Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagkatin-edyer—Paghahanda sa Pagiging Adulto

Pagkatin-edyer—Paghahanda sa Pagiging Adulto

Pagkatin-edyer​—Paghahanda sa Pagiging Adulto

IPAGPALAGAY nang mula sa isang isla sa tropiko, nagpunta ka sa Arctic Circle. Pagbaba mo ng eroplano, naramdaman mo agad na napakalamig. Matatagalan mo kaya ito? Oo, pero kailangan mong mag-adjust.

Parang ganiyan din ang sitwasyon kapag tin-edyer na ang mga anak mo. Waring sa loob lang ng magdamag, biglang nagbago ang klima. Ang batang lalaki na dati’y ayaw umalis sa tabi mo, ngayo’y mas gusto nang kasama ang mga kaedad niya. Ang batang babae na dati’y sabik na sabik magkuwento sa iyo, ngayo’y bahagya na lang sumagot sa tanong mo.

“Kumusta sa iskul?” ang tanong mo.

“Okey lang po,” ang sagot niya.

Walang imikan.

“Wala ka bang ikukuwento?” ang tanong mo.

“Wala po,” ang sagot niya.

Wala ulit imikan.

Ano na ang nangyayari? Noon, alam mo ang lahat ng nangyayari sa mga anak mo na ‘para bang may backstage pass ka sa buhay nila,’ ang sabi ng aklat na Breaking the Code. “Ngayon, mapalad ka na kung isa ka sa mga mánonoód, at malamang pa nga na hindi maganda ang view mula sa kinauupuan mo.”

Imposible na ba talagang mápalapít sa mga anak mo dahil tin-edyer na sila? Hindi naman. Puwede ka pa ring manatiling malapít sa kanila habang tin-edyer sila. Pero kailangan mo munang maunawaan kung ano ang nangyayari sa kapana-panabik pero minsa’y maligalig na yugtong ito ng paglaki.

Patungo Na sa Pagiging Adulto

Inakala noon ng mga mananaliksik na ang utak ng bata ay halos ganap nang nadebelop sa edad na lima. Ngayon, naniniwala sila na bagaman bahagya na lang ang paglaki ng utak paglampas sa edad na iyan, hindi ganiyan ang kaso tungkol sa paggana ng utak. Pagtuntong ng mga bata sa pagkatin-edyer, nagkakaroon ng malaking pagbabago sa kanilang hormon na nakakaapekto sa paraan ng pag-iisip nila. Simple lang ang pananaw ng mga bata sa mga bagay-bagay, ang puti ay puti, ang itim ay itim. Pero ang mga tin-edyer ay komplikadong mag-isip anupat inaalam na mabuti ang mga bagay-bagay. (1 Corinto 13:11) Nagkakaroon na sila ng sariling opinyon, at hindi sila nahihiyang sabihin ito.

Napansin ni Paolo, na taga-Italy, ang ganiyang pagbabago sa kaniyang anak na lalaki. “Kapag tinitingnan ko ang anak kong tin-edyer,” ang sabi niya, “parang isang maliit na adulto ang nasa harap ko, hindi na bata. Hindi lang katawan niya ang nagbabago. Manghang-mangha ako kung paano siya mag-isip. Hindi siya nahihiyang sabihin at ipagtanggol ang kaniyang opinyon!”

Ganiyan din ba ang napapansin mo sa anak mong tin-edyer? Baka noong bata siya, sunod lang siya nang sunod sa mga utos. Sapat na ang paliwanag na “dahil sinabi ko.” Pero ngayong tin-edyer na siya, humihingi na siya ng mga dahilan, at baka kinukuwestiyon pa nga ang mga prinsipyong sinusunod ng pamilya. Kung minsan tuloy, ang tingin mo sa kaniya ay nagrerebelde.

Pero huwag mong isipin na gustong bale-walain ng anak mo ang mga itinuro mo sa kaniya. Baka sinisikap lang niyang unawain ang mga pamantayan mo bago niya iyon gawing bahagi ng kaniyang buhay. Bilang paglalarawan, ipagpalagay na lilipat ka ng bahay at dala mo ang mga gamit mo. Madali mo bang maihahanap ng puwesto ang mga ito sa bagong bahay? Malamang na hindi. Pero tiyak na hindi mo itatapon ang alinmang gamit na itinuturing mong mahalaga.

Ganiyan din ang sitwasyon ng anak mong tin-edyer habang naghahanda siya para sa panahong ‘iiwan niya ang kaniyang ama at ina.’ (Genesis 2:24) Totoo, matagal pa iyon; hindi pa adulto ang anak mo. Pero maaari mong isipin na parang nagsisimula na siyang mag-impake ng mga gamit niya. Sa panahon ng pagkatin-edyer, sinusuri niya ang mga pamantayang kinalakhan niya at pinag-iisipan kung alin sa mga ito ang dadalhin niya hanggang sa pagkaadulto. *

Baka mag-alala ka kapag inisip mo na gumagawa na ng ganiyang mga pasiya ang anak mo. Pero tiyak na kapag adulto na siya, susundin lang niya ang mga pamantayan na sa tingin niya ay mahalaga. Kaya habang kasama mo pa ang anak mong tin-edyer, ngayon ang panahon para suriin niya ang mga pamantayang susundin niya.​—Gawa 17:11.

Napakahalaga ngang gawin iyan ng iyong anak. Kasi kung basta na lang niya tinatanggap ang mga pamantayan mo, posibleng basta na lang din niya tatanggapin ang mga pamantayan ng iba. (Exodo 23:2) Ayon sa Bibliya, ang gayong kabataan ay madaling mahikayat dahil “kapos ang puso” niya​—na maaaring mangahulugan ng pagiging kulang sa unawa. (Kawikaan 7:7) Ang isang kabataan na walang paninindigan ay maaaring ‘siklut-siklutin ng mga alon at dalhing paroo’t parito ng bawat hangin ng turo sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao.’​—Efeso 4:14.

Paano mo tutulungan ang anak mo para hindi iyan mangyari sa kaniya? Tiyaking mayroon siya ng tatlong bagay na ito:

1 KAKAYAHAN SA PANG-UNAWA

Isinulat ni apostol Pablo na ‘ang mga taong may-gulang ay nagsanay ng kanilang kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.’ (Hebreo 5:14) Pero baka sabihin mo, ‘Matagal ko nang itinuro sa anak ko kung ano ang tama at mali.’ At siguradong nakinabang siya sa pagsasanay na iyon at naihanda siya para sa yugtong ito ng paglaki. (2 Timoteo 3:14) Gayunman, sinabi ni Pablo na kailangang sanayin ng bawat isa ang kaniyang kakayahan sa pang-unawa. Ang maliliit na bata ay maaaring magkaroon ng kaalaman tungkol sa tama at mali, pero ang mga tin-edyer ay dapat na “maging hustong-gulang sa mga kakayahan ng pang-unawa.” (1 Corinto 14:20; Kawikaan 1:4; 2:11) Ayaw mong maging sunud-sunuran lang ang anak mo; gusto mong gumamit siya ng kakayahan sa pangangatuwiran. (Roma 12:1, 2) Paano mo siya matutulungang gawin iyan?

Ang isang paraan ay hayaan mo lang siyang magsalita. Huwag kang sasabad kapag nagsasalita siya at sikaping huwag masyadong mag-react​—kahit may sabihin pa siya na ayaw mong marinig. Sinasabi ng Bibliya: “Maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” (Santiago 1:19; Kawikaan 18:13) At sinabi ni Jesus: “Mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig.” (Mateo 12:34) Kung makikinig ka, malalaman mo kung ano talaga ang ikinababahala ng anak mo.

Kapag nagsalita ka, mas mabuting magtanong kaysa magsalita nang deretsahan. Nagtanong din si Jesus ng “Ano sa palagay ninyo?” para malaman ang nasa isip ng mga alagad niya at pati ng mga taong salansang. (Mateo 21:23, 28) Puwede mo ring gawin iyan sa anak mong tin-edyer, kahit pa kontra sa pananaw mo ang sinasabi niya. Halimbawa:

Kapag sinabi ng anak mo: “Hindi yata ako naniniwala sa Diyos.”

Sa halip na sabihin: “Hindi ganiyan ang itinuro namin sa iyo. Siyempre, naniniwala ka sa Diyos!”

Puwede mong sabihin: “Bakit mo naman nasabi iyan?”

Bakit dapat mong sikaping alamin ang niloloob ng anak mo? Dahil kahit naririnig mo ang sinasabi niya, kailangan mo ring malaman ang iniisip niya. (Kawikaan 20:5) Baka ang talagang nasa isip niya ay ang mga pamantayan ng Diyos at hindi ang pag-iral Niya.

Halimbawa, kung ang isang kabataan ay natutuksong lumabag sa mga batas ng Diyos hinggil sa moral, baka ipasiya niyang huwag maniwalang may Diyos para hindi siya managot kaninuman. (Awit 14:1) ‘Kung walang Diyos,’ baka ikatuwiran niya, ‘hindi ko kailangang mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya.’

Kung ganiyan ang kaisipan ng anak mo, baka kailangan niyang pag-isipan ang tanong na, Naniniwala ba talaga ako na ang mga pamantayan ng Diyos ay para sa ikabubuti ko? (Isaias 48:17, 18) Kung gayon ang paniniwala niya, tulungan siyang maunawaan na mahalagang manindigan sa mga pamantayan ng Diyos dahil ikabubuti niya ito.​—Galacia 5:1.

Kapag sinabi ng anak mo: “Hindi komo relihiyon n’yo iyan, magiging relihiyon ko na rin.”

Sa halip na sabihin: “Relihiyon natin ito, anak ka namin, at paniniwalaan mo ang sinabi namin na paniwalaan mo.”

Puwede mong sabihin: “Medyo mabigat ’yang sinabi mo. Pero kung ayaw mo sa mga paniniwala namin, siguro meron kang ibang paniniwala. Ano ba ang paniniwala mo? Sa palagay mo, anong pamantayan ang tamang sundin?”

Bakit dapat mong sikaping alamin ang niloloob ng anak mo? Dahil kung makikipagkatuwiranan ka sa kaniya sa ganitong paraan, matutulungan mo siyang suriin ang paniniwala niya. Baka magulat pa nga siya na ang paniniwala niya ay katulad ng sa iyo at ang ikinababahala niya ay walang kaugnayan doon.

Halimbawa, baka hindi alam ng anak mo kung paano ipaliliwanag sa iba ang paniniwala niya. (Colosas 4:6; 1 Pedro 3:15) O baka may nagugustuhan siyang isang di-kasekso na iba ang relihiyon. Alamin ang ugat ng problema, at tulungan siya na gayon din ang gawin. Miyentras mas madalas niyang ginagamit ang kaniyang kakayahan sa pang-unawa, mas nagiging handa siya sa pagiging adulto.

2 PATNUBAY NG ADULTO

Sinasabi ng ilang sikologo na talagang may darating na mga problema sa panahon ng pagkatin-edyer ng mga anak. Pero sa ilang kultura sa ngayon, kakaunti o wala pa ngang ebidensiya na may gayong mga problema. Natuklasan ng mga mananaliksik na sa mga lipunang iyon, ang mga tin-edyer ay itinuturing nang adulto sa murang edad pa lang. Nagtatrabaho sila kasama ng mga adulto, nakikihalubilo sa mga adulto, at pinagkakatiwalaan ng mga responsibilidad na pang-adulto. Wala silang mga terminong gaya ng “mundo ng mga kabataan,” “delingkuwenteng kabataan,” at kahit “pagkatin-edyer.”

Ibang-iba naman ang karanasan ng mga kabataan sa maraming bansa kung saan sila pinag-aaral sa nagsisikipang mga eskuwelahan at kapuwa rin nila kabataan ang madalas nilang kasama. Wala silang nadadatnan pag-uwi ng bahay. Parehong nagtatrabaho ang mga magulang nila. Malayo ang mga kamag-anak. Ang pinakamadali nilang malapitan ay mga kapuwa kabataan. * Nakikita mo ba ang panganib? Hindi iyon basta pagkakaroon lang ng masasamang kasama. Naobserbahan ng mga mananaliksik na kahit ang huwarang mga kabataan ay may tendensiyang gumawi nang iresponsable kapag nahiwalay sa mga adulto.

Sa sinaunang Israel, hindi ibinubukod ang mga kabataan sa mga adulto. * Halimbawa, sinasabi ng Bibliya na si Uzias ay naging hari ng Juda noong tin-edyer pa siya. Ano ang nakatulong sa kaniya na balikatin ang gayong mabigat na responsibilidad? Maliwanag na malaki ang naging impluwensiya sa kaniya ng adultong si Zacarias, na inilalarawan sa Bibliya bilang isang “tagapagturo ng pagkatakot sa tunay na Diyos.”​—2 Cronica 26:5.

Ang anak mo bang tin-edyer ay may adultong tagapayo, isa o higit pa, na kapareho mo ng pamantayan? Huwag kang magseselos sa kanila. Makatutulong sila sa anak mo na gawin ang tama. Sinasabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong.”​—Kawikaan 13:20.

3 PAGIGING RESPONSABLE

Sa ilang lupain, ipinagbabawal ng batas na magtrabaho ang mga kabataan nang higit sa isang partikular na bilang ng oras bawat linggo o gumawa ng ilang uri ng trabaho. Isinabatas ito para maproteksiyunan ang mga bata laban sa mapanganib na pagtatrabaho​—isang resulta ng industrial revolution noong ika-18 at ika-19 na siglo.

Bagaman napoprotektahan ng gayong batas ang mga bata laban sa panganib at pang-aabuso, sinasabi ng ilang eksperto na dahil din doon, hindi sila natuturuang humawak ng responsibilidad. Bilang resulta, ang sabi ng aklat na Escaping the Endless Adolescence, nadarama ng maraming tin-edyer na “halos karapatan nilang tumanggap ng mga bagay nang hindi pinaghihirapan ang mga iyon.” Sinasabi ng mga awtor nito na ganiyan talaga ang mangyayari sa isang lipunan na mas gustong pasayahin ang mga tin-edyer kaysa bigyan sila ng responsibilidad.

Sa kabilang dako, binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa mga kabataan na maagang bumalikat ng mabibigat na responsibilidad. Kuning halimbawa si Timoteo, na malamang na tin-edyer pa lang nang makilala niya si apostol Pablo​—isang tao na nakaimpluwensiya sa kaniya nang malaki. Nang maglaon, sinabi ni Pablo kay Timoteo: ‘Paningasin mong tulad ng apoy ang kaloob ng Diyos na nasa iyo.’ (2 Timoteo 1:6) Marahil noong mga 20 anyos si Timoteo, sumama siya kay apostol Pablo sa paglalakbay para tumulong sa pagtatatag ng mga kongregasyon at sa pagpapatibay sa mga kapatid. Pagkatapos ng mga isang dekada ng paglilingkod kasama si Timoteo, sinabi ni Pablo sa mga Kristiyano sa Filipos: “Wala na akong iba pa na may saloobing katulad ng sa kaniya na tunay na magmamalasakit sa mga bagay na may kinalaman sa inyo.”​—Filipos 2:20.

Karaniwan nang gustung-gusto ng mga kabataan na bumalikat ng responsibilidad, lalo na kapag alam nila na iyon ay makabuluhang gawain at makatutulong sa iba. Sa gayon, nasasanay na sila para maging responsableng mga adulto at ngayon pa lang ay napalilitaw na ang magaganda nilang katangian.

Pag-a-adjust sa Bagong “Klima”

Gaya ng binanggit sa pasimula ng artikulong ito, kung tumuntong na sa pagkatin-edyer ang anak mo, malamang na nadarama mo na parang biglang nagbago ang “klima.” Umasa ka na makapag-a-adjust ka rin, kung paanong nakapag-adjust ka noon sa ibang mga yugto ng paglaki ng anak mo.

Isipin mo na ang panahon ng pagkatin-edyer ng iyong anak ay pagkakataon mo para (1) tulungan siyang maglinang ng kakayahan sa pang-unawa, (2) maglaan sa kaniya ng patnubay ng isang adulto, at (3) turuan siyang maging responsable. Sa paggawa nito, maihahanda mo ang iyong anak sa pagiging adulto.

[Mga talababa]

^ par. 17 Sa isang aklat, ang pagiging tin-edyer ay tinukoy na “isang matagal na pamamaalam.” Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang magasing Bantayan ng Mayo 1, 2009, pahina 10-12, na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 38 Sinasamantala ng industriya ng telebisyon at pelikula ang hilig ng mga tin-edyer na bumarkada sa mga kaedad nila anupat itinataguyod ang ideya na may sariling mundo ang mga kabataan na hindi maiintindihan ni masasabayan ng mga adulto.

^ par. 39 Sa Bibliya, walang eksaktong katumbas ang terminong “tin-edyer.” Lumilitaw na ang mga kabataan sa bayan ng Diyos bago at noong panahong Kristiyano ay itinuturing nang adulto sa mas murang edad kaysa karaniwan sa maraming makabagong kultura.

[Kahon/Larawan sa pahina 20]

“SILA NA YATA ANG PINAKAMAHUSAY NA MAGULANG”

Sa pamamagitan ng salita at halimbawa, tinuturuan ng mga magulang na Saksi ni Jehova ang kanilang mga anak na mamuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya. (Efeso 6:4) Pero hindi sila namimilit. Alam nila na kapag nasa edad na ang kanilang mga anak, ang mga ito ang dapat magpasiya kung anong pamantayan ang susundin nila.

Sinunod ng 18-anyos na si Aislyn ang mga pamantayang itinuro sa kaniya. “Para sa akin,” ang sabi niya, “ang relihiyon ay hindi basta isang bagay na ginagawa ko nang minsan sa isang linggo. Iyon ang paraan ko ng pamumuhay. Nakaaapekto iyon sa lahat ng ginagawa ko at mga pasiya ko​—mula sa pagpili ng kaibigan hanggang sa kinukuha kong mga subject at mga librong binabasa.”

Labis na pinahahalagahan ni Aislyn ang paraan ng pagpapalaki sa kaniya ng kaniyang Kristiyanong mga magulang. “Sila na yata ang pinakamahusay na magulang,” ang sabi niya, “at mapalad ako dahil ikinintal nila sa akin ang pagnanais na maging isang tapat na Saksi ni Jehova. Habambuhay kong pahahalagahan ang mga payo nila.”

[Larawan sa pahina 17]

Hayaan mo lang magsalita ang anak mong tin-edyer

[Larawan sa pahina 18]

Makatutulong sa anak mo ang isang adultong tagapayo

[Larawan sa pahina 19]

Makatutulong sa mga tin-edyer ang makabuluhang gawain para maging responsableng adulto