Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA

Magandang Aklat Lang Ba ang Bibliya?

Magandang Aklat Lang Ba ang Bibliya?

Ang Bibliya ay nakumpleto mga dalawang libong taon na ang nakalipas. Mula noon, napakarami nang ibang aklat ang lumitaw at nawala. Pero hindi ang Bibliya. Tingnan ang sumusunod.

  • Nalampasan ng Bibliya ang maraming matitinding pag-atake ng makapangyarihang mga tao. Halimbawa, noong Edad Medya sa ilang diumano’y Kristiyanong bansa, “ang pagkakaroon at pagbabasa ng Bibliya sa katutubong wika [ang wika ng karaniwang mga tao] ay unti-unting iniugnay sa erehiya at pagsalansang,” ang sabi ng aklat na An Introduction to the Medieval Bible. Ang mga iskolar na nagsalin ng Bibliya sa ibang wika o nagtaguyod ng pag-aaral ng Bibliya ay nagsapanganib ng kanilang buhay. Ang ilan sa kanila ay pinatay.

  • Sa kabila ng maraming hadlang, ang Bibliya ay naging—at patuloy na nagiging—ang pinakamalawak na naipamahaging aklat sa buong kasaysayan. Sa kabuoan o ilang bahagi nito, mga limang bilyong kopya na ang nailathala sa mahigit 2,800 wika. Ibang-iba ito sa mga aklat sa pilosopiya, siyensiya, at sa kaugnay na mga larangan, na limitado lang ang sirkulasyon at madaling maiwan ng panahon.

  • Nakatulong ang Bibliya para maingatan at mapasulong ang ilan sa mga wika kung saan isinalin ito. Ang salin ng Bibliya sa wikang German ni Martin Luther ay nagkaroon ng malaking impluwensiya sa wikang iyan. Inilarawan naman ang unang edisyon ng King James Version bilang “ang posibleng nag-iisang pinakamaimpluwensiyang aklat na inilathala” sa wikang Ingles.

  • Ang Bibliya ay nagkaroon ng “napakalaking epekto sa Kanluraning kultura, na umiimpluwensiya hindi lang sa relihiyosong mga paniniwala at gawain, kundi maging sa sining, panitikan, batas, politika, at iba pang larangan na napakarami para banggiting lahat.”—The Oxford Encyclopedia of the Books of the Bible.

Ilan lamang iyan sa mga dahilan kung bakit naiiba ang Bibliya. Pero bakit nga ba napakapopular nito? Bakit may mga nagsapanganib ng kanilang buhay para dito? Narito ang ilang dahilan: Ang Bibliya ay naglalaman ng moral at espirituwal na mga turong nagpapakita ng pambihirang karunungan. Ang Bibliya ay tumutulong sa atin na maintindihan ang dahilan ng pagdurusa at alitan ng mga tao. Bukod diyan, nangangako ito na magwawakas ang mga problemang iyan, anupat isinisiwalat pa nga kung paano ito magaganap.

Nagbibigay ang Bibliya ng Moral at Espirituwal na Kaunawaan

Mahalaga ang sekular na edukasyon. Pero ang “edukasyon . . . na naglalagay ng mga inisyal sa dulo ng pangalan mo . . . ay hindi garantiyang matalino ka na pagdating sa moralidad,” ang sabi ng isang editoryal sa pahayagang Ottawa Citizen sa Canada. Sa katunayan, maraming edukado, pati na mga nangunguna sa negosyo at gobyerno, ang nandaraya at nagnanakaw kung kaya nagkakaroon ng “matinding krisis ng kawalan ng tiwala,” ayon sa isang pandaigdig na pag-aaral na inilathala ng Edelman, isang kompanya sa public relations.

Ang Bibliya ay nakapokus sa moral at espirituwal na edukasyon. Ipinauunawa nito sa atin “ang katuwiran at ang kahatulan at ang katapatan, ang buong landasin ng kabutihan.” (Kawikaan 2:9) Halimbawa, isang 23-anyos na lalaki, na tatawagin nating Stephen, ang nakabilanggo sa Poland. Habang nasa bilangguan, nag-aral siya ng Bibliya at nagustuhan niya ang praktikal na mga payo nito. “Naiintindihan ko na ngayon kung ano ang ibig sabihin ng ‘parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina,’” ang sabi niya. “Natutuhan ko ring kontrolin ang emosyon ko, lalo na ang sobrang galit.”—Efeso 4:31; 6:2.

Ang isang simulaing gustong-gusto ni Stephen ay ang nasa Kawikaan 19:11: “Ang kaunawaan ng tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit, at kagandahan sa ganang kaniya na palampasin ang pagsalansang.” Ngayon, kapag napapaharap si Stephen sa isang mahirap na sitwasyon, mahinahon niyang pinag-iisipan ito at sinisikap na ikapit ang praktikal na mga simulain ng Bibliya. “Isa ngang napakagandang guidebook ang Bibliya,” ang sabi niya.

Si Maria, isang Saksi ni Jehova, ay ininsulto sa harap ng maraming tao ng isang babaeng galít sa mga Saksi. Pero sa halip na gumanti, hindi na lang ito pinansin ni Maria. Nakonsensiya ang babae sa ginawa niya at hinanap niya ang mga Saksi. Makalipas ang mga isang buwan, nang sa wakas ay makita niya si Maria, niyakap niya ito at humingi ng tawad. Bukod diyan, napag-isip-isip niya kung bakit nakapagtimpi at naging mahinahon si Maria. Iyon ay dahil sa kaniyang relihiyosong paniniwala. Ang resulta? Ang babaeng ito at ang lima pang miyembro ng pamilya niya ay nagpasiyang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova.

Ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga resulta nito, ang sabi ni Jesu-Kristo. (Lucas 7:35) Kung gayon, talaga ngang mabisa ang mga simulain ng Bibliya! Napalilitaw nito ang pinakamagaganda nating katangian. Ang mga ito ay “nagpaparunong sa walang-karanasan,” “nagpapasaya ng puso,” at “nagpapaningning ng mga mata” taglay ang moral at espirituwal na kaunawaan.—Awit 19:7, 8.

Ipinaliliwanag ng Bibliya ang Dahilan ng mga Pagdurusa at Alitan

Kapag pinag-aaralan ang isang epidemya ng sakit, inaalam muna ng mga mananaliksik ang sanhi nito—kung bakit ito lumaganap. Ganiyan din ang ginagawa para maintindihan ang “salot” ng pagdurusa at alitan ng mga tao. Napakalaking tulong ng Bibliya, dahil nakaulat dito ang pasimula ng ating kasaysayan, ang panahon kung kailan nagsimula ang ating mga problema.

Ayon sa aklat ng Genesis, nagsimula ang paghihirap ng mga tao nang magrebelde sa Diyos ang unang mag-asawa. Gusto nilang sila ang magtakda kung ano ang mabuti at kung ano ang masama—isang karapatang para lang sa ating Maylikha. (Genesis 3:1-7) Nakalulungkot, mula noon, ginaya na ng mga tao sa pangkalahatan ang ganiyang kaisipan. Ang resulta? Ang kasaysayan ng tao ay naging isang ulat, hindi ng kalayaan at kaligayahan, kundi ng alitan, paniniil, at pagkakabaha-bahagi sa moralidad at relihiyon. (Eclesiastes 8:9) Tama ang sabi ng Bibliya: “Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Pero may magandang balita—ang kapahamakang dulot ng pagrerebelde ng tao ay malapit nang magwakas.

Nagbibigay ng Pag-asa ang Bibliya

Tinitiyak sa atin ng Bibliya na dahil mahal ng Diyos ang mga gumagalang sa kaniyang awtoridad at mga pamantayan, hindi niya hahayaang magpatuloy ang kasamaan at pagdurusang dulot nito. Ang masasama ay “kakain . . . mula sa bunga ng kanilang lakad.” (Kawikaan 1:30, 31) Pero “ang maaamo” naman “ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:11.

“Ang kalooban [ng Diyos] ay na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—1 Timoteo 2:3, 4

Tutuparin ng Diyos ang kaniyang layunin tungkol sa isang mapayapang lupa sa pamamagitan ng “kaharian ng Diyos.” (Lucas 4:43) Ang Kahariang iyan ay isang pandaigdig na gobyerno at sa pamamagitan nito, ipahahayag ng Diyos ang kaniyang soberanya sa lahat ng tao. Ang Kaharian ay iniugnay ni Jesus sa lupa, na sinasabi sa kaniyang modelong panalangin: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban . . . sa lupa.”—Mateo 6:10.

Oo, gagawin ng mga sakop ng Kaharian ng Diyos ang kalooban ng Diyos, anupat kinikilala ang Maylikha—at hindi ang sinumang tao—bilang karapat-dapat na Tagapamahala. Ang korapsiyon, kasakiman, di-pantay-pantay na kalagayan sa ekonomiya, pagtatangi ng lahi, at digmaan ay mawawala na. Literal na magkakaroon lang ng iisang daigdig, iisang gobyerno, at iisang kalipunan ng moral at espirituwal na mga pamantayan.—Apocalipsis 11:15.

Edukasyon ang sekreto para makita ang bagong sanlibutang iyan. “Ang kalooban [ng Diyos] ay na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan,” ang sabi ng 1 Timoteo 2:3, 4. Kabilang sa katotohanang iyan ang mga turo ng Bibliya tungkol sa matatawag nating konstitusyon ng Kaharian—ang mga batas at simulaing susundin ng pamahalaang ito, gaya ng makikita sa Sermon sa Bundok na ibinigay ni Jesu-Kristo. (Mateo, kabanata 5-7) Habang binabasa mo ang tatlong kabanatang iyan, gunigunihin ang magiging kalagayan ng buhay kapag ikinakapit na ng bawat isa ang karunungan ni Jesus.

Magtataka pa ba tayo kung bakit ang Bibliya ang pinakamalawak na naipamahaging aklat? Tiyak na hindi na! Kitang-kitang galing sa Diyos ang mga turo nito. At dahil sa malawak na sirkulasyon nito, maliwanag na gusto ng Diyos na makilala siya ng lahat ng tao anuman ang kanilang wika o bansa, at makinabang sila sa mga pagpapalang idudulot ng kaniyang Kaharian.—Gawa 10:34, 35.