Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

MULA SA AMING ARCHIVE

Kung Paano Naihasik ang mga Unang Binhi ng Kaharian sa Portugal

Kung Paano Naihasik ang mga Unang Binhi ng Kaharian sa Portugal

HABANG hinahampas ng mga alon ng Atlantiko ang barko sa paglalayag nito patungong Europa, masayang naiisip ng pasaherong si George Young ang mga bunga ng Kaharian na iniwan niya sa Brazil. * Pero habang patuloy ang paglalayag, inisip naman ni Brother Young ang kaniyang bagong atas—ang hindi pa halos napangangaralang mga teritoryo sa Spain at Portugal. Pagdating doon, magsasaayos siya ng mga lektyur sa Bibliya na ipahahayag ni Brother J. F. Rutherford at mamamahagi ng 300,000 tract!

Tinawid ni George Young ang mga karagatan sa kaniyang maraming paglalakbay para mangaral

Nang dumating si Brother Young sa Lisbon noong tagsibol ng 1925, nadatnan niyang napakagulo ng sitwasyon. Dahil sa republikanong rebolusyon ng 1910, natapos ang monarkiyang pamamahala at humina ang impluwensiya ng Simbahang Katoliko. Nagkaroon nga ng higit na kalayaan ang mga mamamayan, pero patuloy pa rin ang kaguluhang sibil sa bansa.

Habang gumagawa si Brother Young ng mga kaayusan para sa pahayag ni Brother Rutherford, nagdeklara naman ng martial law ang gobyerno dahil sa tangkang kudeta. Binalaan ng kalihim ng British and Foreign Bible Society si Brother Young na siguradong daranas siya ng mga pagsalansang. Pero humingi pa rin siya ng permit na magamit ang gymnasium ng Camões Secondary School, at nabigyan siya!

Mayo 13 na—ang araw ng lektyur ni Brother Rutherford. Inaabangan na ito ng marami! May mga plakard sa mga gusali at nakaanunsiyo na rin sa mga diyaryo ang pampublikong lektyur na “How to Live on the Earth Forever.” Kaagad naglathala ang mga relihiyosong mananalansang ng isang artikulo sa kanilang pahayagan para babalaan ang mga mambabasa nito tungkol sa bagong-dating na “mga bulaang propeta.” Sa pasukán ng gymnasium, namigay rin sila ng libo-libong brosyur na bumabatikos sa mga turong ipinahahayag ni Brother Rutherford.

Sa kabila nito, mga 2,000 ang nakapasok sa gymnasium, at ganiyan din karami ang bilang ng mga di-nakapasok. Ang ilang naiintriga ay umakyat sa mga hagdang lubid sa gilid ng gymnasium; ang iba naman ay pumuwesto sa ibabaw ng mga kagamitang pang-ehersisyo.

Pero nanggulo ang mga mananalansang—sumisigaw sila at inihahagis ang mga upuan. Gayunman, hindi natinag si Brother Rutherford at kalmadong tumuntong sa isang mesa para marinig siya. Nang matapos siya—halos hatinggabi na—mahigit 1,200 interesado ang nag-iwan ng kanilang pangalan at adres para makatanggap ng literatura sa Bibliya. Kinabukasan, naglathala ng isang artikulo ang diyaryong O Século tungkol sa lektyur ni Brother Rutherford.

Pagsapit ng Setyembre 1925, sinimulang ilathala sa Portugal ang The Watch Tower sa wikang Portuges. (Bago nito, nailathala na sa Brazil ang edisyon sa wikang Portuges.) Nagpaplano na noong mga panahong iyon si Virgílio Ferguson, isang Estudyante ng Bibliya sa Brazil, na lumipat sa Portugal para tumulong sa gawaing pang-Kaharian. Dati na siyang nakatrabaho ni Brother Young sa maliit na tanggapang pansangay ng mga Estudyante ng Bibliya sa Brazil. Di-nagtagal, naglakbay si Virgílio kasama ang misis niyang si Lizzie para muling makasama ni Brother Young. Sakto ang dating ni Brother Ferguson dahil malapit nang lumipat si Brother Young sa ibang atas ng pangangaral, kasama na ang Unyong Sobyet.

Residence permit nina Lizzie at Virgílio Ferguson, noong 1928

Nang maging diktadura ang gobyerno ng Portugal dahil sa isang kudeta ng militar, tumindi ang pagsalansang sa gawain. Pero hindi natinag si Brother Ferguson, sa halip, gumawa siya ng mga hakbang para protektahan ang maliit na grupo ng mga Estudyante ng Bibliya at patatagin ang kanilang gawain. Humingi siya ng pahintulot na magamit ang kaniyang bahay para pagdausan ng mga pulong. Noong Oktubre 1927, pinahintulutan siya.

Sa unang taon ng diktadura, mga 450 tao sa Portugal ang nag-subscribe ng The Watch Tower. At sa pamamagitan ng mga tract at buklet, ang katotohanan ay lumaganap hanggang sa malalayong bahagi ng Imperyo ng Portugal—sa Angola, Azores, Cape Verde, East Timor, Goa, Madeira, at Mozambique.

Sa pagtatapos ng dekada ng 1920, dumating sa Lisbon ang hardinerong Portuges na si Manuel da Silva Jordão. Noong nasa Brazil pa siya, nakapakinig siya ng pahayag ni Brother Young. Agad siyang nakumbinsi na iyon ang katotohanan at handa niyang tulungan si Brother Ferguson na palawakin ang gawaing pangangaral. Kaya naman, naglingkod si Manuel bilang colporteur, gaya ng tawag noon sa mga payunir. Sa tulong ng organisadong pag-iimprenta at pamamahagi ng mga literatura sa Bibliya, sumulong ang bagong-tatag na kongregasyon sa Lisbon.

Noong 1934, kinailangang bumalik nina Brother at Sister Ferguson sa Brazil. Pero naihasik na ang mga binhi ng katotohanan. Sa gitna ng kaguluhan sa Europa noong Gera Sibil sa Espanya at Digmaang Pandaigdig II, nakapanatiling tapat kay Jehova ang grupo ng mga kapatid sa Portugal. Noong una, para silang aandap-andap na liwanag. Pero noong 1947, muling nagningas ang apoy ng kanilang sigasig, wika nga, nang dumating ang unang misyonerong sinanay sa Gilead na si John Cooke. Pagkatapos, hindi na mapigilan ang pagdami ng mga tagapaghayag ng Kaharian. Kahit ipinagbawal pa ng gobyerno ang gawain ng mga Saksi ni Jehova noong 1962, patuloy pa rin ang pagsulong. Nang legal na kilalanin sa bansa ang mga Saksi ni Jehova noong Disyembre 1974, mahigit 13,000 na ang mamamahayag.

Sa ngayon, mahigit nang 50,000 mamamahayag ang nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa Portugal at sa ilan pang mga isla na gumagamit ng wikang Portuges, kasali na ang Azores at Madeira. Kabilang sa mga mamamahayag na ito ang ikatlong henerasyon ng mga inapo ng ilang nakapakinig sa makasaysayang lektyur ni Brother Rutherford noong 1925.

Nagpapasalamat tayo kay Jehova at sa tapat na mga kapatid noon na lakas-loob na nanguna sa gawain bilang “pangmadlang lingkod ni Kristo Jesus sa mga bansa.”—Roma 15:15, 16.—Mula sa aming archive sa Portugal.

^ par. 3 Tingnan ang “Marami Pa ang Aanihin” sa Bantayan, Mayo 15, 2014, p. 31-32.