Marcos 13:1-37

13  Habang palabas siya sa templo, sinabi sa kaniya ng isa sa mga alagad niya: “Guro, tingnan mo! Napakalalaking bato at napakagagandang gusali!”+ 2  Pero sinabi ni Jesus sa kaniya: “Nakikita mo ba ang malalaking gusaling ito? Walang matitirang magkapatong na bato rito. Lahat ay ibabagsak.”+ 3  Habang nakaupo siya sa Bundok ng mga Olibo kung saan abot-tanaw ang templo, tinanong siya nang sarilinan nina Pedro, Santiago, Juan, at Andres: 4  “Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga ito, at ano ang magiging tanda na malapit nang magwakas ang lahat ng ito?”+ 5  Sinabi ni Jesus sa kanila: “Mag-ingat kayo para hindi kayo mailigaw ng sinuman.+ 6  Marami ang gagamit sa pangalan ko at magsasabi, ‘Ako siya,’ at marami silang maililigaw. 7  Isa pa, kapag nakarinig kayo ng ingay ng mga digmaan at ng mga ulat ng digmaan, huwag kayong matakot; kailangang mangyari ang mga ito, pero hindi pa ito ang wakas.+ 8  “Dahil maglalabanan ang mga bansa at mga kaharian;+ lilindol sa iba’t ibang lugar; magkakaroon din ng taggutom.+ Ang mga ito ay pasimula ng matinding paghihirap.+ 9  “Maging handa kayo. Dadalhin nila kayo sa mga hukuman,+ at hahagupitin kayo sa mga sinagoga+ at patatayuin sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, at makapagpapatotoo kayo sa kanila.+ 10  Gayundin, kailangan munang ipangaral ang mabuting balita sa lahat ng bansa.+ 11  At kapag inaresto nila kayo para litisin, huwag kayong mag-alala kung ano ang sasabihin ninyo; kundi anuman ang ibigay sa inyo sa oras na iyon, iyon ang sabihin ninyo, dahil hindi kayo ang magsasalita, kundi ang banal na espiritu.+ 12  Bukod diyan, ipapapatay ng kapatid ang kapatid niya, at ng ama ang anak niya, at lalabanan ng mga anak ang mga magulang nila at ipapapatay ang mga ito.+ 13  At kapopootan kayo ng lahat ng tao dahil sa pangalan ko.+ Pero ang makapagtitiis+ hanggang sa wakas+ ay maliligtas.+ 14  “Gayunman, kapag nakita ninyong ang kasuklam-suklam na bagay na dahilan ng pagkatiwangwang+ ay nakatayo kung saan hindi dapat (kailangan itong unawain ng mambabasa), ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan.+ 15  Ang nasa bubungan ay huwag nang bumaba o pumasok sa bahay niya para kumuha ng anuman;+ 16  at ang nasa bukid ay huwag nang bumalik sa mga bagay na naiwan niya para kunin ang balabal niya. 17  Kaawa-awa ang mga nagdadalang-tao at nagpapasuso ng sanggol sa mga araw na iyon!+ 18  Patuloy na ipanalanging hindi ito matapat sa taglamig; 19  dahil ang mga araw na iyon ay magiging mga araw ng kapighatian+ na hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng paglalang ng Diyos hanggang ngayon, at hindi na mangyayari pang muli.+ 20  Sa katunayan, kung hindi paiikliin ni Jehova ang mga araw, walang taong maliligtas. Pero dahil sa mga pinili niya ay paiikliin niya ang mga araw.+ 21  “At kung may magsabi sa inyo, ‘Nandito ang Kristo!’ o, ‘Nandoon siya!’ huwag ninyong paniwalaan iyon.+ 22  Dahil may mga magpapanggap na Kristo at magkukunwaring mga propeta+ na gagawa ng mga himala at kababalaghan para iligaw, kung posible, ang mga pinili. 23  Kaya mag-ingat kayo.+ Sinabi ko na sa inyo ang lahat ng mangyayari. 24  “Sa mga araw na iyon, pagkatapos ng kapighatiang iyon, ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay hindi magliliwanag,+ 25  at ang mga bituin ay mahuhulog mula sa langit, at ang mga kapangyarihan na nasa langit ay mayayanig. 26  At makikita nila ang Anak ng tao+ na dumarating na nasa mga ulap na may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian.+ 27  At isusugo niya ang kaniyang mga anghel at titipunin ang mga pinili niya mula sa apat na direksiyon, mula sa dulo ng lupa hanggang sa dulo ng langit.+ 28  “Ngayon ay matuto kayo sa ilustrasyon tungkol sa puno ng igos: Sa sandaling tubuan ito ng malalambot na sanga at umusbong ang mga dahon nito, alam ninyo na malapit na ang tag-araw.+ 29  Sa katulad na paraan, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga ito, makakatiyak kayong malapit na siya at nasa pintuan na.+ 30  Sinasabi ko sa inyo na ang henerasyong ito ay hindi lilipas hanggang sa mangyari ang lahat ng ito.+ 31  Ang langit at lupa ay maglalaho,+ pero ang mga salita ko ay hindi maglalaho.+ 32  “Tungkol sa araw o oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa langit o kahit ang Anak, kundi ang Ama.+ 33  Manatili kayong mapagmasid, manatili kayong gisíng,+ dahil hindi ninyo alam kung kailan ang takdang panahon.+ 34  Gaya ito ng isang taong maglalakbay sa ibang lupain na bago umalis ng bahay ay nagbigay ng awtoridad sa mga alipin niya,+ na inaatasan ng trabaho ang bawat isa sa kanila, at nag-utos sa bantay sa pinto na patuloy na magbantay.+ 35  Kaya patuloy kayong magbantay, dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang panginoon ng bahay,+ kung sa gabi o sa hatinggabi o bago magbukang-liwayway o sa umaga.+ 36  Sa gayon, kapag bigla siyang dumating, hindi niya kayo madatnang natutulog.+ 37  Ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat: Patuloy kayong magbantay.”+

Talababa

Study Notes

Walang matitirang magkapatong na bato rito: Tingnan ang study note sa Mat 24:2.

kung saan abot-tanaw ang templo: O “katapat ng templo.” Sinasabi dito ni Marcos na makikita ang templo mula sa Bundok ng mga Olibo. Hindi na niya ito kailangang ipaliwanag kung mga Judio ang babasa nito.—Tingnan ang “Introduksiyon sa Marcos.”

malapit nang magwakas: Mula sa pandiwang Griego na syn·te·leʹo, na kaugnay ng pangngalang Griego na syn·teʹlei·a, na nangangahulugang “sabay-sabay na katapusan; magkakasamang magtatapos” at lumitaw sa kaparehong ulat sa Mat 24:3. (Ang salitang Griego na syn·teʹlei·a ay lumitaw rin sa Mat 13:39, 40, 49; 28:20; Heb 9:26.) Tumutukoy ito sa yugto ng panahon kung kailan sabay-sabay na magaganap ang mga pangyayari na hahantong sa ganap na “wakas” na binanggit sa Mar 13:7, 13, kung saan ibang salitang Griego, teʹlos, ang ginamit.—Tingnan ang study note sa Mar 13:7, 13 at Glosari, “Katapusan ng sistemang ito.”

Ako siya: Ang Kristo, o Mesiyas.​—Ihambing ang kaparehong ulat sa Mat 24:5.

wakas: O “ganap na wakas.” Ang salitang Griego na ginamit dito (teʹlos) ay iba sa salitang Griego na isinaling “katapusan” (syn·teʹlei·a) sa Mat 24:3 at iba rin sa pandiwang Griego na isinaling “malapit nang magwakas” (syn·te·leʹo) sa Mar 13:4.​—Tingnan ang study note sa Mat 24:3; Mar 13:4 at Glosari, “Katapusan ng sistemang ito.”

maglalabanan: Tingnan ang study note sa Mat 24:7.

bansa: Ang salitang Griego na eʹthnos ay may malawak na kahulugan at puwedeng tumukoy sa mga taong nakatira sa isang partikular na lupain o sa teritoryong sakop ng isang gobyerno. Puwede rin itong tumukoy sa isang etnikong grupo.​—Tingnan ang study note sa Mar 13:10.

matinding paghihirap: Ang salitang Griego ay literal na tumutukoy sa matinding kirot sa panganganak. Dito, tumutukoy ito sa paghihirap, kirot, at pagdurusa na mararanasan ng mga tao. Pero posibleng gaya ng kirot sa panganganak, ang inihulang paghihirap at pagdurusa ay mas dadalas, titindi, at tatagal hanggang sa dumating ang “mga araw ng kapighatian” na binabanggit sa Mar 13:19.

mga hukuman: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang Griego na sy·neʹdri·on, na nasa anyong pangmaramihan at isinalin dito na “mga hukuman,” ay karaniwan nang tumutukoy sa mataas na hukuman ng mga Judio sa Jerusalem, ang Sanedrin. (Tingnan sa Glosari, “Sanedrin,” at study note sa Mat 5:22; 26:59.) Pero ginagamit din ang terminong ito para sa isang asamblea o pagtitipon. Dito, tumutukoy ang termino sa lokal na mga hukuman na naglilitis sa mga sinagoga at may kapangyarihang magpataw ng parusang paghagupit at pagtitiwalag.​—Mat 10:17; 23:34; Luc 21:12; Ju 9:22; 12:42; 16:2.

ang mabuting balita: Tingnan ang study note sa Mat 24:14.

lahat ng bansa: Idiniriin ng ekspresyong ito na hindi lang mga Judio ang dapat pangaralan ng mga alagad. Ang salitang Griego para sa “bansa” (eʹthnos) ay karaniwan nang tumutukoy sa grupo ng mga tao na magkakalahi at may iisang wika. Ang ganoong bayan o etnikong grupo ay kadalasan nang naninirahan sa isang partikular na teritoryo.

inaresto: Lit., “dinala.” Ginamit dito ang pandiwang Griego na aʹgo bilang termino sa batas. Nagpapahiwatig ito ng paggamit ng puwersa.

makapagtitiis: O “nagtitiis.” Ang salitang Griego na isinasaling “magtiis” (hy·po·meʹno) ay literal na nangangahulugang “manatili sa ilalim.” Karaniwan na, nangangahulugan itong “pananatili sa halip na pagtakas; paninindigan; pagtitiyaga; pananatiling matatag.” (Mat 10:22; Ro 12:12; Heb 10:32; San 5:11) Sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa patuloy na pagsunod kay Kristo bilang alagad niya sa kabila ng mga pag-uusig at pagsubok.—Mar 13:11-13.

wakas: O “ganap na wakas.”—Tingnan ang study note sa Mar 13:7.

Judea: Tingnan ang study note sa Mat 24:16.

papunta sa kabundukan: Tingnan ang study note sa Mat 24:16.

nasa bubungan: Tingnan ang study note sa Mat 24:17.

sa taglamig: Tingnan ang study note sa Mat 24:20.

kung hindi paiikliin ni Jehova ang mga araw: Ipinapaliwanag dito ni Jesus sa mga alagad niya ang gagawin ng kaniyang Ama sa malaking kapighatian. Ang pananalita ni Jesus sa hulang ito ay katulad ng pananalita sa mga hula sa Hebreong Kasulatan kung saan ginamit ang pangalan ng Diyos. (Isa 1:9; 65:8; Jer 46:28 [26:28, Septuagint]; Am 9:8) Kahit “Panginoon” (sa Griego, Kyʹri·os) ang ginamit sa karamihan ng manuskritong Griego, may makatuwirang dahilan para isiping pangalan ng Diyos ang orihinal na ginamit sa tekstong ito at pinalitan lang ng titulong Panginoon. Kaya “Jehova” ang ginamit sa mismong teksto.—Tingnan ang Ap. C1 at introduksiyon ng Ap. C3; Mar 13:20.

magpapanggap na Kristo: O “magpapanggap na Mesiyas.” Ang salitang Griego na pseu·doʹkhri·stos ay dito lang lumitaw at sa kaparehong ulat sa Mat 24:24. Tumutukoy ito sa sinumang nagkukunwaring Kristo, o Mesiyas (lit., “Pinahiran”).​—Tingnan ang study note sa Mat 24:5; Mar 13:6.

makikita: Tingnan ang study note sa Mat 24:30.

Anak ng tao: Tingnan ang study note sa Mat 8:20.

mga ulap: Karaniwan nang nakakahadlang ang ulap para makita nang malinaw ang isang bagay, pero dito, ‘makakakita’ ang mga nagmamasid sa pamamagitan ng mata ng pang-unawa.​—Gaw 1:9.

apat na direksiyon: Tingnan ang study note sa Mat 24:31.

ilustrasyon: Tingnan ang study note sa Mat 24:32.

Ang langit at lupa ay maglalaho: Ipinapakita ng ibang teksto na mananatili magpakailanman ang langit at lupa. (Gen 9:16; Aw 104:5; Ec 1:4) Kaya posibleng ang pananalitang ito ni Jesus ay isang eksaherasyon, na nangangahulugang kahit pa mangyari ang isang bagay na imposible, gaya ng pagkawala ng langit at lupa, matutupad pa rin ang sinabi ni Jesus. (Ihambing ang Mat 5:18.) Pero posible ring makasagisag ang langit at lupa na binabanggit dito at tumutukoy sa ‘dating langit at dating lupa’ na nasa Apo 21:1.

ang mga salita ko ay hindi maglalaho: O “ang mga salita ko ay hinding-hindi maglalaho.” Ang paggamit dito ng dalawang salitang negatibo sa Griego ay pagdiriin na hindi mangyayari ang isang bagay. Ipinapakita nitong talagang mananatili ang mga salita ni Jesus. Sa ilang manuskritong Griego, isang salitang negatibo lang ang ginamit, pero mas marami sa pinakalumang mga manuskrito ang gumamit dito ng dalawang salitang negatibo.

bantay sa pinto: Noon, ang mga bantay sa pinto ay nakapuwesto sa pasukan ng lunsod, templo, at kung minsan, sa pasukan ng bahay. Bukod sa tinitiyak nilang nakasara ang mga pinto at pintuang-daan sa gabi, nagsisilbi rin silang mga guwardiya. (2Sa 18:24, 26; 2Ha 7:10, 11; Es 2:21-23; 6:2; Ju 18:17) Itinulad ni Jesus ang mga Kristiyano sa bantay sa pinto dahil gusto niyang idiin na kailangan nilang maging alerto at patuloy na magbantay sa pagdating niya sa hinaharap para maglapat ng hatol.—Mar 13:26.

patuloy kayong magbantay: Ang terminong Griego ay literal na nangangahulugang “manatiling gisíng,” pero sa maraming konteksto, ang ibig sabihin nito ay “magbantay; maging alisto.” Ginamit din ni Marcos ang terminong ito sa Mar 13:34, 37; 14:34, 37, 38.​—Tingnan ang study note sa Mat 24:42; 26:38; Mar 14:34.

gabi: Sa talatang ito, binanggit ang apat na yugto ng pagbabantay sa gabi na mga tigtatatlong oras, mula 6:00 n.g. hanggang 6:00 n.u., ayon sa sistema ng mga Griego at Romano ng paghahati-hati ng gabi. (Tingnan din ang sumusunod na mga study note sa talatang ito.) Hinahati noon ng mga Hebreo ang gabi sa tatlong yugto na may mga tig-aapat na oras (Exo 14:24; Huk 7:19), pero nang panahon ni Jesus, sinusunod na nila ang sistemang Romano. Ang ekspresyong “gabi” sa talatang ito ay tumutukoy sa unang yugto ng pagbabantay sa gabi, na mula paglubog ng araw hanggang mga 9:00 n.g.​—Tingnan ang study note sa Mat 14:25.

hatinggabi: Tumutukoy sa ikalawang yugto ng pagbabantay sa gabi ayon sa sistemang Griego at Romano, na mga 9:00 n.g. hanggang hatinggabi.​—Tingnan ang study note sa gabi sa talatang ito.

bago magbukang-liwayway: Lit., “o sa pagtilaok ng tandang.” Sa sistemang Griego at Romano, ito ang tawag sa ikatlong yugto ng pagbabantay sa gabi, na mula hatinggabi hanggang mga 3:00 n.u. (Tingnan ang naunang mga study note sa talatang ito.) Posibleng sa oras na ito “tumilaok ang tandang.” (Mar 14:72) Noon pa man, ang pagtilaok ng tandang ay karaniwan nang ginagamit na palatandaan ng oras sa mga lupain sa silangan ng Mediteraneo.—Tingnan ang study note sa Mat 26:34; Mar 14:30, 72.

umaga: Tumutukoy sa ikaapat na yugto ng pagbabantay sa gabi ayon sa sistemang Griego at Romano, na bandang 3:00 n.u. hanggang pagsikat ng araw.​—Tingnan ang naunang mga study note sa talatang ito.

Media