Ikalawang Liham kay Timoteo 1:1-18

1  Akong si Pablo, isang apostol ni Kristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos para maihayag ang pangakong buhay na naging posible dahil kay Kristo Jesus,+  ay sumusulat kay Timoteo, isang anak na minamahal:+ Sumaiyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan, awa, at kapayapaan mula sa Diyos na Ama at mula kay Kristo Jesus na ating Panginoon.  Nagpapasalamat ako sa Diyos na pinaglilingkuran ko gaya ng paglilingkod ng aking mga ninuno at nang may malinis na konsensiya;+ lagi kitang inaalaala sa mga pagsusumamo ko araw at gabi.  Kapag naaalaala ko ang mga luha mo, nasasabik akong makita ka para sumaya ako.  Dahil hindi ko nalilimutan ang pananampalataya mong walang halong pagkukunwari,+ na unang nakita sa iyong lolang si Loida at inang si Eunice, at nagtitiwala ako na gayon pa rin ang pananampalataya mo.  Kaya naman pinaaalalahanan kita na paningasin mong tulad ng apoy ang regalo ng Diyos na tinanggap mo nang ipatong ko sa iyo ang mga kamay ko.+  Dahil hindi duwag na puso+ ang ibinigay sa atin ng espiritu ng Diyos* kundi kapangyarihan,+ pag-ibig, at matinong pag-iisip.  Kaya huwag mong ikahiya ang pagpapatotoo tungkol sa ating Panginoon,+ at huwag mo rin akong ikahiya, ako na isang bilanggo alang-alang sa kaniya. Sa halip, maging handa kang maghirap+ para sa mabuting balita habang umaasa sa kapangyarihan ng Diyos.+  Iniligtas niya tayo at tinawag para maging banal,+ hindi dahil sa mga ginawa natin,+ kundi dahil sa kalooban niya at walang-kapantay na kabaitan.+ Napakatagal na panahon na ang nakalilipas mula nang ibigay niya ito sa atin dahil kay Kristo Jesus,+ 10  pero ngayon ay malinaw na itong nakikita dahil sa pagkakahayag sa ating Tagapagligtas, si Kristo Jesus,+ na nag-alis ng kamatayan+ at nagsiwalat kung paano magkakaroon ng buhay+ at katawang di-nasisira+ sa pamamagitan ng mabuting balita,+ 11  at para maipaalám ito sa iba, inatasan ako bilang mángangarál, apostol, at guro.+ 12  Kaya naman pinagdurusahan ko rin ang mga bagay na ito,+ pero hindi ako nahihiya.+ Dahil kilala ko kung sino ang pinaniniwalaan ko, at nagtitiwala akong kaya niyang bantayan hanggang sa araw na iyon ang ipinagkatiwala ko sa kaniya.+ 13  Manghawakan ka sa pamantayan ng kapaki-pakinabang na mga salita+ na narinig mo sa akin habang nagpapakita ka ng pananampalataya at pag-ibig na resulta ng pagiging kaisa ni Kristo Jesus. 14  Sa pamamagitan ng banal na espiritu na nasa atin, bantayan mo ang kayamanang ito na ipinagkatiwala sa iyo.+ 15  Alam mong iniwan ako ng lahat ng nasa lalawigan ng Asia,+ kasama na sina Figelo at Hermogenes. 16  Kaawaan nawa ng Panginoon ang sambahayan ni Onesiforo,+ dahil lagi niya akong napapatibay, at hindi niya ako ikinahiya kahit nakatanikala ako. 17  At ang totoo, noong nasa Roma siya, talagang hinanap niya ako at nakita niya ako. 18  Kaawaan nawa siya ng Panginoong Jehova sa araw na iyon. Alam na alam mo rin ang lahat ng ginawa niya para sa akin sa Efeso.

Talababa

O “Dahil hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng pagiging duwag.”

Study Notes

Ikalawang Liham kay Timoteo: Lumilitaw na ang ganitong mga pamagat ay hindi bahagi ng orihinal na teksto. Makikita sa mga sinaunang manuskrito na idinagdag lang ang mga pamagat nang maglaon para madaling matukoy ang mga aklat ng Bibliya. Halimbawa, ang kilaláng manuskritong Codex Sinaiticus na mula noong ikaapat na siglo C.E. ay may pamagat na “Kay Timoteo” sa dulo ng liham. May iba pang sinaunang manuskrito na ang pamagat ay “Ikalawang Liham kay Timoteo.”

apostol: Ang pangngalang Griego na a·poʹsto·los ay mula sa pandiwang a·po·stelʹlo, na nangangahulugang “isugo.” (Mat 10:5; Luc 11:49; 14:32) Ang pangunahing kahulugan nito ay malinaw na makikita sa sinabi ni Jesus sa Ju 13:16, kung saan isinalin itong “ang isinugo.” Si Pablo ay tinawag para maging apostol sa mga bansa, o sa mga di-Judio; ang binuhay-muling si Jesu-Kristo mismo ang pumili sa kaniya. (Gaw 9:1-22; 22:6-21; 26:12-23) Pinagtibay ni Pablo ang pagiging apostol niya nang sabihin niyang nakita niya ang binuhay-muling Panginoong Jesu-Kristo (1Co 9:1, 2) at nang gumawa siya ng mga himala (2Co 12:12). Naging daan din si Pablo para mabigyan ng banal na espiritu ang mga bautisadong mánanampalatayá, na karagdagang patunay na isa siyang tunay na apostol. (Gaw 19:5, 6) Madalas niyang mabanggit na apostol siya, pero wala tayong mababasa na sinabi niyang isa siya sa “12 apostol.”​—1Co 15:5, 8-10; Ro 11:13; Gal 2:6-9; 2Ti 1:1, 11.

apostol: Tingnan ang study note sa Ro 1:1.

anak ko: Ginamit ito dito ni Pablo bilang isang malambing na termino.—2Ti 1:2; Tit 1:4; Flm 10; tingnan ang study note sa Mat 9:2; 1Ti 1:2.

isang tunay na anak: Ipinapakita ng malambing na ekspresyong ito ang pagkagiliw ni Pablo kay Timoteo. Walang mababasa sa Kasulatan kung si Pablo ang nagdala ng mabuting balita kay Timoteo at sa pamilya nito. Pero noong bata-bata pa si Timoteo, isinama niya ito sa mga paglalakbay niya. (Gaw 16:1-4) Kaya nang isulat ni Pablo ang liham na ito, itinuturing niya si Timoteo na anak “sa pananampalataya.” (Ihambing ang Tit 1:4.) Nabuo nila ang ganito kalapít na ugnayan dahil nagkasama sila nang 10 taon o higit pa.—1Co 4:17; Fil 2:20-22.

Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan: Ginamit ni Pablo ang pagbating ito sa 11 liham niya. (1Co 1:3; 2Co 1:2; Gal 1:3; Efe 1:2; Fil 1:2; Col 1:2; 1Te 1:1; 2Te 1:2; Tit 1:4; Flm 3) Halos ganito rin ang pagbati niya sa mga liham niya kay Timoteo, pero idinagdag niya ang katangiang “awa.” (1Ti 1:2; 2Ti 1:2) Napansin ng mga iskolar na sa halip na gamitin ni Pablo ang karaniwang salita para sa pagbati (khaiʹrein), madalas niyang gamitin ang katunog na terminong Griego (khaʹris) para ipakita ang kagustuhan niyang lubos na matanggap ng mga kongregasyon ang “walang-kapantay na kabaitan.” (Tingnan ang study note sa Gaw 15:23.) Ang pagbanggit niya ng “kapayapaan” ay kahawig ng isang karaniwang Hebreong pagbati, sha·lohmʹ. (Tingnan ang study note sa Mar 5:34.) Sa paggamit ng “walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan,” maliwanag na idiniriin ni Pablo ang naibalik na kaugnayan ng mga Kristiyano sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng pantubos. Nang sabihin ni Pablo kung kanino galing ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan, binanggit niya nang magkahiwalay ang Diyos na ating Ama at ang Panginoong Jesu-Kristo.

isang anak na minamahal: Napakalapít nina Pablo at Timoteo sa isa’t isa. Sa katunayan, naging ama ni Timoteo sa espirituwal si Pablo. (1Co 4:17; Fil 2:22) Sa unang liham ni Pablo kay Timoteo, tinawag niya itong “tunay na anak” at “anak ko.” (1Ti 1:2, 18) Nang isulat ni Pablo ang ikalawang liham niya kay Timoteo, 14 na taon na silang naglilingkod nang magkasama o higit pa. Dahil nararamdaman na noon ni Pablo na malapit na siyang mamatay, posibleng naisip niyang ito na ang huling liham niya kay Timoteo. (2Ti 4:6-8) Gusto ni Pablo na malaman ng kabataang si Timoteo kung gaano niya ito kamahal, kaya tinawag niya itong “isang anak na minamahal.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 1:2, 18.

Sumaiyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan, awa, at kapayapaan: Tingnan ang study note sa Ro 1:7.

pinag-uukulan ng sagradong paglilingkod: O “pinaglilingkuran (sinasamba).” Ang pandiwang Griego na la·treuʹo ay pangunahin nang tumutukoy sa paglilingkod. Gaya ng pagkakagamit sa Kasulatan, tumutukoy ito sa paglilingkod sa Diyos o sa anumang gawain na may kaugnayan sa pagsamba sa Diyos. (Mat 4:10; Luc 2:37; 4:8; Gaw 7:7; Fil 3:3; 2Ti 1:3; Heb 9:14; 12:28; Apo 7:15; 22:3) Dito, iniugnay ni Pablo ang sagradong paglilingkod niya sa mabuting balita tungkol sa . . . Anak ng Diyos. Kaya ang pangangaral ng mga alagad ni Jesus ng mabuting balitang ito ay isang sagradong paglilingkod, o pagsamba sa Diyos na Jehova.

Nagpapasalamat ako sa Diyos: Sinimulan ni Pablo ang maraming liham niya sa pagpapasalamat. (Ro 1:8; 1Co 1:4; Efe 1:15, 16; Fil 1:3-5; Col 1:3, 4; 1Te 1:2, 3; 2Te 1:3; Flm 4) Ngayong nakabilanggo na siya sa Roma, nararamdaman niyang malapit na siyang mamatay. (2Ti 4:6-8) Dumanas siya ng matinding pag-uusig, at iniwan siya ng ilan sa mga kaibigan niya. (2Ti 4:10-12, 14-17) Pero kahit na ganoon, sinimulan niya ang liham na ito sa pasasalamat, sa halip na sa paghihinagpis. Sinabi niya sa talatang ito ang isa sa mga bagay na ipinagpapasalamat niya—ang kaibigan niyang si Timoteo, na ipinapanalangin niya “araw at gabi.” Partikular na ipinagpapasalamat ni Pablo ang di-matatawarang pananampalataya ng kabataang ito na sinabi niyang “walang halong pagkukunwari.”—2Ti 1:5.

Diyos na pinaglilingkuran ko: O “Diyos na pinag-uukulan ko ng sagradong paglilingkod; Diyos na sinasamba ko.” Kinikilala dito ni Pablo na may pribilehiyo siyang paglingkuran ang Diyos, gaya ng tapat na mga ninuno niyang Judio, na may napakagandang rekord sa Hebreong Kasulatan. Dito, ang ‘paglilingkod’ ay puwedeng tumukoy sa pagsamba sa Diyos sa ilalim ng Judiong sistema, gayundin sa kongregasyong Kristiyano. Halimbawa, nang isalin ng Septuagint ang utos ni Moises sa bayan na paglingkuran ang Diyos (Deu 6:13), ginamit nito ang pandiwang Griego na ginamit ni Pablo sa talatang ito. Sa Mat 4:10, sumipi si Jesus sa Deuteronomio nang sabihin niya sa Diyablo: “Si Jehova . . . lang ang dapat mong paglingkuran.” (Tingnan ang study note sa Mat 4:10; tingnan din ang Exo 3:12; Deu 10:12, 20; Jos 22:5; LXX) Sa liham ni Pablo sa mga taga-Roma, ipinakita niya na mahalagang bahagi ng sagradong paglilingkod ang pangangaral ng mabuting balita tungkol sa Anak ng Diyos.—Tingnan ang study note sa Ro 1:9.

may malinis na konsensiya: Kahit nakabilanggo at nakatanikala si Pablo bilang kriminal (2Ti 1:16), masasabi niyang napaglingkuran niya ang Diyos na Jehova nang tapat at may malinis na motibo. (Tingnan ang study note sa 2Ti 1:12.) Bago nito, sumulat siya sa mga kapananampalataya niya sa Corinto: “Wala kaming ginawan ng mali, pinasamâ, o dinaya.”—2Co 7:2; tingnan ang study note sa Ro 2:15; 1Ti 1:5.

at siya lang ang dapat mong paglingkuran: O “at siya lang ang dapat mong pag-ukulan ng sagradong paglilingkod.” Ang pandiwang Griego na la·treuʹo ay nangangahulugan lang na paglilingkod, pero dahil ginamit ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan para tumukoy sa paglilingkod o pagsamba sa Diyos, tama lang na isalin ito na “gumawa ng sagradong paglilingkod; maglingkod; sumamba.” (Luc 1:74; 2:37; 4:8; Gaw 7:7; Ro 1:9; Fil 3:3; 2Ti 1:3; Heb 9:14; 12:28; Apo 7:15; 22:3) Sa Deu 6:13, ang tekstong sinipi ni Jesus, ang salitang Hebreo na isinaling “paglingkuran” ay ʽa·vadhʹ. Nangangahulugan din itong “maglingkod” pero puwede ring isaling “sumamba.” (Exo 3:12; tlb.; 2Sa 15:8, tlb.) Determinado si Jesus na kay Jehova lang ibigay ang kaniyang debosyon.

hindi ako nahihiya: Alam ni Pablo na nagdurusa siya dahil sa pagganap ng atas niya bilang mángangarál, apostol, at guro. (2Ti 1:11) Gusto ng mga tagausig niya na mahiya siya at mapunô ng takot para tumahimik siya. Pero gaya ni Jesus, na ‘nagtiis sa pahirapang tulos at binale-wala ang kahihiyan,’ hindi ikinahiya ni Pablo ang pag-uusig at pagbibilanggo sa kaniya dahil sa paggawa niya ng kalooban ni Jehova. (Heb 12:2) Gusto niya na ganiyan din ang maramdaman ni Timoteo at ng iba pang Kristiyano.—Tingnan ang study note sa 2Ti 1:8; tingnan din ang study note sa Mat 16:24.

konsensiya: O “budhi.” Ang salitang Griego na sy·neiʹde·sis ay mula sa mga salitang syn (kasama) at eiʹde·sis (kaalaman). Kaya ang terminong Griego ay literal na nangangahulugang “kasamang kaalaman” o “kaalaman sa sarili.” Ipinapaliwanag dito ni Pablo na kahit ang mga tao na walang alam sa kautusan ng Diyos ay may konsensiya, o kakayahang suriin ang sarili at masabi kung tama o mali ang ginagawa niya. Pero gagana lang nang tama ang konsensiya kung sinanay ito sa Salita ng Diyos at nakaayon sa kalooban Niya. Ipinapakita ng Kasulatan na hindi lahat ng konsensiya ay gumagana nang tama. Ang isang tao ay puwedeng magkaroon ng konsensiya na mahina (1Co 8:12), manhid (1Ti 4:2), o nadumhan (Tit 1:15). Ganito ang sinabi ni Pablo tungkol sa sarili niyang konsensiya: “Sa pamamagitan ng banal na espiritu, nagpapatotoo ang konsensiya ko.” (Ro 9:1) Laging sinisikap ni Pablo na “magkaroon ng malinis na konsensiya sa harap ng Diyos at mga tao.”​—Gaw 24:16.

mahalin natin ang isa’t isa nang may malinis na . . . konsensiya: Nilalang ng Diyos ang tao na may konsensiya, ang kakayahang suriin ang sarili para malaman kung tama o mali ang naiisip, nadarama, o ginagawa niya. Dahil hindi perpekto ang tao, kailangan niyang sanayin ang konsensiya niya gamit ang Salita ng Diyos para makagawa siya ng mga desisyong ayon sa pamantayan ni Jehova. Kapag nasanay ang konsensiya ng isang Kristiyano ayon sa kalooban ng Diyos, hindi na siya dapat mabagabag sa mga nagawa niyang kasalanan dahil nagsisi na siya, tinalikuran na niya ang masamang gawain, at ginagawa na niya ang tama. (1Pe 3:16, 21; tingnan ang study note sa Ro 2:15.) Ipinapakita dito ni Pablo na nakakatulong sa isa ang malinis na konsensiya para makapagpakita siya ng mapagsakripisyong pag-ibig.

Kapag naaalaala ko ang mga luha mo: Hindi nahiya si Pablo na sabihing lumuha si Timoteo—pati na rin siya. (2Co 2:4; Fil 3:18) Posibleng nakita ni Pablo na lumuha si Timoteo noong mga panahong magkasama silang tumutulong sa mga kapananampalataya nilang may mabigat na problema o nakaranas ng trahedya. Posibleng lumuha rin si Timoteo dahil sa mga pagdurusa ni Pablo. (Ro 12:15; 2Ti 3:10, 11) At puwede ring nakita ni Pablo si Timoteo na umiyak nang maghiwalay sila. (Ihambing ang Gaw 20:37, 38.) Ipinapakita lang ng pagluha ni Timoteo na siya ay mabait, mapagmalasakit, at may empatiya.

pananampalataya mong walang halong pagkukunwari: Tingnan ang study note sa 1Ti 1:5.

iyong lolang si Loida: Malamang na nanay ni Eunice ang lola ni Timoteo na si Loida, at lumilitaw na nakatira ang pamilya nila sa lunsod ng Listra. (Gaw 16:1-3) Ang salitang Griego na mamʹme na ginamit dito ay isang magiliw na tawag ng isang bata sa lola niya; ang mas pormal na tawag para sa lola ay teʹthe. Ipinapakita ng salitang ginamit ni Pablo na malapít si Timoteo sa lola niya. Posibleng tinulungan ni Loida si Eunice sa pagtuturo kay Timoteo ng Hebreong Kasulatan.—Tingnan ang study note sa 2Ti 3:15.

inang si Eunice: Malamang na naging Kristiyano sina Eunice at Loida nang unang dumalaw si Pablo sa Listra noong mga 47-48 C.E. (Gaw 14:6) Sinabi ni Pablo na pareho ang mga ito na may ‘pananampalatayang walang halong pagkukunwari.’ Siguradong kinailangang magpakita ni Eunice ng ganiyang pananampalataya nang sumama si Timoteo kay Pablo sa mga paglalakbay nito bilang misyonero; alam niya na noong huling dumalaw si Pablo sa lunsod nila, pinagbabato ito at muntik nang mamatay. (Gaw 14:19) Ang halimbawa nina Eunice at Loida, pati na ang matiyagang pagtuturo nila, ay siguradong nakatulong para magkaroon si Timoteo ng ‘pananampalatayang walang halong pagkukunwari’ at sumulong nang husto. (Gaw 16:2; Fil 2:19-22; 1Ti 4:14) Talagang kahanga-hanga ang halimbawa nila dahil lumilitaw na ang Griegong ama ni Timoteo ay hindi Kristiyano na gaya ng kaniyang ina.—Tingnan ang study note sa Gaw 16:1, 3.

mahalin natin ang isa’t isa nang . . . may pananampalatayang walang pagkukunwari: Alam na alam ni Pablo ang pagkukunwari ng mga Pariseo at ang masasamang epekto nito. (Gaw 26:4, 5; ihambing ang Mat 23:13.) Binabalaan niya si Timoteo na iwasang maging mapagkunwari. (1Ti 4:1, 2) Ang mga salitang Griego na ginamit para sa “pagkukunwari” at “mapagkunwari” ay unang ginamit para tumukoy sa mga umaarte sa entablado na nagsusuot ng maskara para makaganap ng iba’t ibang karakter sa isang dula. (Tingnan ang study note sa Mat 6:2.) Ang salitang Griego na isinalin ditong “walang pagkukunwari” ay nangangahulugang “hindi nagpapanggap.” Kaya ipinapakita dito ni Pablo na nakakatulong sa isang Kristiyano ang tunay na pananampalataya para makapagpakita siya ng mapagsakripisyong pag-ibig.

mula pa noong sanggol ka ay alam mo na ang banal na mga kasulatan: Batang-bata pa si Timoteo nang ituro sa kaniya ng nanay niyang si Eunice—at posibleng pati ng lola niyang si Loida—ang “banal na mga kasulatan” ng mga Judio, o ang Hebreong Kasulatan. (2Ti 1:5; 3:14; tingnan ang study note sa Ro 1:2.) Ang salitang Griego na breʹphos, na isinalin ditong “sanggol,” ay puwedeng tumukoy sa napakaliit na mga bata, bagong-silang na sanggol, o kahit nga sa mga nasa sinapupunan pa. (Luc 1:41; 2:12; Gaw 7:19; 1Pe 2:2; tingnan ang study note sa Luc 18:15.) Dahil bata pa si Timoteo nang matutuhan niya ang Hebreong Kasulatan, nagkaroon siya ng matibay na pundasyon sa kaniyang lumalagong pananampalataya. Noong malaki-laki na siya, natutuhan nila ng nanay at lola niya na puwede silang “maligtas . . . sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo Jesus,” at naging Kristiyano sila. Sa paglipas ng panahon, patuloy pa siyang sumulong.—Tingnan ang study note sa Gaw 16:1; tingnan din ang Fil 2:19-22.

Timoteo: Sa Bibliya, dito unang binanggit si Timoteo, na ang pangalang Griego ay nangangahulugang “Isa na Nagpaparangal sa Diyos.” Hindi tiyak kung kailan naging Kristiyano si Timoteo. Pero mula pa pagkabata, tinuruan na siya ng nanay niyang si Eunice, na isang Judiong mánanampalatayá, at posibleng ng lola niyang si Loida tungkol sa “banal na mga kasulatan” ng mga Judio, ang Hebreong Kasulatan. (2Ti 1:5; 3:15) Malamang na naging Kristiyano sina Eunice at Loida nang dumalaw si Pablo sa Listra noong unang paglalakbay niya bilang misyonero. Ang ama ni Timoteo ay tinawag na Griego dahil posibleng ang mga ninuno niya ay mula sa Gresya o iba ang lahi niya. Lumilitaw na hindi siya Kristiyano. Sa ikalawang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, noong katapusan ng 49 C.E. o pasimula ng 50 C.E., nagpunta siya sa Listra, kung saan lumilitaw na nakatira si Timoteo. Isa nang Kristiyano si Timoteo nang panahong iyon, at “mabuti ang sinasabi tungkol sa kaniya ng mga kapatid sa Listra at Iconio.” (Gaw 16:2) Posibleng mga 20 taóng gulang si Timoteo noon, at sinusuportahan ito ng sinabi ni Pablo kay Timoteo mga 10 o 15 taon pagkatapos nito: “Hindi dapat hamakin ng sinuman ang pagiging kabataan mo.” (1Ti 4:12, malamang na isinulat sa pagitan ng 61 at 64 C.E.) Ipinapakita nito na kahit noong panahong iyon, medyo bata pa rin si Timoteo.

tinuli: Alam na alam ni Pablo na hindi na obligadong magpatuli ang mga Kristiyano. (Gaw 15:6-29) Hindi tuli si Timoteo dahil hindi mánanampalatayá ang tatay niya. Alam ni Pablo na posibleng makatisod ito sa ilang Judio na dadalawin nila ni Timoteo sa paglalakbay nila para mangaral. Pero hindi hinayaan ni Pablo na humadlang ito sa gawain nila, kaya hiniling niya kay Timoteo na magpatuli kahit na masakit ito. Kaya parehong totoo sa kanila ang sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto: “Sa mga Judio, ako ay naging gaya ng Judio.”—1Co 9:20.

Huwag mong pabayaan ang regalong ibinigay ng Diyos sa iyo: Tinutukoy dito ni Pablo ang isang regalong ibinigay ni Jehova kay Timoteo sa pamamagitan ng banal na espiritu. Lumilitaw na tumutukoy ito sa espesyal na pananagutan ni Timoteo sa bayan ng Diyos. Malamang na tinanggap niya ang regalong ito noong dumalaw si Pablo sa Listra sa ikalawang paglalakbay nito bilang misyonero. Nang panahong iyon, “isang hula” ang ibinigay tungkol sa magiging mga pananagutan ni Timoteo. Nang maglaon, naging naglalakbay na tagapangasiwa si Timoteo. Inatasan din siyang maglingkod nang ilang panahon sa Efeso bilang tagapangasiwa. (1Ti 1:3) Alam ni Pablo na masasayang ang isang regalo kung hindi ito gagamitin. Kaya nang payuhan niya si Timoteo na huwag pabayaan, o bale-walain, ang regalong natanggap nito, napaalalahanan niya si Timoteo kung gaano kahalaga ang regalong ito. Gusto niyang patuloy itong mahalin ni Timoteo sa pamamagitan ng pagbibigay ni Timoteo ng buong makakaya niya sa atas na ito.—Tingnan din ang 2Ti 1:6 at study note.

ipinatong ng mga apostol sa mga ito ang mga kamay nila: Sa Hebreong Kasulatan, iba-iba ang ibig sabihin ng pagpapatong ng kamay, at ginagawa ito sa tao o sa hayop. (Gen 48:14; Lev 16:21; 24:14) Kapag ginagawa ito sa isang tao, karaniwan nang nangangahulugan itong kinikilala siya o binibigyan ng isang espesyal na atas. (Bil 8:10) Halimbawa, ipinatong ni Moises ang kamay niya kay Josue para ipakitang ito ang hahalili sa kaniya. Kaya “naging marunong” si Josue, at mahusay niyang napangasiwaan ang Israel. (Deu 34:9) Dito sa Gaw 6:6, ipinatong ng mga apostol ang kamay nila sa mga lalaking binigyan nila ng awtoridad. Pero ginawa nila ito pagkapanalangin, na nagpapakitang nagpapagabay sila sa Diyos. Pagkatapos, ipinatong ng mga miyembro ng isang lupon ng matatanda ang kamay nila kay Timoteo para bigyan siya ng isang espesyal na atas. (1Ti 4:14) May awtoridad din si Timoteo na atasan ang iba sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay niya sa kanila, pero gagawin niya lang ito matapos na pag-isipang mabuti kung nakakaabot sila sa kuwalipikasyon.​—1Ti 5:22.

paningasin mong tulad ng apoy: Ginamit ni Pablo ang ekspresyong ito para himukin si Timoteo na patuloy na ibigay ang buong makakaya niya sa paggamit ng regalong natanggap niya. Ang anyo ng pandiwang Griego na isinalin ditong “paningasin [na] tulad ng apoy” ay nagpapahiwatig ng patuluyang pagkilos; sinabi ng isang iskolar na nangangahulugan itong “patuloy na paglagablabin ang apoy.” Karaniwan noon na panatilihing nagbabaga ang mga uling para hindi mamatay ang apoy. Hindi sinasabi dito ni Pablo na ang espirituwal na “regalo ng Diyos” kay Timoteo ay gaya ng namatay na apoy na kailangan ulit pagningasin. Sa halip, gaya ito ng apoy sa nagbabagang mga uling na kailangan lang na lalong pagningasin.

regalo ng Diyos: Dito at sa nauna niyang liham, parehong may binanggit si Pablo na isang regalong natanggap ni Timoteo. (Tingnan ang study note sa 1Ti 4:14.) Pero may pagkakaiba sa dalawang ulat na ito. Dito, sinabi ni Pablo na siya ang nagpatong ng kamay kay Timoteo. Wala siyang binanggit na lupon ng matatanda; wala rin siyang binanggit na hula, di-gaya ng ginawa niya sa nauna niyang liham. Kaya hindi tiyak kung iisang pangyayari lang ang tinutukoy niya. Iisang pangyayari man ito o hindi, lumilitaw na ang regalong tinutukoy dito ni Pablo ay isang kaloob ng espiritu—isang espesyal na kakayahan na tumutulong kay Timoteo para magampanan ang atas niya.

ipatong ko sa iyo ang mga kamay ko: Tingnan ang study note sa Gaw 6:6.

hindi duwag na puso ang ibinigay sa atin ng espiritu ng Diyos: Sa kontekstong ito, ang salitang Griego para sa “espiritu” (pneuʹma) ay puwedeng tumukoy sa banal na espiritu ng Diyos o sa nangingibabaw na saloobin ng isa. (Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”) Posibleng pareho itong nasa isip ni Pablo nang isulat niya ito. Kaya malamang na ito ang pinakadiwa ng gusto niyang sabihin: “Ang banal na espiritu na ibinibigay sa atin ng Diyos ay hindi nagbibigay sa atin ng espiritu ng pagiging duwag, kundi ng kapangyarihan, pag-ibig, at matinong pag-iisip.”

duwag: Ang salitang Griego na isinalin ditong “duwag” ay tumutukoy sa di-tamang pagkatakot, sa takot na itaguyod ang tama. Dahil sa ganiyang pagkatakot, panghihinaan ng loob ang isang Kristiyano at baka iwan pa nga niya ang tunay na pagsamba.

kapangyarihan: Ginamit ni Pablo ang ekspresyong ito para tiyakin kay Timoteo na hindi kailangang umasa ng mga Kristiyano sa sarili nilang lakas ng loob para madaig ang takot. Sa halip, bibigyan sila ng Diyos ng kapangyarihang kailangan nila para magawa ang ministeryo nila at mapagtagumpayan ang anumang nakakatakot na problema o hamon.—2Co 4:7-10; 12:9, 10; Fil 4:13.

pag-ibig: Ang matinding pag-ibig kay Jehova ang panlaban sa takot. (1Ju 4:18) Pag-ibig ang nag-uudyok sa mga tagasunod ni Kristo na unahin ang kapakanan ng iba kaysa sa sarili nila. Dahil dito, handa pa nga nilang isapanganib ang buhay nila para sa iba.—Tingnan ang study note sa Ju 13:34; Ro 16:4.

matinong pag-iisip: Maraming beses na binanggit ni Pablo ang tungkol sa pagkakaroon ng matinong pag-iisip. (Ro 12:3; 1Ti 2:9, 15; 3:2 at study note) Sinasabi dito ni Pablo na makakatulong ito sa mga Kristiyano na manatiling balanse kahit mapaharap sila sa mga panganib na puwedeng maging dahilan para makagawa sila ng padalos-dalos na mga desisyon. Makakatulong din ang katinuan ng pag-iisip para maalala ng isang Kristiyano na ang kaugnayan niya kay Jehova ang pinakamahalaga sa lahat. Ang tatlong ito—kapangyarihan, pag-ibig, at matinong pag-iisip—ay galing sa Diyos at hindi sa sarili. Kaya dito, tinitiyak ni Pablo kay Timoteo na magagamit niyang mabuti ang regalong ibinigay sa kaniya at makakayanan niya ang anumang matinding hamon na mapaharap sa kaniya.—2Ti 1:6, 8.

bagong utos: Ayon sa Kautusang Mosaiko, dapat mahalin ng isang tao ang kaniyang kapuwa gaya ng kaniyang sarili. (Lev 19:18) Pero sa utos na ito, hindi inaasahan na magpapakita siya ng mapagsakripisyong pag-ibig na aabot sa puntong mamamatay siya para sa kapuwa niya. ‘Bago’ ang utos ni Jesus dahil sinabi niya: kung paanong inibig ko kayo. Nagpakita siya ng perpektong halimbawa kung paano magmamahal at magsasakripisyo para sa iba, hanggang sa punto na handa kang mamatay para sa kanila dahil mahal mo sila. Kitang-kita sa buhay at kamatayan ni Jesus ang pag-ibig na tinutukoy sa bagong utos na ito.—Ju 15:13.

nagsapanganib ng buhay nila: May mga nagsasabi na ang ekspresyong Griego para dito, na literal na nangangahulugang “inilagay ang leeg nila sa ilalim,” ay galing sa ginagawa noong panahon ng Roma na pagpugot ng ulo. Tumutukoy ito sa isang nalalapit at kahindik-hindik na kamatayan. Sinabi ni Pablo na isinapanganib nina Aquila at Prisca (Priscila) ang buhay nila para mailigtas siya. May mga nagsasabi na nangyari ito nang magkagulo ang mga panday-pilak sa Efeso. (Gaw 19:28-31) Posibleng sa mapanganib na panahong ito, kung kailan naramdaman ni Pablo na mamamatay na siya, namagitan sina Aquila at Prisca at isinapanganib ang buhay nila. (2Co 1:8) Pero hindi malinaw na sinasabi ng Bibliya kung ano talaga ang pangyayaring tinutukoy dito ni Pablo.

may matinong pag-iisip: O “mahusay magpasiya.” Ayon sa isang diksyunaryo, ang mga salitang Griego na isinaling “matinong pag-iisip” o “katinuan ng pag-iisip” ay tumutukoy sa pagiging “maingat, palaisip, may kontrol sa sarili.” Ang taong may matinong pag-iisip ay balanse at hindi padalos-dalos magpasiya.

isang katitisuran para sa mga Judio: Sinasabi sa Kautusan na ang isang taong ibinitin sa tulos ay “isinumpa ng Diyos.” (Deu 21:22, 23; Gal 3:13) Kaya para sa mga Judio, kahiya-hiya ang paraan ng pagkamatay ni Jesus at hindi ito nababagay sa Mesiyas. Dahil diyan, ito ay naging “isang katitisuran” para sa kanila.

akong si Pablo ay bilanggo ni Kristo Jesus: Galit na galit kay apostol Pablo ang mga kababayan niya dahil nakapokus ang pangangaral niya sa mga di-Judio bilang alagad ni Jesu-Kristo. Humantong ito sa pagkabilanggo niya, una sa Judea, pagkatapos ay sa Roma. (Gaw 21:33-36; 28:16, 17, 30, 31) Kaya masasabi niyang isa siyang bilanggo ni Kristo Jesus alang-alang sa . . . mga tao ng ibang mga bansa. Nang unang mabilanggo si Pablo sa Roma nang dalawang taon (mga 59-61 C.E.), nakapagsulat siya ng ilang liham. (Tingnan ang study note sa Gaw 28:30.) Sa liham niya sa mga taga-Efeso, dalawang beses niya pang binanggit na nakabilanggo siya o nakatanikala.—Efe 4:1; 6:20.

huwag mong ikahiya: Ipinapahiwatig ng salitang Griego na isinalin ditong “ikahiya” na dahil sa takot na mapahiya, mawawalan ng lakas ng loob ang isang tao na manindigan. Sa kulturang Griego at Romano noon, karaniwan lang sa isang tao na masyadong mabahala sa sasabihin ng iba at sa kahihiyan o karangalan na matatanggap niya. Hindi hinayaan ni Pablo na maimpluwensiyahan siya ng ganiyang kaisipan; hindi niya kailanman ikinahiya ang pagsamba niya kay Jehova. (Tingnan ang 2Ti 1:12 at study note.) Hindi naman sinasabi dito ni Pablo na ikinakahiya ni Timoteo ang pagsamba nito; gusto lang niya na huwag kailanman ikahiya ng kabataang ito ang paglilingkod nito.—Ihambing ang Mar 8:38.

pagpapatotoo tungkol sa ating Panginoon: Kasama dito ang pagsasabi sa iba ng tungkol sa pagpatay kay Jesus sa pahirapang tulos, na isang kahiya-hiyang kamatayan. (Tingnan ang study note sa 1Co 1:23.) Pero ‘hindi ikinahiya ni Pablo ang mabuting balita’ tungkol sa Kristo, kasama na ang tungkol sa nakakahiyang kamatayan ni Jesus.—Ro 1:16.

ako na isang bilanggo alang-alang sa kaniya: Lumilitaw na para sa ilan, nakakahiya ang pagkabilanggo ni Pablo. Nakakahiya para sa halos lahat ng tao noon na maigapos, maparusahan, o mabilanggo ng mga awtoridad. Pero sa halip na mahiya, gusto ni Pablo na mapatibay si Timoteo at ang iba pang Kristiyano sa pananatili niyang tapat sa ilalim ng pagsubok. (Fil 1:14) Alam ni Pablo na makakaranas din sila ng ganoong mga pagsubok.—2Ti 3:12.

bilanggo alang-alang sa kaniya: Lit., “bilanggo niya.” Itinuturing ni Pablo ang sarili niya na bilanggo alang-alang sa Panginoong Jesu-Kristo, ibig sabihin, bilanggo dahil sa pagiging tagasunod ni Kristo at paghahayag ng mabuting balita. Gumamit din ang apostol ng katulad na mga ekspresyon sa ilang liham na isinulat niya noong una siyang mabilanggo sa Roma. (Efe 3:1 at study note; 4:1; Flm 1, 9) Isinulat ni Pablo ang ikalawang liham niya kay Timoteo sa huling pagkabilanggo niya sa Roma, na posibleng noong mga 65 C.E.—2Ti 4:6-8.

hindi ako nahihiya: Alam ni Pablo na nagdurusa siya dahil sa pagganap ng atas niya bilang mángangarál, apostol, at guro. (2Ti 1:11) Gusto ng mga tagausig niya na mahiya siya at mapunô ng takot para tumahimik siya. Pero gaya ni Jesus, na ‘nagtiis sa pahirapang tulos at binale-wala ang kahihiyan,’ hindi ikinahiya ni Pablo ang pag-uusig at pagbibilanggo sa kaniya dahil sa paggawa niya ng kalooban ni Jehova. (Heb 12:2) Gusto niya na ganiyan din ang maramdaman ni Timoteo at ng iba pang Kristiyano.—Tingnan ang study note sa 2Ti 1:8; tingnan din ang study note sa Mat 16:24.

tinawag ayon sa kaniyang layunin: Ang salitang Griego na proʹthe·sis, na isinasaling “layunin,” ay literal na nangangahulugang “paglalagay sa unahan.” Lumitaw rin ang terminong ito sa Ro 9:11; Efe 1:11; 3:11. Dahil siguradong matutupad ang mga layunin ng Diyos, puwede niyang patiunang malaman at sabihin kung ano ang mangyayari sa hinaharap. (Isa 46:10) Halimbawa, alam na ni Jehova na magkakaroon ng isang grupo ng mga tao na “tinawag ayon sa kaniyang layunin,” pero hindi niya itinadhana kung sino ang mga indibidwal na bubuo dito. Kumikilos din siya para siguraduhing matutupad ang mga layunin niya.​—Isa 14:24-27.

Pinili niya: O “Patiuna niyang itinalaga.” Patiunang nagdesisyon si Jehova na isang grupo ng mga tagasunod ni Kristo ang aampunin Niya at makakasama ni Jesus sa langit bilang tagapamahala. Patiuna niyang itinalaga ang grupo, hindi ang mga indibidwal. Makikita ang layuning ito ni Jehova sa hula sa Gen 3:15, na agad na binigkas ni Jehova matapos magkasala ni Adan.—Gal 3:16, 29; tingnan ang study note sa Ro 8:28.

Napakatagal na panahon na ang nakalilipas: May kaugnayan sa hula sa Gen 3:15 ang pasiya ni Jehova na pumili ng ilang tagasunod ni Jesus para mamahalang kasama ng Anak Niya sa Kaharian sa langit. (Gal 3:16, 29) Inihayag agad ni Jehova ang layunin niya matapos magkasala ni Adan, na nangyari libo-libong taon bago isinulat ni Pablo ang liham niya kay Timoteo. Kaya nasabi ni Pablo na “napakatagal na panahon na ang nakalilipas” mula nang ipakita ang walang-kapantay na kabaitang ito. Sa ibang Bibliya, isinalin itong “mula pa ng mga panahong walang hanggan,” na nagpapahiwatig na bago pa umiral ang mga tao, itinakda na ng Diyos ang mga pangyayaring binanggit ni Pablo. Pero ayon sa isang diksyunaryo, ang ekspresyong Griego para sa “napakatagal na” sa kontekstong ito ay “tumutukoy sa isang espesipikong yugto ng panahon na napakatagal nang lumipas.” (Ihambing ang Ro 16:25; ihambing ang study note sa Ro 8:28.) Matagal nang sinabi ng Diyos kung ano ang mangyayari sa hinaharap, at siguradong matutupad ang mga layunin niya.—Isa 46:10; Efe 1:4.

nang ibigay niya ito sa atin dahil kay Kristo Jesus: Tinutukoy dito ni Pablo ang isang partikular na ekspresyon ng “walang-kapantay na kabaitan” ni Jehova sa ilang tao—ang pagtawag sa kanila para maging banal at mamahalang kasama ni Kristo sa langit. Patiunang nagpasiya si Jehova na mag-ampon ng ilan sa mga tagasunod ni Jesus. Naging posible ang walang-kapantay na kabaitang ito dahil sa pantubos ni Kristo Jesus.—Ro 8:15-17; 2Ti 2:10; tingnan ang study note sa Efe 1:5.

hindi nabubulok: Ang ginamit dito na salitang Griego, a·phthar·siʹa, ay tumutukoy sa isang bagay na hindi puwedeng masira o mabulok. Ang isang pinahiran na may mortal at nabubulok na katawan bilang tao ay bubuhaying muli at bibigyan ng isang di-nabubulok na espiritung katawan kung mananatili siyang tapat hanggang kamatayan. (1Co 15:44) Ang ganitong “katawang hindi nabubulok” ay lumilitaw na may kakayahang patuloy na mabuhay nang hindi umaasa sa iba.—Ihambing ang study note sa 1Co 15:53.

naging tao: Lit., “nahayag sa laman.” Lumilitaw na ginamit ang ekspresyong ito para kay Jesus mula nang bautismuhan siya sa Ilog Jordan. (Tingnan ang study note sa Mat 3:17.) Nang pagkakataong iyon, si Jesus ng Nazaret ay naging ang Mesiyas, o ang Pinahiran ni Jehova. Kahit na sa langit nanggaling si Jesus, naging perpektong tao siya na may laman at dugo, at madalas niyang tawagin ang sarili niya na “Anak ng tao.”—Mat 8:20; tingnan sa Glosari, “Anak ng tao.”

pagkakahayag sa ating Tagapagligtas, si Kristo Jesus: Ipinapaliwanag dito ni Pablo na ang “walang-kapantay na kabaitan” ng Diyos, na binanggit sa talata 9, ay “malinaw na . . . nakikita dahil sa pagkakahayag [kay] Kristo Jesus.” Sa kontekstong ito, inihayag ni Jehova si Jesus nang isugo niya sa lupa ang Anak niyang ito para maging tao. Binanggit din ang paghahayag na ito sa Ju 1:14, na nagsasabing “ang Salita ay naging tao at namuhay kasama” ng mga tao. Gayundin, binanggit sa 1Ti 3:16 (tingnan ang study note) na si Jesus ay “naging tao.” Tumutukoy ito sa buhay at ministeryo ni Jesus sa lupa, na lumilitaw na nagsimula nang bautismuhan siya sa Ilog Jordan. Sa buong ministeryo ni Jesus, malinaw niyang itinuro sa mga tao kung paano sila maliligtas mula sa kasalanan at magkakaroon ng buhay na walang hanggan.—Mat 1:21; Luc 2:11; 3:6.

si Kristo Jesus, na . . . nagsiwalat kung paano magkakaroon ng buhay at katawang di-nasisira: Mababasa sa Hebreong Kasulatan ang tungkol sa pagkabuhay-muli at pag-asang mabuhay nang walang hanggan. (Job 14:14, 15; Aw 37:29; Isa 26:19; Dan 12:2, 13) Pero marami pang kinailangang isiwalat at linawin tungkol sa mga iyon. Tinatawag si Jesus na “tunay na liwanag na nagbibigay ng liwanag.” (Ju 1:9) Kaya tama lang na siya ang ‘magsiwalat’ ng impormasyon tungkol sa pag-asang ito. Tinawag niya ang sarili niya na “buhay,” at ipinangako niya na sinumang manampalataya sa kaniyang salita ay magkakaroon ng “buhay na walang hanggan.” (Ju 5:24; 6:40; 14:6) ‘Isiniwalat din ni Jesus kung paano magkakaroon ng buhay’ nang ipaliwanag niya na ang buhay na ibibigay niya bilang pantubos ang mag-aalis sa kamatayan. (Mat 20:28; Ju 3:16; 5:28, 29; 11:25, 26) Isiniwalat din ni Jesus na may ilang tao na mabubuhay sa langit at mamamahalang kasama niya. (Luc 12:32; Ju 14:2, 3) Kapag natanggap na nila ang gantimpala nila sa langit, magkakaroon sila ng “katawang hindi nabubulok.”—1Co 15:42 at study note; 1Pe 1:3, 4.

inatasan ako bilang mángangarál: Tingnan ang study note sa 1Ti 2:7.

apostol: Tingnan ang study note sa 1Ti 2:7.

guro: Tingnan ang study note sa 1Ti 2:7.

inatasan ako ng Diyos bilang mángangarál: Maliwanag na makikita sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na sineryoso ni apostol Pablo ang mga atas niya. Halimbawa, dito at sa 2Ti 1:11, gumamit siya ng tatlong termino (“mángangarál”; “apostol”; “guro”), na tumutukoy sa iba’t ibang atas niya. Siya ay isang “mángangarál,” o tagapaghayag ng mensahe ng Diyos, gaya ni Jesus at ni Juan Bautista. (Mat 4:17; Luc 3:18; tingnan ang study note sa Mat 3:1.) Si Noe rin ay “isang mángangarál ng katuwiran.”—2Pe 2:5.

apostol: Inatasan ni Jesu-Kristo si Pablo bilang “apostol,” o “isa na isinugo.” (Gaw 9:15; Ro 1:5) Tinawag din ni Pablo ang sarili niya na “apostol ni Kristo Jesus dahil sa kalooban ng Diyos” at “apostol para sa ibang mga bansa.”—1Co 1:1; Ro 11:13 at study note; tingnan ang study note sa Ro 1:1.

isang guro na magtuturo sa ibang mga bansa: Bilang guro, nakipagkatuwiranan si Pablo sa mga tagapakinig niya at marami siyang nahikayat na manampalataya kay Kristo. (Gaw 17:2; 28:23; tingnan ang study note sa Mat 28:20.) ‘Isa siyang guro na nagturo sa ibang mga bansa’ dahil nagturo siya sa maraming di-Judio. Idiniriin ng ekspresyong ito na pambuong daigdig ang pangangaral at pagtuturo ng mga Kristiyano na nagsimula noong unang siglo C.E.

nakilala na ninyo ang Diyos: Dahil sa pangangaral ni Pablo, “nakilala” ng maraming Kristiyano sa Galacia ang Diyos. Ang pandiwang isinaling “nakilala” sa talatang ito ay nagpapahiwatig ng magandang ugnayan sa pagitan ng magkakilala. (1Co 8:3; 2Ti 2:19) Kaya para ‘makilala ang Diyos,’ hindi sapat na alamin lang ang mga pangunahing katotohanan tungkol sa kaniya. Kailangan nating magkaroon ng malapít na kaugnayan sa kaniya.—Tingnan ang study note sa Ju 17:3.

pahirapang tulos: O “tulos na pambitay.” Sa klasikal na Griego, ang salitang stau·rosʹ ay pangunahing tumutukoy sa isang patayong tulos o poste. Kapag ginamit sa makasagisag na paraan, tumutukoy ito kung minsan sa pagdurusa, kahihiyan, kalupitan, at kamatayan pa nga na nararanasan ng mga tao dahil sa pagiging tagasunod ni Jesus.—Tingnan sa Glosari.

huwag mong ikahiya: Ipinapahiwatig ng salitang Griego na isinalin ditong “ikahiya” na dahil sa takot na mapahiya, mawawalan ng lakas ng loob ang isang tao na manindigan. Sa kulturang Griego at Romano noon, karaniwan lang sa isang tao na masyadong mabahala sa sasabihin ng iba at sa kahihiyan o karangalan na matatanggap niya. Hindi hinayaan ni Pablo na maimpluwensiyahan siya ng ganiyang kaisipan; hindi niya kailanman ikinahiya ang pagsamba niya kay Jehova. (Tingnan ang 2Ti 1:12 at study note.) Hindi naman sinasabi dito ni Pablo na ikinakahiya ni Timoteo ang pagsamba nito; gusto lang niya na huwag kailanman ikahiya ng kabataang ito ang paglilingkod nito.—Ihambing ang Mar 8:38.

hindi ako nahihiya: Alam ni Pablo na nagdurusa siya dahil sa pagganap ng atas niya bilang mángangarál, apostol, at guro. (2Ti 1:11) Gusto ng mga tagausig niya na mahiya siya at mapunô ng takot para tumahimik siya. Pero gaya ni Jesus, na ‘nagtiis sa pahirapang tulos at binale-wala ang kahihiyan,’ hindi ikinahiya ni Pablo ang pag-uusig at pagbibilanggo sa kaniya dahil sa paggawa niya ng kalooban ni Jehova. (Heb 12:2) Gusto niya na ganiyan din ang maramdaman ni Timoteo at ng iba pang Kristiyano.—Tingnan ang study note sa 2Ti 1:8; tingnan din ang study note sa Mat 16:24.

Dahil kilala ko kung sino ang pinaniniwalaan ko: Sinasabi dito ni Pablo ang pangunahing dahilan kung bakit hindi siya nahihiya. Nakilala niya ang Diyos na Jehova, at naging kaibigan niya Siya. (Tingnan ang study note sa Gal 4:9.) Para kay Pablo, isang karangalan na tumanggap ng anumang atas mula sa kaniyang maibiging Ama.

ang ipinagkatiwala ko sa kaniya: Lit., “ang idineposito ko.” Malamang na sinasabi dito ni Pablo na ipinagkatiwala niya sa Diyos ang buhay niya. Malapit nang mamatay noon si Pablo, pero nagtitiwala siyang aalalahanin ni Jehova ang rekord niya ng katapatan hanggang sa “araw na iyon” kung kailan bubuhayin Niya siyang muli. (Ro 8:38, 39) Ang ekspresyong Griego para sa “deposito” ay isang termino sa batas na tumutukoy sa isang bagay na ipinatago sa iba para ingatan. (Isang kaugnay na pandiwa nito ang ginamit sa Gaw 14:23 at 20:32 para sa mga taong ‘ipinagkatiwala sa Diyos na Jehova.’) Sa ilang Bibliya, isinalin ang 2Ti 1:12 na para bang si Pablo ang dapat magbantay sa isang bagay na ipinagkatiwala sa kaniya. (Ihambing ang 1Ti 6:20 at 2Ti 1:14, kung saan pinayuhan ni Pablo si Timoteo na “bantayan” ang ipinagkatiwala sa kaniya.) Pero makikita sa konteksto na sa Diyos ipinagkatiwala ang bagay na binabanggit sa talatang ito at ang Diyos ang nagbabantay dito.

pamantayan: Ang salitang Griego para sa “pamantayan” ay puwede ring isaling “parisan.” Puwede itong tumukoy sa sketch ng isang pintor para mabuo ang kaniyang painting. Makakatulong ang “pamantayan ng kapaki-pakinabang na mga salita” para maintindihan ng isang Kristiyano kung ano ang inaasahan sa kaniya ng Diyos na Jehova at makita ang mga prinsipyo sa likod ng mga turong Kristiyano. Puwedeng ikumpara ni Timoteo sa ‘pamantayang’ ito ang mga bagong ideya na naririnig niya para hindi siya mailigaw ng huwad na mga guro.—Gal 1:7; 2Ti 2:16-18.

kapaki-pakinabang na mga salita: Ang ekspresyong Griego para sa “kapaki-pakinabang na mga salita” ay isinaling “kapaki-pakinabang na mga tagubilin” sa 1Ti 6:3. Ipinaliwanag doon ni Pablo na ang tagubiling iyon ay “mula sa ating Panginoong Jesu-Kristo.” Kaya ang pariralang ito ay tumutukoy sa tunay na mga turong Kristiyano. (Tingnan ang study note sa 1Ti 6:3.) Kaayon ng lahat ng iba pang turo ng Bibliya ang mga itinuro at ginawa ni Jesus, kaya ang ekspresyong “kapaki-pakinabang [lit., “nakapagpapalusog”] na mga salita” ay puwede ring tumukoy sa lahat ng turo ng Bibliya.

kapaki-pakinabang na mga tagubilin: Tinutukoy dito ni Pablo ang mga turo ng Panginoong Jesu-Kristo. Dahil kaayon ng buong Kasulatan ang lahat ng itinuro ni Jesus, puwede ring tumukoy ang ekspresyong “kapaki-pakinabang [lit., “nakapagpapalusog”] na mga tagubilin” sa lahat ng turo sa Bibliya.—Tingnan ang study note sa 2Ti 1:13.

banal na espiritu na nasa atin: Lit., “banal na espiritu na naninirahan sa atin.” Na kina Pablo at Timoteo—at sa lahat ng pinahirang Kristiyano—ang banal na espiritu ng Diyos. Ibig sabihin, kumikilos ito sa kanila sa espesyal na paraan. (Ro 8:11; Efe 3:20) Tutulungan sila ng espiritu na bantayan ang “kayamanang . . . ipinagkatiwala” sa kanila—ang ministeryo at mga turong Kristiyano. Makakatulong din ang banal na espiritu sa lahat ng Kristiyano para magampanan nila ang kanilang ministeryo at magkaroon ng “mga katangian na bunga ng espiritu.”—Gal 5:22, 23; Gaw 1:8.

bantayan mo ang kayamanang ito na ipinagkatiwala sa iyo: Kasama sa kayamanang binabanggit dito ni Pablo ang binanggit niya sa naunang talata na “kapaki-pakinabang na mga salita,” o ang katotohanan na nasa Kasulatan. Katulad nito ang payo niya kay Timoteo sa nauna niyang liham: “Bantayan mo ang ipinagkatiwala sa iyo.” (1Ti 6:20 at study note) Sinabi ni Pablo na mababantayan ni Timoteo ang ipinagkatiwala sa kaniya kung ituturo niya nang may katumpakan sa loob at labas ng kongregasyon ang mensaheng ipinangangaral ng mga Kristiyano. Sa ganitong paraan, hindi ito mapipilipit ng huwad na mga guro at mga apostata. (2Ti 4:2, 5) Magagawa lang ito ni Timoteo kung aasa siya sa banal na espiritu ni Jehova at sa Kaniyang Salita.—2Ti 3:14-17.

bantayan mo ang ipinagkatiwala sa iyo: Kasama sa tinutukoy dito ni Pablo na ipinagkatiwala kay Timoteo ang mga katotohanan sa Kasulatan. (1Te 2:4; 2Ti 1:14; ihambing ang Ro 3:2 at study note.) Ang terminong isinaling “ipinagkatiwala” ay tumutukoy kung minsan sa mahahalagang bagay na itinago sa bangko. Puwede rin itong tumukoy sa isang bagay na ipinatago sa isang tao para ingatan, gaya ng pagkakagamit dito ng Griegong Septuagint. (Lev 6:2, 4 [5:21, 23, LXX]) Dapat ingatan ni Timoteo ang sagradong mensahe; pero hindi ibig sabihin nito na itatago niya ito, kundi ituturo niya ito sa iba nang may katumpakan. (2Ti 2:2) Sa paggawa nito, mababantayan, o mapoprotektahan, niya ang mahahalagang katotohanan mula sa mga taong gustong pumilipit dito sa pamamagitan ng “walang-saysay na mga usapan” at pagtataguyod ng di-totoong “kaalaman.”

lalawigan ng Asia: O “probinsiya ng Asia.”—Tingnan sa Glosari, “Asia.”

Kaawaan nawa ng Panginoon: Dito, ipinapanalangin ni Pablo na kaawaan ni Jehova ang “sambahayan ni Onesiforo.” Naging napakabait at mahabagin ni Onesiforo kay Pablo dahil nang magpunta siya sa Roma, ginawa niya ang lahat para makita kung saan nakabilanggo si Pablo at matulungan ito. (2Ti 1:17; tingnan ang study note sa hindi niya ako ikinahiya kahit nakatanikala ako sa talatang ito.) Kaya ang panalangin ni Pablo ay kaayon ng sinabi ni Jesus sa Sermon sa Bundok: “Maligaya ang mga maawain, dahil pagpapakitaan sila ng awa.” (Mat 5:7 at study note) Sa Hebreong Kasulatan at Kristiyanong Griegong Kasulatan, inilarawan si Jehova na Diyos na “maawain” at may “saganang awa.”—Exo 34:6; Efe 2:4; ihambing ang 2Ti 1:18.

Onesiforo: Kahanga-hanga ang tapat na Kristiyanong ito dahil nanatili siyang tapat kay Pablo at nagsakripisyo siya para masuportahan ito. Pinuri ni Pablo si Onesiforo sa “lahat ng ginawa” nito para sa kaniya sa Efeso. Malamang na kilala rin siya ni Timoteo. Ipinapahiwatig ng pariralang “noong nasa Roma [si Onesiforo]” na naglakbay siya papunta doon, pero hindi sinasabi sa ulat kung ginawa niya iyon para makita si Pablo o may iba siyang dahilan. (2Ti 1:17, 18) Dito, hinihiling ni Pablo sa Diyos na pagpalain ang sambahayan ni Onesiforo; sa dulo ng liham ng apostol, nagpakumusta siya sa pamilyang ito.—2Ti 4:19.

hindi niya ako ikinahiya kahit nakatanikala ako: Ibang-iba si Onesiforo sa dalawang lalaking binanggit ni Pablo sa naunang talata. Iniwan siya ng mga ito at ng iba pa na nasa lalawigan ng Asia noong panahong nangangailangan siya. (2Ti 1:15, 17, 18) Posibleng nanganib na mabilanggo o mapatay pa nga ang mga dumadalaw kay Pablo noong ikalawa at huling pagkabilanggo niya. Pero hindi nagpadaig si Onesiforo sa takot o hiya. Sa halip, paulit-ulit niyang dinalaw si Pablo, kaya nasabi ng apostol na lagi siyang pinapatibay nito. Ang ekspresyong “nakatanikala” ay puwedeng tumukoy sa pagkabilanggo ni Pablo. Pero posible ring nakatanikala talaga si Pablo kaya mas kinailangan niya ang tulong ni Onesiforo.

maawain: Ang mga terminong “maawain” at “awa” sa Bibliya ay hindi lang tumutukoy sa pagpapatawad o pagbibigay ng mas magaan na parusa. Mas madalas itong tumukoy sa pagkahabag ng isang tao na nagpapakilos sa kaniya na tumulong sa mga nangangailangan.

talagang hinanap niya ako: Noong ikalawang pagkabilanggo ni Pablo, ginawa ni Onesiforo ang lahat para mahanap siya sa Roma. Mga isang milyon ang populasyon ng lunsod na iyon; walang pangalan ang mga kalsada, at wala ring numero ang mga bahay. Pero nakita ni Onesiforo kung saan nakabilanggo si Pablo habang naghihintay na litisin. Siguradong napakasaya ni Pablo sa ginawang iyon ni Onesiforo.

Kaawaan nawa ng Panginoon: Dito, ipinapanalangin ni Pablo na kaawaan ni Jehova ang “sambahayan ni Onesiforo.” Naging napakabait at mahabagin ni Onesiforo kay Pablo dahil nang magpunta siya sa Roma, ginawa niya ang lahat para makita kung saan nakabilanggo si Pablo at matulungan ito. (2Ti 1:17; tingnan ang study note sa hindi niya ako ikinahiya kahit nakatanikala ako sa talatang ito.) Kaya ang panalangin ni Pablo ay kaayon ng sinabi ni Jesus sa Sermon sa Bundok: “Maligaya ang mga maawain, dahil pagpapakitaan sila ng awa.” (Mat 5:7 at study note) Sa Hebreong Kasulatan at Kristiyanong Griegong Kasulatan, inilarawan si Jehova na Diyos na “maawain” at may “saganang awa.”—Exo 34:6; Efe 2:4; ihambing ang 2Ti 1:18.

Kaawaan nawa siya ng Panginoong Jehova: O “Ang Panginoon nawa ay magkaloob sa kaniya ng awa mula kay Jehova.” Lumilitaw na ang “Panginoon” sa talata 16 at talata 18 ay parehong tumutukoy sa Diyos na Jehova. (2Ti 1:16 at study note) Sa orihinal na wika, kakaiba ang istilong ginamit ni Pablo dito sa talata 18. Sinabi niya na ang Panginoon (si Jehova) ay may ginagawa (nagkakaloob ng awa) mula sa sarili niya (mula kay Jehova). Pero ginamit din sa Hebreong Kasulatan at sa Griegong Septuagint ang ganitong istilo. Halimbawa, ganito ang literal na salin ng tekstong Hebreo sa Gen 19:24: “Nagpaulan si Jehova ng asupre at apoy mula kay Jehova,” na ang ibig sabihin lang ay nagpaulan si Jehova ng asupre at apoy. (Tingnan din ang Os 1:6, 7; Zac 10:12.) Sa paggamit ng istilong ito sa 2Ti 1:18, posibleng idiniriin ni Pablo na hinahayaan ni Jehova na tumanggap ng awa ang isang tao at sa Kaniya rin nanggagaling ang awang iyon.—Para sa paliwanag kung bakit ginamit dito ang pangalan ng Diyos, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; 2Ti 1:18.

Alam na alam mo rin: O posibleng “Mas alam mo kaysa sa akin.” Sinasabi dito ni Pablo na alam na alam ni Timoteo ang maraming bagay na ginawa ni Onesiforo sa paglilingkod nito sa Efeso. Ang ekspresyon sa orihinal na wika ay puwede pa ngang mangahulugan na mas alam pa ni Timoteo kaysa kay Pablo ang mabubuting bagay na ginawa ni Onesiforo sa Efeso.

Media

Video ng Introduksiyon sa Aklat ng 2 Timoteo
Video ng Introduksiyon sa Aklat ng 2 Timoteo