Liham sa mga Taga-Colosas 2:1-23

2  Dahil gusto kong malaman ninyo kung gaano kalaki ang paghihirap ko alang-alang sa inyo, sa mga nasa Laodicea,+ at sa lahat ng iba pang hindi pa nakakakita sa akin nang personal,  para mapatibay+ ang lahat at mabuklod ng pag-ibig+ at mapasainyo ang lahat ng kayamanan na nagmumula sa lubos na pagkaunawa ninyo sa katotohanan, ang pagkakaroon ng tumpak na kaalaman tungkol sa sagradong lihim ng Diyos, tungkol kay Kristo.+  Ang lahat ng karunungan at kaalaman* ay nakatago sa kaniya.+  Sinasabi ko ito sa inyo para hindi kayo malinlang ng sinuman sa pamamagitan ng mapanghikayat na mga argumento.  Hindi man ninyo ako kasama, lagi kayong nasa isip ko, at masaya akong malaman na organisado kayo+ at may matibay na pananampalataya kay Kristo.+  Kaya dahil tinanggap na ninyo ang Panginoong Kristo Jesus, patuloy kayong lumakad na kaisa niya.+  Gaya ng itinuro sa inyo, dapat na malalim ang pagkakaugat ng pananampalataya ninyo sa kaniya,+ dapat na magpalakas ito sa inyo at magpatatag,+ at dapat itong mag-umapaw kasama ng pasasalamat.+  Maging mapagbantay kayo para walang bumihag sa inyo sa pamamagitan ng pilosopiya at mapanlinlang at walang-saysay na mga ideya+ na ayon sa mga tradisyon ng tao at pananaw ng sanlibutan,+ at hindi ayon kay Kristo;  dahil nasa kaniya ang lahat ng katangian ng Diyos sa sukdulang antas.+ 10  Kaya naman hindi kayo nagkulang ng anuman dahil sa kaniya, na ulo ng lahat ng pamahalaan at awtoridad.+ 11  Dahil sa kaugnayan ninyo sa kaniya, tinuli rin kayo, hindi sa pamamagitan ng kamay, kundi sa pamamagitan ng pag-aalis ng makasalanang laman,+ dahil sa ganiyang paraan tinutuli ang mga lingkod ng Kristo.+ 12  Dahil inilibing kayong kasama niya sa kaniyang bautismo,+ at dahil sa kaugnayan ninyo sa kaniya, ibinangon din kayong+ kasama niya sa pamamagitan ng inyong pananampalataya sa makapangyarihang gawa ng Diyos, na bumuhay-muli sa kaniya.*+ 13  Isa pa, kahit patay kayo dahil sa inyong mga kasalanan at dahil hindi kayo tuli, binuhay kayo ng Diyos kasama ni Kristo.+ Buong puso niyang pinatawad ang lahat ng kasalanan natin+ 14  at binura ang sulat-kamay na dokumento+ na binubuo ng mga batas+ at isinulat laban sa atin.+ Inalis niya ito sa pamamagitan ng pagpapako nito sa pahirapang tulos.+ 15  Sa pamamagitan ng pahirapang tulos, hinubaran niya ang mga pamahalaan at mga awtoridad at isinama sa prusisyon ng tagumpay+ para makita ng publiko na natalo niya sila at nabihag. 16  Kaya huwag ninyong hayaan ang sinuman na hatulan kayo dahil sa pagkain at pag-inom+ o pagdiriwang ng mga kapistahan, bagong buwan,+ o sabbath.+ 17  Ang mga iyon ay anino lang ng mga bagay na darating,+ anino ng Kristo.+ 18  Huwag ninyong hayaan na hindi ninyo makuha ang gantimpala+ dahil sa sinuman na nagkukunwaring mapagpakumbaba at sumasamba sa mga anghel. Ang gayong tao ay “naninindigan sa” mga bagay na nakita niya. At dahil sa makalamang pag-iisip niya, nagmamataas siya nang walang basehan. 19  Hindi rin siya nanghahawakan sa ulo,+ na nagbibigay sa buong katawan ng kinakailangan nito at nagbubuklod sa mga bahagi nito sa pamamagitan ng mga kasukasuan at litid at nagpapalaki sa katawan sa tulong ng kapangyarihan ng Diyos.+ 20  Kung itinakwil na ninyo ang mga bagay sa sanlibutan+ at namatay na kayong kasama ni Kristo, bakit namumuhay kayo na para bang bahagi pa rin ng sanlibutan? Bakit sumusunod pa rin kayo sa mga batas+ na ito: 21  “Huwag kang humawak o tumikim o humipo” 22  ng mga bagay na naglalaho rin at nauubos? Mga utos at turo lang ito ng tao.+ 23  Para bang batay sa karunungan ang mga utos na ito, pero ang mga sumusunod dito ay sumasamba ayon sa sarili nilang paraan. Pinahihirapan nila ang katawan nila+ para magmukha silang mapagpakumbaba. Pero hindi nakatutulong ang mga ito para mapaglabanan ang mga pagnanasa ng laman.

Talababa

Lit., “ng kayamanan ng karunungan at kaalaman.”
Lit., “na nagbangon sa kaniya mula sa mga patay.”

Study Notes

sinuman: Lit., “laman.” Dito, ang salitang Griego na sarx ay tumutukoy sa isang tao, na may laman at dugo.​—Tingnan ang study note sa Ju 3:6; 17:2.

Laodicea: Isang mayamang lunsod sa kanlurang bahagi ng Asia Minor (malapit sa Denizli, Turkey ngayon) na mga 18 km (11 mi) mula sa Colosas at mga 150 km (90 mi) mula sa Efeso. (Tingnan ang Ap. B13.) Ito ay nasa lambak ng Ilog Lycus, na isang matabang lupain at daanan ng mga mangangalakal. Ipinapakita ng talatang ito na hindi nakapangaral si Pablo sa Laodicea. Pero nakarating ang mensahe ng Kaharian sa lugar na iyon (Gaw 19:10), at isang kongregasyon ang nabuo sa Laodicea at sa kalapít nitong lunsod na Colosas at sa Hierapolis (Col 4:13, 15, 16). Sa Kasulatan, mababasa lang ang lunsod ng Laodicea sa mga aklat ng Colosas at Apocalipsis.—Apo 1:11; 3:14.

nakakakita sa akin nang personal: Lit., “nakakakita sa mukha ko sa laman.”—Tingnan ang study note sa Ro 3:20.

mga sagradong lihim: Ang salitang Griego na my·steʹri·on ay 25 beses na isinaling “sagradong lihim” sa Bagong Sanlibutang Salin. Dahil nasa anyong pangmaramihan ito, tumutukoy ito sa mga bahagi ng layunin ng Diyos na nanatiling lihim hanggang sa lubusan itong isiwalat ng Diyos. At isinisiwalat lang ito ng Diyos sa mga pinili niyang makaunawa nito. (Col 1:25, 26) Kapag naisiwalat na, ang mga sagradong lihim ng Diyos ay inihahayag sa pinakamaraming tao hangga’t posible. Masasabi natin iyan dahil ginamit sa Bibliya ang mga terminong “inihahayag,” “maihayag,” “ipaalám,” “isiniwalat,” at “pangangaral” na kaugnay ng ekspresyong “sagradong lihim.” (1Co 2:1; Efe 1:9; 3:3; Col 1:25, 26; 4:3) Ang pangunahing “sagradong lihim ng Diyos” ay nakasentro sa pagkakakilanlan ni Jesu-Kristo bilang ang ipinangakong “supling,” o Mesiyas. (Col 2:2; Gen 3:15) Pero maraming bahagi ang sagradong lihim na ito, gaya ng papel na ginagampanan ni Jesus sa layunin ng Diyos. (Col 4:3) Ipinakita ni Jesus sa tekstong ito na ang “mga sagradong lihim” ay kaugnay ng Kaharian ng langit, o “Kaharian ng Diyos,” ang gobyerno sa langit kung saan namamahala si Jesus bilang Hari. (Mar 4:11; Luc 8:10; tingnan ang study note sa Mat 3:2.) Iba ang pagkakagamit ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa my·steʹri·on sa pagkakagamit dito ng sinaunang mga kulto. Ang mga kultong iyon, na karaniwan nang may kaugnayan sa pag-aanak na lumaganap noong unang siglo C.E., ay nangangako sa mga miyembro nito na makakatanggap sila ng imortalidad at direktang pagsisiwalat at na makakalapit sila sa mga diyos sa pamamagitan ng mga ritwal. Maliwanag na hindi batay sa katotohanan ang gayong mga lihim. Ang mga umaanib sa mga kultong iyon ay nananatang hindi nila sasabihin kahit kanino ang mga lihim kaya nananatili itong misteryo. Kabaligtaran iyan ng ginagawa ng mga Kristiyano na paghahayag ng mga sagradong lihim. Kapag ginamit ng Kasulatan ang terminong ito may kaugnayan sa huwad na pagsamba, isinasalin itong “palihim” o “misteryo” sa Bagong Sanlibutang Salin.—Para sa tatlong paglitaw ng my·steʹri·on na isinaling “palihim” o “misteryo,” tingnan ang study note sa 2Te 2:7; Apo 17:5, 7.

karunungan ng Diyos na nasa isang sagradong lihim: Tumutukoy sa matalinong kaayusan ng Diyos na tatapos sa rebelyong nagsimula sa Eden at magdudulot ng kapayapaan at pagkakaisa sa buong uniberso. (Tingnan sa Glosari, “Sagradong lihim.”) Unang isiniwalat ang “sagradong lihim” (sa Griego, my·steʹri·on; tingnan ang study note sa Mat 13:11) sa hula ni Jehova sa Gen 3:15. Ang “sagradong lihim” ni Jehova ay nakasentro kay Jesu-Kristo. (Efe 1:9, 10; Col 2:2) Kasama rito ang pagkakakilanlan ni Jesus bilang ang ipinangakong supling, o Mesiyas, at ang papel niya sa Kaharian ng Diyos (Mat 13:11); ang pagpili ng mga pinahiran—mula sa mga Judio at Gentil—na makakasama ni Kristo sa Kaharian bilang mga tagapagmana (Luc 22:29, 30; Ro 11:25; Efe 3:3-6; Col 1:26, 27); at ang espesyal na katangian ng kongregasyong ito na binubuo ng 144,000 “binili mula sa sangkatauhan bilang mga unang bunga sa Diyos at sa Kordero” (Apo 14:1, 4). Ang mga bagay na ito ay maiintindihan lang ng mga nag-aaral mabuti ng Kasulatan.

sagradong lihim ng kalooban niya: Maraming beses na binanggit ni Pablo ang terminong “sagradong lihim” sa liham niya sa mga taga-Efeso. Ang “sagradong lihim” ni Jehova ay nakasentro kay Jesu-Kristo. (Col 2:2; 4:3) Pero maraming bahagi ang sagradong lihim ng Diyos. Kasama rito ang pagkakakilanlan ni Jesus bilang ang ipinangakong supling, o Mesiyas, at ang papel niya sa layunin ng Diyos (Gen 3:15); ang isang gobyerno sa langit, ang Mesiyanikong Kaharian ng Diyos (Mat 13:11; Mar 4:11); ang kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano, na si Kristo ang ulo (Efe 5:32; Col 1:18; Apo 1:20); ang papel ng mga pinahirang makakasama ni Jesus sa Kaharian (Luc 22:29, 30); at ang pagpili sa mga pinahiran mula sa mga Judio at Gentil (Ro 11:25; Efe 3:3-6; Col 1:26, 27).—Tingnan ang study note sa Mat 13:11; 1Co 2:7.

sagradong lihim ng Diyos, tungkol kay Kristo: Nakasentro ang sagradong lihim ng Diyos sa tinatawag ni Pablo na “sagradong lihim tungkol sa Kristo.” (Col 4:3) Pero maraming bahagi ang sagradong lihim na ito.—Tingnan ang study note sa Mat 13:11; 1Co 2:7; Efe 1:9.

nakatago sa kaniya: Dahil sa mahalagang papel na ibinigay ng Diyos na Jehova sa Kaniyang Anak sa katuparan ng mga layunin Niya, masasabing ang lahat ng karunungan at kaalaman ay “nakatago” kay Jesus. Hindi naman ito nangangahulugang hindi kailanman maiintindihan ng mga tao ang ganitong karunungan at kaalaman. Puwedeng maintindihan ng isa ang Kasulatan kung mananampalataya siya kay Jesu-Kristo bilang Anak ng Diyos. (Mat 13:11) Dahil sa mga turo ni Jesus, nalaman ng mga tagasunod niya ang kamangha-manghang mga katotohanan na hindi nila naiintindihan dati, kasama na ang katuparan ng mga hula ng Bibliya sa buhay at ministeryo niya. (Luc 24:25-27, 32) Tinulungan din niya ang mga tao na mas makilala ang Diyos, na kaniyang Ama. (Luc 10:22) Si Jesus ang panganay na Anak ng Diyos, kaya siya ang pinakanakakakilala sa Ama at pinakanakakaunawa sa kaisipan Niya.—Col 1:15, 16, 18.

Maging matibay . . . ang pagkakaugat ninyo at pagkakatatag sa pundasyon: Dito, gumamit si Pablo ng dalawang paglalarawan para idiin ang isang punto, gaya ng ginawa niya sa ibang bahagi ng liham niya sa Efeso. (Efe 2:20-22; 4:16) Ipinakita niya na ang mga Kristiyano ay dapat na maging kasintatag ng isang puno na malalim ang pagkakaugat sa lupa at ng isang gusali na may matibay na pundasyon. Gumamit si Pablo ng katulad na paglalarawan sa Col 2:7 nang sabihin niyang “dapat na malalim ang pagkakaugat ng pananampalataya ninyo sa kaniya,” o kay Kristo Jesus. (Col 2:6) Sa 1Co 3:11, ikinumpara niya rin ang gawain niya sa isang proyekto ng pagtatayo, kung saan si Jesus ang “pundasyon.” (Tingnan ang study note sa 1Co 3:10.) Para maging matibay ang pagkakaugat at pagkakatatag ng mga taga-Efeso, kailangan nilang pag-aralang mabuti ang Salita ng Diyos, lalo na ang buhay at mga turo ni Jesus. (Efe 3:18; Heb 5:12) Tutulong ito sa kanila na magkaroon ng matibay na kaugnayan kay Jehova.—Ju 14:9.

Maging matibay . . . ang pagkakaugat ninyo at pagkakatatag sa pundasyon: Dito, gumamit si Pablo ng dalawang paglalarawan para idiin ang isang punto, gaya ng ginawa niya sa ibang bahagi ng liham niya sa Efeso. (Efe 2:20-22; 4:16) Ipinakita niya na ang mga Kristiyano ay dapat na maging kasintatag ng isang puno na malalim ang pagkakaugat sa lupa at ng isang gusali na may matibay na pundasyon. Gumamit si Pablo ng katulad na paglalarawan sa Col 2:7 nang sabihin niyang “dapat na malalim ang pagkakaugat ng pananampalataya ninyo sa kaniya,” o kay Kristo Jesus. (Col 2:6) Sa 1Co 3:11, ikinumpara niya rin ang gawain niya sa isang proyekto ng pagtatayo, kung saan si Jesus ang “pundasyon.” (Tingnan ang study note sa 1Co 3:10.) Para maging matibay ang pagkakaugat at pagkakatatag ng mga taga-Efeso, kailangan nilang pag-aralang mabuti ang Salita ng Diyos, lalo na ang buhay at mga turo ni Jesus. (Efe 3:18; Heb 5:12) Tutulong ito sa kanila na magkaroon ng matibay na kaugnayan kay Jehova.—Ju 14:9.

malalim ang pagkakaugat: Sa talatang ito, gumamit si Pablo ng tatlong paghahalintulad para ilarawan kung paano ‘patuloy na makakalakad na kaisa’ ni Kristo ang isang Kristiyano. (Col 2:6) Sa una, idiniin niya na ang mga Kristiyano ay dapat na maging kasintibay ng isang puno na malalim ang pagkakaugat.—Tingnan ang study note sa Efe 3:17.

magpalakas ito sa inyo: Tumutukoy sa pananampalataya kay Jesu-Kristo. Idiniriin ni Pablo sa paghahalintulad na ito na ang isang Kristiyano ay dapat na maging gaya ng isang gusali na matibay ang pundasyon.—Tingnan ang study note sa Efe 3:17.

magpatatag: Ito ang ikatlong paghahalintulad na ginamit ni Pablo para ilarawan kung paano ‘patuloy na makakalakad na kaisa’ ni Kristo ang isang Kristiyano. (Col 2:6) Matapos gumamit si Pablo ng termino sa agrikultura (“malalim ang pagkakaugat”) at arkitektura (“magpalakas”), gumamit naman siya ng termino sa negosyo at batas. Ang salitang Griego para sa “magpatatag” ay ginagamit sa legal na usapin at puwede ring isaling “tiyakin; pagtibayin; bigyan ng garantiya.” (Ro 15:8; 1Co 1:8; 2Co 1:21) Sa isang diksyunaryo, isinalin itong “magbigay ng katiyakan.” Gumamit si Pablo ng isang kaugnay na pangngalang Griego sa liham niya sa mga Kristiyano sa Filipos nang banggitin niya ang tungkol sa “legal na pagtatatag” ng mabuting balita. (Fil 1:7) Habang kumukuha ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos ang mga Kristiyano, lalo nilang napapatunayan na tama talagang manampalataya sila sa Diyos.

mga bagay: O “panimulang mga bagay.” Puwede itong tumukoy sa pangunahing mga elemento ng anumang bagay, gaya ng bawat tunog at letra ng alpabetong Griego, ang pangunahing mga elemento na ginagamit para makabuo ng salita. Negatibo ang pagkakagamit ni Pablo sa ekspresyong ito dito at sa Col 2:8, 20. Tumutukoy ito sa pangunahing mga ideya na gumagabay sa sanlibutan, ang lipunan ng tao na hiwalay sa Diyos. Kasama dito ang (1) mga pilosopiya na batay sa pangangatuwiran ng tao at mitolohiya (Col 2:8), (2) di-makakasulatang mga turo ng mga Judio na nagtataguyod ng pagkakait sa sarili at ‘pagsamba sa mga anghel’ (Col 2:18), at (3) turo na dapat sundin ng mga Kristiyano ang Kautusang Mosaiko para maligtas (Gal 4:4–5:4; Col 2:16, 17). Hindi kailangan ng mga Kristiyano sa Galacia ang ganoong “panimulang mga bagay,” dahil nakatataas ang paraan ng pagsamba nila na batay sa pananampalataya kay Kristo Jesus. Ang mga Kristiyano ay hindi dapat maging gaya ng mga bata na alipin ng panimulang mga bagay—hindi na sila dapat magpasailalim sa Kautusang Mosaiko, na inihalintulad ni Pablo sa isang tagapagbantay. (Gal 3:23-26) Sa halip, dapat silang maging maygulang na mga anak ng kanilang Ama, ang Diyos. Hindi sila dapat bumalik sa pagsunod sa Kautusan o sa “mahihina at walang-kabuluhang mga bagay” na itinataguyod ng mga hindi sumusunod kay Kristo.—Gal 4:9.

bumihag sa inyo: O “mambiktima sa inyo.” Sa isang diksyunaryo, ang salitang Griego na ito ay nangangahulugang “makontrol ang isa sa pamamagitan ng pagbihag sa kaniya.” Idinagdag pa nito: “Inilalarawan nito ang pag-agaw sa isa mula sa katotohanan tungo sa pagkaalipin sa kasalanan.”

pilosopiya: Ang salitang Griego na phi·lo·so·phiʹa, na dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ay literal na nangangahulugang “pag-ibig sa karunungan.” Noong panahon ni Pablo, malawak ang kahulugan ng salitang ito. Karaniwan nang tumutukoy ito sa iba’t ibang turo, kasama na ang tungkol sa relihiyon. Sa nag-iisang ulat tungkol sa pag-uusap ni Pablo at ng mga pilosopong Griego, relihiyon ang paksa nila. (Gaw 17:18-31) May iba’t ibang pilosopiya na itinataguyod noon sa silangang bahagi ng Imperyo ng Roma, kung saan matatagpuan ang Colosas. Kung pagbabatayan ang konteksto at gramatika ng pananalita sa Col 2:8, lumilitaw na ang tinutukoy ni Pablo ay ang mga nagtataguyod ng Judaismo, na naggigiit sa pagsunod sa Kautusang Mosaiko, kasama na ang pagtutuli, pagdiriwang ng mga kapistahan, at pag-iwas sa ilang pagkain.—Col 2:11, 16, 17.

mapanlinlang . . . na mga ideya: O “mapang-akit . . . na mga ideya.” Ang salitang Griego na ginamit dito ay isinalin ding “mapandayang kapangyarihan” (Mat 13:22; Heb 3:13) at “mga turong mapanlinlang” (2Pe 2:13).

pananaw ng sanlibutan: O “panimulang mga bagay ng sanlibutan.” Ginamit din ni Pablo ang ekspresyong ito sa liham niya sa mga taga-Galacia.—Tingnan ang study note sa Gal 4:3.

hindi ayon kay Kristo: Pilosopiya ng tao ang binabanggit dito ni Pablo. Hindi niya sinasabi na maling kumuha ng kaalaman, dahil ipinanalangin niya pa nga na “mapuno . . . ng tumpak na kaalaman” tungkol sa kalooban ng Diyos ang mga Kristiyano sa Colosas. Pero gaya ng ipinakita ni Pablo, kailangang maunawaan ng isa ang papel ni Jesu-Kristo sa katuparan ng layunin ng Diyos para magkaroon siya ng tunay na kaalaman at karunungan.—Col 1:9, 10; 2:2, 3.

nasa kaniya ang lahat ng katangian ng Diyos sa sukdulang antas: Ipinapakita ng konteksto na ang pagkakaroon ni Jesu-Kristo ng “lahat ng katangian ng Diyos” ay hindi nangangahulugang kapantay niya ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat, gaya ng sinasabi ng ilan. Sa naunang kabanata, sinabi ni Pablo: “Gusto ng Diyos na maging ganap ang lahat ng bagay sa kaniya,” o kay Kristo. (Col 1:19) Kaya nagkaroon si Kristo ng “lahat ng katangian ng Diyos sa sukdulang antas” dahil sa Ama. Sa Col 1:15, sinabi ni Pablo na si Jesus ang “larawan ng di-nakikitang Diyos,” hindi ang Diyos. Inilarawan sa Col 1:19-22 ang pakikipagkasundong isinaayos ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo, at mababasa sa Col 2:12 na binuhay siyang muli ng Diyos. Sinabi rin ni Pablo na “nakaupo ang Kristo sa kanan ng Diyos.” (Col 3:1) Ipinapakita ng mga ito na ang pagkakaroon ni Jesu-Kristo ng “lahat ng katangian ng Diyos sa sukdulang antas” ay hindi nangangahulugang siya rin ang Diyos, ang Makapangyarihan-sa-Lahat.

lahat ng katangian ng Diyos: Makikita kay Kristo ang lahat ng kahanga-hangang katangian ng kaniyang Diyos at Ama sa langit. Ang salitang Griego na ito (the·oʹtes), na dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ay mula sa salitang Griego para sa “diyos,” the·osʹ, pero may iba itong kahulugan. Sa maraming diksyunaryo, nangangahulugan itong “maladiyos; may katangian ng diyos; may pagkadiyos.” Ginagamit ng mga Griegong manunulat noon ang terminong ito para tumukoy sa isang katangian o kalagayan na puwedeng makuha o maiwala ng isa depende sa pagkilos niya. Maliwanag, ginagamit din ang terminong ito para sa mga nilalang at hindi lang kay Jehova, ang Diyos na pinakamakapangyarihan at walang hanggan. Kaya may matibay na basehan sa paniniwala na ang the·oʹtes dito ay tumutukoy sa mga katangian ng Diyos, hindi sa Diyos mismo.

hindi kayo nagkulang ng anuman dahil sa kaniya: Ang kahulugan ng pananalitang ito ay makikita sa konteksto, na nagsasabing “ang lahat ng karunungan at kaalaman ay nakatago” kay Kristo. Inilaan ni Jesu-Kristo ang lahat ng kailangan ng mga tagasunod niya para ‘mapalakas’ sila at ‘mapatatag.’ (Col 2:3, 6, 7) Ipinaliwanag din sa Col 2:13-15 na pinalaya ni Kristo ang mga Kristiyano mula sa tipang Kautusan. Hindi kailangan ng mga Kristiyano ang Kautusan, pati na ang pilosopiya at tradisyon ng tao. (Col 2:8) ‘Hindi sila nagkulang ng anuman’ dahil inilaan ni Kristo ang lahat ng kailangan nila.—Col 2:10-12.

tinuli rin kayo, hindi sa pamamagitan ng kamay: Tingnan ang study note sa Ro 2:29.

ang puso niya ay tinuli: Ang ‘pagtutuli’ ay ginagamit nang makasagisag sa Hebreo at Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Tingnan sa Glosari, “Pagtutuli.”) Ang ‘pagtutuli sa puso’ ay kahilingan ng Diyos kahit sa mga Israelita na literal na tinuli. Sa literal na pagkakasalin ng Deu 10:16 at 30:6 (tingnan ang mga tlb.), sinabi ni Moises sa Israel: “Tuliin na ninyo ang inyong mga puso,” at “tutuliin ng Diyos ninyong si Jehova ang puso ninyo at ng inyong mga supling.” Noong panahon ni Jeremias, pinaalalahanan niya ang masuwaying bansa na dapat na ganoon din ang gawin nila. (Jer 4:4) Ang “pagtutuli sa puso” ay “paglilinis” dito mula sa anumang kaisipan, kagustuhan, o motibo na marumi at hindi kalugod-lugod kay Jehova at nagiging dahilan para maging manhid ang puso. Gayundin, ang mga tainga na hindi nakikinig kay Jehova ay tinatawag na “di-tuli.”​—Jer 6:10, tlb.; tingnan ang study note sa Gaw 7:51.

mga patay: Sinabi ni Jesus na nagsisimula na ang panahon kung kailan “maririnig ng mga patay ang tinig” niya, kaya maliwanag na ang tinutukoy niya ay ang mga taong buháy na nagmana ng kasalanan kay Adan at nahatulan ng kamatayan. (Ro 5:12) Para sa Diyos, walang karapatang mabuhay ang mga tao sa pangkalahatan dahil ang “kabayaran” para sa kasalanan ay kamatayan. (Ro 6:23) Sa pakikinig at pagsunod sa “salita” ni Jesus, ang mga tao ay makasagisag na ‘makakabangon mula sa kamatayan tungo sa buhay.’ (Tingnan ang study note sa Ju 5:24.) Sa Bibliya, ang terminong “pakikinig” ay kadalasan nang tumutukoy sa “pagbibigay-pansin” o “pagsunod.”

patay kayo dahil sa inyong mga pagkakamali at kasalanan: Sa Bibliya, ginagamit kung minsan ang kamatayan at buhay sa makasagisag, o espirituwal, na diwa. Sinasabi dito ni Pablo na ang mga Kristiyano sa Efeso ay ‘patay noon dahil sa kanilang mga pagkakamali at kasalanan.’ Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang Griego para sa “patay” sa talatang ito ay nangangahulugang “pagiging bagsak sa moral at espirituwal ng isang tao, at dahil doon, maituturing siyang patay.” Pero ipinapakita dito ni Pablo na para kay Jehova, buháy ang mga pinahirang Kristiyano dahil pinagsisihan na nila ang makasalanan nilang pamumuhay at nanampalataya sila sa hain ni Jesus.—Efe 2:5; Col 2:13; tingnan ang study note sa Luc 9:60; Ju 5:24, 25.

Hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay: Gaya ng makikita sa study note sa Luc 9:59, malamang na hindi pa patay ang ama ng lalaking kausap ni Jesus, kundi may sakit lang o matanda na. Kaya parang sinasabi ni Jesus: ‘Hayaan mong ilibing ng mga patay sa espirituwal ang kanilang mga patay.’ Ibig sabihin, hindi dapat ipagpaliban ng lalaki ang desisyon niyang sumunod kay Jesus, dahil lumilitaw na mayroon naman siyang mga kamag-anak na puwedeng mag-alaga sa ama niya. Kung susunod kay Jesus ang lalaki, magkakaroon siya ng pag-asang mabuhay magpakailanman, hindi tulad ng mga patay sa espirituwal sa paningin ng Diyos. Makikita sa sagot ni Jesus na ang pag-una sa Kaharian ng Diyos at pangangaral tungkol dito nang malawakan ay mahalaga para manatiling buháy sa espirituwal.

nakabangon siya mula sa kamatayan tungo sa buhay: Lumilitaw na ang tinutukoy dito ni Jesus ay ang mga dating patay sa espirituwal pero nakinig sa kaniya, nanampalataya, at tumalikod sa kanilang makasalanang pamumuhay. (Efe 2:1, 2, 4-6) Nakabangon sila “mula sa kamatayan tungo sa buhay” dahil pinalaya sila mula sa hatol ng kamatayan, at binigyan sila ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan dahil sa pananampalataya nila sa Diyos. Lumilitaw na mga patay rin sa espirituwal ang tinutukoy ni Jesus nang sabihin niya sa isang anak na Judio na gustong umuwi para ilibing ang kaniyang ama: “Hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay.”—Luc 9:60; tingnan ang study note sa Luc 9:60; Ju 5:25.

patay kayo dahil sa inyong mga kasalanan: Sa Bibliya, ginagamit din ang kamatayan at buhay sa makasagisag, o espirituwal, na diwa. (Tingnan ang study note sa Efe 2:1.) Sinasabi ni Pablo na ang mga Kristiyano sa Colosas ay ‘patay noon dahil sa kanilang mga kasalanan.’ Pero ipinapakita niya dito na ang pinahirang mga Kristiyano na iyon ay binuhay . . . ng Diyos kasama ni Jesu-Kristo. Dahil pinagsisihan na nila ang makasalanan nilang pamumuhay, pinatawad na sila ni Jehova sa bisa ng haing pantubos ni Jesus.—Efe 2:5; ihambing ang study note sa Luc 9:60; Ju 5:24, 25.

mapatawad: O “mapawi.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay nangangahulugang “burahin sa pamamagitan ng pagpunas.” Sa Bibliya, ginagamit ito para tumukoy sa pagpunas ng luha (Apo 7:17; 21:4) at sa pagbura ng mga pangalan sa aklat ng buhay (Apo 3:5). Sa kontekstong ito, nangangahulugan itong “alisin ang isang bagay nang walang maiiwang bakas.” Ayon sa ilang iskolar, ang ideyang ipinapakita dito ay gaya ng sa pagbubura ng sulat-kamay.—Ihambing ang Col 2:14, kung saan ang pandiwang Griego na ginamit din dito ay isinaling “binura.”

binura: Tingnan ang study note sa Gaw 3:19.

sulat-kamay na dokumento: Tumutukoy sa Kautusang Mosaiko. Nang tanggapin ng Diyos ang dugong inihain ni Jesus, “binura [Niya] ang sulat-kamay na dokumento,” o pinawalang-bisa ang tipang Kautusan, kasama na ang mga kahilingan nito pagdating sa paghahandog. Para bang ipinako ng Diyos ang dokumentong ito, o kontrata, sa tulos, kung saan namatay si Jesus. Sa Col 2:16, binanggit ni Pablo ang ilan sa mga batas na binura. Sinabi niya: “Kaya huwag ninyong hayaan ang sinuman na hatulan kayo dahil sa pagkain at pag-inom o pagdiriwang ng mga kapistahan, bagong buwan, o sabbath.” Sa Efe 2:15, gumamit si Pablo ng kahawig na pananalita nang sabihin niyang “sa pamamagitan ng . . . laman, inalis [ni Jesus] ang alitan, ibig sabihin, pinawalang-bisa niya ang Kautusan, na binubuo ng mga tuntunin at batas.”

pahirapang tulos: O “tulos na pambitay.”—Tingnan sa Glosari.

inaakay sa isang prusisyon ng tagumpay: Dalawang beses lang lumitaw sa Kasulatan ang salitang Griego na thri·am·beuʹo, na nangangahulugang “akayin sa isang prusisyon ng tagumpay.” Sa mga paglitaw na iyon, parehong makasagisag ang pagkakagamit ng salitang ito pero magkaibang bagay ang tinutukoy. (2Co 2:14; Col 2:15) Ang Romanong prusisyon ng tagumpay ay parada ng pasasalamat sa mga bathala at pagbibigay-pugay sa isang matagumpay na heneral. Makikita ang ganitong mga prusisyon sa mga eskultura, painting, at barya. Itinatampok din ang mga ito sa mga literatura at mga pagtatanghal sa teatro. Ang tagumpay ng mga Romano noong Hunyo 71 C.E. ay nakaukit sa Arko ni Tito sa Roma. Makikita roon ang mga sundalong Romano na may dalang sagradong mga sisidlan mula sa wasák na templo ng Jerusalem.

Sa pamamagitan ng pahirapang tulos: Dahil sa kamatayan ni Kristo sa pahirapang tulos, hindi lang nabura ang “sulat-kamay na dokumento,” o ang tipang Kautusan, kundi naging posible rin para sa mga Kristiyano na lumaya mula sa kadiliman, o sa masamang pamamahala ni Satanas. (Col 2:14) Puwede rin itong isalin na “sa pamamagitan niya,” o ni Jesu-Kristo.

hinubaran niya ang mga pamahalaan at mga awtoridad: Dito, ang mga gobyerno at awtoridad sa ilalim ni Satanas ay inihalintulad ni Pablo sa papataying mga bihag na ipinaparada sa prusisyon ng tagumpay ng mga Romano. (Ihambing ang Efe 6:12.) Ang mga bilanggo ay hinuhubaran ng baluti, tinatanggalan ng mga sandata, at nilalait ng mga taong sumusunod sa prusisyon. Sinasabi ng sinaunang mga reperensiya na may mga bilanggo, kasama na ang mga hari, na mas gusto pang magpakamatay kaysa iparada sila sa ganoong prusisyon dahil sa matinding kahihiyan. Sa metaporang ginamit ni Pablo, inihalintulad niya si Jehova sa isang manlulupig na hinuhubaran at ipinaparada sa publiko ang natalo niyang mga kaaway. Iba ang pagkakagamit dito ni Pablo sa “prusisyon ng tagumpay” kumpara sa pagkakagamit niya nito sa 2Co 2:14-16.—Tingnan ang study note sa 2Co 2:14.

pagdiriwang ng mga kapistahan, bagong buwan, o sabbath: Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, kailangan ng bayan ng Diyos na ipagdiwang ang mga okasyong ito. (Tingnan ang study note sa Gal 4:10 at Glosari, “Kapistahan ng mga Kubol,” “Kapistahan ng Pag-aalay,” “Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa,” “Bagong buwan,” “Pentecostes,” at “Sabbath.”) Iginigiit ng ilan na kailangan pa ring ipagdiwang ng lahat ng Kristiyano ang mga okasyong ito, pero pinayuhan sila ni Pablo na huwag makinig sa mga ito. Hindi nila dapat hayaan ang sinuman na hatulan sila dahil lang sa hindi nila ipinagdiriwang ang mga kapistahan sa Kautusang Mosaiko, na wala nang bisa nang panahong iyon.

mga araw, buwan, panahon, at taon: Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang espesyal na mga okasyon na dapat ipagdiwang noon ng bayan ng Diyos ayon sa Kautusang Mosaiko. Ang ilang halimbawa nito ay ang mga Sabbath at taon ng sabbath (Exo 20:8-10; Lev 25:4, 8, 11), mga bagong buwan (Bil 10:10; 2Cr 2:4), taunang Araw ng Pagbabayad-Sala (Lev 16:29-31), Paskuwa (Exo 12:24-27), Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa (Lev 23:6), Kapistahan ng mga Sanlinggo (Exo 34:22), at Kapistahan ng mga Kubol (Lev 23:34). May nakatakdang panahon para sa bawat okasyong ito. Ang ilang Kristiyano sa Galacia ay dating nasa ilalim ng Kautusang Mosaiko, at maraming taon nilang ipinagdiwang ang mga okasyong iyon. Pero nang malaman nila ang tungkol sa haing pantubos ni Kristo, masaya nilang tinanggap ang mga pakinabang nito at ang paglaya nila sa pagsunod sa Kautusang Mosaiko. (Gaw 13:38, 39) Kaya natatakot si Pablo para sa mga bumabalik sa istriktong pagsunod sa Kautusan at pagdiriwang sa espesyal na mga okasyong iyon. (Gal 4:11) Sa katulad na paraan, kung ipagdiriwang ulit ng isang Gentil na naging Kristiyano ang mga paganong okasyon sa dati niyang relihiyon, pagpapakita rin ito ng kawalan ng pananampalataya sa haing pantubos ni Kristo.

anino lang ng mga bagay na darating: Makikita sa anino ng isang bagay ang hugis nito. Pero di-gaya ng mismong bagay, nawawala ang anino. May kaugnayan dito, ipinaliwanag ni Pablo na ang Kautusan, kasama na ang mga kapistahan, tabernakulo, at mga handog, ay anino lang ng mas mabubuting bagay na darating.—Heb 8:5; 9:23-28; 10:1.

kapakumbabaan: Ang isang taong mapagpakumbaba ay hindi mapagmataas o arogante. Makikita ang kapakumbabaan sa pananaw ng isang tao sa sarili niya kung ikukumpara sa Diyos at sa iba. Hindi ito kahinaan, kundi isang kalagayan ng isip na kalugod-lugod sa Diyos. Ang mga Kristiyanong tunay na mapagpakumbaba ay nakakagawang magkakasama nang may pagkakaisa. (Efe 4:2; Fil 2:3; Col 3:12; 1Pe 5:5) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang ta·pei·no·phro·syʹne, na isinalin ditong “kapakumbabaan,” ay mula sa mga salitang ta·pei·noʹo, “gawing mababa,” at phren, “ang isip.” Kaya ang literal na salin nito ay “kababaan ng isip.” Ang kaugnay na terminong ta·pei·nosʹ ay isinalin ding “mapagpakumbaba.”—Mat 11:29; San 4:6; 1Pe 5:5; tingnan ang study note sa Mat 11:29.

sinuman na nagkukunwaring mapagpakumbaba: Dito, nagbababala si Pablo laban sa huwad na mga guro na gustong-gustong magmukhang mapagpakumbaba. Lumilitaw na iginigiit ng ilan sa kanila na makukuha lang ng isa ang pabor ng Diyos kung susunod siya sa Kautusan at pagkakaitan ang sarili. Kasama sa mga ito ang pagkakait sa sarili ng materyal na mga bagay, pag-iwas sa ilang pagkain, o pagdiriwang ng ilang relihiyosong kapistahan; pero ang lahat ng ito ay hindi naman iniuutos sa mga Kristiyano. Puwede silang magmukhang mapagpakumbaba dahil sa mga ito, pero ang totoo, “nagmamataas” sila at may “makalamang pag-iisip,” at ginagawa lang nila ang mga ito para pahangain ang iba.—Mat 6:1.

nagkukunwaring mapagpakumbaba: Ang salitang Griego na ginamit sa ekspresyong ito ay literal na nangangahulugang “mapagpakumbaba,” o “may kababaan ng isip.” Pero sinabi rin ni Pablo sa talatang ito na ang huwad na mga guro ay “nagmamataas,” kaya maliwanag na ang kapakumbabaan na tinutukoy niya dito ay hindi totoo.—Para sa paliwanag kung ano ang tunay na kapakumbabaan, tingnan ang study note sa Gaw 20:19.

sumasamba: Ang salitang Griego na ginamit dito (thre·skeiʹa) ay tumutukoy sa “pagsamba,” tunay man ito o huwad. (Gaw 26:5) Lumitaw rin ang salitang ito sa San 1:27, kung saan isinalin itong “uri ng pagsamba” sa mismong teksto at “relihiyon” sa talababa. Sa San 1:26, isinalin itong “pagsamba.”

sumasamba sa mga anghel: Walang binanggit na detalye si Pablo tungkol sa ganitong uri ng pagsamba. Maraming puwedeng maging kahulugan ang pariralang Griego na ito. Posibleng ginagaya ng ilan sa Colosas ang pagsamba ng mga anghel; akala nila, natutularan nila ang kabanalan ng mga anghel sa pagsamba. Posible ring ang mga anghel mismo ang sinasamba nila at sa mga ito sila humihingi ng tulong at proteksiyon. May mga ebidensiya na sumasamba sa anghel ang mga pagano sa Colosas, pati na ang mga nag-aangking Kristiyano. Noong ikaapat na siglo, kinondena ng mga lider ng simbahan sa Laodicea ang ganiyang pagsamba; pero nagpatuloy pa rin ito sa loob ng isang siglo o higit pa. Pero maliwanag na ayaw ng tapat na mga anghel ni Jehova na sambahin sila. (Apo 19:10; 22:8, 9) Sinabi dito ni Pablo na ang mga gumagawa ng ganiyang pagsamba ay kadalasan nang “nagkukunwaring mapagpakumbaba.” (Tingnan ang study note sa nagkukunwaring mapagpakumbaba sa talatang ito.) Kung sasamba ang mga Kristiyano sa mga nilalang, ‘hindi nila makukuha ang gantimpala’ nilang buhay na walang hanggan.—Ihambing ang Mat 4:10; Ro 1:25.

“naninindigan sa” mga bagay na nakita niya: Lumilitaw na inilalarawan dito ni Pablo ang paninindigan ng huwad na mga guro. Ang ekspresyong “naninindigan sa [lit., “tumatapak sa,” Kingdom Interlinear]” ay posibleng nangangahulugan na detalyado nilang ipinapaliwanag ang mga bagay na sinasabi nilang nakita nila. Posibleng ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang mga ritwal ng mga pagano o ang mga pangitain na inaangkin ng huwad na mga guro na tinanggap nila. Alinman diyan ang totoo, iniisip ng huwad na mga gurong ito na nakahihigit ang karunungan nila kumpara sa mga kapuwa nila Kristiyano. Kaya pakiramdam nila, mas mataas sila sa iba. Iginigiit ng gayong mga tao na may ibang mapagkukunan ng kaalaman at karunungan ang kongregasyon bilang gabay bukod sa Anak ng Diyos. Kaya pinayuhan sila ni Pablo.—Tingnan ang study note sa Col 2:3.

nakatago sa kaniya: Dahil sa mahalagang papel na ibinigay ng Diyos na Jehova sa Kaniyang Anak sa katuparan ng mga layunin Niya, masasabing ang lahat ng karunungan at kaalaman ay “nakatago” kay Jesus. Hindi naman ito nangangahulugang hindi kailanman maiintindihan ng mga tao ang ganitong karunungan at kaalaman. Puwedeng maintindihan ng isa ang Kasulatan kung mananampalataya siya kay Jesu-Kristo bilang Anak ng Diyos. (Mat 13:11) Dahil sa mga turo ni Jesus, nalaman ng mga tagasunod niya ang kamangha-manghang mga katotohanan na hindi nila naiintindihan dati, kasama na ang katuparan ng mga hula ng Bibliya sa buhay at ministeryo niya. (Luc 24:25-27, 32) Tinulungan din niya ang mga tao na mas makilala ang Diyos, na kaniyang Ama. (Luc 10:22) Si Jesus ang panganay na Anak ng Diyos, kaya siya ang pinakanakakakilala sa Ama at pinakanakakaunawa sa kaisipan Niya.—Col 1:15, 16, 18.

nagkakabuklod: Gumamit dito si Pablo ng isang pandiwang Griego na sa kontekstong ito ay lumalarawan sa pagtutulungan ng iba’t ibang bahagi ng katawan ng tao. May papel na ginagampanan ang bawat bahagi para gumana nang maayos ang katawan. Sa katulad na paraan, nagtutulungan din ang mga Kristiyano sa kongregasyon sa pangangasiwa ng kanilang ulo, si Kristo. (Efe 1:22, 23; 4:4, 15) Kapag nagkakaisa ang lahat at ginagampanan ng bawat isa ang atas niya at nagpapasakop siya sa pagkaulo ni Kristo, sumusulong ang kongregasyon at napapanatili ang pag-ibig nila sa isa’t isa. (1Co 12:14-27; Col 2:19; 3:14) Ito rin ang salitang Griego na ginamit ni Pablo sa Efe 2:21 (tingnan ang study note), kung saan ikinumpara niya ang kongregasyon sa isang gusali na “matibay ang pagkakadugtong-dugtong.”

bawat kasukasuan: Ang mga bahagi ng katawan ng tao ay pinagdurugtong-dugtong ng mga kasukasuan. Inilalaan ni Jesu-Kristo sa mga bahagi ng katawan, o ng kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano, ang mga kailangan nila “sa pamamagitan ng bawat kasukasuan.” Gumawa siya ng mga kaayusan sa pagpapakain sa espirituwal at pagbibigay ng mga tagubilin, at isinaayos niya rin ang mga gawain ng kongregasyon. Dahil dito, napapakaing mabuti sa espirituwal ang “katawan,” at nalalaman ng bawat bahagi kung paano niya dapat gampanan ang atas niya. (Efe 4:7-16; tingnan ang study note sa Col 2:19.) Ang terminong ginamit ni Pablo para sa “kasukasuan” ay ang karaniwang ginagamit ng mga doktor noon. May mga natagpuang ebidensiya na may paaralan sa medisina noon sa Efeso, na posibleng dahilan kung bakit ginamit ni Pablo ang katawan ng tao sa ilustrasyon niya.

buong katawan: Tumutukoy sa kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano. Inilalaan ni Jesu-Kristo ang kailangan ng katawan sa pamamagitan ng “mga kasukasuan at litid” nito—mga kaayusan sa pagpapakain sa espirituwal, pagbibigay ng mga tagubilin, at pag-aatas ng mga gawain sa kongregasyon. Dahil dito, napapakaing mabuti sa espirituwal ang “katawan,” at nalalaman ng bawat bahagi kung paano niya dapat gampanan ang atas niya.—Efe 4:7-16; tingnan ang study note sa Efe 4:16.

nagbubuklod: Tingnan ang study note sa Efe 4:16.

sa pamamagitan ng mga kasukasuan at litid: Ang mga bahagi ng katawan ng tao ay pinagdurugtong-dugtong ng mga kasukasuan. Mayroon din itong mga “litid,” o matitibay na tissue na nagdurugtong sa mga buto o sumusuporta sa mga panloob na bahagi ng katawan. Sinasabi ng ilang komentarista na posibleng nakaimpluwensiya si Lucas, “ang minamahal na doktor,” sa paggamit ni Pablo ng mga terminong pangmedisina dahil magkasama sila noong isinusulat ni Pablo ang liham na ito. (Col 4:14) Ang terminong Griego na synʹde·smos, na isinalin ditong “litid,” ay may mas malawak na kahulugan at puwede ring tumukoy sa pagbubuklod, gaya sa Efe 4:3 (“mapanatili ang kapayapaan”) at Col 3:14 (“pinagkakaisa ang mga tao”).

sumasamba ayon sa sarili nilang paraan: Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang Griego para dito ay nangangahulugang “relihiyong sariling imbento” o “relihiyon na ikaw ang bahala sa gusto mong gawin.”

mga pagnanasa ng laman: Ipinapakita dito ni Pablo na hindi nakakatulong sa mga Kristiyano ang pag-aayuno o ang pagsunod sa iba pang di-kinakailangang utos (Col 2:16, 20, 21) para mapaglabanan ang maling mga pagnanasa ng laman; hindi rin susulong sa espirituwal ang isang tao sa pamamagitan ng labis na pagkakait sa sarili. Totoo, piniling magdusa ng mga lingkod noon ng Diyos sa halip na makipagkompromiso. (Heb 11:35-38) Pero hindi ipinapayo ng Kasulatan na sadyang pahirapan ng isang Kristiyano ang sarili niya nang walang makatuwirang dahilan o dahil sa kagustuhan niyang mapalapít sa Diyos. Susulong sa espirituwal ang isa kung pag-aaralan niya at susundin ang Salita ng Diyos at kung mananampalataya siya sa pantubos ni Kristo.—Ro 3:23, 24; 2Ti 3:16, 17.

Media

Arko ni Tito sa Roma
Arko ni Tito sa Roma

Makikita sa kaliwa ang arko ng tagumpay na nasa Forum sa Roma, Italya. Itinayo ito para alalahanin ang tagumpay ng Romanong heneral na si Tito nang sakupin niya ang Jerusalem at Judea noong 70 C.E. Noong Hunyo 71 C.E., ipinagdiwang ni Tito at ng kaniyang ama na si Emperador Vespasian ang tagumpay na ito sa kabisera ng Imperyo ng Roma. Si Tito ang pumalit kay Vespasian bilang emperador noong 79 C.E. Pagkalipas ng dalawang taon, biglang namatay si Tito, at di-nagtagal, itinayo ang arkong ito para sa kaniya. Inukit sa magkabilang panig ng arko ang prusisyon ng tagumpay ni Tito, at may makukulay na pinta ito noong una. Sa isang panig (1), makikita ang mga sundalong Romano na buhat-buhat ang banal na mga kagamitan ng templo sa Jerusalem. Malinaw na makikitang kasama sa mga samsam ang kandelero na may pitong sanga at ang mesa para sa tinapay na pantanghal, kung saan nakapatong ang banal na mga trumpeta. Sa kabilang panig naman (2), makikita si Tito na nakatayo sa karwaheng hinihila ng apat na kabayo. Makikita sa mga ukit na ito ang ilustrasyong binanggit ni apostol Pablo sa dalawang liham niya. (2Co 2:14; Col 2:15) Siguradong pamilyar sa prusisyon ng tagumpay ng mga Romano ang mga nakabasa ng mga liham ni Pablo. Noon, ang ganitong mga ritwal ay inaaprobahan ng emperador ng Roma o ng pamilya niya. Pinapatunayan ng Arko ni Tito na natupad ang hula ni Jesus na mabibihag ang lunsod ng Jerusalem at magiging tapon ang mga tagaroon.—Luc 21:24.