INTERBYU | YAN-DER HSUUW

Ang Paniniwala ng Isang Embryologist

Ang Paniniwala ng Isang Embryologist

SI Propesor Yan-Der Hsuuw ang direktor ng embryo research sa National Pingtung University of Science and Technology sa Taiwan. Dati siyang naniniwala sa ebolusyon, pero nang maging research scientist siya, nagbago ang pananaw niya. Ipinaliwanag niya sa Gumising! kung bakit.

Kuwentuhan mo naman kami ng ilang bagay tungkol sa iyo.

Ipinanganak ako noong 1966 at lumaki sa Taiwan. Ang relihiyon ng mga magulang ko ay nakasalig sa Taoismo at Budismo. Bagaman sumasamba kami sa aming mga ninuno at nagdarasal sa mga imahen, hindi kami kailanman naniwala sa isang Maylikha.

Bakit ka nag-aral ng biology?

Noong bata ako, mahilig akong mag-alaga ng mga hayop, at gusto kong matutuhan kung paano aalisin ang paghihirap ng mga hayop at ng mga tao. Nag-aral ako ng veterinary medicine, at pagkaraan, nag-aral naman ako ng embryology—isang larangan na inaasahan kong magbibigay-liwanag din sa pinagmulan ng buhay.

Naniniwala ka noon sa ebolusyon. Bakit?

Ang ebolusyon ay itinuturo ng mga propesor sa unibersidad, na sinasabing suportado ito ng mga ebidensiya. At naniwala naman ako sa kanila.

Bakit ka nagsimulang magbasa ng Bibliya?

May dalawang dahilan. Una, inisip kong sa maraming diyos na sinasamba ng mga tao, may isa roon na nakahihigit sa iba. Pero sino kaya? Ikalawa, alam kong ang Bibliya ay isang iginagalang na aklat. Kaya sumali ako sa mga klase sa pag-aaral ng Bibliya.

Nang mag-aral ako sa Catholic University of Leuven sa Belgium noong 1992, pumunta ako sa isang simbahang Katoliko at hiniling ko sa pari na tulungan akong maintindihan ang Bibliya, pero tumanggi siya.

E, paano nasagot ang mga tanong mo?

Pagkaraan ng dalawang taon, habang nasa Belgium pa ako at nagsasaliksik sa siyensiya, nakausap ko si Ruth, isang Saksi ni Jehova na taga-Poland. Nag-aral siya ng Chinese para tulungan ang mga estudyante sa unibersidad na gustong matuto tungkol sa Diyos. Ipinanalangin ko ang gayong tulong, kaya tuwang-tuwa ako nang makausap ko siya.

Ipinakita sa akin ni Ruth na ang Bibliya, bagaman hindi isang aklat sa siyensiya, ay kaayon ng siyensiya. Halimbawa, nanalangin sa Diyos ang manunulat ng Bibliya na si David: “Nakita ng iyong mga mata maging ang aking pagkabinhi, at sa iyong aklat ay nakatala ang lahat ng bahagi nito, tungkol sa mga araw nang bigyang-anyo ang mga iyon at wala pa ni isa man sa kanila.” (Awit 139:16) Bagaman gumamit si David ng patulang pananalita, kung tutuusin, tama siya! Bago pa man mabuo ang mga bahagi ng katawan, naroon na ang mga instruksiyon para ma-develop ang mga ito. Dahil sa pagiging tumpak ng Bibliya, nakumbinsi akong ito ay Salita ng Diyos. Nalaman ko rin na iisa lang ang tunay na Diyos, si Jehova. 1

Ano ang nakakumbinsi sa iyo na Diyos ang lumikha ng buhay?

Ang tunguhin ng pagsasaliksik sa siyensiya ay para alamin ang katotohanan, at hindi para suportahan ang sariling palagay. Nang pag-aralan ko kung paano nade-develop ang embryo, nagbago ang pananaw ko. Napatunayan kong ang buhay ay nilikha. Halimbawa, nagdidisenyo ang mga engineer ng mga assembly line para mapagkabit-kabit ang mga tamang bahagi sa tamang pagkakasunod-sunod at sa tamang paraan. Halos ganiyan din nade-develop ang embryo, pero mas masalimuot ito.

Nagsisimula ang buong proseso mula sa isang pertilisadong selula, ’di ba?

Oo. At ang napakaliit na selulang iyan ay nahahati, na simula ng proseso ng paghahati-hati ng selula. Nadodoble ang bilang ng mga selula tuwing 12 hanggang 24 na oras. Sa pasimula ng prosesong ito, nabubuo ang mga selula na tinatawag na stem cells. 2 Ang stem cells ay nakakapag-produce ng alinman sa mga 200 iba’t ibang uri ng selula na kailangan para makabuo ng sanggol, gaya ng blood cells, bone cells, nerve cells, at iba pa.

Nang pag-aralan ko kung paano nade-develop ang embryo, napatunayan kong ang buhay ay nilikha

Ang mga tamang selula ay kailangang magawa sa tamang pagkakasunod-sunod at sa tamang lugar. Magsasama-sama muna ang mga selula para makabuo ng mga tissue, na magsasama-sama naman para maging mga organ at mga braso’t binti. Sinong engineer ang makasusulat ng mga instruksiyon para sa gayong proseso? Pero napakahusay ng pagkakasulat ng instruksiyon sa DNA para sa pag-develop ng embryo. Dahil sa kahusayan ng lahat ng iyan, kumbinsido ako na ang buhay ay dinisenyo ng Diyos.

Bakit ka naging Saksi ni Jehova?

Dahil sa pag-ibig. Sinabi ni Jesu-Kristo: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Ang pag-ibig na iyan ay di-nagtatangi. Hindi ito naiimpluwensiyahan ng nasyonalidad, kulay ng balat, o kultura ng isa. Nakita ko at naranasan ang gayong uri ng pag-ibig nang makisama ako sa mga Saksi.

^ 2. Dahil sa kaniyang budhing Kristiyano, si Propesor Yan-Der Hsuuw ay hindi nakikisangkot pagdating sa human embryonic stem cells.