Liham sa mga Taga-Filipos 3:1-21

3  Kaya, mga kapatid ko, patuloy kayong magsaya dahil sa Panginoon.+ Hindi naman pabigat para sa akin na ulitin ko ang mga naisulat ko na, dahil gusto kong maprotektahan kayo.  Mag-ingat kayo sa maruruming tao;* mag-ingat kayo sa mga namiminsala; at mag-ingat kayo sa mga nagtataguyod ng pagtutuli.+  Dahil tayo ang mga tunay na tinuli,+ tayo na naglilingkod sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos at ipinagmamalaki si Kristo Jesus+ at hindi nagtitiwala sa laman,  kahit ako ang talagang may dahilan para magtiwala sa laman. Kaya kung may nag-iisip na may dahilan siya para magtiwala sa laman, mas marami akong dahilan:  tinuli nang ikawalong araw,+ mula sa bansang Israel, mula sa tribo ni Benjamin, isang Hebreo na may mga magulang na Hebreo;+ kung tungkol sa kautusan, isang Pariseo;+  kung tungkol sa sigasig, pinag-usig ang kongregasyon;+ at kung tungkol sa katuwiran na batay sa kautusan, walang maipipintas sa akin.  Pero dahil sa Kristo, itinuring kong walang halaga* ang mga bagay na napakahalaga noon sa akin.+  Higit pa riyan, itinuring ko ring walang halaga ang lahat ng bagay dahil sa nakahihigit na halaga ng kaalaman tungkol kay Kristo Jesus na aking Panginoon. Alang-alang sa kaniya, tinalikuran ko ang lahat ng bagay at itinuring na basura ang mga iyon para makuha ang pabor ni Kristo  at mapatunayang kaisa niya, hindi sa pamamagitan ng sarili kong katuwiran* dahil sa pagsunod sa Kautusan, kundi sa pamamagitan ng katuwirang mula sa pananampalataya+ kay Kristo,+ ang katuwirang mula sa Diyos salig sa pananampalataya.+ 10  Tunguhin kong makilala siya, maunawaan ang kapangyarihan ng kaniyang pagkabuhay-muli,+ at magdusang gaya niya+ at maranasan ang kamatayang katulad ng sa kaniya,+ 11  para makita ko kung posibleng maranasan nang mas maaga ang pagkabuhay-muli mula sa mga patay.+ 12  Hindi ko naman sinasabing tinanggap ko na iyon o naabot ko na ang tunguhin ko,* kundi talagang nagsisikap ako+ para makuha ang gantimpalang itinakda ni Kristo Jesus para sa akin.+ 13  Mga kapatid, hindi ko iniisip na nakuha ko na iyon; pero ito ang tiyak: Hindi ko na inaalaala ang mga bagay na nasa likuran+ at buong lakas akong tumatakbo para sa mga bagay na nasa unahan,+ 14  dahil nagsisikap akong maabot ang tunguhin ko—ang makuha ang gantimpala+ ng makalangit na pagtawag+ ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus. 15  Kung gayon, maging ganito sana ang takbo ng pag-iisip nating lahat na maygulang,*+ pero kung hindi ganito ang takbo ng isip ninyo, tutulungan kayo ng Diyos na magkaroon ng tamang saloobin. 16  Gayunman, anumang antas ng pagsulong ang naabot na natin, patuloy tayong lumakad nang maayos sa gayong landasin. 17  Tularan ninyo akong lahat,+ mga kapatid, at patuloy na ituon ang inyong pansin sa mga namumuhay kaayon ng halimbawang iniwan namin sa inyo. 18  Dahil marami ang namumuhay na bilang kaaway ng pahirapang tulos ng Kristo. Madalas ko pa naman silang banggitin sa inyo noon, pero ngayon ay naiiyak na ako kapag binabanggit ko sila. 19  Pagkapuksa ang kahihinatnan nila, ang kanilang tiyan ang diyos nila,+ ipinagmamalaki nila ang mga dapat sanang ikahiya, at nakatuon ang isip nila sa makasanlibutang mga bagay.+ 20  Pero ang pagkamamamayan+ natin ay sa langit,+ at sabik nating hinihintay ang isang tagapagligtas mula roon, ang Panginoong Jesu-Kristo;+ 21  babaguhin niya ang mahinang katawan natin para maging gaya ng kaniyang maluwalhating katawan+ sa pamamagitan ng malakas na kapangyarihang gagamitin niya para ipasakop ang lahat ng bagay sa kaniyang sarili.+

Talababa

Lit., “sa mga aso.”
O posibleng “tinalikuran ko nang walang panghihinayang.”
Tingnan sa Glosari.
Lit., “naging perpekto na ako.”
O “na matibay ang pananampalataya.”

Study Notes

Laging magsaya dahil sa Panginoon: Hinimok ulit ni Pablo ang mga taga-Filipos na “magsaya dahil sa Panginoon.” (Tingnan ang study note sa Fil 3:1.) Ang titulong “Panginoon” sa kontekstong ito ay puwedeng tumukoy sa Diyos na Jehova o kay Jesu-Kristo, pero posibleng kinuha ni Pablo ang payo niya mula sa Hebreong Kasulatan, kaya masasabing tumutukoy ito kay Jehova.—Aw 32:11; 97:12.

patuloy kayong magsaya dahil sa Panginoon: Sa liham ni Pablo sa mga taga-Filipos, ilang beses niyang binanggit na masaya siya at pinasigla niya rin ang mga kapananampalataya niya na magsaya. (Fil 1:18; 2:17, 18, 28, 29; 4:1, 4, 10) Kahanga-hangang idinidiin ni Pablo ang pagiging masaya, dahil lumilitaw na isinulat niya ang liham na ito habang nakabilanggo siya sa sarili niyang bahay. Ang ekspresyong “dahil sa Panginoon” ay puwedeng mangahulugang “may kaugnayan sa [o “kaisa ng”] Panginoon.” Ang titulong “Panginoon” sa kontekstong ito ay puwedeng tumukoy sa Diyos na Jehova o kay Jesu-Kristo, pero posibleng kinuha ni Pablo ang payo niya mula sa Hebreong Kasulatan, kaya masasabing tumutukoy ito kay Jehova.—Aw 32:11; 97:12; tingnan ang “Introduksiyon sa Filipos” at study note sa Fil 4:4.

tayo ang mga tunay na tinuli: Ang pariralang ito ay puwedeng literal na isaling “tayo ang pagtutuli.” Tinutukoy dito ni Pablo ang mga Kristiyano, dahil sila lang ang grupo na tinuli ayon sa nag-iisang paraang sinasang-ayunan ng Diyos—ang pagtutuli sa puso. (Tingnan ang study note sa Ro 2:29.) Posibleng ginamit ni Pablo ang ekspresyong ito para ipakita ang kaibahan ng mga tunay na tinuli sa grupong binanggit niya sa naunang talata.—Tingnan ang study note sa Fil 3:2.

ibigay sa mga aso ang anumang banal . . . ihagis sa mga baboy ang inyong mga perlas: Ayon sa Kautusang Mosaiko, ang mga baboy at aso ay marumi. (Lev 11:7, 27) Puwedeng ibigay sa aso ang laman ng hayop na pinatay ng mabangis na hayop. (Exo 22:31) Pero ipinagbabawal ng tradisyong Judio na ibigay sa aso ang “banal na karne,” o karne ng hayop na inihandog. Sa Mat 7:6, ang mga terminong “aso” at “baboy” ay tumutukoy sa mga taong hindi mapagpahalaga sa espirituwal na kayamanan. Kung paanong walang halaga sa baboy ang perlas at puwede nitong saktan ang nagbigay nito, puwede ring saktan ng mga hindi nagpapahalaga sa espirituwal na kayamanan ang nagbibigay nito sa kanila.

Mag-ingat: Sa talatang ito, tatlong beses inulit ni Pablo ang pandiwang Griego na isinaling “mag-ingat,” na laging sinusundan ng salitang nagsisimula sa pare-parehong katinig na Griego. (Tingnan ang Kingdom Interlinear.) Ipinapakita ng ganitong istilo ng pagsulat na napakaimportante ng mensahe at kailangan itong sundin agad. Mapapansin din na ang tatlong paglalarawan niya sa mga nagsasapanganib sa pananampalataya ng mga taga-Filipos ay tinapatan niya sa sumunod na talata ng tatlo ring paglalarawan sa mga tapat.

maruruming tao: Lit., “mga aso.” Dito, ginamit ni Pablo sa makasagisag na paraan ang terminong “aso” para babalaan ang mga taga-Filipos laban sa huwad na mga guro. Marami sa mga gurong ito ang nagtataguyod ng Judaismo. Sa Kautusang Mosaiko, marumi ang mga aso, at madalas gamitin sa Kasulatan ang terminong ito sa negatibong diwa. (Lev 11:27; tingnan ang study note sa Mat 7:6.) Sa mga lunsod, kadalasan nang tira-tira lang ang kinakain ng mga aso, kaya para sa marami, partikular na sa mga nanghahawakan sa Kautusang Mosaiko, marumi ang kinakain ng mga hayop na ito. (Exo 22:31; 1Ha 14:11; 21:19; Kaw 26:11) Sa Hebreong Kasulatan, tinatawag kung minsan na mga aso ang mga kaaway ng tapat na mga lingkod ni Jehova. (Aw 22:16; 59:5, 6) Nang tawagin ni Pablo na aso ang huwad na mga guro, ipinapakita niya na marumi ang mga taong ito at hindi karapat-dapat na maging tagapagturo ng mga Kristiyano.

nagtataguyod ng pagtutuli: O “pumuputol ng laman.” Posibleng ginamit ni Pablo ang ekspresyong “pumuputol ng laman” para ipakita ang malaking kaibahan nila sa mga “tunay na tinuli” (lit., “pumuputol sa palibot”) sa sumunod na talata.—Tingnan ang study note sa Fil 3:3.

tayo ang mga tunay na tinuli: Ang pariralang ito ay puwedeng literal na isaling “tayo ang pagtutuli.” Tinutukoy dito ni Pablo ang mga Kristiyano, dahil sila lang ang grupo na tinuli ayon sa nag-iisang paraang sinasang-ayunan ng Diyos—ang pagtutuli sa puso. (Tingnan ang study note sa Ro 2:29.) Posibleng ginamit ni Pablo ang ekspresyong ito para ipakita ang kaibahan ng mga tunay na tinuli sa grupong binanggit niya sa naunang talata.—Tingnan ang study note sa Fil 3:2.

naglilingkod: O “nag-uukol ng sagradong paglilingkod; sumasamba.” Ang pandiwang Griego na la·treuʹo ay pangunahin nang nangangahulugang “maglingkod.” Sa Bibliya, tumutukoy ito sa paglilingkod sa Diyos o sa pagsasagawa ng anumang bagay na may kaugnayan sa pagsamba sa kaniya.—Mat 4:10; Luc 2:37; Gaw 7:7; Ro 1:9; 2Ti 1:3; Heb 9:14; Apo 22:3.

ang puso niya ay tinuli: Ang ‘pagtutuli’ ay ginagamit nang makasagisag sa Hebreo at Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Tingnan sa Glosari, “Pagtutuli.”) Ang ‘pagtutuli sa puso’ ay kahilingan ng Diyos kahit sa mga Israelita na literal na tinuli. Sa literal na pagkakasalin ng Deu 10:16 at 30:6 (tingnan ang mga tlb.), sinabi ni Moises sa Israel: “Tuliin na ninyo ang inyong mga puso,” at “tutuliin ng Diyos ninyong si Jehova ang puso ninyo at ng inyong mga supling.” Noong panahon ni Jeremias, pinaalalahanan niya ang masuwaying bansa na dapat na ganoon din ang gawin nila. (Jer 4:4) Ang “pagtutuli sa puso” ay “paglilinis” dito mula sa anumang kaisipan, kagustuhan, o motibo na marumi at hindi kalugod-lugod kay Jehova at nagiging dahilan para maging manhid ang puso. Gayundin, ang mga tainga na hindi nakikinig kay Jehova ay tinatawag na “di-tuli.”​—Jer 6:10, tlb.; tingnan ang study note sa Gaw 7:51.

nagtataguyod ng pagtutuli: O “pumuputol ng laman.” Posibleng ginamit ni Pablo ang ekspresyong “pumuputol ng laman” para ipakita ang malaking kaibahan nila sa mga “tunay na tinuli” (lit., “pumuputol sa palibot”) sa sumunod na talata.—Tingnan ang study note sa Fil 3:3.

ako ang talagang may dahilan para magtiwala sa laman: Sa paggamit ng salitang “laman,” ipinakita ni Pablo na sa mata ng tao, nakahihigit siya kung pagbabatayan ang mga bagay na binanggit niya sa Fil 3:5, 6.

mula sa tribo ni Benjamin: Sa talatang ito at sa Ro 11:1, binanggit ni Pablo na mula siya sa tribo ni Benjamin para idiin na isa talaga siyang Judio. Iginagalang na tribo ang Benjamin. Ganito ang inihula ng patriyarkang si Jacob bago siya mamatay tungkol sa mga inapo ni Benjamin: “Si Benjamin ay patuloy na manlalapa na tulad ng lobo. Kakainin niya sa umaga ang nahuling hayop, at hahatiin niya sa gabi ang samsam.” (Gen 49:27) Talaga namang maraming Benjaminita na mahusay na mandirigma. Matapang sila na gaya ng mga lobo, at ipinagtanggol nila ang bayan ni Jehova. May ilang Benjaminita na tumupad sa hulang ito “sa umaga,” o sa pasimula ng paghahari na itinatag ni Jehova sa Israel; tinupad naman ito ng ibang Benjaminita “sa gabi,” o nang magtapos na ang linya ng mga hari sa Israel. (1Sa 9:15-17; 1Cr 12:2; Es 2:5-7) Masasabi ring matapang na mandirigma si Pablo; sa espirituwal na pakikipagdigma niya, ipinagtanggol niya ang katotohanan laban sa maling mga turo at kaugalian. Tinuruan niya rin ang napakaraming Kristiyano kung paano maging mahusay na mandirigma sa espirituwal.—Efe 6:11-17.

isang Hebreo na may mga magulang na Hebreo: Ang punto dito ni Pablo ay katulad ng sinabi niya sa 2Co 11:22, kung saan idinidiin niya ang pagiging Judio niya. (Tingnan ang study note.) Sinasabi dito ni Pablo na isa siyang purong Hebreo at walang dugo na di-Judio. Posibleng sinabi ito ni Pablo bilang sagot sa huwad na mga guro na ipinagyayabang ang lahi nila at kumukuwestiyon sa pagiging Judio ni Pablo. Pero idiniin ni Pablo na hindi gaanong mahalaga sa kaniya ang lahi niya.—Tingnan ang study note sa Fil 3:7, 8.

kung tungkol sa kautusan, isang Pariseo: Tinutukoy dito ni Pablo ang edukasyong tinanggap niya sa Judaismo. Posibleng ang ibig niyang sabihin ay pinalaki siya ng mga magulang niya ayon sa turo ng mga Pariseo, na isa sa mga grupong nagtataguyod ng Judaismo. (Tingnan ang study note sa Gaw 23:6.) May iba pang mga Kristiyano na mga Pariseo din noon. Sa Gaw 15:5 (tingnan ang study note), sila ang tinutukoy na mga “dating miyembro ng sekta ng mga Pariseo.”

Hebreo . . . Israelita . . . Supling . . . ni Abraham: Ipinapaliwanag dito ni Pablo ang pinagmulan niyang lahi, posibleng dahil ipinagmamalaki ng ilan sa mga kritiko niya sa Corinto ang kanilang pagiging Judio. Una, binanggit niya na isa siyang Hebreo, posibleng para idiin na ninuno niya ang mga Judiong gaya nina Abraham at Moises. (Gen 14:13; Exo 2:11; Fil 3:4, 5) Posible ring sinabi niya na Hebreo siya dahil nakakapagsalita siya ng Hebreo. (Gaw 21:40–22:2; 26:14, 15) Ikalawa, binanggit ni Pablo na isa siyang Israelita, isang terminong tumutukoy minsan sa mga Judio. (Gaw 13:16; Ro 9:3, 4) Ikatlo, espesipikong binanggit ni Pablo na ninuno niya si Abraham. Idiniin niya na kasama siya sa mga tagapagmana ng mga pangako ng Diyos kay Abraham. (Gen 22:17, 18) Pero sinabi niya rin na hindi ito ang mga bagay na pinakamahalaga.—Fil 3:7, 8.

walang halaga . . . napakahalaga: Sa orihinal na Griego, mga terminong pangnegosyo ang ginamit dito ni Pablo para tukuyin ang mga iniisip niya noon na lamáng niya sa ibang tao. Pinalaki siya bilang isang Judiong Pariseo. (Fil 3:5, 6) Nasa kaniya ang lahat ng karapatan at probisyon para sa isang mamamayang Romano. (Gaw 22:28) Tumanggap siya ng mataas na edukasyon bilang estudyante ni Gamaliel, at matatas siya sa Griego at Hebreo; posible ring nagkaroon siya ng prominenteng posisyon sa Judaismo. (Gaw 21:37, 40; 22:3) Pero tinalikuran ni Pablo ang lahat ng iyon. Itinuring niya iyon na walang halaga at naging isa siyang masigasig na tagasunod ni Kristo. Ang ginawa ni Pablo ay kaayon ng payo ni Jesus sa mga alagad niya—dapat nilang pag-isipan kung ano talaga ang importante sa buhay nila.—Mat 16:26.

basura: Dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang terminong isinaling “basura.” Puwede rin itong isaling “dumi ng hayop.” Sa paggamit nito, ipinakita ni Pablo kung ano na lang ang tingin niya sa mga tagumpay at tunguhing gustong-gusto niyang maabót noon bago siya maging Kristiyano. (Tingnan ang study note sa Fil 3:5.) Sinabi niya kung gaano siya kadeterminadong huwag nang balikan at panghinayangan ang lahat ng tinalikuran niya noon. Kung napakahalaga sa kaniya noon ng mga bagay na ito, basura na lang ang tingin niya dito ngayon kung ikukumpara sa “nakahihigit na halaga ng kaalaman tungkol kay Kristo Jesus.”

ako ay isang Pariseo: Kilala si Pablo ng ilan sa mga tagapakinig niya. (Gaw 22:5) Nang tawagin ni Pablo ang kaniyang sarili na anak ng mga Pariseo, alam nilang nagsasabi siya ng totoo. Tiyak na naintindihan ng mga Pariseo sa Sanedrin na kinikilala niyang naging Pariseo rin siya noon tulad nila kahit masigasig na siyang Kristiyano ngayon. Pero sa kontekstong ito, lumilitaw na tinawag niya ang sarili niya na isang Pariseo dahil naniniwala rin siya sa pagkabuhay-muli, di-gaya ng mga Saduceo. Dahil sa ginawa niya, nagkaroon sila ng puntong mapagkakasunduan ng mga Pariseong naroon. Malamang na iniisip niya na kung ibabangon niya ang kontrobersiyal na isyung iyon, makikisimpatiya sa kaniya ang ilang miyembro ng Sanedrin, at ganoon nga ang nangyari. (Gaw 23:7-9) Ang sinabi ni Pablo sa Gaw 23:6 ay kaayon din ng paglalarawan niya sa sarili niya noong ipagtanggol niya ang kaniyang sarili sa harap ni Haring Agripa. (Gaw 26:5) At nang sumulat siya sa mga Kristiyano sa Filipos noong nasa Roma siya, binanggit ulit niya na siya ay isang Pariseo. (Fil 3:5) Kapansin-pansin din kung paano inilarawan sa Gaw 15:5 ang iba pang Kristiyano na dating mga Pariseo.—Tingnan ang study note sa Gaw 15:5.

dating miyembro ng sekta ng mga Pariseo: Lumilitaw na ang mga Kristiyanong ito ay naiuugnay pa rin sa pagiging Pariseo nila noon.—Ihambing ang study note sa Gaw 23:6.

walang halaga . . . napakahalaga: Sa orihinal na Griego, mga terminong pangnegosyo ang ginamit dito ni Pablo para tukuyin ang mga iniisip niya noon na lamáng niya sa ibang tao. Pinalaki siya bilang isang Judiong Pariseo. (Fil 3:5, 6) Nasa kaniya ang lahat ng karapatan at probisyon para sa isang mamamayang Romano. (Gaw 22:28) Tumanggap siya ng mataas na edukasyon bilang estudyante ni Gamaliel, at matatas siya sa Griego at Hebreo; posible ring nagkaroon siya ng prominenteng posisyon sa Judaismo. (Gaw 21:37, 40; 22:3) Pero tinalikuran ni Pablo ang lahat ng iyon. Itinuring niya iyon na walang halaga at naging isa siyang masigasig na tagasunod ni Kristo. Ang ginawa ni Pablo ay kaayon ng payo ni Jesus sa mga alagad niya—dapat nilang pag-isipan kung ano talaga ang importante sa buhay nila.—Mat 16:26.

basura: Dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang terminong isinaling “basura.” Puwede rin itong isaling “dumi ng hayop.” Sa paggamit nito, ipinakita ni Pablo kung ano na lang ang tingin niya sa mga tagumpay at tunguhing gustong-gusto niyang maabót noon bago siya maging Kristiyano. (Tingnan ang study note sa Fil 3:5.) Sinabi niya kung gaano siya kadeterminadong huwag nang balikan at panghinayangan ang lahat ng tinalikuran niya noon. Kung napakahalaga sa kaniya noon ng mga bagay na ito, basura na lang ang tingin niya dito ngayon kung ikukumpara sa “nakahihigit na halaga ng kaalaman tungkol kay Kristo Jesus.”

kung tungkol sa kautusan, isang Pariseo: Tinutukoy dito ni Pablo ang edukasyong tinanggap niya sa Judaismo. Posibleng ang ibig niyang sabihin ay pinalaki siya ng mga magulang niya ayon sa turo ng mga Pariseo, na isa sa mga grupong nagtataguyod ng Judaismo. (Tingnan ang study note sa Gaw 23:6.) May iba pang mga Kristiyano na mga Pariseo din noon. Sa Gaw 15:5 (tingnan ang study note), sila ang tinutukoy na mga “dating miyembro ng sekta ng mga Pariseo.”

katuwirang mula sa pananampalataya kay Kristo: Tingnan ang study note sa Gal 2:16.

ipinahahayag na matuwid: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pandiwang di·kai·oʹo at ang kaugnay nitong mga pangngalang di·kaiʹo·ma at di·kaiʹo·sis, na karaniwang isinasaling “ipagtanggol” o “pagtatanggol,” ay pangunahin nang nangangahulugang napawalang-sala ang isa kaya siya ay ipinahahayag at itinuturing nang matuwid. (Tingnan ang study note sa Ro 3:24.) Ang ilan sa mga kongregasyon sa Galacia ay naiimpluwensiyahan ng mga tagapagtaguyod ng Judaismo, na nagsisikap na patunayan ang kanilang pagiging matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan ni Moises. (Gal 5:4; tingnan ang study note sa Gal 1:6.) Pero idiniin ni Pablo na sa pamamagitan lang ng pananampalataya kay Jesu-Kristo puwedeng magkaroon ng matuwid na katayuan ang isa sa harap ng Diyos. Isinakripisyo ni Jesus ang perpekto niyang buhay, at dahil diyan, maipapahayag ng Diyos na matuwid ang lahat ng mananampalataya kay Kristo.—Ro 3:19-24; 10:3, 4; Gal 3:10-12, 24.

maranasan ang kamatayang katulad ng sa kaniya: Ang kamatayan ng pinahirang mga Kristiyano ay katulad ng kay Jesus dahil pinili nila ang buhay na punô ng pagsasakripisyo, at kasama sa isasakripisyo nila ang pag-asa nilang mabuhay nang walang hanggan sa lupa. Gaya ni Jesus, nananatili silang tapat sa harap ng pagsubok sa buong buhay nila, kahit na ang ilan sa kanila ay nalalagay sa bingit ng kamatayan araw-araw. Dahil sa ganitong paraan ng pamumuhay, mapapanatili nila ang katapatan nila hanggang kamatayan, gaya ni Kristo. At bubuhayin silang muli bilang espiritu.—Mar 10:38, 39; Ro 6:4, 5; tingnan ang study note sa Ro 6:3.

binautismuhan sa kaniyang kamatayan: O “inilubog sa kaniyang kamatayan.” Ginamit dito ni Pablo ang terminong Griego na ba·ptiʹzo (ilublob; ilubog). Nang mabautismuhan si Jesus sa tubig noong 29 C.E., nagsimula rin ang isa pang bautismo niya, ang mapagsakripisyong paraan ng pamumuhay niya na inilarawan sa Mar 10:38. (Tingnan ang study note.) Nagpatuloy ang bautismong ito sa buong ministeryo niya. Natapos ito nang patayin siya noong Nisan 14, 33 C.E., at buhaying muli makalipas ang tatlong araw. Nang banggitin ni Jesus ang tungkol sa bautismong ito, sinabi niya na “ang pinagdadaanan [niyang] bautismo ay pagdadaanan” din ng mga tagasunod niya. (Mar 10:39) Ang mga pinahirang miyembro ng kongregasyon, o ng katawan ni Kristo, ay ‘binautismuhan sa kamatayan’ ni Jesus, dahil gaya niya, magiging mapagsakripisyo rin ang paraan ng pamumuhay nila at kasama sa isasakripisyo nila ang pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa. Magpapatuloy ang bautismong ito sa buong buhay nila habang nananatili silang tapat sa harap ng mga pagsubok. Matatapos ito kapag namatay sila at binuhay-muli bilang mga espiritu.​—Ro 6:4, 5.

nang mas maaga ang pagkabuhay-muli: Sa maraming Bibliya, isinalin lang itong “ang pagkabuhay-muli.” Pero hindi ginamit dito ni Pablo ang salitang Griego na karaniwang ginagamit para sa pagkabuhay-muli (a·naʹsta·sis). Gumamit siya ng isang kaugnay na salita (e·xa·naʹsta·sis; lit., “naunang pagkabuhay-muli,” Kingdom Interlinear) na dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Dahil diyan, iniisip ng ilang iskolar na tumutukoy ito sa isang espesyal na pagkabuhay-muli. Sa mga klasikal na literaturang Griego, tumutukoy ito sa pagbangon nang maaga. Ang paggamit dito ni Pablo ng naiibang termino ay nagpapakita na mas maagang pagkabuhay-muli ang nasa isip niya (1Co 15:23; 1Te 4:16), bago ang pagkabuhay-muli sa lupa (Ju 5:28, 29; Gaw 24:15). Tinatawag din itong “unang pagkabuhay-muli,” at tumutukoy ito sa pagbuhay-muli sa mga pinahirang tagasunod ni Kristo tungo sa langit.—Apo 20:4-6.

Kristo Jesus: Inalis sa ilang manuskrito ang “Jesus,” pero kung pagbabatayan ang iba pang manuskrito, mas matibay ang basehan ng saling ito.

kung tungkol sa kautusan, isang Pariseo: Tinutukoy dito ni Pablo ang edukasyong tinanggap niya sa Judaismo. Posibleng ang ibig niyang sabihin ay pinalaki siya ng mga magulang niya ayon sa turo ng mga Pariseo, na isa sa mga grupong nagtataguyod ng Judaismo. (Tingnan ang study note sa Gaw 23:6.) May iba pang mga Kristiyano na mga Pariseo din noon. Sa Gaw 15:5 (tingnan ang study note), sila ang tinutukoy na mga “dating miyembro ng sekta ng mga Pariseo.”

basura: Dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang terminong isinaling “basura.” Puwede rin itong isaling “dumi ng hayop.” Sa paggamit nito, ipinakita ni Pablo kung ano na lang ang tingin niya sa mga tagumpay at tunguhing gustong-gusto niyang maabót noon bago siya maging Kristiyano. (Tingnan ang study note sa Fil 3:5.) Sinabi niya kung gaano siya kadeterminadong huwag nang balikan at panghinayangan ang lahat ng tinalikuran niya noon. Kung napakahalaga sa kaniya noon ng mga bagay na ito, basura na lang ang tingin niya dito ngayon kung ikukumpara sa “nakahihigit na halaga ng kaalaman tungkol kay Kristo Jesus.”

kasali sa takbuhan: Mahalagang bahagi ng kulturang Griego ang paligsahan ng mga atleta, kaya epektibong nagamit ni Pablo ang mga paligsahang ito sa mga ilustrasyon niya. (1Co 9:24-27; Fil 3:14; 2Ti 2:5; 4:7, 8; Heb 12:1, 2) Pamilyar ang mga Kristiyano sa Corinto sa Palarong Isthmian na ginaganap malapit sa lunsod nila. Nagkakaroon ng ganitong palaro kada dalawang taon. Malamang na nasa Corinto si Pablo nang idaos ang palarong ito noong 51 C.E. Ikalawa ito sa pinakasikat na palaro noon, ang Olympics na ginaganap sa Olympia sa Gresya. Iba-iba ang haba ng tinatakbo ng mga kasali sa ganitong mga palarong Griego. Sa paggamit ni Pablo ng mananakbo at boksingero sa mga ilustrasyon niya, naituro niya ang kahalagahan ng pagpipigil sa sarili, pagiging epektibo, at pagtitiis.—1Co 9:26.

takbuhan: Ang terminong Griego na staʹdi·on ay isinalin ditong “takbuhan.” Ang salitang Griegong ito ay puwedeng tumukoy sa istraktura na ginagamit para sa takbuhan at iba pang malalaking pagtitipon, sa isang sukat ng distansiya, o sa mismong takbuhan. Sa kontekstong ito, ang mismong takbuhan ang tinutukoy ni Pablo. Iba-iba ang haba ng Griegong staʹdi·on, depende sa lugar. Sa Corinto, ito ay mga 165 m (540 ft). Ang Romanong estadyo naman ay mga 185 m, o 606.95 ft.—Tingnan ang Ap. B14.

gantimpala ng makalangit na pagtawag: Alam ni Pablo na gaya ng mga kapuwa niya pinahirang Kristiyano, may pag-asa siyang mamahala sa Mesiyanikong Kaharian sa langit kasama ni Kristo. (2Ti 2:12; Apo 20:6) Ang “makalangit na pagtawag” ay tumutukoy sa paanyaya na maging bahagi ng Kaharian sa langit. Pero kailangan ng “mga kabahagi sa makalangit na pagtawag [o “paanyaya,” tlb.]” (Heb 3:1, 2) na manatiling “tapat” sa pagtawag na iyon (Apo 17:14) “para matiyak na mananatili [silang] kasama sa mga tinawag at pinili.” (2Pe 1:10) Kapag ginawa nila iyan, saka lang nila makukuha ang “gantimpala” ng pagtawag sa kanila.—Tingnan ang study note sa Fil 3:20.

Hindi ko na inaalaala ang mga bagay na nasa likuran: Ang salitang Griegong ginamit ni Pablo na isinalin ditong “hindi . . . na inaalaala” ay puwedeng mangahulugang “wala nang pakialam.” Hindi naman talaga nakalimutan ni Pablo ang “mga bagay na nasa likuran,” dahil kababanggit pa lang niya ng ilan sa mga ito. (Tingnan ang study note sa Fil 3:5.) Nangangahulugan lang ito na nang maging Kristiyano si Pablo, nagpokus na siya sa mga bagay na nasa unahan, kung paanong nakapokus ang isang mananakbo sa unahan at hindi na tinitingnan ang nadaanan na niya. (Tingnan ang study note sa buong lakas akong tumatakbo para sa mga bagay na nasa unahan sa talatang ito.) Ang desisyon ni Pablo na magpokus sa unahan ay nakatulong sa kaniya na malimutan ang “mga bagay na nasa likuran,” o ang mga tunguhing gustong-gusto niyang maabót noon at ang posisyong nakamit niya dahil sa pagiging panatiko sa Judaismo. Hindi na niya iniisip ang mga ito dahil wala nang halaga ang mga ito sa kaniya.—Tingnan ang study note sa Fil 3:8.

buong lakas akong tumatakbo para sa mga bagay na nasa unahan: Makikita sa pananalita ni Pablo na ikinukumpara niya ang sarili niya sa isang mananakbo, posibleng sa isang atleta sa mga palarong Griego. (Tingnan ang mga study note sa 1Co 9:24.) Pamilyar sa mga Griego at Romano ang ganitong paglalarawan; karaniwan nang may mga estatuwa noon ng mga mananakbo, at makikita rin ang larawan nila sa mga banga. Hindi dapat tumingin sa likuran ang isang mananakbo dahil babagal siya. Ginamit din ng manunulat na Griego noong ikalawang siglo na si Lucian ang ganitong ilustrasyon. Sinabi niya: “Kapag ibinaba na ang harang sa [simula ng] takbuhan, wala nang ibang nasa isip ang isang mahusay na mananakbo kundi ang umabante, maabot ang dulo ng takbuhan, at umasa sa lakas ng mga binti niya para manalo.” Ibibigay ng mananakbo ang buo niyang makakaya para matapos ang takbuhan. Nagpokus si Pablo, hindi sa mga tunguhin sa sanlibutan na iniwan na niya, kundi sa gantimpalang nasa harapan niya.—Tingnan ang study note sa Fil 3:14.

gantimpala ng makalangit na pagtawag: Alam ni Pablo na gaya ng mga kapuwa niya pinahirang Kristiyano, may pag-asa siyang mamahala sa Mesiyanikong Kaharian sa langit kasama ni Kristo. (2Ti 2:12; Apo 20:6) Ang “makalangit na pagtawag” ay tumutukoy sa paanyaya na maging bahagi ng Kaharian sa langit. Pero kailangan ng “mga kabahagi sa makalangit na pagtawag [o “paanyaya,” tlb.]” (Heb 3:1, 2) na manatiling “tapat” sa pagtawag na iyon (Apo 17:14) “para matiyak na mananatili [silang] kasama sa mga tinawag at pinili.” (2Pe 1:10) Kapag ginawa nila iyan, saka lang nila makukuha ang “gantimpala” ng pagtawag sa kanila.—Tingnan ang study note sa Fil 3:20.

pagkamamamayan natin: Isang kolonya ng Roma ang lunsod ng Filipos, at maraming benepisyo ang mga tagarito. (Tingnan ang study note sa Gaw 16:12, 21.) Posibleng ang ilang miyembro ng kongregasyon sa Filipos ay may pagkamamamayang Romano, na talagang pinahahalagahan ng mga tao noon. Malaki ang kaibahan noon ng mga mamamayang Romano at hindi. Pero ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang pagkamamamayan sa langit, na di-hamak na nakahihigit. (Efe 2:19) Hinimok ni Pablo ang pinahirang mga Kristiyano na magpokus, hindi sa mga bagay sa lupa (Fil 3:19), kundi sa buhay na naghihintay sa kanila bilang “mamamayan” ng langit.—Tingnan ang study note sa Fil 1:27.

patuloy tayong lumakad nang maayos sa gayong landasin: Ang pandiwang Griego na isinalin ditong “lumakad nang maayos sa gayong landasin” ay pangunahin nang nangangahulugang “pumila.” Isa rin itong terminong pangmilitar noon na tumutukoy sa maayos at sabay-sabay na pagmamartsa ng mga sundalo na nasa unahan ng hukbo. Pero nang maglaon, nangangahulugan na rin itong “sumunod sa; maging kaayon ng; manghawakan sa” isang landasin o pamantayan. Maliwanag na ang nasa isip ni Pablo ay isang paraan ng pamumuhay na tuloy-tuloy ang pagsulong. Kailangan ng mga taga-Filipos na patuloy na mamuhay bilang Kristiyano at manghawakan sa mga katotohanan at pamantayang natutuhan nila. Ang ekspresyong “lumakad nang maayos” ay ginagamit din para isalin ang iba pang paglitaw ng pandiwang Griegong ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.—Gal 5:25, tlb.; Gal 6:16.

kaaway ng pahirapang tulos ng Kristo: Tumutukoy ito sa mga dating Kristiyano na tumalikod sa pananampalataya nila at namuhay sa makasalanan at makasariling paraan. Kaya naman naging kaaway sila ng tunay na pagsamba. (Fil 3:19) Dito, ang terminong “pahirapang tulos” (sa Griego, stau·rosʹ) ay lumalarawan sa sakripisyong ginawa ni Jesus nang mamatay siya sa tulos. (Tingnan sa Glosari, “Tulos”; “Pahirapang tulos.”) Namatay si Jesus sa ganitong paraan para mapalaya ang mga tao sa pagkaalipin sa kasalanan at magkaroon ng magandang kaugnayan sa Diyos. Pero makikita sa mga ginagawa ng mga “kaaway ng pahirapang tulos” na hindi nila pinapahalagahan ang mga pagpapalang resulta ng kamatayan ni Jesus.—Heb 10:29.

kahihinatnan: O “ganap na wakas.” Ibig sabihin, “pagkapuksa” ang kahihinatnan ng mga “kaaway ng pahirapang tulos ng Kristo.”—Fil 3:18.

ang kanilang tiyan ang diyos nila: Ang salitang Griego na koi·liʹa, na isinalin ditong “tiyan,” ay literal na tumutukoy sa sikmura o mga lamang-loob ng isang tao. Pero dito, ginamit ito sa makasagisag na paraan para tumukoy sa makalamang pagnanasa. (Tingnan ang study note sa Ro 16:18.) Sa mga Griegong palabas sa teatro noong panahon ni Pablo, may tinutukoy na “diyos na tiyan,” at sinasabi ng mga karakter sa palabas na iyon na ang tiyan nila ang “pinakadakilang diyos.” Binabatikos ng Latinong pilosopo na si Seneca, na kakontemporaryo ni Pablo, ang mga taong “alipin ng kanilang tiyan.” Lumilitaw na para sa mga taong binanggit ni Pablo sa Fil 3:18, mas mahalagang masapatan ang makalamang pagnanasa nila kaysa makapaglingkod kay Jehova. May ilan na posibleng naging napakatakaw at lasenggo. (Kaw 23:20, 21; ihambing ang Deu 21:18-21.) Baka inuna naman ng iba noong unang siglo ang mga ambisyon nila sa halip na ang paglilingkod kay Jehova. Sinasabi rin ng ilang iskolar na posibleng tinutukoy dito ni Pablo ang mga mahigpit na sumusunod sa mga kautusang Judio pagdating sa pagkain. Masyado silang nakapokus sa pagsunod sa mga kautusang iyon kaya para bang naging diyos na nila ang pagkain, dahil iyon na ang naging pinakamahalaga sa kanila.

pagnanasa: O “tiyan.” Ang salitang Griego na koi·liʹa ay literal na tumutukoy sa “sikmura” o mga lamang-loob ng isang tao. Dito at sa Fil 3:19, ginamit ito sa makasagisag na paraan para tumukoy sa makalamang pagnanasa. Ipinaliwanag ni Pablo na ang mga taong nagpapaalipin sa “sarili nilang mga pagnanasa” ay hindi puwedeng maging “alipin ng ating Panginoong Kristo.” Sa Fil 3:19, inilarawan ang mga taong ginagawang diyos ang “kanilang tiyan,” o kanilang makalamang pagnanasa.

pagkamamamayan natin: Isang kolonya ng Roma ang lunsod ng Filipos, at maraming benepisyo ang mga tagarito. (Tingnan ang study note sa Gaw 16:12, 21.) Posibleng ang ilang miyembro ng kongregasyon sa Filipos ay may pagkamamamayang Romano, na talagang pinahahalagahan ng mga tao noon. Malaki ang kaibahan noon ng mga mamamayang Romano at hindi. Pero ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang pagkamamamayan sa langit, na di-hamak na nakahihigit. (Efe 2:19) Hinimok ni Pablo ang pinahirang mga Kristiyano na magpokus, hindi sa mga bagay sa lupa (Fil 3:19), kundi sa buhay na naghihintay sa kanila bilang “mamamayan” ng langit.—Tingnan ang study note sa Fil 1:27.

kumilos: Ang pandiwang Griego na ginamit dito ni Pablo ay kaugnay ng mga salitang Griego para sa “pagkamamamayan” (Fil 3:20) at “mamamayan” (Gaw 21:39). Karaniwan nang aktibong nakikipagtulungan sa Estado ang mga mamamayang Romano dahil napakahalaga sa kanila ng kanilang pagkamamamayan at alam nilang ang mga pribilehiyo nila ay may kasamang mga pananagutan. (Gaw 22:25-30) Kaya nang gamitin ni Pablo ang isang anyo ng pandiwang ito may kaugnayan sa pagkilos nang nararapat para sa mabuting balita tungkol sa Kristo, tinutukoy niya ang pakikibahagi sa mga gawain ng isang Kristiyano, lalo na sa paghahayag ng mabuting balita. Malamang na naiintindihan ng mga taga-Filipos ang punto ni Pablo tungkol sa aktibong pakikibahagi dahil nakatanggap din sila ng isang uri ng pagkamamamayan mula sa Roma.—Tingnan ang study note sa Gaw 23:1; Fil 3:20.

mga Romano tayo: Isang kolonya ng Roma ang lunsod ng Filipos, at maraming benepisyo ang mga tagarito, posibleng kasama na ang pagkakaroon ng pangalawahing uri ng pagkamamamayang Romano. Ito ang posibleng dahilan kung bakit gustong-gusto nila ang Roma kahit na sinakop sila nito.—Tingnan ang study note sa Gaw 16:12.

Filipos: Ang lunsod na ito ay dating tinatawag na Crenides (Krenides). Kinuha ni Felipe II ng Macedon (ama ni Alejandrong Dakila) ang lunsod mula sa mga taga-Tracia noong kalagitnaan ng ikaapat na siglo B.C.E. at ipinangalan ito sa sarili niya. Maraming minahan ng ginto sa lugar na ito, at gumawa sila ng mga baryang ginto sa utos ni Felipe. Noong mga 168 B.C.E., tinalo ng Romanong konsul na si Lucio Aemilio Paulo si Perseus, ang huling hari ng Macedonia, at kinuha niya ang Filipos at ang nakapalibot na mga teritoryo. Noong 146 B.C.E., ginawang lalawigan ng Roma ang buong Macedonia. Naganap sa Kapatagan ng Filipos noong 42 B.C.E. ang labanan kung saan tinalo nina Octavian (Octavio) at Mark Antony ang mga hukbo nina Brutus at Gaius Cassius Longinus, ang mga pumatay kay Julio Cesar. Para alalahanin ang malaking tagumpay ni Octavian, ginawa niyang kolonya ng Roma ang Filipos. Pagkalipas ng ilang taon, nang gawin siyang Cesar Augusto ng Senado ng Roma, pinangalanan niya ang lunsod na ito na Colonia Augusta Julia Philippensis.—Tingnan ang Ap. B13.

babaguhin niya ang mahinang katawan natin para maging gaya ng kaniyang maluwalhating katawan: Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang pagbabagong kailangang mangyari sa pinahirang mga Kristiyano para maging posible na mabuhay sila sa langit bilang espiritu at maging kasamang tagapagmana ng Panginoong Jesu-Kristo. Kailangan muna nilang mamatay bilang tao. Pagkatapos, sa itinakdang panahon ng Diyos, bubuhayin silang muli na may isang bagong katawan na ibang-iba sa dati. (2Co 5:1, 2) Magkakaroon sila ng isang katawang espiritu na di-nasisira, at magiging imortal sila. (1Co 15:42-44, 53; tingnan ang study note sa 1Co 15:38.) Ganiyan ang kailangang mangyari sa mahina at di-perpektong katawan nila para ito ay “maging gaya ng” (lit., “maiayon sa”) maluwalhating espiritung katawan ni Kristo.—Ro 8:14-18; 1Ju 3:2.

binibigyan ito ng Diyos ng katawan: Ipinagpatuloy dito ni Pablo ang ilustrasyon tungkol sa pagtubo ng binhi bilang paglalarawan sa pagbuhay-muli sa mga pinahirang Kristiyano. (Tingnan ang study note sa 1Co 15:36.) Ginamit niyang halimbawa ang maliit na binhi ng trigo na malayong-malayo ang hitsura sa halamang uusbong mula rito. ‘Namamatay’ ang binhi at nagiging halaman. (1Co 15:36, 37) Sa katulad na paraan, mamamatay din muna bilang tao ang mga pinahirang Kristiyano. At sa itinakdang panahon ng Diyos, bubuhayin niya silang muli at bibigyan ng isang bagong katawan na ibang-iba sa dati. (2Co 5:1, 2; Fil 3:20, 21) Magkakaroon sila ng espiritung katawan na puwedeng mabuhay sa langit.—1Co 15:44; 1Ju 3:2.

Media

Pagkamamamayang Romano
Pagkamamamayang Romano

Makikita rito ang isa sa dalawang bahagi ng bronseng dokumento na inilabas noong 79 C.E. Mababasa sa dokumentong ito na iginagawad ang pagkamamamayang Romano sa isang mandaragat na malapit nang magretiro, sa asawa niya, at sa kanilang anak. Ang dalawang bahagi nito ay pinagsama at tinatakan. May ilan na mamamayang Romano na pagkasilang pa lang, pero ang iba ay ginagawaran lang nito. (Tingnan ang study note sa Gaw 22:28.) Sa anumang paraan nakuha ng isang tao ang pagkamamamayang Romano, napakahalaga ng mga dokumentong ito, dahil magagamit niya itong patunay ng pagkamamamayan niya para makakuha ng mga benepisyo. Pero may binabanggit si Pablo na pagkamamamayang di-hamak na nakahihigit, “ang pagkamamamayan . . . sa langit.”—Fil 3:20.