Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mapananatili Mo ba ang Iyong Katapatan?

Mapananatili Mo ba ang Iyong Katapatan?

Mapananatili Mo ba ang Iyong Katapatan?

“Hanggang sa pumanaw ako ay hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan!”​—JOB 27:5.

1, 2. Ano ang dapat nating pagsikapang gawin, at anu-anong tanong ang ating isasaalang-alang?

 GUNIGUNIHIN mong nakatingin ka sa plano ng isang bahay. Manghang-mangha ka sa pagiging praktikal ng disenyo nito. Nasisiyahan kang isipin kung paano ka makikinabang at ang iyong pamilya sa bahay na iyon. Pero hindi ka ba sasang-ayon na bale-wala ang mga planong iyon at anumang pakinabang na naiisip mo malibang aktuwal na pagsikapan mong itayo ang bahay, tumira doon, at mantinihin ito?

2 Sa katulad na paraan, maaaring batid natin na napakahalagang katangian ang katapatan o integridad anupat iniisip na magdudulot ito ng malaking kabutihan sa atin at sa mga mahal natin sa buhay. Pero bale-wala rin ang pag-iisip ng tungkol sa katapatan kung hindi natin aktuwal na pagsisikapang maging tapat sa Diyos. Sa ngayon, kadalasan nang nangangailangan ng malaking halaga ang literal na pagtatayo ng bahay. (Luc. 14:28, 29) Sa gayunding paraan, kailangan ng panahon at pagsisikap para maging tapat sa Diyos pero sulit na sulit naman ito. Kaya isaalang-alang natin ang tatlong tanong na ito: Paano natin maipapakita ang ating katapatan sa Diyos? Paano natin mapananatili ang ating katapatan bilang Kristiyano? Ano ang maaaring gawin ng isa kung hindi niya napanatili ang kaniyang katapatan?

Paano Natin Maipapakita ang Ating Katapatan sa Diyos?

3, 4. (a) Sa paanong paraan tayo tinutulungan ni Jehova na maging tapat sa kaniya? (b) Paano natin maipapakita ang katapatan gaya ng ginawa ni Jesus?

3 Natutuhan natin sa nakaraang artikulo na pinagkalooban tayo ni Jehova ng karapatang magpasiya kung magiging tapat tayo sa kaniya o hindi. Gayunman, hindi naman niya tayo basta na lamang pinabayaan sa bagay na ito. Tinuturuan niya tayo kung paano natin maipapakita ang mahalagang katangiang ito, at may-kabaitan niya tayong binibigyan ng kaniyang banal na espiritu para maikapit natin sa ating buhay ang kaniyang mga itinuturo. (Luc. 11:13) Naglalaan din siya ng espirituwal na proteksiyon sa mga nagsisikap lumakad sa katapatan.​—Kaw. 2:7.

4 Paano tayo tinuturuan ni Jehova na maging tapat sa kaniya? Pangunahin nang sa pamamagitan ng pagsusugo sa lupa ng kaniyang Anak, si Jesus. Lubusang sumunod si Jesus sa Diyos. Siya ay “naging masunurin hanggang sa kamatayan.” (Fil. 2:8) Sa lahat ng kaniyang ginawa, sinunod ni Jesus ang kaniyang makalangit na Ama kahit na napakahirap nitong gawin. “Maganap nawa, hindi ang kalooban ko, kundi ang sa iyo,” ang sinabi niya kay Jehova. (Luc. 22:42) Dapat nating tanungin ang ating sarili, ‘Ganiyan din ba ang aking saloobin sa pagsunod?’ Sa pamamagitan ng pagiging masunurin na may tamang motibo, mapananatili natin ang ating katapatan. Isaalang-alang natin ang ilang pitak sa ating buhay kung saan napakahalaga ng pagsunod.

5, 6. (a) Paano idiniin ni David ang kahalagahan na mapanatili ang ating katapatan kahit na hindi tayo nakikita ng ibang tao? (b) Anong hamon may kaugnayan sa katapatan ang napapaharap sa mga Kristiyano sa ngayon kapag sila ay nag-iisa?

5 Dapat nating sundin si Jehova kahit waring hindi tayo nakikita ng iba. Alam ng salmistang si David ang kahalagahan ng katapatan sa mga pagkakataong maaaring nag-iisa siya. (Basahin ang Awit 101:2.) Bilang hari, laging nakikihalubilo si David sa mga tao. Kaya hindi niya maiwasan na mapagmasdan siya ng daan-daan o libu-libo pa ngang mga tao. (Ihambing ang Awit 26:12.) Mahalagang panatilihin ang katapatan sa gayong mga pagkakataon yamang kailangang maging mabuting halimbawa ang hari para sa kaniyang mga nasasakupan. (Deut. 17:18, 19) Gayunman, alam ni David na kailangan pa rin niyang lumakad sa katapatan kahit na maaaring nag-iisa siya​—‘sa loob ng kaniyang bahay.’ Kumusta naman tayo?

6 Ganito ang mga salita ni David sa Awit 101:3: “Hindi ako maglalagay sa harap ng aking mga mata ng anumang walang-kabuluhang bagay.” Sa ngayon, maraming pagkakataon na napapaharap tayo sa mga walang-kabuluhang bagay lalo na kapag tayo ay nag-iisa. Hinggil sa bagay na ito, nagiging hamon para sa marami ang paggamit ng Internet. Madali itong makatukso sa atin na tumingin sa malaswa at pornograpikong materyal. Pero ang paggawa ba nito ay nagpapakita ng pagsunod sa Diyos na siyang pumatnubay kay David para isulat ang mga salitang iyon? Talagang nakapipinsala ang pornograpya dahil pinupukaw nito ang mali at sakim na pagnanasa, ginagawang manhid ang budhi, sinisira ang pagsasama ng mag-asawa, at pinabababa ang moral ng lahat ng sangkot dito.​—Kaw. 4:23; 2 Cor. 7:1; 1 Tes. 4:3-5.

7. Anong simulain ang makatutulong sa atin para mapanatili natin ang ating katapatan kapag nag-iisa?

7 Sabihin pa, walang lingkod ni Jehova ang talagang nag-iisa. Maibigin tayong pinagmamasdan ng ating makalangit na Ama. (Basahin ang Awit 11:4.) Tiyak na tuwang-tuwa si Jehova kapag nakikita niyang nilalabanan mo ang tukso! Sa paggawa mo nito, sinusunod mo ang babalang ipinahihiwatig ng mga salita ni Jesus sa Mateo 5:28. Kung gayon, maging determinado na huwag tumingin sa mga larawang tutukso sa iyo na magkasala. Huwag mong ipagpalit ang iyong napakahalagang katapatan sa kahiya-hiyang pagtingin o pagbabasa ng pornograpya!

8, 9. (a) Paano nasubok ang katapatan ni Daniel at ng kaniyang mga kasama? (b) Paano napasasaya ng mga kabataang Kristiyano sa ngayon si Jehova at ang kanilang kapuwa mga Kristiyano?

8 Maipapakita rin natin ang ating katapatan sa pamamagitan ng pagsunod kay Jehova kahit na mga di-kapananampalataya ang kasama natin. Isipin si Daniel at ang kaniyang tatlong kasama. Bilang mga kabataan, sila ay dinalang bihag sa Babilonya. Karamihan sa mga kasama nila roon ay mga di-mananampalataya na may kaunti o wala pa ngang alam tungkol kay Jehova. Ang apat na Hebreong ito ay ginipit na kumain ng mga pagkaing ipinagbabawal sa Kautusan ng Diyos. Maaari sanang ikatuwiran ng mga kabataang ito na hindi naman talaga masamang kumain ng mga pagkaing iyon. Tutal, hindi naman malalaman ng kanilang mga magulang, matatandang lalaki ng Israel, at mga saserdote kung ano ang ginagawa nilang apat. Sino nga ba ang makaaalam? Malalaman ito ni Jehova. Kaya nanindigan sila at sinunod ang Diyos sa kabila ng panggigipit ng iba at panganib na kaakibat nito.​—Dan. 1:3-9.

9 Sa buong daigdig, ganiyan din ang ginagawa ng mga kabataang Saksi ni Jehova. Nanghahawakan sila sa mga pamantayan ng Diyos para sa mga Kristiyano at hindi sila nagpapadala sa panggigipit ng kanilang mga kasamahan. Kaya kayong mga kabataan, sinusunod ninyo si Jehova kapag hindi kayo nagmumura, nakikisangkot sa droga, karahasan, imoralidad, at iba pang maling gawain. Habang ginagawa ninyo iyan, napananatili ninyo ang inyong katapatan kay Jehova. Kayo mismo ang makikinabang, at mapasasaya ninyo si Jehova at ang inyong kapuwa mga Kristiyano!​—Awit 110:3.

10. (a) Anong maling pananaw sa pakikiapid ang nagiging dahilan kung bakit hindi nakapananatiling tapat ang ilang kabataan? (b) Paano tayo matutulungan ng ating katapatan sa Diyos upang maiwasan natin ang panganib ng pakikiapid?

10 Kailangan din tayong maging masunurin kapag nakikitungo sa mga di-kasekso. Alam natin na ipinagbabawal ng Salita ng Diyos ang pakikiapid. Gayunman, ang ating pagiging masunurin ay maaaring madaling mabago. Halimbawa, ang ilang kabataan ay maaaring nagsasagawa ng oral o anal sex o masturbasyon sa isa’t isa, anupat ikinakatuwiran nila na ang gayong mga gawain ay hindi naman masama dahil hindi naman daw sila aktuwal na nakikipagtalik. Nalilimutan​—o baka sinasadyang bale-walain​—ng gayong mga kabataan na ang salitang pakikiapid sa Bibliya ay sumasaklaw rin sa lahat ng gawaing iyon. Ang mga ito ay maling paggawi na maaaring ikatiwalag ng isa. * Pero ang mas masaklap ay naipagwawalang-bahala nila ang kahalagahan ng pagiging tapat sa Diyos. Yamang sinisikap nating mapanatili ang ating katapatan, hindi natin bibigyang-katuwiran ang paggawa ng kasalanan. Hindi natin tatangkaing gumawa ng kasalanan at pagkatapos ay papaniwalain ang ating sarili na hindi naman talaga tayo nakagawa ng kasalanan na karapat-dapat sa disiplina. Iniisip natin hindi lamang ang disiplinang matatanggap natin kung gagawa tayo ng kasalanan. Ang pangunahing iniisip natin ay kung ano ang makalulugod kay Jehova at iniiwasan natin kung ano ang makasasakit sa kaniyang damdamin. Sa halip na tangkaing gumawa ng kasalanan, lumalayo tayo rito at ‘tumatakas mula sa pakikiapid.’ (1 Cor. 6:18) Sa gayon ay naipapakita natin na talagang tapat tayo sa Diyos.

Paano Natin Mapananatili ang Ating Katapatan?

11. Bakit mahalaga ang pagsunod sa Diyos sa bawat pagkakataon? Ilarawan.

11 Maipapakita natin ang ating katapatan sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod, at mapananatili natin ito kung patuloy tayong susunod nang may pagbabata. Ang minsang pagsunod sa Diyos ay waring di-gaanong mahalaga​—isang maliit na bagay lamang. Pero kung susunod tayo sa utos ng Diyos sa bawat pagkakataon, makagagawa tayo ng magandang rekord ng katapatan. Bilang paglalarawan: Kapag iisa lamang ang hollow block, parang hindi ito gaanong mahalaga. Pero kung maingat nating pagpapatung-patungin ang mga ito, makagagawa tayo ng isang magandang bahay. Sa katulad na paraan, kung susunod tayo sa Diyos sa bawat pagkakataon, mapananatili natin ang ating katapatan sa kaniya.​—Luc. 16:10.

12. Paano nagpakita si David ng halimbawa sa pagpapanatili ng katapatan sa kabila ng naranasan niyang pagmamaltrato at kawalang-katarungan?

12 Lalo nating naipapakita ang ating katapatan kapag nagbabata tayo dahil sa problema, pagmamaltrato, o kawalan ng katarungan. Isaalang-alang ang halimbawa ni David na nakaulat sa Bibliya. Bilang isang kabataan, nagbata siya ng pag-uusig mula sa isang hari na dapat sana’y kumakatawan kay Jehova. Gayunman, naiwala ni Haring Saul ang pagsang-ayon ni Jehova. Inggit na inggit siya kay David na siyang sinasang-ayunan ng Diyos. Pero nanatili pa rin si Saul bilang hari nang ilang panahon anupat ginamit ang hukbo ng Israel para tugisin si David. Pinahintulutan ni Jehova ang kawalang-katarungang ito sa loob ng ilang taon. Naghinanakit ba si David sa Diyos? Inisip ba niyang walang saysay ang kaniyang pagbabata? Sa kabaligtaran, patuloy siyang nagpakita ng matinding paggalang sa posisyon ni Saul bilang pinahiran ng Diyos anupat hindi niya nagawang saktan si Saul kahit nagkaroon na siya ng pagkakataong gawin iyon.​—1 Sam. 24:2-7.

13. Paano natin mapananatili ang ating katapatan kapag nasaktan ng iba ang ating damdamin?

13 Napakahusay ng halimbawa ni David para sa atin sa ngayon! Tayo ay bahagi ng pandaigdig na kongregasyon na binubuo ng di-sakdal na mga tao. Baka isa sa mga kapuwa natin Kristiyano ay makagawa sa atin ng mali o iwan pa nga ang katotohanan. Sabihin pa, tayo ay pinagpalang mabuhay sa panahong ito kung kailan hinding-hindi matitinag ang bayan ni Jehova sa kabuuan. (Isa. 54:17) Gayunman, ano ang dapat nating maging reaksiyon kung may makasakit sa ating damdamin? Kung magkikimkim tayo ng galit sa ating kapananampalataya, maaaring maapektuhan nito ang ating katapatan sa Diyos. Ang paggawi ng iba ay hindi dapat maging dahilan para maghinanakit tayo sa Diyos o maging di-tapat sa kaniya. (Awit 119:165) Ang pagbabata maging sa panahon ng mga pagsubok ay makatutulong para mapanatili natin ang ating katapatan.

14. Paano tumutugon ang mga nananatiling tapat sa Diyos kapag may mga pagbabago sa organisasyon at doktrina?

14 Mapananatili rin natin ang ating katapatan kay Jehova kung iiwasan natin ang pagiging mapamuna. Pinagpapala niya ngayon ang kaniyang bayan higit kailanman. Napakalaki rin ng isinulong ng dalisay na pagsamba. (Isa. 2:2-4) Kapag may mga pagbabago sa paliwanag sa mga teksto sa Bibliya o kung paano ginagawa ang mga bagay-bagay, tinatanggap natin ang mga ito. Nagagalak tayong makita ang katibayan ng patuloy na pagsulong ng espirituwal na liwanag. (Kaw. 4:18) Kung nahihirapan tayong unawain ang isang pagbabago, humingi tayo ng tulong kay Jehova para maintindihan natin ito. Samantala, patuloy tayong maging masunurin at tapat sa Diyos.

Paano Kung Hindi Napanatili ng Isa ang Kaniyang Katapatan?

15. Sino lamang ang makapag-aalis ng iyong katapatan?

15 Iyan ay isang seryosong tanong, hindi ba? Gaya ng natutuhan natin sa nakaraang artikulo, talagang napakahalaga ng katapatan. Kung wala ito, wala rin tayong kaugnayan kay Jehova at tunay na pag-asa. Tandaan ito: Iisang persona lamang sa uniberso ang makapag-aalis ng iyong katapatan, at ang personang iyon ay ikaw. Alam na alam ni Job ang katotohanang iyan. Sinabi niya: “Hanggang sa pumanaw ako ay hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan!” (Job 27:5) Kung ganiyan din ang iyong determinasyon at kung mananatili kang malapít kay Jehova, makatutulong ito sa iyo na mapanatili ang iyong katapatan.​—Sant. 4:8.

16, 17. Kung makagawa ng malubhang kasalanan ang isang tao: (a) ano ang hindi dapat gawin? (b) ano ang tamang gawin?

16 Gayunman, nabibigo ang ilan na mapanatili ang kanilang katapatan. Gaya noong panahon ng mga apostol, ang ilang Kristiyano sa ngayon ay paulit-ulit na nakagagawa ng malulubhang kasalanan. Kung mangyari iyan sa iyo, wala ka na bang pag-asa? Hindi naman. Ano ang maaari mong gawin? Atin munang isaalang-alang kung ano ang hindi dapat gawin. May tendensiya ang mga tao na itago ang kasalanan sa kanilang magulang, kapuwa Kristiyano, o sa matatanda. Gayunman, pinaaalalahanan tayo ng Bibliya: “Siyang nagtatakip ng kaniyang mga pagsalansang ay hindi magtatagumpay, ngunit siyang nagtatapat at nag-iiwan ng mga iyon ay pagpapakitaan ng awa.” (Kaw. 28:13) Napakalaki ng pagkakamali ng mga taong nagsisikap itago ang kanilang mga kasalanan yamang wala naman silang maitatago sa Diyos. (Basahin ang Hebreo 4:13.) Sinusubukan pa nga ng ilan na magkaroon ng dobleng pamumuhay anupat nagkukunwang naglilingkod kay Jehova pero gumagawa naman ng malubhang kasalanan. Kawalan ito ng katapatan sa Diyos. Hindi nalulugod si Jehova sa pagsamba ng mga taong itinatago ang kanilang malulubhang kasalanan. Sa katunayan, galit siya sa gayong pagpapaimbabaw.​—Kaw. 21:27; Isa. 1:11-16.

17 Kapag nakagawa ng malubhang kasalanan ang isang Kristiyano, maliwanag kung ano ang tamang gawin. Ito ang panahon para humingi ng tulong sa mga Kristiyanong matatanda. May kaayusan si Jehova kung paano aasikasuhin ang malubhang pagkakasakit sa espirituwal. (Basahin ang Santiago 5:14.) Huwag mong hayaang takot sa posibleng disiplina o pagtutuwid ang pumigil sa iyo para mapangalagaan ang iyong espirituwal na kalusugan. Tutal, makatuwiran kayang matakot ang isa sa pansamantalang kirot ng iniksiyon o ng operasyon pa nga kung ito naman ang magliligtas ng kaniyang buhay?​—Heb. 12:11.

18, 19. (a) Paano ipinakita ng halimbawa ni David na maaaring maging tapat muli sa Diyos ang isa na malubhang nagkasala? (b) Ano ang determinado mong gawin may kinalaman sa iyong katapatan?

18 May pag-asa bang manumbalik ang kaniyang espirituwalidad? Maaari ba siyang maging tapat muli sa Diyos? Isaalang-alang ulit ang halimbawa ni David. Nakagawa siya ng malubhang kasalanan. Ninasa niya ang asawa ng ibang lalaki, nangalunya, at nagplano para mapatay ang walang kamalay-malay na asawang lalaki. Maiisip mo bang isang taong tapat si David noong panahong iyon? Pero wala na bang pag-asa ang kaniyang situwasyon? Kinailangang tumanggap si David ng matinding disiplina. Pagkatapos, pinagpakitaan siya ng awa ni Jehova dahil taimtim siyang nagsisi. Natuto si David mula sa disiplina at muling naging tapat sa Diyos sa pamamagitan ng patuloy na pagsunod niya kay Jehova anuman ang mangyari. Masasalamin sa buhay ni David ang mababasa natin sa Kawikaan 24:16: “Ang matuwid ay maaaring mabuwal nang kahit pitong ulit, at tiyak na babangon siya.” Ano ang resulta? Pansinin kung ano ang sinabi ni Jehova kay Solomon pagkamatay ni David. (Basahin ang 1 Hari 9:4.) Naalaala ng Diyos si David bilang isang taong tapat. Sa katunayan, lubusang pinatatawad ni Jehova ang mga nagsisisi kahit na malubha pa ang nagawa nilang kasalanan.​—Isa. 1:18.

19 Oo, maipapakita mo ang iyong katapatan sa pamamagitan ng pagsunod sa Diyos udyok ng pag-ibig. Patuloy na magbata sa panahon ng pagsubok at maging tapat sa Diyos, at kung makagawa ng malubhang kasalanan, magpakita ng tunay na pagsisisi. Napakahalaga nga ng ating katapatan! Tularan nawa ng bawat isa sa atin ang determinasyon ni David: “Sa ganang akin, lalakad ako sa aking katapatan.”​—Awit 26:11.

[Talababa]

Paano Mo Sasagutin?

• Paano mo maipapakita ang katapatan sa Diyos?

• Sa anu-anong paraan mo mapananatili ang iyong katapatan?

• Paano posibleng maging tapat muli sa Diyos ang isa na malubhang nagkasala?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon sa pahina 8]

“NAPAKABAIT NIYA”

Iyan ang sinabi ng isang babae na limang buwan nang nagdadalang-tao tungkol sa kabaitan at katapatan ng isang estranghero. Minsan ay nagpunta siya sa isang coffee shop. Ilang oras pa lamang siyang nakaalis doon nang mapansin niyang nawawala ang kaniyang pitaka. Naglalaman ito ng $2,000, mas malaking halaga kaysa sa karaniwan niyang dinadala. “Lumung-lumo ako,” ang sinabi niya nang maglaon sa isang lokal na pahayagan. Gayunman, isang kabataang babae ang nakakita ng pitaka at kaagad na hinanap ang may-ari nito. Pero hindi niya ito nakita kaya dinala niya ang pitaka sa istasyon ng pulis. Natunton naman ng pulis ang tirahan ng babaing nagdadalang-tao. “Talagang napakabait niya,” ang sabi ng nagpapasalamat na may-ari ng pitaka. Bakit nagsikap nang gayon ang kabataang babae para maisauli ang pera? Ayon sa isang pahayagan, isa siyang Saksi ni Jehova at sinabi niyang “ipinakita niya ang gayong katapatan dahil sa relihiyon na kaniyang kinamulatan.”

[Larawan sa pahina 9]

Mapananatili ng mga kabataan ang kanilang katapatan kahit sa harap ng mga pagsubok

[Larawan sa pahina 10]

Minsang nabigo si David na mapanatili ang kaniyang katapatan pero nagsisi siya at muling naging tapat