Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Salita ni Jehova ay Buháy

Mga Tampok na Bahagi sa mga Liham sa mga Taga-Galacia, Taga-Efeso, Taga-Filipos, at Taga-Colosas

Mga Tampok na Bahagi sa mga Liham sa mga Taga-Galacia, Taga-Efeso, Taga-Filipos, at Taga-Colosas

NANG malaman ni apostol Pablo na ang ilang Kristiyano ay nalilihis sa dalisay na pagsamba dahil sa impluwensiya ng mga tagapagtaguyod ng Judaismo, sumulat siya ng isang mapuwersang liham “sa mga kongregasyon ng Galacia.” (Gal. 1:2) Isinulat ang liham noong mga 50-52 C.E., at naglalaman ito ng tuwiran at matinding mga payo.

Pagkalipas ng mga sampung taon habang nasa Roma bilang isang “bilanggo ni Kristo Jesus,” sumulat si Pablo sa mga kongregasyon sa Efeso, Filipos, at Colosas para bigyan sila ng praktikal na mga payo at maibiging pampatibay-loob. (Efe. 3:1) Makikinabang din tayo ngayon kung magbibigay-pansin tayo sa mensahe ng mga aklat ng Bibliya na Galacia, Efeso, Filipos, at Colosas.​—Heb. 4:12.

“IPINAHAHAYAG NA MATUWID”—PAANO?

(Gal. 1:1–6:18)

Dahil may-katusuhang sinisiraan si Pablo ng mga tagapagtaguyod ng Judaismo, pinatunayan niya ang kaniyang pagka-apostol sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga detalye tungkol sa kaniyang buhay. (Gal. 1:11–2:14) Pinasinungalingan ni Pablo ang kanilang bulaang mga turo. Sinabi niya: “Ang isang tao ay ipinahahayag na matuwid, hindi dahil sa mga gawa ng kautusan, kundi sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Kristo Jesus.”​—Gal. 2:16.

Sinabi ni Pablo na ‘pinalaya ni Kristo yaong mga nasa ilalim ng kautusan sa pamamagitan ng pagbili’ at sa gayo’y nagkaroon sila ng kalayaan bilang mga Kristiyano. Ganito ang matinding payong ibinigay niya sa mga taga-Galacia: “Tumayo kayong matatag, at huwag na kayong magpasakop pang muli sa pamatok ng pagkaalipin.”​—Gal. 4:4, 5; 5:1.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

3:16-18, 28, 29—May bisa pa rin ba ang Abrahamikong tipan? Oo. Ang tipang Kautusan ay karagdagan at hindi pamalit sa tipan ng Diyos kay Abraham. Kaya bagaman “pinawi” na ang Kautusan, may bisa pa rin ang Abrahamikong tipan. (Efe. 2:15) Ang mga pangako nito ay isinalin sa tunay na “binhi” ni Abraham​—kay Kristo Jesus, na siyang pangunahing “binhi,” at sa mga kabilang “kay Kristo.”

6:2—Ano ang “kautusan ng Kristo”? Kasama sa kautusang ito ang lahat ng itinuro at iniutos ni Jesus, lalo na ang utos na ‘ibigin ang isa’t isa.’​—Juan 13:34.

6:8—Paano tayo “naghahasik may kinalaman sa espiritu”? Ginagawa natin ito sa pamamagitan ng pamumuhay kasuwato ng pag-akay ng espiritu ng Diyos upang malaya itong dumaloy sa atin. Ang isang paraan ng paghahasik may kinalaman sa espiritu ay ang buong-pusong pakikibahagi sa mga gawaing nagpapahintulot sa malayang pagdaloy nito.

Mga Aral Para sa Atin:

1:6-9. Kailangang kumilos agad ang mga Kristiyanong elder kapag may problemang bumangon sa kongregasyon. Sa paggamit ng mahusay na pangangatuwirang kaayon ng Kasulatan, agad nilang mapapasinungalingan ang maling pangangatuwiran.

2:20. Ang pantubos ay kaloob ng Diyos para sa bawat isa sa atin. Hindi natin dapat kalimutan iyan.​—Juan 3:16.

5:7-9. Isang katalinuhan na umiwas sa masasamang kasama na ‘makahahadlang sa atin sa patuloy na pagsunod sa katotohanan.’

6:1, 2, 5. Kapag napapaharap sa mahirap na situwasyon dahil sa di-sinasadyang pagkakamali, maaari tayong tulungan ng may “mga espirituwal na kuwalipikasyon” sa pagdadala ng pasaning ito. Pero tayo mismo ang dapat bumalikat ng ating pasan, o responsibilidad bilang Kristiyano.

‘PAGTITIPON NG LAHAT NG MGA BAGAY KAY KRISTO’

(Efe. 1:1–6:24)

Idiniin ni Pablo ang pagkakaisa ng mga Kristiyano sa kaniyang liham sa mga taga-Efeso nang banggitin niya ang tungkol sa “isang pangangasiwa sa hustong hangganan ng mga takdang panahon . . . upang muling tipunin ang lahat ng mga bagay kay Kristo, ang mga bagay na nasa langit at ang mga bagay na nasa lupa.” Nagbigay si Kristo ng “kaloob na mga tao” para tulungan ang lahat na ‘makamtan ang pagkakaisa sa pananampalataya.’​—Efe. 1:10; 4:8, 13.

Para maparangalan ang Diyos at maitaguyod ang pagkakaisa, ang mga Kristiyano ay kailangang “magbihis ng bagong personalidad” at ‘magpasakop sa isa’t isa sa takot kay Kristo.’ Kailangan din nilang ‘tumayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo’ sa pamamagitan ng pagsusuot ng kumpletong espirituwal na kagayakang pandigma.​—Efe. 4:24; 5:21; 6:11.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

1:4-7—Paano patiunang itinalaga ang mga pinahirang Kristiyano bago pa man sila isilang? Patiuna silang itinalaga bilang isang grupo, hindi bilang mga indibiduwal. Nangyari ito bago pa isilang ang unang di-sakdal na anak ng ating unang mga magulang. Sa hulang nakaulat sa Genesis 3:15, na inihayag bago pa ipaglihi ang sinumang makasalanang tao, makikita na layunin ng Diyos na makasama ni Kristo sa pamamahala sa langit ang ilan sa mga tagasunod niya.​—Gal. 3:16, 29.

2:2—Bakit itinulad ang espiritu ng sanlibutan sa hangin, at paano masasabing may awtoridad ito sa sanlibutan? “Ang espiritu ng sanlibutan”​—ang espiritu ng pagsasarili at pagsuway​—ay kasinlaganap ng hanging nilalanghap natin. (1 Cor. 2:12) Ito ay masasabing may awtoridad, o kapangyarihan, sa sanlibutan dahil walang-patid at malakas ang impluwensiya nito.

2:6—Bakit masasabing nasa “makalangit na mga dako” ang mga pinahirang Kristiyano kahit nasa lupa pa sila? Ang mga salita ritong “makalangit na mga dako” ay hindi tumutukoy sa makalangit na manang ipinangako sa kanila. Sa halip, tumutukoy ito sa kanilang itinaas na katayuan sa harap ng Diyos yamang sila’y “tinatakan ng ipinangakong banal na espiritu.”​—Efe. 1:13, 14.

Mga Aral Para sa Atin:

4:8, 11-15. Si Jesu-Kristo ay ‘nagdala ng mga bihag’​—inagaw niya mula sa kontrol ni Satanas ang ilang lalaki para maging mga kaloob ukol sa pagpapatibay ng kongregasyong Kristiyano. Maaari tayong ‘lumaki sa lahat ng mga bagay tungo kay Kristo sa pamamagitan ng pag-ibig’ kung susunod tayo at magpapasakop sa mga nangunguna sa atin at makikipagtulungan sa mga kaayusan sa kongregasyon.​—Heb. 13:7, 17.

5:22-24, 33. Bukod sa pagpapasakop, dapat ding igalang ng asawang babae ang kaniyang asawang lalaki. Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng pagpapakita ng “tahimik at mahinahong espiritu” at pagsisikap na bigyang-dangal ang kaniyang asawang lalaki anupat nagsasalita ng positibong mga bagay tungkol sa kaniya at nakikipagtulungan para magtagumpay ang mga desisyon nito.​—1 Ped. 3:3, 4; Tito 2:3-5.

5:25, 28, 29. Kung paanong “pinakakain” ng asawang lalaki ang kaniyang sarili, dapat din siyang maging mahusay na tagapaglaan sa kaniyang asawang babae​—sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na paraan. Dapat din niyang ipakita ang kaniyang pagmamahal sa pamamagitan ng pag-uukol ng sapat na panahon sa kaniyang asawang babae, at pagiging mabait at mapagmalasakit sa salita at sa gawa.

6:10-13. Para mapaglabanan ang puwersa ng mga demonyo, kailangang buong-puso nating isuot ang espirituwal na kagayakang pandigma mula sa Diyos.

‘PATULOY NA LUMAKAD NANG MAAYOS’

(Fil. 1:1–4:23)

Pag-ibig ang tema ng liham ni Pablo sa mga taga-Filipos. “Ito ang patuloy kong ipinapanalangin,” ang sabi niya, “na ang inyong pag-ibig ay managana nawa nang higit at higit pa na may tumpak na kaalaman at lubos na kaunawaan.” Para maiwasan nila ang labis na pagtitiwala sa sarili, nagpayo si Pablo: “Patuloy kayong gumawa ukol sa inyong sariling kaligtasan nang may takot at panginginig.”​—Fil. 1:9; 2:12.

Hinimok ni Pablo ang mga maygulang na Kristiyano na magsikap “patungo sa tunguhin ukol sa gantimpala ng paitaas na pagtawag ng Diyos.” Sinabi niya: “Sa anumang antas tayo nakagawa na ng pagsulong, patuloy tayong lumakad nang maayos sa rutina ring ito.”​—Fil. 3:14-16.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

1:23—Si Pablo ay nasa ilalim ng panggigipit ng anong “dalawang bagay,” at anong “paglaya” ang nais niya? Dahil sa kaniyang kalagayan, si Pablo ay nasa ilalim ng panggigipit ng dalawang bagay: buhay o kamatayan. (Fil. 1:21) Bagaman hindi niya binanggit kung ano ang pipiliin niya sa dalawang ito, ipinaalam niya kung ano ang nais niya​—“ang paglaya at ang pagiging kasama ni Kristo.” (Fil. 3:20, 21; 1 Tes. 4:16) Ang “paglaya” na ito ay magaganap sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo kung kailan tatanggap si Pablo ng gantimpalang inihanda ni Jehova para sa kaniya.​—Mat. 24:3.

2:12, 13—Sa anong paraan ‘kumikilos ang Diyos sa loob natin para kapuwa natin loobin at ikilos’? Pinasisidhi ng banal na espiritu ni Jehova ang ating pagnanais na gawin ang ating buong makakaya sa paglilingkod sa kaniya. Kaya tinutulungan tayo ng Diyos habang ‘patuloy tayong gumagawa ukol sa ating sariling kaligtasan.’

Mga Aral Para sa Atin:

1:3-5. Bagaman naghihikahos ang mga taga-Filipos, nag-iwan sila sa atin ng magandang halimbawa sa pagiging bukas-palad.​—2 Cor. 8:1-6.

2:5-11. Gaya ng ipinakikita ng halimbawa ni Jesus, ang kapakumbabaan ay hindi tanda ng kahinaan kundi ng lakas ng loob. Ipinakikita rin nito na itinataas ni Jehova ang mga mapagpakumbaba.​—Kaw. 22:4.

3:13. “Ang mga bagay na nasa likuran” ay maaaring tumukoy sa trabahong malaki ang suweldo, seguridad sa pagkakaroon ng mayamang pamilya, o maaari ding tumukoy sa malulubhang pagkakasala na nagawa natin noon pero pinagsisihan na natin at ‘hinugasan na tayong malinis.’ (1 Cor. 6:11) Dapat nating kalimutan ang mga bagay na ito, samakatuwid nga, huwag na itong panghinayangan o ikabahala, sa halip ay ‘abutin ang mga bagay na nasa unahan.’

“PINATATATAG SA PANANAMPALATAYA”

(Col. 1:1–4:18)

Sa kaniyang liham sa mga taga-Colosas, inilantad ni Pablo ang maling pananaw ng bulaang mga guro. Ipinaliwanag niya na ang kaligtasan ay hindi nakadepende sa pagsunod sa mga kahilingan ng Kautusan kundi sa ‘pananatili sa pananampalataya.’ Pinasigla ni Pablo ang mga taga-Colosas na “patuloy na lumakad na kaisa [ni Kristo], na nakaugat at itinatayo sa kaniya at pinatatatag sa pananampalataya.” Ano ang dapat na maging epekto sa kanila ng matatag na pananampalataya?​—Col. 1:23; 2:6, 7.

“Bukod pa sa lahat ng bagay na ito,” ang isinulat ni Pablo, “damtan ninyo ang inyong sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa. Gayundin, hayaang ang kapayapaan ng Kristo ang pumatnubay sa inyong mga puso.” Sinabi ng apostol sa kanila: “Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ito nang buong kaluluwa na gaya ng kay Jehova, at hindi sa mga tao.” May kinalaman sa pakikitungo sa mga tao sa labas ng kongregasyon, sinabi niya: “Patuloy na lumakad na may karunungan” sa kanila.​—Col. 3:14, 15, 23; 4:5.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

2:8—Ayon kay Pablo, anong “panimulang mga bagay ng sanlibutan” ang dapat iwasan? Tumutukoy ito sa mga bagay na nasa sanlibutan ni Satanas​—mga pangunahing bagay o prinsipyo na bumubuo, umiimpluwensiya, o nagpapakilos dito. (1 Juan 2:16) Kasali rito ang pilosopiya, materyalismo, at mga huwad na relihiyon ng sanlibutang ito.

4:16—Bakit hindi bahagi ng Bibliya ang liham sa mga taga-Laodicea? Marahil ay hindi ito naglalaman ng impormasyong kailangan natin ngayon. O baka ang nilalaman nito ay pareho rin ng mga puntong nasa ibang kanonikal na mga liham.

Mga Aral Para sa Atin:

1:2, 20. Sa pamamagitan ng pantubos, na inilaan ng Diyos dahil sa kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan, maaari tayong magkaroon ng malinis na budhi at kapayapaan ng puso.

2:18, 23. Ang “pakunwaring kapakumbabaan” para pahangain ang iba, marahil sa pamamagitan ng pagtatakwil sa materyal na mga bagay o pagpapahirap sa katawan ay nagpapahiwatig na ang isang tao ay “nagmamalaki . . . ayon sa kaniyang makalamang takbo ng pag-iisip.”