Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Kabataan—Labanan ang Panggigipit ng mga Kasama

Mga Kabataan—Labanan ang Panggigipit ng mga Kasama

Mga Kabataan​—Labanan ang Panggigipit ng mga Kasama

“Ang inyong pananalita nawa ay . . . tinimplahan ng asin, upang malaman kung paano kayo dapat magbigay ng sagot sa bawat isa.”​—COL. 4:6.

1, 2. Ano ang nadarama ng maraming kabataan tungkol sa pagiging naiiba sa karamihan? Bakit?

“PANGGIGIPIT ng mga kasama”​—tiyak na narinig mo na ito at naranasan mo pa mismo. Maaaring may nag-udyok na sa iyo na gawin ang isang bagay na alam mong mali. Ano ang naramdaman mo? “Kung puwede lang sanang mawala na ako sa kinatatayuan ko,” ang sabi ng 14-anyos na si Christopher, “o kaya’y gayahin ko na lang ang mga kaeskuwela ko para hindi ako mapaiba.”

2 Malakas ba ang impluwensiya sa iyo ng iyong mga kasama? Kung oo, bakit? Hindi kaya dahil gusto mo ring tanggapin ka nila? Kung iyan mismo ang dahilan, hindi naman laging mali iyan. Sa katunayan, gusto rin ng mga adulto na tanggapin sila ng kanilang mga kasama. Walang sinuman​—bata o matanda​—ang may gustong ayawan sila ng iba. Pero natural lang na kapag nanindigan tayo sa isang bagay, maaaring hindi ito magustuhan ng iba. Si Jesus mismo ay nakaranas nito. Pero ginawa pa rin niya kung ano ang tama. Bagaman sumunod sa kaniya ang ilan at naging mga alagad niya, hinamak naman ng iba ang Anak ng Diyos at ‘itinuring na walang halaga.’​—Isa. 53:3.

Panggigipit na Makiayon​—Gaano Kalakas?

3. Bakit maling makiayon sa pamantayan ng iyong mga kasama?

3 Kung minsan, baka napipilitan kang makiayon sa pamantayan ng iyong mga kasama para lang hindi ka nila kainisan. Pero mali iyan. Ang mga Kristiyano ay hindi dapat na ‘maging mga sanggol, na sinisiklut-siklot ng mga alon.’ (Efe. 4:14) Ang maliliit na bata ay madaling maimpluwensiyahan ng iba. Pero ikaw, bilang kabataan, ay papunta na sa pagiging adulto. Kaya kung naniniwala kang para sa iyong kabutihan ang mga pamantayan ni Jehova, dapat lang na panindigan mo ito. (Deut. 10:12, 13) Kung hindi, hinahayaan mong kontrolin ng iba ang buhay mo. Kapag sunud-sunuran ka sa iba, nagiging parang puppet ka nila.​—Basahin ang 2 Pedro 2:19.

4, 5. (a) Paano nagpadala sa panggigipit si Aaron? Anong mga aral ang matututuhan mo rito? (b) Paano ka maaaring gipitin ng iba?

4 Ang kapatid ni Moises na si Aaron ay nagpadala noon sa panggigipit ng mga kasama. Nang sabihan siya ng mga Israelita na igawa sila ng isang diyos, sumunod siya. Hindi naman duwag si Aaron. Bago nito, sinamahan niya si Moises nang humarap ito kay Paraon, ang pinakamakapangyarihang tao sa Ehipto. Buong-tapang na sinabi ni Aaron sa kaniya ang mensahe ng Diyos. Pero nang gipitin siya ng mga Israelita, sumunod siya sa kanila. Talaga ngang napakalakas ng panggigipit ng mga kasama! Mas madali pa kay Aaron na humarap sa hari ng Ehipto kaysa manindigan sa kaniyang mga kababayan.​—Ex. 7:1, 2; 32:1-4.

5 Gaya ng nangyari noon kay Aaron, hindi lang mga kabataan ang dumaranas ng panggigipit ng mga kasama, at hindi lang ang mga may hilig na gumawa ng mali ang naaapektuhan nito. Apektado rin nito ang mga gustong gumawa ng tama, kasama ka na. Baka pilitin ka ng iba na gumawa ng masama sa pamamagitan ng paghamon, pag-akusa, o pagtuya sa iyo. Anumang paraan ang gamitin nila, hindi ito madaling labanan. Para mapagtagumpayan ito, dapat na kumbinsido ka muna sa pinaniniwalaan mo.

“Patuloy na Patunayan Kung Ano Nga Kayo”

6, 7. (a) Bakit mahalagang maging kumbinsido sa iyong pinaniniwalaan? Paano mo ito magagawa? (b) Anu-ano ang puwede mong itanong sa iyong sarili para mapatatag ang iyong paninindigan?

6 Para malabanan ang panggigipit, dapat munang kumbinsido ka na tama ang iyong mga pinaniniwalaan at mga pamantayan. (Basahin ang 2 Corinto 13:5.) Tutulong ito sa iyo na magkaroon ng lakas ng loob kahit mahiyain ka. (2 Tim. 1:7, 8) Pero kahit likas na malakas ang loob ng isa, mahihirapan pa rin siyang manindigan kung hindi siya gaanong kumbinsido sa pinaniniwalaan niya. Kaya bakit hindi mo patunayan sa iyong sarili na totoo nga ang natututuhan mo sa Bibliya? Magsimula ka sa mga pangunahing turo. Halimbawa, naniniwala kang may Diyos at naririnig mong sinasabi ng iba kung bakit sila naniniwalang may Diyos. Tanungin naman ang sarili, ‘Ano ang nakakumbinsi sa akin na may Diyos?’ Itatanong mo ito hindi para mag-alinlangan ka kundi para patibayin ang iyong pananampalataya. Tanungin din ang sarili, ‘Paano ko nalaman na ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos?’ (2 Tim. 3:16) ‘Bakit ako kumbinsidong ito na ang “mga huling araw”?’ (2 Tim. 3:1-5) ‘Bakit ako naniniwalang para sa kabutihan ko ang mga pamantayan ni Jehova?’​—Isa. 48:17, 18.

7 Baka ayaw mong itanong ang mga ito dahil natatakot kang hindi mo ito masasagot. Kung gayon, para kang drayber na ayaw tumingin sa fuel gauge ng sasakyan dahil natatakot siyang makita na wala nang gasolina. Kung wala nang gasolina, dapat niya itong malaman para makagawa siya ng paraan. Katulad din nito, makabubuting alamin mo kung saan ka nagkukulang ng paninindigan at patatagin ito.​—Gawa 17:11.

8. Ipaliwanag kung paano ka magiging mas kumbinsido na isa ngang katalinuhang sundin ang utos ng Diyos na umiwas sa pakikiapid.

8 Tingnan ang isang halimbawa. Hinihimok ka ng Bibliya na ‘tumakas mula sa pakikiapid.’ Tanungin ang sarili, ‘Bakit isang katalinuhang sundin ang utos na iyan?’ Isipin ang mga dahilan kung bakit gumagawa ng imoralidad ang iyong mga kasama. Pag-isipan din ang iba’t ibang dahilan kung bakit ang nakikiapid ay “nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan.” (1 Cor. 6:18) Saka itanong sa sarili: ‘Alin ang tamang gawin? Sulit ba ang paggawa ng imoralidad?’ Itanong mo rin sa iyong sarili, ‘Ano kaya ang madarama ko kapag nakagawa ako ng seksuwal na imoralidad?’ Napasaya mo nga ang ilang kasama mo, pero kumusta naman kapag kasama mo na ang iyong mga magulang o ang mga kapatid sa panahon ng pulong? Ano ang madarama mo kapag nananalangin ka sa Diyos? Talaga bang handa mong isakripisyo ang iyong malinis na katayuan sa Diyos para lang mapaluguran ang mga kaklase mo?

9, 10. Paano makatutulong ang pagiging kumbinsido sa pinaniniwalaan mo para makapanindigan ka kapag kasama ng iba?

9 Kung isa kang tin-edyer, iyan ang panahon kung saan mabilis na sumusulong ang iyong “kakayahan sa pangangatuwiran.” (Basahin ang Roma 12:1, 2.) Gamitin mo ang panahong iyan para seryosong pag-isipan kung ano ang kahulugan sa iyo ng pagiging Saksi ni Jehova. Tutulong ito sa iyo na maging mas kumbinsido sa pinaniniwalaan mo. Kaya kapag ginigipit ka ng iyong mga kasama, masasagot mo agad sila nang may pagtitiwala. Madarama mo rin ang nadama ng isang kabataang sister na nagsabi: “Kapag naninindigan ako, naipakikilala ko kung sino ako. Hindi ito basta ‘isang relihiyon lang.’ Dito nakasentro ang aking pag-iisip, tunguhin, moralidad, at buong buhay.”

10 Oo, kailangan ang pagsisikap para makapanindigan sa alam mong tama. (Luc. 13:24) At baka iniisip mo kung sulit nga ba ito. Pero tandaan: Kung parang nahihiya ka dahil sa iyong pinaninindigan, mahahalata ito ng iba, at malamang na lalo ka nilang gipitin. Pero kung matatag kang magsalita, malamang na tigilan ka na nila.​—Ihambing ang Lucas 4:12, 13.

‘Magbulay-bulay Upang Makasagot’

11. Paano makatutulong ang paghahanda para maiwasan ang panggigipit ng mga kasama?

11 Ang isa pang magagawa mo para malabanan ang panggigipit ng mga kasama ay ang paghahanda. (Basahin ang Kawikaan 15:28.) Nangangahulugan ito na patiuna mong iniisip ang mga sitwasyong maaaring bumangon. Kung minsan, nakatutulong ito para makaiwas sa malalaking problema. Halimbawa, natanaw mo ang isang grupo ng mga kaeskuwela mo na naninigarilyo. Iniisip mong malamang na alukin ka nilang manigarilyo. Ano ang gagawin mo? Sinasabi sa Kawikaan 22:3: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli.” Kung iiba ka ng daan, maiiwasan mo sila. Hindi ito pagiging duwag; isa itong katalinuhan.

12. Ano ang puwede mong gawin kapag may nanunuya sa iyo?

12 Paano kung hindi mo na maiiwasan ang sitwasyon? Halimbawang bigla kang tanungin ng isang di-makapaniwalang kaeskuwela, “Virgin ka pa rin?” Puwede mong sundin ang payo sa Colosas 4:6: “Ang inyong pananalita nawa ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin, upang malaman kung paano kayo dapat magbigay ng sagot sa bawat isa.” Gaya ng ipinahihiwatig ng tekstong ito, ang iyong sagot ay depende sa kalagayan. Baka hindi naman kailangang ipasok mo agad ang Bibliya. Sapat na siguro ang isang matatag at simpleng sagot. Halimbawa, para sagutin ang tanong tungkol sa pagiging virgin, puwede mo na lang sabihing, “Oo,” o, “Personal na bagay ’yan.”

13. Bakit kailangan ang kaunawaan sa pagsagot sa panunuya ng iba?

13 Madalas na maikli lang ang sagot ni Jesus kapag wala namang maitutulong ang mahabang paliwanag. Sa katunayan, nang tanungin siya ni Herodes, ni hindi siya umimik. (Luc. 23:8, 9) Madalas na mas mabuting manahimik na lang kaysa sagutin ang malisyosong mga tanong. (Kaw. 26:4; Ecles. 3:1, 7) Sa kabilang banda, baka naman talagang nagtataka lang ang isa may kinalaman sa iyong pinaniniwalaan​—halimbawa’y tungkol sa seksuwal na moralidad​—kahit sa simula’y tinutuya ka niya. (1 Ped. 4:4) Kung gayon, baka kailangan mo nang ipaliwanag ang iyong paninindigang salig sa Bibliya. Huwag kang matakot. Maging “laging handang gumawa ng pagtatanggol.”​—1 Ped. 3:15.

14. Sa ilang sitwasyon, paano mo mataktikang maibabalik ang panggigipit?

14 Sa ilang sitwasyon, puwede mong ibalik ang panggigipit. Pero dapat kang maging mataktika. Halimbawa, kung pilit kang inaalok ng iyong kaklase na manigarilyo, puwede mong sabihin, “Salamat na lang” at saka idagdag, “Akala ko pa naman alam mong masama sa katawan ang manigarilyo!” Naibalik mo sa kaniya ang panggigipit, hindi ba? Sa halip na ikaw ang magpaliwanag kung bakit hindi ka naninigarilyo, siya ang mag-iisip kung bakit siya naninigarilyo. *

15. Kailan makabubuting lumayo na lang sa mga nanggigipit sa iyo? Bakit?

15 Paano kung patuloy pa rin ang panggigipit? Kung gayon, makabubuting lumayo ka na lang. Habang nagtatagal ka, lalong lumalaki ang tsansa na makipagkompromiso ka. Kaya umalis ka na. Huwag mong isiping natalo ka. Aba, ikaw ang kumontrol sa sitwasyon. Hindi ka naging puppet ng iyong mga kasama, at pinasaya mo ang puso ni Jehova.​—Kaw. 27:11.

Magkaroon ng ‘mga Plano na Magdudulot ng Kapakinabangan’

16. Paanong ang panggigipit ay maaaring magmula sa mga nag-aangking lingkod ni Jehova?

16 Kung minsan, baka ang panggigipit na gumawa ng mali ay magmula sa mga kabataang nag-aangking lingkod ni Jehova. Halimbawa, paano kung dumating ka sa isang parti na isinaayos ng gayong kabataan at napansin mong walang adulto roon? O paano kung ang kabataang iyon ay magdala ng alak sa isang parti at walang isa man sa inyo roon ang nasa tamang edad para uminom? May mga sitwasyong kailangan mong sundin ang iyong budhing sinanay sa Bibliya. Isang tin-edyer na Saksi ang nagkuwento: “Lumabas kaming magkapatid sa sinehan dahil puro pagmumura ang naririnig namin sa aming pinapanood. Hindi umalis ang mga kasama namin. Pinuri kami ng aming mga magulang, pero nagalit ang mga kasama namin dahil parang pinalitaw naming masasama sila.”

17. Kung dadalo ka sa parti, ano ang puwede mong gawin para makasunod sa mga pamantayan ng Diyos?

17 Gaya ng ipinakikita sa nabanggit na karanasan, puwede kang mapalagay sa alanganing sitwasyon kapag sinunod mo ang iyong budhing sinanay sa Bibliya. Pero panindigan mo ang alam mong tama. Maging handa. Kung dadalo ka sa parti, dapat na may plano ka kung paano ka aalis sakaling magkaproblema. May mga kabataan na patiunang nagsasabi sa kanilang mga magulang na sunduin agad sila kapag tumawag sila sa telepono. (Awit 26:4, 5) Ang gayong ‘mga plano ay nagdudulot ng kapakinabangan.’​—Kaw. 21:5.

‘Magsaya Ka sa Iyong Kabataan’

18, 19. (a) Bakit ka makatitiyak na gusto ni Jehova na maging maligaya ka? (b) Ano ang nadarama ng Diyos sa mga nakikipaglaban sa panggigipit ng mga kasama?

18 Nilalang ka ni Jehova para masiyahan sa buhay, at gusto niyang maging maligaya ka. (Basahin ang Eclesiastes 11:9.) Tandaan na ang nararanasan ng marami sa iyong mga kasama ay “pansamantalang kasiyahan [lang] sa kasalanan.” (Heb. 11:25) Pero gusto ng tunay na Diyos na maging maligaya ka magpakailanman. Kaya kapag natutukso kang gumawa ng isang bagay na alam mong masama sa paningin ng Diyos, tandaan na ang hinihiling sa iyo ni Jehova ay laging sa ikabubuti mo.

19 Bilang kabataan, dapat mong maunawaan na mapaluguran mo man ang iyong mga kasama, malamang na ni pangalan mo ay hindi na nila matandaan pagkalipas ng mga taon. Sa kabaligtaran, kapag nilabanan mo ang panggigipit nila, nakikita iyon ni Jehova, at hinding-hindi ka niya malilimutan, pati na ang iyong katapatan. ‘Bubuksan niya sa iyo ang mga pintuan ng tubig sa langit at ibubuhos sa iyo ang isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.’ (Mal. 3:10) Bukod diyan, sagana niyang ilalaan ang kaniyang banal na espiritu para tulungan ka kung saan ka nagkukulang ng paninindigan. Oo, matutulungan ka ni Jehova na labanan ang panggigipit ng iyong mga kasama!

[Talababa]

^ par. 14 Tingnan ang tsart na “Plano Ko Laban sa Panggigipit” sa aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2, pahina 132 at 133.

Natatandaan Mo Ba?

• Gaano kalakas ang panggigipit ng mga kasama?

• Bakit kailangang maging kumbinsido ka sa pinaniniwalaan mo para malabanan ang panggigipit ng mga kasama?

• Paano mo mapaghahandaan ang panggigipit ng mga kasama?

• Bakit masasabing pinahahalagahan ni Jehova ang iyong katapatan?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 8]

Bakit pumayag si Aaron na gumawa ng ginintuang guya?

[Larawan sa pahina 10]

Maging handa​—patiunang isipin ang sasabihin mo