Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tama Ba ang Nakuha Mong Impormasyon?

Tama Ba ang Nakuha Mong Impormasyon?

“Kapag ang isa ay sumasagot sa isang bagay bago niya marinig iyon, kamangmangan ito sa kaniya at kahihiyan.”—KAW. 18:13.

AWIT: 126, 95

1, 2. (a) Anong mahalagang kakayahan ang kailangan nating malinang, at bakit? (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

BILANG mga tunay na Kristiyano, kailangan tayong magkaroon ng kakayahang suriin ang impormasyon at makagawa ng tamang konklusyon. (Kaw. 3:21-23; 8:4, 5) Kung hindi natin malilinang ang kakayahang ito, madaling malilinlang ni Satanas at ng kaniyang sanlibutan ang ating pag-iisip. (Efe. 5:6; Col. 2:8) Siyempre pa, makagagawa lang tayo ng tamang konklusyon kung tama ang impormasyon natin. Sinasabi sa Kawikaan 18:13 na “kapag ang isa ay sumasagot sa isang bagay bago niya marinig iyon, kamangmangan ito sa kaniya at kahihiyan.”

2 Tatalakayin sa artikulong ito ang ilang hamon sa pagkuha ng tamang impormasyon at paggawa ng tamang konklusyon. Tatalakayin din natin ang praktikal na mga simulain at halimbawa sa Bibliya na tutulong sa ating mapasulong ang ating kakayahang suriin nang tama ang impormasyon.

HUWAG MANIWALA SA “BAWAT SALITA”

3. Bakit kailangan nating sundin ang simulain sa Kawikaan 14:15? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

3 Napakaraming nakukuhang impormasyon sa ngayon ang mga tao. Parang walang katapusan ang mga ideya mula sa mga website sa Internet, TV, at iba pang media. Nariyan din ang napakaraming e-mail, text, at ulat na natatanggap ng marami mula sa kanilang mga kaibigan at kakilala. Dahil karaniwan na lang ang pagkakalat ng maling impormasyon at pagpilipit sa katotohanan, dapat lang na maging maingat tayo at suriing mabuti ang ating napapakinggan. Anong simulain sa Bibliya ang tutulong sa atin? Sinasabi ng Kawikaan 14:15: “Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.”

4. Paano tayo tinutulungan ng Filipos 4:8, 9 sa pagpili ng ating babasahin, at bakit mahalagang tama ang nakukuha nating impormasyon? (Tingnan din ang kahong “ Ilang Paglalaan Para Makakuha Tayo ng Tamang Impormasyon.”)

4 Para makapagdesisyon nang tama, kailangan natin ng tamang impormasyon. Kaya kailangan nating maging mapamili sa ating babasahin. (Basahin ang Filipos 4:8, 9.) Huwag sayangin ang ating panahon sa pagtingin ng balita mula sa mga kuwestiyonableng website o pagbabasa ng mga di-mapananaligang ulat na kumakalat sa e-mail. Lalo nang dapat iwasan ang mga website ng mga apostata. Layunin nilang pabagsakin ang bayan ng Diyos at pilipitin ang katotohanan. Ang di-maaasahang impormasyon ay hahantong sa maling desisyon. Huwag maliitin ang masamang nagagawa sa iyong isip at puso ng mapandayang impormasyon.—1 Tim. 6:20, 21.

5. Anong maling ulat ang narinig ng mga Israelita, at paano sila naapektuhan nito?

5 Mapanganib ang maniwala sa maling ulat. Halimbawa, isipin ang nangyari noong panahon ni Moises nang magbigay ng masamang ulat ang 10 sa 12 espiya na isinugo para tiktikan ang Lupang Pangako. (Bil. 13:25-33) Dahil sa labis-labis at nakapangingilabot nilang ulat, nasiraan ng loob ang bayan ni Jehova. (Bil. 14:1-4) Bakit? Baka iniisip nilang dahil mas marami ang nagbigay ng masamang ulat, iyon na nga ang totoo. Hindi nila pinaniwalaan ang mabuting ulat ng mapagkakatiwalaang sina Josue at Caleb. (Bil. 14:6-10) Sa halip na kumuha ng tamang impormasyon at magtiwala kay Jehova, mas pinaniwalaan nila ang masamang ulat. Isa ngang kamangmangan!

6. Bakit hindi tayo dapat magtaka kapag nakakarinig tayo ng nakapangingilabot na mga ulat tungkol sa bayan ni Jehova?

6 Lalo na tayong dapat maging maingat kapag tungkol sa bayan ni Jehova ang natatanggap nating ulat. Lagi nating tandaan na si Satanas ang tagapag-akusa ng tapat na mga lingkod ng Diyos. (Apoc. 12:10) Kaya naman nagbabala si Jesus na ang mga mananalansang ay ‘may-kasinungalingang magsasalita ng bawat uri ng balakyot na bagay’ laban sa atin. (Mat. 5:11) Kung seseryosohin natin ang babalang iyan, hindi na tayo magtataka kapag nakakarinig tayo ng nakapangingilabot na mga salita tungkol sa bayan ni Jehova.

7. Bago mag-e-mail o mag-text, ano muna ang dapat nating isaalang-alang?

7 Mahilig ka bang mag-e-mail at mag-text sa iyong mga kaibigan at kakilala? Kung oo, kapag nakakita ka ng bagong balita sa media o nakarinig ng karanasan, baka para kang reporter na gustong mauna sa pagkukuwento. Pero bago ka mag-text o mag-e-mail, tanungin muna ang sarili: ‘Sigurado ba akong totoo ang ikakalat kong impormasyon? Talaga bang tama ang nakuha kong impormasyon?’ Kung hindi ka tiyak, baka wala kang kamalay-malay na nakapagkakalat ka na ng maling impormasyon sa ating mga kapatid. Kung duda ka, pindutin ang delete button, huwag ang send button.

8. Ano ang ginawa ng mga mananalansang sa ilang lupain, at paano masasabing nakikipagtulungan na pala tayo sa kanila?

8 May isa pang panganib ang agad-agad na pagpapasa ng e-mail at text. Sa ilang lupain, ang ating gawain ay hinihigpitan o ipinagbabawal pa nga. Ang mga mananalansang sa gayong lupain ay baka nananadyang magkalát ng mga ulat para manakot o para mawalan tayo ng tiwala sa isa’t isa. Pansinin ang nangyari sa dating Unyong Sobyet. Nagkalát ng balita ang secret police, kilalá bilang KGB, na may mga prominenteng brother daw na nagkanulo sa bayan ni Jehova. * Marami ang naniwala sa kasinungalingang iyon, at bilang resulta, iniwan nila ang organisasyon ni Jehova. Nakalulungkot talaga! Buti na lang, marami ang nanumbalik, pero may ilan na hindi na nakabalik. Nawasak ang kanilang pananampalataya. (1 Tim. 1:19) Paano natin ito maiiwasan? Huwag magkalat ng negatibo o di-mapananaligang ulat. Huwag basta maniwala. Siguraduhing tama ang nakuha mong impormasyon.

DI-KUMPLETONG IMPORMASYON

9. Ano ang isa pang hamon sa pagkuha ng tamang impormasyon?

9 Ang mga ulat na di-nagsasabi ng buong katotohanan o di-kumpleto ang impormasyon ay isa pang hamon sa paggawa ng tamang konklusyon. Ang isang kuwento na 10 porsiyento lang na totoo ay 100 porsiyentong di-mapanghahawakan. Paano natin maiiwasang mabiktima ng mapandayang mga kuwento na naglalaman lang ng ilang katotohanan?—Efe. 4:14.

10. Bakit muntik nang makipagdigma ang mga Israelita sa kanilang mga kapatid, at paano ito naiwasan?

10 Isaalang-alang ang nangyari sa mga Israelitang naninirahan sa kanluran ng Ilog Jordan noong panahon ni Josue. (Jos. 22:9-34) Nakatanggap sila ng ulat na ang mga Israelitang naninirahan sa silangan ng Jordan (ang tribo ni Ruben, ni Gad, at ang kalahati ng tribo ni Manases) ay nagtayo malapit sa Jordan ng isang altar na lubhang kapansin-pansin. Totoo naman ang ulat na iyon. Pero dahil di-kumpleto ang impormasyong iyon, inisip ng mga nasa kanluran na nagrebelde kay Jehova ang kanilang mga kapatid. Dahil dito, ang mga Israelitang nasa kanluran ay nagtipon para makipagdigma sa mga nasa silangan. (Basahin ang Josue 22:9-12.) Buti na lang, nagsugo muna sila ng isang grupo ng mapagkakatiwalaang lalaki para alamin ang buong katotohanan. Natuklasan ng mga lalaki na ang itinayong altar ay hindi para sa paghahain kundi bilang pinakaalaala na sila rin ay tapat na lingkod ni Jehova. Laking pasasalamat ng mga Israelitang iyon na hindi nila pinagpapatay ang kanilang mga kapatid batay sa di-kumpletong impormasyon. Sa halip, naglaan sila ng panahon para alamin muna ang buong katotohanan!

11. (a) Paano nabiktima ng kawalang-katarungan si Mepiboset? (b) Paano sana naiwasan ni David na mangyari ang ganitong kawalang-katarungan?

11 Bilang mga indibiduwal, puwede rin tayong mabiktima ng kawalang-katarungan dahil sa di-kumpletong impormasyon na kumakalat tungkol sa atin. Tingnan ang nangyari kina Haring David at Mepiboset. Naging bukas-palad at mabait si David kay Mepiboset. Ibinalik niya sa kaniya ang lahat ng lupain ng kaniyang lolong si Saul. (2 Sam. 9:6, 7) Pero nang maglaon, nakatanggap si David ng negatibong ulat tungkol kay Mepiboset. Inalisan niya agad si Mepiboset ng lahat ng pag-aari nito nang hindi muna inaalam kung tama ang impormasyong natanggap niya. (2 Sam. 16:1-4) Nang makausap ni David si Mepiboset, nalaman niyang nagkamali siya at ibinalik niya rito ang isang bahagi ng pag-aari. (2 Sam. 19:24-29) Pero naiwasan sana ang kawalang-katarungang iyon kung naglaan si David ng panahon para alamin ang katotohanan sa halip na magpadalos-dalos batay sa di-kumpletong impormasyon.

12, 13. (a) Paano hinarap ni Jesus ang paninirang-puri? (b) Ano ang puwede nating gawin kapag nagkakalat ng kasinungalingan ang iba tungkol sa atin?

12 Paano naman kung biktima ka ng paninirang-puri? Naranasan iyan ni Jesus at ni Juan na Tagapagbautismo. (Basahin ang Mateo 11:18, 19.) Paano ito hinarap ni Jesus? Hindi niya ibinuhos ang lahat ng kaniyang panahon at lakas sa pagtatanggol sa kaniyang sarili. Sa halip, hinimok niya ang mga tao na alamin ang katotohanan—kung ano ang ginawa niya at ang itinuro niya. Gaya ng sabi ni Jesus, “ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito.”—Mat. 11:19.

13 May mahalagang aral tayong matututuhan dito. Kung minsan, nakapagsasalita ang mga tao ng hindi makatarungan o ng di-magagandang bagay tungkol sa atin. Baka gustong-gusto nating mabigyan tayo ng katarungan at maayos ang nasira nating reputasyon. Pero may isang bagay tayong puwedeng gawin. Kapag may nagkakalat ng kasinungalingan tungkol sa atin, puwede nating ipakita sa ating pamumuhay na hindi iyon totoo. Oo, gaya ng ipinakita ng halimbawa ni Jesus, mapabubulaanan ng ating magandang paggawi bilang Kristiyano ang maling paratang at di-kumpletong impormasyon.

ANO ANG TINGIN MO SA IYONG SARILI?

14, 15. Paano nagiging silo ang manalig sa sariling pagkaunawa?

14 Isang hamon ang pagkuha ng maaasahang impormasyon para makagawa ng tamang konklusyon. Isa pang malaking hamon ang ating di-kasakdalan. Paano kung napakatagal na nating naglilingkod nang tapat kay Jehova? Baka mahusay na tayong mag-isip at umunawa. Baka mataas ang respeto sa atin ng iba dahil sa ating mahusay na pagpapasiya. Pero puwede rin kaya itong maging silo?

15 Puwede, kung sobra tayong mananalig sa ating sariling pagkaunawa. Baka madaig ng ating emosyon at sariling opinyon ang ating isip. Baka iniisip nating maiintindihan natin ang isang sitwasyon kahit hindi natin alam ang buong katotohanan. Mapanganib ito! Maliwanag ang babala sa atin ng Bibliya na huwag manalig sa sariling pagkaunawa.—Kaw. 3:5, 6; 28:26.

16. Sa paglalarawang ito, ano ang nangyari sa loob ng restawran, at ano agad ang pumasok sa isip ni Tom?

16 Isaalang-alang ang paglalarawang ito. Sa restawran isang gabi, nagulat si Tom, isang makaranasang elder, nang makita niya ang kapuwa elder na si John, katabi ang isang babaeng hindi niya asawa. Nagtatawanan sila, masayang-masaya, at nagyakapan pa nga. Unti-unti nang nababahala si Tom. Hahantong kaya ito sa diborsiyo? Paano na ang asawa ni John? Ang mga anak nila? Nakakita na si Tom ng gayong napakalungkot na sitwasyon. Ano ang madarama mo kung ikaw si Tom?

17. Sa paglalarawang ito, ano ang nalaman ni Tom nang tawagan niya si John, at anong aral ang itinuturo nito sa atin?

17 Pero teka. Kahit naisip agad ni Tom na nagtataksil si John sa asawa niya, tama nga kaya ang iniisip niya? Nang gabi ring iyon, tinawagan niya si John. Naiisip mo ba ang ginhawang nadama ni Tom nang malaman niyang kapatid pala ni John ang babaeng iyon, na galing sa malayong lugar? Maraming taon na silang hindi nagkikita. Dahil ilang oras lang sa lugar na iyon ang kapatid niya, nagkita na lang sila sa restawran para kumain. Hindi nakasama ang asawa ni John. Buti na lang, hindi ipinagsabi ni Tom sa iba ang maling iniisip niya. Ang aral? Makaranasan man tayo bilang Kristiyano, hindi ibig sabihin nito na alam na natin ang lahat.

18. Paano tayo posibleng magkamali sa ating paghatol kapag mayroon tayong di-kasundo sa kongregasyon?

18 Magiging mahirap din para sa atin na masuri nang tama ang mga bagay-bagay kapag mayroon tayong di-kasundo sa kongregasyon. Kung lagi tayong nakapokus sa ating mga di-pagkakasundo, baka paghinalaan na natin ang ating kapatid. Kaya kapag nakarinig tayo ng negatibo tungkol sa kapatid na ito, baka agad tayong maniwala. Ang aral? Ang pagkikimkim ng sama ng loob sa ating mga kapatid ay aakay sa atin na humatol nang hindi batay sa katotohanan. (1 Tim. 6:4, 5) Maiiwasan natin ito kung hindi natin hahayaang tumubo sa ating puso ang inggit at paninibugho. Sa halip, tandaan sana natin na obligasyon nating ibigin ang ating mga kapatid at lubusan silang patawarin.—Basahin ang Colosas 3:12-14.

POPROTEKTAHAN TAYO NG MGA SIMULAIN SA BIBLIYA

19, 20. (a) Anong mga simulain sa Bibliya ang tutulong sa atin para masuri nang tama ang impormasyon? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

19 Isang hamon sa ngayon ang makakuha ng tamang impormasyon at masuri ito nang tama. Napakarami na kasing di-maaasahang impormasyon, mga ulat na di-nagsasabi ng buong katotohanan, at dahil na rin sa ating di-kasakdalan. Ano ang makatutulong sa atin? Dapat nating alamin at sundin ang mga simulain sa Bibliya. Isa sa mga simulaing ito ang nagsasabing isang kamangmangan at kahihiyan ang sumagot bago marinig ang katotohanan. (Kaw. 18:13) Isa pang simulain ang nagpapaalaala sa atin na huwag basta maniwala sa bawat salitang naririnig. (Kaw. 14:15) At panghuli, makaranasan man tayo bilang Kristiyano, hindi tayo dapat manalig sa ating sariling pagkaunawa. (Kaw. 3:5, 6) Poprotektahan tayo ng mga simulain sa Bibliya kung gagamit tayo ng maaasahang impormasyon para makagawa ng tamang konklusyon at matalinong desisyon.

20 Pero may hamon pa rin. Ito ang tendensiyang humatol batay sa panlabas na anyo. Tatalakayin sa susunod na artikulo ang ilang karaniwang bitag pagdating sa bagay na ito, at kung paano natin ito maiiwasan.