Liham sa mga Hebreo 4:1-16
Study Notes
mayroon pang pangako na makapasok sa kapahingahan niya: Sa patnubay ng banal na espiritu, ipinakita ni Pablo na ang mga sinabi ng Diyos na ipinasulat niya kay David sa Aw 95:11 ay hindi lang basta hatol sa rebelyoso niyang bayan; may kasama din itong isang pangako. Hindi nakapasok ang mga Israelita sa kapahingahan ng Diyos. Pero hindi diyan nakapokus ang liham sa mga Hebreo. Sa halip, nagbibigay ito ng isang napakagandang pag-asa: “Mayroon pang pangako na makapasok sa kapahingahan niya” at bukás ito para sa mga Kristiyano. (Tingnan ang study note sa Heb 4:3, 10.) Ito ang una sa maraming pagkakataon sa liham na ito na binanggit ni Pablo na may “pangako” ang Diyos. (Ang ibang halimbawa ay makikita sa Heb 6:12, 17; 9:15; 10:36; 11:9.) Nakakapagpatibay ito, kasi sa mga Griegong literatura noon, bihirang-bihirang mabasa na nangangako ang isang diyos sa mga tao.
mag-ingat tayo: Lit., “matakot tayo.” Ayon sa isang reperensiya, “ang uri ng pagkatakot na tinutukoy dito ay ang pagkatakot na tumutulong sa isa na maging maingat.”
maging di-karapat-dapat doon: Hindi nakipagtulungan ang rebelyosong mga Israelita sa pagtupad ng Diyos sa layunin niya. Kaya hindi sila nakapasok sa kapahingahan ng Diyos. Dahil sa pagiging rebelyoso nila, hindi sila nakapasok sa Lupang Pangako. (Tingnan ang study note sa Heb 3:11.) Pinayuhan ni Pablo ang mga Hebreong Kristiyano na huwag gumawa ng anuman na magiging dahilan para hindi rin sila makapasok sa ipinangakong kapahingahan.
narinig din natin ang mabuting balita: May sinabing mabuting balita si Jehova sa mga Israelita pagkalaya nila sa Ehipto. Kasama sa mga pangako niya na kung magiging masunurin sila, papasok sila sa kapahingahan niya sa Lupang Pangako at magkakaroon sila ng espesyal na kaugnayan sa kaniya. Pagdating ng panahon, sila ay “magiging isang kaharian ng mga saserdote.” (Exo 19:5, 6; 23:20-25, 31) Hindi nanampalataya ang bayan, at naging masuwayin sila. Kaya itinakwil sila ni Jehova, at ‘ipinarinig niya ang mabuting balita’ sa mga naging pinahirang alagad ni Kristo. Kung mananampalataya sila at magiging masunurin, papasok sila sa kapahingahan ng Diyos, pagpapalain niya sila, at magiging mga hari at saserdote sila sa Kaharian sa langit.—1Pe 2:9; Apo 5:10.
hindi sila nagkaroon ng pananampalatayang gaya ng sa mga nakinig: Hindi nakinabang sa salita, o sa mensahe ng mabuting balita, ang karamihan sa mga Israelita noong panahon ni Moises. Hindi sila nagkaroon ng pananampalatayang gaya ng kina Josue at Caleb, na kasama sa mga “nakinig,” o sumunod, sa mensahe. Sa halip, sinuway nila ang utos ni Jehova na sakupin ang Lupang Pangako.—Bil 14:1-11, 35-38.
tayo na nananampalataya ay pumasok sa kapahingahan: Makikita sa konteksto na ang araw ng kapahingahang tinutukoy ni Pablo ay nagsimula noong matapos ni Jehova ang paglalang. (Heb 4:4, 5, 10) May mahalagang impormasyong binanggit sa Genesis tungkol sa araw na iyon: “Pinagpala ng Diyos ang ikapitong araw at ginawa itong banal.” (Gen 2:2, 3) Ibig sabihin, sa katapusan ng araw ng kapahingahan, nangyari na ang lahat ng layunin ni Jehova sa lupa at sa mga tao. Magiging perpekto ang lahat ng nilalang, gaya ng orihinal na layunin ng Diyos. Kahit nagdulot ng problema sa araw ng kapahingahan ang rebelyon nina Satanas, Adan, at Eva, hindi nito nahadlangan ang layunin ni Jehova. Tiniyak ng sinabi ni Pablo sa mga Hebreong Kristiyano na puwede pa rin silang makapasok sa kapahingahan ni Jehova. Magagawa nila iyon kung makikipagtulungan sila kay Jehova sa pagtupad ng layunin niya. Halimbawa, kailangan nilang magtiwala kay Jehova at manampalataya sa mga pangako niya.—Heb 3:19; 4:6.
kahit na ang mga gawa niya ay tapos na: Nang lalangin si Eva, natapos na ang paglalang ni Jehova ng mga bagay sa lupa. Kaya sa maikli, ganito ang gustong sabihin ni Pablo: Noon pa nagsimula ang araw ng kapahingahan ng Diyos, at hanggang ngayon, patuloy niyang inaanyayahan ang mga tao na pumasok dito. Kahit marami ang tumatanggi, may pagkakataon pa ring “pumasok sa kapahingahan” ang mga mananampalataya.
“At ang Diyos ay nagpahinga noong ikapitong araw sa lahat ng ginagawa niya”: Sumipi si Pablo sa Gen 2:2, na tungkol sa ikapitong araw ng paglalang ng Diyos. Sa tekstong ito, ang ekspresyong Hebreo na isinaling “nagsimulang magpahinga” ay nagpapahiwatig na hindi pa tapos ang araw ng kapahingahan ng Diyos. Sinusuportahan ito ng sumusunod na punto: Sa lahat ng iba pang araw ng paglalang, sinabi sa ulat na “lumipas ang gabi at ang umaga.” Ibig sabihin, natapos ang bawat araw na iyon. (Gen 1:5, 8, 13, 19, 23, 31) Pero hindi ito sinabi sa ikapitong araw. Isa pa, sa Heb 4:7, ginamit ni Pablo ang ekspresyong “Ngayon” gaya ng pagkakagamit nito sa Aw 95:7. Sa Awit, tumutukoy ang ekspresyong ito sa araw ng kapahingahan ng Diyos, at makikita dito na nagpapatuloy pa rin ang araw na ito noong isulat ito ni David. (Aw 95:7-11; tingnan ang study note sa Heb 4:7.) Base dito, ipinakita ni Pablo na nagpapatuloy pa rin noong panahon niya ang ikapitong araw at puwede pa ring makapasok ang mga Kristiyano sa “kapahingahan ng Diyos.”—Heb 4:3, 10, 11.
hindi nakapasok dahil sa pagsuway: Kaayon ito ng sinabi ni Pablo sa Heb 3:19 na hindi nakapasok sa kapahingahan ng Diyos ang mga Israelita dahil sa “kawalan nila ng pananampalataya.” Hindi sila nanampalataya na susuportahan at poprotektahan sila ni Jehova, kaya sumuway sila sa mga utos niya. Dahil diyan, hindi nakapasok sa Lupang Pangako at sa kapahingahan ng Diyos ang mga rebeldeng iyon. (Tingnan ang study note sa Heb 3:11; 4:2.) Ipinapakita ng Bibliya na kasama sa pananampalataya ang pagiging masunurin.—Ju 3:16 at study note, 36; ihambing ang San 2:20-23.
sa awit ni David pagkatapos ng napakahabang panahon: Sinipi ni Pablo ang Aw 95:7, 8 at sinabing si David ang sumulat nito. (Hindi sinabi sa tekstong Hebreo kung sino ang sumulat ng Aw 95, pero mababasa sa superskripsiyon ng Griegong Septuagint: “Awit ng papuri ni David.”) Noong panahon ni David, mga 450 taon na ang lumipas mula nang sabihin ng Diyos na hindi makakapasok sa kapahingahan niya ang rebelyosong mga Israelita (Bil 14:22, 23; Heb 3:7, 11; 4:3, 5) at halos 3,000 taon na ang lumipas mula nang magsimula ang araw ng kapahingahan ng Diyos (Gen 2:2). Kaya talagang “napakahabang panahon” na ang lumipas bago pa ito isulat ni David.—Tingnan ang study note sa Heb 4:4.
Josue: Dalawang beses binanggit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan si Josue, na anak ni Nun. (Tingnan ang study note sa Gaw 7:45.) Sa Hebreo, ang pangalan niya ay nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan.” (Jos 1:1, tlb.) Ang katumbas nito sa Griego ay I·e·sousʹ, na karaniwang isinasaling “Jesus.” (Tingnan ang study note sa Mat 1:21.) Pero makikita sa konteksto na ang I·e·sousʹ dito ay tumutukoy kay Josue ng sinaunang Israel na umakay sa bayan ng Diyos papasók sa Lupang Pangako. Dito, idiniin ni Pablo na matutupad lang ang mga pangako ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, isang lider na nakahihigit kay Josue.
binanggit pa . . . na ibang araw: Kahit naakay ni Josue sa Lupang Pangako ang mga Israelita, hindi iyon naging permanenteng pahingahan para sa kanila. Nang mamatay si Josue, nagrebelde na naman ang bayan ng Diyos. Napuno ng idolatriya ang lupain nila, at lagi silang nakakaranas ng digmaan at pananakot ng mga kaaway. (Huk 2:10-15) Sumalungat na naman sa layunin ng Diyos ang mga Israelita kaya hindi sila nakapasok sa sagradong araw ng kapahingahan niya. Pero gaya ng sinabi ni Pablo sa patnubay ng banal na espiritu, may binanggit ang Diyos na “ibang araw” ng kapahingahan sa “awit ni David.” (Heb 4:7, 8) Tinukoy ni Jehova na “ngayon” ang araw ng kapahingahan na iyon. (Aw 95:7) Kaya ipinakita niyang puwede pa ring pumasok sa kapahingahan niya. At gaya ng sinabi ni Pablo sa Heb 4:9, kailangang samantalahin ng mga Kristiyano ang pagkakataong iyan.—Tingnan ang study note sa Heb 4:3.
mayroon pang pahinga na gaya ng Sabbath: Ang terminong Griego na isinalin ditong “pahinga na gaya ng Sabbath” (sab·ba·ti·smosʹ) ay hindi ang karaniwang ginagamit para sa “Sabbath.” (Para sa halimbawa, tingnan ang Mat 12:1; 28:1 at study note; Luc 4:16) Ayon sa isang reperensiya, “hindi [ito] tumutukoy sa isang literal na ‘araw ng sabbath.’” Nakapokus ito sa “pagdiriwang at pagsasaya na ginagawa sa pagsamba at pagpuri sa Diyos.” Sinabi pa ng isang reperensiya na isa itong “espesyal na panahon ng kapahingahan para sa bayan ng Diyos na nakabatay sa tradisyonal na sabbath.” Kaya ang tinutukoy dito ni Pablo ay isang panahon sa hinaharap kung kailan lubusang mararanasan ang totoong ibig sabihin ng Sabbath. Bilang “Panginoon ng Sabbath,” mabibigyan ni Jesus ng lubusang kapahingahan, o kaginhawahan, ang mga tao mula sa masasamang epekto ng kasalanan at kamatayan. (Mat 12:8 at study note) Posibleng ginamit ni Pablo ang naiibang salitang Griegong ito—na hindi lumitaw sa ibang bahagi ng Griegong Kasulatan o kahit sa Septuagint—para ipakitang hindi ang tradisyonal na Sabbath ng mga Judio ang tinutukoy niya. At gaya ng ipinapakita sa iba pang mga teksto sa Bibliya, hindi obligado ang mga Kristiyano na ipagdiwang ang literal na Sabbath.—Tingnan sa Glosari, “Sabbath”; tingnan din ang Col 2:14, 16 at study note.
ang taong nakapasok na sa kapahingahan ng Diyos: Nagdesisyon ang Diyos na magpahinga, o tumigil sa paglalang ng mga bagay sa lupa. Ginawa niya iyon para unti-unti nang matupad ang magandang layunin niya sa lupa. (Gen 2:2, 3) Pinayuhan ni Pablo ang mga Hebreong Kristiyano na makipagtulungan sa Diyos sa pagtupad sa layunin Niya—kailangan nilang magpahinga ‘sa mga ginagawa nila,’ o tanggapin ang kaayusang ginawa ng Diyos para matubos sila sa pamamagitan ni Kristo. Hindi nila puwedeng maipahayag na matuwid ang sarili nila sa pamamagitan ng sarili nilang pagsisikap, kasama na ang pagsunod sa Kautusang Mosaiko, na wala nang bisa nang panahong iyon. (Ro 10:4; Col 2:13, 14; Heb 7:12; ihambing ang study note sa Heb 6:1.) Isa pa, dapat din nilang iwasan ang “landasin ng pagsuway” ng di-tapat na mga Israelita.—Heb 4:11; tingnan ang study note sa Heb 4:3.
gawin natin ang ating buong makakaya: Tingnan ang study note sa 2Ti 2:15.
ang salita ng Diyos: Makikita sa konteksto na ang “salita ng Diyos” dito ay tumutukoy sa layunin, o pangako, ng Diyos. Sa naunang mga talata (Heb 3:7–4:11), tinalakay ni Pablo ang layunin ng Diyos para sa mga Israelita—ang maging espesyal na pag-aari niya at makapasok sa Lupang Pangako, kung saan maitataguyod nila ang dalisay na pagsamba na magbibigay sa kanila ng mga pagpapala. (Exo 3:8; 19:5, 6; Deu 12:9, 10) Ipinasulat ng Diyos ang mga pangako at layunin niya sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Kaya puwedeng sabihin na ang pananalitang “salita ng Diyos” sa Heb 4:12 ay tumutukoy din sa Bibliya.—Ihambing ang 2Ti 3:16 at study note.
ang salita ng Diyos ay buháy: Ang salita ng Diyos, o ang layuning ipinahayag niya, ay masasabing “buháy” sa maraming paraan. Sa naunang ulat, gumamit si Esteban ng katulad na pananalita para tukuyin ang Kautusang ibinigay sa mga Israelita sa Bundok Sinai. Ginamit ni Esteban ang ekspresyong “buháy na sagradong kapahayagan [lit., “buháy na mga salita”].” (Gaw 7:38, tlb.; tingnan din ang Ro 3:2 at study note.) Ang “salita,” o mensaheng iyon, ay nagbigay sa mga sumunod dito ng pag-asang patuloy na mabuhay. (Deu 32:47) Isa pa, dapat manatiling buháy ang salita ng Diyos sa puso ng mga tumanggap dito. (Deu 30:14) Higit sa lahat, laging buháy ang Diyos na Jehova at kumikilos para tuparin ang salita niya; kaya sinasabing ang salita niya ay matatag, mananatili magpakailanman, at may bisa.—Isa 55:10, 11.
malakas: O “makapangyarihan (aktibo).” Sa kaso ng mga Israelitang hindi nakipagtulungan sa layunin ng Diyos, nakita ang kapangyarihan ng “salita ng Diyos” nang mailantad nito ang kawalan ng pananampalataya ng puso nila. (Heb 3:8, 16-19) Dito, pinayuhan ni Pablo ang mga Hebreong Kristiyano na matuto sa ulat na iyon. Alam niyang malakas ang “salita ng Diyos” at may magagawa rin ito sa buhay nila; kaya nitong maisiwalat ang laman ng puso nila, patibayin ang pananampalataya nila, at tulungan silang magbago.—Ihambing ang study note sa Fil 2:13 at 1Te 2:13, kung saan gumamit si Pablo ng isang terminong kaugnay ng salitang ginamit dito na isinaling “malakas.”
espada na magkabila ang talim: Ang salitang Griego para sa “espada” (maʹkhai·ra) na ginamit sa tekstong ito ay malamang na tumutukoy sa isang maikling espada. (Para sa halimbawa, tingnan sa Media Gallery, “Espada ng mga Romano”; ihambing ang Apo 1:16; 2:12; 6:8, kung saan ibang salitang Griego ang ginamit, rhom·phaiʹa, na isinaling “mahabang espada.”) May mga espadang “magkabila ang talim” kaya puwedeng gamiting panghiwa ang magkabilang bahagi nito. Idiniin ng paglalarawang ito na talagang tumatagos ang salita ng Diyos. Mas malakas ito at mabisa kaysa sa anumang kagamitang gawa ng tao, gaya ng ipinaliwanag pa ni Pablo.
kaya nitong paghiwalayin ang panlabas at panloob na pagkatao: Idiniin dito ni Pablo na ang salita, o mensahe, ng Diyos ay gaya ng isang matalim na espada na kayang tumagos hanggang sa kaloob-loobang pagkatao. Sa orihinal na wika, ginamit dito ang salitang Griego na psy·kheʹ, na karaniwan nang tumutukoy sa isang buháy na nilalang na pisikal, nahahawakan, at nakikita. (Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe”; tingnan din ang study note sa 1Co 15:44.) Kaya dito, isinalin itong ‘panlabas na pagkatao.’ Ang salitang Griego naman na pneuʹma, na karaniwang isinasaling “espiritu,” ay isinalin ditong “panloob na pagkatao” dahil tumutukoy ito sa tunay na pagkatao ng isa at sa takbo ng isip niya. (Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”) ‘Napaghihiwalay’ ng salita ng Diyos ang “panlabas at panloob na pagkatao” ng isa dahil napapalabas nito kung sino talaga siya. Makikita sa pagtanggap ng isang tao sa mensahe ng Diyos ang totoong saloobin at motibo niya.
ang mga kasukasuan at mga utak sa buto: Idinidiin pa ng pananalitang ito kung gaano kalalim tumatagos ang salita ng Diyos. Nakatago ang mga kasukasuan (na nagdurugtong sa mga buto) at mga utak sa buto, pero may ginagampanan itong papel sa loob ng katawan. Sa katunayan, dahil nasa kaloob-looban ng buto ang mga utak sa buto, ginagamit ang salitang Griego nito para tumukoy sa kaloob-loobang bahagi ng isang bagay. Dito, pinagsama ni Pablo ang mga terminong ito para ipakitang kayang abutin at impluwensiyahan ng salita ng Diyos kahit ang kaibuturan ng damdamin at kaloob-looban ng isip.
kaya nitong unawain ang mga kaisipan at intensiyon ng puso: Ang terminong Griego para sa “kaya nitong unawain” (lit., “kaya nitong hatulan”) ay tumutukoy sa pagsisiyasat, pagsusuri, at paghahanap ng kaibahan. Napakahusay ng kakayahang umunawa ng salita ng Diyos dahil kaya nitong makita ang pagkakaiba ng “kaisipan” at “intensiyon,” dalawang bagay na napakalapit ng kaugnayan sa isa’t isa. Makikita sa pagtanggap ng isang tao sa mensahe ng Diyos ang kaisipan niya—kung ano ang laman ng isip niya. Pero kaya ring isiwalat ng salita ng Diyos ang intensiyon niya—ang mga dahilan kung bakit ganoon ang naiisip niya. Ipinapakita ng dulong bahagi ng Heb 4:12 na kayang tumagos ng salita ng Diyos sa makasagisag na puso ng isang tao at mapalabas ang buong pagkatao niya—ang mga kaisipan, saloobin, kagustuhan, motibo, at layunin niya.—Tingnan ang study note sa Mat 22:37; Efe 5:19.
isa na hahatol sa atin sa mga ginagawa natin: Dito, posibleng maisip ng mambabasa ang isang taong sumusuri sa ginagawa ng mga nasa ilalim ng awtoridad niya. (Ihambing ang Mat 18:23; 25:19; Luc 16:2, kung saan mababasa rin ang ganiyang ideya.) Sa Diyos mananagot ang lahat ng tao. (Aw 62:12; Kaw 24:12; Ec 12:13, 14; Ro 2:6; 14:12; 2Te 1:7-9; 1Pe 1:17; 4:5) Hindi sinasabi ni Pablo na inaabangan ni Jehova ang mga pagkakamali ng mga Kristiyano para parusahan sila. Sa halip, binabantayan niya ang bayan niya dahil mahal niya sila at gustong-gusto niya silang gantimpalaan.—Kaw 19:17; Isa 40:10; Mat 6:4, 6; Heb 11:6.
dakilang mataas na saserdote: Nabanggit na ni Pablo sa liham niya na mataas na saserdote si Jesus. (Heb 3:1; tingnan ang study note sa Heb 2:17.) Pero dito, dinagdagan niya ang titulong ito ng ‘dakila.’ (Ihambing ang Heb 10:21.) Ipinakita sa sumunod pang bahagi ng liham kung paano nakahihigit si Jesus sa lahat ng mataas na saserdote sa angkan ni Aaron.—Heb 4:14–7:28.
na pumasok sa langit: Sinimulan dito ni Pablo ang paliwanag niya kung bakit nakahihigit ang pagkasaserdote ni Kristo kumpara sa matataas na saserdoteng naglingkod sa tabernakulo at templo. Sa Kautusang Mosaiko, papasok ang mataas na saserdote sa Kabanal-banalan minsan sa isang taon para ihandog ang dugo ng hayop na pambayad-sala para sa bansang Israel. (Heb 9:7) Pero pagkatapos buhaying muli ang dakilang Mataas na Saserdoteng si Jesus, pumasok siya “sa langit mismo” para iharap sa Diyos ang halaga ng dugo niya. Sapat na ang handog na iyon para mabayaran ang kasalanan ng lahat ng nananampalataya sa kaniya at matubos sila.—Heb 9:11, 12, 23, 24; 10:1-4.
nauunawaan ng ating mataas na saserdote: Sa orihinal na wika, gumamit si apostol Pablo ng dalawang negatibong salita para idiin ang puntong ito. Puwede itong isaling “ang mataas na saserdote natin ay hindi isa na hindi magawang makiramay.” Sa ganitong paraan, tiniyak ni Pablo sa mga Hebreong Kristiyano na ibang-iba si Jesus sa di-perpektong mga tao na naging mataas na saserdote. Sa Israel noon, may mga pagkakataon na hindi nakapagpakita ng malasakit ang mga mataas na saserdote sa mga taong dapat sana ay tinutulungan nila.
nauunawaan . . . ang mga kahinaan natin: Ang salitang Griego na isinalin ditong “nauunawaan” ay nangangahulugang makiramay sa pinagdadaanan at nararamdaman ng isang tao. (Tingnan din ang Heb 10:34, kung saan ginamit din ni Pablo ang pandiwang Griego para sa “nauunawaan.”) Dahil naranasan ni Jesus na mabuhay sa lupa, mas naging maunawain pa siya sa mga tao. Bilang tao, naranasan niyang mawalan, madismaya, mapagmalupitan, mapagod, at mapahiya. (Tingnan ang study note sa Heb 2:17.) Isa pa, paulit-ulit niyang ipinakita na talagang naiintindihan niya ang mga nakikipaglaban sa mga kahinaan nila.—Tingnan din ang study note sa Mar 5:34; Ju 11:33, 35.
sinubok siya sa lahat ng bagay: Tingnan ang study note sa Heb 2:18; 4:15; 5:8.
Kaya lumapit tayo . . . at malayang magsalita: Kahit makasalanan ang mga Kristiyano, makakalapit pa rin sila kay Jehova—masasamba nila ang Diyos sa tamang paraan at malayang makakapanalangin sa kaniya. Magagawa nila iyan dahil bilang “dakilang mataas na saserdote,” gagamitin ni Jesus ang bisa ng haing pantubos para sa kanila. (Heb 4:14; 10:19-22, 35; tingnan ang study note sa Efe 3:12; Heb 3:6.) Ang anyo ng pandiwang Griego na isinaling “lumapit tayo” ay nagpapahiwatig na makakalapit sa trono ng Diyos ang isang Kristiyano anumang oras. Pero kahit na ‘malayang makakapagsalita’ ang isang Kristiyano kapag nananalangin, hindi iyan nangangahulugang puwede niyang kausapin si Jehova nang walang galang o masyadong kaswal. Dapat na may matinding paggalang pa rin ang panalangin niya at lubos siyang nananampalataya at naniniwala na pakikinggan siya ni Jehova.—1Ju 3:21, 22; 5:14.
trono ng walang-kapantay na kabaitan: Sa Bibliya, madalas gamitin sa makasagisag na paraan ang “trono” para tumukoy sa awtoridad na mamahala. Kaya ang trono ng walang-kapantay na kabaitan ni Jehova ay tumutukoy sa paraan ng pamamahala niya, na punong-puno ng pag-ibig at kabaitan. (Tingnan sa Glosari, “Walang-kapantay na kabaitan.”) Dahil sa kabaitan ni Jehova, gumawa siya ng paraan para makalapit sa kaniya ang di-perpektong mga tao. Pinayuhan ni Pablo ang mga Hebreong Kristiyano na pahalagahan ang walang-kapantay na kabaitang ito. Matatanggap nila ito sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, ang “dakilang mataas na saserdote,” dahil sa kaniyang haing pantubos. (Heb 4:14; tingnan ang mga study note sa Ju 1:14.) Kaya kapag nananalangin ang mga tunay na Kristiyano, makakapagtiwala silang tatanggap sila ng “awa at walang-kapantay na kabaitan na tutulong sa [kanila] sa tamang panahon”—kailan man nila ito kailanganin.